Puno ang Biblia ng mga pangyayaring nabigyan ang mga lalaki’t babae ng dagliang di-pangkaraniwang kakayahan ng Espiritu Santo. Sa Bagong Tipan, tinatawag ang mga itong “kaloob ng Espiritu.” Sila ay kaloob dahil hindi sila maaaring hanapin. Nguni’t dapat nating huwag kalimutan na talagang iniaangat ng Diyos ang mga pinagkakatiwalaan Niya. Sinabi ni Jesus, “Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay” (Lu. 16:10). Kung gayon maaasahan natin na ang mga kaloob ng Espiritu ay higit na maibibigay sa mga nakapagpatunay na ng pagtitiwala sa harap ng Diyos. Ang ganap na pagpapatalaga at pagsuko sa Espiritu Santo ay mahalaga, dahil malamang na gagamitin ng Diyos ang mga taong iyon sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Sa kabilang dako, minsan ay ginamit ng Diyos ang isang asno upang magpropesiya, kaya magagamit Niya ang sinumang gugustuhin Niya. Kung kailangan Niyang maghintay hangga’t hindi tayo nagiging ganap upang gamitin, hindi Niya magagamit ang sinuman sa atin!
Sa Bagong Tipan, ang mga kaloob ng Espiritu ay nakatala sa 1 Corinto 12, at mayroong kabuuang siyam:
Ang ilan sa atin ay napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng katalinuhan. Subali’t iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba’y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. May pinagkalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; may pinagkalooban din ng kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at may pinagkalooban din ng kakayahang malaman kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkalooban din ng kakayahang magsalita ng iba’t ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon (1 Cor. 12:8-10).
Ang pag-alam kung paano ipaliwanag ang bawa’t kaloob ay hindi mahalaga sa paggamit ng Diyos sa mga espiritwal na kaloob. Ang mga propeta, pari, at hari sa Lumang Tipan pati ang mga ministro ng unang iglesia sa Bagong Tipan, ay umiral sa mga kaloob ng Espiritu nang walang kaalaman kung paano uriin o ipaliwanag ang mga ito. Gayumpaman, dahil ang mga kaloob ng Espiritu ay nauri na para sa atin sa Bagong Tipan, marahil ay gusto ito ng Diyos na maintindihan natin. Kung gayon, isinulat ni Pablo, “Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman (1 Cor. 12:1).
Ang Siyam na Kaloob, Nauri-uri (The Nine Gifts Categorized)
Higit pang nauri sa tatlo ang siyam na kaloob ng Espiritu: (1) mga kaloob ng pananalita, na ang mga: iba-ibang wika, ang pagpapaliwanag sa mga wika, at propesiya; (2) mga kaloob ng pagpapahayag, na: ang salita ng karunungan, ang salita ng kaalaman, at ang pagkilala sa mga espiritu; at (3) mga kaloob na kapangyarihan, na : paggawa ng himala, natatanging pananampalataya, at pagpapagaling. Tatlo sa mga kaloob ay nagsasabi; tatlo ang nagbubunyag; at tatlo ang gumagawa. Lahat ng mga kaloob na ito ay naipakita sa ilalim ng lumang kasunduan maliban sa iba’t ibang wika at pagpapaliwanag sa mga ito. Ang dalawang iyon ay natatanging sa bagong kasunduan.
Walang instruksiyong inihahandog ang Bagong Tipan tungkol sa tamang paggamit sa alinman sa “kaloob na kapangyarihan” at napakaliit na instruksiyon sa paggamit ng “kaloob na pagpapahayag.” Nguni’t ang nakararaming instruksiyon ay ibinigay ni Pablo tungkol sa tamang paggamit ng “kaloob na pananalita,” at ang dahilan ay mahahati sa dalawa.
Una, mga kaloob na pananalita ay kadalasang ipinapakita sa mga pagtitipon sa iglesia, samantalang ang mga kaloob na pagpapahayag ay hindi gaanong naipakikita, at ang mga kaloob na kapangyarihan ay ang pinakamadalang ipakita. Kung gayon, kailangan natin ng higit na instruksiyon tungkol sa mga kaloob na higit na naipakikita sa mga pagtitipon sa iglesia.
Pangalawa, ang mga kaloob na pananalita ay mukhang nangangailangan ng pinakamalakas na pakikipagtulungan ng tao, at kung gayon, sila ang mga kaloob na higit na hindi naisasagawang mabuti. Higit na madali ang dagdagan at sirain ang isang propesiya kaysa ang sumira ng kaloob na pagpapagaling.
Ayon sa Kalooban ng Espiritu (As the Spirit Wills)
Mahalagang mapagtanto na ang mga kaloob ng Espiritu ay ibinibigay ayon sa kalooban ng Espiritu at hindi kalooban ninuman. Lubhang malinaw ang Biblia tungkol dito:
Nguni’t ang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba’t ibang kaloob sa bawa’t isa, ayon sa Kanyang ipinasya (1 Cor. 12:11, idinagdag ang pagdidiin).
Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng iba ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiriu Santo na ipinamahagi Niya ayon sa Kanyang sariling kalooban (Heb. 2:4, idinagdag ang pagdidiin).
Ang isang tao ay maaaring laging gamitin sa natatanging kaloob, nguni’t walang sinuman ang nagtataglay ng alinman sa mga kaloob. Dahil hinirang ka minsan upang gumawa ng himala ay hindi indikasyon na makakagawa ka ng himala kung kailan mo gusto; hindi rin katiyakan na gagamitin kang muli upang gumawa ng himala.
Sandaling pag-aaralan natin at tingnan ang ilang halimbawang biblikal ng bawa’t kaloob. Nguni’t tandaan na maipakikita ng Diyos ang Kanyang pagpapala at kapangyarihan sa maraming paraan, kaya imposibleng ipaliwanag nang ganap kung paano umiral ang isang kaloob sa tuwing gagamitin ito. Dagdag pa, walang mga depinisyon ng siyam na kaloob ng Espiritu sa Biblia—ang mayroon lang tayo ay mga pangalan. Kung gayon matitingnan lang natin ang mga halimbawa sa Biblia at tangkaing uriin ang bawa’t isa, at sa katapusa’y ipaliwanag ang mga ito sa kanilang mga nakikitang pagkakaiba. Dahil napakaraming paraan ang pagpapakita ng Espiritu Santo sa mga kaloob na di karaniwan, hindi mabuting subukang maghigpit sa ating paliwanag. Ang ilang kaloob ay maaari pang kalipunan ng maraming kaloob. Sa puntong ito, isinulat ni Pablo:
Iba’t iba ang mga espiritwal na kaloob, nguni’t iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba’t iba ang paraan ng paglilingkod, nguni’t iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba’t iba ang mga gawaing iniatas, nguni’t iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawa’t isa’y binigyan ng kaloob na nagpapakitang nasa kanya ang espiritu. (1 Cor. 12:4-7, idinagdag ang pagdidiin).
Ang mga Kaloob na Kapangyarihan (The Power Gifts)
1) Mga kaloob na pagpapagaling: Ang mga kaloob na pagpapagaling ay malinaw na may kinalaman sa pagpapagaling ng maysakit. Kadalasang ipinapaliwanag ang mga ito na dagliang di-karaniwang katangian upang pagalingin ang mga taong may pisikal na karamdaman, at wala akong nakikitang dahilan upang pagdudahan iyan. Sa nakaraang kabanata, tiningnan natin ang isang halimbawa ng kaloob na pagpapagaling na ipinakita ni Jesus nang pagalingin Niya ang lumpong lalaki sa Bethzata (tingnan ang Jn. 5:2-17).
Ginamit ng Diyos si Elias upang pagalingin ang ketongin na si Naaman na taga-Syria, na isang sumasamba ng diyus-diyosan (tingnan ang 2 Ha. 5:1-14). Ayon sa natutuhan natin habang sinusuri ang mga salita ni Jesus sa Lucas 4:27 tungkol sa paggaling ni Naaman, hindi mapagaling ni Eliseo ang sinumang ketongin kung kailan niya gusto. Daglian siyang nabigyan ng inspirasyon upang payuhan si Naaman na lumusong sa Ilog Jordan nang pitong beses, at nang sa wakas ay tumalima si Naaman, nalinis ang kanyang ketong.
Ginamit ng Diyos si Pedro upang pagalingin ang lumpong lalaki sa pintuang tinatawag na Maganda sa pamamagitan ng kaloob na pagpapagaling (Gw. 3:1-10). Hindi lamang napagaling ang lalaking lumpo, kundi ang tandang di-pangkaraniwan ang nag-akit sa maraming tao upang makinig sa magandang balita mula sa bibig ni Pedro, at mga limang libo ang nadagdag sa iglesia sa araw na iyon. Ang mga kaloob na pagpapagaling ay kadalasang nagtutupad ng dalawang layunin na pagpapagaling at dalhin ang mga di-ligtas kay Cristo.
Nang ipinamamahagi ni Pedro ang kanyang mensahe sa mga nagtitipon sa araw na iyon, sinabi niya:
Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan nang ganyan? Akala ba ninyo’y napalakad naming siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? (Gw. 3:12).
Nakilala ni Pedro na hindi dahil sa alinmang kapangyarihang taglay niya sa kanyang sarili, o dahil sa kanyang dakilang kabanalan, na ginamit siya ng Diyos upang pagalingin ang lumpo. Tandaan na itinatuwa ni Pedro na kilala niya si Jesus, dalawang buwan lang bago ang himalang ito. Ang katotohanan lamang na mahimalang ginamit ng Diyos si Pedro sa mga unang pahina ng Mga Gawa ay dapat nang magpalakas ng ating pagtitiwala na gagamitin din tayo ng Diyos ayon sa kalooban Niya.
Nang tangkain ni Pedro na ipaliwanag kung paano napagaling ang lalaki, malamang na hindi niya ito inuri bilang “kaloob na pagpapagaling.” Ang tanging nalalaman ni Pedro ay nadadaanan nila ni Juan ang isang lumpo at natagpuan na lang niya ang sariling dagliang nabahiran ng pananampalatayang gagaling ang lalaki. Kaya inutusan niya ang lalaki sa pangalan ni Jesus, sinunggaban ang kanang kamay nito, at itinaas. Nagsimulang “naglakad at lumukso at nagpuri sa Diyos” ang lumpo. Ganito ang paliwanag ni Pedro:
Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong pananalig (Gw. 3:16).
Kailangan ng natatanging pananampalataya upang sunggaban ang isang lumpo sa bisig at iangat siya at asahang siya’y lalakad! Kasama ng partikular na kaloob na pagpapagaling na ito, ang pagpapamahagi ng pananampalataya ay kinailangan din upang ito ay matupad.
Iminungkahi ng ilan na ang dahilan kung bakit ang kaloob na ito ay nasa maramihan (ibig sabihin, “mga kaloob na pagpapagaling) ay may iba-ibang kaloob na nagpapagaling ng iba-ibang karamdaman. Kung minsan, natutuklasan ng mga laging ginagamit sa mga kaloob na pagpapagaling na ilang tanging karamdaman ang napapagaling sa kanilang ministeryo nang higit sa ibang karamdaman. Halimbawa, si Felipe ang ebangheliko ay waring may tanging tagumpay sa pagpapagaling ng mga paralitiko at lumpo (Gw. 8:7). May mga ebangheliko sa nakaraang dantaon, halimbawa, na may higit na tagumpay sa pagkabulag o pagkabingi o problema sa puso, at iba pa, depende sa kung anong kaloob na pagpapagaling ang kadalasang naipakita sa pamamagitan ng mga ito.
2) Ang kaloob na pananampalataya at paggawa ng himala: Ang kaloob na pananampalataya at ang paggawa ng mga himala ay mukhang magkapareho. Sa dalawang kaloob, ang nahirang na indibidwal ay dagliang nakakatanggap ng pananampalataya para sa imposible. Ang pagkakaiba ng dalawa ay kadalasang inilalarawan nang ganito: Sa kaloob na pananampalataya, ang nahirang na indibidwal ay nabigyan ng pananampalataya upang tumanggap ng himala para sa kanyang sarili, samantalang sa kaloob na paggawa ng himala, ang indibidwal ay nabigyan ng pananampalataya upang gumawa ng himala para sa iba.
Minsan, ang kaloob na pananampalataya ay itinuturing na “natatanging pananampalataya” dahil ito ay dagliang pamamahagi ng pananampalataya na iigpaw sa karaniwang pananampalataya. Dumarating ang karaniwang pananampalataya sa pakikinig sa pangako ng Diyos, samantalang ang natatanging pananampalataya ay dumarating na ibinabahagi ng Espiritu Santo. Ang mga nakaranas ng ganitong kaloob na natatanging pananampalataya ay nag-ulat na ang mga bagay na itinuturing nilang imposible ay dagliang nagiging posible, at, katunayan, natatagpuan nila ang sariling imposibleng magduda. Pareho rin ang nangyayari sa kaloob na paggawa ng himala.
Ang kuwento ng tatlong kaibigan ni Daniel na sina Shadrac, Meshac, at Abed-nego ay nagbibigay ng magandang halimbawa kung paano nagdudulot ng imposibleng pagdududa ang “natatanging pananampalataya.” Nang ihagis sila sa umaapoy na pugon sa pagtangging sumamba sa diyus-diyosan ng hari, lahat sila ay nabigyan ng kaloob na natatanging pananampalataya. Kailangan ng higit sa karaniwang pananampalataya upang mabuhay sa gitna ng pagkakahagis sa napakainit na apoy! Tingnan natin ang pananampalatayang ipinakita ng tatlong batang lalaking ito sa harap ng hari:
Sinabi nina Shadrac, Meshac, at Abed-nego, Mahal na haring Nebuchadnezar, wala po kaming masasabi sa inyo tungkol sa bagay na ito. Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa naglalagablab na pugon at mula sa inyong kapangyarihan. Kung hindi man Niya kami iligtas, hindi pa rin kami maglilingkod sa inyong mga diyos ni sasamba sa rebultong ginto na ipinagawa ninyo (Dan. 3:16-18, idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na ang kaloob ay umiiral na bago pa man sila itapon sa pugon. Walang duda sa kanilang isip ng malapit na silang iligtas ng Diyos.
Nanatili kay Elias ang kaloob na natatanging pananampalataya nang araw-araw siyang hatdan ng pagakin ng mga uwak sa tatlo’t kalahating taong taggutom sa paghahari ni Haring Ahab (tingnan ang 1 Ha. 17:1-6). Kailangan ng higit pa sa pangkaraniwang pananampalataya upang panaligan ang Diyos na gamitin ang mga ibon upang hatdan ka ng pagkain umaga’t gabi. Bagama’t hindi ipinangako ng Diyos saanman sa Kanyang Salita na hahatdan tayo ng mga uwak ng ating araw-araw na pagkain, magagamit natin ang karaniwang pananampalataya upang panaligan ang Diyos na mapunan ang ating pangangailangan—dahil iyan ay isang pangako (tingnan ang Mt. 6:25-34).
Ang paggawa ng mga himala ay umiral na nang madalas sa pamamagitan ng ministeryo ni Moises. Nanatili siya sa kaloob na ito nang hatiin niya ang Pulang Dagat (tingnan ang Exo. 14:13-31) at nang dumating ang iba-ibang salot sa Egipto.
Nanatili si Jesus sa paggawa ng mga himala nang pakainin Niya ang 5,000 sa pagpaparami ng ilang isda at ilang tinapay (tingnan ang Mt. 14:15-21).
Nang binulag nang kaunting panahon ni Pablo si Elimas na salamangkero dahil inaantala nito ang ministeryo ni Pablo sa isla ng Cyprus, iyan din ay halimbawa ng paggawa ng himala (tingnan ang Gw. 13:4-12).
Mga Kaloob ng Pagpapahayag (The Revelation Gifts)
1). Ang salita ng kaalaman at ang salita ng karunungan: Ang kaloob ng salita ng kaalaman ay kadalasang ipinaliliwanag na isang dagliang pagpapamahagi ng tanging impormasyon, nakaraan o kasalukuyan. Ang Diyos, na nagtataglay ng lahat ng kaalaman, ay nagpapamigay ng kaunting bahagi ng kaalamang iyan, kaya tinatawag itong salita ng kaalaman. Ang salita ay maliit na bahagi ng isang pangungusap, at ang salita ng kaalaman ay maliit na bahagi ng kaalaman ng Diyos.
Ang salita ng karunungan ay nakakapareho ng salita ng kaalaman, nguni’t kadalasang ipinaliliwanag ito bilang dagliang di-pangkaraniwang pagpapamahagi ng kaalaman sa mga pangyayari sa hinaharap. Ang konsepto ng karunungan ay karaniwang napapaloob sa isang bagay tungkol sa hinaharap. Muli, ang mga depinisyong ito ay mga pagpapalagay.
Tingnan natin ang halimbawa sa Lumang Tipan ng salita ng kaalaman. Pagkalinis ni Eliseo sa ketong ni Naaman, nag-alok ng malaking halaga si Naaman kay Eliseo bilang pasasalamat sa panggagamot sa kanya. Tinanggihan ni Eliseo ang alok, baka isipin ninuman na ang pagpapagaling kay Naaman ay may bayad sa halip na ibinigay nang may pagpapala ng Diyos. Nguni’t ang alipin ni Eliseo na si Gehazi, ay nakakita na pagkakataong magkaroon ng kayamanan, at palihim na tinanggap ang bahagi ng inialok ni Naaman. Pagkatago ni Gehazi sa pilak na nakuha niya nang may pagkasakim, hinarap siya ni Eliseo. At mababasa natin,
Tinanong siya nito, “Saan ka galing, Gehazi?” “Hindi po ako umaalis,” sagot niya. Sinabi ni Eliseo, hindi ba’t kasama mo ang aking espiritu nang bumaba sa karwahe si Naaman at salubungin ka (2 Ha. 5:25b-26a).
Ang Diyos, na nakaaalam ng masamang ginawa ni Gehazi, ang di-karaniwang nagbunyag nito kay Eliseo. Nguni’t nililinaw ng kuwentong ito na hindi “nagtataglay” si Eliseo ng kaloob na salita ng kaalaman; ibig sabihin, hindi niya alam ang lahat tungkol sa lahat ng tao sa lahat ng panahon. Kung iyon ang kaso, hindi kailanman naisip ni Gehazi na maitatago niya ang kanyang kasalanan. Alam lang ni Eliseo ang mga bagay sa di-pangkaraniwang paraan kapag paminsan-minsang ibinubunyag ng Diyos ang mga bagay na iyon sa kanya. Ang kaloob ay umiiral ayon sa kalooban ng Espiritu.
Nanatili si Jesus sa salita ng kaalaman nang sinabi Niya sa babae sa balon ng Samaria na mayroon siyang limang asawa (tingnan ang Jn. 4:17-18).
Ginamit si Pedro sa kaloob na ito nang nalaman niya nang di-pangkaraniwan na sina Ananias at Sapphira ay nagsisinungaling sa kongregasyon tungkol sa pagbibigay nila sa iglesia ng kabuuang halagang natanggap nila sa kabebenta lang na lupain (tingnan ang Gw. 5:1-11).
Tungkol naman sa kaloob na salita ng karunungan, makikita natin ang madalas na manipestasyon nito sa kabuuan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Sa tuwing magsasabi sila tungkol sa kinabukasan, ang salita ng karunungan ang umiiral. Madalas ding nabigyan si Jesus ng kaloob na ito. Sinabi Niya ang pagkasira ng Jerusalem, ang sarili niyang crucifixion, at mga pangyayari sa mundo bago ang Kanyang pangalawang pagdating (tingnan ang Lu.17:22-36, 21:6-28).
Ginamit ang apostol Juan sa kaloob na ito nang ibinunyag ng mga paghatol sa Panahon ng Tribulasyon. Itinala Niya ang mga ito para sa atin sa kabuuan ng libro ng Pahayag.
2). Ang kaloob na pagkilala sa mga espiritu: Ang kaloob na pagkilala sa mga espiritu ay palagiang ipinaliliwanag na dagliang kakayahang di-pangkaraniwan upang makita o makilala ang mga nangyayari sa lupaing espiritwal.
Isang pangitain, na nakikita sa pamamagitan ng mata o isip ng isang mananampalataya, ay mauuri bilang pagkilala sa mga espiritu. Ang kaloob na ito ay magdudulot sa naniniwala ng pagtingin sa mga anghel, demonyo, o pati si Jesus mismo, na gaya ni Pablo sa maraming pagkakataon (tingnan ang Gw.18:9-10; 22:17-21; 23:11).
Nang si Eliseo at ang kanyang katulong ay tinutugis ng hukbo ng Syria, nabitag sila sa lunsod ng Dothan. Sa puntong iyon, dumungaw ang katulong ni Eliseo sa mga dingding ng lunsod at, pagkakita sa nagtitipong sundalo, ay nabalisa:
Sinabi ni Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kakampi kaysa kanila.” At siya’y nanalangin, “Yahweh, buksan po ninyo ang kanyang paningin nang siya’y makakita.” Pinakinggan ni Yahweh ang kanyang panalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid kay Eliseo (2 Ha. 6:16-17).
Alam n’yo ba na sumasakay sa paligid ang mga anghel sa mga espiritwal na kabayo at nakasakay sa espiritwal na karwahe? Isang araw ay makikita n’yo sila sa langit, nguni’t ang katulong ni Eliseo ay nabigyan ng kakayahang makita sila sa lupa.
Sa pamamagitan ng kaloob na ito, ang mananampalataya ay maaaring makakilala ng masamang espiritu na nagpapahirap sa isang tao at magkaroon ng kakayahang kilalanin ito.
Kasama ng kaloob na ito hindi lamang ang pagtingin sa lupaing espiritwal kundi anumang uri ng pagkilala sa lupaing espiritwal. Halimbawa, pagdinig sa lupaing espiritwal, tulad mismo ng tinig ng Diyos.
Bilang pagtatapos, ang kaloob na ito ay hindi, tulad ng palagay ng iba, “ang kaloob ng pagkilala.” Ang mga taong nag-aangking may kakayahan silang ganito ang minsa’y nagpapalagay na alam nila ang motibo ng iba, nguni’t ang kanilang kaloob ay higit na mailalarawan bilang “kaloob na kritisismo at paghatol sa iba.” Ang totoo niyan, maaaring nagkaroon ka ng ganyang “kaloob” bago ka naligtas, at ngayong naligtas ka na, gusto ng Diyos na iligtas ka rito habambuhay!
Mga Kaloob na Pananalita (The Utterance Gifts)
1). Ang kaloob na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos: ang kaloob na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos ay ang dagliang kakayahang di-pangkaraniwan upang magkaroon ng inspirasyong banal na magsalita sa wikang nalalaman ng mananalita. Maaaring laging mag-umpisa sa “Sabi ng Panginoon.”
Ang kaloob na ito ay hindi pangangaral o pagtuturo. Ang inspiradong pangangaral at pagtuturo ay talagang nagtataglay ng elemento ng propesiya dahil hinirang sila ng Espiritu, nguni’t hindi sila tunay na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos. Madalas na ang hinirang na ministro o guro ay magsasabi ng mga bagay sa biglaang inspirasyon na hindi niya binalak sabihin, nguni’t hindi iyan talaga pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos, bagama’t maituturing na prophetic.
Ang kaloob na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos sa kabuuan ay nagsisilbing magpakita ng magandang halimbawa, magpayo at mag-aliw:
Ang nagpapahayag naman ng mensaheng mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila’y aliwin (1 Cor. 14:3).
Kung gayon ang kaloob na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos, ay likas na hindi naglalaman ng pahayag. Ibig sabihin, hindi ito nagbubunyag na anumang tungkol sa nakaraan, kasalukuyan o hinaharap na tulad ng salita ng karunungan at salita ng kaalaman. Nguni’t tulad ng nauna ko nang sinabi, ang mga kaloob ng Espiritu ay maaaring magkakasama, kaya ang salita ng karunungan o salita ng kaalaman ay maipapamahagi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos.
Kapag nakarinig tayo ng taong nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos sa isang pagtitipon na nagsasabi ng mga hindi pa nangyayari, hindi talaga natin narinig ang basta pahayag ng mensaheng mula sa Diyos; narinig natin ang isang salita ng karunungang ipinamahagi sa pamamagitan ng kaloob na pahayag ng mensaheng mula sa Diyos. Ang simpleng kaloob na pahayag ng mensaheng mula sa Diyos ay magtutunog na parang ang isang tao ay nagbabasa ng payo mula sa Biblia, tulad ng “Magpakalakas kayo sa Panginoon at sa lakas ng kanyang kapangyarihan” at, “Hindi ko kayo iiwan o pababayaan.”
Ang ilan ay kumbinsidong ang pahayag ng mensaheng mula sa Diyos sa Bagong Tipan ay hindi kailanman maglalaman ng “negatibo,” kung hindi, hindi aakma sa parametro ng “pagpapatibay ng pananampalataya, pagpapalakas ng loob at pag-aliw.” Nguni’t iyan ay hindi totoo. Ang limitahan ang maaaring sabihin ng Diyos sa Kanyang mga tao, papayagan lamang Siyang magsabi ng inaakala nilang “positibo” kahit dapat silang pagalitan, ay ang parangalan ang sarili na mas mataas pa sa Diyos. Ang galit ay talagang kasama sa kategoryang pagpapatibay ng pananampalataya at pagpapalakas ng loob. Napansin ko ang mga mensahe ng Panginoon sa pitong iglesia sa Asya, na naitala sa Pahayag ni Juan, ay tunay na nagtataglay ng elemento ng galit. Itatapon ba natin ang mga ito? Palagay ko’y hindi.
2). Ang kaloob ng iba-ibang wika at ang pagpapaliwanag sa mga ito: Ang kaloob na iba-ibang wika ay ang dagliang di-pangkaraniwang kakayahang magsalita sa isang wikang hindi kilala ng mananalita. Ang kaloob na ito ay karaniwang sinasamahan ng kaloob na ang pagpapaliwanag ng iba-ibang wika, na isang dagliang di-karaniwang kakayahang magpaliwanag ng sinabi sa di-kilalang wika.
Ang kaloob na ito ay tinatawag na pagpapaliwanag ng wika at hindi ang pagsasalin ng wika. Kaya hindi natin dapat asahan ang bawa’t salitang pagsasalin ng mensahe sa iba-ibang wika. Dahil diyan posibleng magkaroon ng maikling “mensahe sa iba-ibang wika” at isang mas mahabang pagpapaliwanag at gayon din naman ang kabaligtaran.
Ang kaloob na pagpapaliwanag ng iba-ibang wika ay katulad ng pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos dahil hindi ito nagtataglay ng pahayag at karaniwang ito’y para sa pagpapatibay ng pananampalataya, pagpapalakas ng loob at pag-aliw. Halos masasabi natin, na ayon sa 1 Corinto 14:5, iba-ibang wika, dagdagan ng pagpapaliwanag ng mga wika ay pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos:
Higit na mahalaga ang nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba’t ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makatulong sa pag-unlad ng iglesia.
Tulad ng naihayag ko na, walang instruksiyong ibinigay sa Biblia tungkol sa kung paano iiral sa makapangyarihang mga kaloob, napakaliit na instruksiyon tungkol sa kaloob na pagpapahayag, at napakaraming instruksiyon sa kung paano manatili sa mga kaloob na pananalita. Dahil may kalituhan sa iglesiang Corinto tungkol sa pagpapairal mga kaloob ng pananalita, inilaan ni Pablo ang halos buong ikalabing-apat na kabanata ng 1 Corinto sa isyung iyan.
Ang pangunahing problema ay tungkol sa tamang paggamit ng pagsasalita sa iba-ibang wika, dahil napag-aralan na natin sa kabanata tungkol sa bautismo sa Espiritu Santo, bawa’t mananampalatayang nabautismuhan sa Espiritu Santo ay may kakayahang manalangin sa iba-ibang wika kailanman niya gusto. Ang mga taga-Corinto ay laging
nagsasalita sa iba-ibang wika sa kanilang mga pagtitipon sa iglesia, nguni’t kadalasan ay wala sa lugar.
Mga Iba-ibang Gamit ng Iba-Ibang Wika (The Different Uses of Other Tongues)
Napakahalagang maintindihan natin ang kaibhan ng gamit ng iba-ibang wika sa madla at pansarili. Bagama’t bawa’t mananampalatayang nabautismuhan ng Espiritu Santo ay makapagsasalita ng iba-ibang wika kailanman nila gusto, hindi ibig sabihin na gagamitin siya ng Diyos sa pangmadlang kaloob ng iba-ibang wika. Ang pangunahing gamit ng pagsasalita sa iba-ibang wika ay sa sariling debosyonal na buhay ng bawa’t mananampalataya. Nguni’t ang mga taga-Corinto ay nagtitipon at sabay-sabay na nagsasalita sa iba-ibang wika nang walang paliwanag, at, siyempre, walang natutulungan o napagtitibay nito (tingnan ang 1 Cor. 14:6-12, 16-19, 23, 26-28).
Isang paraan upang ibukod ang pangmadlang gamit at pansariling gamit sa iba-ibang wika ay uriin ang pribadong gamit bilang pananalangin sa iba-ibang wika at ang pangmadlang gamit bilang pananalita sa iba-ibang wika. Binabanggit ni Pablo ang dalawang gamit sa ikalabing-apat na kabanata ng kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Anu-ano ang pagkakaiba?
Kapag nananalangin tayo sa iba-ibang wika, ang ating mga espiritu ay nananalangin sa Diyos (tingnan ang 1 Cor. 14:2, 14). Bagama’t kapag ang isang tao ay dagliang hinirang ng kaloob ng iba-ibang wika, ito ay mensahe mula sa Diyos sa kongregasyon (tingnan ang 1 Cor. 14:5), at naiintindihan ito kapag naipaliwanag.
Ayon sa Biblia, mananalangin ako sa espiritu, nguni’t gagamitin ko rin ang aking isip (tingnan ang 1 Cor. 14:15), nguni’t ang kaloob ng iba-ibang wika ay ipinamamahagi ayon sa Kanyang pasya (tingnan ang 1 Cor. 12:11).
Ang kaloob ng iba-ibang wika ay karaniwang kasama ng pagpapaliwanag ng mga wika. Nguni’t ang pansariling gamit na pananalangin sa mga wika ay karaniwang hindi ipinapaliwanag. Sinabi ni Pablo na kapag nananalangin siya sa iba-ibang wika, walang pakinabang ang kanyang pag-iisip (tingnan ang 1 Cor. 14:14).
Kapag nananalangin sa iba-ibang wika ang isang indibidual, siya lamang ang tumitibay (tingnan ang 1 Cor. 14:4), nguni’t ang buong kongregasyon ay tumitibay kapag ang kaloob ng iba-ibang wika ay naibibigay na may kasamang kaloob na pagpapaliwanag ng mga wika (tingnan ang 1 Cor. 14:4b-5).
Bawa’t mananampalataya ay kailangang manalangin sa iba-ibang wika araw-araw bilang bahagi ng pang-araw-araw na pakikipagkapwa sa Panginoon. Isa sa mga kamangha-manghang bagay kapag nananalangin sa iba-ibang wika ay hindi kailangang gamitin ang isip. Ibig sabihin makakapanalangin ka sa iba-ibang wika kahit nag-iisip ng iba o ng iyong trabaho. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto, “Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagka’t ako’y nakapagsasalita sa iba’t ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat” (1 Cor. 14:18, idinagdag ang pagdidiin). Marahil ay iginugol niya ang maraming panahon sa pagsasalita sa iba-ibang wika upang talunin ang buong iglesia ng Corinto!
Isinulat din ni Pablo na kapag nananalangin tayo sa iba-ibang wika, kung minsan ay “pinupuri natin ang Panginoon” (1 Cor. 14:16-17). Tatlong beses naintintihan ang aking “wikang panalangin” ng isang taong nakakaintindi ng wikang binibigkas ko sa panalangin. Sa tatlong pagkakataong iyon nagsasalita ako sa Hapon. Minsan ay sinabi ko sa Panginoon sa Hapon, “Napakabuti mo.” Minsan din, sinabi ko, “Maraming salamat.” Sa isa pang pagkakataon sinabi ko, “Halika na, halika na; naghihintay ako.” Di ba kagila-gilalas iyan? Kailanman ay hindi ako natuto ng isang salitang Hapon, nguni’t tatlong beses kong “pinuri ang Panginoon” sa wikang Hapon!
Mga Instruksiyon ni Pablo sa Pagsasalita ng Iba-Ibang Wika (Paul’s Instructions for Speaking in Tongues)
Napaka-ispesipiko ang mga instruksiyon ni Pablo sa iglesiang Corinto. Sa alinmang pagtitipon, ang bilang ng taong pinapayagang magsalita sa madla sa iba-ibang wika ay limitado sa dalawa o tatlo. Hindi sila dapat sabay-sabay, kundi maghintay ng kanilang pagkakataon (tingnan ang 1 Cor. 14:27).
Hindi kinakailangang ibig sabihin ni Pablo na tatlong “mensahe sa iba-ibang wika” lamang ang papayagan, kundi tatlong tao lamang ang magsasalita sa iba-ibang wika sa bawa’t pagtitipon. Ipinagpapalagay ng iba na kung higit na tatlong tao ang laging ginagamit sa kaloob na iba-ibang wika, isa man sa kanila ay maaaring sumuko sa Espiritu at mabigyan ng “mensahe sa iba-ibang wika” na nais ng Espiritu na maipakita sa iglesia. Kung hindi totoo ito, ang instruksiyon ni Pablo ay talagang maglilimita sa Espiritu Santo sa pagtatakda ng bilang ng mensahe sa iba-ibang wika na maipakikita sa bawa’t pagtitipon. Kung hindi magbibigay ang Espiritu Santo ng higit sa tatlong kaloob ng iba-ibang wika sa isang pagtitipon, walang pangangailangan para kay Pablo na ibigay ang nasabing instruksiyon.
Katulad din nito ang mangyayari sa pagpapaliwanag ng mga wika. Ipinagpapalagay na marahil higit sa isang tao sa asemblea ay susuko sa Espiritu at ibigay ang interpretasyon ng isang “mensahe sa iba-ibang wika.” Ang mga nasabing tao ay maituturing na “interpreter” (tingnan ang 1 Cor. 14:28), dahil madalas silang gagamitin sa kaloob na pagpapaliwanag sa iba-ibang wika. Kung totoo iyan, marahil ay iyan ang tinutukoy ni Pablo nang magpayong, “salit-salitan sila” (1 Cor. 14:27). Marahil hindi niya sinasabi na iisa lang ang magpaliwanag sa lahat ng mensahe sa iba-ibang wika; bagkus, nagbibigay-babala siya laban sa “kompetisyon sa pagpapaliwanag” ng iisang mensahe. Kung ang isa ay nagpaliwanag ng isang mensahe sa ibang wika, hindi na pinayagan ang iba pang ipaliwanag ang parehong mensahe, kahit na ipinagpapalagay niyang higit na mabuti ang kanyang pagpapaliwanag.
Sa pangkalahatan, lahat ay dapat gawin “nang tama at may kaayusan” sa mga pagtitipon sa iglesia—hindi dapat maging halo-halo at sabay-sabay na nakakalito at labanan ng mga pagbigkas. Gayundin, dapat maging sensitibo ang mga mananampalataya sa mga di-mananampalataya na maaaring dumalo sa mga pagtitipon nila, tulad ng isinulat ni Pablo:
Kaya’t kung sa pagtitipon ng iglesia ay nagsasalita ng ibat ibang wika ang lahat, at may dumating na mga taong di nakakaunawa o di sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing sira ang ulo ninyo? (1 Cor. 14:23).
Iyan nga ang problema sa Corinto—lahat ay nagsasalita sa iba’t ibang wika nang sabay-sabay, at kadalasang walang pagpapaliwanag.
Ilang Instruksiyon Tungkol sa mg Kaloob na Pagpapahayag (Some Instruction Concerning Revelation Gifts)
Naghandog si Pablo ng ilang instruksiyon tungkol sa “kaloob na pagpapahayag” kaakibat ng pagpapakita rito sa pamamagitan ng mga propeta:
Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang sinasabi nila. At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. Sapagka’t kayong lahat ay maaaring isa-isang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos upang matuto ang lahat at mapalakas ang loob nila. Ang kaloob na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos ay dapat napipigil ng tumanggap ng kaloob na iyon, sapagka’t ang Diyos ay di nalulugod sa kaguluhan dahil Siya ang Diyos ng kaayusan at kapayapaan (1 Cor. 14:29-33).
Tulad ng pagkakaroon ng mga miyembro ng katawan sa Corinto na malinaw na madalas ginagamit sa kaloob na interpretasyon ng iba’t ibang wika na tinaguriang “interpreter,” gayundin may mga madalas gamitin sa kaloob na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos at pagpapahayag na tinaguriang “propeta.” Ang mga ito ay hindi propetang tulad ng Lumang Tipan o maging tulad ni Agabus sa Bagong Tipan (tingnan ang Gw.11:28; 21:10). Bagkus, ang kanilang ministeryo ay limitado sa kanilang lokal na katawang iglesia.
Bagama’t maaaring may higit sa tatlo sa naturang propetang dumalo sa isang pagtitipon sa iglesia, muling nilimitahan ni Pablo, ispesipikong tinakdaan ang ministeryong pagpapahayag sa “dalawa o tatlong propeta.” Muling iminumungkahi nito na kapag nagbibigay ang Espiritu ng mga espiritwal na kaloob sa isang pagtitipon, higit sa isa ang maaaring sumuko at tanggapin ang mga kaloob na iyon. Kung hindi, ang instruksiyon ni Pablo ay magreresulta sa pagbibigay ng Espiritu ng mga kaloob na hindi mapakikinabangan ng katawan, dahil nilimitahan niya ang bilang ng propetang maaaring magsalita.
Kung may higit tatlong propetang naroon, ang mga iba, bagama’t ipinagbabawal na magsalita, ay maaaring tumulong sa pagsusuri ng sinabi. Maipakikita rin nito ang kanilang kakayahang kumilala sa sinasabi ng Espiritu at posibleng ipahiwatig na sumuko rin sila sa Espiritu upang gamitin sa mga mismong kaloob na naipakita sa ibang propeta. Kung hindi, nasuri lang nila ang mga pahayag sa pangkalahatan, sa paninigurong sang-ayon sila sa pahayag na ibinigay na ng Diyos (tulad ng Biblia), isang bagay na magagawa ng sinumang nakatatandang mananampalataya.
Inihayag ni Pablo na ang mga propetang ito ay maaaring sunud-sunod na makapagpahayag (tingnan ang 1 Cor. 14:31) at ang “espiritu ng mga propeta ay susuriin ng propeta”1 Cor. 14:32), ipinakikitang bawa’t propeta ay magpigil sa sarili sa pagsabad sa isa pa, kahit nabigyan ng pahayag mula sa Espiritu upang ipamahagi sa kongregasyon. Ipinakikita nito na maaaring sabay-sabay na magbigay ng kaloob ang Espiritu sa ilang propetang naroroon sa isang pagtitipon, nguni’t bawa’t propeta ay dapay at kailangang magpigil sa sarili at hintayin ang pagkakataong maibahagi ang pahayag sa katawan.
Totoo rin ito tungkol sa alinmang kaloob na pananalita na maipakaita sa isang mananampalataya. Kung tatanggap ng mensahe sa iba’t ibang wika ang isang tao mula sa Panginoon, kailangan niyang pigilin hangga’t hindi siya binibigyan ng tamang pagkakataon sa pagtitipon. Mali ang sumasabad sa pagpapahayag o pagtuturo ng iba upang ibigay ang iyong pagpapahayag.
Nang ipahayag ni Pablo, “kayong lahat ay maaaring isa-isang magpahayag” (1 Cor. 14:31), tandaan na nagsasalita siya sa konteksto ng mga propetang nakatanggap ng pahayag. Sa malas, tinanggap ng ilan ang salita ni Pablo na labas sa konteksto, sinasabing bawa’t mananampalataya ay maaaring magpahayag sa bawa’t pagtitipon ng katawan. Ang kaloob ng pagpapahayag ay ibinibigay ayon sa kalooban ng Espiritu.
Ngayon, tulad ng lahat ng panahon, kailangan ng iglesia ang tulong, kapangyarihan, presensiya, at kaloob ng Banal na Espiritu. Pinayuhan ni Pablo ang mga mananampalataya sa Corinto na “Hangarin ninyo ang mga kaloob na espiritwal, lalung-lalo na ang makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos” (1 Cor. 14:1). Ipinakikita nito na ang antas ng ating mithiin ay may kinalaman sa manipestasyon ng mga kaloob ng Espiritu, kung hindi, hindi sana ibinigay ni Pablo ang mga naturang instruksiyon. Ang ministrong tagalikha-ng-alagad, minimithing gamitin ng Diyos para sa Kanyang kaluwalhatian, ay tunay na maghahangad ng mga espiritwal na kaloob at tuturuan niya ang kanyang mga alagad na gawin din ito.