Kadalasang ipinagpapalagay na dahil si Jesus ay ang banal na Anak ng Diyos, makagagawa Siya ng himala o pagalingin ang sinuman kailanman Niya gusto. Nguni’t habang sinusuri nating mabuti ang Biblia, matutuklasan natin na bagama’t tunay na banal si Jesus, malinaw na limitado-sa-sarili sa panahon ng Kanyang panlupang ministeryo. Minsan ay sinabi Niya, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita Niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang Niyang ginagawa” (Jn. 5:19). Malinaw na ipinakikita niyan na limitado si Jesus at nakadepende sa Kanyang Ama.
Ayon kay Pablo, nang naging tao si Jesus, “hinubad” Niya ang pagiging kapantay ng Diyos:
Nawa’y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus. Kahit Siya’y likas at tunay na Diyos, hindi Niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. Sa halip, kusa Niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos, at naging katulad ng isang alipin. Ipinanganak Siyang katulad ng mga karaniwang tao (Fil. 2:5-7, idinagdag ang pagdidiin).
Ano ang “hinubad” ni Jesus? Hindi ang Kanyang kabanalan. Hindi ang Kanyang kadakilaan. Hindi ang Kanyang pag-ibig. Marahil ay ang Kanyang higit sa karaniwang kapangyarihan. Malinaw na hindi na Siya omnipresent (pagkapasalahat ng dako). Gayundin, hindi na Siya omnipotent (makapangyarihan sa lahat). Naging tao is Jesus. Sa Kanyang ministeryo, kumilos Siyang isang taong nabasbasan ng Espiritu Santo. Higit na lumilinaw ito habang tinitingnan natin ang apat na Ebanghelyo.
Halimbawa, matatanong natin, Kung si Jesus ay banal na Anak ng Diyos, bakit kailangan Niyang mabautismuhan sa Espiritu Santo nang simulan Niya ang Kanyang ministeryo sa edad na trenta? Bakit kailangang mabautismuhan ang Diyos ng Diyos?
Malinaw na kailangan ni Jesus ang bautismo ng Espiritu Santo upang mabasbasan para sa ministeryo. Kaya, pagkabautismo, mababasa nating ipinangangaral Niya ang mga salitang ito: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang Niya Ako upang ipangaral…ipahayag…palayain…” (Lu.4:18, idinagdag ang pagdidiin).
Iyan din ang dahilan ng pangangaral ni Pedro, “Kilala ninyo si Jesus na taga-Nazaret at alam din ninyo kung papaanong pinili Siya ng Diyos at kung papaanong pinuspos ng Espiritu Santo ng kapangyarihan. Alam din ninyo na saanman Siya magpunta, gumagawa Siya ng kabutihan sa mga tao at nagpapagaling sa lahat ng pinapahirapan ng diyablo, sapagka’t kasama Niya ang Diyos” (Gw. 10:38, idinagdag ang pagdidiin).
Iyan din ang dahilan kung bakit hindi nagmilagro si Jesus hangga’t hindi Siya nabautismuhan ng Espiritu Santo sa edad na trenta. Anak ba Siya ng Diyos sa edad beinte singko? Oo. Kung gayon ay bakit hindi Siya gumawa ng himala hanggang naging trenta Siya? Dahil hinubad ni Jesus ang hindi likas na kapangyarihang taglay ng Diyos, at kailangan Niyang maghintay sa panahong mabigyang-kapangyarihan Siya ng Espiritu.
Karagdagang Patunay na Naglingkod si Jesus Bilang Taong Nabasbasan ng Espiritu Santo (More Proof that Jesus Ministered as a Man Anointed by the Spirit)
Napapansin natin habang binabasa ang mga Magandang Balita na may mga panahong tinaglay ni Jesus ang di-pangkaraniwang kaalaman at may pagkakataong hindi. Katunayan, kadalasan ay nagtatanong si Jesus upang makakalap ng impormasyon.
Halimbawa, sinabi Niya sa babae sa balon ng Samaria na nagkaroon siya ng limang asawa at nakikisama siya sa isang lalaki nang hindi kasal (tingnan ang Jn. 4:17-18). Paano iyan nalaman ni Jesus? Dahil ba sa Siya ay Diyos at alam ng Diyos ang lahat? Hindi, kung magkaganyan, ipinakita sana ng Diyos ang kakayahan nang madalas. Bagama’t Siya ang Diyos at alam ng Diyos ang lahat, hinubad ni Jesus ang Kanyang kapangyarihan nang Siya’y naging tao. Nalaman ni Jesus ang estado ng babae sa balon dahil pinagkalooban Siya ng Espiritu Santo ng kaloob ng “salita ng karunungan” (1 Cor. 12:8), ang hindi karaniwang kakayahan upang malaman ang isang bagay tungkol sa kasalukuyan o nakaraan. (Pag-aaralan pa natin nang masinsinan ang paksa tungkol sa kaloob ng Espiritu sa susunod na kabanata).
Alam ba ni Jesus ang lahat sa lahat ng panahon? Hindi, nang hinipo ng babaing may isyu tungkol sa dugo ang laylayan ng damit ni Jesus at naramdaman Niyang dumaloy mula sa Kanya ang kapangyarihang magpagaling, tinanong Niya, “Sino ang humipo ng aking damit?” (Mc. 5:30b). Nang makita ni Jesus ang isang puno ng igos sa di-kalayuan sa Marcos 11:13, “nilapitan Niya ito upang tingnan kung may bunga.”
Bakit hindi nalaman ni Jesus kung sino ang humipo sa Kanya? Bakit hindi Niya alam kung ang puno ng igos ay may bunga? Dahil umiiral ang katauhan ni Jesus bilang tao na nabasbasan ng Espiritu Santo na may kaloob ng Espiritu. Ang mga Kaloob ng Espiritu ay umiiral ayon sa kalooban ng Espiritu (tingnan ang 1 Cor. 12:11; Heb. 2:4). Hindi alam ni Jesus ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kapangyarihang di-karaniwan hangga’t kalooban ng Espiritu Santo na bigyan Siya ng kaloob na “salita ng karunungan.”
Totoo rin ito sa ministeryo ng pagpapagaling. Simple ang pahayag ng Biblia na hindi nakapagpapagaling si Jesus ninuman kailanman. Halimbawa, mababasa natin sa Ebanghelyo ni Marcos na nang dalawin ni Jesus ang bayan niyang Nazaret, hindi Niya nagampanan ang lahat ng gusto Niyang gawin.
Umalis doon si Jesus at umuwi Siya sa sariling bayan kasama ang Kanyang mga alagad. Pagdating ng araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa Kanya at sa kanilang pagkamangha’y nagtatanungan sila, “Saan Niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa Kanya? Paano Siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya’t sila’y nagduda sa Kanya at Siya’y hinamak nila. Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta’y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak at mga kasambahay.” Hindi Siya nakagagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan Niya ng Kanyang kamay at pinagaling. Nagtaka Siya dahil hindi sila naniwala sa Kanya. (Mc. 6:1-6, idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na hindi sinabi ni Marcos na ayaw ni Jesus na gumawa ng himala doon, kundi hindi Siya makagawa ng himala. Bakit? Dahil ang mga tao sa Nazaret ay hindi naniniwala. Hindi nila tinanggap si Jesus bilang nabasbasang Anak ng Diyos kundi bilang anak ng isang lokal na karpintero. Tulad ng sinabi mismo ni Jesus, “Ang isang propeta’y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak at mga kasambahay” (Mc. 6:4). Ang naging resulta’y, ang tanging nagawa Niya ay pagalingin ang ilang taong “may simpleng karamdaman” (na sinasabi ng isang salin). Tunay na kung may isang lugar na ninais ni Jesus na gumawa ng himala at madramang magpagaling ng mga tao, iyon ay sa Kanyang bayan kung saan Siya namuhay nang matagal. Nguni’t sinasabi ng Biblia na hindi Niya magawa.
Ilan Pang Kaisipan mula kay Lucas (More Insight from Luke)
Dalawang pangunahing paraan ang pagpapagaling ni Jesus: (1) sa pagtuturo ng Salita ng Diyos upang hikayatin ang mga taong manampalatayang gagaling, at (2) sa pagpapairal ng “kaloob na pagpapagaling” na kalooban ng Espiritu Santo. Kung gayon, limitado si Jesus ng dalawang salik sa Kanyang ministeryo ng pagpapagaling: (1) sa di-paniniwala ng mga maysakit, at (2) ang kalooban ng Espiritu Santo na ipakita Siya sa pamamagitan ng “kaloob ng pagpapagaling.”
Malinaw na ang karamihan sa mga tao sa bayan ni Jesus ay walang pananalig sa Kanya. Kahit narinig na nila ang mga himala Niya ng pagpapagaling sa ibang bayan, hindi nila pinaniniwalaang may kapangyarihan Siya upang magpagaling, at kaya naman hindi Niya sila mapagaling. Dagdag pa, malinaw na hindi pinagkalooban ng Espiritu Santo si Jesus ng anumang “kaloob na pagpapagaling” sa Nazaret—kung anuman ang dahilan, walang nakakaalam.
Itinatala ni Lucas nang higit na detalye kaysa kay Marcos ang tunay na nangyari nang dumalaw si Jesus sa Nazaret:
Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan Siya lumaki. Gaya ng Kanyang nakaugalian, pumasok Siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo Siya upang bumasa, at doo’y ibinigay sa Kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan Niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagka’t hinirang Niya Ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo Niya Ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakakita. Isinugo Ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.” Inirolyo Niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, Siya’y naupo. Nakatitig sa Kanya ang lahat ng nasa sinagoga, at sinabi Niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.” Pinuri Siya ng lahat, at humanga sila sa Kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose? Tanong nila (Lu. 4:16-22).
Nais ni Jesus na maniwala ang Kanyang mga tagapakinig na Siya ang ipinangakong hinirang sa propesiya ni Isaias, at umaasang maniwala sila at tanggapin ang lahat ng benepisyo ng Kanyang pagkahirang, na ayon kay Isaias, ay kasama ang pagpapalaya sa mga bihag at opresyon pati na ang muling pagkakita ng mga bulag. [1] Nguni’t hindi sila naniwala, at bagama’t humanga sila sa galing Niyang magsalita, hindi sila maniwalang ang anak ni Jose ay natatangi. Sa pagkilala ng kanilang pagdududa, sumagot si Jesus,
Kaya’t sinabi ni Jesus, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, ‘Doktor, gamutin mo muna ang iyong sarili! Marahil, sasabihin pa ninyo, ‘Gawin Mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga nabalitaan naming ginawa Mo sa Capernaum.’ Tandaan ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan (Lu. 4:23-24).
Ang mga tao sa bayan ni Jesus ay naghihintay upang tingnan kung gagawin Niya ang narinig nilang ginawa Niya sa Capernaum. Ang saloobin nila ay hindi tulad ng umaasang pananampalataya kundi pag-aalinlangan. Sa kanilang kakulangan ng pananampalataya nilimitahan nila Siya sa paggawa ng anumang himala o malawakang pagpapagaling.
Iba Pang Limitasyon ni Jesus sa Nazaret (Jesus’ Other Limitation in Nazareth)
Ibinunyag ng sumunod na mga salita ni Jesus sa kawan sa Nazaret na nalimitahan din Siya ng kalooban ng Espiritu Santo upang ipakita ang Kanyang Sarili sa pamamagitan ng “mga kaloob na pagpapagaling”:
Nguni ‘t sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. Subali’t hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga may ketong sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria” (Lu. 4:25-27).
Ang punto ni Jesus ay hindi maparami ni Elias ang langis at harina upang sustentuhan ang sinumang biyudang nagugustuhan niya sa tatlong-taong taggutom (tingnan ang 1 Ha. 17:9-16). Bagama’t maraming nagtitiis na biyuda sa Israel nang panahong iyon, hinirang ng Espiritu si Elias upang tulungan ang isang biyuda na hindi pa Israelita. Gayundin, hindi malinis ni Eliseo ang sinumang ketonging nais niyang linisin. Pinatunayan ito ng katotohanang napakaraming ketongin sa Israel nang nalinis si Naaman. Kung siya lamang ang masusunod, nilinis sana ni Eliseo ang mga kapwa Israelita na pawang ketongin bago niya nilinis si Naaman, isang taong sumasamba ng mga diyus-diyosan (tingnan ang 2 Ha. 5:1-14).
Sina Elias at Eliseo ay kapwa propeta—mga taong hinirang ng Espiritu Santo na ginamit sa iba-ibang kaloob ng Espiritu ayon sa kalooban nito. Bakit hindi ipinadala ng Diyos si Elias sa ibang biyuda? Hindi ko alam. Bakit hindi ginamit ng Diyos si Eliseo upang pagalingin ang iba pang ketongin? Hindi ko alam. Walang nakakaalam, kundi ang Diyos.
Nguni’t hindi pinatutunayan ng dalawang karaniwang kuwento sa Lumang Tipan na
hindi kalooban ng Diyos ang mapunan ang lahat ng pangangailangan ng bawa’t biyuda o mapagaling ang bawa’t ketongin. Tinapos na sana ng mga tao sa Israel ang kanilang taggutom sa panahon ni Elias kung sila at ang kanilang masamang hari (Ahab) ay nagsisi sa kanilang kasalanan. Ang taggutom ay isang paraan ng paghatol ng Diyos. At sana lahat ng ketongin sa Israel ay napagaling sa pagsunod at paniniwala sa salita ng kanilang dulot-ng-Diyos na kasunduan, na nakita na natin, ay kasama ang pisikal na pagpapagaling.
Ibinunyag ni Jesus sa Kanyang mga tagapakainig na nasa ilalim Siya ng parehong limitasyong naranasan nina Elias at Eliseo. Sa kung anong dahilan, hindi ibinigay ng Espiritu Santo kay Jesus ang anuman sa mga “kaloob na pagpapagaling” sa Nasaret. Ang katotohanang iyan, dagdag pa sa hindi pananalig ng mga tao sa Nasaret, ang naging sanhi ng pagkawala ng himala sa pamamagitan ni Jesus sa Kanyang bayan.
Pagtingin sa Isang “Kaloob na Pagpapagaling” sa Pamamagitan ni Jesus (A Look at One “Gift of Healing” Through Jesus)
Kung pag-aralan natin ang mga kuwento sa Ebanghelyo tungkol sa iba-ibang pagpapagaling ni Jesus, makikita natin na karamihan sa mga tao ay napagaling, hindi sa pamamagitan ng “kaloob na pagpapagaling,” kundi ng kanilang pananampalataya. Tingnan natin ang pagkakaiba ng dalawang uri ng pagpapagaling sa pagtingin sa halimbawa ng dalawa. Una nating pag-aralan ang kuwento ng lumpong lalaki sa lawa ng Bethzata, na napagaling hindi dahil sa kanyang pananampalataya, kundi sa pamamagitan ng “kaloob na pagpapagaling” ni Jesus.
Sa lunsod na ito na malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking deposito ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata. Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. May isang lalaki doon na tatlumpu’t walong taon nang may sakit. Nakita siya ni Jesus at alam Niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya’t tinanong Niya ito, “Gusto mo bang gumaling?” Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Noon di’y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad (Jn. 5:2-9).
Paano natin malalaman na napagaling siya, hindi dahil sa kanyang pananampalataya, kundi dahil sa “kaloob na pagpapagaling”? Maraming indikasyon.
Una, pansinin na hindi hinahanap ng lalaking ito si Jesus. Bagkus, nakita siya ni Jesus na nakaupo sa may tubig. Kung hinahanap ng lalaki si Jesus, nagpapakita sana ito ng pananampalataya sa kanyang panig.
Pangalawa, hindi sinabi ni Jesus sa lalaki na pinagaling siya ng kanyang pananampalataya, na siyang laging sinasabi Niya kapag nagpapagaling ng ibang tao
Pangatlo, nang tinanong ang lalaki ng mga Judio kung sino ang nagsabi sa kanya na “tumayo at lumakad,” sumagot siya na hindi man lang niya kilala ang Tao. Kaya malinaw na hindi ang pananampalataya niya kay Jesus ang nagpagaling sa kanya. Ito ay malinaw na kaso ng isang taong napagaling sa pamamagitan ng “kaloob na pagpapagaling,” na ipinakitang kalooban ng Espiritu.
Pansinin din na kahit na may kawan ng maysakit na naghihintay sa paggalaw ng tubig, isa lang ang pinagaling ni Jesus at iniwang maysakit ang lahat ng iba pa. Bakit? Muli, hindi ko alam. Nguni’t ang insidenteng ito ay hindi patunay na kalooban ng Diyos na manatiling maysakit ang ilan. Sinuman at lahat ng maysakit na iyon ay maaaring napagaling sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus. Katunayan, ito marahil ang dahilan kung bakit napagaling ng di pangkaraniwang kapangyarihan ang isang taong ito—upang hikayatin ang mga tao upang pansinin si Jesus, ang Siyang makapagpapagaling at gagamot sa kanila kung maniniwala lang sila.
Kadalasan, ang “mga kaloob na pagpapagaling” ay nabibilang sa kategorya ng “tanda at kamanghaan,” ibig sabihin, himalang itinakda upang mapansin si Jesus. Kaya ang ebanghelistang sina Felipe ng Bagong Tipan ay nagtataglay ng “kaloob na pagpapagaling,” dahil ang mga himalang ginagawa nila ang nagiging daan upang mapansin ang magandang balitang kanilang ipinangangaral (tingnan ang Gw. 8:5-8).
Hindi dapat maghintay ang mga Cristianong maysakit sa pagdating ng isang may “kaloob na pagpapagaling” dahil maaaring ang tao at kaloob ay hindi kailanman darating. Nariyan ang paggaling sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus, at, kahit na hindi lahat ay napapagaling sa pamamagitan ng kaloob na pagpgpagaling, lahat ay mapapagaling ng kanilang pananampalataya. Mga kaloob na pagpapagaling ay inilagay sa iglesia unang-una upang mapagaling ang mga hindi mananampalataya at ang atensyon ay mapunta sa ebanghelyo. Hindi ibig sabihin nito na hindi mapapagaling ang mga Cristiano sa pamamatigan ng kaloob na pagpapagaling. Nguni’t inaasahan ng Diyos na makakatanggap ang Kanyang mga anak ng pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya.
Isang Halimbawa ng Taong Napagaling ng Kanyang Pananampalataya (One Example of a Person Healed By His Faith)
Si Bartimeo ay lalaking bulag na napagaling ng kanyang pananampalataya kay Jesus. Basahin natin ang kuwento sa ebanghelyo ni Marcos.
Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na Siya sa Jerico kasama ang Kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo na anak ni Timeo. Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, nguni’t lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila. Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus. “Ano ang gusto mong gawin Ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus. Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.” Noon di’y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus (Mc. 10:46-52).
Una pansinin na hindi hinanap ni Jesus si Bartimeo. (Kabaligtaran ito ng nangyari sa tao sa Lawa ng Betesda). Katunayan, naglalakad si Jesus at nalampasan na siya, at kung hindi sumigaw si Bartimeo, nagpatuloy sana sa paglalakad si Jesus. Ibig sabihin, hindi sana napagling si Bartimeo.
Isipin n’yo iyan. Paano kung naupo lang si Bartimeo doon at sinabi sa kanyang sarili, “Kung kalooban ng Diyos na mapagaling, pupuntahan Niya ako at pagalingin.” Ano kaya ang nangyari? Hindi sana gumaling si Bartimeo, kahit na malinaw na ibinubunyag ng kuwentong ito na kalooban ni Jesus na siya ay mapagaling. Ang unang tanda ng pananampalataya ni Bartimeo ay sumigaw siya kay Jesus.
Pangalawa, pansinin na hindi nawalan ng pag-asa si Bartimeo sa mga nagtatangkang patahimikin siya. Nang subukang pahintuin siya sa kasisigaw, “lalo” pa siyang nagsisigaw. (Mc.10:48). Iyan ang nagpapakita ng kanyang pananampalataya.
Pangatlo, pansinin na hindi sinagot ni Jesus ang mga naunang sigaw ni Bartimeo. Siyempre, posibleng hindi Niya narinig ang mga naunang sigaw, nguni’t kung narinig Niya, hindi niya ito sinagot. Sa madaling sabi, sinubukan Niya ang pananampalataya ng tao.
Kung sumuko si Bartimeo pagkasigaw niya minsan, hindi sana siya napagaling.
Tayo rin, ang minsan ay kailangang magpursigi sa pananampalataya dahil kadalasan parang hindi masasagot ang ating panalangin. Diyan sinusubukan ang ating pananampalataya, kaya kailangan nating ipagpatuloy ang pagtayo, tinatanggihan ang paghina ng loob dahil sa mga salungat na pangyayari.
Iba Pang Patunay ng Pananampalataya ni Bartimeo (Further Indications of Bartimaeus’ Faith)
Nang sa wakas ay tawagin na siya ni Jesus, sinasabi ng Biblia na “inihagis niya ang kanyang balabal.” Ang pagkaintindi ko, ang mga bulag sa kapanahunan ni Jesus ay nagsusuot ng isang uri ng balabal na nagpapakitang sila ay bulag. Kung totoo ito, marahil ay inihagis ni Bartimeo ang kanyang balabal nang tawagin siya ni Jesus dahil naniwala siyang hindi na niya kailangang makilala bilang bulag. Kung ganoon, nakikita na naman ang kanyang pananampalataya.
Dagdag pa rito, nang ihagis ni Bartimeo ang kanyang balabal, sinasabi ng Biblia na siya’s “paluksong tumayo,” isang pagpapakita ng kanyang malugod na paghihintay sa isang magandang bagay na mangyayari sa kanya. Ang mga taong may pananampalatayang gagaling ay nalulugod kapag nananalangin silang pagagalingin sila ng Diyos dahil umaasa silang makatanggap ng pagpapagaling.
Pansinin na minsan pang sinubok ni Jesus ang pananampalataya ni Bartimeo nang tumayo siya sa harap Niya. Tinanong Niya kay Bartimeo ang kanyang kagustuhan, at sa sagot ni Bartimeo, malinaw na mapapagaling siya at pagagalingin siya ni Jesus sa pagkabulag.
Sa katapusan, sinabi ni Jesus sa kanya na ang kanyang pananampalataya ang nagpagaling sa kanya. Kung mapagagaling si Bartimeo ng kanyang pananampalataya, mapapagaling din ang sinuman dahil “walang sinisino” ang Diyos.
Higit Pang Pag-aaralan (For Further Study)
Sa ibaba ay itinala ko ang dalawampu’t isang ispesipikong kaso ng pagpapagaling na ginawa ni Jesus na nakatala sa apat na Ebanghelyo. Siyempre, pinagaling ni Jesus ang higit pa sa dalawampu’t isang tao, nguni’t sa lahat ng kasong ito, alam natin ang ilang detalye tungkol sa maysakit at kung paano siya napagaling.
Hinati ko ang listahan sa dalawang bahagi—ang mga napagaling ng pananampalataya at ang mga napagaling sa kaloob ng pagpapagaling. Napansin ko na sa ilang kaso ng mga napagaling ng kanilang pananampalataya, sinabi sa kanila ni Jesus na manahimik tungkol sa kanilang paggaling. Pinaiigting pa nito na hindi “kaloob na pagpapagaling” dahil hindi napagaling ang mga tao upang i-anunsiyo si Jesus o ang magandang balita.
Mga Kaso Kung Saan Pananalig o Paniniwala ay Nabanggit na Sanhi ng Paggaling: (Cases Where Faith or Believing is Mentioned as the Cause of Healing)
1. Ang alipin ng kapitang Romano (o “alila”): Mt. 8:5-13; Lu. 7:2-10 “Mangyari ito sa iyo ayon sa iyong paniniwala.”
2. Ang paralitikong ibinaba sa bubong: Mt. 9:2-8; Mc. 2:3-11; Lu. 5:18-26 “Pagkakita sa kanilang pananampalataya….Sinabi Niya… ‘umuwi na kayo.’”
3. anak ni Jairus: Mt. 9:18-26; Mc. 5:22-43; Lu. 8:41-56 “‘Huwag kayong matakot—maniwala lang’….At mahigpit na pinagbilinan Niya sila na walang dapat makaalam nito.”
4. Ang babaing may isyu sa dugo: Mt. 9:20-22; Mc. 5:25-34; Lu. 8:43-48 “Ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.”
5. Dalawang lalaking bulag: Mt. 9:27-31 “Mangyari ito sa inyo ayon sa iyong paniniwala …huwag sasabihin ito kaninuman!”
6. Bulag na Bartimeo: Mc. 10:46-52; Lu. 18:35-43 “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
7. Ang sampung ketongin: Lu. 17:12-19 “Pinagaling kayo ng inyong pananampalataya.”
8. Ang anak ng pinuno ng pamahalaan: Jn. 4:46-53 “Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus.”
Sa susunod na apat na kaso, ang pananampalataya ng maysakit ay hindi tahasang binanggit, nguni’t ipinahiwatig ng kanyang mga salita at kilos. Halimbawa, ang dalawang bulag na lalaki (sa ika-sampu, sa ibaba) ay sumigaw kay Jesus habang dumadaan Siya tulad ng ginawa ni Bartimeo. Hinanap ng lahat ng may sakit na tao sa apat na halimbawa si Jesus, isang malinaw na indikasyon ng kanilang pananampalataya. Sa tatlo sa susunod na apat na kaso, sinabi ni Jesus sa mga pinagaling Niya na huwag sabihin kaninuman ang nangyari sa kanila, na lalong pagpapakitang ang mga kasong ito ay hindi “kaloob na pagpapagaling.”
9. Ang ketongin na hindi nakakaalam ng kalooban ng Diyos (The leper who didn’t know God’s will): Mt. 8:2-4; Mc. 1:40-45; Lu. 5:12-14 “Huwag mong sasabihin ito kaninuman.”
10. Dalawang bulag na lalaki (malamang na isa sa kanila si Bartimeo): Mt. 20:30-34 “[sila’y] nagsisigaw, ‘Panginoon, mahabag po Kayo sa amin!’”
11. Ang taong bingi at pipi: Mc. 7:32-36 “Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito.”
12. Isang lalaking bulag : Mc. 8:22-26 “Huwag ka nang bumalik sa bayan.”
Ang dalawang pangwakas na kasong ito ng mga taong napagaling sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi totoong napagaling—napalaya sila sa mga demonyo. Nguni’t kinilala ni Jesus ang kanilang pananampalataya bilang sanhi ng kanilang pagpapalaya.
13. Ang batang sinasaniban ng demonyo: Mt. 17:14-18; Mc. 9:17-27; Lu. 9:38-42 “At sinabi ni Jesus sa kanya… ‘Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.’ Agad namang sumagot ang ama ng bata… ‘Naniniwala po ako; tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya.’”
14. Ang anak ng babaing taga-Tiro: Mt. 15:22-28; Mc. 7:25-30 “Napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.”
Kaso ng mga Taong Napagaling sa Pamamagitan ng “Kaloob na Pagpapagaling” (Cases of People Healed Through “Gifts of Healings”)
Itong huling pitong kaso ay taong malinaw na napagaling sa pamamagitan ng kaloob na pagpapagaling. Subali’t sa unang tatlong kaso, ang pagsunod sa isang ispesipikong utos ni Jesus ang kailangan bago mapagaling ang maysakit. Wala sa mga kasong ito ang pinagsabihan ni Jesus na huwag ipagsabi ang pagpapagaling sa kanya. At wala sa mga kasong ito ang paghahanap ng taong maysakit kay Jesus.
15. Ang lalaking paralisado ang kamay: Mt. 12:9-13; Mark 3:1-5; Luke 6:6-10 “Iunat mo ang iyong kamay.”
16. Ang lalaki sa Lawa ng Bethzata: Jn. 5:2-9 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.”
17. Ang lalaking ipinanganak na bulag: Jn. 9:1-38 “Humayo ka, maghilamos sa Lawa ng Siloam.” [2]
18. Ang biyenan ni Pedro: Mt. 8:14-15; Mc. 1:30-31; Lu. 4:38-39
19. Ang babaing 18 taon nang kuba: Lu. 13:11-16
20. Ang lalaking napagaling sa manas: Lu. 14:2-4
21. Ang alipin ng pinakapunong pari: Lu. 22:50-51
Pansinin na sa lahat ng dalawampu’t isang halimbawa sa itaas, walang matandang napagaling lamang ng pananampalataya ng isa pang matanda. Sa bawa’t kasong gumaling ang isang tao dahil sa pananampalataya ng isa pang tao, laging isang batang gumagaling dahil sa pananampalataya ng kanyang magulang (tingnan ang halimbawa 1, 3, 8, 13, at 14).
Ang mga posibleng eksepsyon ay mga halimbawa 1 at 2, ang alipin ng kapitang Romano at ang paralitikong ibinaba sa bubong. Sa kaso ng alipin ng kapitang Romano, ang Griegong salitang isinalin na alipin ay ang salitang pais, na maaari ring isaling bata na siyang nasa Mateo 17:18: “At ang bata’y gumaling agad” (idinagdag ang pagdidiin).
Kung talagang iyon ay tunay na alipin ng kapitan at hindi ang kanyang anak, maaaring ang alipin ay batang lalaki. Kung gayon, ang kapitan ang responsable sa bata bilang tagapag-alaga at magkaroon ng pananalig para sa bata tulad ng gagawin ng magulang para sa kanyang anak.
Sa kaso ng paralitikong ibinaba sa bubong, pansinin na ang paralitiko mismo ay may pananampalataya, kung hindi, hindi sana siya pumayag na ibaba siya ng kanyang mga kaibigan sa bubong. Kung gayon hindi siya napagaling lamang ng pananampalataya ng kanyang mga kaibigan.
Lahat nang ito ay nagpapakita na hindi maaaring ang pananampalataya ng isang matanda ay magresulta sa pagpapagaling ng isa pang matanda kung ang maysakit na matanda mismo ay walang pananampalataya. Oo, maaaring manalangin ang isang matanda sang-ayon sa isa pang matandang nangangailangan ng pagpapagaling, nguni’t ang hindi paniniwala ng maysakit ay maaaring sasalungat sa epekto ng pananampalataya ng matandang nananampalataya.
Nguni’t ang mga sarili nating anak ay maaaring mapagaling sa pamamagitan ng ating pananampalataya, hanggang sa natatanging edad. Bagama’t maaabot nila ang edad na aasahan ng Diyos na tatanggap sila sa Kanya batay sa sarili nilang pananampalataya.
Hinihikayat ko kayong masinsinang pag-aralan ang bawa’t halimbawang nakatala sa itaas sa inyong sariling Biblia upang patatagin ang inyong pananampalataya sa itinakdang pagpapagaling ng ating Panginoon.
Ang Kapangyarihang Magpagaling (The Healing Anointing)
Bilang pagtatapos, mahalagang malaman na hinirang si Jesus ng nahahawakang kapangyarihang magpagaling sa panahon ng Kanyang ministeryong panlupa. Ibig sabihin, talagang nararamdaman Niya ang kapangyarihang magpagaling na umaalis sa Kanyang katawan, at sa ilang pagkakataon, ang maysakit na pinapagaling ay makakaramdam ng kapangyarihang iyon habang pumapasok ito sa kanyang katawan. Halimbawa, ang Lucas 6:19 ay nagsasabing, “Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lang sa kanya, sapagka’t may kapangyarihan Siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman.”
Malinaw na iyang kapangyarihang magpagaling ay papasok pa sa damit ni Jesus kaya kapag ang isang maysakit na tao ay humawak sa Kanyang kasuotan sa pananampalataya, ang kapangyarihang magpagaling ay dadaloy sa kanyang katawan. Mababasa natin sa Marcos 6:56:
At saan man Siya pumunta, sa nayon, sa lunsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.
Ang babaing may isyu sa dugo (tingnan ang Marcos 5:25-34) ay napagaling sa pamamagitan lamang ng paghawak sa laylayan ng damit ni Jesus sa pag-asang sa pananampalataya ay gagaling.
Hindi lamang si Jesus ang nahirang na magkaroon ng nahahawakang kapangyarihang magpagaling kundi si apostol Pablo rin sa mga huling taon niya sa ministeryo:
Gumagawa roon ang Diyos ng mga pambihirang himala sa pamamagitan ni Pablo. Kahit panyo o damit na kanyang ginamit ay dinadala sa mga maysakit. Gumagaling naman ang mga ito at lumalayas ang masasamang espiritung nagpapahirap sa kanila (Gw. 19:11-12).
Ang nahahawakang kapangyarihang magpagaling ay tumitigmak sa anumang telang nakakabit sa katawan ni Pablo, malinaw na nagpapakitang ang tela ay isang mahusay na konduktor ng kapangyarihang magpagaling!
Hindi nagbago ang Diyos mula sa mga araw nina Jesus o Pablo, kaya huwag tayong magtataka kung hihirangin ng Diyos ang ilan sa Kanyang mga tagapagsilbi ngayon ng kapangyarihang magpagaling, na siyang ibinigay kina Jesus at Pablo. Subali’t ang mga kaloob na ito ay hindi ipinapasa sa mga baguhan, kundi doon lamang sa mga nakapagpatunay na sila’y matapat at di-makasariling naganyak sa mahabang panahon.
[1] Ang lahat nang ito’y maaaring tumukoy sa pisikal na pagpapagaling. Ang pagkakasakit ay tunay na maituturing na opresyon, na sinasabi ng Kasulatan na “hinirang ng Diyos ng Espiritu Santo at kapangyarihan [si Jesus], at…Gumawa Siya ng mabubuting bagay, at pinagaling Niya ang mga pinhihirapan ng diyablo” (Gw. 10:38).
[2] Translator’s note: text translated, since Bible used for translation does not contain exact words.