Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin Siya mabibigyang kaluguran, sapagka’t ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa Kanya (Heb. 11:6).
Bilang mananampalataya, ang ating pananalig ay itinayo sa pundasyon na mayroong Diyos, at itinuturing Niya ang mga taong sumusunod sa Kanya na iba kaysa mga taong hindi sumusunod sa Kanya. Kapag tunay na pinaniniwalaan na natin ang dalawang bagay na iyon, binibigyang-kaluguran na natin ang Diyos, dahil agad natin Siyang sinusundan. Ang pagsunod sa Diyos ay nangangahulugang (1) pinag-aaralan ang Kanyang kalooban , (2) tumatalima sa Kanya, at (3) nagtitiwala sa Kanyang mga pangako. Lahat ng tatlo ay dapat kasama sa ating araw-araw na pagtahak.
Ang pokus ng kabanatang ito ay ang ating paglakad sa pananampalataya. Sa malas ay marami ang nagdidiin ng pananampalataya sa hindi na makabibliang sukdulan, partikular na idinidiin ang materyal na paglago. Dahil diyan, natatakot ang ilan na sumabak sa paksa. Nguni’t dahil lamang sa nalulunod ang ilang tao sa ilog ay hindi ibig sabihin na titigil tayo sa pag-inom ng tubig. Maaari tayong manatiling balanse at makabiblia. Maraming maituturo ang Biblia tungkol sa paksa, at nais ng Diyos na manampalataya tayo sa Kanyang maraming pangako.
Nagbigay-halimbawa si Jesus bilang isang nananampalataya sa Diyos, at inasahan Niya ang Kanyang mga alagad na sundin ang Kanyang halimbawa. Gayundin, ang ministrong tagalikha-ng-alagad ay nagsisikap magbigay-halimbawa ng pagtitiwala sa Diyos, at itinuturo niya sa kanyang mga alagad na magtiwala sa mga pangako ng Diyos. Napakahalaga nito. Hindi lamang imposibleng aliwin ang Diyos nang walang pananampalataya, imposibleng makatanggap ng sagot sa ating panalangin kung walang pananampalataya (tingnan ang Mt. 21:22; San. 1:5-8). Malinaw na itinuturo ng Biblia na hindi nakakatanggap ng biyaya ang mga nagdududa na natatanggap ng mga nananampalataya. Sinabi ni Jesus, “Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya” (Mc. 9:23).
Pagpapaliwanag sa Pananampalataya (Faith Defined)
Ang biblikal na depinisyon ng pananampalataya ay nakikita sa Hebreo 11:1:
Ang pananampalataya ay pagtitiwala na mangyayari ang ating mga inaasahan, at katiyakan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.
Mula sa depinisyong ito, malalaman natin ang maraming katangian ng pananampalataya. Una, ang isang may pananampalataya ay nagtataglay ng katiyakan, o kumpiyansa. Iba ito sa pag-asa, dahil ang pananampalataya ay ang “katiyakan tungkol sa mga bagay na inaasahan.” Ang pag-asa ay laging nag-iiwan ng lugar upang magduda. Ang pag-asa ay laging nagsasabing “marahil.” Halimbawa, masasabi kong, “May pag-asa akong uulan ngayon upang madiligan ang aking hardin.” Nais ko ang ulan, nguni’t hindi ako sigurado kung uulan. Sa kabilang banda, ang pananampalataya ay laging sigurado, ang “katiyakan tungkol sa mga bagay na inaasahan.”
Ang tinatawag ng mga tao na pananampalataya, o pananalig, ay kadalasang hindi pananampalataya sa biblikal na depinisyon. Maaari nilang tingnan ang madilim na ulap sa kalangitan, halimbawa, at sabihing, “Naniniwala akong uulan.” Nguni’t hindi sila sigurado na uulan—iniisip lang nila na may malaking posibilidad na maaaring umulan. Hindi iyan biblikal na pananampalataya. Ang biblikal na pananampalataya ay walang elemento ng pagdududa. Hindi nag-iiwan ng lugar upang magkaroon ng kalabasang iba sa ipinangako ng Diyos.
Ang Pananampalataya ay Katiyakan ng mga Bagay na Hindi Nakikita (Faith is the Conviction of Things Not Seen)
Ang depinisyong nakikita sa Hebreo 11:1 ay naghahayag din na ang pananampalataya ay ang “katiyakan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.” Kung gayon, kung nakikita natin ang isang bagay o nararamdaman sa pamamagitan ng limang pandama, hindi na kinakailangan ng pananampalataya.
Kung sinabi ng isang tao sa iyo ngayundin, “Hindi ko maipaliwanag, nguni’t nananampalataya akong may libro sa iyong mga kamay.” Maiisip mo, siyempre, na may diperensiya ang taong iyan. Masasabi mong, “Hindi mo kailangang maniwala na may libro sa aking mga kamay, dahil nakikita mo na nakahawak ako ng libro.”
Ang pananampalataya ay nasa mga bagay na hindi nakikita. Halimbawa, habang sinusulat ko ang mga salitang ito, naniniwala ako na may anghel malapit sa akin. Katunayan, sigurado ako. Paano ako nakasisiguro? Nakakita na ba ako ng anghel? Hindi. Nakaramdam o nakarinig na ba ako ng anghel na lumipad? Hindi. Kung nakakita o nakarinig ako ng anghel, hindi ko na kailangang paniwalaan na may anghel malapit sa akin—alam ko.
Kaya bakit sigurado ako na may presensya ng anghel? Ang aking kasiguruhan ay nag-uugat sa isa sa mga pangako ng Diyos. Sa Awit 34:7, ipinangako Niya, “Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos, sa mga panganib, sila’y kinukupkop.” Wala akong ebidensiya sa aking paniniwala maliban sa salita ng Diyos. Iyan ang tunay na pananampalatayang biblikal—ang “katiyakan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.” Ang mga tao sa mundo ay kadalasang gumagamit ng ekspresyong, “Ang pagtingin ay paniniwala.” Nguni’t sa kaharian ng Diyos ang kabaligtaran ang totoo: “Ang paniniwala ay pagtingin.”
Kapag nagkaroon tayo ng pananampalataya sa isa sa mga pangako ng Diyos, kadalasan ay nahaharap tayo sa mga pangyayaring tumutukso sa atin upang magduda, o dadaam tayo sa isang panahon na waring hindi tinutupad ng Diyos ang Kanyang pangako dahil ang mga pangyayari sa buhay natin ay hindi nagbabago. Sa mga kasong iyon, kailangan lang natin na labanan ang mga pagdududa, magpursigi sa pananampalataya, at manatiling kumbinsido sa ating puso na laging tinutupad ng Diyos ang Kanyang Salita. Kailanma’y hindi sinungaling ang Diyos (tingnan ang Tito 1:2).
Paano Tayo Nagkakaroon ng Pananampalataya? (How Do We Acquire Faith?)
Dahil ang pananampalataya ay batay lamang sa mga pangako ng Diyos, may iisang pagkukunan ng pananampalatayang biblikal—ang Salita ng Diyos. Sinasabi ng Roma 10:17, “Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo” (Ro. 10:17, idinagdag ang pagdidiin). Ibinubunyag ng Salita ng Diyos ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan lamang ng pagkatuto ng salita ng Diyos na mapaniniwalaan natin ito.
Kaya kung nais mong magkaroon ng pananampalataya, kailangan mong pakinggan (o basahin) ang mga pangako ng Diyos. Ang pananampalataya ay hindi dumarating sa pagpapanalangin dito, pag-aayuno, o pagpapatong ng kamay sa iyo upang ibigay ito. Dumarating lamang ito sa pakikinig sa Salita ng Diyos, at pag narinig mo ito, kailangan mo pang magpasya kung paniniwalaan mo.
Sa kabila ng pagkakaroon ng pananampalataya, ang ating pananampalataya ay maaari ring lumago. Binabanggit ng Biblia ang iba-ibang lebel ng pananampalataya—mula maliit hanggang sa pananampalatayang nakapagpapagalaw ng mga bundok. Lumalago ang pananampalataya habang ito ay napapakain at nagagamit, tulad ng masel ng tao. Kailangan nating pakainin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagmumuni sa Salita ng Diyos. Kailangan nating gamitin sa pamamagitan ng pagkilos at pagganti sa lahat batay sa Salita ng Diyos. Kasama rito ang mga panahon ng pagharap sa mga problema, ligalig at alalahanin. Ayaw ng Diyos na maligalig ang Kanyang mga anak dahil sa anumang bagay, kundi pagkatiwalaan Siya sa lahat ng sitwasyon (tingnan ang Mt. 6:25-34; Fil. 4:6-8; 1 Ped. 5:7). Ang pagtanggi sa pag-aalala ay isang paraan lamang ng paggamit ng ating pananampalataya.
Kung tunay na naniniwala tayo sa sinabi ng Diyos sa atin, kikilos at magsasalita tayo na waring totoo ito. Kung naniniwala ka na si Jesus ay anak ng Diyos, magsasalita at kikilos ka bilang isang taong naniniwala dito. Kung naniniwala kang ibibigay ng Diyos ang lahat iyong pangangailangan, magsasalita at kikilos kang tulad nito. Kung naniniwala kang nais ng Diyos na ikaw ay malusog, kikilos at magsasalita kang ganito. Puno ang Biblia ng mga halimbawa ng mga taong sa gitna ng matinding pangyayari, ay kumilos ayon sa kanilang pananampalataya at nakatanggap ng milagro dahil dito. Titingnan natin ang ilan sa kabanatang ito at sa isang susunod na kabanata tungkol sa banal na pagpapagaling. (Para sa ilang magagandang halimbawa, tingnan ang 2 Ha. 4:1-7; Mc. 5:25-34; Lu. 19:1-10; at Gw. 14:7-10.)
Ang Pananampalataya ay sa Puso (Faith is of the Heart)
Ang pananampalatayang Biblikal ay hindi umiiral sa ating mga isip, kundi sa ating puso. Isinulat ni Pablo, “Sapagka’t sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso” (Ro. 10:10a). Sinabi ni Jesus,
Tandaan ninyo ito: kung kayo’y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari (Mc. 11:23, idinagdag ang pagdidiin).
Posibleng magkaroon ng pagdududa sa inyong isip nguni’t may pananampalataya sa inyong puso at tanggapin ang ipinangako ng Diyos. Katunayan, kadalasan na ninanais natin ang mga pangako ng Diyos, ang ating mga isip, na naimpluwensiyahan ng ating mga pandama at kasinungalingan ni Satanas, ay aatakihin ng pagdududa. Sa mga pagkakataong iyon kailangan nating halinhan ang mga nagdududang pag-iisip ng mga pangako ng Diyos at maging matatag sa pananampalataya nang walang pag-aalinlangan.
Karaniwang Pagkakamali sa Pananampalataya (Common Faith Mistakes)
Kung minsan kapag tinatangka nating gamitin ang pananampalataya sa Diyos, hindi natin matanggap ang nais natin dahil hindi tayo kumikilos ayon sa Salita ng Diyos. Isa sa karaniwang pagkakamali ay nangyayari kapag tinatangka nating paniwalaan ang hindi ipinangako ng Diyos sa atin.
Halimbawa, nasa Biblia na ang mga mag-asawa ay magtiwala sa pagkakaroon ng anak dahil may pinananaligan silang pangako na nasasaad sa Salita ng Diyos. May kilala akong mga mag-asawa na nasabihan ng mga duktor na kailanman ay hindi sila magkakaanak. Nguni’t pinili nilang maniwala sa Diyos, pinaninindigan ang mga pangakong nakatala sa ibaba, at ngayon ay magulang sila ng malulusog na anak:
Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman. Isa man sa mga babaing Israelita ay walang makukunan o mababaog. At bibigyan ko kayo ng mahabang buhay (Exo. 23:25-26).
Pagpapalain niya kayo nang higit sa alinmang bansa. Walang magiging baog sa inyo, maging tao o maging alagang hayop man (Deut. 7:14).
Dapat mabuhayang-loob ang mga walang anak sa mga pangakong ito! Nguni’t ang tangkaing maniwala sa ispesipikong babae o lalaki ay ibang usapin na. Walang ispesipikong pangako sa Biblia na nagsasabi sa atin na mapipili natin ang kasarian ng ating mga anak. Kailangan nating manatili sa mga itinakdang hanggahan sa Biblia kung nais nating epektibo ang pananampalataya. Mapapanaligan lamang natin ang Diyos sa mga ipinangako Niya.
Tingnan natin ang isang pangako mula sa Salita ng Diyos saka suriin kung ano ang paniniwalaan natin batay sa pangakong iyan:
Sa araw na iyon kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna (1 Tes. 4:16).
Batay sa pahayag na ito, talagang magtitiwala tayo na babalik si Jesus.
Nguni’t maipapanalangin ba natin, na nananampalatayang si Jesus ay babalik bukas? Hindi, dahil ang pahayag na ito at wala nang iba pa, ang nangangako sa atin niyan. Katunayan, sinabi ni Jesus na walang nakakaalam ang araw o oras ng Kanyang pagbabalik.
Siyempre, maaari tayong manalangin, umaasang babalik si Jesus bukas, nguni’t wala tayong katiyakang mangyayari iyon. Kapag nananalangin tayo nang may pananampalataya, sigurado tayo na ang ipinapanalangin natin ay mangyayari dahil may pangako ang Diyos tungkol doon.
Batay sa parehong pahayag, maaari tayong magtiwala na ang katawan ng mga mananampalatayang namatay ay muling mabubuhay sa pagbabalik ni Jesus. Nguni’t may pananampalataya ba tayo na tayong nabubuhay pagbalik ni Cristo ay makatanggap ng muling nabuhay na katawan sa parehong sandali ng pagkabuhay ng mga “patay kay Cristo,” o bago pa sila mabuhay? Hindi, dahil ang pahayag na ito ay nangangako ng kabaligtaran: “Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna.” Katunayan, ipinagpapatuloy ng susunod na berso, “Pagkatapos, tayong mga buhay pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid” (1 Tes. 4:17). Kung gayon, walang posibilidad na ang mga “patay kay Cristo” ay hindi mga unang makatanggap ng mga binuhay na katawan pagbalik ni Jesus. Sadyang ipinangangako iyan ng Salita ng Diyos.
Kung magtitiwala tayo sa Diyos dahil sa isang bagay, siguruhin natin na kalooban ng Diyos na tanggapin natin ang ating nais. Ang kalooban ng Diyos ay malalaman lamang sa pagsuri ng Kanyang mga pangakong nakatala sa Biblia.
Pareho rin ang galing ng pananampalataya sa natural na kalakaran. Kalokohan na paniwalaan mong dadalawin kita bukas ng tanghali kundi ko sinabi sa iyo na paparoon ako nang ganoong oras.
Ang pananampalataya, na walang pangakong pinaninindigan, ay hindi tunay na pananampalataya—kundi kalokohan. Kaya bago mo hingin sa Diyos ang anuman, una ay tanungin mo ang iyong sarili—aling pahayag sa Biblia ang nangangako ng ninanais ko? Maliban kung mayroon kang pangako, wala kang batayan ng iyong pananampalataya.
Pangalawang Karaniwang Pagkakamali (A Second Common Mistake)
Kadalasan, tinatangka ng mga Cristiano na magtiwalang isa sa mga pangako ng Diyos ay dadaan sa kanilang buhay kahit hindi natupad ang lahat ng pangangailangang kaakibat ng pangako. Halimbawa, narinig ko ang ilang Cristiano na ulitin ang Awit 37 at sabihing: “Sinasabi ng Biblia na ibibigay sa akin ng Diyos ang gusto ng aking puso. Iyan ang aking pinananaligan.”
Nguni’t hindi lamang sinasabi ng Biblia na ibibigay ng Diyos ang mga nais ng ating puso. Ito ang talagang sinasabi niya:
Huwag kang mabalisa dahil sa masama; huwag mong kainggitan liko nilang gawa. Katulad ng damo sila’y malalanta, tulad ng halaman matutuyo sila. Umasa ka sa Diyos, ang mabuti’y gawin, at mananahan kang ligtas sa lupain. Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo’y iyong makakamtan. Ang iyong sarili’y sa Kanya italaga, tutulungang ganap kapag ika’y nagtiwala. (Awit 37:1-5).
Maraming kundisyon ang kailangang tuparin kung mananalig tayong ibibigay ng Diyos ang nais ng ating puso. Katunayan, nabilang ko ang humigit-kumulang sa walong kundisyon sa nasabing pangako. Hangga’t hindi natin natutupad ang mga kundisyon, wala tayong karapatang makatanggap ng ipinangakong pagpapala. Walang batayan ang ating pananampalataya.
Mahilig ding ulitin ng mga Cristiano ang pangakong nasa Filipos 4:19: “At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.” Subali’t may mga kundisyon ba sa pangakong iyan? Talagang, oo.
Kung susuriin mo ang konteksto ng pangakong nakikita sa Filipos 4:19, matutuklasan mo na hindi ito pangakong ibinibigay sa lahat ng Cristiano. Bagkus, ibinibigay ito sa mga Cristianong mismong marunong magbigay. Alam ni Pablo na ibibigay ng Diyos ang lahat ng kailangan ng mga taga-Filipos dahil kapapadala lang nila ng handog sa Kanya. Dahil inuuna nilang sundin ang kaharian ng Diyos na siyang iniutos ni Jesus, ibibigay ng Diyos ang lahat ng kanilang pangangailangan, na siyang ipinangako ni Jesus (tingnan ang Mt. 6:33). Marami sa mga pangako sa Biblia na nauugnay sa pagbibigay ng Diyos ng lahat ng ating materyal na pangangailangan ay may kundisyong tayo muna ang magbibigay.
Talagang wala tayong karapatan upang isiping magtitiwala tayong ibibigay ng Diyos ang ating pangangailangan kung hindi natin sinusunod ang Kanyang mga utos tungkol sa ating salapi. Sa ilalim ng lumang kasunduan, sinabi ng Diyos sa Kanyang mga tao na isinumpa sila dahil hindi nila ibinibigay ang kanilang ikapu, nguni’t ipinangako Niyang pagpapalain sila kapag masunuring ibibigay nila ang kanilang ikapu at handog (tingnan ang Mal. 3:8-12).
Marami sa mga pagpapalang ipinangako sa atin sa Biblia ay nakasalalay sa ating pagsunod sa Diyos. Kung gayon, bago natin pagsikapang panaligan ang Diyos para sa isang bagay, una ay tanungin natin ang ating mga sarili: “Tinutupad ko ba ang lahat ng kundisyon na kaakibat ng pangakong iyan?”
Pangatlong Karaniwang Pagkakamali (A Third Common Mistake)
Sa Bagong Tipan, inihayag ni Jesus ang isang kundisyon na akma sa tuwing nananalangin tayo upang humingi ng isang bagay:
Manalig kayo sa Diyos. Tandaan ninyo ito: kung kayo’y mananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinglangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari. Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon (Mc. 11:22-24, idinagdag ang pagdidiin).
Ang kundisyong inihayag ni Jesus ay maniwalang natanggap na natin kapag nananalangin tayo. Maraming Cristiano ay nagkakamaling gumamit ng kanilang pananampalataya sa paniniwalang nakatanggap na sila kapag nakita nila ang sagot sa kanilang panalangin. Naniniwala sila na makakatanggap sila at hindi nakatanggap na sila. Kapag humingi tayo sa Diyos ng isang bagay na ipinangako Niya, dapat tayong maniwala kapag nananalangin tayo at magsimulang ipagpasalamat iyon sa Diyos noon din. Kailangan nating maniwala bago natin makita at hindi pagkatapos nating makita. Kailangan nating gawin ang ating mga pakiusap sa Diyos nang may pagpapasalamat, na isinulat ni Pablo:
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo pamamagitan ng panalanging may pasasalamat (Fil. 4:6).
Tulad ng binanggit ko nang nauna, kung may pananampalataya tayo sa ating puso, natural na ang ating mga salita at kilos ay aakma sa pinaniniwalaan natin. Sinabi ni Jesus, “Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig” (Mt. 12:34).
Nagkakamali ang ilang Cristiano sa paulit-ulit na paghingi ng isang bagay, na nagbubunyag ng hindi pa nila paniniwalang nakatanggap na nga sila. Kung naniwala tayo na nakatanggap na kapag nananalangin, hindi na kailangang ulitin ang parehong hinihingi. Ang paulit-ulit na paghingi para sa parehong bagay ay pagdududang narinig tayo ng Diyos noong una tayong humingi.
Hindi ba Hiningi ni Jesus ang Isang Bagay Nang Higit pa Sa Minsan? (Didn’t Jesus Make the Same Request More Than Once?)
Siyempre, tatlong ulit na hiningi ni Jesus ang parehong bagay nang nananalangin Siya sa Hardin ng Getsemane (tingnan ang Mt. 26:39-44). Nguni’t isaisip na hindi Siya nananalangin sa pananampalataya ayon sa ibinunyag na kalooban ng Diyos. Katunayan , nang nanalangin Siya nang tatlong beses sa anumang pagkaligtas sa krus, alam Niya na salungat sa kalooban ng Diyos ang kanyang hinihingi. Kaya sumailalim Siya sa kalooban ng Kanyang Ama nang tatlong ulit sa panalangin ding iyon.
Ang panalanging iyon ni Jesus ay laging pinagkakamaliang ginagamit bilang modelo ng lahat ng panalangin, tulad ng pagtuturo ng ilan na dapat nating tapusin ang bawat panalangin sa, “Kung ito ang Iyong kalooban,” o “Bagama’t hindi kalooban ko kundi ang Iyong kalooban ang masusunod,” na tulad ng halimbawa ni Jesus.
Muli, kailangan nating tandaan na humihingi si Jesus ng bagay na hindi kalooban ng Diyos. Ang pagsunod sa Kanyang halimbawa kapag nananalangin tayo alinsunod sa kalooban ng Diyos ay isang pagkakamali at pagpapakita ng kawalan ng pananampalataya. Ang manalangin, halimbawa, ng “Panginoon, ikinukumpisal ko ang aking kasalanan at hinihingi ko ang Iyong kapatawaran kung kalooban Mo ito,” ay maaaring magpahiwatig na maaaring hindi kalooban ng Diyos na patawarin ang aking kasalanan. Alam natin, siyempre, na ipinangangako ng Biblia na patatawarin tayo ng Diyos kapag ikinumpisal natin ang ating mga kasalanan (tingnan ang 1 Jn. 1:9). Kaya ang ganitong panalangin ay magbubunyag ng kakulangan ng pananampalataya sa ipinakitang kalooban ng Diyos.
Hindi tinapos ni Jesus ang bawat panalangin sa “Bagama’t hindi kalooban ko kundi ang Iyong kalooban ang masusunod .” Isa lamang ang halimbawa ng panalangin Niya ng ganoon, at ito ay nang ipinagkakatiwala Niya ang Kanyang sarili upang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama, na batid Niyang dahil doon matitiis Niya ang pagdurusa.
Sa kabilang dako, kung hindi natin alam ang kalooban ng Diyos sa isang sitwasyon dahil hindi Niya ito ibinunyag, mainam na tapusin natin ang panalangin sa salitang, “Kung kalooban Mo.” Isinulat ni Santiago,
Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at ganoong bayan at isang taon kaming titigil doon, mangangalakal kami at kikita nang malaki.” Ni hindi na ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo’y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala. Sa halip ay sabihin ninyo, “Kung loloobin ng Panginoon at nabubuhay pa kami, gagawin namin ito o iyon.” Nguni’t kayo’y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama! (San. 4:13-16).
Ano ang ating gagawin pagkapanalangin batay sa isang pangako mula sa Diyos at natupad natin ang lahat ng kundisyon? Kailangan nating laging pasalamatan ang Diyos sa kasagutan na pinaniwalaang natanggap na natin hanggang mangyari ito. Dahil sa pagtitiis at pananalig sa Diyos natatanggap natin ang ipinangako (Heb. 6:12). Talagang susubukan ni Satanas na talunin tayo sa pagpapadala ng pagdududa, at dapat nating mapagtanto na ang ating isip ang lugar ng labanan. Kapag inatake ng pagdududa ang ating isip, kailangan lang nating palitan ang mga isipang iyon ng mga batay sa pangako ng Diyos at bigkasin ang Salita ng Diyos sa pananampalataya. Habang ginagawa natin iyan, kailangang lumayas si Satanas (tingnan ang San. 4:7, 1 Ped. 5:8-9).
Isang Halimbawa ng Kumikilos na Pananampalataya (An Example of Faith in Action)
Isa sa mga klasikong halimbawang biblikal ng kumikilos na pananampalataya ay ang kuwento ng paglakad ni Pedro sa tubig. Basahin natin ang kuwento niya at tingnan kung ano ang matututuhan dito.
Agad pinasakay ni Jesus sa Bangka ang alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman Niya ang mga tao. Matapos Niyang paalisin ang mga ito, mag-isa Siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa Siyang inabutan doon ng gabi. Samantala, ang bangka ay nasa laot na nguni’t sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. Nang madaling-araw na’y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Nguni’t nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, hayaan mong ako’y pumunta sa iyong kinaroroonan diyan sa ibabaw ng tubig.” Sumagot Siya, “Halika.” Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Nguni’t nang mapansin niya na malakas ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi Niya kay Pedro. Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin at sinamba Siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila. (Mt. 14:22-33).
Makahulugan na ang mga alagad ni Jesus ay nahuli na naman noong nakaraan sa isang malakas na bagyo sa isang bangka sa Dagat ng Galilea (tingnan ang Mt. 8:23-27). Sa insidenteng iyon, kasama nila si Jesus at pagkatapos Niyang pakalmahin ang bagyo sa Kayang galit, pinagalitan din Niya ang kanyang mga alagad dahil sa kakulangan nila ng pananampalataya. Bago sila pumalaot, sinabi Niya sa kanila na kalooban Niyang pupunta sila sa kabilang ibayo ng lawa (tingnan ang Mc. 4:35). Nguni’t nang bumagyo, higit silang nakumbinsi ng sitwasyon, at naniwalang lahat sila’y mamamatay. Inasahan ni Jesus na sana’y hindi sila natakot.
Nguni’t ngayon, hinayaan sila ni Jesus sa Dagat ng Galilea. Tunay na ginawa Niya iyon sa patnubay ng Espiritu Santo, at alam talaga ng Diyos na darating ang isang salungat na hangin sa gabing iyon. Kaya hinayaan ng Panginoon na harapin nila ang isang maliit na hamon sa kanilang pananampalataya. Dahil sa mga salungat na hanging iyon, ang nangyari sana nang ilang oras ay nangyari nang buong gabi. Kailangang parangalan natin ang mga alagad sa kanilang pasensiya at pagtitiis, nguni’t nakapag-iisip tayo n asana, kahit isa man lang sa kanila ang nagtangkang manampalataya na kakalma ang mga hangin, isang bagay na nakita nilang ginawa ni Jesus ilang araw lang ang nakalipas. Interesante na ang Ebanghelyo ni Marcos ay nag-uulat na nang si Jesus ay lumapit sa kanila na lumalakad sa tubig, “lalampasan Niya sila” (Mc. 6:48). Iiwan Niya sila upang lutasin ang sarili nilang problema habang milagrong dumaan Siya! Mukhang ipinapakita nito na hindi sila nananalangin o tumitingin sa Diyos. Naiisip ko kung ilang ulit na dinadaanan tayo ng Tagagawa-ng-Milagro habang nagsisikap tayong magsagwan laban sa mga unos ng buhay.
Mga Prinsipyo ng Pananampalataya (Principles of Faith)
Sinagot ni Jesus ang hamon ni Pedro sa iisang salita: “Halika.” Kung tinangka ni Pedro na lumakad sa tubig bago ang salitang iyon, marahil ay daglian siyang lumubog, dahil wala siyang pinanghahawakang pangakong pagbabatayan ng kanyang pananampalataya. Maaaring nagpapalagay lamang siya sa halip na nananampalataya. Gayundin, kahit pagkatapos bigkasin ni Jesus ang Kanyang salita, kung tinangka ng sinumang alagad ang lumakad sa tubig, daglian silang lumubog, dahil kay Pedro lang ang pangako. Ni isa ay walang nakatupad ng kundisyon ng pangako, dahil hindi nila kasama si Pedro. Gayundin, bago natin tangkaing magtiwala sa isang pangako ng Diyos, tiyakin nating angkop sa atin ang pangako at tinutupad natin ang mga kundisyon ng pangako.
Lumusong si Pedro sa tubig. Iyon ang sandaling nagtiwala siya, bagama’t walang dudang siya na natakot sa multo ilang sandali lamang ay may pagdududa rin nang una siyang humakbang. Nguni’t upang tanggapin ang milagro, kailangan niyang isabuhay ang kanyang pananampalataya. Kung tinangka niyang kumapit sa bangka at ilusong lamang ang malaking daliri ng paa upang subukan kung masusuportahan siya ng tubig, hindi siguro niya naranasan ang milagro. Gayundin, bago natin matanggap ang anumang milagro, sa isang sandali ay kailangan nating ipagkatiwala ang ating sarili sa pananalig sa pangako ng Diyos at saka kumilos ayon sa ating paniniwala. Laging may panahon ng pagsubok sa ating pananampalataya. Kung minsan maikli ang panahong iyan; kung minsan, mahaba. Nguni’t may tanging panahon na dapat nating isantabi ang patotoo ng ating mga pandama at kumilos ayon sa salita ng Diyos.
Noong una ay mabilis ang paglakad ni Pedro. Nguni’t nang inisip niya ang imposibleng ginagawa niya, at napapansin ang mga hangin at alon, natakot siya. Marahil ay huminto siya sa paglakad, nag-alangang humakbang muli. At siya na nakararanas ng milagro ay lumulubog. Kailangan nating magpatuloy sa pananampalataya kapag inumpisahan natin, magpatuloy na isabuhay ang ating pananampalataya. Magpatuloy.
Lumubog si Pedro dahil nagduda siya. Kadalasan ay ayaw ng mga taong sisihin ang sarili sa kawalan ng pananampalataya. Higit na gugustuhuin nilang sisihin ang Diyos. Nguni’t ano kaya ang ginawa ni Jesus kung narinig Niya si Pedro, ligtas na nakabalik sa bangka, at sinasabi sa ibang alagad, “Talagang kalooban ng Panginoon na makalapit ako nang kaunti kay Jesus”?
Nabigo si Padro dahil natakot siya at nawalan ng pananampalataya. Iyan ang katotohanan. Hindi siya hinatulan ni Jesus, kundi agad iniabot ang Kanyang kamay upang panghawakan ni Pedro. At agad Niyang tinanong kung bakit nagduda si Pedro. Walang mabuting dahilan upang magduda si Pedro, dahil ang salita ng Anak ng Diyos ay higit na sigurado kahit kailan. Walang dahilan ang sinuman sa atin upang pagdudahan ang Salita ng Diyos, matakot o mabalisa.
Puno ang Biblia ng mga tagumpay dahil sa pananampalataya at kabiguang sanhi ng pagdududa. Sina Josue at Caleb ay nakakuha ng Ipinangakong Lupain dahil sa kanilang pananampalataya samantalang ang karamihan sa kanilang kasamahan ay namatay sa kagubatan dahil sa pagdududa (tingnan ang Bil.14:26-30). Ipinagkaloob ang pangangailangan ng mga alagad ni Jesus habang naglakbay silang tigdadalawa upang ipangaral ang magandang balita (tingnan ang Lu. 22:35), nguni’t minsan ay nabigo silang magpalayas ng demonyo dahil sa kawalan ng paniniwala (tingnan ang Mt. 17:19-20). Marami ang nakatanggap ng ministeryo ng pagpapagaling ni Cristo samantalang karamihan sa maysakit sa Kanyang bayan ng Nasaret ay nanatiling maysakit dahil sa kawalan ng paniniwala (tingnan ang Mc. 6:5-6).
Tulad nilang lahat, personal na naranasan ko ang tagumpay at kabiguan ayon sa aking pananampalataya o pagdududa. Nguni’t hindi ako magiging matigas dahil sa kabiguan o sisihin ang Diyos. Hindi ko pangangatwiranan ang aking sarili sa paghatol sa Kanya. Hindi ako hahanap ng kumplikadong teolohikal na paliwang upang muling imbentuhin ang kalooban ng Diyos na malinaw nang nabunyag. Alam ko na imposibleng magsinungaling ang Diyos. Kaya kapag nabigo ako, nagsisisi na lang ako sa kawalan ng paniniwala at muling maglakad sa tubig. Napansin ko na lagi akong pinapatawad ng Diyos at inililigtas sa pagkalunod!
Ibinaba na ang hatol: Pinagpapala ang mga mananampalataya; hindi ang nagdududa! Sinusunod ng ministrong tagalikha-ng-alagad ang halimbawa ni Jesus. Siya mismo ay puno ng pananampalataya, at pinapayuhan ang kanyang mga alagad, “Manampalataya sa Diyos!” (Mc. 11:22)