Mga Tahanang iglesia

Kabanata 4

 

Nang unang narinig ng mga tao ang mga tahanang iglesia, lagi nilang pinagkakamalang ang pagkakaiba lamang ng tahanang iglesia sa iglesiang institusyunal ay ang laki at ang abilidad upang magbigay ng “ministeryo.” Minsan ay ipinagpapalagay ng mga tao na ang tahanang iglesia ay hindi makapag-aalay ng kalidad ng ministeryo na idinudulot ng mga iglesiang may gusali. Nguni’t kung ang pakahulugan sa “ministeryo” ay iyong nakatutulong sa paglikha ng mga alagad, ginagabayan sila upang maging katulad ni Cristo at binibigyang-kakayahang magbigay-serbisyo, kung gayon ay hindi nakalalamang ang mga institusyunal na iglesia, at gaya ng sinabi ko sa nakaraang kabanata, maaaring sila pa ang nalalamangan. Tunay na ang mga tahanang iglesia ay hindi nakapagdudulot ng dami ng iba-ibang aktibidades ng iglesiang institusyunal, nguni’t maaari silang umangat sa pagbibigay ng tunay na ministeryo.

Itinatanggi ng ilang tao ang mga tahanang iglesia bilang tunay na iglesia, dahil lamang sa kawalan ng totoong gusaling iglesia. Kung namuhay ang sinuman sa mga tao sa alinmang panahon sa unang tatlong dantaon ng iglesia, maaaring itinangi nila ang bawa’t iglesia sa mundo bilang totoong iglesia. Ang totoo niyan, inihayag ni Jesus, “Sapagka’t saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan Ko, naroon akong kasama nila” (Mt. 18:20). Walang sinabi si Jesus kung saan dapat magtipon-tipon ang mga mananampalataya. At kahit na dalawa lang ang mananampalataya, ipinangako Niya na kasama Siya kung nagtitipon sila sa Kanyang pangalan. Ang ginagawa ng mga alagad ni Cristo sa mga kainan, pinagsasaluhan ang hapunan at nagpapalitan ng katotohanan, nagtuturo at pinangangaralan ang isa’t isa, ay tunay na mas malapit sa modelo ng Bagong Tipan sa pagtitipong- iglesia kaysa sa kadalasang nangyayari sa maraming gusaling iglesia sa Linggo ng umaga.

Sa nakaraang kabanata, inisa-isa ko ang ilan sa mga bentahe ng tahanang iglesia sa mga iglesiang institusyunal. Nais kong umpisahan ang kabanatang ito sa pag-iisa-isa ng ilan pang mga dahilan kung bakit tunay na balido ang modelong tahanang iglesia bilang alternatibong biblikal na maaaring maging epektibo sa pagsasagawa ng layuning paglikha ng mga alagad. Bagama’t una, nais kong ibunyag na ang aking layunin ay hindi upang batikusin ang mga iglesiang institusyunal ni ang kanilang mga pastor. Maraming-maraming makadiyos at tapat na pastor sa iglesiang institusyunal na gumagawa ng lahat ng makakaya sa loob ng kanilang istruktura upang maging kagiliw-giliw sa Panginoon. Naglilingkod ako sa libu-libong institusyunal na pastor taon-taon, at mahal ko silang tunay. Isa sila sa pinakamabubuting tao sa mundo. At dahil alam ko ang hirap ng kanilang gawain kaya nais kong mag-alay ng isang alternatibong paraan upang makatulong sa pagbawas ng kanilang lahi at making higit silang epektibo at masaya. Ang modelong tahanang iglesia ay biblikal at maaaring epektibong makatulong sa paglikha ng mga alagad at pagpapalago ng kaharian ng Diyos. Wala akong pagdududa na ang karamihan sa mga institusyunal na pastor ay higit na magiging maligaya, higit na magiging epektibo at higit na makaramdam ng kaganapan kung magsisilbi sila sa isang tahanang iglesia.

Isa akong pastor na institusyunal sa mahigit dalawampung taon at ginampanan ko ang sa pagkakaalam ko’y pinakamabuting nalalaman ko. Nguni’t pagkatapos kong gumugol ng maraming buwan sa pagbisita sa maraming iglesia sa Linggo ng umaga na naramdaman ko kung paano pumunta sa iglesia bilang “karaniwang tao.” Nabuksan ang aking mga mata, at naintindihan ko kung bakit walang gana ang maraming tao sa pagpunta sa iglesia. Gaya ng karamihan maliban sa pastor, uupo ako nang magalang at hihintayin ang pagtatapos ng service. Kapag natapos na ito, maaari akong makihalubilo sa iba bilang kasapi at hindi bilang bagot na manonood. Ang karanasang iyon ay isa sa mga nag-udyok sa akin upang umisip ng isang higit na magandang alternatibo, at nag-umpisa akong mag-reserts tungkol sa modelong tahanang iglesia.Namangha ako nang matuklasan kong mayroong milyun-milyong tahanang iglesia sa buong mundo, at napagtanto ko na tunay na may bentahe ang mga tahanang iglesia sa mga iglesiang institusyunal.

Marami sa mga pastor na nagbabasa nitong aklat ay hindi namamahala ng mga tahanang iglesia, kundi mga iglesiang institusyunal. Alam ko na marami sa isinulat ko ay mahirap tanggapin sa umpisa, dahil mukhang radikal ang mga ito. Nguni’t hinihingi ko na bigyan ang kanilang sarili ng panahon upang pagmuni-munihan ang aking sasabihin, at hindi ko inaasahan na agarang aakapin nilang lahat. Nagsulat ako para sa mga pastor, at ang nag-udyok sa akin ay pag-ibig sa kanila at sa kanilang mga iglesia.

Ang Tanging Uri ng iglesia sa Biblia (The Only Kind of Church in the Bible)

Una sa lahat, ang mga iglesiang institusyunal na nagtitipon sa mga natatanging gusali ay hindi kilala sa Bagong Tipan, samantalang ang mga tahanang iglesia ay nakaugalian sa sinaunang iglesia:

Nang mapag-isip-isip niya ito, nagpunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming nagkakatipon doon at nananalangin (Gw.12:12, idinagdag ang pagdidiin).

Sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa harapan ng madla o sa bahay-bahay [nguni’t malinaw na hindi sa gusaling iglesia] man, hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anuman ikabubuti ninyo (Gw. 20:20, idinagdag ang pagdidiin).

Ikumusta ninyo ako kina Priscila at Aquila….Ikumusta rin ninyo ako sa iglesiang nagtitipon sa kanilang baha (Ro. 16:3-5, idinagdag ang pagdidiin; tingnan din ang Roma 16:14-15 sa banggit ng dalawa pang tahanang iglesia sa Roma).

Kinukumusta kayo ng mga iglesia sa Asya. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga kapatid na nagtitipon sa kanilang bahay sa pangalan ng Panginoon (1 Cor. 16:19, idinagdag ang pagdidiin).

Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesiang nagtitipon sa kanyang bahay (Col. 4:15, idinagdag ang pagdidiin).

At para sa iglesiang nagtitipon sa inyong bahay; Kay Apia na aming kapatid na babae, at kay Arquipo na kapwa naming naglilingkod sa Panginoon (Filem. 1:2,idinagdag ang pagdidiin).

Pinagtalunan na ang tanging dahilan ng hindi pagtatayo ng sinaunang iglesia ng gusaling iglesia ay dahil sanggol pa lamang ang iglesia. Nguni’t ang pagiging sanggol ay nagpatuloy ng ilan pang dekada ng naitalang kasaysayan ng Bagong Tipan (at higit pang dalawang dantaon pagkatapos nito). Kaya kung ang pagtatayo ng mga gusaling iglesia ay isang tanda ng gulang ng iglesia, ang iglesia ng mga apostol na nabasa natin sa libro ng Mga Gawa ay hindi kailanman naging magulang.

Iminumungkahi ko na kaya wala sa mga apostol ang nagtayo ng iglesia ay dahil ito, sa totoo lang, ay ipinagpalagay na labas sa kalooban ng Diyos, dahil ni walang iniwang halimbawa o instruksiyon si Jesus. Lumikha siya ng mga alagad nang walang natatanging gusali, at sinabi Niya sa Kanyang mga alagad na lumikha ng alagad. Hindi nila nakita ang pangangailangan ng natatanging gusali. Ganyan kasimple. Nang sabihin ni Jesus sa Kanyang mga alagad na humayo sa mundo at lumikha ng mga alagad, hindi inisip ng mga alagad, “Ang gusto ni Jesus ay magtayo ng mga gusali at magsermon doon minsan isang linggo.”

Dagdag pa, ang pagtatayo ng natatanging mga gusali ay maaaring direktang pagsalungat sa utos ni Jesus na huwag mag-ipon ng kayamanan sa lupa, at magsayang mga salapi sa isang bagay na hindi kailangan, at pagnakawan ang kaharian ng Diyos ng mga kayamanang magagamit sa ministeryong nakapagpapabago ng mga tao.

Pamamahalang Biblikal (Biblical Stewardship)

Dumako tayo sa pangalawang bentahe ng mga tahanang iglesia sa institusyunal na iglesia: isinusulong ng modelong tahanang iglesia ang makadiyos na pamamahala ng yaman ng kanyang mga miyembro, na totoong napakahalagang aspekto ng pagiging alagad. Walang salapi ang nasasayang sa gusaling iglesia, pag-aari, pag-upa, pagpapaayos, pagpapalaki, pagpapa-remodel, pagpapainit o pagpapalamig sa mga ito. Samakatuwid, ang ginugol sana sa mga gusali ay magagamit upang pakainin at damitan ang mahihirap, ikalat ang Ebanghelyo, at lumikha ng mga alagad, gaya ng nangyari sa aklat ng Mga Gawa. Isipin ang kabutihang maaaring nangyari sa kaharian ng Diyos kung ang bilyun-bilyong dolyar na ginugol sa mga gusaling iglesia ay ginamit sa pagpapakalat ng Ebanghelyo at pagkalinga sa mahihirap! Napakahirap isipin.

Dagdag pa rito, ang mga tahanang iglesiang binubuo ng hindi hihigit sa dalawampung tao ay mapapamahalaan ng “pagtatayo ng tolda” (ibig sabihin, “walang bayad”) na mga namumuno/pastor/tagapangasiwa, isang tunay na posibilidad kung mayroong ilang mga namumunong mananampalataya sa isang tahanang iglesia. Ang mga iglesiang gaya nito ay hindi kailanman nangangailangan ng salapi upang gumana.

Siyempre, maaaring ipahiwatig ng Biblia na ang mga namumuno/pastor/tagapangasiwa ay dapat mabayaran sa gawaing ginagampanan, kaya ang mga gumugugol ng buong panahon sa ministeryo ay dapat tumanggap ng kabayaran (tingnan ang 1 Tim. 5:17-18). Ang sampung sumusuweldo sa isang tahanang iglesia na nagbibigay ng ikapu ay maaaring makasuporta sa isang pastor sa umiiral na standard ng kabuhayan. Ang limang nagbibigay ng ikapu ay maaaring makatulong sa isang pastor upang magugol niya ang kalahati ng kanyang panahon sa ministeryo.

Sa pagsunod sa modelong tahanang iglesia, ang salaping gugugulin sa mga gusali ay maaaring gamiting pangsuporta sa mga pastor, kaya ang mga institusyunal na pastor ay hindi dapat mag-isip na ang pagdami ng tahanang iglesia ay banta sa seguridad ng kanilang trabaho. Bagkus, maaaring magawa ng iba pang lalaki at babae ang kagustuhang itinalaga ng Diyos sa kanilang puso upang pagsilbihan Siya sa bokasyunal na ministeryo.

[1]

At iyan din ay makakatulong sa katuparan ng paglikha ng mga alagad. Mangyari pa, ang isang tahanang iglesia na may dalawampung taong sumusuweldo ay maaaring makapagbigay ng kalahati ng kanyang tinatanggap sa mga programang pagtulong sa mahihirap. At iyan din, ay makakatulong sa pagtupad ng layuning lumikha ng mga alagad.

Kung ang isang institusyunal na iglesia ay naging ilang tahanang iglesia, ang mga taong maaaring mawalan ng suwelduhang trabaho ay makapagtatrabaho bilang tagapamahalang administratibo at kasali sa mga programa at marahil ang iba ay mabibigyan ng tanging ministeryo (halimbawa, mga ministeryo ng kabataan sa malalaking iglesia) na ayaw makipagpalit sa ministeryong maliit ang batayang biblikal sa mga ministeryong malaki ang biblikal na batayan. Ang mga tahanang iglesia ay hindi nangangailangan ng ministeryo ng kabataan dahil ang mga magulang ay nabigyan ng ganyang tungkulin sa Biblia, at ang mga tao sa tahanang iglesia ay talagang nagsisikap sumunod sa Biblia sa halip na sa kaugalian ng kultural na Cristianismo. Ang mga Cristianong kabataang walang Cristianong magulang ay maaaring maisama sa mga tahanang iglesia at kalingain gaya ng sa mga iglesiang institusyunal. Pagtatakhan ba ng sinuman kung bakit walang binabanggit sa Bagong Tipan na “pastor ng kabataan” o “pastor ng mga bata” ? Ang mga naturang ministeryo ay hindi umiral sa unang 1900 taon ng Cristianismo. Bakit mahalaga na ang mga ito ngayon, lalo na sa mayayamang kanluraning bansa?

[2]

 

Bilang pangwakas, partikular sa mga higit na mahihirap na bansa, kadalasang imposibleng makaupa o magkaroon ng gusaling iglesia ang mga pastor na hindi tinutulungan ng mga kanluraning Cristiano. Maraming naidudulot na hindi maganda ang ganitong ugnayan. Subali’t ang totoo niyan ay, sa loob ng 300 taon hindi nagkaroon ng suliraning ganyan ang Cristianismo. Kung isa kang pastor sa isang umuunlad na bansa at ang iyong kongregasyon ay walang kakayahang magkaroon ng gusaling iglesia, huwang mong lubus-lubusang purihin ang bisitang Amerikano sa pag-asang makahanap ng mina. Nilutas na ng Diyos ang iyong problema. Hindi mo talaga kailangan ang isang gusaling iglesia upang matagumapay na lumikha ng mga alagad. Sundin ang modelong biblikal.

Ang Pagwawakas ng Pira-Pirasong Pamilya (The End of Fragmented Families)

Isa pang bentaheng ng tahanang iglesia ay ito: nakaaangat sila sa pagkakalinga sa mga bata at katutubo. Isa sa mga dakilang kabulaanang pinakakalat ng mga institusyunal na iglesia ngayon (lalo na ng malalaki sa Estados Unidos) ay idinudulot nila ang magagaling na ministeryo sa mga bata at katutubo. Subali’t itinatago nila ang katotohanang karamihan sa mga batang nakararanas na masasayang ministeryo ay hindi na bumabalik “pag-alis nila sa pugad.” (Magtanong sa sinumang pastor ng kabataan para sa mga estadistika—alam niya ito.)

Bilang karagdagan, ang mga iglesiang may pastor ng kabataan at pastor ng mga bata ay laging nagpapalawig ng kabulaanang nabanggit sa mga magulang na maaaring sila ay walang kakayahan o hindi responsable para sa treyning espiritwal ng kanilang mga anak. Muli, “Kami ang bahala sa treyning espiritwal ng inyong mga anak. Kami ang mga mayroong propesyunal na kakayahan.”

Ang umiiral na sistema ay nagpapalawig ng pagkabigo, dahil lumilikha ito ng siklo ng lumalaking kompromiso. Nag-uumpisa ito sa mga magulang na naghahanap ng mga iglesiang kasiya-siya sa kanilang mga anak. Kung ang kabataang si Johnny ay nagsabing nasiyahan siya sa iglesia, kinikilig ang mga magulang, dahil itinatapat nila ang kasiyahan ni Johnny sa iglesia sa interes ni Johnny sa mga bagay na espiritwal. Kadalasan ay mali sila.

Ang mga matatandang pastor na nais magtagumpay ay gustong lumago ang kanilang mga iglesia, kaya kadalasang nakakaramdam ang mga pastor ng kabataan ng pagpupumilit upang gumawa ng mga programang “ nauugnay” na sa pananaw ng mga bata ay nakasisiya (“Nauugnay” ay laging sumusunod sa “kasiyahan” at “nauugnay” ay hindi laging nangangahulugang , “Inaakay ang mga bata upang magsisi, manampalataya, at sumunod sa mg utos ni Jesus.”) Kapag naibenta ang programa sa mga bata, ang mga walang-muwang na magulang ay babalik (kasama ng kanilang salapi), at lalago ang iglesia.

Ang tagumpay ng mga grupong kabataan ay nasusukat sa bilang ng mga dumadalo. Nakikita ng mga pastor ng kabataan ang kanilang sarili na gumagawa ng lahat upang hikayatin ang kabataan, at iyan mismo ay nangangahulugang nakokompromiso ang totoong espiritwalidad. Kawawa iyang pastor ng kabataan na nakakarinig ng mga ulat na ibinubulong ng mga magulang sa mga matatandang pastor na ang kanilang mga anak ay nagrereklamo sa nakababagot at mapanghatol na mga mensahe.

Nguni’t anong pagpapala ang dulot ng mga pastor ng kabataan sa katawan ni Cristo kung nagiging pinuno sila ng tahanang iglesia. Karaniwan nang mayroon silang kakayahan sa pakikipagkapwa at mayroon silang bagong sigla at walang kakulangan sa lakas. Marami sa kanila ang pastor ng kabataan lamang dahil iyan ang kailangang unang hakbang upang makamtan nila ang mga kagila-gilalas na kakayahang manatili bilang namumunong pastor. Karamihan ay higit na may kakayahan sa pagiging pastor ng isang tahanang iglesia. Ang ginagawa nila sa mga grupo ng kabataan ay maaaring higit na malapit sa modelong biblikal ng isang iglesia higit pa sa nangyayari sa pangunahing santuaryo ng iglesia! Pareho rin ang masasabi sa mga pastor ng mga bata, na maaaring higit na malayo na ang narating kaysa sa mga matatandang pastor sa pagsisilbi sa mga tahanang iglesia, kung saan lahat, kasama na ang mga bata, ay uupo sa isang maliit na bilog, lahat sumasali at sama-samang naghahapunan.

Ang mga bata at katutubo ay likas na higit na mabuting kinakalinga sa mga tahanang iglesia, dahil nararanasan nila ang tunay na Cristianong komunidad at may pagkakataong sumali, magtanong, at makipagkapwa sa mga tao sa lahat ng gulang, lahat bilang bahagi ng isang pamilyang Cristiano.Sa mga institusyunal na iglesia lagi silang nahaharap sa isang malaking palabas at “kasiyahan” sa pagkatuto, nakararanas ng kaunti kung mayroon mang tunay na komunidad, nalalantad sa malawakang pagpapanggap, at gaya ng sa eskuwelahan, nakikipagkapwa lamang sa kaedad nila.

Nguni’t sa pagtitipon ng lahat ng edad, paano ang mga sanggol na umiiyak o maliliit na batang nababalisa?

Dapat silang laging nagbibigay-tuwa, at may maaaring gumawa ng mga praktikal na hakbang upang mapanghawakan sila kapag nagkakaroon ng problema. Halimbawa, maaari silang dalhin sa isa pang silid upang bigyang-kasiyahan, o bigyan ng pangkulay at papel upang magkulay sa sahig. Sa komunidad ng isang tahanang bahay, ang mga sanggol at bata ay hindi problemang inilalagak sa nursery na pinamamahalaan ng isang estranghero. Minamahal sila ng lahat sa kanilang napalaking pamilya. Ang isang sanggol na nag-uumpisang umiyak sa institusyunal na iglesia ay napapaligiran ng kanyang pamilya, at walang pumapansin sa paalalang isang maliit na handog mula sa Diyos ay nasa kanilang paligid, isang taong nahawakan nilang lahat sa kanilang mga bisig.

Ang mga magulang na may mga anak na mahirap suwayin ay maaaring maturuan ng ibang magulang ng mga kailangan nilang malaman. Muli, ang mga mananampalataya ay mayroong tunay at mapagkandiling ugnayan. Hindi sila nagtsi-tsismis tungkol sa isa’t isa na siyang nangyayari sa isang iglesiang institusyunal. Kilala at minamahal nila ang isa’t isa.

Maliligayang Pastor (Happy Pastors)

Dahil nakapag-pastor ako ng mga iglesia sa dalawang dekada, nakausap ang libu-libong mga pastor sa buong mundo, at nagkaroon ng maraming pastor bilang kaibigan, masasabi kong may alam ako sa mga hinihingi ng pagiging pastor sa isang modernong iglesia. Gaya ng bawa’t pastor ng isang institusyunal na iglesia, naranasan ko ang “madilim na bahagi” ng ministeryo. Minsan ay nagiging masyadong madilim. Katunayan, “brutal” ang higit na akmang salita upang ilarawan ito.

Ang mga inaasahan sa isang pastor na nakasasagupa nila ay walang-dudang nagdudulot ng matinding alalahanin na minsan ay nakasisira ng kanilang ugnayan sa sarili nilang pamilya. Nasisiraan ng loob ang mga pastor sa maraming dahilan. Kailangan nilang maging politiko, hukom, mga amo, sikolohista, direktor ng aktibiti, kontraktor ng mga gusali, tagapayo ng mag-asawa, mananalumpati, manedyer, manghuhula at mamamahala. Lagi nilang nakikita ang kanilang sarili sa mahigpit na pakikipagkompetisyon sa ibang pastor upang makakuha ng higit na malaking bahagi sa katawan ni Cristo. Kaunti ang kanilang panahon para sa pansariling disiplinang espiritwal. Marami sa kanila ang nakukulong sa kanilang bokasyon at hindi sila tumatanggap ng tamang suweldo. Ang kanilang kongregasyon ay kliyente at amo nila. Kung minsan pinahihirapan sila ng mga kliyente at among iyon.

Kung ikukumpara, higit na madali ang pagiging pastor sa tahanang iglesia. Una, kung malinis ang buhay niya bilang tunay na alagad at nagtuturo ng di-matatawarang pagsunod sa mg utos ni Jesus, kaunting mga kambing ang magkaka-interes na maging bahagi ng kanyang grupo. Katunayan, ang pagtipon sa mga tahanan ay sapat na upang lumayo ang mga kambing. Kaya karamihan sa papastoran niya ay mga tupa.

Pangalawa, maaaring mahalin at kalingain niya ang lahat ng kanyang tupa sa personal na paraan, dahil labindalawa hanggang dalawampu lamang ang kanyang pangangasiwaan. Masisiyahan siya sa higpit ng kanilang ugnayan, dahil para siyang ama ng isang pamilya. Maibibigay niya ang panahong karapat-dapat sa kanila. Naaalala ko noong pastor ako ng iglesiang institusyunal, lagi kong nararamdaman na ako’y nag-iisa. Hindi ako makalapit kaninuman sa aking kongregasyon, baka masamain ng iba ang hindi ko pagsali sa kanila bilang matalik na kaibigan o magselos sila sa aking mga kasama. Ninais ko ang tunay na mahigpit na ugnayan sa ibang mananampalataya, nguni’t hindi ko kayang bayaran ang kapalit ng pagkakaroon ng tunay na mga kaibigan.

Sa isang mahigpit na pamilya ng tahanang iglesia, likas na tumutulong ang mga miyembro upang panatilihin ang tungkulin ng pastor, dahil siya ay kanilang matalik na kaibigan, hindi isang artista sa entablado.

Magugugol ng pastor ng tahanang iglesia ang panahon sa pagpapaunlad sa mga pinuno ng susunod na tahanang iglesia, kaya pagdating ng panahon upang lumago, handa na ang mga pinuno. Hindi niya kailangang bantayan ang mga pinuno na magdadala ng kanilang kakayahan mula sa iglesia Patungo sa isang Bible School sa ibang lugar.

Magkakaroon din siya ng panahon upang paunlarin ang iba pang ministeryo sa labas ng kanyang lokal na kongregasyon. Marahil ay maaari siyang maglingkod sa mga presinto, mga ospisyo, o maging kasapi ng isa-isang Ebanghelismo para sa mga takas o mangangalakal. Depende sa kanyaang karanasan, maaari niyang gugulin ang bahagi ng kanyang panahon sa pagtatatag ng iba pang tahanang iglesia, o magturo sa nakababatang pastor ng tahanang iglesia na lumaki sa ilalim ng kanyang ministeryo.

Hindi siya nakakaramdam ng matinding kapaguran bilang isang nagtatanghal tuwing Linggo ng umaga. Kailanman ay hindi niya kailangang maghanda ng tatlong-puntong sermon sa Sabado ng gabi, at nag-iisip kung paano niya mapasisiya ang napakaraming taong nabibilang sa napakaraming hanay ng paglagong espiritwal.

[3]

Masisiyahan siya sa pagbantay kung paano ginagamit ng Espiritu Santo ang lahat sa mga pagtitipon at hikayatin sila upang gamitin ang kanilang mga kakayahan. Maaari siyang lumiban sa mga pagpupulong at magiging maganda pa rin ang takbo ng lahat kahit wala siya roon.

Wala siyang gusaling gugulo sa kanya at walang empleyadong pamamahalaan.

Wala siyang dahilan upang makipagkompetensiya sa ibang lokal na pastor.

Walang “lupon ng iglesia” upang guluhin ang kanyang buhay at gamitin ito ng mga away-politiko.

Sa maikling salita, makakamit niya ang kagustuhan ng Diyos para sa kanya, at hindi ang itinakda sa kanya ng Kristiyanismong kultural. Hindi siya ang pangunahing artista, presidente ng kompanya, o ang bida ng masa. Siya ay tagalikha ng alagad, ang tagapagturo ng mga banal.

Maliligayang Tupa (Happy Sheep)

Lahat ng tungkol sa tunay na biblikal na tahanang iglesia ay siyang kagustuhan at ikinasisiya ng tunay na mananampalataya.

Lahat ng totoong mananampalataya ay nananabik sa tunay na ugnayan sa ibang mananampalataya, dahil naipadala sa kanila ang pag-ibig ng Diyos. Ang mga ugnayang ito ay bahagi na ng mga tahanang iglesia. Ito ang sinasabi ni Biblia na kapatiran, isang dalisay na pagbabahagi ng buhay sa ibang mga kapatid. Nililikha ng mga tahanang iglesia ang isang kaligiran kung saan ginagawa ng mga mananampalataya ang dapat nilang gawin, na nakikita sa siping “kapwa” sa Bagong Tipan. Sa isang tahanang iglesia, ang mga mananampalataya ay maaaring magpayo, manghikayat, magbigay ng magandang halimbawa, mag-aliw, magturo, magsilbi at ipanalangin ang isa’t isa. Maaari nilang kayagin ang isa’t isa upang magmahal at gumawa ng mabubuti, ikumpisal ang kasalanan sa isa’t isa, pasanin ang hirap ng bawa’t isa, paalalahanan ang bawa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo, imno at awiting espiritwal. Masasamahan nila ang isa’t isa sa paghagulgol at makisaya sa mga nagsasaya. Ang mga bagay na ito ay hindi madalas na nangyayari sa mga pagpupulong sa Linggo ng umaga sa mga iglesiang institusyunal kung saan nakaupo at nanonood ang mga mananampalataya. Tulad ng sinabi sa akin ng isang miyembro, “Kung maysakit ang isa sa aming samahan, hindi ako nagdadala ng pagkain sa bahay ng isang dayuhan dahil nagpalista ako sa ‘ministeryo ng hapunan.’ Likas akong nagdadala ng hapunan sa isang taong kilala at minamahal ko.”

Ang mga tunay na mananampalataya ay nasisiyahan sa ugnayan at pakikiisa. Ang pasibong pag-upo at pakikinig sa walang katuturan at paulit-ulit na sermon sa bawa’t taon ay nag-iinsulto sa kanilang katalinuhan at espiritwalidad. Bagkus, mas gusto nila ang magkaroon ng pagkakataon upang ipamahagi ang kanilang mga isipang natanggap tungkol sa Diyos at Kanyang Salita, at ipinagkakaloob iyan ng mga tahanang iglesia. Sa pagsunod sa isang modelong biblikal at hindi isang kultural, “may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita ng iba’t ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon” (1 Cor. 14:26). Sa mga tahanang iglesia, walang nawawala sa karamihan o walang hindi isinasali ng isang grupo sa iglesia.

Ang mga tunay na mananampalataya ay nagnanais na sila ay gamitin sa serbisyo ng Diyos. Sa isang tahanang iglesia, may pagkakataon para sa lahat upang magamit at magbigay-pagpapala sa lahat, at ang mga tungkulin ay ipinamamahagi sa lahat, kaya walang nakararanas ng matinding kapaguran na siyang nararamdaman ng karamihan sa mga matapat na miyembro ng mga iglesiang institusyunal. Ang pinakamaliit na hinihingi, lahat ay maaaring magdala ng pagkain upang pagsaluhan sa kainan, na binabanggit ng Banal na Kasulatan bilang “salusalong magkakapatid” (Ju. 1:12). Para sa maraming tahanang iglesia, ang salusalong iyan ay sumusunod sa halimbawa ng orihinal na Hapunan ng Panginoon, na bahagi ng totoong hapunan ng Passover. Ang Hapunan ng Panginoon ay hindi “banal na miryenda ng Diyos” na siyang narinig kong sinabi ng isang batang lalaki sa isang iglesiang institusyunal. Ang pagkain ng isang maliit na tinapay at pag-inom ng kaunting juice ng mga hindi magkakakilala sa ilang segundo ng isang serbisyo sa iglesia ay lubhang hindi nakikilala sa Biblia at sa mga biblikal na tahanang iglesia. Ang sakramental na kahulugan ng Komunyon ay napayayaman sa isang pinagsaluhang kainan ng mga alagad na nagmamahal sa isa’t isa.

Sa isang tahanang iglesia, ang pagsamba ay simple, tapat ang pagsasamahan, hindi isang palabas. Gusto ng mga tunay na mananampalataya na sumamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan.

Doktrinal na Paninimbang at Pagpaparaya (Doctrinal Balance and Toleration)

Sa mga ordinaryo at bukas na forum ng maliliit na pagtitipon ng iglesia, lahat ng pagtuturo ay maaaring uriratin ng sinumang marunong bumasa. Mga magkakapatid na magkakakilala at nagmamahalan ay may kahiligang igalang ang mga pananaw na naiiba sa kanila, at kahit na hindi nagkakaisa ang grupo, ang pag-ibig, hindi doktrina, ang nagbibigkis pa rin sa kanila. Anumang pagtuturo ng sinumang tao sa grupo, pati na ang mga namumuno/pastor/tagapangasiwa, ay maaaring usisain nang may pagmamahal ng sinuman, dahil ang Espiritu ay ipinagkaloob na sa bawa’t isa (tingnan ang1 Jn. 2:27). Ang mga likas na na modelong biblikal ng pagwawasto at paninimbang ay makakatulong upang hadlangan ito sa paglihis sa doktrina.

Lubhang taliwas ito sa umiiral sa modernong iglesiang institusyunal, kung saan ang doktrina ng iglesia ay naitatag mula sa umpisa at hindi mahahamon. Samakatuwid, ang masasamang doktrina ay iiral nang walang hanggan, at ang doktrina ang nagiging pagsubok-litmus ng pagtanggap. Sa parehong dahilan, isang punto ng tanging sermon ay maaaring magresulta sa agarang pag-aalisan ng mga di-sumasang-ayon, na lalayas upang pansamantalang humanap ng “katulad na mananampalataya”. Alam nila na walang saysay kahit ang pakikiusap sa pastor tungkol sa kanilang di-pagkakaunawaang doktrinal. Kahit nakumbinsi siyang palitan ang kanyang pananaw, kailangan niyang itago ito sa mga nakatataas ng ranggo sa kanyang denominasyon. Ang mga di-pagkakaunawaang doktrinal sa loob ng iglesiang institusyunal ay lumilikha ng mga pastor na nabibilang sa ilang pinakamagagaling na politiko sa mundo, mga mananalumpating nagsasalita sa malabong pangkalahatan at lumilihis sa anumang maaaring magresulta sa di-pagkakaunawaan, at nililinlang ang lahat upang isiping kasali siya sa kanila.

Isang Makabagong Uso (A Modern Trend)

Napaka-interesanteng isipin na dumaraming mga iglesiang institusyunal ang lumilikha ng maliliit na grupong istruktura sa loob ng modelong institusyunal, at kinikilala ang halaga sa pag-aalagad. Higit pang sumusulong ang ilang iglesia, ibinabatay ang kanilang batayang istruktura sa maliliit na grupo, at ipinapalagay na ito ang mga pinakamahalagang aspekto ng kanilang ministeryo. Ang higit na malaking “pagdiriwang na pulong” ay pangalawa sa kahalagahan sa maliliit na grupo (kahit sa teorya lamang).

May mga hakbang sa tamang direksiyon, at pinagpapala ng Diyos ang naturang hakbang, dahil ang Kanyang pagpapala sa atin ay katumbas ng antas ng pakikitungo natin sa kanyang kagustuhan. Siyanga, ang mga “cell churches” ay higit na maayos ang istruktura kaysa sa standard na iglesiang institusyunal, upang mapabilis ang paglikha ng mga alagad. Nasa pagitan sila ng modelong iglesiang institusyunal at ang modelong tahanang iglesia, at pinagsasama ang elemento ng dalawa.

Paano maihahambing ang makabagong iglesiang institusyunal na may maliliit na grupo sa sinauna at modernong tahanang iglesia? May ilang pagkakaiba.

Halimbawa, sa malas ay nagiging tagausad ng hindi tama sa institusyunal na iglesia ang maliliit na grupo, lalo na kung ang tunay na motibo upang umpisahan ang ministeryong maliliit na grupo ay itatag ang kahariang iglesia ng namumunong pastor. Kaya ginagamit niya ang mga tao para sa kanyang sariling kapakanan, at akmang-akma ang mga maliliit na grupo para sa plano niyang ito. Kapag nangyari ito, ang mga pinuno ng maliliit na grupo ay napipili dahil sa kanilang subok nang katapatan sa inang iglesia, at hindi sila dapat maging magaling o karismatik, kung hindi ay pupunuin ng demonyo ang kanilang isip ng mga ideang hindi sila magtatagumpay sa kanilang sarili lamang. Ang polisiyang tulad nito ay umaantala sa bias ng maliliit na grupo at, gaya ng alinmang iglesiang institusyunal, ay nagtataboy sa tunay na natawag at nagnanais maging pinuno sa mga Bible School at seminaryo, ninanakawan ang iglesia ng tunay na mga handog, at dinadala ang naturang mga tao sa isang lugar na matuturuan-ng-salita sa halip na kinakalinga-sa-gawain.

Ang maliliit na grupo sa iglesiang institusyunal ay kadalasang nagiging hihigit lamang sa mga grupong kapatiran. Hindi kailanman nangyayari ang paglikha ng alagad. Dahil ang mga tao ay dapat nasusubuan ng pagkaing-espiritwal sa Linggo ng umaga, kung minsan ay tumutuon ang maliliit na grupo sa ibang bagay bukod sa Salita ng Diyos, at ayaw ng pag-uulit ng Lingguhang umaga.

Ang maliliit na grupo sa iglesiang institusyunal ay kadalasang binuo ng isang kasapi ng iglesia, sa halip na iniluwal ng Espiritu. Nagiging isa na namang programa sa maraming programa ng iglesia. Pinagsasama ang mga tao dahil sa kanilang edad, kalagayang panlipunan, background, hilig, estadong marital o lugar ng pinanggalingan. Ang mga kambing ay kadalasang inihahalo sa mga tupa. Lahat ng makataong pagbubukod ay hindi nakakatulong sa mga mananampalataya upang mahalin ang isa’t isa na hindi alintana ang kanilang pagkakaiba. Tandaan na marami sa mga sinaunang iglesia ay pinagsamang Judio at Hentil. Regular silang sama-samang kumakain, isang bagay na ipinagbabawal ng tradisyong Judio. Marahil ay napakayaman ang mga karanasan sa pagpupulong na mga ito! Anong mga pagkakataon upang lumakad sa pag-ibig! Anong mga pagpapatotoo sa kapangyarihan ng Ebanghelyo! Kaya bakit natin ipagpapalagay na kailangan nating hatiin ang lahat sa buong-buong mga grupo upang maseguro ang tagumpay ng maliliit na grupo?

Ang mga iglesiang institusyunal na may maliliit na grupo ay mayroon pa ring palabas tuwing Linggo ng umaga, kung saan pinanonood ng mga tao ang pag-arte ng mga batikan. Hindi kailanman pinapayagan ang mga maliliit na grupo upang magsama kapag may “tunay” na serbisyo sa iglesia, ipinakikita sa lahat na ang tunay na mahalaga ay ang mga serbisyong institusyunal. Dahil sa mensaheng iyan, marami, kung hindi ang karamihan, ng mga dumadalo sa Linggo ng umaga, ay hindi sasali sa isang maliit na grupo kahit hinikayat sila, dahil nakikita nilang opsyunal ito. Kuntento silang dumadalo sa pinakamahalagang lingguhang service. Kaya ang konseptong maliit na grupo ay maaaring isulong bilang may halaga, nguni’t hindi kasing-halaga ng institusyunal na service sa Linggo. Ang pinakamagandang pagkakataon para sa tunay na kapatiran, pag-aalagad at paglagong espiritwal ay napapaliit ang katuturan.Naipapadala ang maling mensahe. Hari pa rin ang serbisyong institusyunal.

Marami Pang Pagkakaiba (More Differences)

Nahuhubog pa ring parang piramidang korporasyon ang mga iglesiang institusyunal na may maliliit na grupo, na alam ng lahat ang lugar sa herarkiya. Ang mga tao sa tuktok ay nagtuturing sa kanilang sarili bilang “tagasilbing pinuno,” nguni’t kadalasang parang opisyal na responsable sa paggawa ng mga pasya ng tagapagpaganap. Mas malaki ang iglesia, mas malayo ang pastor sa miyembro ng kanyang kawan. Kung tunay siyang pastor at mapapasabi mo siya ng katotohanan nang hindi niya namamalayan, aaminin niyang higit na maligaya siya noong pastor siya ng maliit na kawan.

Gayundin, ang mga institusyunal na iglesiang may maliliit na grupo ay nagsusulong pa rin ng paghihiwalay ng ministro at layko. Ang mga pinuno ng maliliit na grupo ay laging mas mababa sa sumusuweldong propesyunal. Ang mga leksiyon sa Bible study ay kadalasang itinuturo o inaaprubahan ng ministeryo, dahil ang mga pinuno ng maliliit na grupo ay hindi mapagkakatiwalaan ng higit na maraming kapangyarihan. Hindi pinapayagan ang mga maliliit na grupo upang magsagawa ng Hapunan ng Panginoon o magbautismo. Itong mga sagradong gawain ay inilalaan sa mga hanay ng elit na may titulo at diploma. Iyong mga natawag sa ministeryong bokasyunal sa koponan ay kailangang pumunta sa Bible School o seminaryo upang karapat-dapat para sa “tunay” na ministeryo upang makasali sa grupong elit.

Kung minsan, ang mga maliliit na grupo sa iglesiang institusyunal ay maliliit na serbisyong- iglesia lamang, na isinasagawa sa hindi hihigit sa 60 hanggang 90 sandali, kung saan isang magaling na tao ang namumuno sa pagsamba at isa pang magaling ang nagbibigay ng aprubadong pagtuturo. Kaunti ang pagkakataon upang gamitin ng Espiritu ang iba, magpamudmod ng mga kakayahan, o magpalago ng mga ministro.

Ang mga tao ay kadalasang walang katapatan sa maliliit na grupo sa iglesiang institusyunal, pabugsu-bugsong dumalo, at ginagawa minsan ang mga grupo bilang pansamantala, kaya higit na mababaw ang ugnayan ng komunidad kaysa sa tahanang iglesia.

Ang mga maliliit na grupo sa iglesiang institusyunal ay karaniwang nagtitipon sa gitna ng linggo upang hindi dagsain ng isa pang kumpol ng pulong ang katapusan ng linggo. Samakatuwid, ang isang maliit na grupo sa gitna ng linggo ay kadalasang limitado sa dalawang oras para sa makakadalo, at mahigpit para sa mga batang nag-aaral o para doon sa manggagaling sa malayo.

Kahit na isinusulong ng mga iglesiang institusyunal ang ministeryong maliliit na grupo, mayroon pa ring gusali na gugugol ng salapi. Katunayan, kung daragdagan ng programang maliliit na grupo ang mga tao sa iglesia, higit na marami pang salapi ang gugugulin upang gumawa ng mga programa. Dagdag pa rito, ang mga organisadong grupo sa loob ng institusyunal na iglesia ay kadalasang nangangailangan ng isang karagdagang suwelduhang tao. Ang ibig sabihin niyan ay higit na maraming salapi para sa isa pang programang iglesia.

Marahil ang pinakamatindi ay, ang mga pastor sa institusyunal na iglesiang may maliliit na grupo ay kadalasang sobrang limitado sa kanilang personal na paglikha ng alagad. Masyado silang abala sa napakaraming tungkulin kaya kakaunti ang panahong ginugugol sa solo-solong pag-aalagad. Ang pinakamalapit na mararating nila ay ang pag-aalagad sa mga pinuno ng maliliit na grupo, nguni’t kahit iyan ay limitado sa minsan-isang-buwang pagpupulong.

Ang lahat nang ito ay nagsasabing ang mga tahanang iglesia, sa aking palagay, ay higit na biblikal at epektibo sa paglikha at pagpapalago ng mga alagad at tagalikha-ng-alagad. Nguni’t napagtanto ko, na ang aking palagay ay hindi agarang makapagpapabago sa daan-daang-taon ng tradisyong iglesia. Kaya hinihikayat ko ang mga institusyunal na pastor upang gumawa ng bagay sa direksiyon ng pagsusulong sa kanilang mga iglesia sa higit na biblikal na modelo ng paglikha ng alagad.

[4]

Maaari nilang gawin ang pag-aalagad nang isahan sa mga magiging pinuno o mag-umpisa ng ministeryong maliliit na grupo. Maaari silang magkaroon ng “maagang- iglesiang Linggo” kapag ang gusaling iglesia ay isasara at lahat ay magsasalu-salo sa mga tahanan at subukang magtipon gaya ng ginawa ng mga Cristiano sa unang tatlong dantaon.

Ang mga pastor na may maliliit na grupo sa kanilang mga iglesia ay maaaring magpawala sa mga ito upang bumuo ng mga iglesia sa bahay-bahay at tingnan kung ano ang mangyayari. Kapag malulusog ang mga maliliit na grupo at dinadala ng mga pastor/namumuno/tagapangasiwang tinawag-ng-Diyos, maaari silang magpatakbo ng mga ito na sila-sila lang. Hindi nila kailangan ang inang iglesia tulad ng hindi pangangailangan ng isang hindi-kasaping batang iglesia sa inang iglesia. Bakit hindi sila pakawalan?

[5]

Ang salapi ng mga miyembro na pumupunta sa inang iglesia ang susuporta sa tahanang- iglesia.

Ang pag-iindorso ko ba sa mga tahanang iglesia ay nangangahulugang walang magandang masasabi tungkol sa mga iglesiang institusyunal? Hindi siyempre. Hanggang sa antas na ang mga alagad na sumusunod kay Cristo ay nalilikha sa mga iglesiang institutusyunal, dapat silang purihin. Bagama’t kung minsan, ang kanilang mga kagawian at istruktura’y higit na nagiging hadlang kaysa pantulong upang makamit ang tunguhing inihanay ni Cristo sa atin, at kadalasan ay nakamamatay sila sa mga pastor.

Ano ang Nangyayari sa isang Pagtitipon sa Tahanang iglesia? (What Happens at a House Church Gathering?)

Hindi lahat ng tahanang iglesia ay nangangailangang magkakapareho ng istruktura, at malawak ang mga maaaring paraan ng pagkakaiba. Bawa’t isang tahanang iglesia ay kailangang isang repleksiyon ng kanyang sariling kultura at panlasa—isang dahilan kung bakit lubhang epektibo ang mga tahanang iglesia sa Ebanghelismo, lalo na sa mga bansang walang tradisyong kultural. Ang mga miyembro ng tahanang iglesia ay hindi nangungumbida ng kanilang mga kapitbahay sa isang gusaling iglesiang lubhang dayuhan sa kanila kung saan sasangkot sila sa mga ritwal na lubhang kakaiba sa kanila—mga pangunahing balakid sa pagbabalik-loob. Bagkus, aanyayahan nila ang kanilang mga kapitbahay sa isang salu-salo kasama ng mga kaibigan.

Ang sama-samang hapunan ay karaniwang mahalagang bahagi ng pagtitipon sa isang tahanang iglesia. Para sa maraming tahanang iglesia, ang hapunang iyon ay kasama o siya iyong Hapunan ng Panginoon, at maaaring pagpasyahan ng bawa’t tahanang iglesia kung paano lubhang palabasin ang espiritwal na kahalagahan nito. Gaya ng nabanggit na, ang orihinal na Hapunan ng Panginoon ay nag-umpisa bilang totoong hapunan sa Passover na mismong puno ng kahalagahang espiritwal. Idinaraos ang Hapunan ng Panginoon bilang hapunan o bahagi ng hapunan ay malinaw na padron na sinunod ng mga naunang mananampalataya kapag nagtitipun-tipon sila. Mababasa natin ang tungkol sa mga sinaunang Cristiano:

Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng mga tinapay, at sa panalangin …Araw-araw, sila’y nagkakatipon sa Templo, masayang nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at may malinis na kalooban (Gw. 2:42, 46, idinagdag ang pagdidiin).

Literal na kumukuha ng mga tinapay ang mga sinaunang Cristiano, pinipira-piraso nila ang mga ito, at pinagsasaluhan, isang bagay na sa kultura nila’y ginawa bawa’t oras ng pagkain. Sa mga sinaunang Cristiano, maaari bang nagkaroon ng kahalagahang espiritwal iyong pagpipira-piraso ng tinapay sa oras ng pagkain? Tahimik ang Biblia tungkol diyan. Subali’t isinusulat ni William Barclay sa kanyang aklat, Ang Hapunan ng Panginoon, “Walang dudang nagsimula ang Hapunan ng Panginoon bilang hapunan ng isang pamilya o isang hapunan ng magkakaibigan sa isang pribadong bahay…Ang idea ng isang maliit na bahagi ng tinapay at isang sipsip ng alak ay lubhang walang kinalaman sa orihinal na Hapunan ng Panginoon…Ang Hapunan ng Panginoon ay orihinal na hapunan ng pamilya sa isang sambahayan ng mga magkakaibigan.” Kagila-gilalas na lahat ng modernong biblikal iskolar ay sumasang-ayon kay Barclay, nguni’t sinusunod pa rin ng iglesia ang kanyang tradisyon sa halip na ang Salita ng Diyos sa isyung ito!

Inutusan ni Jesus ang Kanyang mga alagad upang turuan ang kanilang mga alagad na sundin ang lahat ng utos Niya, kaya nang inutusan Niya sila upang sama-samang kumain ng tinapay at uminom ng alak sa kanyang alaala, maaaring tinuruan nila ang kanilang mga alagad upang gawin din ito. Nangyari kaya iyon sa sama-samang hapunan? Maaaring gayon na nga kung babasahin natin ang ilang salita ni Pablo sa mga mananampalatayang taga-Corinto:

Kaya’t sa inyong pagtitipon [at hindi niya tinutukoy ang pagtitipon sa mga gusaling iglesia, dahil wala ang mga ito] hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. Sapagka’t ang bawa’t isa sa inyo’y nagmamadali sa pagkain ng kanyang baong pagkain, kaya’t nagugutom ang iba at ang iba nama’y nalalasing

(1 Cor. 11:20-21, idinagdag ang pagdidiin).

Paano magkaroon ng kabuluhan ang mga salitang iyon kung ang tinutukoy ni Pablo ay ang Banal na Hapunan ng Panginoon na siyang ginagawa sa modernong iglesia?apunan N Narinig mo na ba ang problema ng sinuman sa serbisyo sa modernong iglesia na kumakain ng sarili niyang baon habang ang isa naman ay nalalasing kaakibat ng Banal na Hapunan ng Panginoon? Magiging makabuluhan lamang ang nasabing mga salita kung ang Banal na Hapunan ng Panginoon ay nangyari sa konteksto ng isang tunay na hapunan. Sa pagpapatuloy ni Pablo:

Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? O hinahamak ninyo ang iglesia ng Diyos [alalahanin na hindi sumusulat si Pablo tungkol sa isang gusaling iglesia, kundi isang pagtitipon ng mga tao, ang iglesia ng Diyos], at hinihiya ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Ipagmamalaki ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon! (1 Cor. 11:22).

Paano mahihiya ang mga taong walang-wala kung ang ginagawa ay wala sa konteksto ng isang totoong hapunan? Inilalantad ni Pablo ang katotohanang ilan sa mga mananampalatayang taga-Corinto na naunang dumating sa mga pagtitipon ay kumain na ng kanilang baon at hindi hinintay ang pagdating ng iba. Nang dumating ang ibang lubhang mahirap at walang dalang pagkain upang ipamahagi sa hapunan, hindi lamang sila nagutom, kundi nahihiya dahil kapansin-pansin na wala silang dala.

Agad-agad pagkatapos nito, nagsulat si Pablo ng higit pa tungkol sa Banal na Hapunan ng Panginoon, isang sakramentong “tinanggap ko sa Panginoon” (1 Cor. 11:23), at inalala niya ang nangyari sa unang Banal na Hapunan ng Panginoon (tingnan ang 1 Cor. 11:24-25). Pagkatapos ay binantaan niya ang mga taga-Corinto sa pagsali sa Banal na Hapunan ng Panginoon sa isang paraang di nararapat, sinasabing kapag hindi nila hinatulan ang kanilang sarili, maaari silang kumain at uminom ng paghatol sa kanilang sarili sa pamamagitan ng panghihina, pagkakasakit at kahit kamatayan (tingnan ang1 Cor. 11:26-32).

Pagkatapos ay pinagtibay niya,

Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay, upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan (1 Cor. 11:33-34).

Sa konteksto, ang kasalanang ginagawa sa Banal na Hapunan ng Panginoon ay ang walang konsiderasyon sa ibang mga mananampalataya. Binantaan na naman ni Pablo ang mga unang kumakain ng kanilang baon na dapat ay pinagsasaluhan, na may panganib na mahahatulan (o madisiplina) ng Diyos. Simple lamang ang solusyon. Kung gutom talaga ang isang tao at hind na niya mahintay ang iba, kailangan niyang kumain bago pumunta sa pagtitipon. At ang mga unang dumating ay dapat maghintay sa mga dumating para sa hapunan, isang hapunang kasali sa, o siya mismong, Banal na Hapunan ng Panginoon.

Kung titingnan natin ang buong sipi, mukhang malinaw na sinasabi ni Pablo na kung ang Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain, dapat gawin ito sa paraang kagiliw-giliw sa Panginoon, na nagpapakita ng pag-ibig at konsiderasyon sa isa’t isa. Anu’t ano pa man, malinaw na isinasagawa ang Banal na Hapunan ng Panginoon bilang bahagi ng pinagsasaluhang hapunan sa mga tahanan na hindi pinamumunuan ng isang ministro. Bakit hindi natin gawin?

Tinapay at Alak (Bread and Wine )

Ang kalikasan ng mga elemento ng Banal na Hapunan ng Panginoon ay hindi ang pinakamahalagang bagay. Kung pagsisikapan nating ganap na gayahin ang orihinal na Banal na Hapunan ng Panginoon, kailangan nating malaman ang totoong sangkap ng tinapay at ang eksaktong uri ng ubas na ginamit sa paggawa ng orihinal na alak. (ang ilan sa mga ama ng iglesia sa unang ilang dantaon ang mahigpit na nagtalaga na haluan ng tubig ang alak, kung hindi ay hindi ginagawa nang tama ang Eukaristiya.)

Ang tinapay at alak ay ilan sa mga karaniwang elemento ng sinaunang hapunang Judio. Nagbigay si Jesus ng dalawang malalim na kahulugan sa dalawang bagay na lubhang karaniwan, mga pagkaing halos kinukonsumo ng lahat sa araw-araw. Kung dumalaw Siya sa ibang kultura sa ibang panahon ng kasaysayan, ang unang Banal na Hapunan ng Panginoon ay maaaring binuo ng keso at gatas ng kambing, o kakanin at pineapple juice. Kaya ano mang pagkain at inumin ay maaaring magsagisag sa Kanyang katawan at dugo sa isang sama-samang hapunang pinagsasaluhan ng Kanyang mga alagad. Ang mahalaga ay ang kabuluhang espiritwal. Huwag nating pabayaan ang espiritu ng batas habang nagtatagumpay sa pagsunod sa kanyang letra!

Hindi kailangang seryoso ang pangkaraniwang mga hapunan. Nabasa na natin na ang mga sinaunang Cristiano ay masayang “nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at may malinis na kalooban (Gw. 2:46, idinagdag ang pagdidiin). Datapwa’t ang pagiging seryoso ay nararapat sa bahagi ng kainan nang inaalala ang sakripisyo ni Jesus at kinokonsumo ang mga elemento. Ang pagsuri sa sarili ay laging nararapat bago kumain ng Banal na Hapunan ng Panginoon, na ipinakita ng taimtim na salita ng babala sa mga mananampalatayang taga-Corinto sa 1 Corinto 11:17-34. Anumang paglabag sa utos ni Cristo upang mahalin ang isa’t isa ay isang paanyaya sa disiplina ng Diyos. Anuman at lahat ng pagsisikap at paghahati ay dapat malutas bago ganapin ang hapunan. Bawa’t mananampalataya ay dapat magsuri ng kanyang sarili at ikumpisal ang anumang kasalanan, na siyang katumbas ng “paghatol sa sarili,” sa salita ni Pablo.

Ang Espiritu na Naihahayag sa Pamamagitan ng Katawan (The Spirit Manifested Through the Body)

Ang sama-samang hapunan ay maaaring mangyari bago o pagkatapos ng isang pagpupulong na ang pagsamba, pagtuturo at kakayahang espiritwal ay ipinamamahagi. Bahala na ang bawa’t tahanang iglesia upang kilalanin ang pormat, at ang mga pormat ay maaaring mag-iba sa bawa’t pagtitipon sa iisang tahanang iglesia.

Malinaw sa Banal na Salita na ang mga pagtitipon sa sinaunang iglesia ay lubhang iba sa mga serbisyo sa modernong institusyunal na iglesia. Partikular dito, binibigyan tayo ng 1 Corinto 11-14 ng kasaganaan ng pagkaunawa sa nangyayari kapag nagtitipon ang mga sinaunang Cristiano, at walang dahilan upang isipin na hindi maaari ang parehong pormat at hindi ito dapat sundin ngayon. Malinaw din na ang nangyari sa mga pagtitipon sa sinaunang iglesia na inilarawan ni Pablo ay nangyari lamang sa mga maliliit na grupo. Ang inilarawan ni Pablo ay hindi maaaring mangyari sa isang malaking pagtitipon.

Ako ang unang aamin na hindi ko naiintindihan lahat ng isinulat ni Pablo sa apat na kabanatang iyon ng Unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto. Ang inilarawan niya sa 1 Corinto11-14 ay ang presensiya ng Espiritu Santo sa kanila at ang pagpapahayag sa pamamagitan ng mga miyembro ng katawan. Nagbibigay siya ng mga kakayahan sa mga tao para sa magandang halimbawa ng buong katawan.

Itinatala ni Pablo ang siyam na espiritwal na kaloob: pagpapahayag mg mensaheng mula sa Diyos, pagsasalita sa iba’t ibang wika, pagpapaliwanag ng pagsasalita sa iba’t ibang wika, pagtuturo, paghahayag ng kalooban ng Diyos, pagbatid sa mga espiritu, kaloob na pagpapagaling sa mga maysakit , pananampalataya, at paggawa ng mga himala. Hindi niya inihahayag na lahat ng kaolob na ito ay naipapakita sa bawa’t pagtitipon, kundi ipinahihiwatig niya ang posibleng pagkakaroon ng mga ito at mukhang nilalagom ang ilang manipestasyon ng Espiritu sa 1 Corinto 14:26:

Ano ngayon ang kahulugan ng lahat ng iyon, mga kapatid? Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba’t ibang mga wika, ay mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikauunlad ng iglesia.

Tingnan natin ang lahat ng limang karaniwang manipestasyong ito, at sa susunod na kabanata higit nating pagtuunan ang siyam na espiritwal na kaloob na nakatala sa 1 Corinto 12:8-10.

Una sa talaan ay ang awit. Kaloob-ng-espiritung mga awit ay binabanggit ni Pablo sa dalawa sa kanyang mga sulat sa mga iglesia, idinidiin ang kanilang papel sa mga pagtitipong Cristiano.

Huwag kayong maglalasing, sapagka’t mauuwi iyan sa magulong pamumuhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng espiritu. Mag-awitan kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espiritwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. (Efe. 5:18-19).

Ang salita ni Cristo’y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa’t isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espiritwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. (Col. 3:16).

Ang pagkakaiba ng mga salmo, himno at awiting espiritwal ay hindi malinaw; nguni’t ang pangunahing punto ay batay silang lahat sa salita ni Cristo, sila ay puno ng Espiritu, at dapat awitin ng mga mananampalataya upang magturo at magpayo sa isa’t isa. Tunay na marami sa mga himno at awiting kinanta ng mga mananampalataya sa sa buong kasaysayan ng iglesia ay isa-isang nabibilang sa mga kategoryang iyon. Sa malas, napakaraming mga modernong himno at awitin ay kulang sa lalim na biblikal, na nagpapakitang hindi sila kaloob ng Espiritu, at dahil mababaw sila, ay walang tunay na halaga upang magturo at magpayo sa mga mananampalataya. Gayumpaman, dapat asahan ng mga mananampalatayang nagtitipon sa mga tahanang iglesia na hindi lamang sila binibigyang-inspirasyon ng Espiritu upang pamunuan ang mga popular na awiting-Cristiano, mga luma at bago, kundi magbibigay din sila ng tanging awitin sa ilan sa mga miyembro na magagamit nila sa pagpupuri. Tunay na katangi-tangi ang mga iglesiang mayroong sariling awiting kaloob ng Espiritu!

Pagtuturo (Teaching)

Pangalawa sa listahan ni Pablo ay ang pagtuturo. Muling ipinakikita nito na sinuman ay maaaring magbahagi ng kaloob-ng-Espiritung pagtuturo sa isang pagtitipon. Siyempre, bawa’t pagtuturo ay susuriin upang makita kung nakahanay ito sa pagtuturo ng mga apostol (dahil lahat ay tapat doon: tingnan ang Mga Gawa 2:42) at dapat ding gawin natin iyan ngayon. Nguni’t pansinin na walang ipinakikita rito o saanman sa Bagong Tipan na parehong tao ang nagsesermon bawa’t linggo kapag nagtitipon ang mga lokall na iglesia at nagiging bida sa pagtitipon.

Sa Jerusalem, mayroong malalaking pagtitipon sa Templo kung saan nagtuturo ang mga apostol. Alam natin na nabibigyan din ng tungkuling pagtuturo sa mga iglesia ang mga namumuno, at ilang tao ang natatawag sa ministeryong pagtuturo. Maraming ginawang pagtuturo si Pablo, sa madla at sa bahay-bahay (tingnan ang Gw. 20:20). Sa mga maliliit na pagtitipon ng mga mananampalataya, maaaring gamitin ng Espiritu Santo ang mga iba upang magturo, sa halip na mga apostol, namumuno o mga guro.

Pagdating sa pagtuturo, mukhang nalalamangan natin ang sinaunang iglesia sa kakayahang magdala ng mga kopya ng Biblia sa ating mga pagtitipon. Sa kabilang dako, marahil ang madaling kakayahan natin sa pagkuha ng Biblia ang tumulong sa atin upang iangat ang doktrina kaysa mahalin ang Diyos nang buong puso at mahalin ang ating mga kapwa nang tulad ng pagmamahal natin sa ating mga sarili, at ninanakawan tayo ng buhay na itinalaga sa atin ng Kasulatan. Hanggang-kamatayan tayong na-doktrinahan. Maraming maliliit na Bible study ay kasing-walang kabuluhan at nakababagot gaya ng mga sermon sa Linggo ng umaga. Ito ang isang magaling na tuntuning susundin sa pagtuturo sa mga tahanang iglesia: Kapag hindi ikinukubli ng mga namumunong bata ang kanilang pagkabagot, siguradong ang mga matatanda ang nagkukubli nito. Ang mga bata ay mahusay na sukatan ng katotohanan.

Pahayag (Revelation)

Pangatlo, itinatala ni Pablo ang “pahayag.” Maaaring ibig sabihin niyan ang anumang inihayag ng Diyos sa sinumang miyembro ng katawan. Halimbawa, tiyak na binabanggit kung paano pupuntahan ng di-sumasampalataya ang isang pagtitipong Cristiano at “malalaman niya ang mga lihim ng kanyang puso.” Ang resulta ay “madarama niya ang kanyang tunay na kalagayan,” “makikilala niyang siya’y makasalanan,” kaya’t “luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihing, ‘Talagang ang Diyos ay nasa inyo’ ” (1 Cor. 14:24-25).

Dito muli nating makikita na ang tunay na presensiya ng Espiritu Santo ay isang inaasahang katangian ng mga pagtitipon ng iglesia, at ang mga kababalaghan ay nangyayari dahil sa Kanyang presensiya. Tunay na pinaniwalaan ng mga sinaunang Cristiano ang pangako ni Jesus na, “Sapagka’t saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila” (Mat. 18:20). Kung si Jesus Mismo ay kasama nila, mangyayari ang mga milagro. Literal na sila ay “sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu” (Fil. 3:3).

Anu’t ano pa man, ang pahayag ng mga propeta, na aking babanggitin, ay maaaring maglaman ng mga pahayag tungkol sa mga puso ng mga tao. Nguni’t ang pahayag ay maibibigay tungkol sa ibang bagay at sa ibang paraan, gaya ng mga panaginip o pangitain (tingnan ang Gw. 2:17).

Pagsasalita ng Iba’t Ibang Wika at Pagbibigay-Kahulugan (Tongues and Interpretation)

Pang-apat, inilista ni Pablo ang dalawang kaloob na magkasama, ang pagsasalita ng iba’t ibang wika at ang pagbibigay-kahulugan sa pagsasalita sa iba’t ibang wika. Sa Corinto, sobra-sobra at inaabuso ang pagsasalita sa iba’t ibang wika. Ibig sabihin, ang mga tao ay nagsasalita sa iba’t ibang wika sa mga pagtitipong iglesia at walang pagpapakahulugan, kaya walang nakakaalam kung ano ang mga pinagsasasabi. Magtataka tayo kung paano masisisi ang mga taga-Corinto, dahil mukhang kasalanan iyan ng Espiritu Santo sa pagbibigay sa kanila ng kaloob ng pagsasalita sa iba’t ibang wika na hindi binibigyan ang sinuman ng kaloob ng pagpapakahulgan. Mayroong sapat na sagot sa tanong na iyan na tatalakayin ko sa isang susunod na kabanata. Anu’t ano pa man, hindi ipinagbawal ni Pablo ang pagsasalita sa iba’t ibang wika (na siyang ginagawa ng maraming iglesiang institusyunal). Bagkus, ipinagbawal niya ang pagbabawal ng pagsasalita sa iba’t ibang wika, at inihayag na utos ito ng Panginoon (tingnan ang 1 Cor. 14:37-39)!

[6]

Ito ay isang kaloob na, kapag ginagawa nang tama, ay parangalan ang katawan at patibayin ang kahima-himalang presensiya ng Diyos sa kanilang kalagitnaan. Ang Diyos ang nagsasaslita sa pamamagitan ng mga tao, pinaaalalahanan sila sa Kanyang katotohanan at Kanyang kalooban.

Mariing pinagtibay nga ni Pablo sa kabanata 14 sa pagkakaangat ng pagpapahayag ng mga mensaheng mula sa Diyos sa mga hindi-pinakakahulugang pagsasalita sa iba’y ibang wika. Mariin niyang hinikayat ang mga taga-Corinto sa kanilang kagustuhang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at ipinakikita nito na ang mga kaloob ng espiritu ay higit na naipakikita sa mga taong nagnanais ng mga ito. Pinayuhan din ni Pablo ang mga mananampalataya sa Tesalonica, “Huwag na ninyong hadlangan ang Espiritu Santo” (1 Tes. 5:19). Ipinakikita ang espiritu sa pagkaroon ng maling saloobin sa kaloob na pagpapahayag ng mensahe mula sa Diyos. Walang dudang iyan ang dahilan kung bakit ang kaloob na pagpapahayag ng mensahe mula sa Diyos ay bihirang naipakikita sa mga mananampalataya ngayon.

Paano Magsimula (How to Start)

Naipapanganak ang mga tahanang iglesia ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng ministeryo ng pagtatatag ng tahanang- iglesia o isang namumuno/pastor/tagapangasiwa na nabigyan ng Diyos ng bisyon para sa isang tahanang- iglesia. Alalahaning ang isang biblikal na namumuno/pastor/tagapangasiwa ay maaaring siyang itinuturing ng iglesiang institusyunal na magulang na layko. Walang tagatatag ng iglesia ang nangangailangan ng pormal na pag-aaral para sa ministeryo.

Kapag naibigay na ng Espiritu sa tagatatag ang bisyon para sa isang tahanang iglesia, kailangan niyang hanapin ang Panginoon tungkol sa ibang makakasama niya. Isasama siya ng Panginoon sa ibang taong pareho ang bisyon, at pinagtitibay ang kanyang pamumuno. O maaari siyang dalhin sa mga di-nananampalatayang bukas ang isip upang dalhin niya sila kay Cristo at mag-alagad sa isang tahanang iglesia.

Iyong mga nag-uumpisa pa lamang sa pakikipagsapalaran sa isang tahanang iglesia ay dapat umintindi na kailangan ng sapat na panahon para sa mga baguhan upangs maging komportable sa isa’t isa at matutuhan ang pakikibagay at pakikidaloy sa Espiritu. Ito ay magiging pagsubok at pagkakamali. Ang mga konsepto ng pagsali ng bawa’t-miyembro, pamumunong biblikal, ang pamumuno ng Espiritu at mga kaloob, sama-samang hapunan, isang karaniwan nguni’t espiritwal na kapaligiran ay lubhang dayuhan sa mga pamilyar lamang sa serbisyo sa institusyunal na iglesia. Kaya ang pagpapaiiral ng pagpapala at pasensiya ay kinakailangan habang ipinapanganak ang tahanang iglesia. Ang unang pormat ay maaaring tahanang Bible study, na may isang taong namumuno ng pagsamba, isa pang nagbabahagi ng inihandang pagtuturo, at magwawakas sa isang pagkakataon ng panalangin, kapatiran at hapunan. Bagama’t habang pinag-aaralan ng grupo ang biblikal na pormat para sa mga tahanang iglesiang iyon, ang namumuno/pastor/tagapangasiwa ay dapat manghikayat sa mga miyembro upaang gawin nila ang pinakamabuti para sa Diyos. Pagkatapos, mag-enjoy sa biyahe!

Maaaring lumipat ang mga pagpupulong sa Tahanang iglesia sa bahay-bahay ng iba-ibang miyembro kada Linggo, o isang tao ang maaaring magbukas ng kanyang tahanan bawa’t linggo. Paminsan-minsan, ang ilang tahanang iglesia ay lumilipat sa labas kung maganda ang panahon. Ang oras at lugar ay hindi kailangang Linggo ng umaga, kundi sa panahong naaayon sa lahat ng miyembro. Bilang pangwakas, magandang mag-umpisang maliit, na may kasaping hindi hihigit sa labindalawa.

Ang Paglipat mula Institusyon sa Pagiging Tahanang iglesia (How to Transition from Institution to House Church)

Sigurado, marami sa mga pastor na nagbabasa nito ay umiiral sa ilalim ng istruktura ng institusyunal na iglesia, at marahil ikaw, mahal na mambabasa, ay isa sa kanila. Kung nasagi ko ang isang kurdon sa iyong kalooban na nananabik sa uri ng iglesiang inilalarawan ko, iniisip mo na kung paano mo gagawin ang transisyon. Hinihikayat kitang maghintay. Mag-umpisa sa pagtuturo lamang ng mga biblikal na katotohanan at gawin ang kaya sa loob ng istrukturang kinalalagyan mo upang lumikha ng mga alagad na susunod sa mg utos ni Jesus. Malamang na ang mga tunay na alagad ay magnanais ng transisyon sa isang biblikal na istrukturang iglesia na naiintindihan nila. Ang mga kambing at relihiyosong tao ay malamang na tumanggi sa nasabing mga transisyon.

Pangalawa, pag-aralan ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa paksa at turuan ang iyong kongregasyon tungkol sa mga istrukturang iglesia at ang taglay na pagpapala ng mga ito. Sa susunod ay maaari na ninyong kanselahin ang inyong pagpupulong sa gitna ng linggo o serbisyo sa gabi ng Linggo upang umpisahan ang lingguhang maliliit na pulong sa mga bahay-bahay na pinangangasiwaan ng mga magulang na mananampalataya.

Hikayatin ang lahat upang dumalo. Hangga’t maaari, dagdagan ang inyong pagsunod sa padron ng biblikal na modelo ng tahanang iglesia. At bigyang-panahon ang mga tao upang lubusang matanggap ang pagpapala ng maliit nilang grupo.

Kung nasisiyahan na ang lahat sa mga pagpupulong sa tahanan, maaari mo nang ihayag na ang isang Linggo sa susunod na buwan ay magiging “Maagang Linggo ng iglesia.” Sa Linggong iyan, isasara ang gusaling iglesia at lahat ay pupunta sa mga tahanan upang magtipon gaya ng ginawa sa sinaunang iglesia, sama-samang naghahapunan, ang Banal na Hapunan ng Panginoon, kapatiran, pagsamba, at pagbabahagi ng pagtuturo at kaloob ng Espiritu. Kung tagumpay ito, maaari kang magkaroon ng pagtitipong gaya nito isang Linggo bawa’t buwan, hanggang sa dalawa, pagkatapos ay tatlo. Sa kalaunan, mapapakawalan mo ang bawa’t grupo bilang malayang tahanang iglesia, malaya upang lumago at magparami, at marahil ay magtipon para sa malaking pagpupulong minsan sa loob ng dalawang buwan.

Ang buong prosesong itong inilarawan ko ay maaaring mangyari sa loob ng isa hanggang dalawang taon.

O, kung gusto mo pang maging higit na maingat, maari mong umpisahan lamang ang isang pagtitipon sa tahanan nang may ilan sa pinaka-interesadong miyembrong pinamumunuan mo mismo. (Muli, hindi kailangang magtipon sa Linggo ng umaga ang mga tahanang iglesia.) Maaaring idulog bilang eksperimento at tiyak na magiging isang makabuluhang karanasan para sa lahat.

Kapag nagtagumpay ito, magtalaga ng isang tagapangasiwa at pakawalan ang grupo upang maging malayang iglesiang sasali sa Lingguhang serbisyo minsan lamang kada buwan. Nang sa gayon, ang bagong iglesia ay bahagi pa rin ng inang iglesia, at hindi mamaliitin ng mga naroon pa sa kongregasyong institusyunal. Maaari rin itong maka-impluwensiya sa iba upang ituring na bahagi ng isa pang tahanang iglesiang itinatatag ng iglesiang institusyunal.

Kung lalago ang unang grupo, taimtim na hatiin ito upang ang dalawang hati ay may magaling na pinuno at sapat na kaloob sa mga miyembro. Maaaring magtipon ang dalawa sa isang malaking pagdiriwang sa napagkasunduang mga okasyon, marahil minsan kada buwan o minsan bawa’t tatlong buwan.

Kahit alin ang daang tatahakin, panatilihing nakatuon sa layunin kahit na may mga kabiguan, na tunay na darating. Binubuo ang mga tahanang iglesia ng mga tao, at sanhi ng problema ang mga tao. Huwag sumuko.

Hindi mangyayaring lahat sa inyong kongregasyon ay gagawa ng ganyang transisyon, kaya magpasya ka kung kailan mo itatalaga mismo ang iyong sarili sa isang tahanang iglesia o koponan ng mga tahanang iglesia, upang iwanan ang institusyon. Iyan ang araw na mahalaga para sa iyo!

Ang Ulirang iglesia (The Ideal Church)

Maaari bang higit na matagumpay sa mata ng Diyos ang isang pastor sa tahanang iglesia kaysa isang pastor ng mega- iglesiang may malaking gusali at libu-libong dumadalo tuwing Linggo? Oo, kung nagpaparami siya ng masunuring mga alagad at tagalikha-ng-alagad, sumusunod sa modelo ni Jesus, salungat sa pag-ipon lamang niya ng mga espiritwal na kambing minsan isang linggo upang manood ng isang konsiyerto at makinig sa nakasisiyang talumpating binasbasan ng ilang sipi sa bibliang wala-sa-konteksto.

Ang isang pastor na naghahangad sumunod sa modelong tahanang iglesia ay hindi kailanman magkakaroon ng malaking kongregasyong kanya lamang. Bagama’t sa kalaunan, magkakaroon siya ng mga bungang nagtatagal, habang lumilikha ng alagad ang kanyang mga alagad. Maraming pastor ng “maliliit” na kongregasyon ng 40 o 50 tao na nagsisikap dumami ay nangangailangang magbago ng isip. Baka masyado nang malaki ang kanilang mga iglesia. Marahil ay huminto na sila sa kapapanalanging mabigyan ng higit na malaking gusali at mag-umpisang manalangin kung sino ang itatalaga upang mamuno ng dalawang tahanang iglesia (Maaari ba, kapang nangyari iyan, huwag ninyong bigyan ng bagong pangalan ang inyong denominasyon at bigyan ng titulong “obispo” ang inyong sarili!) .

Kailangan nating tanggalin ang palagay na higit na maganda ang mas malaki kung iglesia ang pag-uusapan. Kung susuriin natin sa pamantayang biblikal, mga isahang kongregasyong binubuo ng sandaang di-inaalagad na manonood na nagtitipon sa natatanging gusali ay lubhang kakaiba. Kung sinuman sa mga orihinal na apostol ang bumisita sa makabagong iglesiang institusyunal, magkakamot sila ng kanilang mga ulo!

Pangwakas na Pagtanggi (Final Objection)

Laging sinasabi na hindi kailanman tatanggapin ang idea ng mga iglesiang nagtitipon sa mga tahanan sa Kanluraning mundo kung saan naging bahagi na ng kultura ang Kristianismo. Kaya pinagtatalunan ang ating pananatili sa modelong institusyunal.

Una, napatutunayang hindi totoo ito, dahil ang kilusang tahanang iglesia at mabilis na umuusad sa Kanluraning mundo.

Pangalawa, masaya nang nagtitipon ang mga tao para sa mga pagdiriwang, hapunan, kapatiran, Bible study at grupong cell sa mga tahanan. Ang pagtanggap sa idea ng isang iglesia sa tahanan ay isang maliit na pagbabagong-isip.

Pangatlo, totoo na ang mga relihiyosong tao, “mga kambing na espiritwal,” ay hindi kailanman makatatanggap ng konsepto ng tahanang iglesia. Hindi sila kailanman gagawa ng anuman upang ituring silang kakaiba ng kanilang mga kapitbahay. Nguni’t ang totoong alagad ni Jesu-Cristo ay talagang tatanggap sa konsepto ng tahanang iglesia kapag naintindihan nila ang batayang biblikal. Madali nilang mapagtatanto na hindi kinakailangan ang mga gusali sa pag-aalagad. Kung gusto mong magtayo ng malaking iglesiang gamit ang “kahoy, dayamo o damo” (tingnan ang 1 Cor. 3:12), kailangan mo ng gusali, nguni’t masusunog din lang sa katapusan. Nguni’t kung gusto mong magparami ng mga alagad at tagalikha-ng- alagad, ang pagtatayo ng iglesia ni Jesus Cristo gamit ang “ginto, pilak o mahahalagang bato,” hindi mo kailangang magsayang ng salapi at lakas para sa mga gusali.

Napaka-interesante na ang pinakadakilang katutubong kilusang Ebangheliko sa mundo ngayon, ang kilusang “back to Jerusalem” ng mga tahanang iglesiang ng mga Tsino, ay nagpatibay ng tiyak na estratehiya upang ituro ang bintanang 10/40. Ang sabi nila, “wala kaming pagnanais na magtayo ng isa mang gusaling iglesia saanman! Pinababayaan nitong mabilis na kumalat ang Ebanghelyo, higit na mahirap alamin ng gobyerno, at hinahayaan tayong gugulin lahat ng ating mga kakayahan sa ministeryong Ebanghelyo.”

[7]

Tunay na magaling at biblikal na halimbawang susundin!

 


[1]

Bagama’t magmumukhang radikal, ang tanging dahilan ng pangangailangan ng mga gusaling simbahan ay ang kakulangan ng mga pinunong mamamahala ng maliliit na tahanang simbahan, na naging resulta ng kahinaan nga pagiging alagad ng magiging pinuno sa ilalim ng mga institusyunal na simbahan. Maaari kayang ang mga pastor ng malalaking simbahang institusyunal ay tunay na maysala sa pagkakait ng karapat-dapat na ministeryo sa mga pastor na tinawag ng Diyos sa kanilang kongregasyon? Oo.

[2]

Maaari rin nating punain kung bakit walang mga “matatandang pastor” “associate pastor” o “assistant pastor” na binabanggit sa Banal na Kasulatan. Muli, ang mga ito ay titulo na parang mahalaga sa modernong simbahan dahil sa kanyang istruktura ay hindi mahalaga sa sinaunang simbahan dahil sa kanyang istruktura. Mga tahanang simbahang may dalawampung tao ay hindi nangangailangan ng matatanda, associate o mga assistant na pastor.

[3]

Maraming mga pastor ang hindi kailanman nagiging magaling na mananalumpati, kahit na sila ay tinawag-ng-Diyos, mapagkalingang tagasilbi ni Cristo. Katunayan, mabagsik bang sabihing maraming sermon ng mga pastor ang nakakabagot, o kaya ay kung minsa’y nakakabagot? Ang sinabi ng isang kritiko ng simbahang, “ang sanlibong-yardang-tingin”ay pangkaraniwan sa mga nakaupo sa simbahan. Nguni’t ang mga pastor ding iyon na nakakabagot manalumpati ay kadalasang magagaling makipag-usap, at hindi nababagot ang kanilang mga tao sa kanilang pag-uusap. Kaya ang inter-active na pagtuturo sa mga tahanang-simbahan ay napaka-interesante. Lumilipad ang panahon sa mga pagkakataong iyon, kumpara sa maraming palihim na tumitingin sa orasan sa tuwing may sermon sa simbahan. Ang mga pastor sa tahanan ay hindi kailangang mag-alala sa pagiging nakakabagot.

[4]

Isa sa mga paborito kong kahulugan ng salitang kabaliwan ay ito: paulit-ulit na paggawa ng isang bagay at umaasa ng ibang resulta. Makapagtuturo nang mahabang panahon ang isang pastor tungkol sa tungkulin ng bawa’t miyembro upang makisangkot sa paglikha ng alagad, nguni’t hangga’t hindi sila gumagawa ng paraan upang palitan ang mga istruktura, patuloy na pupunta sa simbahan ang mga tao upang umupo, makinig at umuwi. Pastor, kung ipagpapatuloy mong gawin ang hindi nakapagpabago ng mga tao noon, hindi sila magbabago sa kinabukasan.

[5]

Siyempre, ang pangunahing dahilan kung bakit ayaaw ng mga pastor ang ideang ito ay gumagawa sila ng sarili nilang kaharian, hindi kaharian ng Diyos.

[6]

Alam ko, siyempre, na mayroong mga nagtuturing na ang mga milagro ng Espiritu ay nababagay lamang sa unang dantaon, kung kailan sila ay pinaniniwalaang huminto. Kaya, wala tayong dahilan upang hanapin ang naranasan ng sinaunang simbahan, at ang pagsasalita ng iba’t ibang wika ay hindi na balido. Kaunti ang aking pakikiramay sa mga taong iyan na parang makabagong Saduseo. Gaya ng isang nakapagpapapuri sa Diyos nang ilang ulit sa Hapon ayon sa mananalita ng Hapon na nakarinig sa akin, at ni hindi ako nakapag-aral ng Hapon, alam ko na hindi huminto ang pagbibigay ng mga kaloob na ganito ng Espiritu. Nagtataka rin ako kung bakit ang mga Saduseong ito ay nag-aangking tumatawag pa rin ang Banal na Espiritu, nanghahatol at nagpapabuhay sa mga makasalanan, nguni’t itinatakwil ang trabaho ng Espiritu sa kabila ng mga milagrong iyon. Ang uri ng “teolohiyang “ ito ay bunga ng hindi paniniwala ng mga tao at hindi pagsunod, walang pagpapatibay ng Banal na Salita, at katunayan ay tumataliwas sa layunin ni Cristo. Ito ay direktang pagsuway kay Cristo ayon sa isinulat ni Pablo 1 Cor. 14:37.

[7]

Brother Yun, Back to Jerusalem, ph. 58.