Pagpapatuloy Nang Maayos

Kabanata 3

 

Sa loob ng maraming taon at sa maraming paraan, lingid sa aking kaalaman ay sinundan ko ang mga gawaing sumalungat sa adhikang nais ng Diyos na aking sundin, ang adhikang lumikha ng alagad. Nguni’t unti-unti, magiliw na binuksan ang aking mata ng Espiritu Santo upang makita ko ang aking pagkakamali. Ito ang isang bagay na natutuhan ko: Dapat kong usisain ang lahat ng naituro sa akin at pinaniwalaan ko tungkol sa Salita ng Diyos. Ang ating kaugalian, higit sa ano pa man, ang bumubulag sa atin upang hindi makita ang sinabi ng Diyos. Ang higit na masama, ipinagmamalaki natin ang ating kaugalian, at nakatitiyak na nabibilang tayo sa elitistang grupong nakaaalam ng higit na maraming katotohanan kaysa ibang Cristiano. Gaya ng naunang sinabi ng isang guro, “May 32,000 denominasyon sa mundo ngayon. Hindi ba kayo mapalad na nabibilang sa totoong denominasyon?”

Bilang resulta ng ating pagmamalaki, tinitiis tayo ng Diyos, dahil tinitiis Niya ang mga mapagmalaki. Kung nais nating umunlad at maging ganap na handang humarap kay Jesus, dapat tayong magpakumbaba. Sa mga mapagkumbaba, ibinibigay ng Diyos ang pagpapala.

Isinasaalang-alang ang Papel ng Pastor (The Role of the Pastor Considered)

Ang adhika ng ministro na lumikha ng mga alagad ang dapat humubog ng lahat ng ginagawa niya sa ministeryo. Kailangan niyang patuloy na tanungin ang kanyang sarili, “Paano nakakatulong ang ginagawa ko sa proseso ng paglikha ng mga alagad na susunod sa lahat ng utos ni Jesus?” Ang payak na panubok na tanong na iyan, kapag tapat na tinatanong, ang mag-aalis ng maraming ginagawa sa ilalim ng gawaing Cristiano.

Tunghayan natin ang ministeryo ng pastor/namumuno/tagapangasiwa,

[1]

isang taong ang kanyang ministeryo ay nagtatalaga sa kanya sa isang ispesipikolng lokal na iglesia. Kung ang taong iyon ay lilikha ng mga alagad na susunod sa lahat ng utos ni Jesus, ano ang isa sa kanyang pangunahing tungkulin? Ang pagtuturo ay likas na napapasaisip. Sinabi ni Jesus na ang mga alagad ay nagagawa sa pamamagitan ng pagtuturo (tingnan ang Mt. 28:19-20). Isang kailangan upang maging namumuno/pastor/tagapangasiwa ay “may kakayahang magturo” (1 Tim. 3:2). Iyong mga “masigasig sa pangangaral at pagtuturo” ay “karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran” (1 Tim. 5:17).

Kaya, dapat tayahin ng isang pastor ang bawa’t sermon sa pagtanong sa kanyang sarili, “Paano makatutulong ang sermong ito sa paglikha ng alagad?”

Subali’t natutupad ba ang tungkulin ng isang pastor, sa pamamagitan lamang ng kanyang sermon bawa’t Linggo o gitna ng linggo? Kung iyan ang kanyang palagay, nakakaligtaan niya ang katotohanang sinasabi ng Ebanghelyo na ang kanyang tungkuling pagtuturo ay natutupad, unang-una, sa buhay na kanyang tinatahak at ang halimbawang kanyang ibinibigay. Ang halimbawang itinuturo ng kanyang araw-araw na pamumuhay ay nasususugan lamang ng kanyang ministeryong pagtuturo ng madla. Kaya ang mga pangangailangan sa mga namumuno/pastor/tagapangasiwa ay tungkol sa kanilang pagkatao at istilo ng pamumuhay higit pa sa kanilang berbal na kasanayang pang-komunikasyon. Sa labinlimang hinihingi sa tagapangasiwa na nakatala sa 1Timoteo 3:1-7, labing-apat ay kaugnay sa pagkatao at isa lamang sa kakayahang magturo. Sa labingwalong hinihingi sa namumuno sa Tito1:5-9, labimpito ang kaugnay sa pagkatao at isa lamang sa kakayahang magturo. Unang ipinaalala ni Pablo kay Timoteo, “Sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya”

[2]

(1 Tim. 4:12, idinagdag ang pagdidiin). At saka sinabi niya, “Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo” (1 Tim. 4:13). Kaya ang pagkatao ni Timoteo ay unang nabanggit bago ang ministeryo ng pagtuturo sa madla, upang idiin ang higit na kahalagahan nito. Pareho rin ang isinulat ni Pedro:

Sa mga matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesia na tulad ninyo. Saksi ako sa mga paghihirap ni Cristo at makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Nakikiusap ako sa inyo, alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Alagaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa nila kayo (1 Ped. 5:1-3, idinagdag ang pagdidiin).

Sino ang nagbibigay-inspirasyon sa atin upang magtakwil ng sarili at sumunod kay Cristo? Sila ba iyong ang mga sermon ay hinahangaan natin o iyong hinahangaan natin ang buhay? Mga hindi-tapat, malalambot na pastor ay hindi nakapagbibigay-inspirasyon kaninuman upang pasanin nila ang kanilang krus. Kung ang mga ganitong pastor ay magbigay ng paminsan-minsang mensahe ng pagsunod kay Cristo, kailangan nilang mangaral sa masaklaw at malabong pahayag, kung hindi, uusisain ng mga tagapakinig ang kanilang katapatan. Karamihan sa dakilang pinunong Cristiano sa nakaraan ay naaalala hindi dahil sa kanilang sermon kundi sa kanilang pagpapakasakit. Binibigyan tayo ng inspirasyon ng kanilang halimbawa kahit matagal na silang nawala.

Kapag ang isang pastor ay hindi nakapagbibigay-halimbawa bilang tunay na alagad ni Jesu-Cristo, nagsasayang siya ng panahon sa pagsesermon. Pastor, nangungusap nang sampung beses na higit na malakas ang iyong halimbawa. Binibigyan mo ba ng inspirasyon ang mga tao upang itakwil ang kanilang sarili at sundin si Cristo sa pamamagitan ng iyong pagtatakwil sa sarili at pagsunod kay Cristo? Nguni’t paanong ang isang pastor, sa pamamagitan ng halimbawa ng kanyang istilo ng pamumuhay, ay makapagturo sa mga taong nakakikilala lamang sa kanya bilang mananalumpati tuwing Linggo ng umaga? Ang pinakamalapit na pagkakilala nila sa kanyang pamumuhay ay isang limang-segundong pagkakamay habang papalabas sila sa iglesia. Marahil ay mayroong hindi tama sa makabagong modelong pastoral.

Ang Lingguhang Sermon sa Linggo ng Umaga (The Weekly Sunday Morning Sermon)

Gumagawa ng isa pang maling palagay ang isang pastor kung iniisip niyang ang kanyang pangunahing tungkuling pagtuturo ay ang pagbibigay ng linggu-linggong pangmadlang pagtuturo. Ang ministeryo ng pagtuturo ni Jesus’ ay binubuo hindi lamang ng kanyang pangmadlang sermon (at kadalasan, maiikli ang mga ito), kundi mga pribadong pag-uusap rin na itinatakda ng Kanyang mga mapang-usisang mga alagad. Dagdag pa rito, hindi limitado ang mga pag-uusap sa kalahati o isang oras, isang araw sa isang linggo sa iglesia, kundi sa mga pampang, sa mga tahanan, sa paglalakad sa maalikabok na kalsada, dahil ang pamumuhay ni Jesus ay lantad sa Kanyang mga alagad. Ang parehong modelo ng pagtuturo ay sinunod ng mga apostol. Pagkatapos ng Pentecostes, nagturo ang labindalawa “sa Templo at sa mga bahay-bahay” (Gw. 5:42, idinagdag ang pagdidiin). Nagkaroon sila ng araw-araw na ugnayan ng mga komunidad ng mananampalataya. Nagturo din si Pablo, “maging sa harapan ng madla o sa bahay-bahay man” (Gw. 20:20, idinagdag ang pagdidiin).

Sa puntong ito, kung isa kang pastor, marahil ay ihinahambing mo ang iyong ministeryo ng pagtuturo sa pagtuturo ni Jesus at mga unang apostol. Marahil nag-uumpisa ka na ring mag-isip kung ang iyong mga ginawa ay ang kagustuhan ng Diyos na gawin mo, o ginagawa mo lang ba ang higit sa itinuro ng sandaang mga tradisyong iglesia? Kung ikaw ay napag-iisip, maganda iyan. Napakaganda niyan. Iyan ang unang hakbang sa tamang landas.

Marahil ay nakaisip ka pa nang higit na malalim. Marahil ay sinabi mo sa iyong sarili, “Saan ko huhugutin ang panahon na hinihingi ng ganitong ministeryo, ang pagtuturo ng mga tao sa bahay-bahay, o isinasama sila sa aking pang-araw-araw na pamumuhay upang ma-impluwensiyahan ko sila sa aking halimbawa?” Iyan ay kagiliw-giliw na tanong, dahil tuturuan kang lalong mag-isip kung mayroon pa bang higit na mali sa papel ng modernong pastor.

Marahil naisip mo, “Hindi ako sigurado kung gugustuhin kong mamuhay nang lubhang malapit sa mga tao sa aking iglesia. Sa Bible school ay naturuan akong hindi dapat maging lubhang malapit ang pastor sa kanyang kongregasyon. Dapat ay panatilihin niya ang kanyang distansiya upang maging propesyunal sila at igalang siya.”

Ibinubunyag ng ganitong pag-iisip na mayroon ngang lubhang mali sa mga nangyayari sa modernong iglesia. Katabi noon ni Jesus ang alagad na minamahal niya , …humilig ang alagad na ito sa dibdib ni Jesus (tingnan ang Jn.13:23-25). Talagang namuhay silang magkakasama sa maraming taon. Walang sinabi iyang kailangang magkaroon ng prupesyunal na distansiya sa mga alagad upang magtagumpay sa paglilingkod sa kanila!

Mga Metodo, Makaluma at Makabago (Methods, Ancient and Modern)

Kung ang adhika ay sundin si Jesus at lumikha ng mga alagad, hindi ba’t karunungan iyang sundin ang Kanyang mga metodo sa paglikha ng mga alagad? Umubra ang mga iyon sa Kanya. Umubra rin sa mga apostol na sumunod sa Kanya.

At gaano kagaling ang mga makabagong metodo sa paglikha ng alagad na sumusunod sa lahat ng utos ni Cristo? Nang palagiang ipinakita, halimbawa, ng mga pag-aaral sa mga Cristianong Amerikano na walang pagkakaiba sa istilo ng pamumuhay ng karamihang nagsasabing sila’y Cristiano kumpara sa mga di-Cristiano, marahil ay panahon na upang magtanong at suriing-muli ang Ebanghelyo.

Ito ang isang tanong na nagbubunyag na maaari nating itanong sa ating sarili: Paano lubhang nagtagumpay ang unang iglesia sa paglikha ng mga alagad nang walang mga iglesia, ministrong nakapag-aral, mikropono at tape duplicator, kurikulum ng Sunday School at ministeryo ng kabataan, istasyon ng radyo para sa mga Cristiano at istasyon ng telebisyon, daang-libong librong Cristiano at kahit pag-aaring personal na mga Biblia? Hindi nila kinailangan ang alinman sa mga iyon upang lumikha ng mga alagad, at ni hindi rin kinailangan ni Jesus. At dahil wala sa mga iyon ay mahalaga noon, wala rin sa kanila ang mahalaga ngayon. Maaari silang makatulong, nguni’t wala sa kanila ang mahalaga. Sa katunayan, marami sa mga iyon ay makakapigil at totoong pumipigil sa atin sa paglikha ng mga alagad. Narito ang dalawang halimbawa.

Una nating tunghayan ang makabagong pangangailangan ng pagkakaroon lamang ng pastor sa iglesia na nagsanay sa Bible School o seminaryo. Hindi kinikilala ni Pablo ang konseptong ito. Sa ibang lunsod, pagkatatag niya ng mga iglesia, humayo siya nang ilang linggo o buwan, at bumalik upang magtalaga ng mga pinuno o namumuno upang mangasiwa sa mga ito (tingnan, halimbawa, ang Gw.13:14-14:23). Ibig sabihin na ang mga iglesiang iyon, wala sa pamumuno ni Pablo, ay walang pormal na pamumuno nang ilang linggo o ilang buwan, at karamihan sa mga namumuno ay lubhang bagong mananampalataya nang sila ay naitalaga. Ni hindi sila nakatuntong sa dalawa-o tatlong-taong pormal na pag-aaral upang ihanda sila sa kanilang gawain.

Kaya, itinuturo ng Biblia na ang mga pastor/namumuno/nangangasiwa ay hindi nangangailangan ng dalawa o tatlong taon ng pormal na edukasyon upang maging epektibo sa kanilang ministeryo. Walang sinuman ang magaling na makapagpapasubali sa katotohanang ito. Subali’t ang modernong pangangailangan ay laging nagpapadala ng mensahe sa bawa’t mananampalataya: “Kung gusto mong maging pinuno sa iglesia, kailangan mo ng ilang taon ng pormal na pag-aaral.”

[3]

Pinababagal nito ang proseso ng paglikha ng mga pinuno, kaya napababagal ang paglikha ng mga alagad, kaya napababagal ang paglago ng iglesia. Gaano kaya kagaling ang mga kompanyang Amerikanong Avon at Amway sa pagtigmak sa kanilang merkado kung hiningi nilang kailangang lahat ng tagatinda ay maglipat ng kanilang pamilya sa ibang lunsod upang magkaroon ng tatlong taong pormal na treyning bago sila pakawalan upang magtinda ng sabon o pabango?

“Nguni’t ang pagpa-pastor ay napakahirap at kumplikadong gawain!” “Sinasabi ng Biblia na hindi natin dapat ilagay ang isang bagong mananampalataya upang mangasiwa” (tingnan ang 1 Tim. 3:6).

Una, liliwanagin natin ang ibig sabihin ng bagong mananampalataya, at malinaw na ang konsepto ni Pablo ay iba sa ating konsepto, dahil itinalaga niya sa tungkulin ang namumuno/pastor/tagapangasiwa na ilang buwan pa lamang na mananampalataya.

Pangalawa, isang dahilan ng kahirapan ng modernong pagpa-pastor ay dahil ang buong sistema ng istruktura ng iglesia at ministeryo ay lubhang lumayo sa modelong biblikal. Ginawa natin itong lubhang kumplikado na totoong ilan lamang ang may lubos na kakayahang makagawa ng hinihinging pangangailangan. “Nguni’t huwag naman sanang ang isang iglesia ay pangasiwaan ng isang di-nakapag-aral sa Bible School o seminary!” ang sabi ng ilan. “Iyang nangangasiwang walang treyning ay maaaring magdala sa kanyang kawan sa maling pagkatuto.”

Malinaw na hindi iyan ang mahalaga kay Pablo. Ang totoo niyan, mayroon tayong ministrong hindi naniniwala sa birheng kapanganakan, umaayon sa homosekswalidad, na nagtuturong nais ng Diyos na lahat ay magkaroon ng magarang sasakyan, na nag-aangking itinalaga ng Diyos ang ilang tao upang mahatulan, o walang-pakundangang nagsasabi na makakapunta sa langit ang isang tao kahit hindi sumusunod kay Cristo. Ang modernong Bible School o seminaryo ay kadalasang nagdudulog ng pagpapalaganap ng huwad na doktrina, at ang ministrong propesyunal ay higit pang nagpalaganap dito.

Ang mga “madla” ng iglesia ay takot humamon sa kanila, dahil nakatuntong sa seminaryo ang mga propesyunal at makapagsasabi ng higit pang maraming “pruwebang teksto.” Dagdag pa rito, ang mga ministrong iyon ay nagtakda at naghati ng kanilang mga iglesia sa hanay ng katawan ni Cristo sa pamamagitan ng kanilang naiibang doktrina, hanggang sa pagpapatalastas ng mga kaibhang ihinahayag ng mga patalastas sa harap ng kanilang mga iglesia, na nagbibigay ng mensahe sa mundo: “Hindi kami kagaya ng mga ibang Cristianong iyon.” Upang magdagdag pa ng higit na pasakit, pinapangalanan nila ang sinumang sumasalungat sa hindi-mahahamon at nakasisirang mga doktrina bilang “mapanghati.” Ang Inquisisyon ay umiiral pa rin, pinangungunahan ng mga taong nagtataglay ng diploma. Ito ba ang halimbawang gustong hingin ni Jesus sa mga tagalikha sana ng alagad na nakikilala sa mundo dahil sa kanilang pag-ibig sa bawa’t isa?

Pinipili na ng mga Cristiano ang mga iglesia batay sa partikular na doktrina, at ang pagkakaroon ng tamang teolohiya ang naging pinakamahalagang bagay sa halip na ang pagkakaroon ng tamang istilo ng pamumuhay, dahil lamang sa pagsasantabi ng biblikal na modelo.

Isang Alternatibong Biblikal (A Biblical Alternative)

Iminumungkahi ko ang pagkuha ng tatlong-buwang gulang na mananampalataya at bigyan sila ng kaalaman sa iglesia (ang mismong ginawa ni Pablo)? Oo, nguni’t kung maaangkin lamang ng mga mananampalatayang iyon ang mga pangangailangan para sa mga namumuno/tagapangasiwa, at kung mabibigyan sila ng kaalaman sa iglesia na susunod sa isang modelong biblikal. Ibig sabihin, ang mga iglesiang iyon ay mga pagtitipong bagong-tatag na napasailalim sa isang ganap na ministrong tagapagtatag, gaya ng isang apostol, na makapagbibigay ng nasabing kaalaman.

[4]

Nang sa gayon, mga namumunong bagong-talaga ay hindi napapabayaan.

Pangalawa, ang mga kongregasyon ay maliit lamang upang magtipon sa mga tahanan, gaya ng ginawa sa mga naunang iglesia.

[5]

Nang sa gayon ay madaling pangasiwaan ang mga iglesia. Iyan marahil ang dahilan kung bakit isa sa mga hinihingi sa namumuno/tagapangasiwa ay matagumpay na pamahalaan ang sarili nilang pamilya (tingnan ang 1Tim. 3:4-5). Ang pamamahala sa isang maliit na “pamilya ng pananampalataya” ay hindi higit na mapanghamon kaysa mamahala sa isang pamilya.

Pangatlo, kailangang buuin ang kongregasyon ng mga taong tumugon sa pagsisisi sa isang Ebanghelyong biblikal, kaya tunay silang alagad ng Panginoong Jesus Cristo. Inaalis niyan ang lahat ng hamon na mag-uugat sa pag-pastor sa mga tupang sa katunayan ay kambing.

At pang-apat, ang mga pastor/namumuno/tagapangasiwa ay dapat sumunod sa kanilang biblikal na papel sa halip na papel-kultural. Ibig sabihin, hindi nila dapat panghawakan ang panggitna, pinakamahalaga, at lantad na posisyon na gaya ng nangyayari sa karamihang mga iglesia.

[6]

Sa halip, sila ay isang bahagi ng kabuuan, mapagkumbabang tagasilbi na nagtuturo sa pamamagitan ng gawa at prinsipyo, na may adhikang lumikha ng mga alagad, at hindi sa pagiging mananalita tuwing Linggo, kundi sumusunod sa mga metodo ni Jesus. Kapag nasunod ang padron na iyan, ang ilang mananampalatayang tatlong-buwang gulang ay maaaring mamahala ng mga iglesia.

Mga Gusaling iglesia (Church Buildings)

Paano ang mga gusaling iglesia? Sila ay isa pang modernong “kahalagahan” na hindi kinailangan ng sinaunang iglesia. Nakatutulong ba sila sa proseso ng paglikha ng alagad?

Noong ako ay pastor, kadalasang ang pakiramdam ko ay isang tagatinda ng lupa, bangkero, kontraktor, at propesyunal na tagalikom ng pondo. Nangarap ako ng mga gusali, naghanap ng mga gusali, nag-ayos ng mga lumang gusali, nangupa ng mga gusali, nagtayo ng mga bagong gusali at inayos sila nang nagpadala ang Diyos ng ulan sa kanilang mga awang. Kumokonsumo ng maraming panahon at lakas ang mga gusali. Ang dahilan ng marami kong gawain tungkol sa mga gusali ay ang aking palagay, gaya ng karamihang pastor, na hindi kailanman magtatagumpay kung walang gusali, isang lugar para magtipon ang isang iglesia.

Kumokonsumo rin ang mga gusali ng salapi, maraming salapi. (Sa Estados Unidos, ang ilang kongregasyon ay gumagasta ng milyun-milyong dolyar para sa kanilang gusali ng iglesia.) Nang matupad ang aking mga pangarap na magkaroon ng mga gusali, lagi kong pinangarap ang araw na mabayaran ang mga pagkakasangla ng aking mga gusali, upang magamit ang lahat ng salapi para sa ministeryo. Minsan ay naisip ko, habang nangangaral ako sa aking kongregasyon tungkol sa mabuting pamamahala at pag-alpas sa utang, na kaming lahat ay inilagay ko sa pagkakautang! (Talagang nagtuturo ako sa pamamagitan ng halimbawa.)

Karamihan sa mga gusali ng iglesia ay ginagamit nang dalawang oras minsan o dalawang beses isang linggo. Anong iba pang grupo sa buong mundo ang nagpapatayo ng mga gusali upang gamitin lamang sandali? (Sagot: ang mga kulto at huwad na relihiyon lamang).

Iyang sumisipsip-ng-salaping giwang ay pinanggagalingan ng maraming problema. Ang isang pastor na may gusali ay laging nangangailangan ng pagdaloy ng salapi, at nakakaapekto iyan sa kanyang ginagawa. Natutukso siyang pagbigyan ang mga mayayaman (na kadalasang nagbibigay nang walang pagtitiis), ikompromiso ang anumang pagtuturo na maaaring makasakit ng damdamin ng iba, at baluktutin ang Ebanghelyo upang makamit ang kanyang nais. Umiikot ang kanyang mga sermon sa mga paksang hindi sasagabal sa pagdaloy ng salapi at pasiglahin ang paglago nito. Dahil diyan, paminsan-minsan ay naiisip ng mga Cristiano na ang pinakamahalagang mga aspekto ng pagiging mananampalataya ay (1) pagbayad ng ikapu (na, hindi sinasadya, ay sinabi ni Jesus na mas maliit na utos) at (2) pagpunta sa iglesia (kung saan kinokolekta ang mga ikapu tuwing Linggo). Kailanman ay hindi ito ang larawan ng paglikha ng alagad. Bagama’t maraming pastor ang nangangarap magkaroon ng mga kongregasyon na ang lahat ay gagawa lamang ng dalawang bagay na iyon. Kung ang isang pastor ay may kongregasyon kung saan kalahati lang ng mga tao ang gagawa ng dalawang bagay na iyon, makasusulat siya ng mga aklat at ibebenta niya ang kanyang mga lihim sa milyun-milyong iba pang pastor!

Ibinubunyag ng mga katotohanan ito: Walang talaan ng alinmang kongregasyon na bumibili o nagpapatayo ng gusali sa aklat ng Mga Gawa. Kadalasan, nagtitipun-tipon sila sa mga bahay-bahay.

[7]

Kailanman ay hindi nagkaroon ng koleksiyon para sa pagpapatayo ng gusali. Walang mga instruksiyon sa mga sulat para sa pagpapatayo ng gusali ng iglesia. Dagdag pa, walang sinuman ang nakaisip magpatayo ng gusali ng iglesia hanggang 300 taon na ang Cristianismo, nang ang iglesia ay nagpakasal sa mundo sa ilalim ng utos ni Constantino. Tatlong-daang taon! Isipin mo kung gaano katagal iyon! At lumago nang husto ang iglesia, kahit sa mga taon ng masidhing pagpaparusa, lahat walang gusali. Ang penomenang katulad nito ay naulit nang ilang beses sa mga dantaong sumunod. Nangyari ito sa Tsina kamakailan lamang. Marahil ay mayroong higit na isang milyong tahanang iglesia sa Tsina.

Alas Onse ng Linggo ay Oras na Pinaka-Bukod (Eleven O’Clock Sunday is the Most Segregated Hour)

Ang mga makabagong pasilidad ng iglesia na kumokopya sa modelong Amerikano ay inaasahang magkaroon, sa pinakakaunting kahilingan, sapat na bukod na silid para sa iba-ibang ministeryo sa lahat ng mga bukud-bukod na edad. Bagama’t sa sinaunang iglesia, walang natatanging nakabukod na ministeryo para sa mga lalaki, babae, at lahat ng edad ng mga bata. Nagkakaisa ang iglesia sa lahat ng bagay, hindi hiwa-hiwalay sa lahat ng aspekto. Nagbubuklod ang pamilya, at ang tungkuling espiritwal ng mga magulang ay sinususugan ng istruktura ng iglesia, sa halip na binubuwag nito na gaya ng sa ilalim ng modernong iglesia.

Nakatutulong ba ang gusali ng iglesia sa paglikha ng mga alagad o hinahadlangan niya ito? Sa kasaysayan, ang paglikha ng alagad sa mga dantaon ay nagtagumpay nang wala ang mga ito, at sa maraming dahilan.

Ang mga pagtitipon sa mga bahay-bahay, gaya ng sinaunang iglesia sa loob ng tatlong dantaon, kung saan ang magiliw na pagsasalu-salo, pag-aaral, mga awitin, at espiritwal na handog ay pinagsasaluhan nang tatlo hanggang limang oras, na idinudulot ng isang lugar para sa tunay na paglagong espiritwal ng mga mananampalataya. Nararamdaman ng mga miyembro ng katawan ni Cristo ang pagiging kasali, habang magkakaharap sila, hindi gaya ng pakiramdam ng mga kasali sa modernong iglesia—parang tagapanood sa isang teatro, nakaupo upang tumingin sa likod ng ulo ng bawa’t isa habang pinagsisikapang mapanood ang palabas sa entablado. Ang payak na kaligiran ng isang tanging kainan ay nagdudulot ng katapatan, pagkakandili at ugnayan ng tunay na kapatiran, na walang katumbas sa makabagong “kapatiran,” na kadalasan ay hihigit lamang sa mababaw na pakikipagkamay sa mga estranghero sa susunod na upuan kapag inihudyat ng pastor.

Ang mga aral ay parang mga pagtitipon ng pagtatanong at pagbibigay-kasagutan at bukas na talakayan sa magkakapantay na kapatid, sa halip na pagtuturong ibinibigay ng mga nakasuot ng kakaibang kasuotan, nagsasalita sa tinig na parang mga artista, at nakatayong nakaangat sa taas ng mga magalang (at kadalasang bagot) na tagapakinig. Ang mga pastor ay hindi “naghahanda ng lingguhang sermon.” Ang sinuman (siyempre kasama na ang mga namumuno/pastor/tagapangasiwa) ay maaaring makatanggap ng pangaral na ibinigay ng Espiritu Santo.

Kapag sumikip ang isang tahanan, hindi maiisip ng mga namumuno na kumuha ng higit na malaking gusali. Bagkus, alam ng lahat na hahatiin nila sa dalawang tahanan ang pagtitipon ng grupo, at hinihingi nila ang basbas ng Espiritu kung saan gaganapin ang pangalawang pagtitipon at kung sino ang magbibigay ng pangaral tungkol sa pangangasiwa. Sa kabutihang-palad, hindi nila kailangang mangalap ng mga lagom ng kakayahan ng mga dayuhan at tagagawa ng teorya tungkol sa paglago ng iglesia upang masuri ang kanilang mga paniniwala; mayroon nang mga nagmimithing mangangaral sa kanila, na nakapag-treyning at nakakikilala na sa mga kasapi ng kanilang susunod na maliit na kawan. Ang bagong tahanang iglesiang iyan ay nagkaroon ng pagkakataong sumuong sa isang bagong lugar upang magturo ng Ebanghelyo, at ipakita sa mga di-mananampalataya kung ano ang Cristiano—mga taong nagmamahal sa isa’t isa. Maaari nilang anyayahan ang mga di-nananampalataya sa kanilang mga pagtitipon na gaya ng paanyaya sa isang hapunan.

Ang Pinagpalang Pastor (The Blessed Pastor)

Walang pastor ng tahanang iglesia/namumuno/tagapangasiwa ang nakaramdam ng ministeryong “pagkapagod” dahil sa dami ng tungkuling-pastor, isang bagay na laganap sa modernong iglesia. (Isang pag-aaral ang nag-ulat na 1,800 na mga pastor ang nang-iiwan ng ministeryo tuwing buwan sa Estados Unidos). Maliit lamang ang aalagaan niyang kawan, at kung ang kawang iyon ay nakapagdudulot ng kanyang pangangailangang pinansiyal upang ang ministeryo ay kanyang bokasyon, talagang mayroon siyang panahon upang magdasal, magmuni-muni, mangaral ng Ebanghelyo sa mga di-nananampalataya, tumulong sa mga mahihirap, dumalaw at ipagdasal ang mga maysakit, at magkaroon ng sapat na panahon upang turuan ang mga bagong alagad upang kasama niya at magampanan nilang mabuti ang lahat ng mga bagay na iyon. Simple lamang ang pamamahala ng iglesia.

Kasama niya sa gawain ang ibang namumuno/pastor/tagapangasiwa sa kanyang rehiyon. Walang pagsisikap upang makamit “ang pinakamalaking iglesia sa lunsod” o “pinakamagaling na ministeryo ng kabataan” o ang “pinaka–nakakatuwang programang iglesia para sa mga bata.” Hindi pumupunta ang mga tao sa mga pagpupulong sa iglesia upang husgahan ang galing ng pagsamba o kung gaano kawili-wili ang pastor. Naipanganak silang muli at minamahal si Jesus at Kanyang mga tao. Gusto nilang sama-samang maghapunan at pagsaluhan ang anumang handog ng Diyos. Ang kanilang adhika ay sundin si Jesus at maghanda upang humarap sa Kanyang paghuhukom.

Tiyak na may mga problema sa tahanang iglesia, at natalakay iyon sa mga sulat. Nguni’t napakarami sa mga problemang bumabagabag sa makabagong iglesia at humahadlang sa paglikha ng mga alagad ay wala sa sinaunang iglesia, dahil ang kanilang modelo sa iglesiang lokal ay lubhang iba sa kung ano ang umiral pagkatapos ng ikatlong dantaon at mula noong panahon ng kadiliman. Muli, hayaang maibaon sa isip ang katotohanang ito: Walang mga gusaling iglesia hanggang sa umpisa ng ikaapat na dantaon. Kung nakapamuhay ka sa unang tatlong dantaon, paano naging iba sa ngayon ang iyong ministeryo? Sa paglalagom, kung gaano kalapit ang ating pagsunod sa mga biblikal na padron, higit tayong magiging epektibo sa pagganap sa adhika ng Diyos na paglikha ng mga alagad. Ang mga pinakamabigat na hadlang sa paglikha ng mga alagad sa mga iglesia ngayon ay nag-uugat sa hindi biblikal na istruktura at kagawian.

 


[1]

Mukhang lubhang malinaw na ang isang pastor (ang Griegong pangngalan ay poimain, ibig sabihin ay pastol) ay katumbas ng isang namumuno (ang Griegong pangngalang presbuteros), at katumbas rin ng tagapangasiwa (ang Griegong pangngalang episkopos, isinalin bilang bishop sa KJV). Si Pablo, halimbawa, ay nagturo sa namumunong taga-Efeso (presbuteros), na sinabi niyang ginawa ng Banal na Espiritu bilang tagapangasiwa (episkopos), upang magpastol (ang Griegong pandiwang poimaino) sa kawan ng Diyos (tingnan ang Gw. 20:28). Ginamit din Niya ang mga terminong namumuno (presbuteros) at tagapangasiwa (episkopos) na tulad ng sa Tito 1:5-7. Hinikayat din ni Pedro ang mga namumuno (presbuteros) upang magpastol (poimaino) sa mga kawan (tingnan ang 1 Ped. 5:1-2). Ang ideang ang isang obispo (ang saling KJV ng episkopos) ay higit na mataas na katungkulan sa isang pastor o namumuno, at isang nangangasiwa ng maraming simbahan ay gawa-gawa ng tao.

[2]

Translator’s note: In the translated bible being used, the sentence is presented in a different form; here, the text’s form is followed, but the essence is the same.

[3]

Ang modernong pagdidiin sa ministrong prupesyunal na nagsanay ay sintomas ng isang higit na malalim na sakit, na itinitimbang ang pagkuha ng kaalaman sa paglagong espiritwal. Ipinapalagay natin na ang taong nakakaalam ng higit ay higit na nakalalamang sa espiritwal na paglago, samantalang hindi naman ito totoo, kundi lumobo sa kayabangan sa dami ng kanyang natutuhan. Isinulat nga ni Pablo, “ang karunungan ay nagtutulak sa isang tao na maging mapagmataas” (1 Cor. 8:1). At siguradong ang taong araw-araw na nakikinig sa nakababagot na pagtuturo sa loob ng tatlong taon ay nakahandang magbigay ng lingguhang nakababagot na pagtuturo!

[4]

Sa unang sulat ni Pablo kay Timoteo at sa kanyang sulat lay Tito binabanggit niya ang pag-iwan niya sa kanila upang magtalaga ng mga namumuno/tagapangasiwa sa mga simbahan. Kaya maaaring nakapagbigay-kaalaman tungkol sa pangangasiwa sina Timoteo at Tito sa loob ng ilang panahon. Maaari silang nagtalaga ng panahon ng pagtitipon sa mga namumuno/tagapangasiwa upang alagaan sila, na gaya ng isinulat ni Pablo, “Ang mga narinig mo saakin sa harap ng maraming saksi ay ituro mo rin sa mga taong mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo naman sa iba” (2 Tim. 2:2).

[5]

Tingnan ang Gw. 2:2, 46; 5:42; 8:3; 12:12; 16:40: 20:20; Ro. 16:5: 1 Cor. 16:19; Col. 4:15; Filem. 1:2; 2 Jn. 1:10

[6]

Kapansin-pansin na ang mga sulat ni Pablo sa mga simbahan ay nakapangalan sa lahat sa iba-ibang simbahan, at hindi sa mga namumuno o tagapangasiwa. Dalawa lamang sa mga sulat ni Pablo sa mga simbahan ang bumabanggit sa mga namumuno/pastor/tagapangasiwa. Minsan isinama sila sa pagbati, idinagdag na parang ayaw niyang isipin nila na hindi sila kasali sa tatanggap (tingnan ang Filem. 1:1). Minsan pa, binabanggit ni Pablo ang mga pastor sa talaan ng miga ministro na naghahanda ng mga banal (tingnan ang Ef. 4:11-12). Lubhang kapansin-pansin din na hindi binabanggit ni Pablo ang papel ng mga namumunohabang nagbibigay siya ng tiyak na instruksiyon na akala natin ay para sa mga namumuno, gaya ng pamamahagi ng Hapunan ng Panginoon, at ang paglutas ng mga away sa pagitan ng mga Kristiyano. Lahat ng ito ay tumutumbok sa katotohanang ang mga namumuno/pastor ay hindi humawak ng pinakamahalagang papel na hinawakan nila sa karamihang mga simbahan.

[7]

Tingnan ang Gw. 2:2, 46; 5:42; 8:3; 12:12; 16:40: 20:20; Ro. 16:5: 1 Cor. 16:19; Col. 4:15; Filem. 1:2; 2 Jn 1:10