Marahil ay magugulat kayo na malamang may paboritong mangangaral si Jesus. Higit pa kayong magugulat na ang paboritong mangangaral ni Jesus ay hindi Lutheran, Methodist, Anglican, Pentecostal o Presbyterian. Bagkus, siya ay isang Baptist! Kilala natin siya bilang si Juan na Tagapagbautismo, siyempre! Sinabi ni Jesus tungkol sa kanya,
Tandaan ninyo: higit na dakila sa Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig (Mt. 11:11a).
Dahil lahat ng tao ay “isinilang sa daigdig,” ito ay ibang pagpapahayag na, sa pagtaya ni Jesus, si Juan na Tagapagbautismo ang pinakadakilang taong nabuhay. Mahuhulaan lang natin kung bakit ganito ang pakiramdam ni Jesus. Nguni’t mukhang makatwiran na mataas ang tingin ni Jesus kay Juan dahil sa mga katangiang espiritwal nito. Kung magkagayon, dapat ay matutunan natin at gayahin ang mga katangiang espiritwal na iyon. Nakakalap ako ng hindi kukulang sa pitong katangiang espiritwal ni Juan na Tagapagbautismo na kapuri-puri. Bagama’t lubhang sinasagisag ng ministeryo ni Juan ang ministeryo ng isang mangangaral, karapat-dapat ang pitong katangiang espiritwal para sa sinuman at lahat ng ministro ng magandang balita. Tingnan natin ang una sa pito.
Ang Unang Katangian ni Juan (John’s First Quality)
Ang mga pinuno ng Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.” “Sino ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi ako si Elias,” tugon niya. “IKaw ba ang propeta?” Sumagot siya, “Hindi rin.” “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli. Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias,“Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’ ” (Jn. 1:19-23).
Alam ni Juan ang kanyang tawag at sinunod niya ito.
Napakahalaga para sa mga ministro ang malaman ang kanilang tawag at sundin ang mga ito. Kung ikaw ay mangangaral, dapat ay huwag mong subukang maging pastor. Kung ikaw ay guro, huwag mong subukang maging propeta. Kung hindi, madidismaya ka lamang. Paano mo malalaman ang iyong tawag? Una, sa pamamagitan ng paghanap sa Panginoon, ang Siyang tumawag sa iyo. Pangalawa, sa pagsiyasat ng iyong kakayahan. Kung tinawag ka ng Diyos bilang mangangaral, ihahanda ka Niya para sa gawain. At pangatlo, sa pamamagitan ng pagkumpirma ng ibang talagang mapapansin ang iyong kakayahan.
Kapag sigurado ka na sa iyong tawag, dapat ay sundin mo ito nang buong puso, at hindi hahayaang pigilan ka ang anumang balakid. Marami ang naghihintay sa Diyos na gawin ang inaasahan Niyang gawin nila. Hindi hinintay ni Noe ang Diyos upang makapagpatayo ng arka!
Sinasabing ang ministeryo ay binabaybay na T R A B A H O. Talagang susubukan ni Satanas na pigilan ka sa pagsunod ng iyong tawag, nguni’t kailangang labanan mo siya at isulong ang iyong pananampalataya. Kahi’t hindi sinasabi sa ating ng Biblia, makasisiguro kang may isang araw na unang umpisahan ni Juan ang pangangaral sa paligid ng rehiyon ng Jordan. Walang dudang ang kanyang mga unang kawan ay higit na maliit kaysa sa mga nahuli. Makasisiguro kang pinagtawanan siya ng mga tao at nakaranas siya ng pag-uusig. Nguni’t hindi siya mapigilan. Ang tanging layunin niya ay aliwin ang kanyang Diyos na tumawag sa kanya sa kanyang ministeryo. Sa katapusan ay nagtagumpay siya.
Ang unang katangiang espiritwal ni Juan ay karapat-dapat sa ating paggaya: Alam ni Juan ang kanyang tawag at sinunod niya ito.
Ang Pangalawang Katangian ni Juan (John’s Second Quality)
Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Ganito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagka’t malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” (Mt. 3:1-2).
Talagang aprubado ni Jesus ang simpleng mensahe ni Juan, dahil ito ang mensaheng ipinaaabot ni Jesus saan man Siya magpunta (tingnan ang Mt. 4:17). Tinawag ni Juan ang mga tao upang magsisi—na tumalikod sa buhay na puno ng kasalanan at mamuhay nang matuwid. Ang mga hindi magsisi ay itatapon sa impiyerno.
Di tulad ng maraming modernong mangangaral, kailanman ay hindi binanggit ni Juan ang pag-ibig ng Diyos. Ni hindi niya pinag-usapan ang mga “pangangailangan” ng mga tao bilang paraan upang hikayatin silang magdasal ng walang kahulugang panalangin ng “pagtanggap kay Jesus” upang maumpisahan nilang maranasan “ang marangyang buhay.” Hindi niya inakay ang mga tao upang paniwalaang mabubuti talaga sila at nais silang dalhin ng Diyos sa langit kung mapagtanto lamang nila na ang kaligtasan ay hindi sa gawa. Bagkus nakita sila ng Diyos—mga rebeldeng nanganganib humarap sa walang hanggang kahihinatnan dahil sa kanilang mga kasalanan. Taimtim na binalaan Niya sila sa darating na galit. Sineguro Niyang naintindihan nila na kapag hindi nila binago ang kanilang mga puso at gawa, nahatulan na sila.
Kaya ang pangalawang katangiang inaangkin ni Juan na karapat-dapat gayahin ng bawa’t ministrong tagalikha-ng- alagad ay ito: inihayag ni Juan na ang pagsisisi ang unang hakbang sa pagkakaroon ng ugnayan sa Diyos.
Ang Pangatlong Katangian ni Juan (John’s Third Quality)
Gawa sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan (Mt. 3:4).
Wala talaga sa itsura ni Juan ang modernong “mangangaral ng kariwasaan.” Katunayan, kailanman ay hindi nila papayagan ang tulad ni Juan na pumasok sa kanilang iglesia dahil wala sa kanyang pananamit ang mukha ng tagumpay. Subali’t si Juan ay tunay na tao ng Diyos na walang interes sa pag-ipon ng kayamanan sa lupa o antigin ang mga tao sa kanyang panlabas na anyo, dahil batid niyang ang Diyos ay tumitingin sa puso. Simple siyang namuhay, at ang istilo niya ng pamumuhay ay hindi nakasira ninuman, dahil alam nila na hindi salapi ang kanyang motibo. Lubhang salungat ito sa maraming modernong ministro sa buong mundo, na ginagamit ang magandang balita unang-una para sa sariling kapakanan. At dahil inililihis nila ang pagtingin kay Jesus, sinisira nila ang mga adhikain ni Cristo.
Ito ang pangatlong katangiang nakatulong kay Juan na maging paboritong mangangaral ni Jesus: Simpleng namuhay si Juan.
Ang Pang-apat na Katangian ni Juan (John’s Fourth Quality)
Marami ngang tao ang nagsilapit kay Juan upang magpabautismo. Nguni’t sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa kaparusahang darating? Ipakita ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi na kayo, at huwag ninyong idahilan na mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham” (Lu. 3:7-8).
Habang nilalapitan ng ministeryo ni Juan ang dumaraming tao, malinaw na hindi nagbago ang kanyang mensahe. Maaari pang naghinala si Juan sa mga motibo ng mga tao nang nagiging popular ang magpabautismo. Kahit mga tagapagturo ng kautusan at mga Pariseo ay naglalakbay patungong Jordan (tingnan ang Mt. 3:7). Nag-alala siyang nakikiayon lamang ang mga tao sa karamihan. Kaya ginawa niya ang kanyang makakaya upang hindi sila madaya, sinisira ang anumang gabay na sumusuporta sa kanilang pagkadaya. Ayaw niyang isipin ninuman na inililigtas sila ng pagpapabautismo lamang, o mapipigil ng pagpapahayag ng pagsisisi pagkatapon nila sa impiyerno. Nagbabala siya na ang tunay na pagsisisi ang nagdudulot ng bungang pagkamasunurin.
Dagdag pa rito, dahil itinuring ng maraming Judio na sila’y ligtas dahil sa pisikal na angkan ni Abraham, ibinunyag ni Juan ang kamalian ng pag-asang iyan.
Ito ang pang-apat na kapuri-puring katangian ni Juan: Lubhang mahal niya ang mga tao upang sabihin sa kanila ang katotohanan. Kailanman ay hindi niya tinitiyak ang mga hindi nagsisisi at hindi banal na tao na patungo siya sa langit.
Ang Panlimang Katangian ni Juan (John’s Fifth Quality)
Hindi binabautismuhan ni Juan ang mga taong mukhang hindi nagsisisi, at hindi niya sinususugan ang pandaraya-sa-sarili ninuman. Binautismuhan niya ang mga tao “habang ikinukumpisal nila ang kanilang mga kasalanan” (Mt. 3:6). Binalaan niya ang mga dumating:
Ngayon pa lamang ay nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawa’t punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. …Hawak na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kanyang kamalig ang trigo nguni’t ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman (Mt. 3:10, 12).
Hindi natakot si Juan sa sabihin ang katotohanan tungkol sa impiyerno, isang paksang laging iniiwasan ng mga ministrong nagnanais manalo sa patimpalak ng kagandahan sa halip na umakay ng mga kaluluwa para sa kaharian ng Diyos. Ni hindi rin nabigo si Juan na ipahayag ang parehong temang natuklasan natin sa Sermon sa Bundok ni Cristo—ang mga banal lamang ang magmamana ng kaharian ng Diyos. Ang mga hindi mamumunga ng mabuting bunga ay itatapon sa apoy.
Kung buhay ngayon si Juan, malamang na tutuligsain siya ng maraming taong nagsasabing sila’y mga Cristiano bilang “ministro ng apoy ng impiyerno at asupre,” isang propeta ng kalungkutan at kamatayan,” “hindi sensitibo sa naghahanap,” o higit pang masama, “negatibo,” “mapanghusga,” “ligalistiko” o “nagmamatuwid.” Nguni’t si Juan ang paboritong mangangaral ni Jesus. Ang kanyang panlimang katangian: Itinuro ni Juan ang tungkol sa impiyerno at tiniyak niya kung anong uri ng tao ang papunta doon. Napakainteresanteng tinukoy ni Lucas ang mensahe ni Juan bilang “ang magandang balita” (Luc. 3:18).
Ang Pang-anim na Katangian ni Juan (John’s Sixth Quality)
Malakas na ginamit si Juan ng Diyos at naging lubhang popular ito sa maraming tao, alam niya na wala siya sa katiting ni Jesus, kaya lagi niyang pinuri ang kanyang Panginoon:
Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Nguni’t ang darating na kasunod ko ang siyang magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas (Mt. 3:11).
Ang pagturing ni Juan sa kanyang sarili ay lubhang salungat sa kayabangan ng mga “ministro” sa kasalukuyang panahon. Ang kanilang magasin ng ministeryong de-kulay ay nagtataglay sa bawa’t pahina ng kanilang larawan, samantalang halos hindi nila binabanggit si Jesus. Pumaparada silang mga paboreal sa entablado ng kanilang iglesia, pinupuri ang kanilang sarili sa mata ng kanilang mga tagasunod. Hindi sila nasasaling ni naaabot, puno ng sarili nilang pagpapahalaga. Ang ilan ay nag-uutos pa sa mga anghel at Diyos! Nguni’t itinuring ni Juan ang kanyang sarili na hindi karapat-dapat magtanggal ng sandalyas ni Jesus, na maitinuturing na gawain ng isang mababang alipin. Tumanggi siya nang pinuntahan siya ni Jesus upang magpabautismo, at nang napagtanto niya na si Jesus ay ang Cristo, agad niyang itinuro ang lahat sa Kanya, at idineklarang Siya “ang kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan” (Jn. 29). “Kinakailangang Siya ang maging dakila at ako nama’y maging mababa” (Jn. 3:30) ang naging mapagkumbabang sawikain ni Juan.
Ito ang pang-anim na katangian ni Juan na tumulong sa kanyang pagiging paboritong mangangaral ni Jesus: Nagpakumbaba si Juan at pinuri si Jesus.Wala siyang pagnanais magpapuri sa sarili.
Ang Pampitong Katangian ni Juan (John’s Seventh Quality)
Kadalasan ay nagpapahayag ang mga modernong mangangaral nang malabo at pangkalahatan upang hindi makasakit ng damdamin. Napakadaling mangaral nang, “Gusto ng Diyos na gumawa tayo ng mabuti!” Kapwa totoo at hindi totoong Cristiano ang magsasabi ng “Amen” sa nasabing pangaral. Marami ring mga mangangaral ang napakadaling laging mag-ulit ng mga kasalanan ng sanlibutan, at iniiwasan ang pagbanggit ng parehong kasalanang nangyayari sa iglesia. Halimbawa’y magagalit sila laban sa pornograpiya, nguni’t hindi kailanman babanggitin ang R-rated at immoral na video at DVD na pinapanood at kinokolekta pa ng marami sa kanilang mga miyembro. Ang takot sa tao ang nakaumang sa kanila.
Nguni’t hindi nag-atubili si Juan na mangaral nang ispesipiko. Iniuulat ni Lucas:
Tinanong siya ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?” Sumagot siya sa kanila, “kung mayroon kang dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Ganyan din ang gawin ng may pagkain.” Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila’y nagtanong sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat ninyong singilin,” tugon niya. Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di makatuwiran; masiyahan na kayo sa inyong sweldo,” sagot niya (Luc. 3:10-14).
Interesante na lima sa mga anim na ispesipikong direktibang ibinigay ni Juan ay may kinalaman sa salapi o materyal na bagay. Hindi natakot si Juan na mangaral tungkol sa pamamahala na kaugnay ng ginintuang utos at pangalawang pinakadakilang utos. Hindi rin naghintay si Juan ng maraming taon hanggang ang mga bagong “mananampalataya” ay handa sa nasabing “mabibigat” na konsepto. Naniwala siya na imposibleng pagsilbihan ang Diyos at kayamanan, kaya ang pamamahala ay mahalaga mula sa umpisa.
At iyan ay magdadala ng isa pang punto. Hindi nagpakadalubhasa si Juan sa mga maliliit, laging inuulit ang pananamit at iba pang isyu ng kabanalang kaugnay sa panlabas na anyo, nagpokus siya sa “higit na mabigat na probisyon ng kautusan” (Mt. 23:23). Alam niya na ang pinakamahalaga ay mahalin natin ang ating kapwa at tratuhin natin ang iba na tulad ng gusto nating pagtrato nila sa atin. Ibig sabihin niyan na pamamahagi ng pagkain at kasuotan sa mga wala nito, pagiging tapat sa pakikisama sa iba, at pagiging kuntento sa kung ano ang meron tayo.
Ito ang pampitong katanigang nagpalapit ng puso ni Jesus kay Juan: nangaral siya hindi sa pamamagitan ng malabong pangkalahatan, kundi nagbanggit siya ng ispesipikong mga bagay na dapat gawin ng mga tao upang masiyahan ang Diyos, kahit mga bagay na may kaugnayan sa pamamahala. At, nagpokus siya sa pinakamahalaga..
Bilang Pangwakas (In Conclusion)
Ang ministeryo ng isang pastor o guro ay nakikilala sa higit na malawak na paksa kaysa mga paksa ni Juan. Nangangaral si Juan sa mga hindi nagsisisi. Siyempre, ang dapat pangunahing tinuturuan ng ministeryo ng pastor o guro ay mga nakapagsisi na. Ang kanilang pagtuturo ay batay sa mga bagay na sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad at nakatala sa mga sulat sa Bagong Tipan.
Bagama’t kadalasang nabibigo tayong kilalanin ang ating mga tagapakinig, at mukhang ngayon ay madalas pinangangaralan ang mga makasalanan na parang sila’y Santo. Dahil lamang sa nakaupo ang mga tao sa isang gusaling iglesia ay hindi nangangahulugang ang trabaho natin ay tiyakin sa kanila ang kanilang kaligtasan, lalo na kung ang kanilang buhay ay hindi maibubukod sa mga nasa mundo. May matinding pangangailangan ngayon para sa milyun-milyong “Juan na Tagapagbautismo” upang mangaral mula sa mga pulpit ng iglesia. Tatanggapin mo ba ang hamon? Magiging isa ka ba sa mga paboritong mangangaral ni Jesus?