Upang maging matagumpay sa mata ng Diyos, kailangang maintindihan ng ministro ang layuning inihain ng Diyos sa kanya. Kung hindi niya naiintindihan ang kanyang layunin, wala siyang magiging paraan upang masukat kung nagtagumpay siya o nabigo sa pag-abot nito. [1]
Maaaring isipin nating siya ay nagtagumpay nguni’t sa katunayan siya ay bigô. At iyan ay isang malalang trahedya. Para siyang isang tumatakbong nagwagi ng unang gantimpala na tuwang-tuwang tumatawid sa pangwakas na guhit ng 800-metrong takbo, na nagpapainit sa kanyang tagumpay habang itinataas ang kanyang kamay sa harap ng maraming taong sumisigaw, na hindi nalalamang lumalaban pala siya sa isang 1600-metrong takbo. Ang hindi pagkakaintindi sa kanyang layunin ang naging dahilan ng kanyang pagkabigo. Ang pag-aakalang nanalo ang siyang tumiyak sa kanyang pagkatalo. Sa kanyang kaso nagkatotoo ang kasabihang: “Ang una ang magiging huli.”
Maraming ministro ang may tiyak na layuning kadalasang tinatawag nilang “bisyon.” Ito ang natatanging pinagsisikapang gampanan, batay sa kanilang ispesipikong tawag at kakayahan. Lahat ay may kanya-kanyang kakayahan at tawag, maging ito ay pagiging pastor sa isang iglesia sa isang natatanging lunsod, o Ebangheliko sa isang rehiyon, o magturo ng natatanging mga katotohanan. Nguni’t ang tinutukoy kong layuning ipinagkaloob ng Diyos ay pangkalahatan at tumutukoy sa bawa’t ministro. Ito ang malaking bisyon. Ito ang dapat na pangkalahatang lakas sa likod ng bawat natatanging bisyon. Nguni’t kadalasan, hindi nangyayari ito. Hindi lamang sa may ispesipikong bisyon ang maraming ministro na hindi tumutugma sa pangkalahatang bisyon ng Panginoon, kundi ang ilan ay may ispesipikong bisyon na taliwas sa pangkalahatang bisyon ng Diyos. Ginawa ko rin iyan minsan, kahit na ako’y pastor ng isang lumalagong iglesia.
Ano ang pangkalahatang layunin o bisyon na ibinigay ng Diyos sa bawat ministro? Mag-umpisa tayong humanap ng kasagutan sa Mateo 28:18-20, ang siping lubhang malapit sa atin na kadalasan ay hindi na natin pinapansin ang kanyang sinasabi. Pansinin natin ang bawa’t berso:
Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa” (Mt. 28:18).
Nais ni Jesus na maintindihan ng Kanyang mga alagad na ipinagkaloob sa Kanya ng Kanyang Ama ang sukdulang kapangyarihan. Siyempre, ang naging layunin ng ama (at ang layunin niya) ay masunod si Jesus, na siyang karapat-dapat kapag nagbibigay ang Ama ng kapangyarihan sa sinuman. Nguni’t si Jesus ay natatangi sa dahilang ibinigay ng Kanyang Ama ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa, hindi lamang limitadong kapangyarihan, na minsan ay ibinibigay Niya sa iba. Si Jesus ay Panginoon.
Dahil dito, sinumang hindi umuugnay kay Jesus bilang Panginoon ay hindi umuugnay sa Kanya nang tama. Si Jesus, higit sa anupaman, ay Panginoon. Kaya itinuturing Siyang “Panginoon” sa mahigit 600 ulit sa Bagong Tipan. (15 ulit lamang Siyang binabanggit bilang Tagapagligtas.) Kaya isinulat ni Pablo, “Sapagka’t si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng kapwa mga patay at ng mga buháy.” (Ro. 14:9, idinagdag ang pagdidiin). Namatay si Jesus at muling nabuhay upang maghari bilang Panginoon ng mga tao.
Tunay na Pananampalatayang Panligtas (True Saving Faith)
Kapag inaanyayahan ng mga makabagong Ebangheliko at pastor ang mga di-pa-naliligtas upang “tanggapin si Jesus bilang Tagapagligtas,” (ang parirala at konseptong hindi kailanman nakikita sa Banal na Kasulatan), ibinubunyag nito ang pangunahing depekto sa pagkakaintindi nila sa Magandang Balita. Halimbawa, nang tanungin si Pablo ng bantay-piitang taga-Filipos kung ano ang kanyang gagawin upang siya ay máligtas, hindi sumagot si Pablo ng, “Tanggapin mo si Jesus bilang iyong Tagapagligtas.” Bagkus sinabi niya, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka” (Gw.16:31, idinagdag ang pagdidiin). Naliligtas ang mga tao kapag nananampalataya sila sa Panginoong Jesu-Cristo. Alalahanin mo, hindi sila naliligtas dahil naniniwala sila sa isang doktrina tungkol sa kaligtasan o kay Jesus, kundi kapag naniniwala sila sa isang tao—ang Panginoong Jesu-Cristo. Iyan ang pananampalatayang panligtas. Masyadong marami ang nagpapalagay na dahil ang kamatayan ni Jesus ay sapát nang pagpapakasakit para sa kanilang kasalanan, o ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pananampalataya, o isandaang ibang bagay tungkol kay Jesus o kaligtasan, na mayroon silang pananampalatayang panligtas. Nguni’t wala sila noon. Pinaniniwalaan ng demonyo ang lahat ng bagay na iyon tungkol kay Jesus at kaligtasan. Ang pananampalatayang panligtas ay binubuo ng pananampalataya kay Jesus.
At sino Siya? Siya ay Panginoon.
Malinaw na kung naniniwala akong si Jesus ay Panginoon, kikilos akong parang Siya ay aking Panginoon, at sasailalim sa Kanya mula sa aking puso. Kung hindi ako paiilalim sa Kanya, hindi ako naniniwala sa Kanya. Kapag may nagsabing, “Naniniwala akong may nakamamatay at makamandag na ahas sa aking bota,” at saka mahinahong isusuot ang kanyang bota, hindi niya talaga pinaniniwalaan ang sinasabi niyang pinaniniwalaan niya. Ang mga taong nagsasabing naniniwala sila kay Jesus nguni’t hindi pa nagsisi sa kanilang kasalanan at pumailalim sa Kanya mula sa kanilang puso ay hindi talaga naniniwala kay Jesus. Maaaring maniwala sila sa likhang-isip na Jesus, nguni’t hindi sa Panginoong Jesus, Siya na makapangyarihan sa lahat sa langit at lupa.
Lahat nang ito ay nagsasabing kapag ang pagkakaintindi ng isang ministro sa pinaka-batayang mensahe ng Cristianismo ay may depekto, siya ay nasa alanganin mula pa sa umpisa. Hindi siya kailanman magtatagumpay sa pagtaya ng Diyos, dahil pinasisinungalingan niya ang pinaka-batayang mensaheng nais ng Diyos na marinig ng sanlibutan. Pastor man siya ng isang lumalagong iglesia, subali’t kahabag-habag na bigô sa pagtupad ng pangkalahatang bisyon ng Diyos para sa kanyang ministeryo.
Ang Malaking Bisyon (The Big Vision)
Bumalik tayo sa Mateo 28:18-19. Pagkahayag sa Kanyang kataas-taasang pagka-Panginoon, nagbigay na si Jesus ng isang utos:
Kaya’t habang kayo’y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo.” (Mt. 28:19-20a).
Pansinin na ginamit ni Jesus ang salitang “kaya.” Ang sabi niya, “ kaya habang kayo’y humahayo, gawin ninyong alagad…” Ibig sabihin, “Dahil sa kasasabi ko pa lamang…dahil taglay ko ang lahat ng kapangyarihan…dahil ako ang Panginoon…susundin Ako siyempre ng mga tao…kaya nag-uutos ako sa inyo (at dapat n’yo Akong sundin) na humayo at lumikha ng mga alagad, at turuan ang mga alagad na iyon upang sundin ang lahat ng Aking mga utos.”
At iyan, sa payak na pananalita, ang pangkalahatang layunin, ang dakilang bisyon ng Diyos para sa lahat ng ating ministeryo: Ang ating tungkulin ay lumikha ng mga alagad na sumusunod sa lahat ng utos ni Cristo.
Kaya sinabi ni Pablo na ang pagpapala ng Diyos ay ipinagkaloob sa kanya bilang apostol “upang ang mga Hentil ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya” (Ro.1:5, idinagdag ang pagdidiin). Ang layunin ay pagsunod; ang pamamaraan sa pagsunod ay pananampalataya. Ang mga taong may tunay na pananampalataya sa Panginoong Jesus ay sumusunod sa Kanyang mga utos.
Kaya nagsermon si Pedro sa araw ng Pentecostes, “Kaya’t dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon na kanilang sundin” (Gw. 2:36). Nais ipaalam ni Pedro sa mga nagpako kay Cristo na ginawa ng Diyos si Jesus na Panginoon at Cristo. Pinatay nila iyong nais ng Diyos na kanilang sundin! Sa ilalim ng matibay na paniniwala, nagtanong sila,“Ano ang aming gagawin?” at sumagot so Pedro una sa lahat, “Magsisi”! Ibig sabihin, tumalikod sa pagsuway at maging masunurin. Gawing Panginoon si Jesus. Sumunod, sinabi ni Pedro sa kanila na magpabautismo gaya ng utos ni Cristo. Lumilikha si Pedro ng mga alagad—masunuring tagasunod ni Cristo—at nag-uumpisa siya sa tamang paraan sa tamang mensahe.
Samakatuwid, dapat mataya ng bawa’t ministro ang kanyang tagumpay. Lahat tayo ay dapat magtanong sa sarili, “Inaakay ba ng aking ministeryo ang mga tao upang maging masunurin sa lahat ng utos ni Cristo?” Kung magkagayon, nagtatagumpay tayo. Kung hindi, tayo’y nagkukulang.
Ang Ebanghelikong nanghihikayat lamang sa mga tao upang “tanggapin si Jesus,” na hindi sila sinasabihang magsisi sa kanilang kasalanan, ay nagkukulang. Ang pastor na nagsisikap magtayo ng malaking kongregasyon sa pagpapanatili ng kasiyahan ng lahat at pag-oorganisa ng maraming gawaing panlipunan ay nagkukulang. Ang gurong nagtuturo lamang ng pinakabagong karismatikong “hangin ng doktrina” ay nagkukulang. Ang apostol na nagpupunla ng mga iglesia na kinabibilangan ng taong nagsasabing naniniwala sila kay Jesus, nguni’t hindi Siya sinusunod, ay nagkukulang. Ang propetang nanghuhula lamang upang sabihin sa mga tao ang biyayang darating sa kanila ay nagkukulang.
Ang Aking Pagkukulang (My Failure)
Ilang taon na ang nakararaan, nang ako ay nagpapastor sa isang lumalagong iglesia, tinanong ako ng Espiritu Santo ng isang katanungang nagbukas sa aking mata upang makita kung gaano ako nagkukulang sa pagtupad ng pangkalahatang bisyon ng Diyos. Tinanong sa akin ng Espiritu Santo ang katanungang nasa ibaba habang nagbabasa ako tungkol sa paghuhukom ng mga tupa at kambing na inilalarawan sa Mateo 25:31-46: “Kung ang lahat sa iyong kongregasyon sa iglesia ay mamatay ngayon at tumayo sa paghahatol ng mga tupa at kambing, ilan ang tupa at ilan ang kambing?” O, higit na ispesipiko, “Sa nakaraang taon, ilang tao sa iyong kongregasyon ang nagdulot ng pagkain para sa nagugutom na kapatiran kay Cristo, tubig para sa mga nauuhaw na Cristiano, tirahan para sa walang tahanan o naglalakbay na tagasunod ni Cristo, kasuotan para sa mga hubad na Cristiano, o nagbisita sa maysakit o sa nabilanggong mananampalataya?” Napagtanto ko na ilan lamang ang nakagawa sa alinman sa mga iyon, kahit na pumunta sila sa iglesia, umawit ng awit pagsamba, nakinig sa aking mga sermon at nagbigay ng salapi sa pag-aalay. Kaya, sila iyong mga kambing sa pamantayan ni Cristo, at ako ang bahagyang sisihin, dahil hindi ko sila tinuturuan kung gaano kahalaga sa Diyos na tugunan natin ang matinding pangangailangan ng ating mga kapatid kay Cristo. Hindi ko sila tinuturuan upang sundin ang lahat ng utos ni Cristo. Sa katunayan, napagtanto ko na nakakaligtaan ko ang lubhang mahalaga sa Diyos—ang pangalawang dakilang utos, ang mahalin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili—maliban sa bagong utos na ibinigay sa atin ni Jesus na tayo’y magmahalan gaya ng pagmamahal Niya sa atin.
Sa kabila niyan, sa huli ay napagtanto kong sa katunayan ay itinuturo ko ang kasalungat ng pangkalahatang utos ng Diyos na paglikha ng alagad habang itinuro ko ang katamtamang bersiyon ng napaka-popular na “prosperity gospel” sa aking kongregasyon. Bagama’t kalooban ni Jesus na ang kanyang angkan ay hindi mag-impok ng kayamanan sa lupa (tingnan ang Mt. 6:19-24), at dapat na silang masiyahan kung may kinakain at sinusuot (tingnan ang Heb. 13:5; 1 Tim. 6:7-8), tinuturuan ko ang aking mayamang Amerikanong kongregasyon na nais ng Diyos na magkaroon sila ng higit na marami pang pag-aari. Tinuturuan ko ang mga taong huwag sundin si Jesus sa isang bagay (gaya ng daang libong ibang pastor sa buong mundo).
Pagkatanto sa aking ginagawa, nagsisi ako at humingi ng tawad sa aking kongregasyon. Sinubukan kong magsimulang lumikha ng mga alagad, at tinuruan ko silang sundin ang lahat ng utos ni Cristo. Ginawa ko iyon nang may takot at pangamba, naghihinalang ilan sa aking kongregasyon ay ayaw talagang sumunod sa lahat ng utos ni Cristo, na gugustuhin ang isang Cristianismo ng kaginhawahang nangangailangan ng walang pagpapakasakit sa kanilang panig. At tama ako. Maliwanag na may ilang walang pakialam sa naghihirap na mananampalataya sa buong mundo. Wala silang pakialam sa pagpapalaganap ng Magandang Balita sa mga hindi pa nakaririnig nito. Sa halip, ang pangunahing inaalala nila ay ang pagkamal nang higit pa para sa kanilang sarili. Pagdating sa kabanalan, iniwasan lamang nila ang pinaka-iskandalosong kasalanan, mga kasalanang isinusumpa ng kahit mga di-nagbabagong tao, at namuhay sila ng mga buhay na katulad ng karaniwang konserbatibong Amerikano. Nguni’t talagang hindi nila mahal ang Panginoon, dahil ayaw nilang sundin ang mga utos ni Jesus, ang tunay na bagay na Aniya’y magpapatunay ng ating pagmamahal sa Kanya (tingnan ang Jn. 14:21).
Naging totoo ang kinatakutan ko—ilang Cristiano sa pangalan ay totoong kambing na nakadamit-tupa. Nang sabihan ko silang itatuwa ang kanilang sarili at pasanin ang kanilang krus, ang ilan ay nagalit. Para sa kanila, ang pangunahing silbi ng iglesia ay isang panlipunang karanasan kasama na ng magandang musika, gaya ng pagkagiliw ng mundo sa mga klab at bar. Tinitiis nila ang ilang sermon basta’t pinatitibay ng mga ito ang kanilang kaligtasan at pagmamahal ng Diyos sa kanila. Nguni’t ayaw nilang marinig kung ano ang hinihingi ng Diyos sa kanila. Ayaw nilang pinag-aalinlanganan ng sinuman ang kanilang kaligtasan. Hindi sila pumapayag na baguhin ang kanilang buhay upang sumang-ayon sa kalooban ng Diyos kung magkakaroon ito ng kapalit. Totoo, pumapayag silang magpamahagi ng kaunting salapi, sa paniniwalang bibigyan sila ng Diyos ng higit pa bilang kapalit, at habang sila ay direktang nabibiyayaan mula sa kanilang ibinigay, gaya ng kung ang salapi ay ginamit sa pagpapaayos ng pasilidad ng iglesia.
Panahon ng Pagsusuri sa Sarili (A Time for Self-Examination)
Ito ay magandang pagkakataon upang bawa’t ministrong nagbabasa ng aklat na ito ay magtanong sa kanyang sarili ng parehong katanungan ng Espiritu Santo sa akin: “Kung ang mga taong aking pinaglilingkuran ay mamatay ngayon at tumayo sa paghahatol ng mga tupa at kambing, ilan ang tupa at ilan ang kambing?” Kapag tinitiyak ng mga ministro sa mga tao sa kanyang kongregasyon na kumikilos na parang kambing na sila ay ligtas, sinasabi nila ang kabaligtaran ng nais ng Diyos na sabihin sa kanila. Ang ministrong iyon ay sumasalungat kay Cristo. Pumapanig siya laban sa kagustuhan ni Jesus na sabihin sa kanila ayon sa sinabi Niya sa Mateo 25:31-46. Ang buong punto ng sinabi ni Jesus doon ay upang bigyang-babala ang mga kambing. Ayaw Niyang isipin nila na sila’y pupunta sa langit.
Sinabi ni Jesus na malalaman ng lahat ng tao na tayo ay Kanyang alagad sa pagmamahal natin sa isa’t isa (tingnan ang Jn.13:35). Tiyak na tinutukoy Niya ang isang pagmamahal na humihigit sa ipinakikita ng mga di-Cristiano sa bawa’t isa, kung hindi, ang Kanyang mga alagad ay hindi maibubukod sa hindi mananampalataya. Ang uri ng pagmamahal na tinukoy ni Jesus ay isang pagmamahal na mapagpakasakit sa sarili, kapag nagmamahalan tayo gaya ng pagmamahal Niya sa atin, inihahain ang ating buhay para sa isa’t isa (tingnan ang Jn.13:34; 1 Jn. 3:16-20). Isinulat din ni Juan na alam nating nilampasan natin ang kamatayan upang mabuhay, ibig sabihin, maisilang muli, kapag tayo’y nagmamahalan (1 Jn. 3:14). Ipinakikita ba ng mga taong nagmamaktol, namumuhi at nagsasalita laban sa mga ministrong nagtuturo ng utos ni Cristo ang pagmamahal na nagtuturing sa kanila bilang muling isinilang? Hindi, sila ay mga kambing, patungo sa landas ng impiyerno.
Mga Alagad ng Lahat ng Bansa (Disciple of All Nations)
Bago tayo magpatuloy, tingnan nating muli ang Mateo 28:19-20, ang Dakila at Pangkalahatang Komisyon na ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga alagad, upang malaman kung makakapulot tayo ng iba pang katotohanan mula rito.
Kaya’t habang kayo’y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo.” (Mt. 28:19-20a).
Pansinin na nais ni Jesus na lumikha ng mga alagad sa lahat ng bansa, o higit na mahusay na pagbanggit ayon sa orihinal na Griego, lahat ng grupong etniko ng mundo. Kung iniutos ni Jesus, naniniwala akong maaari ngang mangyari ito. Maaari tayong lumikha ng alagad ni Jesus sa bawa’t grupong etniko ng mundo. Ang gawain ay ibinigay hindi lamang sa labing-isang alagad, kundi sa bawa’t alagad na sumunod sa kanila, dahil sinabi ni Jesus sa labing-isa na turuan ang kanilang mga alagad upang gawin ang lahat ng iniutos Niya sa kanila. Kaya, tinuruan ng labing-isang orihinal ang kanilang alagad upang sundin ang utos ni Cristo na lumikha ng alagad sa lahat ng bansa, kaya ito ay magpapanatiling utos sa bawa’t susunod na alagad. Bawa’t alagad ni Jesus ay dapat kasangkot sa natatanging paraan sa pagpapa-alagad ng mga bansa.
Bahagyang ipinaliliwanag nito kung bakit hindi pa natutupad ang “Dakilang Komisyon.” Kahit na milyun-milyon ang Cristiano sa pangalan, higit na mababa ang bilang ng tunay na alagad na handang sumunod kay Jesus. Ang malaking bahagi ng Cristiano sa pangalan ay walang pakialam sa paglikha ng alagad sa bawa’t grupong etniko dahil talagang hindi sila handang sumunod sa utos ni Cristo. Kapag napag-uusapan ang paksa, kadalasang nagdadahilan sila ng, “Hindi iyan ang aking ministeryo,” at, “Hindi lang talaga ako inaakay sa direksiyong iyan.” Maraming pastor ang naghahayag ng ganito, gaya ng lahat ng kambing na pinipili ang utos ni Cristo na nababagay lamang sa kanilang programa.
Kung bawa’t Cristiano sa pangalan ay tunay na naniniwala sa Panginoong Jesu-Cristo, hindi magtatagal mapapakinggan ng bawa’t isa sa mundo ang Magandang Balita. Ang sama-samang kahandaan ng mga alagad ni Cristo ang makapangyayari nito. Titigil sila sa pag-aksaya ng kanilang panahon at salapi sa makamundo at naglalahong mga bagay, at gamitin ang mga ito upang tuparin ang utos ng kanilang Panginoon. Datapwa’t kapag ang mga makadiyos na pastor ay maghahayag na isang misyunero ang magsasalita sa isang susunod na service sa iglesia, kadalasan ay maaasahan nilang babagsak ang bilang ng mga dadalo. Hindi sila interesado sa pagsunod sa huling utos ng Panginoong Jesu-Cristo. Ang mga tupa, sa kabilang banda, ay laging nasasabik sa pagkakataong maging kasangkot sa paglikha ng alagad sa lahat ng bansa.
Isang huling punto ukol sa Mateo 28:18-20: Sinabi rin ni Jesus sa Kanyang mga alagad na bautismuhan ang kanilang mga alagad, at matapat na sinunod ito ng mga apostol.Agad nilang binautismuhan yaong mga nagsisi at naniwala sa Panginoong Jesus. Ang bautismo, siyempre, ay sumasagisag sa pagkilala ng isang mananampalataya sa pagkamatay, paglibing at muling pagkabuhay ni Cristo. Ang mga bagong mananampalataya ay namatay at itinaas bilang bagong likha kay Cristo. Ang katotohanang ito ang ninais isadula ni Jesus sa bautismo ng bawa’t bagong mananampalataya, itinatatak sa kanyang isip na ngayon ay isa na siyang bagong tao na may bagong kalikasan. Kaisa siya ni Cristo sa espiritu, at ngayon ay mayroon na siyang kapangyarihan upang sundin ang Diyos sa pamamagitan ni Cristo na namumuhay sa kanyang katauhan. Patay siya sa kanyang mga kasalanan, nguni’t ngayon ay nahugasan at binuhay ng Espiritu Santo. Siya ay higit pa sa “napatawad lang.” Kundi, siya ay lubusang nagbagong-anyo. Kaya, ipinakikita na naman ng Diyos na ang mga tunay na mananampalataya ay ibang taong kumikilos nang higit na kakaiba sa kanilang ikinilos nang sila ay patay sa espiritu. Tunay na ipinahiwatig din ito ng pangwakas na salita ni Jesus, “Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo, hanggang sa katapusan ng panahon” (Mt. 28:20). Hindi ba makatwirang isipin na ang palagiang pagkaparito ni Cristo kasama ng mga tao ay makakaapekto ng kanilang pagkilos?
Ipinaliliwanag ni Jesus ang Pagiging Alagad (Jesus Defines Discipleship)
Napagtibay natin na ang nananaig na layunin ni Jesus para sa atin ay ang lumikha ng mga alagad, ibig sabihin, mga taong nagsisi sa kanilang kasalanan at natututo at sumusunod sa Kanyang mga utos. Ipinaliwanag pa ni Jesus ang pagiging alagad sa Juan 8:32:
Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga’y tunay na alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.
[2]
Ang mga tunay na alagad, ayon kay Jesus, ay yaong mga nananahan, o ginagawang tahanan, ang Kanyang salita. Habang natututuhan nila ang Kanyang katotohanan mula sa Kanyang Salita, lalo silang “lumalaya,” at ang huling konteksto ay nagpapakitang tinutukoy ni Jesus ang paglaya sa kasalanan (tingnan ang Juan 8:34-36). Kaya muli, makikita natin na sa paliwanag ni Jesus, ang mga alagad ay natututo at sumusunod sa Kanyang mga utos.
Pagkatapos ay sinabi ni Jesus,
“Napaparangalan ang Aking Ama kung kayo’y masaganang nagbubunga bilang Aking mga alagad” (Jn. 15:8, idinagdag ang pagdidiin).
Kaya, sa paliwanag ni Jesus, pinaparangalan ng mga alagad ang Diyos sa pamumunga. Yaong mga hindi namumunga ay hindi napatunayang Kanyang alagad.
Higit na tiyak na ipinaliwanag ni Jesus iyang pagkilala sa bunga ng Kanyang tunay na alagad sa Lucas 14:25-33. Umpisahan natin sa pagbasa sa berso 25:
Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi…
Nasiyahan ba si Jesus dahil napakaraming tao ang “sumama” sa Kanya? Natupad ba Niya ang Kanyang layunin ngayong nagtagumpay Siya sa pagkuha ng malaking kongregasyon?
Hindi, Si Jesus ay hindi nasiyahan sa napakaraming taong umaaligid sa Kanya, nakikinig sa Kanyang mga sermon, pinanonood ang Kanyang mga milagro, at kung minsan ay kinakain ang Kanyang pagkain. Naghahanap si Jesus ng mga taong nagmamahal sa Diyos nang buong puso, kaluluwa at lakas. Nais Niyang sundin ng mga tao ang Kanyang mga utos. Nais niya ng mga alagad. Kaya sinabi Niya sa napakaraming mga taong iyon na sumasama sa Kanya:
Hindi maaaring maging alagad Ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. (Lu. 14:26).
Walang pagdududa: naglatag si Jesus ng pangangailangan para sa isang taong magiging alagad Niya. Nguni’t kailangan bang tunay na kamuhian ng Kanyang mga alagad ang mga taong likas nilang pinakamamahal? Mukhang hindi dahil iniutos ng Magandang Balita sa atin na igalang natin ang ating mga magulang at mga asawa at anak.
Marahil ay pagmamalabis ang pananalita ni Jesus, ibig sabihin, pagdadagdag upang idiin ang ibig niyang sabihin. Nguni’t sa katunayan, ito lang ang ibig Niyang sabihin: Kung tayo ay magiging alagad Niya, dapat natin Siyang mahalin nang sukdulan, higit pa sa mga taong likas na pinakamamahal natin. Ang inaasahan ni Jesus ay totoong makatwiran dahil siya ay Diyos na dapat nating mahalin nang buong puso, isip, kaluluwa at lakas.
Huwag mong kalimutan—ang trabaho ng mga ministro ay lumikha ng mga alagad, na nangangahuhugang magpakita sila ng mga taong sukdulang nagmamahal kay Jesus, na nagmamahal sa Kanya ng sobrang higit pa sa pagmamahal nila maging sa kanilang mga asawa, anak at magulang. Mahusay sana para sa bawa’t ministrong nagbabasa nito na tanungin ang kanyang sarili, “Paano ako nagtatagumpay sa pagpapakita ng mga taong tulad niyan?
Paano natin malalaman kung minamahal ng isang tao si Jesus? Sinabi ni Jesus sa atin sa Juan 14:21: “Kung mahal mo ako, sundin mo ang aking mga utos.”
[3]
Kaya talagang makatwirang pagtibayin na ang mga taong nagmamahal kay Jesus nang higit pa sa kanilang asawa, anak at magulang ay mga tao ring sumusunod sa Kanyang mga utos. Ang mga alagad ni Jesus ay sumusunod sa Kanyang mga utos.
Ang Pangalawang Pangangailangan (A Second Requirement)
Ipinagpatuloy ni Jesus ang magsalita sa napakaraming taong sumasama sa Kanya sa araw na iyon sa pagsasabing,
Ang ayaw magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa Akin ay hindi maaaring maging alagad Ko (Lu.14:27).
Ito ang pangalawang pangangailangang inilatag ni Jesus para sa Kanyang alagad. Ano ang Kanyang ibig sabihin? Literal bang kailangang pasanin ng mga alagad ang mabibigat na putol ng kahoy? Hindi, gumagamit muli si Jesus ng pagmamalabis.
Karamihan, kung hindi lahat, ng mga taong Judiong tagapakinig ni Jesus ay nakasaksi ng mga isinumpang kriminal na namamatay sa mga krus. Ipinako sa krus ng mga Romano ang mga kriminal sa mga pangunahing kalye sa labas ng tarangkahan ng lunsod upang mapatindi ang epekto ng pagpapako bilang pagpigil ng krimen.
Sa dahilang ito, ipinagpapalagay ko na ang pariralang “Pasanin ang iyong krus” ay karaniwang ekspresyon sa kapanahunan ni Jesus. Bawa’t taong nápakô ay nakapakinig ng isang sundalong Romanong nagsabing, “Pasanin mo ang iyong krus at sundan mo ako.” Iyon ang mga salitang kinatatakutan ng isinumpa, dahil alam nila na hudyat iyon ng simula ng mga oras at araw ng nakapangingilabot na paghihirap. Kaya ang parirala ay maaaring maging karaniwang ekspresyong nangangahulugang, “Tanggapin mo ang di-maiiwasang paghihirap na dumarating sa iyo.”
Naiisip ko ang mga amang nagsasabi sa kanilang mga anak na lalaki: “Anak, alam kong kinasusuklaman mo ang paghukay ng palikuran. Ito’y napakabaho, at maruming trabaho. Nguni’t ito ang iyong tungkulin minsan isang buwan, kaya pasanin mo ang iyong krus. Humayo ka at hukayin mo ang palikuran.” Naiisip ko ang mga asawang babae na nagsasabi sa kanilang mga kabiyak, “Mahal, alam kong kinasusuklaman mong magbayad ng buwis sa mga Romano. Nguni’t ngayong araw na ito ang nakatakdang pagbabayad, at umaakyat na sa ating kalye ang Maniningil ng Buwis. Kaya pasanin mo ang iyong krus. Humayo ka at bayaran mo iyong tao.”
Ang pagpasan ng ating krus ay kasingkahulugan ng pagtakwil sa sarili, at ginamit iyon ni Jesus sa ganoong kahulugan sa Mateo 16:24: “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.” Maaari itong ipakahulugan sa ibang pangungusap, “Kung nais ng sinuman ang sumunod sa Akin, hayaan ninyong isantabi niya ang kanyang programa, yakapin ang di-maiiwasang paghihirap na darating bilang bunga ng kanyang pasya, at sumunod sa Akin.”
Kaya, ang mga tunay na alagad ay nakahandang maghirap alang-alang sa pagsunod kay Jesus. Nabilang na nila ang halaga nito bago sila nag-umpisa, at kahit alam nila na di-maiiwasan ang paghihirap, lumunsad pa rin nang may pagpapasiya upang tapusin ang karera. Sinusuportahan ang pagpapakahulugang ito ng sumunod na sinabi ni Jesus tungkol sa kapalit na halaga ng pagsunod sa Kanya. Dalawang halimbawa ang nagdiin ng Kanyang punto:
Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya’y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. Sasabihin nila, ‘‘ang taong ito’y nagsimulang magtayo nguni’t hindi naman naipatapos.’’ O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung ang sampung libong kawal niya ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. (Luc. 14:28-32).
Lubhang malinaw ang punto ni Jesus: “Kung nais mong maging alagad Ko, bilangin mo muna ang halagang kapalit nito, at baka sumuko ka kung ikaw ay mahirapan. Tinatanggap ng mga tunay na alagad ang paghihirap na dumarating bilang bunga ng pagsunod sa akin.”
Ang Pangatlong Pangangailangan (A Third Requirement)
Itinala ni Jesus ang isa pang pangangailangan ng pagiging alagad sa napakaraming tao nang araw na iyon:
Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay (Lu.14:33).
Muli, mukhang lohikal na pagtibaying gumagamit si Jesus ng pagmamalabis. Hindi natin kailangang isuko ang lahat ng ating ari-arian sa kaisipang mawawalan tayo ng tirahan, kasuotan o pagkain. Nguni’t kailangan nating isuko ang lahat ng ating ari-arian sa kaisipang ipaubaya ang pagmamay-ari sa Diyos, at hanggang sa hindi na tayo naninilbihan sa kasakiman, kundi naninilbihan sa Diyos kasama ang ating kasakiman. Ang bunga ay tunay na nangangahulugang pagsuko sa maraming pag-aaring hindi kailangan at mamuhay nang payak na may makadiyos na pangangasiwa at pamamahagi, gaya ng ginawa ng mga naunang Cristiano na nababasa natin sa libro ng Mga Gawa. Ang pagiging alagad ni Cristo ay nangangahulugan ng pagsunod sa Kanyang mga utos, at iniutos Niya sa Kanyang mga tagasunod na huwag ipunin ang mga kayamanan sa lupa, kundi ipunin ang mga iyon sa langit.
Sa paglalagom, ayon kay Jesus, kung maging alagad Niya ako, kailangan kong mamunga. Kailangan ko siyang mahalin nang sukdulan, higit pa sa sarili kong pamilya. Dapat ay handa akong humarap sa mga di-maiiwasang paghihirap na darating sanhi ng aking pasyang sundin Siya. At kailangan kong gawin ang Kanyang sinasabi tungkol sa aking sahod at pag-aari. (At karamihan sa Kanyang mga utos ay may sinasabi tungkol dito, kaya hindi ko dapat linlangin ang aking sarili, na siyang ginagawa ng marami, at sasabihing, “Kung sinabi ng Panginoon sa akin na gawin ang nararapat sa lahat ng aking pag-aari, gagawin ko anuman ang sabihin niya.”)
At ito ang mga uri ng matapat na tagasunod ni Cristo na dapat nating nililikha bilang ministro! Iyan ang ating kaloob-ng-Diyos na layunin! Tayo ay tinatawag na ministrong tagalikha-ng-alagad!
Iyan ang batayang katotohanang nakakaligtaan ng maraming ministro sa buong mundo. Kung tinataya nila ang kanilang ministeryo, na gaya ng ginawa ko, mapagtitibay nila, na gaya ng aking ginawa, na nagkukulang sila sa kagustuhan at inaasahan ng Diyos. Noong pinagmuni-munihan ko ang antas ng aking pangako kay Cristo na naipakita ng aking kongregasyon, maliit ang aking pagdududang marami ang hindi maituturing na tunay na alagad.
Mga pastor, tingnan ninyo ang inyong kongregasyon. Ilan sa inyong angkan ang itinuturing ni Jesus na alagad Niya ayon sa Kanyang pamantayan sa Lucas14:26-33? Mga Ebangheliko, nakapagpapabunga ba ang inyong mensahe ng mga taong naghahandog ng kanilang sarili upang sundin ang lahat ng utos ni Cristo?
Ngayon ang panahon upang tayahin ang ating mga ministeryo, bago tayo humarap kay Jesus sa pangwakas na pagtaya. Kung nagkukulang ako sa Kanyang layunin, nanaisin kong malaman ito ngayon kaysa bukas. Ikaw?
Pangwakas na Nakahihinahong Kaisipan (A Final Sobering Thought)
Maliwanag na nais ni Jesus na maging alagad Niya ang mga tao, na naibunyag ng Kanyang Salita sa napakaraming taong nakatala sa Lucas 14:26-33. Gaano kahalaga ang maging alagad Niya? Ano kaya kung pipiliin ng iba na hindi maging alagad Niya? Sinagot ni Jesus ang mga tanong na ito sa pagtatapos ng kanyang diskurso sa Lucas 14:
Samakatuwid, mabuti ang asin, nguni’t kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Wala itong kabutihang maibibigay sa lupa, o kahit sa tambakan man lamang ng dumi, kaya’t ito’y itinatapon na lamang. Makinig ang may pandinig! (Lu. 14:34-35).
[4]
Pansinin na hindi ito nakahiwalay na pangungusap. Nagsisimula ito sa salitang samakatuwid.
Ang asin ay dapat na maalat. Ito ang katangian ng pagiging asin. Kapag nawala nito ang kanyang lasa, nawawalan ito ng silbi at “itinatapon.”
Ano ang kaugnayan nito sa pagiging alagad? Gaya ng asin na inaasahang maalat, inaasahan din ni Jesus ang mga tao na maging alagad Niya. Dahil Siya ang Diyos, ang makatwirang tungkulin lang natin ay mahalin Siya nang lubusan at pasanin ang ating mga krus. Kung hindi tayo magiging alagad Niya, tinatanggihan natin ang tunay na dahilan ng ating pagiging tao. Tayo ay walang silbi at nakatadhanang “itapon.” Hindi iyan nagmumukhang langit, tama ba?
Sa iba pang pagkakataon, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad (tingnan ang Mt. 5:1):
Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao? (Mt. 5:13).
lantad na talinaga para sa “matapat na pagsunod”) ang may halaga sa Diyos. Ang iba ay “walang halaga…kundi ipagtapon at apak-apakan.” Pangalawa, maaaring mangyari na ang isang “maalat” ay maging “walang alat,” kung hindi, hindi sana nakita ni Jesus ang pangangailangang bigyang-babala ang Kanyang mga alagad. Sadyang sinasalungat ng mga katotohanang ito ang itinuturo ng karamihan ngayon, at sinasabing maaaring maging patungong-langit na mananampalataya ni Cristo nguni’t hindi alagad ni Cristo, o hindi maaaring isuko ang pagkakaligtas. Tatalakayin natin nang masinsinan ang mga maling akalang iyon sa mga susunod na kabanata.
[1] Sa buong aklat na ito, ang panghalip na siya ay tumutukoy sa mga ministrong lalaki. Bagama’t binabanggit ng Banal na Aklat na tinatawag ng Diyos ang mga babae sa bokasyunal na ministeryo, at may alam akong ilang mayroong epektibong ministeryo. Iyan ang paksa sa kabanatang pinamagatang Kababaihan sa Ministeryo.