Banal na Pagpapagaling

Kabanata 15

Bagama’t ang paksang banal na pagpapagaling ay nababahiran ng kontrobersiya, ito’y hindi malabong usapin sa Biblia. Katunayan, isa sa sampung nasusulat sa apat na Ebanghelyo ang tungkol sa ministeryo ng pagpapagaling ni Cristo. May mga pangako tungkol sa banal na pagpapagaling sa Lumang Kasunduan, sa mga Ebanghelyo at sa mga sulat sa Bagong Tipan. Ang mga maysakit ay mabubuhayang-loob ng mayamang pahayag na nakabubuhay ng pananampalataya.

Ang malawakang obserbasyon ko sa buong mundo ay kung ang mga iglesia ay puno ng tunay na mananampalataya (tunay na alagad), higit na karaniwan ang banal na pagpapagaling. Kapag ang iglesia ay maligamgam at sanay sa kamunduhan, paminsan-minsan lang itong nagaganap. [1] Hindi natin ito dapat pagtakhan, dahil sinabi sa atin ni Jesus na isa sa mga tandang susunod sa mananampalataya ay ipapatong nila ang kanilang kamay sa maysakit at gagaling ang mga ito (tingnan ang Mc. 16:18). Kung hahatulan natin ang mga iglesia sa mga tandang sinabi ni Jesus na susunod sa mga mananampalataya, maipagpapalagay natin na maraming iglesia ang binubuo ng hindi nananampalataya:

At sinabi ni Jesus sa kanila, “Habang kayo’y humahayo sa buong mundo, ay ipangaral ninyo sa lahat ng tao ang Magandang Balita. Ang sinumang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, nguni’t ang ayaw sumampalataya ay paparusahan. Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba’t ibang wika. Hindi sila maaano kahit dumampot sila ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay” (Mc. 16:15-18).

Tinutularan ng ministrong tagalikha-ng-alagad ang perpektong ministeryo ni Cristo, na tunay na gagamit ng kanyang mga kaloob upang isulong ang ministeryo ng banal na pagpapagaling sa sakop ng impluwensiya. Alam niya na isinusulong ng banal na pagpapagaling ang kaharian ng Diyos sa dalawang paraan. Una, ang mga milagrong pagpapagaling ay mahusay na anunsiyo para sa magandang balita, na naiintindihan ng sinumang batang nagbabasa ng Ebanghelyo ng mga Gawa (na hindi naiintindihan ng maraming ministrong mataas ang pinag-aralan). Pangalawa, ang mga malulusog na alagad ay hindi nahahadlangan sa ministeryo ng personal na karamdaman.

Ang ministrong tagalikha-ng-alagad ay kailangan ding makiramdam sa mga miyembro ng katawan ni Cristo na nagnanais ng pagpapagaling nguni’t nahirapang tumanggap nito. Kadalasang kailangan nila ng makalingang pagtuturo at mahinahong panghikayat, lalo na kung salungat sila sa anumang mensahe ng pagpapagaling. Kailangang pumili ang ministrong tagalikha-ng-alagad: maaari niyang ganap na iwasan ang pagtuturo ng paksang banal na pagpapagaling, na kapag ginawa niya ito ay walang masasaktan at walang gagaling, o maaari niyang ituro ang paksa nang may pagmamahal at harapin ang pagdaramdam ng ilan habang pinapagaling naman ang iba. Ang personal na opsyon ko ay ang pangalawa, sa paniniwalang sinusunod nito ang halimbawa ni Jesus.

Pagpapagaling sa Krus (Healing on the Cross)

Isang mahusay na lugar upang umpisahan ang pag-aaral ng banal na pagpapagaling ay ang limampu’t tatlong kabanata ng Isaias, pangkalahatang pinaniniwalaang propesiyang messianic. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, maliwanag na ibinahagi ni Isaias ang mahirap na kamatayan ni Jesus at ang gawaing gagampanan Niya sa krus:

Tunay ngang inalis Niya ang ating mga kahinaan, pinagaling Niya ang ating mga karamdaman. Subali’t inakala nating iyo’y parusa ng Diyos sa Kanya. Nguni’t dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas Niya at sa mga hampas na Kanyang tinanggap. Tayong lahat ay tulad ng mga tupang naliligaw; nagkanya-kanya tayo ng lakad. Nguni’t ipinataw ni Yahweh sa Kanya ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap (Isa. 53:4-6).

Sa inspirasyon ng Espiritu Santo, idineklara ni Isaias na inako ni Jesus ang ating mga dalamhati at lumbay. Isang higit na mahusay na salin ng orihinal na Hebreo ay nagpapakitang inako ni Jesus ang ating mga karamdaman at sakit, na siyang sinasabi ng maraming mapagkakatiwalaang salin sa kanilang mga tala.

Ang salitang Hebreong isinalin na dalamhati sa Isaias 53:4 ay ang salitang choli, na nakikita rin sa Deuteronomio 7:15; 28:61; 1 Hari17:17; 2 Hari 1:2; 8:8, at 2 Cronica 16:12; 21:15. Sa lahat ng mga kasong iyon isinalin itong karamdaman o sakit. Sa lahat ng mga kasong iyon isinalin itomg sakit o karamdaman.

Ang salitang isinalin na lumbay ay ang salitang Hebreong makob, na matatagpuan din sa Job 14:22 at Job 33:19. Sa dalawang kaso isinalin itong sakit.

Dahil sa lahat nang ito, ang Isaias 53:4 ay higit na mahusay ang pagkasalin, “Tunay na ang ating mga karamdaman Siya Mismo ang nag-ako, at ang ating mga sakit Kanyang dinala.” Ang katotohanang ito ay pinagpasyahan ng direktang sipi ni Mateo sa Isaias 53:4 sa kanyang Ebanghelyo: “Inalis Niya ang ating kahinaan, pinagaling ang ating mga karamdaman” (Mt. 8:17).

Dahil hindi matatakasan ng ilan ang mga katotohanang ito, tinatangka nila tayong kumbinsihin na ang tinutukoy ni Isaias ay ang ating “espiritwal na pagkakasakit.” Subali’t ang pag-uulit ni Mateo sa Isaias 53:4 ay walang pagdududang tinutukoy ni Isaias ang literal na pisikal na karamdaman at sakit. Basahin natin sa konteksto:

Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas Niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Inalis Niya ang ating mga kahinaan, pinagaling ang ating mga karamdaman” (Mt. 8:16-17, idinagdag ang pagdidiin).

Simpleng inihayag ni Mateo na ang pisikal na pagpapagaling ni Jesus ay katuparan ng Isaias 53:4. Walang dudang ang Isaias 53:4 ay pagtukoy kay Cristong umaako ng ating pisikal na kahinaan at karamdaman. [2] Tulad ng pagsasabi ng Biblia na inako ni Jesus ang ating mga parusa (tingnan ang Isaias 53:11), sinasabi rin nito na tinanggap Niya ang ating pagdurusa. Iyan ay balitang magpapasaya sa sinumang maysakit. Dahil sa Kanyang mapagpatawad na sakripisyo, inilaan sa atin ni Jesus ang kaligtasan at pagpapagaling.

Isang Tinatanong (A Question Asked)

Nguni’t kung totoo iyan, bakit hindi lahat gumagaling? Ang sagot sa katanungang iyan ay isa pang tanong: Bakit hindi lahat ng tao ay ipinanganak muli? Lahat ay hindi ipinanganak muli dahil maaaring hindi narinig ang magandang balita o hindi nila ito pinaniniwalaan. Kaya rin, bawa’t tao ay kailangang iakma ang paggaling sa kanyang pananampalataya. Marami pa ang hindi nakakarinig sa kamangha-manghang katotohanan na inako ni Jesus ang kanilang sakit; ang iba ay nakarinig nguni’t tinanggihan nila.

Ang saloobin ng Diyos Ama sa karamdaman ay malinaw na ibinunyag ng ministeryo ng Kanyang mahal na Anak, na tumestigo sa Kanyang Sarili,

Pakatandaan ninyo na walang Magagawa ang Anak sa Kanyang sarili lamang; ang nakikita Niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak (Jn. 5:19).

Mababasa natin sa libro ng Hebreo na si Jesus ay ang “maningning na sinag ng Diyos” (Heb. 1:3). Walang dudang ang saloobin ni Jesus sa karamdaman ay tulad ng kung ano ang saloobin ng Kanyang Ama tungkol dito.

Ano ang saloobin ni Jesus? Minsan man ay hindi Niya tinanggihan ang sinuman na lumapit sa Kanya at magpagaling. Kahit minsan ay hindi Niya sinabi sa isang nais magpagaling, “Hindi, hindi kalooban ng Diyos na gumaling ka, kaya kailangan mong manatiling maysakit.” Laging pinagaling ni Jesus ang mga maysakit na lumapit sa Kanya, at kapag magaling na sila, lagi Niya silang sinasabihan na ang kanilang pananampalataya ang nagpagaling sa kankila. Dagdag pa, idinedeklara ng Biblia na hindi nagbabago ang Diyos (tingnan ang Mal. 3:6) at si Jesu Cristo “ay hindi magbabago kailanman; Siya ay kahapon, ngayon at bukas” (Heb. 13:8).

Pagpapahayag ng Pagpapagaling (Healing Proclaimed)

Sa malas, ngayon ay napababa na ang kaligtasan bilang higit lang sa pagpapatawad ng kasalanan. Nguni’t ang mga Griegong salitang kadalasang isinalin na “naligtas” at “kaligtasan” ay nagpapahiwatig ng mga konseptong hindi lamang kapatawaran, kundi ganap na pagkakapalaya at pagpapagaling. [3] Titingnan natin ang isang lalaki sa Biblia na nakaranas ng kaligtasan sa ganap na ibig sabihin nito. Napagaling siya ng kanyang pananampalataya habang nakikinig siya sa pangaral ni Pablo ng magandang balita sa kanyang lunsod.

…sila’y tumakas papuntang Listra at Derbe, mga lunsod ng Licaonia at sa mga karatig na lupain, at doon sila nangaral ng Magandang Balita. Sa Listra ay may isang lalaking hindi nakakalakad dahil lumpo na ito mula pa nang ito’y isilang. Siya’y nakaupong nakikinig sa pangangaral ni Pablo. Nang makita ni Pablo na ang lumpo ay may pananampalatayang siya’y mapapagaling, tinitigan niya ang lumpo at malakas na sinabi, “Tumayo ka!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang lumakad (Gw. 14:6-10).

Pansinin na kahit ipinangangaral ni Pablo “ang magandang balita,” nakarinig ang lalaking lumikha ng pananampalataya sa kanyang puso upang tanggapin ang pisikal na pagpapagaling. Sa pinakamaliit na pagkakataon, marahil ay narinig niyang sinabi ni Pablo ang tungkol sa ministeryo ng pagpapagaling ni Jesus, at kung paano pinagaling ni Jesus ang sinumang sa ngalan ng pananampalataya ay humingi ng pagpapagaling. Marahil ay binanggit din ni Pablo ang propesiya ni Isaias na inaako ni Jesus ang ating mga kahinaan at karamdaman. Hindi natin alam, nguni’t dahil “ang pananampalataya ay dala ng pakikinig” (Ro. 10:17), narinig marahil ng lumpong lalaki ang isang bagay na nakapagpadingas ng pananampalataya sa kanyang puso upang gumaling. May sinabi si Pablo na kumumbinsi sa kanya na ayaw ng Diyos na manatili siyang lumpo.

Marahil ay mismong si Pablo ay naniwalang gagaling ang lalaki, kundi di nakuha ng kanyang mga salita upang kumbinsihin ang lalaking magkaroon ng pananampalatayang gumaling, o kaya’y sabihin sa lalaki na tumayo. Ano ang maaaring mangyari kung sinabi ni Pablo ang sinasabi ng maraming modernong ministro? Ano kaya kung ipinangaral niya, “Hindi kalooban ng Diyos na mapagaling ang lahat”? Hindi sana nagkaroon ang lalaki ng pananampalataya upang gumaling. Marahil ipinaliliwanag nito kung bakit marami ang hindi napapagaling ngayon. Ang mga mismong ministro na dapat nagbibigay-inspirasyon sa mga tao upang magkaroon ng pananampalataya sa pagpapagaling ang sumisira ng kanilang pananampalataya.

Muli, pansinin na napagaling ang lalaking ito ng kanyang pananampalataya. Kung hindi siya naniwala, nanatili siyang lumpo, kahit malinaw na kalooban ng Diyos na mapagaling siya. Dagdag pa, siguradong may iba pang taong maysakit sa kawan sa araw na iyon, nguni’t wala tayong tala ng sino pa man na gumaling. Kung gayon, bakit hindi sila gumaling? Sa parehong dahilan na marami sa mga hindi ligtas na tao sa kawan ay hindi naipanganak na muli sa araw na iyon—dahil hindi nila pinaniwalaan ang mensahe ni Pablo.

Hindi natin dapat ipagpalagay na hindi kalooban ng Diyos na pagalingin ang lahat batay sa katotohanang ang ilang tao ay hindi kailanman gagaling. Pareho iyan sa pagpapalagay na hindi kalooban ng Diyos na lahat ay maipanganak muli dahil lamang sa kailanman ay hindi muling naipapanganak ang ilang tao. Kailangang maniwala ang bawa’t tao sa magandang balita para sa kanya kung maliligtas siya, at bawa’t tao ay kailangang maniwala para sa kanyang sarili kung gagaling siya.

Iba Pang Patunay ng Kalooban ng Diyos sa Pagpapagaling ( Further Proof of God’s Will to Heal)

Sa ilalim ng lumang kasunduan, ang pisikal na pagpapagaling ay kasama sa kasunduan ng Israel sa Diyos. Ilang araw lang matapos ang Exodo, ipinangako ng Diyos sa Israel ito:

Kung Ako ay buong puso ninyong susundin, kung gagawin ninyo ang matuwid at susundin ang Aking kautusan at mga tuntunin, hindi Ko ipararanas sa inyo ang alinman sa mga sakit na ipinadala Ko sa Egipto. Akong si Yahweh ang Inyong manggagamot (Exo. 15:26).

Ang sinumang tapat at papaya na ang pagpapagaling ay kasama sa kasunduan ng Israel sa Diyos, depende sa pagsunod ng mga tao. (Siyanga pala, nililinaw ni Pablo sa 1 Corinto 11:27-31 na ang pisikal na kalusugan sa ilalim ng bagong kasunduan ay depende rin sa ating pagsunod.)

Ipinangako rin ng Diyos sa mga taga-Israel:

Akong si Yahweh ang Siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman. Isa man sa mga babaing Israelita ay walang makukunan o mababaog. At bibigyan ko kayo ng mahabang buhay (Exo. 23:25-26, idinagdag ang pagdidiin).

Pagpalain Niya kayo nang higit sa alinmang bansa. Walang magiging baog sa inyo, maging tao o maging alagang hayop man. Ilalayo Niya kayo sa mga karamdaman. Alinman sa mga sakit na ipinaranas sa Egipcio ay hindi niya padadapuin sa inyo kundi sa inyong mga kaaway (Deut. 7:14-15, idinagdag ang pagdidiin).

Kung kasama ang pisikal na pagpapagaling sa lumang kasunduan, nakapagtataka kung bakit hindi ito kasama sa bagong kasunduan, kung tunay na mas mahusay ang bagong kasunduan kaysa sa luma, na siyang sinasabi ng Biblia:

Nguni’t ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil Siya’y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagka’t ang tipang ito ay nababatay sa mas mainam na pangako (Heb. 8:6, idinagdag ang pagdidiin).

Higit Pang Patunay (Yet Further Proof)

Naglalaman ang Biblia ng maraming matibay na pahayag na nagpapatunay na kalooban ng Diyos na pagalingin ang lahat. Hayaan ninyong ilista ko ang tatlong pinakamahusay:

Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa! At lahat ng nasa aki’y magsipagpuri sa Kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na pangalan Niya. Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa, at huwag mong kaliligtaan, mabubuti Niyang gawa. Ang lahat kong kasalana’y Siya ang nagpapatawad, at anumang aking sakit, ginagamot Niyang lahat (Awit 103:1-3, idinagdag ang pagdidiin).

Sinong Cristiano ang sasalungat sa deklarasyon ni David na kalooban ng Diyos na patawarin ang lahat ng ating kahinaan? Nguni’t naniwala rin si David na kalooban ng Diyos na pagalingin ang ganoon din karaming karamdaman natin—lahat nang mga ito.

Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti, pakinig mo ay ikiling sa Aking sinasabi. Huwag itong babayaang mawala sa paningin, sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim. Pagka’t itong kaalaman ay daan ng buhay, nagbibigay kalusuga’t kagalingan ng katawan (Kaw. 4:20-22, idinagdag ang pagdidiin).

Kung kayo ay may sakit, ipatawag ninyo ang mga pinuno ng iglesia upang ipanalangin kayo at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon at patatawarin ang kanyang mga kasalanan (San. 5:14-15, idinagdag ang pagdidiin).

Pansinin na ang huling pangakong ito ay para sa sinumang maysakit. At pansinin na hindi ang mga pinuno o ang langis ang nagpapagaling kundi ang “panalanging may pananampalataya.”

Pananampalataya ba ng mga pinuno o ng maysakit? Pananampalataya nilang dalawa. Bahagyang ipinahahayag ng maysakit ang kanyang pananampalataya sa pagtawag sa mga pinuno ng iglesia. Ang hindi paniniwala ng maysakit ang tatanggi sa bisa ng panalangin ng mga pinuno. Ang uri ng panalanging isinulat ni Santiago ay isang mahusay na halimbawa ng “panalangin ng pagsang-ayon” na binanggit ni Jesus sa Mateo 18:19. Ang dalawang panig sa panalanging ito ay kailangang “sumang-ayon.” Kung naniniwala ang isa at ang isang tao ay hindi naniniwala, hindi sila sumasang-ayon.

Alam din natin na sa maraming pahayag sa Biblia binabanggit si Satanas na pinanggalingan ng sakit (tingnan ang Job 2:7; Luc. 13:16; Gw. 10:38; 1 Cor. 5:5). Kung gayon makatwiran na salungat ang Diyos sa gawain ni Satanas sa katawan ng Kanyang mga anak. Higit tayong mahal ng ating Ama nang higit pa sa pag-ibig ng makalupang ama sa Kanyang mga anak (tingnan ang Mt. 7:11), at hindi pa ako nakakita ng amang ninais magkasakit ang kanyang anak.

Bawa’t pagpapagaling na ginawa ni Jesus sa Kanyang makalupang ministeryo, at bawa’t pagpapagaling na nakatala sa libro ng Mga Gawa, ay dapat manghikayat sa atin upang maniwalang nais ng Diyos na tayo ay lumusog. Madalas na pinagaling ni Jesus ang mga taong naghanap sa Kanya at nanghihingi ng kagalingan, at kinilala Niya ang kanilang pananampalataya sa kanilang milagro. Pinatutunayan niyan na hindi pinili ni Jesus ang ilang eksklusibong taong nais Niyang gumaling. Sinumang maysakit ay makakalapit sa Kanya at gagaling. Nais Niyang pagalingin silang lahat, nguni’t hinihingi Niya ang kanilang pananampalataya.

Sagot sa Ilang Karaniwang Pagtutol (Answers to Some Common Objections)

Marahil ang pinaka-karaniwang pagtutol sa lahat nang ito ay hindi batay sa Salita ng Diyos, kundi mga karanasan ng tao. Kadalasang ganito ang tinatakbo: “May alam akong mahusay na Cristianong babae na nanalangin upang gumaling sa cancer, nguni’t namatay siya. Patunay na hindi kalooban ng Diyos na pagalingin lahat.”

Kailanman ay hindi natin dapat tangkaing alamin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng anupaman kundi ang Kanyang Salita. Halimbawa, kung naglakbay ka sa nakaraan at tiningnan ang paglalagalag ng mga Israelita sa kaparangan nang apatnapung taon samantalang ang lupaing umaapaw sa gatas at pulot ay naghihintay lamang sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan, marahil ay naipagpalagay mo na hindi kalooban ng Diyos na pumasok ang Israel sa ipinangakong lupain. Nguni’t kung kilala mo ang Biblia, alam mo na hindi iyan ang kaso. Talagang kalooban ng Diyos na pasukin ng Israel ang Ipinangakong Lupain, nguni’t nabigo sila dahil sa kanilang kawalan ng paniniwala (tingnan ang Hebreo 3:19).

Paano iyong lahat ng taong nasa impiyerno na ngayon? Kalooban ng Diyos na pumaroon sila sa langit, nguni’t hindi nila natupad ang mga kundisyon ng pagsisisi at pananampalataya sa Panginoong Jesus. Gayundin, hindi natin malaman ang kalooban ng Diyos tungkol sa pagpapagaling sa pagtingin sa mga maysakit. Dahil lamang sa nananalangin ang isang Cristiano upang gumaling at nabigong makatanggap nito, hindi patunay na hindi kalooban ng Diyos na pagalingin ang lahat. Kung ang Cristianong iyon ay nakatupad sa lahat ng kundisyon ng Diyos, napagaling sana siya, kundi sinungaling ang Diyos. Kung nabigo tayo sa pagtanggap ng pagpapagaling at sinisi ang Diyos sa dahilang ang pagpapagaling ay hindi Niya kalooban, hindi tayo naiiba sa hindi naniniwalang Israelitang namatay sa kaparangan na naniniwalang hindi kalooban ng Diyos na pumasok sila sa Ipinangakong Lupain. Higit na mabuti pang lunukin na lamang ang ating kahambugan at amining tayo ang dapat sisihin.

Tulad ng inihayag ko sa nakaraang kabanata tungkol sa pananampalataya, maraming tapat na Cristiano ang nagkakamaling tumapos ng kanilang panalangin sa pagpapagaling sa nakasisira-ng-pananampalatayang katagang, “Kung ito ang Iyong kalooban.” Ibinubunyag lamang nito na hindi sila nananalangin sa pananampalataya dahil hindi sila nakatitiyak sa kalooban ng Diyos. Pagdating sa pagpapagaling, ang kalooban ng Diyos ay napakapayak, na siyang nakita na natin. Kung alam mong nais ng Diyos na pagalingin ka, walang dahilan upang idagdag ang “kung ito ang Iyong kalooban” sa iyong panalangin sa pagpapagaling. Magiging katumbas niyan ang pagsasabi mo sa Panginoon, “Panginoon, alam kong ipinangako Mong pagalingin ako, nguni’t halimbawa lang na nagsisinungaling Ka, hinihingi kong pagalingin Mo ako kung talagang kalooban Mo.”

Tunay din talagang maaaring disiplinahin ng Diyos ang mga sumusuway na mananampalataya sa pagpapayag na dapuan sila ng karamdaman, hanggang mamatay na wala sa panahon sa ilang pagkakataon. Ang mga nasabing mananampalataya ay malinaw na kinakailangang magsisi bago makatanggap ng pagpapagaling (tingnan ang 1 Cor. 11:27-32). May mga ibang sa pagpapabayang pag-ingatan ang kanilang katawan ay ibinubukas ang sarili sa karamdaman. Kailangang sapat ang katalinuhan ng mga Cristiano upang panatilihin ang masustansiyang pagkain, ang kumain lamang ng katamtaman, regular na mag-ehersisyo, at mamahinga kung kinakailangan.

Pangalawang Karaniwang Pagtutol (A Second Common Objection)

Laging sinasabi, “May tinik sa laman si Pablo, at hindi siya pinagaling ng Diyos.”

Nguni’t ang idea na ang tinik ni Pablo ay isang sakit ay masamang teoryang teolohikal dahil sa katotohanang sinabi sa atin ni Pablo kung ano ang tinik niya—isang kampon ni Satanas.

Nguni’t upang hindi ko ipagyabang ang kamangha-manghang pahayag ng Diyos sa akin, ako’y binigyan ng isang kapansanan sa katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, nang sa gayo’y hindi ako maging palalo. Tatlong beses kong ipinalangin sa Panginoon upang alisin ito, nguni’t ganito ang kanyang sagot, “Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya’t buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong madama ang kapangyarihan ni Cristo (2 Cor. 12:7-9, idinagdag ang pagdidiin).

Ang salitang isinalin na sugo ay ang salitang “aggelos,” na naisaling anghel o mga anghel sa mahigit 160 lugar na matatagpuan sa Bagong Tipan. Ang tinik sa laman ni Pablo ay isang kampon ni Satanas na ipinadala upang suntukin siya; hindi ito karamdaman o sakit.

Pansinin din na walang banggit na nananalangain si Pablo upang mapagaling ni indikasyon na tumangging pagalingin siya ng Diyos. Tatlong pagkakataong hiningi ni Pablo sa Diyos kung maaari Niyang alisin ang sumusuntok na kampon, at sinabi ng Diyos na ang Kanyang pagpapala ay sapat.

Sino ang nagbigay kay Pablo ng tinik? Naniniwala ang ilan na si Satanas, dahil ito ay tinatawag na “kampon ni Satanas.” Ang ilan ay naniniwala na ang Diyos dahil malinaw na ibinigay ang tinik kay Pablo upang hindi siya maging mayabang. Mismong si Pablo ay nagsabing, “Upang hindi ako maging mayabang.”

Isinasalin ito ng King James version nang may pagkakaiba. Sa halip na sabihing “upang hindi ako maging mayabang,” ang sabi nito ay “baka ako’y parangalan nang sobra-sobra.” Mahalagang pagkakaiba ito dahil hindi tutol ang Diyos sa parangal. Katunayan, ipinangangako Niyang pararangalan tayo kapag tayo’y nagpakumbaba. Kaya posible na ang Diyos ang nagpaparangal at si Satanas ang nagtatangkang pumigil sa pagpaparangal kay Pablo sa pamamagitan ng pagtalaga ng ispesipikong sumusuntok na kampon upang gumawa ng kaguluhan sa tuwing magbibiyahe si Pablo. Nguni’t sinabi ng Diyos na gagamitin Niya ang mga pagkakataon para sa Kanyang kaluwalhatian dahil ang Kanyang kapangyarihan ay higit na maipakikita sa buhay ni Pablo dahil sa kanyang kahinaan.

Gayumpaman, ang sabihing maysakit si Pablo at tumanggi ang Diyos na pagalingin siya ay isang distorsyon ng tunay na sinasabi ng Biblia. Sa pahayag tungkol sa kanyang tinik sa laman, kailanman ay hindi binanggit ni Pablo ang ano mang karamdaman. Walang anumang pagtanggi sa panig ng Diyos upang pagalingin siya sa sinasabing karamdaman. Kung ang isang tapat na tao ay babasa sa talaan ni Pablo ng lahat ng pagsubok sa kanya sa 2 Corinto 11:23-30, wala siyang makikitang karamdaman o sakit na binanggit kahit minsan.

Pagpapalawig ng Parehong Tema (An Elaboration on the Same Theme)

Tinututulan ng ilan ang paliwanag ko tungkol sa tinik ni Pablo, at sinasabing, “Nguni’t hindi ba si Pablo mismo ang nagsabi sa mga taga-Galacia na maysakit siya nang una siyang nangaral ng magandang balita doon? Hindi ba’t ang tinik niya sa laman ang kanyang tinutukoy?”

Ito ang totoong isinulat ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia:

Alam naman ninyo na kaya ko ipinangaral noon sa inyo ang Magandang Balita ay dahil nagkasakit ako. Gayunman, hindi niyo ako tinakwil o tinanggihan, kahit na naging pasanin ninyo ako dahil sa aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus (Ga. 4:13-14).

Ang Griegong salitang isinalin na karamdaman dito sa Galacia 4:13 ay asthenia, na ang literal na ibig sabihin ay “kahinaan.” Maaaring kahinaan dahil sa karamdaman, nguni’t hindi kailangan.

Halimbawa, isinulat ni Pablo, “ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao” (1 Cor. 1:25, idinagdag ang pagdidiin). Ang salitang isinalin na kahinaan sa pagkakataong ito ay ang salitang asthenia rin. Walang katuturan kung isinalin ito ng mga tagasalin na “ang karamdaman ng Diyos ay higit na malakas kaysa sa tao.” (Tingnan din ang Mt. 26:41 at 1 Pedro 3:7, kung saan ang salitang asthenia ay isinaling kahinaan at hindi kailanman maisasalin na karamdaman).

Nang unang dinalaw ni Pablo ang Galacia, na nakatala sa libro ng Mga Gawa, walang banggit ng kanyang pagkakasakit. Nguni’t may banggit tungkol sa pambabato sa kanya hanggang halos mamatay, at maaaring muli siyang binuhay o himalang nakaligtas (tingnan ang Gw. 14:5-7, 19-20). Siguradong ang katawan ni Pablo, pagkatapos pagbabatuhin at iniwang mamatay-matay, ay nasa kalunus-lunos na kalagayang puno ng sugat. Hindi nagkasakit si Pablo sa Galacia na pagsubok sa kanyang mga tagapakinig. Bagkus, mahina ang kanyang katawan dahil sa nangyaring pambabato. Malamang, puno pa rin ang katawan niya ng mga pilat na galing sa Galacia nang sinulatan ang mga taga-Galacia, dahil tinapos niya ang kanyang sulat sa mga salitang ito:

Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap. Sapat na ang mga pilat na taglay ko para makilalang ako’y lingkod ng Diyos (Ga. 6:17).

Isa Pang Pagtutol: “Naghihirap Ako para sa Kaluwalhatian ng Diyos”(Another Objection: “I’m Suffering for the Glory of God”)

Ang pagtutol na ito ay ginagamit ng ilan na kumuha ng berso mula sa kuwento ng pagpapabuhay kay Lazaro bilang batayan ng kanilang pag-angkin na sila’y naghihirap para sa kaluwalhatian ng Diyos. Tungkol kay Lazaro, ito ang sinabi ni Jesus:

Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito’y maparangalan ang Anak ng Diyos (Jn. 11:4).

Hindi sinasabi ni Jesus na napaparangalan ang Diyos dahil sa karamdaman ni Lazaro, kundi mapaparangalan ang Diyos nang mapagaling at mabuhay muli si Lazaro. Ibig sabihin, ang kinalabasan ng karamdaman ay hindi kamatayan, kundi ang pagpaparangal sa Diyos. Hindi pinararangalan ang Diyos sa karamdaman; napaparangalan Siya sa pagpapagaling. (Tingnan din ang Mt. 9:8; 15:31; Lu. 7:16; 13:13 at 17:15, kung saan nakapagparangal sa Diyos ang pagpapagaling.)

Isa Pang Pagtutol : “Sinabi ni Pablo na Iniwan Niyang Maysakit sa Miletum si Trophimus” (Another Objection: “Paul Said He Left Trophimus Sick at Miletum”)

Nagkataong isinusulat ko ang pangungusap na ito sa isang lunsod sa Germany. Nang nilisan ko ang aking bayan sa Estados Unidos noong nakaraang linggo, iniwan ko ang maraming maysakit. Iniwan ko ang mga ospital na puno ng taong maysakit. Nguni’t hindi ibig sabihin niyan na hindi kalooban ng Diyos na gumaling silang lahat. Dahil lamang sa iniwan ni Pablo ang isang maysakit sa isang lunsod na dinalaw niya ay hindi patunay na hindi kalooban ng Diyos na gumaling ang taong iyon. Paano na ang maraming hindi ligtas na tao na iniwan din ni Pablo? Patunay ba iyan na hindi kalooban ng Diyos na sila’y maligtas? Siyempre hindi.

Isa Pang Pagtutol: “Para Akong si Job!” (Another Objection: “I’m Just Like Job!”)

Purihin ang Panginoon! Kung nabasa mo ang katapusan ng kuwento ni Job, alam mong gumaling siya. Hindi kalooban ng Diyos na manatiling maysakit si Job, at hindi rin kalooban ng Diyos na manatili kang maysakit. Pagpapatotoong muli ang kuwento ni Job na ang kalooban ng Diyos ay laging pagpapagaling.

Isa Pang Pagtutol: Ang Payo ni Pablo kay Timoteo Tungkol sa Kanyang Tiyan (Another Objection: Paul’s Advice to Timothy About His Stomach)

Alam natin na sinabi ni Pablo kay Timoteo na uminom ng kaunting alak na gamot sa madalas na pagsakit ngkanyang sikmura (tingnan ang 1 Tim. 5:23).

Katunayan, sinabi ni Pablo kay Timoteo na huminto sa pag-inom ng tubig at gumamit ng kaunting alak para sa kanyang sikmura at madalas na pagkakasakit. Mukhang ipinakikita nito na masama ang tubig. Malinaw na kung umiinom ka ng kontaminadong tubig, hintuan mo ang pag-inom nito at uminom ng iba, kundi magkakasakit ang iyong tiyan tulad ni Timoteo.

Isa Pang Pagtutol: Nagpagaling Lamang si Jesus Upang Patunayan ang Pagiging Diyos (Another Objection: “Jesus Only Healed to Prove His Deity.”)

Nais ng ilan na maniwala tayong ang dahilan lamang ni Jesus upang magpagaling ay patunayan ang Kanyang pagka-diyos. Ngayon at napatunayan na ang Kanyang pagka-diyos, ipinagpapalagay na hindi na Siya nagpapagaling.

Iyan ay ganap na mali. Totoo na ang mga himala ni Jesus ay dahilan ng pagpapagaling Niya ng mga tao sa kapanahunan ng ministeryo Niyang panlupa. Maraming ulit na pinagbawalan ni Jesus ang mga taong pinagaling Niya na sabihin kaninuman ang nangyari sa kanila (tingnan ang Mt. 8:4; 9:6, 30; 12:13 -16; Mc. 5:43; 7:36; 8:26). Kung nagpagaling ng mga tao si Jesus na ang tanging layunin ay patunayan ang Kanyang pagka-diyos, sinabihan sana Niya ang mga taong iyon na ipagsabi ang ginawa Niya para sa kanila.

Ano ang motibasyon ng pagpapagaling ni Jesus? Maraming ulit na sinasabi ng Biblia na nagpagaling Siya dahil “napuno ng pagkahabag” (tingnan ang Mt. 9:35-36; 14:14; 20:34; Mc. 1:41; 5:19; Lu. 7:13). Ang dahilan ng pagpapagaling ni Jesus ay mahal Niya ang mga tao at puno Siya ng pagkahabag. Nabawasan ba ang pagkamahabagin ni Jesus mula noong naglingkod siya sa panlupang ministeryo? Siyempre hindi!

Isa Pang Pagtutol: “May Dahilan ang Diyos na Naisin Akong Magkasakit” (Another Objection: “God Wants Me to be Sick for Some Reason.”)

Imposible iyan batay sa lahat ng nakita na nating pahayag. Kung nagpupursigi ka sa pagsuway, maaaring totoo na pinayagan ng Diyos ang iyong karamdaman upang ikaw ay magsisi. Nguni’t hindi pa rin Niya kalooban para manatili kang maysakit. Nais Niyang magsisi ka at gumaling.

Gayundin, kung nais ng Diyos na ikaw ay magkasakit, bakit ka nagpapagamot sa duktor at umiinom ng gamot, at umaasang gagaling? Tinatangka mo bang umalpas sa “kalooban ng Diyos “?

Pinal na Pagtutol : “Kung Hindi Tayo Magkakasakit, Paano Tayo Mamamatay?” (A Final Objection: ”If We Never Suffer Disease, How Will We Die?”)

Alam natin na itinuturo ng Biblia na ang ating mga pisikal na katawan ay humihina (tingnan ang 2 Cor. 4:16). Wala tayong magagawa upang iwasan ang pagputi ng ating buhok at ang katawan upang tumanda. Sa kalaunan ang ating paningin at pandinig ay hindi na kasinlakas ng mga ito nang tayo ay bata pa. Hindi na tayo ganoon kabilis tumakbo. Unti-unti tayong nanghihina.

Nguni’t hindi ibig sabihin na mamamatay tayo sa karamdaman o sakit. Maaaring ganap na bibigay na lang ang ating katawan, at kung mangyari iyan, lilisanin ng espiritu ang ating katawan kapag tinawag na tayo ng Diyos pauwi sa langit. Maraming mananampalataya ang namatay na ganyan. Bakit hindi ikaw?

 


[1] Sa ilang iglesia sa Hilagang Amerika, susuong sa pakikipagsapalaran ang isang ministro upang magturosa pakasang ito dahil sa malakas na pagtanggingNorth America, a minister would take great risks to teach on this subject due to the heavy resistance he would susuungin niya sa mga tinatawag na mananampalataya. Nakaranas din paminsan-minsan si Jesus ng pagtanggi at di-paniniwala mula sa mga tinatawag na mananampalataya, na nakaantala ng Kanyang ministeryo (tingnan ang Mc. 6:1-6).

[2] Pinanghahawakan ang anumang maaaring pag-angklahan ng kanilang di-paniniwala, nagtatangka ang ilan na kumbinsihin tayo na ganap na tinupad ni Jesus ang Isaias 53:4 sa pagpapagaling ng mga tao nang gabing iyon sa Capernaum. Nguni’t sinabi ni Isaias na inako ni Jesus ang ating karamdaman, tulad ng sinabi rin niya na nalulungkot si Jesus sa ating kahinaan (Ikumpara ang Isa. 53:4 at 5). Inako ni Jesus ang mga karamdaman ng mga taong ikinalungkot Niya ang kahinaan. Kung gayon, ipinapakita lang ni Mateo na ang ministeryo ng pagpapagaling ni Jesus sa Capernaum ay nagpatunay na Siya ang Mesias na tinutukoy sa Isaias 53, na Siyang aako ng ating kahinaan at karamdaman.

[3] Halimbawa, sinabi ni Jesus sa isang babae na napagaling Niya sa pagdurugo, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya”(Mc. 5:34). Ang Griegong salitang isinaling “napagaling”sa bersong ito (sozo)at sampung beses pa sa Bagong Tipan ay isinaling “ligtas” o “iniligtas”nang higit walumpung beses sa Bagong Tipan. Ito, halimbawa, ang parehong salitang isinaling “nailigtas” sa Efe. 2:5, “Nailigtas nga kayo dahil sa Kanyang kagandahang loob.” Kaya makikita natin na ang pisikal na pagpapagaling ay ipinahiwatig sa ibig sabihin ng salitang Griegong kadalasang isinasalin bilang “nailigtas.”