Ang Bagong Pagsilang

Kabanata 10

Kapag nagsisi ang mga tao at nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sila ay “muling isinilang.” Ano talaga ang ibig sabihin ng muling isinilang? Iyan ang punto ng kabanatang ito.

Upang maintindihan ang ibig sabihin ng muling isinilang, makatutulong na maintindihan muna ang kalikasan ng mga tao. Itinuturo ng Biblia na hindi lang tayo nilalang na pisikal, kundi espiritwal. Halimbawa, isinulat ni Pablo,

Nawa’y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa’y panatilihin Niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. (1 Tes. 5:23, idinagdag ang pagdidiin).

Tulad ng ipinakita ni Pablo, maituturing tayong nilalang na may tatlong bahagi na may espiritu, kaluluwa at katawan. Hindi nililinaw ng Biblia ang tatlong bahaging iyon, kaya pagsikapan nating ibukod ang mga iyon sa pag-intindi sa mga salita. Karaniwang ipinapalagay natin na ang ating katawan ay ang pisikal na bahagi—ang laman, buto, dugo at iba pa. Ang ating kaluluwa ay intelektwal at emosyonal na bahagi—ang ating isip. Ang ating espiritu ay malinaw na siyang espiritwal na bahagi, o ang inilalarawan ni Pablong, “ang nakatagong tao ng puso” (1 Ped. 3:4).

Dahil ang espiritu ay hindi nakikita, hindi ito kinikilala ng mga taong walang pagbabagong-buhay. Nguni’t malinaw sa Diyos na lahat tayo ay espiritwal na nilalang. Sinasabi sa atin ng Biblia na kapag namatay ang isang tao, ang katawan lamang niya ang nawawalan ng kakayahan, samantalang ang kanyang espiritu at kaluluwa ay nananatili. Sa kamatayan, iniiwan nila ang katawan (bilang iisa) upang humarap sa paghuhukom ng Diyos (tingnan ang Heb. 9:27). Pagkatapos ng paghuhukom, pupunta sila sa langit o impiyerno. Sa katapusan ay bawa’t espiritu at kaluluwa ay sasanib muli sa katawan sa pagkabuhay na muli.

Pagpapalawak ng Kahulugan ng Espiritu ng Tao (Ang Human Spirit More Defined)

Sa 1 Pedro3:4, tinukoy ni Pedro ang espiritu na “nakatagong tao,” sinasabing ang espiritu ay isang tao. Tinukoy rin ni Pablo ang espiritu bilang “panloob na tao,” at ipinakikita ang kanyang paniniwalang ang espiritu ng tao ay hindi lang isang konsepto o lakas, kundi isang tao:

Kaya’t hind kami nasisiraan ng loob kahit na humihina ang aming katawang-lupa; patuloy namang lumalakas ang aming espiritu araw-araw (2 Cor. 4:16, idinagdag ang pagdidiin).

Ang “panlabas na tao” ay malinaw na naglalarawan sa pisikal na katawan, samantalang ang “panloob na tao” ay nangangahulugan ng espiritu. Habang tumatanda ang katawan, napababago araw-araw ang espiritu.

Pansinin muli na tinutukoy ni Pablo ang kapwa katawan at espiritu bilang tao. Kaya kung naisip mo ang iyong espiritu, huwag mong isipin ang isang espiritwal na ulap. Mas mabuting isipin ang isang taong may hugis na mukhang ikaw. Subali’t kung matanda ka, huwag mong isipin na mukhang matanda ang iyong espiritu. Isipin ang itsura mo noong iyong kabataan dahil hindi kailanman tumanda ang iyong espiritu! Napababago ito araw-araw!

Ang iyong espiritu ang bahagi mo na isinilang muli (kung nanampalataya ka sa Panginoong Jesu-Cristo). Ang iyong espiritu ay sumama sa Espiritu ng Diyos (tingnan ang 1 Cor. 6:17), at Siya ang gumagabay sa iyo sa pagsunod mo Kay Jesus (tingnan ang Rom. 10:14).

Itinuturo ng Diyos na espiritu rin ang Diyos (tingnan ang Juan 4:24), pati rin ang mga anghel at mga demonyo. May hugis lahat sila at nasa espiritwal na antas. Subali’t hindi makikita ang spiritual na antas ng ating pandamang pisikal. Ang pagsisikap na makontak ang mundong espiritwal gamit ang ating pisikal na pandama ay parang dinarama ang mga signal ng radyo sa pamamagitan ng kamay. Hindi nadarama ng ating pisikal na pandama ang mga alon ng radyong naglalakbay sa isang silid, nguni’t hindi ibig sabihin na walang alon ng radyo doon. Ang tanging paraan upang makakuha ng signal ng radyo ay buksan ang radyo.

Totoo rin iyan sa espiritwal na antas. Dahil lamang sa hindi nararamdaman ang espiritwal na antas ng ating pisikal na pandama ay hindi nangangahulugang wala ito. Mayroon ito, at matanto man ng tao o hindi, bahagi sila ng espiritwal na antas dahil sila ay espiritwal na nilalang. Maaaring espiritwal na kaugnay sila ni Satanas (kung hindi sila nagsisi) o espiritwal na kaugnay ng Diyos (kung isinilang silang muli). Nalaman ng ilang espiritista kung paano umugnay sa espiritwal na mundo sa pamamagitan ng kanilang mga espiritu, nguni’t kinokontak nila ang kinaroroonan ni Satanas—ang kaharian ng kadiliman.

Mga Katawang Walang Maliw (Eternal Bodies)

Habang nasa paksa tayo, nais kong magsabi ng ilang bagay tungkol sa ating mga katawan. Kahit mamamatay sila pagdating ng panahon, pansamantala lamang ang ating mga pisikal na kamatayan. May isang araw na darating na mismong ang Diyos ang magpapabuhay muli sa bawa’t namatay na katawan ng tao. Sinabi ni Jesus,

Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagka’t darating ang oras na maririnig ng mga patay ang Kanyang tinig. Sila’y muling mabubuhay; lahat ng gumawa ng kabutihan ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay paparusahan (Jn. 5:28-29).

Isinulat ng apostol Juan sa aklat ng Pahayag na ang pagkabuhay-muli ng mga katawan ng masasama ay mangyayari isang libong taon pagkatapos ng pagkabuhay-muli ng mga mabubuti:

Binuhay sila [ang mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus ) upang magharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon. Mapalad at lubos na pinagpala ang mga nakasama sa unang pagbuhay sa mga patay [1] (Pah. 20:4b-6).

Sinasabi rin ng Diyos sa atin na pagdating ni Jesus upang hulihin ang iglesia, lahat ng mga patay na katawan ng mga mabubuti ay mabubuhay-muli upang umugnay sa kanilang mga espiritu habang papabalik mula sa langit kasama ni Jesus patungong himpapawid ng Mundo:

Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Jesus upang isama sa Kanya. Ito ang katuruan ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa, tayong mga natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na iyon kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. Pagkatapos nito, tayo namang mga buhay pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin Siya magpakailanman (1 Tes. 4:14-17).

Hinubog ng Diyos ang orihinal na tao mula sa alikabok ng lupa, at walang hirap sa Kanya na kunin ang mga elemento ng bawa’t tao ang buuing muli ang mga indibidwal na katawan mula sa elementong iyon.

Tungkol sa pagkabuhay-muli ng ating mga katawan, isinulat ni Pablo:

Ganyan din sa muling pagkabuhay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, nguni’t di mabubulok kailanman ang katawang muling binuhay, pangit at mahina nang ilibing, maganda’t malakas kapag muling nabuhay; nilibing na katawang panlupa, muling mabubuhay bilang katawang panlangit….Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang panlupa ay di maaaring magmana ng buhay na walang hanggan. Isang hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo’y mamamatay nguni’t lahat tayo’y babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagka’t sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at din a muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi mabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay (1 Cor. 15:42-44a, 50-53).

Pansinin na ang pangunahing katangian ng ating bagong katawan ay ang hindi sila namamatay at di nawawala. Kailanman ay hindi sila tatanda, magkakasakit, o mamamatay! Ang bagong katawan natin ay tulad ng katawang natanggap ni Jesus pagkatapos Niyang mabuhay-muli:

Subali’t sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Doon magmumula ang Tagapagligtas na hinihintay natin nang may pananabik, ang Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit Niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang-lupa na may kahinaan ay babaguhin Niya upang maging maluwalhating tulad ng Kanyang katawan (Fil. 3:20-21, idinagdag ang pagdidiin).

Pinagtibay din ni Apostol Juan ang kahanga-hangang katotohanang ito:

Mga minamahal, anak na tayo ng Diyos ngayon, nguni’t hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Nguni’t alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo’y matutulad sa Kanya, sapagka’t makikita natin kung sino talaga Siya (1 Jn. 3:2, idinagdag ang pagdidiin).

Bagama’t imposibleng intindihin ito ng ating isipan, mapaniniwalaan natin at magsasaya tayo sa mangyayari! [2]

Si Jesus tungkol sa Bagong Pagsilang (Jesus on ang New Birth)

Minsan ay nakipag-usap si Jesus sa Judiong lider na nagngangalang Nicodemo tungkol sa pangangailangan ng pagsilang muli ng espiritu ng tao sa aksiyon ng Espiritu Santo:

Sumagot s Jesus [kay Nicodemo], “Pakatandaan mo: malibang ipanganak na muli ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.” Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makapapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling isilang?” tanong ni Nicodemo. Sagot naman ni Jesus, “Pakatandaan mo: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng espiritu, hindi ito makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang taong ipinanganak ayon sa laman ay laman, at ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi Ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli’” (Jn. 3:3-7).

Noong una, akala ni Nicodemo na ang tinutukoy ni Jesus ay pisikal na maipanganak muli ang isang tao upang makapasok sa kaharian ng langit. Nguni’t nilinaw ni Jesus na espiritwal na muling kapanganakan ang tinutukoy Niya. Ibig sabihin, ang espiritu ng tao ay kailangang maipanganak muli.

Kung bakit kailangan natin ng espiritwal na muling pagkabuhay ay dahil nabahiran ng masamang makasalanang kalikasan ang ating mga espiritu. Ang makasalanang kalikasang iyan ay laging tinutukoy sa Biblia na kamatayan. Upang maintindihan natin, tutukuyin natin iyang masamang kalikasan na espiritwal na kamatayan upang mapag-iba natin sa pisikal na kamatayan (na nangyayari kapag wala nang kakayahan ang katawan).

Depinisyon ng Kamatayang Espiritwal (Spiritual Death Defined)

Inilarawan ni Pablo ang ibig sabihin ng kamatayang espiritwal sa Efeso 2:1-3:

Noong una’y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa ating laman, at sumusunod sa masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya’t sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos (idinagdag ang pagdidiin).

Malinaw na hindi tinutukoy ng Pablo ang pisikal na kamatayan dahil sumusulat siya sa mga pisikal na buhay na tao. Bagama’t sabi niya na minsan ay “patay sila dahil sa kanilang mga kasalanan.” Ito ay kasalanang nagbubukas ng pinto ng espiritwal na kamatayan (tingnan ang Ro. 5:12). Ang ibig sabihin ng espiritwal na kamatayan ay pagkakaroon ng makasalanang kalikasan sa iyong espiritu. Pansinin na sinabi ni Pablo na sila ay “likas na anak ng galit.”

Dagdag pa rito, ang pagiging spiritwal na patay ay nangangahulugang pagkakaroon ng kalikasan ni Satanas sa iyong espiritu. Sinabi ni Pablo na ang mga patay sa espiritu ay mayroong espiritu ng “prinsipe ng kapangyarihan ng hangin” sa kanila. Ang “prinsipe ng kapangyarihan ng hangin” ay walang dudang ang demonyo (tingnan ang Efe. 6:12), at ang kanyang espiritu ay naroon sa lahat ng hindi ligtas.

Ang diyablo ang inyong ama! At ang kagustuhan niya ang ibig ninyong gawin. Noon pa man ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagka’t walang puwang sa kanya ang katotohanan. Likas sa kanya ang magsinungaling, sapagka’t siya’y talagang sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan (Juan 8:44).

Mula sa pagtinging espiritwal, ang mga hindi naipanganak muli ay hindi lamang nagkakaroon ng kalikasan ni Satanas sa kanilang mga espiritu, kundi si Satanas rin ang kanilang espiritwal na ama. Natural na kumikilos silang parang demonyo. Mamamatay-tao sila at sinungaling.

Hindi lahat ng taong hindi ligtas ay pumatay, nguni’t itinutulak sila ng parehong kasuklaman ng mamamatay-tao, ay papatay sila kung matatakbuhan nila ito. Ang ligalisasyon ng aborsyon sa maraming bansa ang nagpapatunay niyan. Ang mga di-ligtas na tao ay papatay kahit sarili nilang di pa napapanganak na sanggol.

Kaya kailangan ng isang tao ang espiritwal na pagkapanganak muli. Kung ganoon, naaalis ang kalikasang makasalanan sa kanyang espiritu at napapalitan ng banal na kalikasan ng Diyos. Ang Espiritu Santo ng Diyos ay mananahan sa kanyang espiritu. Hindi na siya “patay sa espiritu” kundi “binuhay na espiritu.” Ang kanyang espiritu ay hindi na patay kundi buhay sa Diyos. Sa halip na siya’y espiritwal na anak ni Satanas, magiging espiritwal na anak siya ng Diyos.

Ang Pagbabago ay Hindi Kahalili ng Pagkabuhay na Muli (Reformation is No Substitute for Regeneration)

Dahil ang mga di-ligtas na tao ay patay sa espiritu, kailanman ay hindi sila maililigtas ng pagbabago, kahit anong gawin nila. Kailangan ng mga di-ligtas na tao ang bagong kalikasan, hindi lang panlabas na gawa. Makakakuha ka ng baboy, paliguan ito, pabanguhan, at talian ng pink na laso ang kanyang leeg, nguni’t ang makikita mo lang ay isang nalinisang baboy! Ang kanyang kalikasan ay pareho rin. At di magtatagal ay babaho na naman siya at muling mahihiga sa putik.

At iyan ay totoo tungkol sa relihiyosong mga taong hindi pa kailanman naipapanganak muli.

Maaari silang malinisan nang bahagya sa kanilang panlabas na anyo, nguni’t sa loob ay ganoon pa rin sila karumi. Ito ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga napakarelihiyosong tao sa kanyang kapanahunan,

Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, nguni’t ang mga iyon ay puno ng kasakiman at makasarili. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa, at magiging malinis din ang labas nito! Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo’y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, nguni’t ang loob ay bulok at puno ng kalansay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao’y mabubuti, nguni’t ang totoo’y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan (Mt. 23:25-28).

Ang mga salita ni Jesus ay akmang paglalarawan ng lahat ng mga relihiyosong hindi nakaranas ng bagong kapanganakan sa Espiritu Santo. Nililinis ng bagong kapanganakan ang loob at hindi lang ang panlabas na anyo ng tao.

Ano ang Nangyayari sa Kaluluwa Kapag Naipanganak Muli ang Espiritu? (What Happens to the Soul When the Spirit is Reborn?)

Kapag naipanganak muli ang espiritu ng tao, sa una ay hindi apektado ang kanyang kaluluwa (maliban sa pagpapasya ng kanyang isip na sundin si Jesus). Nguni’t inaasahan ng Diyos na may gagawin tayo sa ating kaluluwa pag naging isa tayo sa mga anak Niya. Ang ating mga kaluluwa (isip) ay dapat mapabago ng Salita ng Diyos upang mag-isip tayo sa paraang nais ng Diyos. Sa pamamagitgan ng pagpapabago natin ng isip na nagkakaroon ng patuloy na panlabas na pagbabago sa ating buhay, na nagiging dahilan ng patuloy nating pagiging parang si Jesus:

Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban Niya (Ro. 12:2,idinagdag ang pagdidiin).

Isinulat din ni Santiago ang parehong proseso sa buhay ng mananampalataya:

Mapagkumbabang tanggapin ninyong taimtim sa inyong puso ang salita ng Diyos sapagka’t ang salitang ito ang makakapagligtas sa inyo (San. 1:21b).

Pansinin na sumusulat si Santiago sa Mga Cristiano—mga taong ang espiritu’y naipanganak nang muli. Nguni’t kailangan ng kanilang mga kaluluwa ang maligtas, at mangyayari lamang habang tinatanggap nila ang “itinanim na salita.” Kaya kailangan ng mga bagong mananampalataya na maturuan ng Salita ng Diyos.

Ang Latak ng Lumang Kalikasan (The Residue of the Old Nature)

Pagkatapos ng kanilang bagong kapanganakan, malalaman ng mga Cristiano na mayroon silang dalawang kalikasan, daranasin ang tinatawag ni Pablo na giyera ng “Espiritu at laman”:

Sapagka’t ang mga nasa ng laman ay laban sa kalooban ng Espirituat ang kalooban ng Espiritu ay laban sa mga nasa ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito kaya’t di ninyo magawa ang nais ninyong gawin (Gal. 5:17).

Ang latak ng lumang kalikasang makasalanan na nananatili ay tinatawag ni Pablo na “ang laman.” Ang dalawang kalikasan sa atin ay lumilikha ng magkaibang nasa, na kapag pinagbigyan natin, ay lumilikha ng magkaibang kilos at istilo ng pamumuhay. Pansinin ang pagkakaibang ginagawa ni Pablo sa “kilos ng laman” at “ang bunga ng Espiritu”:

Hindi maikakaila ang mga hilig ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot sa isa’t isa, pag-aaway-away, pagseseloos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos. Subali’t ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapataan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito (Gal. 5:19-23).

Malinaw na maaaring bumigay ang Mga Cristiano sa mga hilig ng laman; kung hindi, hindi sana sila binalaan ni Pablo na kapag pinagbibigyan nila ang mga hilig ng laman, hindi nila mamanahin ang kaharian ng Diyos. Sa kanyang sulat sa mga taga-Roma, sinabi rin ni Pablo ang dalawang kalikasan ng bawa’t Cristiano at nagbabala ng parehong kahihinatnan ng pagbibigay sa laman:

Nguni’t dahil nananahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buhay sapagka’t itinuring na kayong matuwid ng Diyos. Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa katawang maka-laman. Sapagka’t mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa katawang makalaman, nguni’t kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos (Ro. 8:10, 12-14, idinagdag ang pagdidiin).

Ito ay malinaw na babala sa mga Cristiano. Ang pamumuhay (sinasabi niyan na regular ang paggawa) ayon sa laman ay nagreresulta sa kamatayan. Marahil ay nagbibigay-babala si Pablo tungkol sa espiritwal na kamatayan, dahil lahat naman ay pisikal na mamamatay, kahit mga Cristiano na “nagpapatay ng mga kilos ng katawan.”

Ang Cristiano ay maaaring pansamantalang magkasala ng isa sa mga inilista ni Pablo; nguni’t kapag nagkasala ang isang mananampalataya, makakaramdam siya ng paghatol at sana ay magsisi siya. Ang sinumang mangumpisal ng kanyang kasalanan at humingi ng pagpapatawad ng Diyos ay, siyempre, lilinisin (tingnan ang 1 Jn. 1:9).

Kapag nagkasala ang isang Cristiano, hindi ibig sabihin na pinutol na niya ang kanyang ugnayan sa Diyos—ibig sabihin, pinutol niya ang kanyang pakikipagkapwa. Anak pa rin siya ng Diyos, nguni’t siya’y anak ng Diyos na suwail. Kung ang mananampalataya ay hindi nangumpisal ng kanyang kasalanan, inilalagay niya ang kanyang sarili sa isang posisyong didisiplinahin ng Panginoon.

Ang Giyera (The War)

Kung natagpuan mo ang iyong sarili na nagnanasang gumawa ng mga bagay na alam mong mali, naranasan mo ang “hilig ng laman.” Walang dudang natuklasan mo rin na kung natukso ka ng laman upang gumawa na kamalian, may lumalaban sa iyong kalooban upang hindi gawin ang tukso. Iyan ang “nais ng Espiritu.” At kung alam mo ang pananalig na nanggagaling sa iyong kalooban kapag bumibigay ka sa tukso, nakikilala mo ang tinig ng iyong espiritu, na tinatawag nating “konsensya.”

Talagang alam ng Diyos na ang hilig ng ating laman ay tutukso sa atin upang gumawa ng mali. Nguni’t hindi iyan dahilan upang bigyang-katarungan ang pagbibigay natin sa mga hilig ng laman. Inaasahan pa rin tayo ng Diyos na kumilos nang may pagsunod at kabanalan at igpawan ang likas na hilig ng laman:

Sinasabi ko sa inyo, ang espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman (Gal. 5:16).

Walang pormulang may mahika upang igpawan ang laman. Sinabi lamang ni Pablo na “gawin nating patnubay ang espiritu,” at “hindi tayo magiging alipin ng hilig ng laman” (Gal. 5:16). Walang Cristiano ang nakalalamang sa sinumang Cristiano sa puntong ito. Ang pagturing na patnubay sa espiritu ay simpleng desisyon na dapat gawin ng bawa’t isa, at ang pananalig natin sa Panginoon ay masusukat sa kung gaano tayo hindi bumibigay sa mga hilig ng laman.

Parehong isinulat rin ni Pablo:

At pinatay na ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makasariling pagkatao, pati na ang mga masasamang hilig nito (Gal. 5:24).

Pansinin na sinabi ni Pablo ang mga na kay Cristo ay pinatay (pangnagdaan) ang makasariling pagkatao. Nangyari iyan nang nagsisi tayo at nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo. Pinatay natin ang makasalanang kalikasan, nagpasyang sundin si Diyos at labanan ang kasalanan. Kaya ngayon ay hindi ito tungkol sa pagpatay sa laman, kundi pagpapanatiling patay ito.

Hindi laging madali ang pagpapanatiling patay ng laman, nguni’t posible ito. Kung padadala tayo sa taong nasa ating kalooban sa halip na bumigay sa hilig ng laman, ipakikita natin ang buhay ni Cristo at mamuhay sa kabanalan sa harap Niya.

Ang Kalikasan ng ating Bagong-Likhang Espiritu (Ang Nature of our Recreated Spirits)

May isang salitang ganap na naglalarawan ng kalikasan ng ating bagong-likhang espiritu, at ang salitang iyan ay Cristo. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na may parehong kalikasan tulad ni Jesus, tunay na taglay natin ang kalikasan ni Jesus na nananahan sa atin. Isinulat ni Pablo, “Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kunsi si Cristo na ang nabubuhay sa akin” (Gal. 2:20).

Dahil nasa atin ang Kanyang kakayahan at kalikasan, taglay natin ang kahanga-hangang potensyal upang mamuhay na tulad ni Cristo. Hindi talaga natin kailangan ang marami pang pag-ibig, pasensiya, o pagpipigil sa sarili—taglay natin ang tunay na nagmamahal, pasensyoso, at nagpipigil-sa-sariling Tao na nananahan sa atin! Ang tanging dapat nating gawin ay payagan Siyang mabuhay sa atin.

Nguni’t mayroon tayong pangunahing katunggali, na lumalaban sa kalikasan ni Jesus, pinipigilan Siyang lumantad sa pamamagitan natin; at iyan ang ating laman. Hindi nakapagtatakang sinabi ni Pablo na kailangan nating patayin ang ating laman. Tungkulin nating panghawakan ang ating laman, at pagsasayang ng panahon ang paghingi sa Diyos na panghawakan ito. May problema rin si Pablo sa hilig ng kanyang laman, nguni’t pinanghawakan at naigpawan niya ito:

Subali’t sinasanay ko at sinusupil ang aking katawan, upang sa gayo’y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba (1 Cor. 9:27).

Ikaw rin, ay kailangang gawin ang katawan bilang alipin ng iyong espiritu kung nais mong mamuhay nang banal sa harap ng Panginoon. Magagawa mo iyan!

 


[1] Dahil sinasabi ni Juan na ito ang “unang muling pagkabuhay,” inaakay tayo upang paniwalaang walang ibang muling pagkabuhay bago ito. Dahil nangyayari ito sa pagtatapos ng malawakang paghihirap sa pagbabalik ni Jesus, sinasalung at nito ang idea ng dagit bago ang paghihirap, na alam nating may malawakang muling pagkabuhay pagdating niJesus mula sa langit at ang dagit ng simbahan ayos sa 1 Tes. 4:13-17. Pag-aaralan natin ito ng higit na detalye sa isang kabanatang pinamagatang Ang Mga Huling Panahon.

[2] Para sa karagdagang pag-aaral tungkol sa paksa ng muling pagkabuhay, tingnan ang Dan. 12:1-2; Jn. 11:23-26; Gw. 24:14-15; 1 Cor. 15:1-57.