Sa biblikal na pananalita, ang alagad ay isang matapat na mananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, isang tagasunod sa Kanyang Salita nang sa gayon ay napalalaya sa kanyang mga kasalanan. Ang alagad ay isang taong natututong sumunod sa lahat ng utos ni Cristo, at isang taong nagmamahal kay Cristo nang higit pa sa kanyang sariling pamilya, karangyaan sa buhay, at ang kanyang ari-arian, at ipinakikita niya ang pagmamahal na iyon sa kanyang pamumuhay. Ang mga tunay na alagad ni Jesus ay nagmamahalan at ipinakikita ang pagmamahal na iyan sa mga praktikal na paraan. Sila ay namumunga.[1]
Ito ang mga uri ng taong gusto ni Jesus.
Kitang-kita na ang mga hindi Niya alagad ay hindi makalilikha ng alagad para sa Kanya. Kaya tiyakin muna natin na tayo ay Kanyang alagad bago natin subukang lumikha ng sinumang alagad para sa Kanya. Maraming ministro ang magkukulang, kung susukatin sila batay sa pagpapakahulugan ng Biblia sa pagiging ministro. Walang pag-asang makalilikha ang mga ministrong ito ng alagad, at sa katunayan, ni hindi nila susubukan. Sila mismo ay walang sapat na katapatan kay Jesus Cristo upang tiisin ang mga paghihirap na daranasin ng paglikha ng tunay na alagad.
Mula sa puntong ito, ipagpapalagay ko na ang mga ministrong magpapatuloy sa pagbasa ay mismong alagad ng Panginoong Jesu-Cristo, tunay na matapat sa pagsunod sa Kanyang mga utos. Kung hindi, walang halaga ang iyong patuloy na pagbasa hanggang sa maibigay mo ang kinakailangang katapatan upang maging tunay na alagad. Huwag nang maghintay nang matagal! Lumuhod ka at magsisi! Sa Kanyang kagila-gilalas na biyaya, patatawarin ka ng Diyos at gagawin ka Niyang bagong nilalang kay Cristo!
Muling Ipinapakahulugan ang Pagiging Alagad (Redefining Discipleship)
Bagama’t lubhang nilinaw ni Jesus kung ano ang pagiging alagad, marami ang nagpalit sa Kanyang depinisyon sa sarili nilang pagkakaintindi. Halimbawa, sa iba, ang salitang alagad ay isang malabong termino na tumutukoy sa sinumang nagpapanggap na isang Cristiano. Sa kanila, ang salitang alagad ay nahubaran ng lahat ng kahulugang biblikal.
Itinuturing ng iba na ang pagiging alagad ay isang opsyunal na pangalawang hakbang ng katapatan para sa patungong-langit na mananampalataya. Naniniwala sila na maaaring maging patungong-langit na mananampalataya kay Jesus nguni’t hindi maging alagad ni Jesus! Dahil lubhang mahirap ang basta balewalain ang mahigpit ng hinihingi ng pagiging alagad na naisulat sa Banal na Salita, itinuturong may dalawang antas ng Cristiano—mga mananampalataya, na nananampalataya kay Jesus, at mga alagad, na nananampalataya at matapat kay Jesus. Kaakibat ng paniniwalang ito, laging sinasabing maraming mananampalataya nguni’t kaunting alagad, bagama’t kapwa sila pupunta sa langit.
Mabisang pinawawalang-saysay ng doktrinang ito ang utos ni Cristo upang lumikha ng alagad, na siya ring nagpapawalang-bisa sa paglikha ng mga alagad. Kung ang pagiging alagad ay nangangahulugan ng katapatan hanggang sa pagtatakwil sa sarili pati na kahirapan, at kung ang pagiging alagad ay opsyunal, ang malaking bahagi ng mga tao ay piliing hindi maging alagad, lalo na kung iisipin nilang malugod silang tatanggapin sa langit bilang hindi-alagad.
Kaya heto ang ilang napakahalagang katanungang dapat nating itanong: Itinuturo ba ng Banal na Salita na maaaring maging mananampalatayang patungong-langit nguni’t hindi alagad ni Jesu-Cristo? Ang pagiging alagad ba ay opsyunal na hakbang para sa mga mananampalataya? May dalawang antas ba ang mga Cristiano, ang hindi nakapagpasyang mananampalataya at nakapagpasyang alagad?
Ang sagot sa lahat ng katanungang ito ay Hindi. Saanman sa Bagong Tipan ay hindi nagtuturo na may dalawang hanay ng Cristiano, ang mananampalataya at mga alagad. Kapag binasa ninuman ang aklat ng Mga Gawa, mababasa niya ang paulit-ulit na pagbanggit sa mga alagad, at tuwirang hindi ito tumutukoy sa higit na mataas na uri ng nakapagpasyang mananampalataya. Lahat ng naniniwala kay Jesus ay alagad.
[2]
Katunayan, “ang mga alagad ay unang tinawag na Cristiano sa Antioquia” (Gw.11:26, idinagdag ang pagdidiin).
Nakasisiyang pansinin na ang salitang Griego na isinanaling alagad (mathetes) ay matatagpuan sa Bagong Tipan nang 261 ulit, samantalang ang isinaling salitang Griego na mananampalataya (pistos) ay siyam na ulit lamang na binabanggit (na isinalin sa salitang mananampalataya sa New American Standard version). Ang salitang Griegong salin ng Cristiano (Christianos) ay tatlong ulit lamang matatagpuan. Ang mga naturang katotohanan ay sapat na upang makumbinsi ang isang matapat na naghahanap na lahat ng kabilang sa unang iglesiang iyon na naniwala kay Jesus ay itinuring na Kanyang alagad.
Komentaryo ni Jesus (Jesus’ Commentary)
Talagang hindi itinuring ni Jesus na ang pagiging alagad ay pangalawa at opsyunal na hakbang para sa mga mananampalataya. Ang Kanyang tatlong pangangailangan para maging alagad na nabasa natin sa Lucas 14 ay hindi tumutukoy sa mga mananampalataya bilang isang paanyaya sa isang higit na mataas na antas ng paglilingkod. Kundi, patungkol ang kanyang salita sa lahat ng karamihan. Ang pagiging alagad ang unang hakbang sa isang relasyon sa Diyos. Dagdag pa, mababasa natin sa Juan 8:
[3]
[4]
ang sumampalataya sa Kanya. Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga’y tunay na mga alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Jn. 8:30-32).
Walang sinuman ang maaaring matalinong makihamok laban sa di-mapasusubaliang katotohanang nakikipag-usap si Jesus sa bagong-tanggap na mananampalataya, “Sa tamang panahon sa kinabukasan, maaari ninyong isaalang-alang ang paggawa ng susunod na hakbang, isang hakbang ng pangangako, upang maging Aking alagad. Hindi, nakipag-usap si Jesus sa mga bagong mananampalataya na parang inasahan na Niyang magiging alagad Niya sila, na parang ang mga salitang mananampalataya at alagad ay magkasingkahulugan. Sinabi niya sa mga bagong-nangakong mananampalatayang iyon na ang paraan upang patunayan nilang sila’y mga alagad ay sa pagsunod sa Kanyang salita, na magpapalaya sa kanila sa kasalanan (tingnan ang 8:34-36).
Alam ni Jesus na ang pagtanggap lamangng pananampalataya ay hindi patunay na talagang naniniwala sila. Alam din Niya na iyong mga tunay na naniniwalang Siya ang Anak ng Diyos ay kikilos na parang ganoon na sila—Kanyang mga dagliang alagad—na naghahangad na sumunod sa Kanya at pasayahin Siya. Ang mga mananampalataya/alagad ay sadyang susunod sa Kanyang Salita, at ituring nila itong tahanan. At habang natutuklasan nila ang Kanyang kalooban sa pagkatuto ng Kanyang mga utos, sumusulong silang napapalaya sa kasalanan.
Kaya agad hinamon ni Jesus iyong mga bagong mananampalataya upang subukin ang kanilang mga sarili. Ang kanyang pahayag, “Kung kayo ay tunay Kong mga alagad” ang nagpapakitang naniwala Siya na maaaring hindi sila tunay na alagad, kundi alagad lamang sa pangalan. Maaaring nahihibang lamang sila sa kanilang sarili. Maseseguro lamang nilang sila ay Kanyang tunay na alagad kapag sila’y pumasa sa pagsubok ni Jesus. (At sa pagbasa sa pag-uusap sa Juan 8:37-59, mukhang tunay na may magandang dahilan si Jesus upang pagdudahan ang kanilang katapatan.)
[5]
Pinasusubalian ng ating pangunahing salita sa Biblia, Mateo 28:18-20, ang teoryang ang mga alagad ay higit na mataas na hanay ng naglilingkod na mananampalataya. Iniutos ni Jesus sa Kanyang Dakilang Komisyon na bautismuhan ang mga alagad. Siyempre, ang talaan ng aklat ng Mga Gawa ang nagpapakitang hindi naghintay ang mga alagad hanggang ginawa ng mga bagong mananampalataya ang “pangalawang hakbang ng lubusang paglilingkod kay Cristo” bago nila binautismuhan ang mga ito. Kundi, halos dagliang binautismuhan ng mga alagad ang lahat ng mga bagong mananampalataya pagkatapos ng kanilang pagbabagong-buhay. Naniniwala silang lahat ng mga tunay na mananampalataya ay alagad.
Kaugnay dito, ang naniniwalang ang mga alagad ay iyong naiibang naglilingkod na mananampalataya ay hindi nakikiisa sa kanilang sariling teolohiya. Karamihan sa kanila ay nagbabautismo sa sinumang nagsasabing nananampalataya sila kay Jesus, at hindi nila hinihintay na makamit ng mga ito ang lubos na mapangakong antas ng “pagiging alagad.” Datapwa’t kung tunay na nagtitiwala sila sa kanilang ipinangangaral, babautismuhan lamang sana nila ang mga nakarating na sa antas ng pagiging alagad, na kinabibilangan lamang ng kaunti sa kanilang hanay.
Marahil ay sapat na ang isang pangwakas na dagok sa makademonyong doktrinang ito. Kung naiiba ang mananampalataya sa alagad, bakit isinulat ni Juan na ang pag-ibig sa kapwa ang tandang nagpapakilala sa isang tunay na ipinanganak-muling mananampalataya (tingnan ang 1 Jn. 3:14),at sinabi ni Jesus na ang pag-ibig sa kapwa ay ang tandang nagpapakilala sa Kanyang tunay na alagad (Jn. 13:35)
Ang Pinanggalingan ng Huwad na Doktrina (The Origin of this False Doctrine)
Kung ang idea ng dalawang magkahiwalay na Cristiano, mga mananampalataya at mga alagad, ay hindi nakikita sa Ebanghelyo, paano ipagtatanggol ang ganitong doktrina? Ang sagot ay, ang doktrinang ito ay solong sinusuportahan ng isa pang huwad na doktrina tungkol sa kaligtasan. Naninindigan ang doktrinang iyon na ang mga mahihirap na hinihingi ng pagiging alagad ay hindi kumporme sa katotohanang ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pagpapala. Batay sa lohikang iyon, ipinapalagay na ang mga kinakailangan sa pagiging alagad ay hindi maaaring pangangailangan sa kaligtasan. Kaya, ang pagiging alagad ay maaaring isang opsyunal na hakbang ng katapatan para sa mga patungong-langit na mananampalatayang nailigtas ng pagpapala.
Ang nakamamatay na kahinaan ng teoryang ito ay ang pagkakaroon ng napakaraming sipi sa Kasulatan na taliwas dito. Ano, halimbawa, ang lilinaw pa sa sinabi ni Jesus pagtatapos ng Kanyang Sermon sa Bundok, pagkatapos Niyang isa-isahin ang marami Niyang utos?
Hindi lahat ng tumatawag sa akin, “Panginoon, Panginoon,” ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa langit (Mt.7:21).
Malinaw na iniugnay ni Jesus ang pagsunod sa kaligtasan, dito at sa marami pang pangungusap. Kaya paano natin iuugnay ang napakaraming pangungusap na ganito sa pagpapatunay ng Biblia na ang kaligtasan ay sa pagpapala? Simple lamang. Ang Diyos, sa pamamagitan ng kanyang kamangha-manghang pagpapala, ay pansamantalang nag-aalok ng pagkakataon sa lahat upang magsisi, manampalataya, at maipanganak muli, mabigyang-kapangyarihan ng Espiritu Santo upang mamuhay na masunurin. Kaya ang kaligtasan ay sa pagpapala. Kung walang pagpapala ng Diyos, walang maliligtas, dahil lahat tayo ay makasalanan. Hindi karapat-dapat mailigtas ang makasalanan. Kaya kailangan nila ang pagpapala ng Diyos upang sila’y mailigtas.
Ang pagpapala ng Diyos ay naipapakita sa maraming paraan patungkol sa ating kaligtasan. Naipapakita ito sa pagkamatay ni Jesus sa krus, ang pagtawag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Ebanghelyo, ang pagpapalapit Niya sa atin kay Cristo, ang pagpaparusa Niya sa atin dahil sa kasalanan, ang pagdudulot Niya sa atin ng pagkakataong magsisi, ang muling pagpapasigla Niya sa atin at ang pagpuno Niya sa atin ng Espiritu Santo, ang pagputol Niya ng kapangyarihan ng kasalanan sa ating buhay, ang pagbibigay-kapangyarihan Niya sa atin upang mamuhay nang may kabanalan, ang disiplina Niya sa atin kapag tayo’y nagkakasala, at marami pang iba. Hindi natin pinaghirapan upang makamtan ang alinman sa mga ito. Nailigtas tayo ng pagpapala mula simula hanggang wakas.
Subali’t ayon sa Ebanghelyo, ang kaligtasan ay hindi lamang “sa pagpapala,” kundi “sa pamamagitan ng pananampalataya”: Dahil sa pagpapala kayo ay nailigtas sa pamamagitan ng pananampalataya” (Efe. 2:8a, idinagdag ang pagdidiin). Kapwa kailangan ang dalawang bahagi, at kitang-kitang hindi sila magkasalungat. Kung maliligtas ang mga tao, kapwa pagpapala at pananampalataya ang kinakailangan. Ibinibigay ng Diyos ang Kanyang pagpapala, at tinutugunan natin ng pananampalataya. Ang tunay na pananampalataya, siyempre, ay nagbubunga ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Gaya ng pagsulat ni Santiago sa ikalawang kabanata ng kanyang sulat, ang pananampalatayang walang kalakip na gawa ay patay, walang halaga, at hindi nakaliligtas (tingnan ang San. 2:14-26).
[6]
Ang totoo niyan, ang pagpapala ng Diyos ay hindi kailanman nag-alok ng lisensiya upang magkasala. Kundi, ang pagpapala ng Diyos ay nag-aalok ng pansamantalang pagkakataon upang magsisi at maipanganak muli. Sa likod ng kamatayan, wala nang pagkakataong magsisi at maipanganak muli, kaya hindi na makukuha ang pagpapala ng Diyos. Kaya, dapat lang na ang Kanyang nakaliligtas na pagpapala ay pansamantala.
Isang Babaing Iniligtas ni Jesus sa Pagpapala sa Pamamagitan ng Pananampalataya (A Woman Whom Jesus Saved by Grace Through Faith)
Isang ganap na larawan ng kaligtasan na iniaalok ng pagpapala sa pamamagitan ng pananampalataya ang matatagpuan sa kuwento ng engkuwentro ni Jesus sa babaing nahuli sa akto ng pakikiapid. Ang sabi ni Jesus sa kanya, “Hindi rin kita hahatulan [iyan ang pagpapala, dahil ang marapat sa kanya ay isumpa]; umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.” (Jn. 8:11, idinagdag ang pagdidiin). Nang dapat siyang mamatay, pinawalang-sala siya ni Jesus. Pinaalis Niya siya, subali’t may babala: Mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan. Ito ang eksaktong sinasabi ni Jesus sa lahat ng makasalanan sa mundo—”Hindi kita hinahatulan ngayon. Dapat kang mamatay at habang panahong sumpain sa impiyerno, nguni’t pinakitaan kita ng pagpapala. Datapwa’t ang aking pagpapala ay pansamantala lamang, kaya magsisi ka. Huwag ka nang magkasala ngayon, bago mawala ang aking pagpapala at matatagpuan mo ang iyong sariling nakatayo sa harap ng Aking hukuman bilang makasalanan.”
Ipagpalagay natin na iyong makasalanang babae ay nagsisi na tulad ng bilin ni Jesus. Kung magkagayon, nailigtas siya ng pagpapala sa pamamagitan ng pagpapala. Bilang makasalanan, iniligtassiya ng pagpapala dahilhindi siya kailanman nailigtas kundi sa pagpapala ng Diyos. Hindi niya tunay na masasabi kailanman na pinaghirapan niya ang kanyang kaligtasan sa pamamagitan ng kanyang mga gawa. At nailigtas siya sa pamamagitan ng pananampalataya dahil naniwala siya kay Jesus at naniwala siya sa sinabi Niya rito, at sinunod ang Kanyang babala, at tinalikuran ang kasalanan bago naging huli ang lahat. Ang sinumang may tunay na pananampalataya kay Jesus ay magsisisi, dahil nagbabala si Jesus na hangga’t hindi nagsisisi ang mga tao, sila’y maglalaho (tingnan ang Lu.13:3). Taimtim din na sinabi ni Jesus na iyon lamang gumagawa ng kagustuhan ng Ama ang papasok sa langit (Mt. 7:21). Kung naniniwala ang isang tao kay Jesus, maniniwala ito kay Jesus at susunod sa Kanyang mga babala.
Nguni’t ipagpalagay natin na ang makasalanang babae ay hindi nagsisi sa kanyang kasalanan. Nanatili siyang nagkakasala at saka namatay at tumayo sa harap ng hukuman ni Jesus. Ipagpalagay ninyong sinasabi niya kay Jesus, “O Jesus! Napakasaya ko na makita Ka! Naaalala ko na hindi mo ako hinatulan sa aking kasalanan nang iharap ako sa Iyo sa lupa. Sigurado ako, mapagpala Ka pa rin. Hindi Mo ako hinatulan noon, kaya naseseguro kong hindi Mo ako hahatulan ngayon!”
Ano ang palagay mo? Papapasukin ba siya ni Jesus sa langit? Maliwanag ang kasagutan. Nagbanta si Pablo, “Huwag ninyong dayain ang inyong sarili; ang mga nakikiapid … nangangalunya…ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos” (1 Cor. 6:9-10).
Lahat nang ito ay nangangahulugang ang hinihingi ni Jesus para sa pagiging alagad ay walang iba kundi mga pangangailangan para sa tunay na pananampalataya sa Kanya, ibig sabihin ay nakaliligtas na pananampalataya. At lahat ng may nakaliligtas na pananampalataya ay nailigtas ng pagpapala sa pamamagitan ng pananampalataya. Walang batayan sa biblia ng pag-angking, ang kaligtasan ay sa pagpapala, ang mga hinihingi ni Jesus sa pagiging alagad ay hindi tutugma sa Kanyang hinihingi para sa kaligtasan. Ang pagiging alagad ay hindi isang opsyunal na hakbang para sa patungong-langit na mananampalataya; kundi, ang pagiging alagad ay patunay ng dalisay na nakaliligtas na pananampalataya.
[7]
Dahil dito, upang maging matagumpay sa paningin ng Diyos, dapat ay simulan nang tama ng ministro ang proseso ng paglikha-ng-alagad sa pangangaral ng tunay na Ebanghelyo, ang pagtawag sa mga tao sa isang matapat na pananampalataya. Kapag isinusulong ng mga ministro ang huwad na doktrina na ang pagiging alagad ay isang opsyunal na hakbang ng katapatan para sa mga patungong-langit na mananampalataya, pinasusubalian nila ang utos ni Cristo na lumikha ng mga alagad at ipinahahayag nila ang maling pagpapala at maling Ebanghelyo. Ang mga tunay na alagad lamang ni Cristo ang nagtataglay ng nakaliligtas na pananampalataya at sila’y pupunta sa langit, gaya ng pangako ni Jesus: “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa langit” (Mt. 7:21).
Ang Bagong Huwad na Ebanghelyo (The New False Gospel)
Dahil sa isang huwad na konsepto ng pagpapala ng Diyos sa kaligtasan, laging nawawalan ng mahalagang biblikal na elemento ang makabagong Ebanghelyo na ipinagpapalagay na hindi tutugma sa mensahe ng pagpapala. Bagama’t ang isang huwad na Ebanghelyo ay lumilikha lamang ng mga maling Cristiano, kaya malaking bahagi ng bagong “nagbalik-loob” ay ni hindi makikitang pumupunta sa iglesia ilang linggo pagkatapos nilang “tanggapin si Cristo.” Dagdag pa rito, maraming pumupunta nga sa iglesia ay kadalasang hindi maibubukod sa di-nagbabagong karamihan, na nagtataglay ng parehong kaugalian at gumagawa ng parehong kasalanan katulad ng mga ito. Ito ay dahil hindi sila talagang nananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo at hindi sila talaga naipanganak muli.
Isa sa mahahalagang elementong iyon na nawala na sa makabagong Ebanghelyo ay ang pangngailangan ng pagsisisi. Maraming ministro ang nagpapalagay na kapag sinabi nila sa mga tao na huminto sa paggawa ng kasalanan (na gaya ng ginawa ni Jesus sa babaing nahuli niyang nakikiapid), nangangahulugan ito ng pagsasabi sa kanila na ang kaligtasan ay hindi sa pagpapala, kundi sa mga gawa. Nguni’t hindi magiging totoo ito, dahil sina Juan na Tagapagbautismo, Jesus, Pedro at Pablo ay nagpahayag na ang pagsisisi ay ganap na pangangailangan sa kaligtasan. Kung magkagayon na ang pangangaral ng pagsisisi ay talagang magpapasubali sa pagpapala sa kaligtasan, pinasubalian lahat nina Juan na Tagapagbautismo, Jesus, Pedro at Pablo ang pagpapala ng Diyos sa kaligtasan. Nguni’t naintindihan nila na ang pagpapala ng Diyos ay nag-aalok ng isang pansamantalang pagkakataon upang magsisi, hindi isang pagkakataon upang patuloy na magkasala.
Halimbawa, nang ipahayag ni Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy ni Lucas na “ang Ebanghelyo,” ang buod ng kanyang mensahe ay pagsisisi (tingnan ang Lu. 3:1-18). Iyong mga hindi nagsisi ay pupunta sa impiyerno (tingnan ang Mt. 3:10-12; Lu. 3:17).
Ipinangaral ni Jesus ang pagsisisi sa simula pa lamang ng Kanyang ministeryo (tingnan ang Mt. 4:17) Binantaan Niya ang mga tao na hanggang hindi sila nagsisisi, sila’y maglalaho (tingnan ang Lu. 13:3,5).
Nang utusan ni Jesus ang Kanyang labindalawang alagad upang mangaral sa iba-ibang lunsod, “Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi”(Mc. 6:12, idinagdag ang pagdidiin).
Pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, sinabi ni Jesus sa labindalawa na dalhin ang mensahe ng pagsisisi sa buong mundo, dahil iyon ang susing nagbubukas ng pinto sa kapatawaran:
At sinabi Niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, Siya’s muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa Kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem” (Lu. 24:46-47, idinagdag ang pagdidiin).
Sinunod ng mga alagad ang mga tagubilin ni Jesus. Nang nangangaral si Pedro sa araw ng Pentecostes, tinanong siya ng kanyang mga nahatulang tagapakinig kung ano ang kanilang gagawin, nang mapagtanto nila ang katotohanan tungkol sa taong kanilang ipinako sa krus. Ang sagot niya ay, una, dapat silang magsisi (tingnan ang Gw. 2:38).
Ang pangalawang pangmadlang pangaral ni Pedro sa portiko ni Solomon ay nagtataglay ng parehong mensahe. Hindi mabubura ang mga kasalanan kung walang pagsisisi:
[8]
Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan ( Gw. 3:19a, idinagdag ang pagdidiin).
Nang tumestigo si Pablo sa harap ng Haring Agripa, inihayag niyang ang kanyang Ebanghelyo ay laging naglalaman ng mensahe ng pagsisisi:
Dahil dito, Haring Agripa, hindi ko po sinuway ang pangitaing mula sa langit. Nangaral ako, mula sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, at gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan, lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa (Gw. 26:19-20, idinagdag ang pagdidiin).
Sa Atenas, binantaan ni Pablo ang kanyang tagapakinig na lahat ay dapat humarap sa paghuhukom ni Cristo, at iyong mga hindi nagsisi ay hindi handa sa mahalagang araw na iyon:
Sa mga nagdaang panahon ay hindi pinansin ng Diyos ang di pagkakilala sa Kanya ng mga tao, nguni’t ngayon ay iniuutos Niya sa lahat ng tao sa bawa’t lugar na magsisi’t talikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Sapagkat itinakda na Niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan, at ito’y buong katarungan Niyang gagawin sa pamamagitan ng isang Tao na Kanyang hinirang. Pinatunayan Niya ito sa lahat nang ang Taong Iyon ay Kanyang muling binuhay (Gw:30-31, idinagdag ang pagdidiin).
Sa kanyang pamamaalam na pangaral sa mga namumunong taga-Efeso, itinala ni Pablo ang pagsisisi kasama na ng pananampalataya bilang mahalagang bahagi ng kanyang mensahe:
[9]
…hindi ako nangiming…maging Judio o Griego man ay pinangaralan kong tumalikod sa kasalanan, manumbalik sa Diyos at manalig sa ating Panginoong Jesus (Gawa 20:20b, 21, idinagdag ang pagdiniin).
Itong talaan ng pagpapatunay ng Ebanghelyo ay dapat maging sapat upang kumbinsihin ang sinuman na hanggang hindi naipapahayag ang pangangailangan ng pagsisisi, ang tunay na Ebanghelyo ay hindi naipangaral. Ang ugnayan sa Diyos ay nag-uumpisa sa pagsisisi. Walang kapatawaran ng kasalanan kung wala ito.
Pagpapakahulugang-Muli sa Pagsisisi (Repentance Redefined)
Malinaw man ang pagpapatunay ng Magandang Balita na ang kaligtasan ay nababatay sa pagsisisi, ilan pa ring ministro ang nakahahanap ng paraan upang pawalang-bisa ang kahalagahan nito sa pagbabaluktot ng kanyang kahulugan upang iugnay ito sa kanilang maling pag-intindi sa pagpapala ng Diyos. Sa kanilang bagong pagpapakahulugan, ang pagsisisi ay isa lamang pagbabago ng palagay sa kung sino si Jesus, na kataka-takang maaaring hindi makapagpabago sa ugali ng isang tao.
Kaya ano ang inasahan ng mga nangangaral ng Bagong Tipan nang tawagin nila ang mga tao upang magsisi? Tinatawag ba nila ang mga tao upang palitan lamang ang kanilang palagay kung sino si Jesus, o tinatawag nila ang mga tao upang magbagong-buhay?
Naniniwala si Pablo na ang tunay na pagsisisi ay nangangailangan ng pagbabaong-buhay. Narinig na natin ang kanyan patotoo tungkol sa mga dekada ng ministeryo, nang inihayag niya sa harap ni Haring Agripa,
Dahil dito, Haring Agripa, hindi ko po sinuway ang pangitaing galing sa langit. Nangaral ako, una sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, at gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan, lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa.
(Gawa 26:19-20, idinagdag ang pagdidiin).
Naniwala din si Juan na Tagapagbautismo na ang pagsisisi ay higit pa sa pagbabago ng palagay tungkol sa ilang katotohanang teolohika. Nang tumugon sa kanyang tawag upang magsisi ang kanyang mga tagapakinig na nahatulan sa pamamagitan ng pagtatanong kung ano ang kanilang dapat gawin, inisa-isa niya ang mga tanging pagbabagong-buhay (tingnan ang Lucas 3:3, 10-14). Nilibak din niya ang mga Pariseo at Saduseo sa pagkukunwaring nagsisisi, at binalaan silang tutungo sa apoy ng impiyerno kung hindi sila tunay na nagsisi:
Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo’y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? Kaya mamungang may kasamang pagsisisi
[10]
….nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawa’t punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy (Mat. 3:7-10, idinagdag ang pagdidiin).
Ipinangaral din ni Jesus ang parehong mensahe ng pagsisisi ni Juan (tingnan ang Mat. 3:2; 4:17). Sinabi Niya minsan na nagsisi si Nineveh sa pangangaral ni Jonas (tingnan ang Lucas 11:32). Sinumang nakabasa ng aklat ni Jonas ay nakaaalam na higit pa sa pagbabagong-isip ang ginawa ng mga tao sa Nineveh. Binago rin nila ang kanilang mga gawa, at tumalikod sa kasalanan. Tinawag ito ni Jesus na pagsisisi.
Ang pagsisising naaayon sa Banal na Salita ay kusang pagbabagong-loob bilang tugon sa tunay na pananampalatayang nag-ugat sa puso. Kapag nangangaral ang isang ministro at hindi binabanggit ang pangangailangan ng lubos na pagbabagong nagpapatotoo sa pagsisisi, talagang pinasusubalian niya ang pagnanais ni Cristong magkaroon ng mga alagad. Dagdag pa rito, nililinlang niya ang kangyang tagapakinig upang maniwalang maliligtas sila kahit hindi magsisi, na malamang na nagtitiyak ng kanilang walang-hanggang kapahamakan kapag naniwala sila sa kanya. Umaayon siya kay Satanas at lumalaban sa Diyos, kahit hindi niya ito napag-iisipan.
Kung lilikha ang ministro ng mga alagad na tulad ng iniutos ni Jesus, kailangang umpisahan niya nang tama ang proseso. Kapag hindi niya ipinangangaral sa mga tao ang tunay na magandang balitang nag-uutos ng pagsisisi at masunuring pananampalataya, siya’y nakatalagang mabibigo, kahit na matagumpay siya sa mata ng madla. Malaki man ang kanyang kongregasyon, nguni’t nagtatayo siya sa pamamagitan ng kahoy, damo at dayami, at kung sa hinaharap ay mahahayag sa apoy ang kanyang itinayo, magdadaan sa pagsubok ang kanyang ginawa (tingnan ang 1 Cor. 3:12-15).
Mga Paanyaya ni Jesus Upang Maglingkod (Jesus’ Calls to Commitment)
Tinawag ni Jesus ang mga di-ligtas hindi lamang upang tumalikod sa kasalanan, tinawag din Niya sila upang ialay ang kanilang sarili sa pagsunod at agarang tumalima. Kailanman ay hindi Niya inihandog ang kaligtasan sa higit na mababang panuntunan, na gaya ng nangyayari ngayon. Kailanman ay hindi Niya inanyayahan ang mga tao upang “tanggapin” Siya, na nangangako ng kapatawaran, at sa kalaunan ay nagmungkahing sundin Siya. Hindi, sapilitang hiningi ni Jesus na ang unang hakbang ay isang hakbang ng taos-pusong pangako.
Nakakalungkot na ang tawag ni Jesus sa mamahaling pagsunod ay isinasantabi lamang ng nagpapanggap na Cristiano. O kaya, kung tinatanggap man ang mga ito, ay ipinalalagay na mga tawag ng higit na malalim na ugnayang patungkol, hindi sa mga di-ligtas kundi doon sa tumanggap na ng nakaliligtas na pagpapala ng Diyos. Subali’t marami sa mga “mananampalatayang” ito na nagsasabing para sa kanila at hindi para sa mga di-ligtas ang mamahaling tawag ni Jesus upang sumunod ay hindi talaga sumusunod sa Kanyang mga tawag na tulad ng pagkakaintindi nila sa mga ito.Iniisip nila na mayroon silang opsyon upang hindi tumugon sa pagkamasunurin, at kailanman ay hindi sila susunod.
Tingnan natin ang isa sa mga paanyaya ni Jesus sa kaligtasan na kadalasang ipinapalagay na isang higit na malalim na hakbang, para sa mga naligtas na:
Pinalapit ni Jesus ang mga tao at ang Kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. “Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; nguni’t ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. Sapagka’t ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, nguni’t mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito Niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng Kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.” (Mc. 8:34-38).
Ito ba ay paanyaya ng kaligtasan patungkol sa mga di-ligtas o isang paanyaya sa isang higit na mahigpit na ugnayang patungkol sa mga naligtas. Sa matapat nating pagbasa, lumilinaw ang kasagutan.
Una, pansinin na ang kumpul ng mga taong kausap ni Jesus ay binubuo ng “mga tao at ang Kanyang mga alagad” (b. 34, idinagdag ang pagdidiin). Kaya malinaw na “ang mga tao” ay hindi binubuo ng Kanyang mga alagad. Katunayan, sila ay “pinalapit” Niya upang dinggin ang kanyang sasabihin. Nais ni Jesus na maintindihan ng lahat, tagasunod at naghahanap, ang katotohanang ipangangaral Niya. Pansinin din na nag-umpisa siya sa pagsasabing, “Ang sinumang” (b. 34, idinagdag ang pagdidiin). Ang salita Niya ay patungkol sa sinuman at sa lahat.
Habang patuloy tayong nagbabasa, lalong lumilinaw kung sino ay tinutukoy ni Jesus. Tiyak, ang Kanyang mga salita ay para sa lahat ng taong nagnanais (1) “sumunod” sa Kanya, (2) “magligtas ng kanyang buhay,” (3) hindi “mawawalan nito,” at (4) magiging isa sa mga hindi Niya ikahihiya kapag “darating Siya sa luwalhati ng Kanyang Ama kasama ng mga banal na anghel.” Lahat ng apat na pahayag ay nagpapakitang inilalarawan ni Jesus ang mga taong nagnanais maligtas. Iisipin ba natin na may taong nakatalagang pumunta sa langit na hindi “sumunod” kay Jesus at “maglitas ng kanyang sarili”? Iisipin ba natin na may mga tunay na mananampalatayang “magpapahamak ng kanilang sarili,” na nahihiya kay Jesus at ng Kanyang mga salita, at ikakahiya ni Jesus sa Kanyang pagbalik? Malinaw na ang binabanggit ni Jesus ay ang pagkamit ng kaligtasang walang-hanggan sa kasulatang ito ng Biblia. Pansinin ang paggamit ng mga salita “ang sinumang” at “sapagka’t” sa siping ito.
[11]
Bawa’t sumusunod ng pangungusap, samakatuwid, ay naglilinaw at nagpapalawig sa nakaraang pangungusap. Walang panungusap sa siping ito ang maaaring ipakahulugang hindi naliliwanagan ng iba pang kasama nito. Tingnan natin ang mga sinabi ni Jesus sa puntong ito.
Pangungusap #1 (Sentence #1)
Ang sinumang nagnanais sumunod sa Akin ay kinakailang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa Akin. (Mc. 8:34).
Muli, pansinin na ang sinasabi ni Jesus ay tumutukoy sa sinumang nagnanais sumunod sa Kanya, ang sinumang nagnanais maging tagasunod Niya. Ito lang ang ugnayang unang inihahandog ni Jesus—ang maging tagasunod Niya.
Marami ang nagnanais maging kaibigan Niya na hindi Niya tagasunod, nguni’t walang opsyon na ganyan. Hindi ipinalagay ni Jesus ang sinuman bilang kaibigan Niya hanggang hindi nila Siya sinunod. Minsan ay sinabi Niya, “Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos” (John 15:14).
Marami ang gustong maging kapatid Niya na hindi Niya tagasunod, nguni’t, muli, hindi inialok ni Jesus ang opsyong iyan. Hindi Niya ipinapalagay ang sinuman na Kanyang kapatid hanggang hindi ito masunurin: “Sapagka’t sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid” (Mt. 12:50, idinagdag ang pagdidiin).
Marami ang nagnanais sumama kay Jesus sa langit na hindi Niya tagasunod, nguni’t ipinabatid ni Jesus na hindi maaaring mangyari ito. Iyon lamang sumusunod ang patungong-langit. “Hindi lahat ng tumatawag sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit” (Mat. 7:21).
Sa pangungusap na binabanggit, ipinagbigay-alam ni Jesus sa mga nais sumunod sa Kanya na hindi nila Siya masusundan hangga’t hindi nila itinatakwil ang kanilang sarili. Dapat silang maging handang isantabi ang kanilang mga kagustuhan, at sumailalim sa Kanyang kapangyarihan. Ang pagtatakwil-sa-sarili at pagsuko ang diwa ng pagsunod kay Jesus.Ito ang ibig sabihin ng “pasanin mo ang iyong krus.”
Pangungusap #2 (Sentence #2)
Higit na nililinaw ng pangalawang pangungusap ni Jesus ang kahulugan ng Kanyang unang pangungusap:
[12]
ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; nguni’t ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito (Mc. 8:35).
Muli, pansining ang pangungusap ay nagsisimula sa “Dahil,” na umuugnay sa unang pangungusap, na nagdaragdag ng paglilinaw. Dito pinag-iiba ni Jesus ang dalawang tao, parehong dalawang taong naipahiwatig sa unang pangungusap—iyong isang magtatakwil sa kanyang sarili at pasanin ang kanyang krus upang sundin Siya at ang isang hindi. Ngayon sila’y pinag-iiba, iyong isa na handang mawalan ng buhay para kay Cristo at sa Magandang Balita at iyong hindi. Kung titingnan natin ang ugnayan ng dalawa, mahihinuha natin na iyong isa sa unang pangungusap na ayaw magtakwil ng kanyang sarili ay umuugnay doon sa nasa pangalawang pangungusap na nagnanais magligtas ng kanyang buhay nguni’t mawawala niya.
Hindi tinutukoy ni Jesus ang pagkawala o pagkaligtas ng pisikal na buhay ng isang tao. Ang mga sumusunod na pangungusap sa kasulatang ito ang nagpapakita na ang tinutukoy ni Jesus ay walang-hanggang kawalan at tubo. Isang parehong pahayag ni Jesus na naitala sa Juan 12:25 ang nagsasabing, “Ang taong nagpapahalaga sa sarili lamang ay siyang mawawalan nito, nguni’t ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (idinagdag ang pagdidiin).
Ang tao sa unang pangungusap na ayaw magtakwil sa kanyang sarili ang siya ring tao sa pangalawang pangungusap na nagnanais magligtas ng kanyang sarili. Kaya masasabi natin na “ang pagliligtas sa sarili” ay nangangahulugang “pagliligtas ng sariling adhikain sa buhay.” Lilinaw pa ito kung titingnan natin ang kakaibang taong “nag-aaksaya ng kanyang buhay para kay Cristo at sa magandang balita.” Siya iyong nagtatakwil ng kanyang sarili, pumapasan ng kanyang krus, isinusuko ang kanyang sariling adhika, at ngayon ay nabubuhay para sa pagsusulong ng adhika ni Cristo at ikinakalat ang magandang balita. Sa huli ay siya ang “magliligtas ng kanyang buhay.” Sa huli, maligayang mapapasalangit ang taong nagnanais magbigay-lugod kay Cristo sa halip na sa kanyang sarili, samantalang ang patuloy na nagbibigay-lugod sa kanyang sarili ay magiging kaawa-awa sa impiyerno, at doon ay mawawala niya lahat ng kanyang kalayaang sundan ang sariling adhika.
Pangungusap #3 &4 (Sentences #3 & 4)
Ngayon ang pangatlo at pang-apat na pangungusap:
Sapagka’t ano ba ang mapapala ang isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, nguni’t mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? (Mc. 8:36-37).
Sa mga ito, inilalantad ang taong hindi magtatakwil sa kanyang sarili. Siya rin ang nagnanais ng kaligtasan ng kanyang buhay nguni’t sa wakas ay mawawala din niya. Ngayon itinuturing siyang isa sa mga naghahabol sa idinudulot ng mundo at sa huli ay “magsusuko ng kanyang kaluluwa.” Inilalantad ni Jesus ang kahibangan ng taong ganyan sa pamamagitan ng paghahambing sa halaga ng buong mundo sa kaluluwa ng isa. Siyempre, walang pagkakatulad. Sa teorya, makakamal ng isang tao ang lahat ng maaaring idulot ng mundo, nguni’t, kung ang kahihinatnan ng kanyang buhay ay walang-hanggang pananatili sa impiyerno, nagawa niya ang pinakagrabeng pagkakamali.
Mula dito sa pangatlo at pang-apat na pangungusap mahihinuha rin natin ang dahilan ng hindi pagtatakwil sa sarili ng mga tao upang maging tagasunod ni Cristo. Ito ang kanilang kagustuhan sa pagpapalayaw sa sarili, na idinudulot ng mundo. Itinulak mismo ng pag-ibig sa sarili, iyong mga taong tumatangging sumunod kay Cristo ay naghahanap ng makasalanang kasiyahan, na tinatalikuran ng mga tunay na tagasunod ni Cristo dahil sa pagmamahal nila sa Kanya. Iyong mga naghahangad na makamtan ang lahat ng idinudulot ng mundo ay naghahabol ng kayamanan, kapangyarihan at katanyagan, samantalang ang mga tunay na tagasunod ni Cristo ay likas na naghahanap ng Kanyang kaharian at ang Kanyang kabanalan. Anumang kayamanan, kapangyarihan o katanyagang napapasa-kanila ay itinuturing na paglilingkod mula sa Diyos upang mabiyayaang gamitin para sa Kanyang kaluwalhatian.
Pangungusap #5 (Sentence #5)
Sa wakas, dadako tayo sa ikalimang pangungusap sa kasulatang ating tinutuunan. Pansinin muli kung paano ito idinugtong sa mga iba sa pamamagitan ng unang salitang, kapag:
Kapag ikinahihiya ninyo Ako at ang Aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito Niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng Kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel (Mc. 8:38).
Ito uli iyong taong hindi magtatakwil ng kanyang sarili, kundi nagnanais sundin ang sarili niyang kagustuhan, hinahabol ang idinudulot ng mundo, at sa wakas ay nawala niya ang kanyang buhay at isinuko ang kaluluwa. Ngayon itinuturing siyang isang nahihiya kay Cristo at Kanyang mga salita. Ang kanyang hiya, siyempre, ay nag-uugat sa kanyang kawalang-pananampalataya. Kung tunay siyang nanampalatayang si Jesus ay anak ng Diyos, hindi sana siya nahihiya sa Kanya ni sa Kanyang mga salita. Nguni’t siya ay kasapi ng isang “nakikiapid at makasalanang henerasyon,” at mahihiya si Jesus para sa kanya sa Kanyang pagbabalik. Maliwanag, hindi inilalarawan ni Jesus ang isang ligtas na tao.
Paano lalagumin ang lahat nang ito? Ang kabuuan ng kasulatan ay hindi lubhang maituturing bilang tawag sa isang higit na nakapangakong buhay patungkol sa mga patungo na sa langit. Maliwanag ito na isang pagpapakita sa daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng paghahambing sa mga tunay na naligtas at mga di-ligtas. Ang mga tunay na ligtas ay nananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo at pagdaka itinatakwil ang kanilang sarili para sa Kanya, samantalang ang mga di-ligtas ay hindi nagpapamalas ng ganitong masunuring pananampalataya.
Isa Pang Paanyaya Upang Maglingkod (Another Call to Commitment)
Marami tayong maisasaalang-alang, nguni’t tingnan natin ang isa pang paanyaya ng Panginoong Jesus upang maglingkod na tunay na walang pinagkaiba sa paanyaya sa kaligtasan:
Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan Ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang Aking pamatok at sundin ninyo ang Aking mga itinuturo sapagka’t Ako’y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa Akin ang kapahingahan sapagka’t madaling dalhin ang Aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay Ko sa inyo (Mt. 11:28-30).
Karaniwang ginagamit ng mga Ebangheliko ang salitang ito ng Kasulatan sa kanilang Ebanghelikong paanyaya, at may dahilan ito. Ang mga wikaing ito ay malinaw na paanyaya sa kaligtasan. Dito idinudulot ni Jesus ang pahinga sa mga “pagal at nabibigatan.” Hindi Niya idinudulog ang pisikal na pahinga sa mga may pisikal na kapaguran, kundi pahinga para sa kanilang kaluluwa, gaya ng Kanyang sinabi. Napapabigat ang mga di-ligtas na tao ng budhi, takot at kasalanan, at kapag napagod na sila dito, ay nagiging mahusay na kandidato para sa kaligtasan. Kung nais tanggapin ng naturang mga tao ang pahingang idinudulog ni Jesus, kailangan nilang gawin ang dalawang bagay ayon sa Kanya. Kailangan nilang (1) lumapit sa Kanya at (2) tatanggapin nila sa kanilang sarili ang Kanyang pamatok.
Kadalasang binabaluktot ng mga nagkukunwaring guro ng biyaya ang malinaw na kahulugan ng kasabihang “tinatanggap ang pamatok ni Jesus.” Ang ilan ay totoong naghahayag na tinutukoy ni Jesus ang isang pamatok na nakakabit sa Kanyang sariling leeg, kaya tinatawag Niya itong “Pamatok Ko.” At maaaring tinutukoy ni Jesus ang isang anila’y dobleng-pamatok, na ang kalahati’y nakakabit sa Kanyang leeg at ang isa pang kalahati’y walang kinatatalian, naghihintay sa atin upang ikabit ito sa ating mga leeg. Nguni’t dapat nating maintindihan, na ipinangangako ni Jesus na gawin lahat ang paghila ng araro dahil sinabi Niya na ang Kanyang pamatok ay madali at magaan ang Kanyang pasanin. Kaya ang tanging gawain natin, ayon sa nabanggit na guro, ay tiyaking nakatali tayo kay Jesus sa pananampalataya, hinahayaang gawin Niya ang lahat ng gawain para sa ating kaligtasan, samantalang tinatamasa lang natin ang mga biyayang ipinagkakaloob sa pamamagitan ng Kanyang pagpapala! Malinaw na ang pagpapakahulugang iyan ay lubhang pilít.
Hindi, nang sabihin ni Jesus na tanggapin ng mga pagal na tao ang Kanyang pamatok, ang ibig Niyang sabihin ay sumuko sila sa Kanya, gawin Siyang Panginoon, at hayaan Siyang mamahala sa kanilang buhay. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus na tanggapin natin and Kanyang pamatok at matuto tungkol sa Kanya. Ang mga taong di-ligtas ay parang bakang ligaw, humahayong walang patutunguhan at pinamamahalaan ang sariling buhay. Kapag tinatanggap nila ang pamatok ni Jesus, isinusuko nila sa Kanya ang kapangyarihan. At kaya madaling dalhin ang pamatok ni Jesus at magaan ang Kanyang pasanin ay dahil binibigyang-kapangyarihan Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang Espiritung nananahan sa atin upang Siya ay ating sundin.
Kaya muli nating makikitang tinawag ni Jesus ang mga tao sa kaligtasan, sa pagkakataong ito sinasagisag bilang pahinga sa mga napapagal, sa pamamagitan ng pagtawag sa mga tao upang sumuko sa Kanya at gawin nila Siyang Panginoon.
Paglalagom (Summary)
Lahat nang ito ay nagsasabing ang isang tunay na matagumpay na ministro ay siyang sumusunod sa utos ni Jesus na lumikha ng mga alagad, at nalalamang ang pagsisisi, panunungkulan at pagiging alagad ay hindi mga karapatan ng mga patungong-langit na mananampalataya; kundi, tanging tunay na pagpapahayag ng nakaliligtas na pananampalataya. Kaya, ipinangangaral ng matagumpay na ministro ang isang banal na Ebanghelyo sa mga di-ligtas. Tinatawag niya and mga di-ligtas upang magsisi at sumunod kay Jesus, at hindi niya pinangangakuan ng kaligtasan ang mga walang-pagpapasiya.
[1] Ang depinisyong ito ay nakuha mula sa nabasa na natin sa Mateo 28:18-20, Juan 8:31-32; 13:25, 15:8 at Lucas 14:25-33.
[2] Ang mga alagad ay binabanggit sa Mga Gawa 6:1, 2, 7; 9:1, 10, 19, 25, 26, 36, 38; 11:26, 29; 13:52; 14:20, 21, 22, 28; 15:10; 16:1; 18:23, 27; 19:1, 9, 30; 20:1, 30; 21:4, 16. Mga Mananampalataya ay binabanggit lamang sa Mga Gawa 5:14; 10:45 at 16:1. Sa Mga Gawa 14:21, halimbawa, isinulat ni Lucas, “At pagkatapos nilang [Pablo at Bernabe] mangaral ng Magandang Balita sa lunsod na iyan at nakahikayat ng maraming alagad…” Samakatuwid nakalikha sina Pablo at Bernabe ng mga alagad sa pangangaral ng banal na salita, at dagliang naging alagad ang mga tao sa pagbabagong-buhay, at hindi sa susunod na opsyunal na panahon.
[3]
Translator’s note: I translated this first part from the manuscript, even though in the bible being used for this work, it is not included; the reason being that the phrase introduces the whole passage. Besides, I wish to remain faithful to the original (here written).
[4]
Translator’s own enclosure of word inside the parenthesis, since it is redundant (nito means ‘this,’ which is also the ‘ito’ already used in the aforementioned phrase).
[5]
Ang siping ito mula sa Bibliya ay naglalantad din ng maling makabagong paniniwala na nagpapangako ng kaligtasan sa mga nagbagong-loob. Hindi tiniyak ni Jesus sa mga nagbagong-loob na ito na ligtas sila dahil nanalangin sila ng maikling panalangin upang tanggapin Siya o binigkas ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Kundi, hinamon niya silang alalahanin kung ang kanilang pagpapahayag ay totoo. Dapat nating tularan ang kanyang halimbawa.
[6]
Dagdag pa rito, taliwas sa mga naniniwalang nailigtas tayo ng pananampalataya kahit na wala tayong mga gawa, sinasabi ni Santiago na hindi tayo maaaring mailigtas ng isang nag-iisang pananampalataya: “Nakikita mo na ang tao ay pinangangatuwiranan ng mga gawa, at hindi ng pananampalataya lamang.” Ang tunay na pananampalataya ay hindi kailanman nag-iisa; lagi itong sinasamahan ng mga gawa.
[7]
Makakatulong na alalahaning ang dahilan ni Pedro sa palagiang pagpapatibay na ang kaligtasan ay sa pagpapala at hindi mga gawa ay dahil lagi niyang inaaway ang mga tunay na mambabatas noong kapanahunan niya. Hindi iniwawasto ni Pablo ang mga taong nagtuturo na ang kabanalan ay kailangan para sa langit, dahil siya mismo ay naniwala at nagpapatibay sa katotohanang ito. Kundi, isinulat niya ang pagwasto sa mga Judeo na, sa kawalang ng pagpapalagay sa pagpapala ng Diyos sa kaligtasan, ay walang nakitang dahilan upang mamatay si Jesus. Marami ang hindi naniwalang maliligtas ang mga Hentil dahil wala silang palagay sa kapangyarihan ng pagpapala ng Diyos upang magligtas. Ipinalalagay ng iba na ang pagtutuli, lahi, o pagsunod sa Batas (na hindi naman nila ginawa) ang paraan ng kaligtasan, na nagpapawalang-bisa sa pagpapala ng Diyos at ang pangangailangang mamatay si Jesus.
[8]
Gayundin, ipinagtapat ng Diyos kay Pedro na maililigtas ang mga Hentil sa pamamagitan lamang ng paniniwala kay Jesus, at inihayag ni Pedro sa mga kasambahay ni Cornelio “Talagang naiintindihan ko na ngayon na walang kinikilingan ang Diyos, kundi sa lahat ng bansa, ang taong may takot sa Kanya at gumawa ng tama, ay tatanggapin Niya” ( Gw. 10:34b-35,idinagdag ang pagdidiin). Inihayag din ni Pedro sa Mga Gawa 5:32 na ibinigay ng Diyos ang Banal na Espiritu “sa mga sumusunod sa Kanya”. Lahat ng tunay na Cristiano ay pinananahanan ng Banal na Espiritu (tingnan ang Ro. 8:9; Gal. 4:6).
[9]
Translator’s note: In the Tagalog translation being used for the passages, this text is found in Acts 2:20b , so the ellipses were used to denote the omitted first part; this was also reflected in text credit inside the parenthesis.
[10]
Translator’s note: this line is translated from the text, because it is not contained in the bible passage of the translation being used.
[11]
Translator’s note: Instead of translating the original sentence that states 4 of the 5-sentence passage contains the word “for”, the translated text emphasizes the importance of repeating certain words, in this case “ang sinumang” and mentioning “for” only once; because in the Tagalog Bible being used, the word is used not 4 times, but once. The idea is not lost, however.
[12]
Translator’s note: this word is not present in the bible translation being used, but it is included here because 1)it is present in this passage; and 2)it is central and essential to the meaning of the text.