Paghihiwalay at Muling Pag-aasawa

Kabanata 13

Ang paghihiwalay at muling pag-aasawa ay isang paksang laging pinagdedebatehan ng mga matapat na Cristiano. Dalawang batayang tanong ang basehan ng debate: (1) Kailan, kung maaari, pinapayagan ang paghihiwalay sa mata ng Diyos? at (2) Kailan, kung maaari, pinapayagan ang muling pag-aasawa sa mata ng Diyos? Karamihan sa mga denominasyon at nagsasariling iglesia ay mayroong opisyal na pananaw sa kung ano ang pinapayagan at hindi, batay sa kanilang partikular na interpretasyon sa Biblia. Dapat natin silang igalang sa pagkakaroon ng paniniwala at namumuhay sila batay dito—kung ang kanilang mga paniniwala ay dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos. Nguni’t pinakamagaling kung 100% na batay sa Biblia ang mga paniniwala. Hindi gusto ng ministrong tagalikha-ng-alagad na ituro ang hindi sapat sa nais ng Diyos. Hindi rin niya gusting dalhin ng mga tao ang alalahaning hindi ninais ng Diyos na ibigay sa kanila. Isinasaalang-alang ang layuning iyan, gagawin ko ang aking makakaya upang ipaliwanag ang Biblia tungkol sa masalimuot na paksa at hayaan ko kayong magpasya kung sang-ayon kayo o hindi.

Mag-uumpisa ako sa pagsasabing ako, tulad ninyo, ay nagdadalamhati na laganap ang hiwalayan sa mundo ngayon. Higit na nakakalungkot ay ang katotohanang maraming nagsasabing sila’y Cristiano ay naghihiwalay, pati na ang mga nasa ministeryo. Isa itong malaking trahedya. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang hadlangan pa ang pagkalat nito, at ang pinakamainam na solusyon sa problema ng hiwalayan ay ipangaral ang magandang balita at hikayatin ang mga tao upang magsisi. Kapag ang dalawang may asawang tao ay tunay na naipanganak muli at kapwa sumusunod kay Cristo, kailanman ay hindi sila maghihiwalay. Ang ministrong tagalikha-ng-alagad ay gagawa ng lahat ng kanyang makakaya upang patatagin ang kanyang relasyon, dahil alam niya na ang kanyang halimbawa ang pinakamainam na paraan upang magturo.

Idadagdag ko rin na dalawampu’t limang taon na ako sa aking masayang buhay may-asawa at bago ito ay wala akong naging ibang asawa. Kailanman ay hindi ko naisip makipaghiwalay. Kaya wala akong motibo upang palambutin ang mga matitigas na sinasabi ng Biblia tungkol sa hiwalayan para sa sarili kong kapakanan. Nguni’t nagtataglay ako ng malakas na simpatya para sa mga taong hiwalay, dahil alam ko na maaari akong nagkaroon ng maling desisyon sa aking kabataan, na pakasalan ang sinumang sa kalaunan ay natukso akong hiwalayan, o isang higit na mababaw ang pasensiya kaysa sa napakamainam na babaing pinakasalan ko. Ibig sabihin, maaari akong nakipaghiwalay, nguni’t hindi dahil sa pagpapala ng Diyos. Palagay ko, karamihan sa may-asawa ay makakaintindi ng gusto kong sabihin, kaya kailangan nating pigilin ang ating sa pagpukol ng bato sa mga taong hiwalay. Sino tayo, na may pag-aasawahang kaunti lang ang pangangailangan, na hahatol sa mga hiwalay, dahil wala tayong idea kung ano ang kanilang pinagdaanan? Marahil ay maituturing pa ng Diyos na higit silang matuwid kaysa sa atin, dahil alam Niya na tayo, kapag nalagay sa parehong sitwasyon, marahil ay nakipaghiwalay pa nang mas maaga.

Walang nag-aasawa ang umaasang maghihiwalay pagdating ng panahon, at palagay ko ay hindi kinasusuklaman ninuman ang hiwalayan nang higit sa mga nakaranas nito. Kaya dapat nating subukang tulungan ang mga tao upang manatili sa kanilang relasyon, at tulungan ang mga hiwalay na mahanap ang anumang pagpapalang iniaalok ng Diyos. Iyan ang batayan ng aking pasusulat.

Gagawin ko ang aking makakaya upang payagang ipaliwanag ng Biblia ang Biblia. Napansin ko na ang mga berso tungkol sa paksa ay kadalasang ipinaliliwanag sa isang paraang sinasalungat nila ang ibang pahayag, na siguradong indikasyon na hindi maunawaan ang mga bersong iyon, sa kabuuan o bahagi man.

Isang Pundasyon (A Foundation)

Mag-umpisa tayo sa isang batayang katotohanang sinasang-ayunan nating lahat. Pinakabatayan dito, tinitiyak ng Biblia na sa pangkalahatan ay ayaw ng Diyos ang hiwalayan. Sa isang panahon nang ilang lalaking taga-Israel ang naghihiwalay ng kanilang mga asawa, idineklara Niya sa pamamagitan ng Kanyang propetang Malakias:

Nasusuklam ako sa paghihiwalay…napopoot ako sa mga gumagawa ng kalupitan…Kaya nga maging tapat ka sa iyong asawa (Mal. 2:16).

Hindi ito dapat pagtakhan ninuman na nakakaalam ng mapagmahal at makatarungang ugali ng Diyos, o sinumang nakakaalam na ang paghihiwalay ay nakakasira sa mga lalaki, babae at mga anak. Kailangan nating pagdudahan ang ugaling moral ng sinumang sumasang-ayon sa hiwalayan. Ang Diyos ay pag-ibig (tingnan ang 1 Jn. 4:8), at kung gayon nasusuklam Siya sa hiwalayan.

Ilang Pariseo ang minsa’y nagtanong kay Jesus tungkol sa pagiging makatarungan ng hiwalayan “sa ano mang dahilan.” Ibinubunyag ng sagot Niya ang likas na hindi pagsang-ayon sa hiwalayan: Katunayan, ang hiwalayan ay hindi Niya intensyon para kaninuman:

May ilang Pariseong lumapit sa Kanya at nagtangkang humanap ng maipaparatang sa pamamagitan ng tanong na ito, “Naaayon ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” Sumagot si Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa kasulatan na sa pasimula’y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? At siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila’y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghihiwalayin ninuman.” (Mt. 19:3-6).

Sa kasaysayan, alam natin na may dalawang kaisipan sa mga Judiong pinuno ng relihiyon sa panahon ni Jesus. Titingnan natin ang dalawang kaisipang iyon nang higit na masinsinan, nguni’t sa ngayon ay masasabi nating ang isa ay konserbatibo at ang isa naman ay liberal. Naniniwala ang mga konserbatibo na pinapayagan lamang ang isang lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa sa napakaseryosong dahilang moral. Naniniwala naman ang mga liberal na maihihiwalay ng isang lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan, pati na kapag nakakita ito ng higit na kaakit-akit na babae. Ang magkasalungat na pananaw na ito ang pinakadahilan ng tanong ng mga Pariseo kay Jesus.

Umapila si Jesus sa mga berso sa Biblia mula sa mga pinakaunang pahina ng Genesis na nagpapakitang ang orihinal na plano ng Diyos ay pagsamahin habambuhay ang lalaki at babae, hindi pansamantala. Idineklara ni Moises na ginawa ng Diyos ang dalawang kasarian dahil sa pag-aasawa, at ang kasunduang ito ay napakahalagang relasyong nagiging pangunahin. Kapag naitakda na ito, hihigit pa sa ugnayan ng isang tao sa kanyang magulang. Iniiwan ng mga lalaki ang kanilang magulang upang pumisan sa kanilang mga asawa.

Dagdag pa rito, ang ugnayang sekswal ng lalaki at babae ang nagpapakita sa kanilang pagsasamang itinakda-ng-Diyos. Malinaw na ang ganitong ugnayan, na nagreresulta sa anak, ay hindi binalak ng Diyos na pansamantala, kundi panghabambuhay. Ang aking palagay ay ipinakita ng tono ng sagot ni Jesus sa mga Pariseo ang Kanyang lubos na pagkadismaya sa katanungan. Tunay na hindi intensyon ng Diyos na hiwalayan ng mga lalaki ang kanilang asawa “sa kahit anong dahilan.”

Siyempre, hindi intensyon ng Diyos na magkasala ang sinuman sa ano mang paraan, nguni’t lahat tayo’y nagkakasala. Sa kabutihang-palad, gumawa ng paraan ang Diyos upang iligtas tayo sa pagkaalipin sa kasalanan. Dagdag pa, may mga bagay Siyang nais sabihin pagkatapos nating gawin ang ayaw Niyang gawin natin. Gayundin, hindi kailanman intensyon ng Diyos na mahiwalay ang sinuman, nguni’t ang hiwalayan ay hindi maiiwasan ng mga taong hindi sumuko sa Diyos. Hindi pinagtakhan ng Diyos ang unang hiwalayan o ang milyun-milyong sumunod na paghihiwalay. Kaya hindi lang Niya inihahayag ang pagkasuklam sa hiwalayan, kundi may mga bagay Siyang nais sabihin sa mga tao pagkatapos nilang makipaghiwalay.

Noong Umpisa (In The Beginning)

Sa pagkakalatag ng pundasyon, makapag-uumpisa na tayong higit na masinop na gumalugad sa pahayag ng Diyos tungkol sa paghihiwalay at muling pag-aasawa.

Dahil ang pinaka-kontrobersiyal na pahayag tungkol sa hiwalayan at pag-aasawang muli ay iyong mga sinabi ni Jesus sa mga taga-Israel, makatutulong na pag-aralan natin ang sinabi ng Diyos daan-daang taon na ang nakaraan tungkol sa paksa sa mga naunang taga-Israel. Kung makikita natin ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Moises at ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus ay magkasalungat, makakatiyak tayong marahil ay nag-iba ang kautusan ng Diyos, o kaya’y hindi natin naintindihan ang sinabi ni Moises o ni Jesus. Kaya mag-umpisa tayo sa unang ibinunyag ng Diyos tungkol sa paghihiwalay at muling pag-aasawa.

Nabanggit ko na ang pahayag sa Genesis 2 na, ayon kay Jesus, ay may kinalaman sa paksa ng paghihiwalay. Ngayon ay tahasang babasahin natin ang sinasabi ng Genesis:

Ang tadyang na iyo’y ginawa Niyang isang babae, at dinala Niya ito sa lalaki. Sinabi sa lalaki, “Sa wakas, narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto; babae ang itatawag sa kanya, sapagka’t sa lalaki siya’y kinuha.” Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, nagsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y nagiging isa (Gen. 2:22-24).

At ito ang pinanggalingan ng pag-aasawa. Ginawa ng Diyos ang unang babae mula sa unang lalaki at para sa unang lalaki, at personal na dinala ito sa kanya. Sa mga salita ni Jesus, “pinagsama ng Diyos [sila]” (Mt. 19:6, idinagdag ang pagdidiin). Itong unang kasalang itinakda-ng-Diyos ang naging padron ng lahat ng sumunod na kasalan. Lumilikha ang Diyos ng halos parehong bilang ng babae at lalaki, at nililikha Niya sila upang maakit sa kabilang kasarian. Kaya masasabing nag-aayos pa rin ang Diyos ng mga kasalan nang pangmalakihan (kahit na higit na marami pang pagpipilian ang isang tao kaysa nang sina Adan at Eva). Kung gayon, tulad ng ipinakita ni Jesus, walang tao ang maghihiwalay sa pinagsasama ng Diyos . Hindi intensyon ng Diyos na ang orihinal na mag-asawa ay mamuhay nang hiwalay, kundi mahahanap nila ang pagpapala sa pagsasamang nakadepende sa isa’t isa. Isang pagsuway sa malinaw na kalooban ng Diyos ang bubuo ng kasalanan. Kaya, mula sa pangalawang kabanata ng Biblia, naitatag na ang paghihiwalay ay hindi intensyon ng Diyos para sa anumang pagsasama.

Ang Kautusan ng Diyos na Nakasulat sa mga Puso (God’s Law Written in Hearts)

Nais ko ring imungkahi na kahit mga hindi kailanman nakabasa sa ikalawang kabanata ng Genesis ay likas na nakaaalam na mali ang paghihiwalay, dahil ang kasunduan ng paghabambuhay na pag-aasawa ay ginagawa sa maraming kulturang pagano kung saan walang nalalaman ang mga tao. biblika Tulad ng isinulat ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Roma:

Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito’y nagiging kautusan na para sa kanila. Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagka’t kung minsan sila’y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila’y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan (Ro. 2:14-15).

Ang kodigo ng etika ng Diyos ay nakasulat sa bawa’t puso ng tao. Katunayan, ang kodigo ng etika na iyan na nangungusap sa pamamagitan ng konsensya ay lahat nang ibinigay ng Diyos kaninuman, maliban sa mga taga-Israel, mula kay Adan hanggang sa panahon ni Jesus. Malalaman ng sinumang nag-iisip ng paghihiwalay na kailangan niyang humarap sa kanyang konsensya, at ang tanging paraan upang mapagtagumpayan ang kanyang konsensya ay humanap ng mahusay na dahilan ng paghihiwalay. Kapag nakipaghiwalay siya na walang dahilan, hahatulan siya ng kanyang konsensya, bagama’t pipigilan niya ito.

Sa pagkakaalam natin, sa loob ng dalawampu’t pitong henerasyon mula kay Adan hanggang sa pagbibigay ng Kautusan ni Moses sa Israel sa tinatayang 1440 BC, ang kautusan ng konsensya ang tanging pahayag na ibinigay ng Diyos kaninuman, pati na ang mga taga-Israel, tungkol sa paghihiwalay at muling pag-aasawa; ipinalagay ng Diyos na sapat na iyan. (Tandaan na hindi isinulat ni Moises ang Genesis 2 na salaysay ng paglikha hanggang sa panahon ng Exodo.) Talagang mukhang makatwirang isipin na sa dalawampu’t pitong henerasyon na iyon bago ang Kautusang Mosaic, na kasama ng panahon ng delubyo ni Noe, ilan sa milyung pag-aasawahan sa daang taong iyon ay nagtapos sa hiwalayan. Makatwiran ding ipagpalagay na ang Diyos, na hindi nagbabago, ay pumapayag na magpatawad sa mga nagkasala sa pakikipaghiwalay kung nangumpisal at pinagsisihan nila ang kanilang kasalanan. Tiyak natin na maliligtas ang mga tao, o madeklara ng Diyos na sila ay matuwid, bago ang pagbibigay ng Kautusan ni Moises, tulad nAbraham , sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya (tingnan ang Ro. 4:1-12). Kung maideklarang matuwid ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya mula kay Adan hanggang si Moises, ibig sabihin ay mapapatawad sila sa anumang kasalanan, pati na ang kasalanan tungkol sa hiwalayan. Kung gayon, sa pagsisimula ng ating pagsisiyasat sa paksang paghihiwalay at muling pag-aasawa, pinagtatakhan ko: Mahahatulan ba ng kanilang konsensya ang mga taong nagkasala sa pakikipaghiwalay bago ang Kautusang Mosaic at napatawad ng Diyos (dahil walang nakasulat na kautusan) na magkasala sila kung sila’y nag-asawang muli? Tinatanong ko lang.

Paano ang mga biktima ng paghihiwalay na walang kasalanan, ang mga nakipaghiwalay na hindi naman nila kasalanan, kundi dahil lamang sa pagiging makasarili ng kanilang asawa? Napagbawalan ba sila ng kanilang konsensya upang muling mag-asawa? Mukhang hindi. Kung iniwan ng lalaki ang kanyang asawa upang sumama sa iba, ano ang makapagpapaisip sa kanya na wala siyang karapatang muling mag-asawa? Nakipaghiwalay siya na walang pagkakasala.

Ang Kautusan ni Moises (The Law of Moses)

Pagdako lamang natin sa ikatlong aklat ng Biblia saka natin makikita ang pagbanggit sa paghihiwalay at muling pag-aasawa. Kasama sa Kautusan ni Moises ang pagbabawal sa mga pari ang pagkakasal sa mga babaing hiwalay:

Huwag silang mag-aasawa ng babaing nagbebenta ng aliw sa sagradong lugar, o kaya’y babaing hiniwalayan at pinalayas ng kanilang asawa, sapagka’t nakalaan sa Diyos ang mga pari (Lev. 21:7).

Saanman sa Kautusan ni Moises ay hindi makikita ang pagbabawal na ukol sa pangkalahatang populasyon ng lalaking taga-Israel. Dagdag pa, ang bersong kababanggit ay nagpapahiwatig na (1) may mga babaing taga-Israel na hiwalay sa asawa at (2) walang masama sa mga lalaking taga-Israel na hindi-makapari na mag-aasawa ng mga babaing nagkaroon na noon ng asawa. Ang kautusan sa itaas ay para lamang sa mga pari at babaing hiwalay sa asawa na mag-aasawa ng pari. Walang mali, sa Kautusan ni Moises, sa isang babaing hiwalay sa asawa na mag-asawang muli, basta’t hindi pari ang mapapangasawa niya. Walang mali para sa sinumang lalaki, maliban sa pari, ang mag-asawa ng babaing hiwalay sa asawa.

Ang pinakapunong pari (marahil parang mataas na uri para kay Cristo) ay kinakailangang mamuhay sa higit pang mataas na pamantayan kaysa mga karaniwang pari. Ni hindi siya pinapayagang mag-asawa ng balo. Mababasa natin sa mga susunod pang berso sa Levitico:

Hindi siya dapat mag-aasawa ng balo, hiwalay sa asawa, dalagang nadungisan na ng puri o babaing nagbebenta ng aliw. Ang dapat niyang mapangasawa’y isang kalahi at wala pang nakakasiping (Lev. 21:14).

Pinatutunayan ba ng bersong ito na kasalanan ninuman at lahat ng mga balong taga-Israel na mag-asawang muli o kasalanan para sa lahat ng mga lalaking taga-Israel na mag-asawa ng balo? Hindi, talagang hindi. Katunayan mariing ipinahihiwatig ng bersong ito na hindi kasalanan para sa sinumang balo ang mag-asawa ng sinumang lalaki basta’t hindi siya ang pinakapunong pari, at mariing ipinahihiwatig nito na sinumang lalaki maliban sa pinakapunong pari ang maaaring mag-asawa ng balo. Pinagtitibay ng ibang berso ang lehitimong pag-aasawang-muli ng mga balo (tingnan ang Ro. 7:2-3; 1 Tim.5:14).

Ipinahihiwatig din ng bersong ito, kasama ng nakaraang tiningnan natin (Lev. 21:7), na walang anumang mali para sa isang lalaking taga-Israel (maliban sa pinakapunong pari) na mag-asawa ng babaing hiwalay sa asawa o kahit isang babaing hindi birhen, “nadungisan ng puri o nagbebenta ng aliw.” Ipinahihiwatig rin na, sa ilalim ng Kautusan ni Moises, walang anumang mali para sa isang babaing hiwalay sa asawa na muling mag-asawa o ng isang babaing “nadungisan ang puri o nagbebenta ng aliw” na mag-asawa, basta’t hindi siya mag-asawa ng pari. Mapagpalang binigyan ng Diyos ang kapwa nagbebenta ng aliw at hiwalay ng isa pang pagkakataon, kahit na kontra Siya sa kapwa pabebenta ng aliw at paghihiwalay.

Pangalawang Ispesipikong Pagbabawal sa Muling Pag-aasawa (A Second Specific Prohibition Against Remarriage)

Ilang “pangalawang pagkakataon” ang ibinigay ng Diyos sa mga hiwalay na babae? Dapat ba nating ipagpalagay na binigyan ng Diyos ang mga hiwalay na babae ng isang pagkakataon lamang sa ilalim ng Kautusan ni Moises, na pinapayagan lamang ang isang muling pag-aasawa? Iyan ay maling kongklusyon. Sa susunod ay mababasa natin sa Kautusan ni Moises,

Kung mag-aasawa ang isang lalaki nguni’t dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay; kung ang babaing hiniwalayan ay mag-asawa ng iba at hiniwalayang muli matapos bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay (o kaya’y namatay ang ikalawang asawa), at paalisin rin ito sa kanyang pamamahay, ang babae ay hindi maaaring pakasalan pa ng kanyang unang asawa; ang babae ay ituturing nang marumi. Magiging kasuklam-suklam kay Yahweh kung papakisamahan pa nito ang babae. Hindi ninyo dapat dungisan ang lupaing ibibigay niya sa inyo (Deut. 24:1-4).

Pansinin na sa mga bersong ito, ang tanging pagbabawal ay laban sa dalawang-ulit na hiwalay na babae (o minsang-hiwalay minsang-balong babae) na nag-aasawa ng unang asawa niya.Walang sinasabi tungkol sa pagkakasala niya sa pag-aasawang muli, at nang makipaghiwalay siya sa pangalawang pagkakataon (o nabalo sa kanyang pangalawang asawa), pinagbabawalan lamang siya na bumalik sa kanyang unang asawa. Ang malinaw na ipinahihiwatig nito ay magiging Malaya siya upang pakasalan ang sino mang lalaki (na pumapayag makipagsapalaran sa kanya). Kung kasalanan ang pagpapakasal niyang muli sa iba, wala na sanang pangangailangan sa Diyos upang ibigay ang ispesipikong instruksiyon. Ang sinabi lamang sana Niya ay, “Ang mga hiwalay na tao ay pinagbabawalang mag-asawang muli.”

Dagdag pa, kung pinayagan ng Diyos ang babaing ito na mag-asawang muli, ang lalaking nagpakasal sa kanya pagkatapos ng unang hiwalayan ay hindi rin nagkakasala. At kung pinayagan siyang pakasal sa pangatlong pagkakataon, ang sinumang lalaking nagpakasal sa kanya pagkatapos niyang makipaghiwalay nang dalawang ulit ay hindi rin nagkakasala (maliban kung siya ang unang asawa). Kaya ang Diyos na nasusuklam sa hiwalayan ay nagmamahal sa mga taong hiwalay, mahabaging nagbibigay sa kanila ng iba pang pagkakataon.

Paglalagom (A Summary)

Hayaan ninyong lagumin ko ang natuklasan na natin: Kahit idineklara ng Diyos ang Kanyang pagkasuklam sa paghihiwalay, hindi Siya nagbigay ng indikasyon bago o sa pag-iral ng lumang kasunduan na kasalanan ang muling pag-aasawa, maliban sa dalawang eksepsiyong ito:: (1) ang dalawang-ulit na hiwalay o minsang-hiwalay minsang-balong babae na nagpapakasal sa kanyang unang asawa at (2) ang kaso ng hiwalay na babae na nagpapakasal sa isang pari. Dagdag pa, hindi nagbigay ang Diyos ng indikasyon na ang pagpapakasal sa isang hiwalay na tao ay kasalanan para kaninuman maliban sa mga pari.

Maliwanag na salungat ito sa inihayag ni Jesus tungkol sa mga hiwalay na taong muling nag-aasawa at mga taong nag-aasawa ng hiwalay na tao. Sinabi ni Jesus na ang mga taong ito ay gumagawa ng pangangalunya (tingnan ang Mt. 5:32). Kaya maaaring hindi natin naiintindihan sina Jesus o Moises, o di kaya’y pinalitan ng Diyos ang Kanyang kautusan. Ang suspetsa ko ay baka hindi natin naiintindihan ang itinuro ni Jesus, dahil mukhang kakatwa na biglang magdeklara si Jesus ng isang bagay na kasalanang moral na sa labinlimang daang taon ay tanggap sa ilalim ng isang Kautusang ibinigay Niya sa Israel.

Bago natin harapin nang masinsinan ang maliwanag na kontradiksyong ito, nais ko ring ipakita na ang pagpayag ng Diyos sa muling pag-aasawa sa ilalim ng lumang kasunduan ay hindi nagsama ng anumang estipulasyon na batay sa mga dahilan ng hiwalayan o bigat ng kasalanan ng isang tao sa paghihiwalay. Kailanman ay hindi sinabi ng Diyos na hindi pinapayagang muling mag-asawa ang mga tao dahil hindi lehitimo ang sanhi ng kanilang paghihiwalay. Kailanman ay hindi Niya sinabi na ang ilang tao ay lubhang karapat-dapat mag-asawang muli dahil lehitimo ang sanhi ng kanilang paghihiwalay. Nguni’t ang mga ganitong paghusga ay laging sinusubukan ng modernong mga ministro batay sa patotoo ng isang panig. Halimbawa, isang babaing hiwalay ay susubok na mangumbinsi sa kanyang pastor na karapat-dapat siyang mapagayang muling mag-asawa dahil biktima lamang siya ng kanyang paghihiwalay. Hiniwalayan siya ng dati niyang asawa—hindi siya ang nakipaghiwalay sa lalaki. Nguni’t kung ang pastor na iyon ay nabigyan ng pagkakataon up-ang pakinggan ang panig ng dating asawa niya, maaaring magkaroon siya ng simpatiya sa lalaki. Marahil ang babae ay isang halimaw at may bahagi siya sa dapat sisihin.

May kilala akong mag-asawa na kapwa sinubukang udyukan ang isa’t isa na magsampa ng diborsiyo upang iwasan ang masisi bilang nagpasimuno ng hiwalayan. Kapwa nila ibig iwasan ang salang sila ang nagsimula. Nais nilang sabihin, pagkatapos nilang maghiwalay, na ang asawa nila, at hindi sila, ang nagsampa, kung gayon magiging karapat-dapat ang susunod nilang pag-aasawa. Maaari nating lokohin ang mga tao, nguni’t hindi ang Diyos. Halimbawa, ano ang pagtaya niya sa babaing, dahil sa pagsuway sa Salita ng Diyos, ay laging pinagkakaitan ng sex ang kanyang asawa, at hiniwalayan niya nang maghanap ito ng iba? Hindi ba may papel din siya sa hiwalayan?

Ang kaso ng babaing dalawang ulit na hiwalay na nabasa natin sa Deuteronomio 24 ay walang binabanggit tungkol sa pagiging lehitimo ng dalawa niyang paghihiwalay. Nakatuklas ng “hindi disente” sa kanya ang unang asawa. Kung pangangalunya ang “hindi disenteng” iyan, naging karapat-dapat siyang hatulan ng kamatayan ayon sa Kautusan ni Moises, na itinakdang batuhin ang mga nangangalunya (tingnan ang Lev. 20:10). Kaya, kung ang pangangalunya ay ang tanging lehitimong dahilan ng hiwalayan, marahil ang unang asawa niya ay hindi nagkaroon ng sapat na dahilan upang hiwalayan siya. Sa kabilang banda, marahil ay gumawa siya ng pangangalunya, at ang lalaki, na isang matuwid na tao gaya ni Jose ni Maria, ay “ binalak niyang hiwalayan nang palihim” (Mt. 1:19). Maraming posibleng eksena.

Ang pangalawang asawa niya ay sinasabing “tinalikdan siya.” Muli, hindi natin alam kung sino ang sisisihin o kung dapat silang sisihin. Nguni’t hindi iyan mahalaga. Ibinigay ng Diyos ang pagpapala sa kanya upang muling magpakasal sa sinumang gustong makipagsapalaran sa babaing dalawang ulit na hiwalay, huwag lang sa unang asawa niya.

Isang Pagtutol (An Objection)

“Nguni’t kung sinasabihan ang mga tao na makatarungan ang muling mag-asawa sa kahit anong dahilan, hihikayatin sila nito na humiwalay sanhi ng di-lehitimong dahilan,” ang laging sinasabi. Maaaring totoo iyan sa ilang relihiyosong taong hindi talaga sinusubukang aliwin ang Diyos, nguni’t ang pagtatangkang pigilan ang mga taong hindi sumusunod sa Diyos upang magkasala ay isang gawaing walang saysay. Nguni’tng mga taong tunay na sumusunod sa Diyos sa kanilang puso ay hindi nagtatangkang maghanap ng paraan upang magkasala. Sinusubukan nilang aliwin ang Diyos, at ang mga uri ng taong iyon ay kadalasang may matatag na ugnayan. Dagdag pa, malinaw na hindi inaalala ng Diyos ang paghihiwalay ng mga taong nasa ilalim ng lumang kasunduan sa hindi lehitimong mga sanhi dahil sa liberal na kautusan ng muling pag-aasawa, dahil ibinigay Niya sa Israel ang isang liberal na kautusan tungkol sa pag-aasawa.

Dapat ba nating iwasang sabihin sa mga tao na nakahandang magpatawad ang Diyos sa anumang pagkakasala nila, at baka mahikayat silang gumawa ng kasalanan dahil alam nila na nariyan ang kapatawaran? Kung gayon, hihintuan na natin ang pangangaral ng magandang balita. Muli, babalik iyan sa kalagayan ng puso ng mga tao. Ang mga nagmamahal sa Diyos ay nagnanais sumunod sa Kanya. Lubos na nalalaman ko na ang pagpapatawad ng Diyos ay ibibigay sa akin kung hihingin ko, kahit ano man ang kasalanang gagawin ko. Nguni’t kailanman ay hindi ako hinihikayat niyan upang magkasala, dahil mahal ko ang Diyos at naipanganak akong muli. Napagbago ako ng pagpapala ng Diyos. Nais ko Siyang aliwin.

Alam ng Diyos na hindi na kailangang magdagdag pa ng negatibong kahihinatnan sa maraming negatibong epekto ng hiwalayan upang hikayatin ang mga taong manatili sa kanilang ugnayan. Ang pagsasabi sa mga taong problemado sa kanilang mga asawa na hindi sila dapat maghiwalay dahil hindi na sila kailanman papayagang muling mag-asawa ay nagdudulot ng napakaliit na motibasyon upang manatili sa ugnayan. Kahit paniniwalaan ka niya, ang hinaharap na buhay na nag-iisa kumpara sa buhay na puno ng hirap ay nagiging parang langit sa miserableng may-asawang tao.

Si Pablo Tungkol sa Pag-aasawang Muli (Paul on Remarriage)

Bago natin harapin ang problema ng pagpapakasundo ng mga salita ni Jesus tungkol sa pag-aasawang muli sa mga kay Moises, kailangan nating matanto na may isa pang manunulat na nakikiayon kay Moises, biblikal at ang pangalan niya ay Pablo, ang apostol.

Malinaw na isinulat ni Pablo na ang muling pag-aasawa para sa mga hiwalay ay hindi kasalanan, umaayon sa sinasabi ng Lumang Tipan:

Tungkol naman sa mga taong walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Nguni’t magbibigay ako ng aking opinion bilang isang taong mapagkakatiwalaan sapagka’t kinahabagan ako ng Panginoon. Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. Ikaw ba’y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa. Nguni’t kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Nguni’t ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo (1 Cor. 7:25-28, idinagdag ang pagdidiin).

Walang dudang tinutukoy ni Pablo ang mga taong hiwalay sa pahayag na it. Pinayuhan niya ang mga may-asawa, ang mga walang-asawa, ang hindi pa nag-aasawa, at ang hiwalay na manatili sa kanilang kasalukuyang kalagayan dahil sa kahirapang dinaranan ng mga Cristiano sa panahong iyon. Nguni’t malinaw na inihayag ni Pablo na ang mga hiwalay at mga hindi pa nag-aasawa ay hindi magkakasala kapag nag-asawa sila.

Pansinin na hindi nilinaw ni Pablo ang katarungan ng muling pag-aasawa ng mga taong hiwalay. Hindi niya sinabing ang muling pag-aasawa ay pinapayagan lamang kapag walang kasalanan ang hiwalay na tao sa nakaraang paghihiwalay. (At sinong tao ang karapat-dapat humatol sa ganitong bagay maliban sa Diyos?) Hindi niya sinabing ang muling pag-aasawa ay pinapayagan lamang para doon sa nakipaghiwalay bago sila naligtas. Hindi, sinabi lang niya na ang muling pag-aasawa ay hindi kasalanan para sa mga taong hiwalay.

Malambot ba si Pablo Tungkol Sa Paghihiwalay? (Was Paul Soft on Divorce?)

Dahil isinulong ni Pablo ang mapagpalang polisiya sa muling pag-aasawa, ibig sabihin ba niyan na malambot din siya sa paghihiiwalay? Hindi, malinaw na sa pangkalahatan ay tutol si Pablo sa paghihiwalay. Sa naunang talakayan sa parehong kabanata ng kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto, inilatag niya ang isang kautusan sa paghihiwalay na kasundo ng pagkasuklam ng Diyos sa paghihiwalay:

Ito naman ang iniutos sa mga may asawa, hindi mula sa akin kundi mula sa Panginoon: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. Nguni’t kung siya’y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya’y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag rin namang palalayasin at hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa. Sa iba naman, ito ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi at hindi ang Panginoon: kung ang isang lalaking mananampalataya ay may asawang di mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. Sapagka’t ang lalaking hindi pa sumasampalataya at may asawang di mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag niya itong hiwalayan. Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang di sumasampalataya at nais ng lalaking magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. Sapagka’t ang lalaking hindi pa sumasampalataya ay nagiging katanggap-tanggap din sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi pa sumasampalataya ay nagiging katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi gayon ay magiging marumi sa paningin ng Diyos ang kanilang mga anak; nguni’t ang totoo, ang mga ito ay katanggap-tanggap sa Diyos. Kung nais namang humiwalay ng asawang hindi mananampalataya sa kanyang asawang sumasampalataya, hayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong mga pagkakataon, ang hinihiwalayan ay Malaya na sapagka’t tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? (1 Cor. 7:10-17).

Pansinin muna na tinukoy ni Pablo ang mga mananampalatayang may mananampalatayang asawa. Siyempre, hindi sila maghihiwalay, at inihahayag ni Pablo ito ay hindi niya payo, kundi payo ng Panginoon. At iyan ay tunay na katugma ng lahat nang tiningnan na natin sa Biblia.

At dito na nagiging interesante. Malinaw na lubhang makatotohanan si Pablo upang mapagtanto na kahit mananampalataya ay nagkakahiwalay sa mga bihirang pagkakataon. Kung nangyari iyan, inihayag ni Pablo na ang taong naghiwalay sa kanyang asawa ay dapat manatiling walang asawa o makipagkasundo muli sa kanyang asawa. (Bagama’t ibinibigay ni Pablo ang mga ispesipikong instruksiyon sa mga babae, ipinapalagay ko na akma rin ang mga ito sa mga lalaki.)

Muli, hindi nakapagtataka sa atin ang isinusulat ni Pablo. Una niyang inilatag ang kautusan ng Diyos tungkol sa paghihiwalay, nguni’t lubhang marunong upang malamang ang kautusan ng Diyos ay maaaring hindi laging susundin. Kaya nang ang kasalanan ng paghihiwalay ay nangyayari sa dalawang mananampalataya, nagbibigay siya ng karagdagang instruksiyon. Ang taong naghiwalay ng kanyang asawa ay dapat manatiling walang asawa o kaya ay makipagkasundo muli sa kanyang asawa. Iyan ang talagang pinakamainam kapag ang hiwalayan ay sa dalawang mananampalataya. Habang kapwa walang asawa, may pag-asang magkakabalikan sila, at iyan ang pinakamaganda. Siyempre, kung mag-aasawa ang isa, winawakasan niyan ang pag-asa at posibilidad ng muling pagkakasundo. (At malinaw na kapag nakagawa sila ng di-mapapatawad na kasalanan sa paghihiwalay, walang dahilan upang sabihan sila ni Pablo na manatiling walang asawa o kaya’y muling magkasundo.)

Masasabi ba ninyo na lubhang marunong si Pablo upang malamang ang kanyang pangalawang direktiba sa nagkahiwalay na mananampalataya ay hindi laging susundin? Puwede. Marahil hindi na siya nagbigay pa ng karagdagang direktiba sa mga mananampalatayang nagkahiwalay dahil inasahan niya na ang mga tunay na mananampalataya ay sumunod sa una niyang payo upang hindi maghiwalay at kailangan lamang ang pangalawang direktiba sa mga lubhang pambihirang kaso. Tunay na ang mga totoong tagasunod ni Cristo, kung may problema, ay gagawa ng lahat ng makakaya upang panatilihin ang kanilang samahan. At tunay na ang isang mananampalatayang nagtangka ng lahat upang mapanatili ang samahan ay nakaramdam na wala siyang ibang paraan kundi ang makipaghiwalay, talagang ang mananampalatayang iyon, dahil sa kanyang kahihiyan at pagnanais papurihan si Cristo ay hindi magtatangkang mag-asawa ng iba, at aasa pa rin sa pakikipagkasundo. Mukhang ang totoong problema sa modernong iglesia tungkol sa paghihiwalay ay napakalaking bahagdan ang hindi tunay na mananampalataya, mga taong kailanman ay hindi tunay na nanampalataya at kung gayon ay hindi napailalim sa Panginoong Jesus.

Lubhang malinaw sa sinulat ni Pablo sa 1 Corinto 7 na may mas mataas na inaasahan ang Diyos sa mga mananampalataya, mga taong pinananahanan ng Espiritu Santo, kaysa hindi mananampalataya. Isinulat ni Pablo, na nabasa natin, na ang mga mananampalataya ay hindi dapat makipaghiwalay sa kanilang di-nananampalatayang asawa habang nais pa ng asawa na makisama sa kanila. Minsan pa, hindi natin pinagtatakhan ang direktibang ito, hindi dahil ganap na kahanay ng lahat ng nabasa natin sa Biblia tungkol sa paksa. Ang Diyos ay tutol sa paghihiwalay. Nguni’t idinadagdag ni Pablo, na kung ang di-nananampalataya ay nagnanais makipaghiwalay, papayagan siya ng mananampalataya. Alam ni Pablo na ang di-mananampalataya ay hindi pumailalim sa Diyos, kaya hindi niya inaasahan ang di-mananampalataya na kumilos bilang mananampalataya. Idadagdag ko na kapag ang isang di-mananampalataya ay pumayag makisama sa isang mananampalataya, ito ay magandang indikasyon na ang di-mananampalataya ay bukas sa magandang balita, o ang mananampalataya ay nanumbalik sa dating sama, o kaya’y huwad na Cristiano.

Ngayon sino ang makapagsasabi na ang mananampalatayang hiniwalayan ng di-mananampalataya ay hindi malayang muling mag-asawa? Hindi kailanman sinasabi ni Pablo iyan, na ginawa niya sa kaso ng dalawang mananampalatayang naghiwalay.

Magtataka tayo kung bakit tututol ang Diyos sa muling pag-aasawa ng isang mananampalataya na hiniwalayan ng isang di-mananmpalataya. Ano ang layunin niyan? Nguni’t ang ganitong pagbibigay ay maliwanag na salungat sa sinabi ni Jesus tungkol sa muling pag-aasawa: “ Sinumang makipag-asawa sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya” (Mt. 5:32). Ito, muli, ay nagtutulak sa akin upang magsuspetsa na hindi natin naintindihan ang tinatangkang iparating ni Jesus.

Ang Problema (The Problem)

Malinaw na nagkakasundo lahat sina Jesus, Moises at Pablo na ang paghihiwalay ay indikasyon ng kasalanan ng isa o dalawang panig ng hiwalayan. Lahat ay nagkakaisa sa kanilang pangkalahatang pagtutol. Nguni’t ito ang ating problema: Paano natin ipagkakasundo ang sinabi nina Moises at Pablo tungkol sa pag-aasawang muli sa sinabi ni Jesus tungkol dito? Tunay na dapat nating asahan na nagkakaisa dahil lahat ay nabigyang-inspirasyon ng Diyos upang sabihin ang sinabi nila.

Siyasatin natin ang eksaktong sinabi ni Jesus at tingnan kung kanino Siya nakikipag-usap. Dalawang ulit sa sa ebanghelyo ni Mateo makikita natin si Jesus na tumutukoy sa paksa ng paghihiwalay at muling pag-aasawa, minsan sa Sermon sa Bundok at minsan nang tinanong Siya ng ilang Pariseo. Mag-umpisa tayo sa pakikipag-usap ni Jesus sa mga naturang Pariseo:

May ilang Pariseong lumapit sa Kanya at nagtangkang humanap ng maipaparatang sa pamamagitan ng tanong na ito, “Naaayon ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” Sumagot si Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa kasulatan na sa pasimula’y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? At Siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila’y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.” Tinanong siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ito?” Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na palayasin at hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subali’t hindi ganoon sa pasimula. Ito ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya’y nangangalunya, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya” (Mt. 19:3-9).

Sa pag-uusap na ito kay Jesus, tinukoy ng mga Pariseo ang isang bahagi ng Kautusan ni Moises na binanggit ko noong una, Deuteronomio 24:1-4. Doon ay nakasulat, “Kung mag-asawa ang isang lalaki nguni’t dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay…” (Deut. 24:1, idinagdag ang pagdidiin).

Sa panahon ni Jesus, may dalawang kaisipan tungkol sa kung ano ang bumubuo ng “hindi disente.” Mga dalawampung taon bago iyon, isang rabbi na nagngangalang Hillel ang nagturo na ang pagiging hindi disente ay isang hindi maipagkakasundong kaibahan. Sa panahong nangyari ang debate ni Jesus at mga Pariseo, ang interpretasyong “Hillel” ay naging higit na liberal, pinapayagan ang paghihiwalay sa “kahit anong dahilan,” na ipinaaalam ng tanong kay Jesus ng mga Pariseo. Mahihiwalayan ninuman ang kanyang babaing asawa kapag nasunog niya ang hapunan, maalat ang pagkain, umikot sa lugar na maraming tao at nakita ang kanyang tuhod, inilugay ang buhok, kumausap sa ibang lalaki, nagsabi ng hindi maganda tungkol sa biyenang babae, o hindi magkaanak. Maihihiwalay din ng lalaki ang kanyang asawa kapag nakakita siya ng ibang higit na kaakit-akit, na nagtuturing sa kanyang asawa bilang “hindi disente.”

Isa pang bantog na rabbi, si Shammai, na nabuhay bago si Hillel, ang nagturo na ang pagiging “hindi disente” ay bagay na imoral, tulad ng pangangalunya. Tulad ng iyong palagay, sa mga Pariseo nang kapanahunan ni Jesus, ang liberal na interpretasyon ni Hillel ay higit na popular kaysa sa kay Shammai. Ang mga Pariseo ay namuhay at nangaral na makatarungan ang paghihiwalay sa anumang dahilan, kaya talamak ang hiwalayan. Sa tipikal na kaugaliang Pariseo, idiniin nila ang kahalagahan ng pagbibigay sa asawang babae ng kasulatan ng paghihiwalay kapag hiniwalayan siya, upang hindi “lumabag sa Kautusan ni Moises.”

Huwag Kalimutang Nakikipag-usap si Jesus sa mga Pariseo (Don’t Forget that Jesus’ was Speaking to Pharisees)

Sa pagsasaalang-alang dito, higit nating maiintindihan ang kinakaharap ni Jesus. Hinarap Siya ng grupo ng mapagpanggap na relihiyosong guro, na karamihan ay hiwalay nang minsan o higit pa, at dahil nakahanap sila ng higit na kaakit-akit na asawa. (Palagay ko ay hindi nagkataon lamang na ang mga salita ng Diyos tungkol sa paghihiwalay sa Sermon sa Bundok ay susunod agad sa mga payo Niya tungkol sa hilig ng laman, o tinantawag Niyang uri ng pangangalunya.) Nguni’t pinangagatwiranan nila ang mga sarili, sinasabing sinunod ang Kautusan ni Moises.

Ang mismong tanong nila ay nagbubunyag ng kanilang kinikilingan. Malinaw na naniniwala silang maaaring hiwalayan ang asawang babae sa anumang dahilan. Ibinunyag ni Jesus ang kanilang maling intindi sa intensyon ng Diyos sa pag-aasawa sa pag-apila sa mga sinabi ni Moises tungkol sa pag-aasawa sa Kabanata 2 ng Genesis. Hindi kailanman ninais ng Diyos na magkaroon ng hiwalayan, lalo na hiwalayan “sa kahit anong dahilan,” nguni’t hinihiwalayan ng mga lider ng Israel ang kanilang mga asawa na parang mga tinedyer na nakikipag-break sa kanilang “steady”!

Palagay ko ay alam na ng mga Pariseo ang panig ni Jesus tungkol sa paghihiwalay, dahil sinabi na Niya sa madla noon, kaya handa na sila sa kanilang kasagutan: “Bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ito?” (Mt. 19:7).

Muling ibinubunyag ng tanong na ito ang kanilang bias. Inihayag sa isang paraan na parang iniuutos ni Moises sa mga lalaki upang hiwalayan ang mga asawa nang makakita ng “hindi disente,” at kinakalangan ng tamang sertipiko, nguni’t alam natin mula sa Deuteronomio 24:1-4, na hindi kailanman sinasabi iyan ni Moises. Pinipigilan lamang niya ang babae sa pangatlong ulit na pag-aasawa, pinagbabawalang muling pakasalan ang unang asawa.

Gaya ng binanggit noon ni Moises tungkol sa paghihiwalay, marahil ay pinapayagan ito nang may dahilan. Nguni’t pansinin ang gamit ng pandiwang ginamit ni Jesus sa Kanyang sagot, pinayagan, ay sumasalungat sa pagpili ng Mga Pariseo ng pandiwa: iniutos. Pinayagan ni Moises ang paghihiwalay; kailanman ay hindi niya ito iniutos.Ang dahilan ng pagpayag ni Moises sa paghihiwalay ay ang katigasan ng puso ng mga taga-Israel. Ibig sabihin, pinayagan ng Diyos ang paghihiwalay bilang mahabaging pagtanggap sa pagiging makasalanan ng mga tao. Alam Niya na hindi magiging tapat ang mga tao sa kanilang asawa. Alam Niyang magkakaroon ng imoralidad. Alam Niyang mawawasak ang puso ng mga tao. Kaya pinagbigyan Niya ang paghihiwalay. Hindi iyon ang orihinal Niyang intensyon, nguni’t kinailangan ito ng kasalanan.

Sumunod, inilatag ni Jesus ang kautusan ng Diyos sa mga Pariseo, marahil ay pati pagpapaliwanag ng “hindi disente” ni Moises: “Sinumang lalaking magpapalayas at humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya’y nangangalunya, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya” (Mt.19:9, idinagdag ang pagdidiin). Sa mata ng Diyos, pangangalunya lamang ang balidong dahilan upang hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, at naiintindihan ko iyan. Ano ang nagagawa ng babae o lalaki na higit pang nakakasama sa kanyang asawa? Kapag nangangalunya ang isang asawa, nagpapadala siya ng brutal na mensahe. Tunay na hindi lamang tinutukoy ni Jesus ang pangangalunya sa paggamit niya ng salitang “imoral.” Talagang ang masidhing paghalik at paghawak ay kilos na imoral, pati panonood ng pornograpiya, at iba pang perversion. Tandaan na inihanay ni Jesus ang pagkahilig sa laman sa pangangalunya sa Kanyang Sermon sa Bundok.

Huwag nating kalimutan kung sino ang kinakausap ni Jesus —Pariseong naghihiwalay ng kanilang mga asawa sa kahit anong dahilan, at dagliang muling nag-aasawa, nguni’t, huwag naman sana, kailanman ay hindi mangangalunya at baka suwayin pa ang pampitong kautusan. Sinasabi ni Jesus na niloloko lamang nila ang kanilang sarili. Ang ginagawa nila ay walang pinagkaiba sa pangangalunya, at totoo ‘yan. Nakikita ng sinumang matapat na ang lalaking maghihiwalay ng kanyang asawa upang humanap ng iba ay gumagawa ng ginagawa ng nanganalunya, nguni’t sa balatkayo ng ilang ligalidad.

Ang Solusyon (The Solution)

Ito ang susi upang ipagkasundo si Jesus kina Moises at Pablo. Inilalantad lamang ni Jesus ang paggbabalatkayo ng mga Pariseo. Hindi Niya ibinababa ang kautusang nagbabawal ng anumang pag-aasawang muli. Kung iyon ang intensyon Niya, sinasalungat Niya sina Moises at Pablo at lumilikha ng nakalilitong kaguluhan para sa milyun-milyong taong nag-asawang muli. Kung nagbibigay si Jesus ng isang kautusan sa muling pag-aasawa, ano ngayon ang sasabihin natin sa humiwalay at muling nag-asawa bago nila nalaman ang kautusan ni Jesus? Sasabihin ba natin sa kanila na nabubuhay sila sa ugnayan ng pangangalunya, bagama’t alam natin ang babala ng Diyos na hindi magmamana ng kaharian ng Diyos ang mga nangangalunya? (tingnan ang 1 Cor. 6:9-10), payuhan silang muling humiwalay? Nguni’t di ba nasusuklam ang Diyos sa hiwalayan?

Sasabihin ba natin sa kanila na huminto sa pakikipagtalik sa kanilang asawa hanggang sa mamatay ang dati nilang asawa upang hindi patuloy na magkasala sa pangangalunya? Nguni’t hindi ba’t pinagbawalan ni Pablo ang mga mag-asawa upang pagkaitan ng sex ang isa’t isa? Hindi ba ito magiging sanhi ng sekswal na pagkatukso at paigtingin ang pagnanais na mamatay na ang dating asawa?

Sasabihin ba natin sa mga taong ito na hiwalayan ang mga kasalukuyang asawa upang muling pakisamahan ang dating asawa (na siyang itinuturo ng ilan), isang bagay na ipinagbabawal sa ilalim ng Kautusang Mosaic sa Deuteoromio 24:1-4?

Paano ang mga hiwalay na tao na hindi nag-asawang muli? Kung papayagan lang silang muling mag-asawa kapag nangalunya ang dati nilang asawa, sino ang makapagsasabi kung talagang nangyari ang pangangalunya? Upang muling makapag-asawa, kailangan bang patunayan ng ilang tao na ang dati nilang asawa ay nagkasala lamang sa pagkahilig sa laman, samantalang ang iba ay kailangang maglabas ng mga saksi laban sa mga gawain ng dati nilang asawa?

Gaya ng nauna kong tanong, paano ang mga kasong ang dating asawa ay nangalunya dahil sa pag-aasawa ng isang taong nagkait ng sex sa kanya? Makatwiran ba na ang taong nagkait ng sex ay payagang mag-asawang muli samantalang ang taong nangalunya ay hindi payagang muling mag-asawa?

Paano ang taong gumawa ng kalaswaan bago nag-asawa? Hindi ba ang gawain niyang malaswa ay isang hindi matapat na gawain laban sa magiging asawa niya? Hindi ba katumbas ng kasalanan ng taong iyon ang pangangalunya kung ang naging kasama niyang nagkasala noon ay may-asawa? Kung gayon ay bakit pinapayagan ang taong iyon na mag-asawa?

Paano ang mga taong nagsasama, hindi kasal, at nag-“break”? Bakit sila pinapayagang mag-asawa ng iba pagkatapos nilang mag-break, dahil lamang sa hindi sila opisyal na kasal? Paano sila naging iba sa mga naghiwalay at nag-asawang muli?

Paano ang katotohanang “lahat ng lumang bagay ay lumilipas” at “lahat ng bagay ay nagbabago” kapag ang isang tao ay nagiging Cristiano (tingnan ang 2 Cor. 5:17)? Ibig sabihin ba niyan ang lahat ng kasalanang ginawa maliban sa kasalanang paghihiwalay?

Lahat nang ito at marami pang tanong [1] ay matitibay na dahilan upang isiping hindi nagbababa ng bagong kautusan si Jesus tungkol sa muling pag-aasawa. Tunay na marunong si Jesus upang mapagtanto ang mga magiging epekto ng Kanyang bagong kautusan tungkol sa muling pag-aasawa kung iyon ang ibig Niya. Sapat na iyon upang ipaalam sa atin na ibinubunyag lamang Niya ang pagpapanggap ng mga Pariseo—mga mahilig sa laman, relihiyoso, mapagkunwaring taong nakikipaghihiwalay sa kani-kanilang asawa “sa ano mang dahilan” at muling mag-aasawa.

Tunay na ang dahilan ni Jesus sa pagsasabing sila ay “nangangalunya” sa halip na sabihing mali ang ginagawa nila ay dahil nais Niyang makita nila na ang paghihiwalay sa ano mang dahilan at muling pag-aasawa ay walang pinagkaiba sa pangangalunya, isang bagay na hindi nila inaaming ginagawa nila. Ipagpapalagay ba natin na ang tanging alalahanin ni Jesus ay ang aspektong sekswal ng muling pag-aasawa, at papayagan Niya ang muling pag-aasawa basta’t walang sex? Malinaw na hindi. Kaya huwag natin Siyang piliting sabihin ang kailanman ay hindi Niya ibig sabihin.

Isang Maalalahaning Paghahambing (A Thoughtful Comparison)

Isipin natin ang dalawang tao. Ang isa ay may asawa, relihiyoso, na nag-aangking mahal niya ang Diyos nang buong puso, at nagsisimulang magkaroon ng pagnanasa sa isang batang babaing kapitbahay niya. Pagdaka ay hiniwalayan niya ang kanyang asawa at dagliang pinakasalan ang babae ng kanyang pantasya.

Ang isang lalaki ay hindi relihiyoso. Hindi pa niya napapakinggan ang magandang balita at namumuhay na makasalanan, na naging dahilan ng pagkasira ng relasyon sa asawa. Ilang taon ang nakalipas, narinig niya ang ebanghelyo, nagsisi, ang nagsimulang sumunod kay Jesus nang buong puso. Makaraan ang tatlong taon umibig siya sa isang masugid na Cristianong babae na nakilala niya sa iglesia . pareho silang naghanap ng pagpapayo ng Panginoon at ng iba pa, at nagpasyang magpakasal. Nagpakasal nga sila, at matapat na nagsilbi sa Panginoon at sa isa’t isa hanggang kamatayan.

Ngayon, ipagpalagay natin na ang dalawang lalaki ay kapwa nagkasala nang muling mag-asawa. Sino sa kanila ang higit ang kasalanan? Malinaw na ang unang lalaki. Tulad rin siya ng nangangalunya.

Nguni’t paano ang pangalawang lalaki? Mukha ba talagang nagkasala siya? Masasabi bang wala siyang pinagkaiba sa nangangalunya, na tulad ng nauna? Palagay ko’y hindi. Sasabihin ba natin sa kanya ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga naghihiwalay at muling nag- aasawa, at ipaaalam sa kanya na ngayon ay kinakasama niya ang isang babaing hindi minarapat ng Diyos para sa kanya, dahil itinuturing pa rin ng Diyos na kasal siya sa kanyang unang asawa? Sasabihin ba natin sa kanya na nabubuhay siya sa pangangalunya?

Malinaw ang mga sagot. Ang pangangalunya ay ginagawa ng mga may-asawang nag-aasam pa rin ng iba maliban sa asawa nila. Kaya ang paghihiwalay sa asawa dahil sa nakahanap na ng higit na kaakit-akit na asawa ay pareho rin sa pangangalunya. Nguni’t ang taong walang asawa ay hindi maaaring mangalunya dahil wala siyang asawang nangangailangan ng kanyang katapatan. Kapag naintindihan natin ang biblikal at historikal na konteksto ng sinabi ni Jesus, hindi tayo magkakaroon ng mga walang kwentang palagay na sumasalungat sa kabuuan ng Biblia.

Siyanga pala, nang marinig ng mga alagad ang sagot ni Jesus sa tanong ng Pariseo, sumagot sila sa pagsasabing, “kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag na siyang mag-asawa” (Mt. 19:10). Intindihin na lumaki sila sa ilalim ng impluwensiya ng mga Pariseo, at sa isang kulturang lubhang naimpluwensiyahan ng mga Pariseo. Kailanman ay hindi nila itinuring na ang pag-aasawa ay pangmatagalan. Katunayan, hanggang sa mga sandaling iyon, malamang na pinaniwalaan din nila na makatwiran para sa isang lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan. Kaya dali-dali nilang ipinagpalagay na ang pinakamagandang gawin ay iwasan na lang ang pag-aasawa, upang hindi makipaghiwalay at mangalunya.

Sumagot si Jesus,

Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. Sapagka’t may iba’t ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay dahil sa kanilang katutubong kalagayan; ang iba nama’y naging ganoon dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Dapat itong gawin ng taong nakakaunawa sa katuruang ito (Mt. 19:11-12).

Ibig sabihin, ang pangangailangang sekswal at/o ang kakayahang kontrolin ito ang higit na magtatakdang dahilan. Kahit sa Pablo ay nagsabing, “Mas mabuti ang mag-asawa kaysa di-makapagpigil sa matinding pagnanasa” (1 Cor. 7:9). Ang mga ipinanganak na eunuch o ginawang eunuch na mga lalaki (na siyang ginawa ng mga lalaki na nangailangan ng iba pang lalaking mapagkakatiwalaan nila upang bantayan ang kanilang harem) ay walang pagnanasa. Ang mga “nagiging eunuch para sa kaharian ng langit” ay maaaring iyong mga nabigyan ng tanging kaloob ng Diyos upang magkaroon ng matinding kontrol sa sarili, kaya “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos” (Mt. 19:11).

Ang Sermon sa Bundok (The Sermon on the Mount)

Dapat nating tandaan na ang kawan na kinausap ni Jesus sa Kanyang Sermon sa Bundok ay mga tao ring gumugol ng kanilang buhay sa ilalim ng mapagpanggap na impluwensiya ng mga Pariseo, mga pinuno at guro sa Israel. Ayon sa napag-alaman na natin tungkol sa Sermon sa Bundok, malinaw na karamihan sa sinabi ni Jesus ay walang iba kundi isang paglilinaw sa maling turo ng mga Pariseo. Sinabi pa ni Jesus sa kawan na hindi sila pupunta sa langit hangga’t ang kanilang katuwiran ay hihigit sa tagapagturo ng kautusan at mga Pariseo (tingnan ang Mt. 5:20), na isang paraan ng pagsasabi na ang mga tagapagturo ng kautusan at Pariseo ay pupunta sa impiyerno. Sa katapusan ng Kanyang sermon, namangha ang mga kawan, dahil nagtuturo si Jesus “hindi bilang kanilang tagapagturo ng kautusan” (Mt. 7:29).

Sa unang bahagi ng Kanyang sermon, ibinunyag ni Jesus ang pagpapanggap ng mga nagsasabing kailanman ay hindi sila nagkasala ng pangangalunya, nguni’t nagnanasa o naghihiwalay at nag-aasawang muli. Pinalawak Niya ang ibig sabihin ng pangangalunya na higit pa sa pisikal at makasalanang gawain ng dalawang taong kasal sa iba. Ang sinabi Niya ay malamang na malinaw sa isang matapat na tao na sandaling nag-isip. Isaisip na bago ang sermon ni Jesus, karamihan sa mga tao sa kawan ay naniwalang naaayon sa kautusan ang maghiwalay ng asawa “kahit sa anong dahilan.” Nais ni Jesus na ang Kanyang mga tagasunod pati na lahat ay makaalam na ang intensyon ng Diyos mula umpisa ay isang higit na mataas na pamantayan.

Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Nguni’t sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may mahalay na pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. Kung ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. Sinab i rin naman, ‘Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay. Nguni’t sinasabi ko sa inyo, kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa,maliban kung ito ay nangangalunya, itinutulak niya ang kanyang asawa sa kasalanang pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya (Mt. 5:27-32).

Una, tulad ng itinuro ko na noong una, pansinin na ang mga salita ni Jesus tungkol sa paghihiwalay at muling pag-aasawa ay hindi lamang direktang sumusunod sa Kanyang mga salita tungkol sa pagnanasa, iniuugnay sila doon, kundi kapwa ipinapantay ni Jesus bilang pangangalunya, at lalong pinagtitibay ang kanilang kaugnayan. Kaya makikita natin ang iisang hibla na tumutuhog sa buong bahaging ito ng Biblia.Tinutulungan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod upang intindihin ang tunay na hinihingi ng pagsunod sa ikapitong utos. Ang ibig sabihin ay hindi magnanasa at hindi maghihiwalay at mag-asawang muli.

Lahat sa tagapakinig Niyang Judio ang nakarinig sa ikapitong utos na binasa sa sinagoga (walang nagmamay-ari ni Biblia), at narinig nila ang paliwanag pati na rin sa pagsasabuhay nito ng kanilang mga guro, mga tagapagturo ng kautusan at Pariseo. Sumunod ay sinabi ni Jesus, “nguni’t sinasabi ko sa inyo,” bagama’t hindi Siya nagdaragdag ng bagong kautusan. Ibubunyag lamang Niya ang orihinal na pakay ng Diyos.

Una, ang pagnanasa ay malinaw na ipinagbabawal ng pangsampung utos, at kahit wala ito, ang sinumang nakaaalam nito ay nakapagtanto na mali ang magnais ng ipinagbabawal ng Diyos.

Pangalawa, mula sa mga pinakaunang kabanata ng Genesis, nilinaw ng Diyos na pangmatagalan ang pag-aasawa. Dagdag pa, ang sinumang nag-isip ng gayon ay nakapagpalagay na ang paghihiwalay at muling pag-aasawa ay tulad din ng pangangalunya, lalo na kapag nakikipaghiwalay ang isang tao dahil gusto niyang muling mag-asawa.

Nguni’t muli sa sermon na ito, malinaw na tumutulong lamang si Jesus upang makita ng mga tao ang katotohanan tungkol sa pagnanasa at paghihiwalay sa ano mang dahilan at muling pag-aasawa. Hindi Siya nagtatakda ng bagong kautusan tungkol sa muling pag-aasawa na hindi pa tinataglay “ng mga libro.”

Napakainteresante na iilan sa iglesia ang literal na umintindi sa mga salita ni Jesus tungkol sa pagbunot ng mata o pagputol ng mga kamy, dahil ang mga ideang ito ay sasalungat sa kabuuan ng Biblia at malinaw na ginagamit lamang ang mga ito upang idiin ang pag-iwas sa tukso ng pagnanasa. Nguni’t marami sa iglesia ang sumusubok na magpaliwanag nang literal sa mga salita ni Jesus tungkol sa taong nag-asawang muli na nangangalunya, kahit na sinasalungat ng interpretasyong ganito ang kabuuan ng Biblia. Ang layunin ni Jesus ay harapin ng kanyang mga tagapakinig ang katotohanan, upang mabawasan ang bilang ng mga naghihiwalay. Kung didibdibin ng Kanyang mga tagasunod ang sinabi Niya tungkol sa pagnanasa, walang mangangalunya sa kanila. Kung walang mangangalunya, walang lehitimong dahilan ng paghihiwalay, tulad ng orihinal na pakay ng Diyos sa simula pa lamang.

Paano Itinutulak ng Isang Lalaki ang Kanyang Asawa Upang Mangalunya? (How Does a Man Make His Wife Commit Adultery?)

Pansinin na sinabi ni Jesus, “Lahat ng nakipaghihiwalay sa kanilang asawa, maliban sa pangangalunya, ay nagtutulak sa kanya upang mangalunya.” Muli tayong inaakay nito upang paniwalaang hindi Siya nagtatakda ng bagong kautusan tungkol sa muling pag-aasawa, kundi ibinubunyag ang katotohanan tungkol sa kasalanan ng isang lalaki na naghihiwalay sa kanyang asawa nang walang sapat na dahilan. “Itinutulak niya ito upang mangalunya.” Ang ilan ay nagsasabi na ipinagbabawal ni Jesus ang muli niyang pag-aasawa, dahil itinuturing Niya ito bilang pangangalunya. Nguni’t kalokohan ito. Ang diin ay sa kasalanan ng lalaking naghihiwalay sa kanyang asawa. Dahil sa ginagawa ng lalaki, walang magagawa ang babae kundi muling mag-asawa, bagay na hindi niya kasalanan dahil biktima lang siya ng pagkamakasarili ng lalaki. Nguni’t sa mata ng Diyos, dahil iniwan ng lalaki ang pobreng asawa na walang magagawa kundi muling mag-asawa, parang itinulak ng lalaki ang asawa niya sa ibang lalaki. Kaya ang nag-iisip na hindi siya nangalunya ay nagkasala ng pangangalunya nang dalawang ulit, ang sa kanya at ang sa asawa niya. Hindi maaaring sinasabi ni Jesus na itinuring ng Diyos ang babaing biktima na nangalunya, dahil hindi iyan makatwiran, at katunayan ay walang katuturan kung hindi nag-asawang muli ang biktimang babae. Paano sasabihin ng Diyos na nangangalunya siya hangga’t hindi siya nag-aasawa? Talagang walang katuturan. Kung gayon ay malinaw na hinahatulan ng Diyos ang lalaki na nagkasala ng pangangalunya, at ang “pangangalunya” ng babaing asawa niya, na tunay na hindi pangangalunya para sa kanya. Makatarungan itong pag-aasawa.

At paano ang pahayag ni Jesus na “ang sinumang mag-asawa ng hiwalay na babae ay nangangalunya”? May dalawang posibilidad lamang. Maaaring nagdaragdag na si Jesus ng pangatlong beses na pagkakasala ng pangangalunya laban sa lalaking nag-aakalang kailanman ay hindi siya nangalunya (sa dahilang pareho sa pangalawang pagkakasala), o ang tinutukoy ni Jesus ay ang lalaking nag-uudyok sa babae upang hiwalayan ang asawa niya upang pakasalan siya nito upang “hindi magkasala ng pangangalunya.” Kung sinasabi ni Jesus na ang sino man sa mundo na nag-aasawa ng hiwalay na babae ay nangangalunya, lahat ng taga-Israel na lalaki sa nakalipas na daan-daang taon ay nangalunya na, dahil sa pagtupad sa kautusan ni Moises, ay nakipag-asawa sa isang hiwalay na babae. Katunayan, lahat ng lalaking tagapakinig Niya nang araw na iyon na kasalukuyang nakikisama sa hiwalay na babae bilang pagtupad sa kautusang Mosaic ay biglang nahatulan ng pagkakasalang hindi niya kasalanan sa nakalipas na isang minuto, at maaaring pinalitan ni Jesus ang Kautusan ng Diyos nang sandaling iyon. Dagdag pa, bawa’t tao sa kinabukasan na mag-asawa ng hiwalay na tao, nagtitiwala sa mga salita ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto na hindi ito kasalanan, ay talagang nagkakasala ng pangangalunya.

Ang buong damdamin ng Biblia ang nag-aakay sa akin upang humanga sa isang lalaking nag-asawa ng hiwalay na babae. Kung naging biktima lamang siya ng pagkamakasarili ng kanyang asawa, hahangaan ko ang lalaki tulad ng paghanga ko sa isang mag-aasawa ng balo upang alagaan ito. Kung nagkasala ang babae sa kanyang paghihiwalay, hahangaan ko ang lalaki sa kanyang pagiging parang si Cristo sa pagtitiwala ng lahat ng kabutihan para sa babae, at sa pagpapalang pag-aalay na kalimutan ang nakaraan at susuong sa peligro. Bakit ipinagpapalagay ninuman na nakabasa ng Biblia at pinananahanan ng Espiritu Santo na pinagbabawalan ni Jesus ang lahat na mag-asawa ng isang hiwalay na tao? Paano aangkop ang pananaw na ito sa katarungan ng Diyos, isang katarungang kailanman ay hindi magpaparusa ninuman sa pagiging biktima, na tulad ng kaso ng babaing hiwalay nang hindi niya kasalanan? Paano aakma ang pananaw na ito sa mensahe ng magandang balita, na naghahandog ng kapatawaran at isa pang pagkakataon sa mga nagsisising makasalanan?

Sa Paglalagom (In Summary )

Konsistent ang Biblia sa pagsasabing ang paghihiwalay ay kasalanan ng dalawang partido. Kailanman ay hindi pakay ng Diyos ang paghihiwalay ninuman, nguni’t mahabaging nagpanukala ng paghihiwalay kung darating ang pangangalunya. Mahabagin din ang pagbibigay Niya ng probisyon upang muling mag-asawa ang mga hiwalay na tao.

Kung hindi dahil sa mga salita ni Jesus tungkol sa muling pag-aasawa, walang sinumang nagbabasa ng Biblia ang mag-iisip na kasalanan ang muling pag-aasawa (maliban sa dalawang napakapambihirang kaso sa lumang kasunduan at isang pambihirang kaso sa bago, na nagsasabing ang muling pag-aasawa pagkatapos mahiwalay sa isang Cristiano bilang Cristiano). Nguni’t mayroon tayong lohikal na paraang natagpuan upang ipagkasundo ang sinabi ni Jesus tungkol sa muling pag-aasawa sa buong katuruan ng Biblia. Hindi pinapalitan ang kautusan ng Diyos tungkol sa muling pag-aasawa ng isa pang higit na mahigpit na utos na nagbabawal sa lahat ng pag-aasawang muli, isang utos na imposibleng matupad ng mga taong hiwalay na at muling nag-asawa (na parang ibalik sa dati ang binating itlog), at magdudulot ng walang-hanggang kalituhan at umakay sa mga tao upang suwayin ang iba pang utos ng Diyos. Bagkus, tinutulungan Niya ang mga tao upang makita nila ang kanilang pagpapanggap. Tinutulungan niya ang mga taong naniniwalang hindi sila nangangalunya upang makitang sa ibang paraan ay nagkakasala sila nito, sa pamamagitan ng pagnanasa at ang liberal na pananaw sa paghihiwalay.

Tulad ng itinuturo ng buong Biblia, inihahandog ang kapatawaran sa nagsisising makasalanan ano man ang kanilang kasalanan, at pangalawa at pangatlong pagkakataon ay ibinibigay sa mga nagkakasala, pati na ang mga taong hiwalay. Walang pagkakasala sa anumang muling pag-aasawa sa ilalim ng bagong kasunduan, maliban sa mananampalatayang nahiwalay sa isa pang mananampalataya, na dapat ay hindi kailanman mangyayari, dahil ang mga tunay na mananampalataya ay hindi nangangalunya at walang balidong dahilan upang maghiwalay. Sa pambihirang pagkakataong sila’y maghiwalay, kapwa sila mananatiling walang asawa o magbalikan.

 


[1] Halimbawa, tingnan ang mga komento ng isang hiwalay na pastor na natiwalag sa katawan ni Cristo nang mag-asawang muli. Ang sabi niya, “mas mabuti pa kung pinatay ko ang aking asawa kaysa hiniwalayan siya. Kung pinatay ko siya, nakapagsisi ako, tumanggap ng kapatawaran, nag-asawang muli ayon sa batas, at nagpatuloy sa aking ministeryo.”