Dahil karaniwang kaalaman na higit sa kalahati sa bumubuo ng ng iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo ay kababaihan, mahalagang maintindihan ang kanilang atas-ng-Diyos na papel sa loob nito. Sa karamihan sa mga iglesia at ministeryo, tinitingnan ang mga kababaihan bilang mahalagang tagagawa, na lagi nilang ginagampanan ang karamihan sa kabuuan ng ministeryo.
Subali’t hindi lahat ay nagkakasundo sa papel ng kababaihan. Kadalasan ay napagbabawalan ang kababaihan sa ilang gawain sa ministeryo na may kinalaman sa pagsasalita at pamumuno. Pinapayagan ng iba ang pagiging pastor na kababaihan; marami ang hindi. Ang ilan ay talagang nagbabawal sa kababaihan upang magsalita sa mga pagtitipon sa iglesia.
Karamihan sa hindi pagkakasundong ito ay nagmumula sa iba-ibang interpretasyon ng mga salita ni Pablo tungkol sa papel ng kababaihan na matatagpuan sa 1 Cor. 14:34-35 at
1 Tim. 2:11-3:7. Ang mga pahayag na ito ang magiging pokus ng ating pag-aaral, lalo na sa pagtatapos ng kabanata.
Mula sa Umpisa (From the Beginning)
Sa ating pagsisimula, tunghayan natin ang ibinubunyag ng Biblia tungkol sa kababaihan mula sa mga unang pahina. Ang mga babae, tulad ng mga lalaki, ay nilikha sa larawan ng Diyos:
Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila’y Kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae (Gen. 1:27).
Nguni’t alam natin na nilikha ng Diyos si Adam bago Niya nilikha sa Eva, at ito’y katotohanang espiritwal ayon kay Pablo (tingnan ang 1 Tim. 2:3). Sa susunod ay tutunghayan natin ang kahalagahan ng pagkakasunod na ito na ipinaliwanag ni Pablo, nguni’t sa ngayon ay hindi nito pinatutunayan ang pagkakaangat ng lalaki sa babae. Alam natin na nilikha ng Diyos ang mga hayop bago mga tao (tingnan ang Gen. 1:24-28), at walang makikipagtalong angat ang mga hayop sa tao. [1]
Ang babae ay nilikha upang maging katulong ng kanyang asawa (tingnan ang Gen. 2:18). Muli, hindi ito nagpapatunay ng kanyang kababaan, kundi ibinubunyag lamang ang papel niya sa pag-aasawa. Ibinigay ang Espiritu Santo bilang katulong natin, nguni’t tunay na hindi Siya nakakababa sa atin! At masasabing ang paglikha ng Diyos upang maging katulong ng kanyang asawa ay nagpapatunay na kailangan ng mga lalaki ang tulong! Ang Diyos ang nagsabing hindi mabuti para sa lalaki ang nag-iisa (tingnan Gen. 2:18). Ang katotohanang iyan ay napatunayan nang ilang ulit sa kasaysayan nang maiwan ang kalalakihan na walang asawang tutulong sa kanila.
Bilang pangwakas, mapapansin nating mula sa mga unang pahina ng Genesis na ang unang babae ay nabuo mula sa laman ng unang lalaki. Kinuha siya mula sa kanya, na nagpapakita ng katotohanang may kulang sa lalaki kung wala ang babae at noong una sila ay iisa. Dagdag pa rito, ang pinaghiwalay ng Diyos ay intensyon Niya upang muling pag-isahin sa pamamagitan ng ugnayang sekswal, isang paraan hindi lamang ng pagpaparami, kundi pagpapahayag ng pag-ibig at pagdama ng kapwa kasiyahang nakasalalay sa bawa’t isa.
Ang lahat nang turong ito mula sa paglikha ay taliwas sa idea na ang isang kasarian ay nakaaangat sa isa, o ang pagkakaroon ng karapatan ng isa upang mangibabaw sa isa. At dahil lamang sa itinalaga ng Diyos ang ibang papel ng mga babae sa pag-aasawa o ministeryo ay walang kinalaman sa pagkakapantay nila sa lalaki kay Cristo, na nagtuturing na “wala nang ang lalaki at ang babae” (Gal. 3:28).
Kababaihan sa Ministeryo sa Lumang Tipan (Women in Ministry in the Old Testament)
Sa paglatag ng pundasyong ito, tutunghayan na natin ang mga babaing ginamit ng Diyos upang gawin ang Kanyang mga banal na layunin sa Lumang Tipan. Siyempre, malinaw na pangunahing tinawag ng Diyos ang kalalakihan sa ministeryo sa panahon ng Lumang Tipan, tulad ng ginawa Niya sa panahon ng Bagong Tipan. Ang mga kuwento ng kalalakihang tulad ni Moises, Aaron, Josue, Jose, Samuel at David ay pumupuno ng mga pahina ng Lumang Tipan.
Subali’t maraming kababaihan ang nangunguna bilang patunay na matatawag ng Diyos at magamit ang sinuman gugustuhin Niya, at mga babaing binigyang-kakayahan ng Diyos ay sapat para sa anumang gawaing kailanganin Niya.
Bago natin tunghayang isa-isa ang mga babaing naturan, dapat malaman na bawa’t dakilang lalaki ng Diyos sa Lumang Tipan ay ipinanganak at pinalaki ng isang babae. Walang naging Moises kung walang babaing Jocebed (tingnan ang Exo. 6:20). Ni walang ibang dakilang mga lalaki ng Diyos kung hindi sa mga ina ng mga lalaking iyon. Ang kababaihan ay binigyan ng Diyos ng mabigat na tungkulin at kapuri-puring ministeryo ng pagpapalaki ng mga bata sa Panginoon (tingnan ang 2 Tim. 1:5).
Si Jocebed ay hindi lamang ang ina ng dalawang lalaking tinawag-ng-Diyos, na nagngangalang Moises at Aaron, kundi ng isang babaing tinawag-ng-Diyos, ang kanilang kapatid, isang propetang babae at lider ng pagsamba na nagngangalang Miriam (tingnan ang Exo. 15:20). Sa Mikas 6:4, inihanay ng Diyos si Miriam kina Moises at Aaron bilang isa sa mga pinuno ng Israel:
Inilabas ko kayo sa lupain ng Egipto at tinubos sa pagkaalipin. Isinugo ko sa inyo sina Moises, Aaron at Miriam upang kayo’y pangunahan (idinagdag ang pagdidiin).
Siyempre, ang pangunguna ni Miriam sa Israel ay malinaw na hindi kasin-dominante tulad ni Moises. Bagama’t bilang propetang babae, nagsalita si Miriam para sa Diyos , at palagay ko ay maipagpapalagay na ang mga mensahe ng Diyos sa pamamagitan niya ay hindi lang para sa mga babae, kundi sa mga lalaki rin ng Israel.
Isang Babaing Hukom sa Israel (A Female Judge Over Israel)
Isa pang babaing iniangat ng Diyos bilang lider sa Israel ay si Debora, na nabuhay sa panahon ng mga hukom sa Israel. Propetang babae rin siya, at hukom din sa Israel na gaya nina Gideon, Jeptha at Samson noong kapanahunan nila. Nalaman natin na “pinupuntahan siya rito ng mga tao upang magpasya sa kanilang mga usapin” (Huk. 4:5). Kaya gumawa siya ng kapasyahan para sa mga lalaki, hindi lang sa babae.Walang pagdududang: Ang babae ang nagsabi sa lalaki kung ano ang gagawin, at pinagpala siya ng Diyos na gawin ito.
Tulad ng maraming babae na tinatawag ng Diyos upang mamuno, malamang na hinarap ni Debora ang isang lalaking nahirapang tumanggap ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng isang babae. Ang pangalan niya ay Barak, at dahil nagdududa siya sa mga hinulaang payo ni Debora na makidigma laban sa heneral ng Canaan na si Sisera, sinabi niya sa kanya na ang papuri sa pagkapatay kay Sisera ay mapupunta sa isang babae. Tama siya, at isang babaing nagngangalang Jael ay natatandaan sa Biblia bilang isang babaing nagbaon ng tulos ng tolda sa ulo ng natutulog na Sisera (tingnan ang Huk. 4). Ang kuwento ay nagtatapos sa pag-awit ni Barak ng dueto kasami si Debora! Ilan sa mga titik ay puno ng panalangin kapwa para kina Debora at Jael (tingnan ang Huk. 5), kaya pagkatapos ng lahat, marahil ay nanalig si Barak sa “ministeryo ng kababaihan”.
Isang Pangatlong Propetang babae (A Third Prophetess)
Isang pangatlong babae na binanggit sa Lumang Tipan bilang respetadong propetang babae ay si Huldah. Ginamit siya ng Diyos upang magbigay ng mapagkakatiwalaang hinulaang kaisipan sa isang lalaki, ang ligalig na hari ng Juda, si Josias (tingnan ang 2 Ha. 22). Muli makikita natin ang isang halimbawa ng paggamit ng Diyos ng isang babae upang payuhan ang isang lalaki. Malamang na si Hulda ay regular na ginamit ng Diyos sa ganitong ministeryo, kung hindi, nagduda sana si Josias sa mga sinabi sa kanya. Nguni’t bakit tinawag ng Diyos sina Miriam, Debora at Huldah bilang mga propetang babae? Bakit hindi na lang siya tumawag ng mga lalaki?
Tunay na tumawag sana ang Diyos ng mga lalaki na gagawa ng katungkulang ginawa ng mga babaing iyon. Nguni’t hindi. At walang makapagsasabi kung bakit. Ang matututuhan natin dito ay huwag nating ikahon ang Diyos sa kung sino ang tatawagin Niya sa ministeryo. Bagama’t karaniwang pinipili ng Diyos ang mga lalaki para sa mga gawain ng pamumuno sa Lumang Tipan, minsan ay pinipili niya ang kababaihan.
Sa pagtatapos, mapapansin na lahat ng tatlong halimbawa ng babaing ministro sa Lumang Tipan ay propetang babae. May mga ilang ministeryo sa Lumang Tipan na walang babae ang tinatawag. Halimbawa, walang mga babaing tinatawag upang maging pari. Kaya maaaring nirereserba ng Diyos ang ilang opisina ng ministeryo para lamang sa mga lalaki.
Kababaihan sa Ministeryo sa Bagong Tipan (Women in Ministry in theNew Testament)
Napakainteresante na makahahanap rin tayo ng babaing tinatawag ng Diyos bilang propetang babae sa Bagong Tipan. Nang si Jesus ay ilang araw pa lamang, nakilala Siya ni Ana at nagsimulang ipahayag ang Kanyang pagiging mesias:
Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, at ngayo’y walumpu’t apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa templo, at araw gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem (Lu. 2:36-38).
Pansinin na nagsalita si Ana tungkol kay Jesus sa lahat “ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem .” Kaya masasabing nagtuturo si Ana ng kalalakihan tungkol kay Cristo.
May iba pang kababaihan sa Bagong Tipan na ginamit ng Diyos sa kaloob na propesiya. Ang ina ni Jesus na si Maria ay tiyak na kasama nila (tingnan ang Lu. 1:46-55). Tuwing nababasa ang mga nanghuhulang salita ni Maria sa isang pagtitipon sa iglesia, masasabing ang isang babae ay nagtuturo sa iglesia (At walang-dudang pinupuri ng Diyos ang pagkababae sa pagsugo Niya sa Kanyang Anak sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang babae, isang bagay na magagawa Niya sa pamamagitan ng napakaraming paraan.)
Nagpapatuloy ang listahan. Nanghula ang Diyos sa pamamagitan ni propetang Joel na kapag nagbuhos ang Diyos ng Kanyang Espiritu, kapwa mga anak na lalaki at babae sa Israel ay magiging propeta (tingnan ang Joel 2:28). Kinumpirma ni Pedro na ang propesiya ni Joel ay tiyak na akma sa pagpapakalat ng bagong kasunduan (tingnan ang Gw. 2:17).
Sinasabihan tayo sa Gawa 21:8-9 na si Felipe, ang Ebangheliko ay mayroong apat na anak na babae na pawang propeta.
Isinulat ni Pablo ang tungkol sa mga babaing nagpropropesiya sa mga pagtitipon sa iglesia (tingnan ang 1 Cor. 11:5). Malinaw mula sa konteksto na nandoon din ang mga lalaki.
Sa lahat ng mga halimbawa sa Biblia ng babaing ginamit ng Diyos bilang propeta at magpropesiya, tiyak na wala tayong mahusay na dahilan upang maging sarado sa idea na maaaring gamitin ng Diyos ang kababaihan sa naturang mga ministeryo! Dagdag pa rito, walang anumang magdadala sa atin upang isiping hindi makakapagpropesiya ang kababaihan sa pangalan ng Diyos.
Kababaihan bilang Pastor? (Women as Pastors?)
Paano naman ang kababaihan bilang pastor? Mukhang malinaw na ang katungkulan ng pastor/namumuno/tagapangasiwa itinakda ng Diyos na para sa mga lalaki:
Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa sa iglesia ay naghahangad ng mabuting gawain. Kaya nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan, isa lamang ang asawa (1 Tim. 3:1-2, idinagdag ang pagdidiin).
Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang pumili ka ng mga matatandang mamamahala sa iglesia sa bawa’t bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Pumili ka ng mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa (Tito 1:5-6, idinagdag ang pagdidiin).
Hindi tahasang inihahayag ni Pablo na pinagbabawalan ang kababaihan upang humawak ng katungkulan, kaya dapat tayong mag-ingat sa pagpapalagay. Mukhang may maraming mahusay na babaing pastor/namumuno/tagapangasiwa sa buong mundo ngayon, lalo na sa umuunlad na bansa, nguni’t maliit pa rin ang bilang nila. Marahil paminsan-minsan ay tinatawag ng Diyos ang mga babae sa papel na ito kapag kinakailangan ng kanyang kaharian o kung kulang ang lalaking may kakayahang maging lider. Maaari rin na marami sa mga babaing pastor sa katawan ni Cristo ngayon ay talagang tinawag sa ibang katungkulan sa ministeryong para sa kababaihan, tulad ng pagiging babaing propeta, nguni’t ang umiiral na istruktura ng iglesia ngayon ay nagtatakda lamang sa kanila upang gampanan ang mga papel ng pangangalaga.
Bakit nakareserba sa lalaki ang pagiging pastor/namumuno/tagapangasiwa? Ang pag-intindi sa papel ng katungkulang iyan ay makakatulong sa ating pang-unawa. Isa sa mga itinatakdang pangangailangan ng Biblia upang maging pastor/namumuno/tagapangasiwa ay,
Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Sapagka’t paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesia ng Diyos kung hindi niya maiayos ang sarili niyang pamilya? (1 Tim. 3:4-5).
Ang pangangailangang ito ay tamang-tama kung naintindihan natin na ang namumuno sa Bagong Tipan ay nangangasiwa ng maliit na tahanang iglesia. Ang papel niya ay katulad ng isang ama na nangangasiwa ng kanyang tahanan. Makatutulong ito upang maintindihan natin kung bakit ang pagiging pastor ay itinatakda sa lalaki—dahil lubhang kahalintulad nito ang istruktura ng pamilya na, kung nakahanay sa kalooban ng Diyos, ay dapat pinamumunuan ng isang lalaking asawa, hindi ng babae. May kasunod pa ito.
Kababaihan Bilang Apostol? (Women as Apostles?)
Kapani-paniwala nang naitatag natin na maaaring manilbihan bilang propeta ang kababaihan (kung tinawag ng Diyos). Paano ang ibang mga ministeryo? Naliliwanagan tayo ng pagbati ni Pablo sa Roma 16 nang pinapupurihan niya ang ilang kababaihang nanilbihan sa ministeryo para sa kaharian ng Diyos. Maaari pang naitala ang isa sa mga iyon bilang apostol. Sa susunod na tatlong magkakasunod na sipi, ibinukod ko ang lahat ng mga pangalan ng babae:
Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na isang tagapaglingkod ng iglesia sa Cencrea. Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng nararapat nating gawin bilang magkakapatid. Tulungan ninyo siya sa anumang pangangailangan niya sapagka’t marami siyang natulungan, at ako’y isa sa mga iyon (Ro. 16:1-2, idinagdag ang pagdidiin).
Anong pagpapatibay! Hindi natin talagang alam kung anong ministeryo ang ginampanan ni Febe, nguni’t tinawag siya ni Pablo na “isang tagapaglingkod ng iglesia sa Cencrea” at “marami siyang natulungan” at isa siya sa mga iyon. Kung anuman ang ginagawa niya para sa Panginoon, napakahalaga nito upang pagtibayin ni Pablo sa buong iglesia ng Roma.
Susunod ay mababasa natin ang tungkol kay Priscila, na, kasama ang kanyang asawang si Aquila, ay nagkaroon ng napakahalagang ministeryo na ipinagpasalamat ng lahat ng iglesiang Hentil:
Ikumusta ninyo ako kina Priscila at Aquila, na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. Itinaya nila ang kanilang sarili sa panganib upang iligtas ang aking buhay, at hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila, pati na rin lahat ng iglesia ng mga Hentil. Ikumusta rin ninyo ako sa iglesiang nagtitipon sa kanilang bahay. Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa mahal kong kaibigang si Epeneto na siyang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia. Ikumusta ninyo ako kay Maria na matiyagang naglilingkod para sa inyo. Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia, na nakasama ko sa bilangguan; sila’y kilala ng mga apostol at naunang naging Cristiano kaysa sa akin (Ro. 16:3-7, idinagdag ang pagdidiin).
Tungkol kay Junias, mukhang lohikal na isiping ang isang taong “katangi-tangi sa mga apostol” ay isang apostol. Kung ang tamang salin ay Junia, siya ay isang babaing apostol. Sina Priscila at Maria ay manggagawa para sa Panginoon.
Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, sa mahal kong kaibigang si Estaquis. Ikumusta din ninyo ako kay Apeles na subok ang katapatan kay Cristo, sa pamilya ni Aristobulo, sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso. Gayundin kina Trifena at Trifosa na mga lingkod ng Panginoon, at sa mahal kong kaibigang si Persida, na tapat na naglingkod sa Panginoon. Binabati ko rin si Rufu na magiting na lingcod ng Panginoon, ang kanyang ina na para ko na ring ina; gayundin sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. Binabati ko rin sina Filoligo, Julia, Nereo at ang kanyang kapatid na babae; gayundin si Olimpas at sa lahat ng kapatid na kasama nila (Ro. 16:8-15, idinagdag ang pagdidiin).
Malinaw na maaaring maging “manggagawa” ang mga kababaihan sa ministeryo.
Kababaihan bilang Guro? (Women as Teachers?)
Paano ang mga kababaihang guro? Walang binabanggit ang Bagong Tipan. Siyempre, wala ring binabanggit ang Biblia na lalaking guro. Si Priscila (na kababanggit lang at tinatawag ding Prisca), asawa ni Aquila, ay bahagyang nasangkot sa pagtuturo. Halimbawa, nang narinig niya at ni Aquila si Apollos na di-sapat ang pagtuturo ng magandang balita sa Efeso, “isinama nila sa kanilang bahay at doo’y pinaliwanagan nang mabuti tungkol sa mga bagay na hindi pa niya nalalaman tungkol sa Daan ng Diyos” (Gw. 18:26).
Walang makatatanggi na tinulungan ni Priscila ang kanyang asawa upang turuan si Apollos, isang lalaki. Dagdag pa, dalawang ulit na binanggit ni Pablo sa Biblia sina Priscila at Aquila nang nagsusulat siya tungkol “sa iglesiang nagtitipon sa kanilang bahay” (tingnan ang Roma 16:3-5; 1 Cor. 16:19), at kapwa tinawag niya silang “kamanggagawa kay Cristo” sa Rom 16:3. Walang dudang may aktibong papel si Priscila sa ministeryo kasama ng kanyang asawa.
Nang Iniutos ni Jesus sa Kababaihan na Turuan ang Kalalakihan (When Jesus Commanded Women to Teach Men)
Bago natin tunghayan ang mga salita ni Pablo tungkol sa pagiging tahimik ng mga babae sa iglesia at ang kanyang pagbabawal sa kanila upang magturo sa mga lalaki, titingnan natin ang isa pang pahayag sa Biblia na makatutulong sa ating pagbalanse sa mga iyon.
Nang si Jesus ay muling nabuhay, inatasan ng isang anghel ang tatlong babae upang turuan ang mga lalaking alagad ni Jesus. Ang mga babaing iyon ay pinayuhang sabihin sa mga alagad na muling nabuhay si Jesus at Siya ay magpapakita sa kanila sa Galilea. Nguni’t hindi lang iyan. Pagkaraan ng maikling panahon, nagpakita Mismo si Jesus sa mga naturang kababaihan at inutusan silang payuhan ang mga alagad na pumunta sa Galilea (tingnan ang Mt. 28:1-10; Mc. 16:1-7).
Una, palagay ko ay mahalagang pinili ni Jesus na lumantad muna sa mga babae at saka sa mga lalaki. Ikalawa, kung may likas o moral na pagkakamali sa pagtuturo ng mga babae sa lalaki, maiisip natin na hindi sana sinabi ni Jesus na payuhan ang mga lalaki tungkol sa Kanyang muling pagkabuhay, isang katiting na impormasyon, na maaaring Siya mismo ang nagpahayag (na talagang ginawa Niya). Walang makakatanggi sa katotohanang ito: pinayuhan ng Panginoong Jesus ang mga babae upang ituro ang napakahalagang katotohanan at magbigay ng espiritwal na pagpapayo sa ilang kalalakihan.
Mga Prolemadong Pahayag (The Problem Passages)
Ngayong mayroon tayong pagkakaintindi kung ano ang sinasabi ng Diyos sa atin tungkol sa papel ng kababaihan sa ministeryo, higit nating maipapakahulugan ang mga “problemadong pahayag” sa mga panulat ni Pablo. Titingnan muna natin ang kanyang mga pahayag tungkol sa mga babaing nananatiling tahimik sa mga iglesia:
Ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesia. Sapagka’t hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila’y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagka’t kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesia (1 Cor. 14:34-35).
Tinatanong ng ilan, sa maraming kadahilanan, kung ang mga ito ay talagang payo ni Pablo o inuulit lamang niya ang ilang isinulat sa kanya ng mga taga-Corinto. Malinaw na sa pangalawang hati ng sulat na ito, sinasagot ni Pablo ang ilang tanong sa kanya sa isang sulat ng mga taga-Corinto (tingnan ang 1 Cor. 7:1, 25; 8:1; 12:1; 16:1, 12).
Dagdag pa, sa mismong kasunod na berso, isinusulat ni Pablo ang maituturing na reaksiyon niya sa masaklaw na polisiya ng mga taga-Corinto ng pagpapatahimik sa mga kababaihan sa iglesia:
Inaakala kaya ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito? (1 Cor. 14:36).
Ang King James Version ay nagsasalin ng bersong ito sa isang paraan na nagpapakita sa pagkamangha ni Pablo at ang niloloob ng mga taga-Corinto:
Ano? Dumating ang salita ng Diyos palabas mula sa inyo? O dumating ito sa inyo lamang? (1 Cor. 14:36).
Sa alinmang kaso, malinaw na nagtatanong si Pablo ng dalawang retorikal na tanong. Ang sagot sa dalawa ay Hindi. Ang mga taga-Corinto ay hindi pinagmulan ng salita ng Diyos, hindi rin sa kanila lamang ibinigay ang salita ng Diyos. Ang mga tanong ni Pablo ay malinaw na pagtuligsa sa kanilang kayabangan. Kung ang mga ito ay reaksiyon niya sa nakaraang dalawang berso, mukhang sinasabi nila, “Sino ka sa akala mo? Kailan ka nagkaroon karapatang gumawa ng kautusan sa kung sino ang gagamitin ng Diyos upang bigkasin ang kanyang salita? Magagamit ng Diyos ang kababaihan kung gusto Niya, at ikaw ay hangal kung patatahimikin mo sila.”
Mukhang lohikal ang interpretasyong ito kung isasaalang-alang natin na nasabi na ni Pablo, sa parehong sulat, ang tungkol sa tamang pagpropropesiya ng mga babae sa mga iglesia (tingnan ang 1 Cor. 11:5), isang bagay na nagtatakda sa kanila upang hindi manahimik. Dagdag pa rito, ilang berso lamang pagkatapos ng pinag-aaralan, pinapayuhan ni Pablo ang lahat ng mga taga-Corinto, pati na ang kababaihan, na “hangarin na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos”( 1 Cor. 14:39). Kung gayon magmumukhang sinasalungat niya ang sarili niya kung talagang nagbibigay siya na masaklaw na utos sa kababaihan upang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesia sa 14:34-35.
Iba Pang Posibilidad (Other Possibilities)
Nguni’t ipagpalagay natin sandali na ang mga salita sa 1 Corinto 14:34-35 ay orihinal na salita ni Pablo, at pinapayuhan niya ang mga babae upang manahimik. Paano natin ipapakahulugan ang sinasabi niya?
Muli, magtataka tayo kung bakit gumagawa si Pablo ng masaklaw na utos sa mga babae upang maging lubos na tahimik sa mga pagtitipon sa iglesia nang sabihin niya sa parehong sulat na maaari silang manalangin sa madla at magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, maliwanag na sa mga pagtitipon sa iglesia.
Dagdag pa rito, siguradong alam ni Pablo ang maraming ulit na napag-usapan na natin na paggamit ng Diyos sa mga babae upang bigkasin ang Kanyang mga salita sa madla, kahit sa mga lalaki. Bakit niya lubos na patatahimikin ang mga madalas pagpalain ng Diyos upang magsalita?
Talagang idinidikta ng karaniwang pang-unawa na hindi sinasabi ni Pablo na lubos na manahimik ang mga babae sa tuwing nagtitipon ang iglesia. Pakaisipin na nagtipon ang sinaunang iglesia sa mga tahanan at sama-samang kumain. Iisipin ba natin na talagang walang sinabi ang mga babae mula nang pumasok sila sa bahay hanggang sa sila’y umalis? Na hindi sila nagsalita habang naghahanda o kumakain ng parehong pagkain? Na wala silang sinabi sa kanilang mga anak sa buong panahong iyon? Mukhang kahangalan ang pag-iisip na iyan.
Sapagka’t saanman “may dalawa o tatlong nagkakatipon” sa pangalan ni Jesus, naroon Siyang kasama nila (tingnan ang Mt. 18:20), kung gayon talagang bumubuo ng isang pagtitipon sa iglesia, kapag dalawang babae ang magtipon sa pangalan ni Jesus, hindi ba sila mag-uusap?
Hindi, kung ang 1 Corinto 14:34-35 ay talagang payo ni Pablo, tinutugunan lamang niya ang isang maliit na problema ng kaayusan sa mga iglesia. Ang ilang babae ay bahagyang walang kaayusan sa pagtatanong. Hindi ibig sabihin ni Pablo na manahimik nang buong pagtitipon ang mga babae nang higit pa sa kanya, kapag nagbibigay ng katulad na instruksiyon sa mga propeta sa nakaraang ilang berso, nilalayong patahimikin sila sa buong miting:
At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita (1 Cor. 14:30, idinagdag ang pagdidiin).
Sa kasong ito,ang salitang “tumigil” ay nangangahulugang “pansamantalang huwag magsalita.”
Pinayuhan din ni Pablo ang mga nagsasalita sa ibang wika na tumigil sa pagsasalita kung walang magpapaliwanag sa pagtitipon :
Nguni’t kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawa’t isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos (1 Cor. 14:28, idinagdag ang pagdidiin).
Nagpapayo ba si Pablo sa nasabing mga tao na lubos na manahimik sa buong miting? Hindi, sinasabi lamang niya sa kanila na tumigil sa pagsasalita ng ibang wika kung walang magpapaliwanag. Pansinin na sinabi ni Pablo sa kanila “na tumahimik sa iglesia,” ang instruksiyong tulad ng ibinigay niya sa mga babae sa 1 Cor. 14:34-35. Kaya bakit natin intindihin ang mga sinabi ni Pablo bilang pananahimik ng kababaihan sa iglesia na “manahimik sa buong pagtitipon,” at saka intindihin ang kanyang pahayag tungkol sa mga walang-kaayusang-magsalita bilang “huwag magsalita sa mga tiyak na sandali sa miting”?
Bilang pagtatapos, pansinin na hindi tinutukoy ni Pablo ang lahat ng kababaihan sa pahayag na naturan. Ang kanyang mga salita ay patungkol lamang sa mga babaing may asawa, dahil pinapayuhan sila na “tanungin sa kanilang mga asawa sa bahay” kung may tanong sila. [2] Marahil bahagi o ang buong problema ay ang may-asawang babae ay nagtatanong sa ibang lalaki maliban sa kanilang sariling asawa. Ang ganitong eksena ay talagang hindi dapat, at nagbubunyag ng kawalang-respeto at kawalan ng pagpapasakop sa kanilang sariling asawa. Kung iyan ang problemang tinutukoy ni Pablo, iyan ang dahilan kung bakit ibinabatay niya ang kanyang argumento sa katotohanang dapat magpailalim (malinaw na sa mga asawa), na siyang ibinunyag ng Kautusan sa maraming paraan mula sa mga naunang pahina ng Genesis (tingnan ang 1 Cor. 14:34).
Sa paglalagom, kung talagang nagpapayo si Pablo tungkol sa pananahimik sa 1 Corinto 14:34-35, sinasabihan lang niya ang mga may asawang babae na manahimik tungkol sa pagtatanong sa mga oras na hindi dapat o sa isang paraan na hindi iginagalang ang sarili nilang asawa. Maliban doon, maaari silang magbigay ng mensahe, manalangin at magsalita.
Ang Isa Pang Problemadong Pahayag (The Other Problem Passage)
Bilang pangwakas, dadako tayo sa pangalawang “problemadong pahayag,” na makikita sa unang sulat ni Pablo kay Timoteo:
Ang mga babae ay hayaang matuto sa kanilang pananahimik at sa lubos na pagpapasakop. Hindi ko sila pinapayagang magturo o sumabat habang ang mga lalaki ay nagtuturo, kundi dapat silang manahimik. Sapagka’t si Adan ang unang nilalang bago si Eva at hindi si Adan kundi si Eva ang nadaya at nagkasala (1 Tim. 2:11-14).
Siguradong kilala ni Pablo sina Miriam, Debora, Hulda at Ana, apat na propetang babae na nagsalita sa ngalan ng Diyos’s sa mga lalaki at babae, at mahusay na itinuro ang kalooban ng Diyos. Siguradong alam niya na si Debora, isang hukom sa Israel, ay gumamit ng kapangyarihan sa mga lalaki at babae. Siguradong alam niya na ibinuhos ng Diyos ang Kanyang Espiritu sa araw ng Pentecostes, bahagyang tinutupad ang propesiya ni Joel ng mga huling araw kapag ibubuhos ng Diyos ang Kanyang espiritu sa lahat ng katawan upang ang mga anak na lalaki at babae ang magpadala ng mensahe ng Diyos. Siguradong alam niya na isinugo ng Diyos ang ilang babae na tumanggap ng mga lalaking alagad. Siguradong alam niya ang sarili niyang mga salita ng pagpapatibay, na ipinadala sa iglesia ng Corinto, tungkol sa mga babaing nananalangin at nagsasabi ng mensahe mula sa Diyos sa mga pagtitipon sa iglesia. Siguradong natatandaan niya na sinabi niya sa mga taga-Corinto na ang sinuman sa kanila ay makakatanggap ng pagtuturo upang ibahagi sa katawan mula sa Espiritu Santo (tingnan ang 1Cor. 14:26). Kaya ano ang nais niyang iparating nang isinulat niya ang mga salitang ito kay Timoteo?
Pansinin na nag-aapila si Pablo sa dalawang magkaugnay na pangyayari sa Genesis bilang batayan ng kanyang instruksiyon: (1) nilikha si Adan bago si Eva at (2) si Eva at hindi si Adan ang nadaya, at siya ang nagkasala. Tinitiyak ng una ang tamang ugnayan ng mag-asawa. Sa pagtuturo ng ayos ng paglikha, ang lalaki ang siyang ulo, isang bagay na itinuturo ni Pablo saanman (tingnan ang 1 Cor. 11:3; Eph. 5:23-24).
Ang pangalawang pangyayaring binabanggit ni Pablo ay hindi upang iparating na higit na madaling madaya ang mga babae kaysa mga lalaki, dahil hindi totoo. Katunayan, dahil higit na maraming babae kaysa lalaki sa katawan ni Cristo, mapagtatalunan na ang mga lalaki ay malamang na higit na nadadaya kaysa mga babae. Bagkus, ang pangalawang katotohanan ay nagpapakita na kapag ang hinangad ng Diyos na kaayusan sa pamilya ay napabayaan, makakapasok si Satanas. Ang kabuuang problema ng sangkatauhan ay nagsimula sa hardin nang ang ugnayan ng lalaki at ng asawa niya ay nawalan ng kaayusan—ang asawa ni Adan ay hindi nagpasakop sa kanya. Malamang na sinabi ni Adan sa kanyang asawa ang payo ng Diyos tungkol sa ipinagbabawal na bunga (tingnan ang Gen. 2:16-17; 3:2-3). Nguni’t hindi nito sinunod ang payo. Maaari pang gumamit siya ng kapangyarihan upang sumailalim ang lalaki sa kanya nang pinakain ito ng ipinagbabawal na bunga (tingnan ang Gen. 3:6). Hindi si Adan ang namuno sa kasong iyan; si Eva ang namuno kay Adan. Ang resulta ay kapahamakan.
Ang Iglesia—Isang Modelo ng Pamilya (The Church—A Model of the Family)
Ang hinangad ng Diyos na kaayusan para sa pamilya ay dapat talagang maipakita ng iglesia. Tulad ng sinabi ko noong una, mahalagang isaisip na sa nakaraang tatlong daang taon ng kasaysayan ng iglesia, ang mga kongregasyon ng iglesia ay maliliit. Nagtipon sila sa mga bahay-bahay. Ang pastor/namumuno/tagapangasiwa ay tulad ng mga ama ng sambahayan. Ang istruktura ng iglesiang itinalaga ng Diyos ay halos katulad ng pamilya, at katunayan ay isa itong espiritwal na pamilya, na ang pamumuno ng babae ay maaaring magbigay ng maling mensahe sa mga pamilya sa loob at labas ng iglesia. Isipin ang isang babaing pastor/namumuno/tagapangasiwa na regular na nagtuturo sa isang tahanang iglesia, at masunuring nakaupo roon ang asawa niya, nakikinig sa kanyang pagtuturo at nagpapasakop sa kanyang kapangyarihan. Susuway iyan sa kaayusan ng Diyos sa pamilya, at maibibigay ang maling halimbawa.
Ito ang tinutukoy ng mga salita ni Pablo. Pansinin na makikita ang mga ito sa halos parehong konteksto ng kanyang pangangailangan para sa mga namumuno (tingnan ang 1 Tim. 3:1-7), at isa sa mga ito ay lalaki dapat. Pansinin din na kailangang regular na magturo ang mga namumuno sa iglesia (tingnan ang 1 Tim. 5:17). Ang mga salita ni Pablo tungkol sa tahimik na pagtanggap ng mga babae ng pagpapayo at hindi papayagang magturo o pairalin ang kapangyarihan sa mga lalaki ay malinaw na kaugnay ng tamang kaayusan sa iglesia. Ang inilalarawan niyang hindi karapat-dapat ay isang babae, bahagi man o buo, na tumutupad ng papel ng namumuno/pastor/tagapangasiwa.
Hindi ibig sabihin na ang isang babae/asawa, sa ilalim ng pananakop ng kanyang asawa, ay hindi maaaring manalangin, magsabi ng mga mensaheng mula sa Diyos, tumanggap ng maikling aral upang ibahagi sa katawan, o pangkalahatang magsalita sa isang pagtitipon ng iglesia. Lahat nang ito’y magagawa niya sa iglesia nang hindi sumusuway sa banal na kaayusan ng Diyos, at maaari rin niyang gawin ang lahat nang iyon sa bahay na hindi sumusuway sa kaayusan ng Diyos. Ang ipinagbabawal sa kanya sa iglesia ay humigit-kumulang tulad din ng ipinagbabawal sa kanya sa bahay—ang pairalin ang kanyang kapangyarihan sa kanyang asawa.
Mapapansin din natin sa mga nahuling berso na maaaring manungkulan ang mga babae bilang deaconesa tulad ng lalaki (tingnan ang 1 Tim. 3:12). Ang paninilbihan bilang deaconesa sa isang iglesia, o alipin na siyang tunay na ibig sabihin, ay walang pagsuway sa banal na kaayusan ng Diyos sa pagitan ng mag-asawa.
Ito ang tanging paraang nakikita ko upang ipagkasundo ang mga salita ni Pablo sa 1 Timoteo 2:11-14 sa itinuturo ng buong Biblia. Sa bawa’t pagkakataong nakita natin ng paggamit ng Diyos ng kababaihan, walang nagsisilbing modelo ng pamilya tulad ng iglesia, kung gayon walang sumusuway sa kaayusang itinakda ng Diyos. Wala tayong nakikitang di-tamang modelo ng mga asawang babaing nagpapairal ng kapangyarihan sa kanilang mga asawa sa isang pamilya. Muli, isipin ang isang munting pagtitipon ng maraming pamilya sa isang bahay na ang babae ang namumuno, nagtuturo, na nangangasiwa samantalang ang lalaki ay pasibong nakaupo at sumasailalim sa pamumuno ng babae. Hindi iyan ang kagustuhan ng Diyos, dahil sumusuway ito sa Kanyang kaayusan para sa pamilya.
Nguni’t para kay Debora na maging hukom sa Israel, kay Ana na magsabi sa mga lalaki tungkol kay Cristo, kay Maria at kanyang mga kaibigan na magsabi sa mga apostol tungkol sa muling pagkabuhay ni Cristo, wala sa mga ito ang nagpapadala ng maling mensahe o di-tamang modelo ng Diyos ng kaayusan ng isang pamilya. Ang regular na pagtitipon ng iglesia ay isang pambihirang lugar ng pagkakaroon ng panganib para sa pagpapadala ng maling mensahe kung ang mga babae/asawang babae at magpairal ng kapangyarihan at regular na turuan ang mga lalaki/asawa.
Bilang Kongklusyon (In Conclusion)
Kung tatanungin lang natin, “Ano ang likas na mali sa paninilbihan ng kababaihan sa ministeryo, mula sa kailaliman ng pakikiisa at paggamit nila ng kanilang dulot-ng-Diyos na kaloob? Anong moral o etikal na prinsipyo ang susuwayin nito?” Kung gayon ay mapagtanto natin na ang posibleng pagsuway lamang ay kung ang ministeryo ng babae ay sumuway sa kaayusan ng Diyos para sa relasyon ng lalaki at babae, mga mag-asawa. Sa kapwa “problemadong pahayag” na nakita, nag-aapila si Pablo sa banal na kaayusan sa pag-aasawa bilang batayan ng kanyang alalahanin.
Kaya napagtatanto natin na ang mga babae ay nalilimita sa ministeryo sa napakaliit na bagay lamang. Sa marami pang ibang paraan, nais ng Diyos na gamitin ang mga babae sa kaluwalhatian Niya, at ginagawa Niya iyan sa loob ng libu-libong taon. Sinasabi ng Biblia ang maraming positibong kontribusyong nagawa ng kababaihan sa kaharian ng Diyos, at nakita na natin ang ilan dito. Huwag nating kalimutan na ilan sa matatalik na kaibigan ni Jesus ay babae (tingnan ang Juan 11:5), at sinuportahan ng kababaihan ang Kanyang ministeryo ng kanilang salapi (tingnan ang Lu. 8:1-3), isang bagay na hindi sinasabi tungkol sa mga lalaki. Ang babae sa balon ng Samaria ay nagbahagi sa kalalakihan ng kanyang nayon tungkol kay Cristo, at marami ang nanampalataya sa Kanya (tingnan ang Juan 4:28-30, 39). Isang babaing alagad na ang pangalan ay Tabita ay sinasabing “puno ng gawain ng kabaitan at pagkakawanggawa” (Gw. 9:36). Isang babae ang naghanda kay Jesus upang ilibing, at pinapurihan Niya ito nang dumaing ang ilang (tingnan ang Mc. 14:3-9). Bilang pagtatapos, itinatala ng Biblia na ang mga babae ang umiyak para kay Jesus nang pasanin Niya ang Kanyang krus sa mga kalye ng Jerusalem, isang bagay na hindi sinasabi tungkol sa sinuman sa kalalakihan. Ang mga halimbawang ito at marami pang tulad ng mga ito ay dapat manghikayat sa kababaihan na humayo at tuparin ang kanilang ministeryong takda-ng-Diyos. Kailangan natin silang lahat!
[1] Dapat ding pansinin na bawa’t lalaki mula kay Adam ay nilikha ng Diyos pagkatapos likhain ang babaing nagsilang sa kanya. Lahat ng lalaki mula kay Adan ay nanggaling sa isang babae, na siyang ipinaaalala sa atin ni Pablo sa 1 Corinto 11:11-12. Siguradong walang tatanggi na ang banal na kaayusang ito ay nagpapatunay na nakakababa ang mga lalaki sa kanilang mga ina.
[2] Pansinin na, sa orihin al na Griego, walang ibang salita pra sa kababaihan at asawang babae, o lalaki at asawang lalaki. Kung gayon kailangan nating kilalanin mula sa konteksto kung ang manunulat ay tumutukoy sa kalalakihan o kababaihan, o mga asawang lalaki at asawang babae. Sa pahayag na tinatalakay, tinutukoy ni Pablo ang mga asawang babae, dahil sila lang ang maaaring magtanong sa kanilang asawang lalaki sa kanilang bahay.