Mga Kaloob ng Ministeryo

Kabanata 18

 

Ang bawa’t isa sa ati’y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo. …At binigyan Niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama’y mga propeta, ang iba’y ebanghelista, at ang iba’y pastor at guro. Ginawa Niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga banal, para sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, ang iglesia, hanggang makamtan natin ang iisang pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo (Efe. 4:7, 11-13, idinagdag ang pagdidiin).

Naglagay ang Diyos sa iglesia, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay din siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling nga mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba’t ibang mga wika (1 Cor. 12:28, idinagdag ang pagdidiin).

Ang mga kaloob ng ministeryo, na kadalasang tawag sa kanila, ay mga tawag at iba-ibang kakayahang ibinigay sa tanging mananampalataya na nagbibigay-kakayahan sa kanila sa mga katungkulang apostol, propeta, ebanghelista, pastor,o guro. Walang sinuman ang makapagtatalaga ng kanilang sarili sa mga katungkulang ito. Bagkus, sila ay dapat natawag at binigyang-kakayahan ng Diyos.

Posibleng ang isang tao ay ookupa ng higit sa isang katungkulan sa limang ito, nguni’t ilang natatanging kombinasyon lang ang puwede. Halimbawa, maaaring ang isang mananampalataya ay natawag na pastor at guro o propeta at guro. Nguni’t hindi maaaring manungkulan bilang pastor at ebanghelista dahil ang ministeryo ng pastor ay nagtatakda sa kanya na manatili sa isang lugar at nagsisilbi ng isang lokal na kawan, at kung gayon ay hindi niya matutupad ang tawag ng isang ebanghelistang laging naglalakbay.

Bagama’t ang mga limang katungkulang ito ay nabigyang-kakayahan para sa iba-ibang layunin, lahat ay ibinigay sa iglesia para sa iisang pangkalahatang layunin—upang “ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga banal, para sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, ang iglesia” (Efe. 4:12). [1] Ang dapat na layunin ng bawa’t ministro ay ihanda ang mga banal na tao (na siyang ibig sabihin ng salitang “mga banal”) Nguni’t kadalasan, ang mga nasa ministeryo ay kumikilos na parang natawag sila, hindi ihanda ang mga banal upang maglingkod, kundi upang aliwin ang makalupang mga taong umuupo sa mga service—service sa iglesia. Bawa’t taong natawag sa isa sa mga katungkulang ito ay dapat sumuri ng kanyang ambag sa “paghahanda sa mga banal upang maglingkod.” Kung ganito ang ginagawa ng bawa’t ministro, marami ang mag-aalis ng maraming aktibidades na maling pinangangalanang “ministeryo.”

Ang Ilang Kaloob na Ministeryo ay Para Lang Ba sa Naunang iglesia? (Were Some Ministry Gifts Only for the Early Church?)

Gaano katagal bang mananatili sa iglesia ang mga kaloob na ministeryong ito? Ibibigay ni Jesus ang mga ito hangga’t kailangan ng Kanyang banal na tao ang kahandaan sa paglilingkod, na ibig sabihin hanggang babalik Siya. Laging tumatanggap ang iglesia ng bagong panganak na Cristiano na kailangang lumago, at lahat tayo ay may lugar upang espiritwal na lumago.

Ang ilan ay minalas na nagpalagay na dalawa lamang ang ministeryo ngayon—pastor at ebanghelista—na parang pinalitan ng Diyos ang Kanyang plano. Hindi, kailangan pa rin natin ng apostol, propeta at guro na tulad ng naunang iglesia. Ang dahilan kung bakit hindi natin nakikita ang halimbawa ng mga kaloob na ito sa mga iglesia sa buong mundo ay dahil ibinibigay ni Cristo ang mga ito sa Kanyang iglesia, hindi ang mapagpanggap, hindi-banal, maling-ebanghelyong iglesia. Sa mapagpanggap na iglesia ay makikita lang ang mga gumagawa ng katiting na pagtatangka upang tuparin ang papel ng ilan sa mga kaloob ng ministeryo (kadalasan pastor at kung minsan ilang ebanghelista), nguni’t nahirapang tularan ang tinawag-ng-Diyos at hinirang na kaloob ng ministeryo na ibinibigay ni Jesus sa Kanyang iglesia. Tunay na hindi nila inihahanda sa paglilingkod ang mga banal na tao, dahil ang mismong ebanghelyong inihahayag nila ay hindi nagbubunga ng kabanalan; niloloko lang nito ang mga tao upang ipalagay na napatawad sila. At ang mga taong iyon ay walang pagnanais upang maglingkod. Wala silang intensyong magtakwil ng kanilang sarili at pasanin ang kanilang mga krus.

Paano Mo Alam na Tinawag Ka? (How do You Know if You are Called?)

Paano nalalaman ng isang tao kung tinawag siya sa isa sa mga katungkulang ito sa iglesia? Una sa lahat, mararamdaman niya ang banal na tawag mula sa Diyos. Mararamdaman niya ang mabigat na pagnanais gampanan ang isang gawain. Higit pa ito sa isang pangangailangang hindi matugunan. Bagkus, ito ay dulot-ng-Diyos na panloob na gutom na nag-uudyok sa isang tao patungo sa isang natatanging ministeryo. Kung tunay siyang tinawag ng Diyos, hindi siya masisiyahan hangga’t hindi siya magsimulang tumupad ng kanyang tawag. Walang kinalaman ito sa pagtatalaga ng isang tao o komite ng mga tao. Ang Diyos ang siyang tumatawag.

Pangalawa, malalaman ng tunay-na-natawag na tao na inihanda siya ng Diyos upang tuparin ang gawaing ibinigay-ng-Diyos. Bawa’t isa sa limang katungkulan ay nagtataglay ng di-pangkaraniwang paghirang na nagbibigay-kakayahan sa indibidwal upang gawin ang itinawag ng Diyos na gagawin niya. Kasam ng tawag ay ang paghirang. Kung walang paghirang, walang tawag. Maaaring mag-asam ang isang tao upang gumanap ng tanging ministeryo, mag-aral sa Bible School nang apat na taon upang paghandaan ang ministeryong iyan, nguni’t kung walang paghirang mula sa Diyos, wala siyang pagkakataon upang tunay na magtagumpay.

Pangatlo, malalaman niyang ibinukas ng Diyos ang pinto ng oportunidad upang magamit niya ang natatanging kaloob. Dito niya mapatutunayan ang kanyang katapatan, at pagdaka ay maipagkakatiwala sa kanya ang higit na malaking oportunidad, tungkulin at kaloob.

Kung hindi naramdaman ng isang tao ang banal na panloob na pagnanasa at tawag sa isa sa limang kaloob na ministeryo, o kung hindi siya mulat sa natatanging paghirang upang tuparin ang dulot-ng-Diyos na gawain, o kung walang pagkakataon ang dumating upang maisagawa ang mga kaloob na inaakala niyang taglay niya, huwag tangkain ng taong iyon ang isang bagay na hindi itinawag ng Diyos sa kanya. Bagkus, pagyamanin ang pagiging pagpapala niya sa kanyang lokal na iglesia, sa pamayanan, at sa trabaho. Kahit hindi siya natawag sa “limang-uri” ng ministeryo, tinawag siyang magsilbi gamit ang mga kakayahang ibinigay ng Diyos, at magsikap upang patunayan ang kanyang katapatan.

Bagama’t binabanggit ng Biblia ang limang kaloob na ministeryo, hindi ibig sabihin na magkakatulad ang ginagawa ng bawa’t taong naglilingkod sa isang katungkulan. Isinulat ni Pablo na may “iba’t ibang paraan ng paglilingkod” (1 Cor. 12:5), ginagawang posible ang ang iba-ibang paraan ng paglilingkod ng mga ministro sa iisang katungkulan. Dagdag pa rito, mukhang may iba-ibang hanay ng paghirang sa mga nanunungkulan dito, kaya mauuri pa natin ang bawa’t paglilingkod sa antas ng paghirang. Halimbawa, may mga gurong mukhang higit na nahirang sa tanging paraan kaysa ibang guro. Totoo rin ito sa iba pang kaloob na ministeryo. Naniniwala ako na magagawa ng sinumang ministro ang isang bagay na magbubunga ng higit na paghirang sa kanyang ministeryo, tulad ng pagpapatunay ng kanyang katapatan sa mahabang panahon at taimtim na ialay ang sarili sa Diyos.

Isang Masusing Pagtingin sa Katungkulan ng Apostol (A Closer Look at the Office of Apostle)

Ang Griegong salitang isinalin bilang apostol ay apostolos at ang literal na ibig sabihin ay “isang ipinadala.” Ang isang apostol sa Bagong Tipan ay mananampalatayang banal na ipinadala sa isang tanging lugar o mga lugar upang magtagag ng mga iglesia. Inilalatag niya ang pundasyon ng “gusali” ng Diyos at maikukumpara sa isang “general contractor,” na mismong isinulat ni apostol Pablo:

Kami ay kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin. Kayo rin ay gusali ng Diyos. Ayong sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo (1 Cor. 3:9-10a, idinagdag ang pagdidiin).

Ang isang “mahusay na tagapagtayo,” o general contractor, ay namamahala sa buong proseso ng pagpapatayo—naiisip niya ang natapos na kinalabasan. Hindi siya espesyalista tulad ng karpintero o mason. Maaaring gawin niya ang trabaho ng karpintero o mason, nguni’t hindi kasing galing nila. Gayundin, may kakayahan ang apostol na gawin ang trabaho ng isang ebanghelista o pastor, nguni’t sa isang limitadong panahon habang nagtatatag siya ng mga iglesia. (Ang apostol Pablo ay karaniwang nanatili sa isang lugar nang anim na buwan hanggang tatlong taon).

Pinakamagaling sa pagtatatag ng iglesia ang apostol at binabantayan niya ang mga ito upang manatili sila sa daan ng Diyos. Tungkulin ng apostol na itatag ang mga pinuno/pastor/tagapangasiwa upang bantayan ang bawa’t kongregasyong itatanim niya (tingnan ang Gw. 14:21-23; Tit. 1:5).

Totoo at Di-totoong Apostol (True and False Apostles)

Mukhang ang ilang ministro ngayon, na nananabik sa kapangyarihan sa mga iglesia, at mabilis na nagpapahayag ng kanilang tawag upang maging apostol, nguni’t karamihan ay may malaking problema. Dahil hindi sila nakapagtatag ng iglesia (marahil ay isa o dalawa lang) at walang kaloob at paghirang ng isang biblikal na apostol, kailangan nilang humanap ng pastor na mapaniwalaín upang payagan silang magkaroon ng kapangyarihan sa kanilang iglesia. Kung ikaw ay isang pastor, huwag kang paloloko sa mga nag-aangat ng sarili, gutom-sa-kapangyarihang huwad na apostol. Kadalasang sila’y lobong nakadamit-tupa. Madalas na salapi ang pakay nila. Nagbababala ang Biblia laban sa mga huwad na apostol (tingnan ang 2 Cor. 11:13; Pah. 2:2). Kung kailangan nilang sabihin sa inyo sa sila’y apostol, tiyak na indikasyon iyan na hindi sila apostol. Ang kanilang bunga ang dapat magsabi kung sino sila.

Ang pastor na nagtatatag ng sarili niyang iglesia at magiging pastor nito nang maraming taon ay hindi apostol. Mga ganitong pastor, marahil, ay maituturing na “apostolic pastor” dahil sinumulan nila ang sarili nilang iglesia. Bagama’t hindi sila maituturing na apostol dahil ang apostol ay patuloy na nagtatatag ng mga iglesia.

Isang tunay na nahirang na “missionary,” na naturingan ngayon, na ang pangunahing tawag ay magtatag ng simahan, ay maaaring maglingkod bilang apostol. Sa kabilang dako, ang mga misyunerong nagtatatag ng Bible school o mga pastor na nagbibigay ng training ay hindi apostol kundi guro.

Ang ministeryo ng tunay na apostol ay nakikilala sa mga di-karaniwang tanda at himala, na tumutulong sa kanya upang itatag ang mga iglesia. Isinulat ni Pablo:

Kahit na wala akong kabuluhan, hindi naman ako nahuhuli sa magagaling na apostol na iyan. Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako’y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay (2 Cor. 12:11b-12).

Kung ang isang tao ay walang tanda at himalang kasama ng kanyang ministeryo, hindi siya apostol. Malinaw na bihira ang mga tunay na apostol, at wala sila sa iglesiang mapagpanggap, hindi banal, at huwad-ang-ebanghelyo. Kadalasang nakikita ko sila sa mga lugar sa mundong mayroon pang teritoryong dalisay pa para sa ebanghelyo.

Ang Mataas na Ranggo ng Apostol (The High Rank of the Apostle)

Sa dalawang listahan sa Bagong Tipan ng mga kaloob na ministeryo, ang katungkulan ng apostol ay unang itinala, ipinapakitang ito ang pinakamataas (tingnan ang Efe. 4:11; 1 Cor. 12:28).

Walang nagsisimula ng kanyang ministeryo bilang apostol. Ang isang tao ay maaaring matawag na maging apostol pagdaan ng panahon, nguni’t hindi siya ma-uumpisa sa katungkulang iyan. Kailangan pa niyang patunayan ang kanyang sarili sa pangangaral at pagtuturo, pagkatapos ay maglilingkod siya sa katungkulang inihanda ng Diyos para sa kanya. Si Pablo ay tinawag mula sa sinapupunan ng kanyang ina upang maging apostol, nguni’t ginugol niya ang maraming taon sa buong ministeryo hanggang naglingkod siya sa panunungkulang iyon (tingnan ang Gw.. 1:15-2:1). Katunayan ay nag-umpisa siya bilang guro at propeta (tingnan ang Gw.13:1-2), at nang lumaon ay na-promote na maging apostol nang ipinadala siya ng Espiritu Santo (tingnan ang Gw.14:14).

Makikita natin ang pagbanggit sa iba pang apostol maliban kay Pablo at ang orihinal na labindalawa sa Mga Gawa 1:15-26; 14:14; Ro. 16:7; 2 Cor. 8:23; Ga. 1:17-19; Fil. 2:25 at 1 Tes. 1:1 at 2:6. (Ang salitang isinalin bilang mensahero sa 2 Cor. 8:23 at Fil. 2:25 ay ang Griegong salitang apostolos.) Iwinawaksi nito ang teoryang ang katungkulang apostol ay limitado sa labindalawang lalaki lamang.

Nguni’t labindalawang apostol lamang ang mauuring “Apostol ng Kordero,” at ang labindalawang iyon lamang ang magkakaroon ng natatanging lugar sa paghaharing milenya ni Cristo (tingnan ang Mt. 19:28; Pah. 21:14). Hindi na natin kailangan ang apostol na tulad ni Pedro, Santiago, at Juan na pambihirang binigyang-inspirasyon upang sumulat ng Biblia, dahil kumpleto na ang pahayag. Nguni’t ngayon, kailangan pa natin ng mga apostol na magtatatag ng iglesia sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na tulad ng ginawa nina Pablo at iba pang apostol, na inilarawan sa libro ng Mga Gawa.

Ang Katungkulan ng Propeta (The Office of Prophet)

Ang isang propeta ay siyang tumatanggap ng pahayag na di-karaniwan at nagsasalita sa banal na inspirasyon. Kung gayon, lagi siyang ginagamit sa espiritwal na kaloob ng paghahayag ng mensaheng mula sa Diyos pati na rin ang mga kaloob na pagpapahayag: ang salita ng karunungan, ang salita ng kaalaman, at pagkilala sa mga espiritu.

Ang sinumang mananampalataya ay maaaring gamitin ng Diyos sa kaloob na pagpapahayag ng mensahe mula sa Diyos kung kalooban ng Espiritu, nguni’t hindi niyan ginagawang propeta ang mananalita. Ang isang propeta ay, una sa lahat, isang ministro na makapangagaral o makapagtuturo nang may paghirang. Dahil mukhang ang propeta ang pangalawang pinakamataas na tawag (tingnan ang pagkakasunod na nakalista sa 1 Cor. 12:28), kahit isang ganap na ministro ay hindi manunungkulang propeta hangga’t hindi siya naging ministro nang ilang taon. Kung talagang manunungkulan siya bilang propeta, magkakaroon siya ng kahandaang d-karaniwan na kasama nito.

Dalawang lalaking natawag na propeta sa Bagong Tipan ay sina Judas at Silas. Mababasa natin sa Mga Gawa15:32 na nagbigay sila ng mahabang pahayag sa iglesia sa Antioquia:

Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpalakas ng kanilang loob at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya.

Isa pang halimbawang Bagong Tipan ng isang propeta ay si Agabo. Sa Gw. 11:27-28 mababasa natin:

Nang panahong iyon, dumating sa Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem. Tumayo ang isa sa kanila na ang pangala’y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong kapanahunan ni Emperador Claudio.

Pansinin na nabigyan si Agabo ng salita ng karunungan—isang bagay sa hinaharap ay ibinunyag sa kanya. Siyempre, hindi alam ni Agabo ang lahat ng mangyayari sa kinabukasan, ang alam lamang niya ay ang kalooban ng Espiritu Santong ibunyag sa kanya.

Sa Mga Gawa 21:10-11, may isa na namang halimbawa ng salita ng karunungang umiiral sa ministeryo ni Agabo. Sa pagkakataong ito, para sa isang tao, si Pablo:

Makalipas ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala’y Agabo. Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya’y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’”

Nasa biblia ba sa ilalim ng bagong kasunduan na maaaring humingi ng personal na payo sa mga propeta? Hindi. Ang dahilan ay taglay lahat ng mananampalataya sa kanilang kalooban ang Espiritu Santo upang patnubayan sila. Ang isang propeta’y dapat patotohanan lamang sa isang mananampalataya ang alam na niyang pamamatnubay ng Diyos sa kanyang sariling espiritu. Halimbawa, nang magpahayag si Agabo kay Pablo, wala siyang ibinigay na pamamatnubay sa kung ano ang kanyang gagawin; pinatotohanan lamang niya ang alam na ni Pablo nang ilang panahon.

Tulad ng nabanggit na, nanungkulan si Pablo bilang propeta (at guro) bago siya tinawag sa ministeryo bilang apostol (tingnan ang Gw.13:1). Alam natin na nakatanggap si Pablo ng mga pahayag mula sa Panginoon ayon sa Ga.1:11-12, at nagkaroon din siya ng ilang pangitain (tingnan ang Gw. 9:1-9; 18:9-10; 22:17-21; 23:11; 2 Cor. 12:1-4).

Tulad ng tunay na mga apostol, hindi natin makikita ang mga tunay na propeta sa huwad na iglesia. Iiwasan (at iniiwasan) ng huwad na simbahan ang tunay na propetang tulad nina Silas, Judas o Agabo. Ang dahilan ay dadalhin ng mga tunay na propeta ang pahayag ng pagkadismaya ng Diyos sa di nila pagsunod (na siyang ginawa ni Juan sa karamihan sa mga iglesia sa Asia Minor sa unang dalawang kabanata ng Pahayag). Hindi bukas ang huwad na iglesia sa ganyan.

Ang Katungkulan ng Guro (The Office of Teacher)

Ayon sa nakatalang pagkakasunud-sunod sa 1 Corinto 12:28, ang katungkulan ng guro ay pangatlong pinakamataas na tawag. Ang guro ay isang nahirang sa di-pangkaraniwang paraan upang magturo ng Salita ng Diyos. Dahil lamang sa nagtuturo ang isang tao ng Biblia, hindi ibig sabihin na siya’y isang guro ng Bagong Tipan. Marami ang nagtuturo dahil gusto nila o naoobliga sila, nguni’t ang isang taong nanunungkulan bilang guro ay di-pangkaraniwang binigyan ng kaloob upang magturo. Kadalasang binibigyan siya ng di-pangkaraniwang pahayag tungkol sa Salita ng Diyos at maipapaliwanag niya ang Biblia sa isang paraang madali itong maintindihan at gamitin.

Si Apolos ay halimbawa sa Bagong Tipan ng isang gumanap ng katungkulang ito. Ikinumpara ni Pablo ang kanyang ministeryong apostoliko at ang ministeryong pagtuturo ni Apolos sa 1 Corinto sa pagsasabing:

Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subali’t ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago….inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali (1 Cor. 3:6, 10b, idinagdag ang pagdidiin).

Si Apolos na guro ay hindi gumawa ng orihinal na pagtatanim o paglalagay ng pundasyon. Bagkus, diniligan niya ang mga bagong tubo ng Salita ng Diyos at naglagay ng mga dingding sa nakatayong pundasyon.

Binanggit din si Apolos sa Mga Gawa 18:27:

At nang ipasya niyang pumunta sa Acaya, sumulat sila sa mga kapatid doon upang malugod nilang tanggapin si Apolos. Pagdating doon, malaki ang naitulong niya sa mga mananampalataya dahil sa kagandahang-loob ng Diyos.

Pansinin na “malaki ang naitulong” ni Apolos sa mga taong Cristiano na at ang kanyang pagtuturo ay inilarawan na “makapangyarihan.” Ang nahirang na pagtuturo ay laging makapangyarihan.

Para sa iglesia, ang ministeryo ng pagtuturo ay higit pang mahalaga kaysa sa paggawa ng himala o kaloob na pagpapagaling. Kaya una itong itinala bago mga kaloob sa 1 Corinto 12:28:

Naglagay ang Diyos sa iglesia, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay din Siya ng mga gumagawa ng himala, ng mga nagpapagaling ng mga maysakit (idinagdag ang pagdidiin).

Sa malas, kung minsan ay higit na naaakit ang mga mananampalataya sa pagtingin sa mga ginagamot kaysa makinig sa malinaw na pagtuturo sa Salita na makalilikha ng espiritwal na paglago at kabanalan sa kanilang buhay.

Binabanggit ng Biblia ang kapwa pangangaral at pagtuturo. Higit na lohikal at instruksyonal ang pagtuturo, samantalang ang pangangaral ay nagbibigay ng inspirasyon at motibasyon. Sa pangkalahatan, nangangaral ang mga ebanghelista. Mga guro at pastor ay nagtuturo. Nangangaral at nagtuturo ang mga apostol. Nakapanghihinayang na ang ilang mananampalataya ay hindi nakakikilala ng kahalagahan ng pagtuturo. Ilan pa ang nagpapalagay na hinihirang lamang ang mga tagapagsalita kung malakas at mabilis silang nangangaral! Hindi naman totoo iyan.

Si Jesus ang pinakamainam na halimbawa ng hinirang na guro. Ang pagtuturo Niya ay malaking bahagi ng Kanyang ministeryo na marami ang tumatawag sa Kanya ng “Guro” (Mt. 8:19; Mc. 5:35; Jn. 11:28).

Para sa karagdagang pag-aaral tungkol sa mga guro at pagtuturo, tingnan ang Gw. 2:42; 5:21, 25, 28, 42; 11:22-26; 13:1; 15:35; 18:11; 20:18-20; 28:30-31; Ro. 12:6-7; 1 Cor. 4:17; Gal. 6:6; Col. 1:28; 1 Tim. 4:11-16; 5:17; 6:2; 2 Tim. 1:11; 2:2 at San. 3:1. Ang pinakahuling siping nakalista ay nagsasabi sa atin na ang mga guro ang higit na mahigpit humatol, kaya kailangan nilang maging maingat sa kanilang itinuturo. Dapat nilang ituro lamang ang Salita.

Ang Katungkulan ng Ebanghelista (The Office of Evangelist)

Ang ebanghelista ay isang hinirang na mangaral ng ebanghelyo. Naitalaga ang kanyang mga mensahe upang dalhin ang mga tao sa pagsisisi at pananampalataya sa Panginoong Jesu Cristo. Sinasamahan sila ng mga himalang nang-aakit ng atensyon ng mga di-mananampalataya at hatulan sila ng katotohanan ng kanyang mensahe.

Walang dudang maraming ebanghelista sa sinaunang iglesia, nguni’t isang tao lamang ang nakalista sa libro ng Mga Gawa bilang ebanghelista. Ang pangalan niya ay Felipe:

“Kinabukasan, tumuloy kami sa Caesaria sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem” (Gw. 21:8, idinagdag ang pagdidiin).

Inumpisahan ni Felipe ang kanyang ministeryo bilang tagasilbi (o marahil “deakono”) na nagsisilbi sa mga mesa (tingnan ang Gw. 6:1-6). Na-promote siya sa katungkulan bilang ebanghelista sa panahon ng pag-uusig ng iglesia na umusbong dahil sa pagiging martir ni Stephen. Una niyang ipinangaral ang ebanghelyo sa Samaria:

Nagpunta si Felipe sa lunsod ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. Nang mapakinggan ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginagawa niya, inisip nilang mabuti ang kanyang sinasabi. Ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong sinasapian ng mga ito at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang napagaling kaya’t nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon (Gw. 8:5-8).

Pansinin na may isang mensahe si Felipe—Cristo. Ang layunin niya ay mag-umpisang lumikha ng mga alagad, ibig sabihin, masunuring tagasunod ni Cristo. Ipinahayag niya si Cristo bilang tagagawa ng himala, Ang Anak ng Diyos, Panginoon, Tagapagligtas, at darating-na-Hatol. Hinikayat niya ang mga tao upang magsisi at sumunod sa kanyang panginoon.

Pansinin rin na may kahandaan si Felipe sa mga tandang di-karaniwan at himalang nagpatotoo sa kanyang mensahe. Ang isang gumaganap sa katungkulang ebanghelista ay mahihirang ng mga kaloob na pagpapagaling at iba pang espiritwal na kaloob. May huwad lang na ebanghelista ang iglesia na nagpapahayag ng huwad na ebanghelyo. Puno ang mundo ngayon ng ganyang uri ng ebanghelista, at malinaw na hindi pinapatotohanan ang kanilang mensahe sa pamamagitan ng mga himala at pagpapagaling. Ang simpleng dahilan ay hindi nila ipinahahayag ang Kanyang ebanghelyo. Hindi nila talaga ipinangangaral si Cristo. Kadalasan ay ipinangangaral nila ang mga pangangailangan ng mga tao at kung paano sila mabibigyan ni Cristo ng saganang buhay, o ipinangagaral ang isang pormula ng kaligtasang hindi kasama ang pagsisisi. Dinadala nila ang mga tao sa huwad na pagbabagong nampapalubag ng kanilang kasalanan nguni’t hindi sila nililigtas. Ang resulta ng kanilang pangangaral ay nababawasan ang pagkakataon ng mga taong maipanganak muli, dahil ngayon wala silang nakikitang pangangailangang tanggapin ang akala nila’y nasa kanila na. Ang mga ebanghelistang ganito at talagang tumutulong sa pagtatayo ng kaharian ni Satanas.

Ang katungkulan ng ebanghelista ay hindi nakatala kasama ng ibang kaloob na ministeryo sa 1 Corinto 12:28 tulad ng sa Efeso 4:11. Nguni’t ipinapalagay ko na ang pagbanggit doon sa “himala at kaloob na pagpapagaling” ay tungkol sa katungkulang ng ebanghelista dahil inilalarawan ng mga iyon ang ministeryo ng ebanghelistang si Felipe, at talagang di-pangkaraniwang binibigyan nila ng patotoo ang ministeryo ng sinumang ebanghelista.

Maraming lumilipat sa mga iglesia na itinuturing ang sariling ebanghelista ay hindi tunay na ebanghelista dahil nangangaral lamang sila sa mga gusaling iglesia sa mga Cristiano, at wala silang kahandaan sa kaloob na pagpapagaling o himala. (Ang ilan ay nagpapanggap na mayroong ganitong kaloob, nguni’t naloloko lang nila ang mga walang alam. Ang pinakamalaki nilang himala ay ang ihulog pansamantala ang mga taong itinutulak nila.) Ang mga lumilipat na ministro o guro o mangangaral o tagahikayat (tingnan ang Ro. 12:8), nguni’t hindi sila nanunungkulan bilang ebanghelista. Nguni’t posibleng simulan ng Diyos ang ministeryo ng isang tao bilang tagahikayat o mangangaral at saka i-promote sa katungkulan ng ebanghelista.

Bilang karagdagang pag-aaral sa katungkulan ng ebanghelista, basahin ang Mga Gawa 8:4-40, isang tala ng ministeryo ni Felipe. Pansinin doon ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng mga kaloob na ministeryo (partikular na tingnan ang berso 14-25) at kung paano ipinangaral ni Felipe hindi lamang ang ebanghelyo sa mga kawan kundi dinala siya ng Diyos upang maglingkod rin sa mga indibidwal (tingnan ang Gw. 8:25-39).

Tila nakomisyon ang mga ebanghelista upang bautismuhan ang kanilang mga napagbago, nguni’t hindi kailangang nakomisyon sila upang maglingkod na bautismo sa Espiritu Santo sa bagong mananampalataya. Ang tungkuling iyan ay pangunahin sa apostol/pastor/pinuno/tagapangasiwa.

Ang Katungkulan ng Pastor (The Office of Pastor)

Sa dalawang naunang kabanata, ikunumpara ko ang papel na biblikal ng pastor sa karaniwang pastor sa institusyon. Bagama’t mayroon pang masasabi tungkol sa ministeryo ng pastor.

Upang ganap na maintindihan ang itinuturo ng Biblia sa katungkulan ng pastor, kailangan nating intindihin ang tatlong pangunahing salita sa Griego. Sa wikang Griego sila ay

(1) poimen, (2) presbuteros at (3) episkopos. Sunud-sunod silang isinalin bilang (1) pastol o pastor, (2) pinuro, at (3) tagapangasiwa o obispo.

Ang salitang poimen ay makikita nang labingwalong ulit sa Bagong Tipan at isinalin bilang pastol nang labimpitong ulit pastor nang isang beses. Ang pandiwang poimaino, ay pastol.

Ang Griegong salitang presbuteros ay animnapu’t anim na ulit na binanggit sa Bagong Tipan. Sa animnapu doon, isinalin itong pinuno o mga pinuno.

Bilang pagtatapos, ang Griegong salitang episkopos ay limang beses na makikita sa Bagong Tipan, at isinalin bilang tagapangasiwa sa apat sa mga iyon. Isinalin ito ng King James Version bilang obispo.

Lahat ng tatloy’ bumabanggit sa parehong katungkulan sa iglesia, at pinagpapalit-palit ang gamit sa mga ito. Sa tuwing nagtatatag ng iglesia si Pablo, nagtatalaga siya ng mga pinuno (presbuteros) na inatasang mangalaga sa mga lokal na kongregasyon (tingnan ang Gw.14:23, Tito 1:5). Ang tungkulin nila ay maging tagapangasiwa (episkopos) at magpastol (poimaino) ng kanilang kawan. Halimbawa, mababasa natin sa Gawa 20:17:

Mula sa Mileto, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno [presbuteros] ng iglesia sa Efeso (idinagdag ang pagdidiin).

At ano ang sinabi ni Pablo sa mga pinuno ng iglesia?

Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagka’t sila’y inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pag-iingat [episkopos]. Pangalagaan ninyo [poimaino] ang iglesia ng Diyos na Kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng Kanyang anak (Gw. 20:28, idinagdag ang pagdidiin).

Pansinin ang papalit-palit na gamit ng tatlong salitang Griego. Hindi sila tatlong iba-ibang katungkulan. Sinabi ni Pablo sa mga pinuno na sila ay mga tagapangasiwa na kumilos na parang pastol.

Isinulat ni Pablo sa kanyang unang sulat:

Sa mga matatandang namumuno [presbuteros] sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesia na tulad ninyo. Saksi ako sa mga paghihirap ni Cristo at makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Nakikiusap ako sa inyo, alagaan [poimaino] ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Alagaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa nila kayo. At pagparito ng Pinunong Pastol at tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman (1 Petd 5:1-4, idinagdag ang pagdidiin).

Sinabihan ni Pedro ang mga pinuno upang alagaan (pastolan) [2] ang kanilang kawan. Ang pandiwang isinalin dito bilang pastol (alaga) ay isinalin (sa pangngalang porma) bilang pastor sa Efeso 4:11:

At binigyan Niya [Jesus] ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama’y mga propeta, ang iba’y ebanghelista, at ang iba’y pastor at guro (idinagdag ang pagdidiin).

Inaakay din tayo nito upang maniwalang ang mga pinuno at pastor ay pareho.

Papalit-palit din ang paggamit ni Pablo sa mga salitang pinuno (presbuteros) at tagapangasiwa (episkopos) sa Tito 1:5-7:

Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang pumili ka ng mga matatandang mamamahala sa iglesia…taong walang kapintasan… (idinagdag ang pagdidiin).

Kung gayon hindi makatwirang pagtatalunan na ang katungkulan ng pastor, pinuno, at tagapangasiwa ay hindi parehong katungkulan. Anumang isinulat tungkol sa mga tagapangasiwa at pinuno sa mga sulat sa Bagong Tipan ay patungkol sa mga pastor.

Pamamahala ng iglesia (Church Governance)

Napakalinaw din sa mga siping nabanggit na hindi lang nabigyan ang mga pinuno/pastor/tagapangasiwa ng espiritwal na pangangasiwa sa iglesia, kundi nabigyan din sila ng kapangyarihan na mamahala. Sa payak na pananalita, ang mga pinuno/pastor/tagapangasiwa ay boss, at ang mga miyembro ng iglesia ay tatalima sa kanila:

Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila’y may pananagutang mangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos ukol diyan (Heb. 13:17).

Siyempre, walang Cristiano ang dapat pasakop sa pastor na hindi nagpapasakop sa Diyos, nguni’t dapat din niyang kilalanin na walang perpektong pastor.

Ang mga pastor/pinuno/tagapangasiwa ay may kapangyarihan sa kanilang mga iglesia tulad ng pagkakaroon ng kapangyarihan ang ama sa kanyang pamilya:

Kaya nga, ang isang tagapangasiwa [pastor/pinuno] ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, bukas ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo. Hindi siya lasenggo, hindi marahas, kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi. Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Sapagka’t paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesia ng Diyos kung hindi niya maiayos ang sarili niyang pamilya? (1 Tim. 3:2-5, idinagdag ang pagdidiin).

Nagpatuloy si Pablo,

Ang mga pinunong[pastors/overseers] mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo sa salita ng Diyos (1 Tim. 5:17, idinagdag ang pagdidiin).

Malinaw na ang mga pinuno ang mamamahala sa iglesia.

Mga Pinunong Hindi Itinalaga sa Biblia (Unscriptural Elders)

Naniniwala ang maraming iglesia na biblikal ang istruktura nila ng pamamahala dahil may grupo sila ng mga pinunong namamahala, nguni’t ang problema, mali ang konsepto nila ng pinuno. Regular na pinagbobotohan ang kanilang mga pinuno at pinagpapalit-palit sa katungkulan ang mga miyembro sa kongregasyon. Kadalasang tinutukoy sila bilang

“The Board of Elders.” Nguni’t hindi sila pinuno sa depinisyong biblikal. Kung titingnan lang natin ang mga kailangan na inisa-isa ni Pablo upang maging pinuno, lilinaw ito. Isinulat ni Pablo na ganap na gawain ang pagiging pinuno, kaya may bayad, pagtuturo/pangangaral at pamamahalang posisyon sa iglesia (tingnan ang 1 Tim. 3:4-5; 5:17-18; Tito 1:9). Ilan lang, kung mayroon, sa mga taong nasa “elder boards” ng iglesia ang tutupad ng mga nabanggit na pangangailangan. Wala silang bayad; hindi sila nangangaral o nagtuturo; hindi ganap na buong panahon ang trabaho sa iglesia; at bihira ang may kaalaman sa pamamahala sa iglesia.

Ang hindi biblikal na pamamahala ng iglesia ang nagiging sanhi ng higit na maraming problema sa iglesia kaysa sa anupamang dahilan. Kapag ang mga maling tao ang namamahala sa iglesia, magkakagulo. Magbubukas ito ng pinto ng kagulugan, kompromiso at tuluyang pagkamatay ng iglesia. Ang hindi biblikal na pamamahala ng iglesia ay parang banig ng pagtanggap sa demonyo.

Alam ko na sumusulat ako sa mga pastor ng mga iglesiang kapwa institusyunal at tahanan. Ang ilang pastor na institusyunal ay maaaring nagpapastor ng mga iglesiang mayroon nang hindi biblikal na istruktura ng pamamahala kung saan ang mga pinuno ay pinipili mula sa kongregasyon. Ang mga hindi biblikal na istrukturang ito ay hindi mapapalitan nang walang kaguluhang mangyayari. Ang payo ko sa mga pastor na iyon ay gawin ang makakaya sa tulong ng Diyos upang palitan ang istruktura ng pamamahala at tiisin ang posibleng di-maiiwasang pansamantalang di-pagkakaunawaan, dahil ang regular na di-pagkakaunawaan ay hindi mawawala kung wala siyang gagawin. Kung magtatagumpay siya sa pagtitiis sa ilang pansamantalang kaguluhan, maiiwasan niya ang lahat ng kaguluhan sa kinabukasan. Kung mabibigo siya, maaari siyang magsimula ng bagong iglesia at gawin ito ayon sa Biblia mula umpisa.

Bagama’t masakit, sa kalaunan ay higit na magbubunga ito para sa kaharian ng Diyos. Kung ang mga kasalukuyang namamahala ng kanyang iglesia ay tunay na alagad ni Cristo, magkakaroon siya ng pagkakataong matagumpay na kumbinsihin silang baguhin ang istruktura kung matagumpay niyang mapapayag sila mula sa Biblia upang gawin ang kinakailangang pagbabago.

Ang pagiging maramihan ng mga Pinuno? (The Plurality of Elders?)

Nais ipakita ng iba na ang mga pinuno ay laging tinutukoy sa Biblia bilang maramihan, kung gayon nangangahulugang ipinapakitang hindi makabiblia ang magkaroon ng isang pinuno/pastor/tagapangasiwa na nagdadala ng kawan. Nguni’t hindi ito kapani-paniwalang katibayan, sa aking palagay. Tunay na binabanggit ng Biblia na, sa mga tanging lunsod, higit na isang pinuno ang nangangasiwa sa iglesia, nguni’t hindi sinasabi na ang mga pinunong iyon ay kapantay ng mga kongregasyon na may iisa lang na pinuno. Halimbawa, nang tipunin ni Pablo ang mga pinuno mula sa Efeso (tingnan ang Gw. 20:17), lubhang malinaw na ang mga pinunong iyon ay mula sa isang lunsod kung saan ang pangkalahatang katawan ay binubuo ng libu-libo o marahil ay sampu-sampung libo ng tao (tingnan ang Gw. 19:19). Kung magkagayon may maraming kawan sa Efeso, at posibleng isang pinuno ang nangasiwa ng isang tahanang iglesia.

Walang halimbawa sa Biblia na tinawag ng Diyos ang isang komite upang gawin ang anumang trabaho. Nang ginusto Niyang iligtas ang Israel sa Egipto, tinawag Niya ang isang tao, si Moises, upang maging pinuno. Ang iba ay tinawag upang tulungan si Moises, nguni’t lahat ay mas mababa sa kanya, at tulad niya, bawa’t isa sa kanila ay may sariling tungkulin sa isa pang maliit na grupo ng tao. Ang padron na ito ay paulit-ulit na nakikita sa Biblia. Kapag may ipagagawa ang Diyos, tinatawag Niya ang isang tao upang mamahala, at tumatawag Siya ng iba upang tulungan ang taong iyon.

Kaya mukhang hindi tatawag ang Diyos ng isang komite ng pinunong kapwa pantay ang kapangyarihan upang mamahala sa bawa’t maliit na tahanang iglesiang may dalawampung tao. Parang paanyaya sa kaguluhan.

Hindi ibig sabihin na bawa’t tahanang iglesia ay pamahalaan ng isa at isa lang na pinuno. Nguni’t sinasabing kung may higit sa isang pinuno ang iglesia, ang nakababata at espiritwal na nakababatang pinuno ay dapat pasakop sa pinakamatanda at pinaka-espiritwal na pinuno. Sa Biblia, ang mga iglesia, hindi mga Bible School, ang dapat na training ground para sa mga bagong pastor/pinuno/tagapangasiwa, kaya posible at mainam din na magkaroon ng maraming pinuno/pastor/tagapangasiwa sa isang tahanang iglesia, kung saan ang espiritwal na nakababata ay dinidisiplina ng nakatatanda.

Namasdan ko ang ganitong penomenon kahit sa mga iglesia na sinasabing pinangangasiwaan ng “magkapantay” na pinuno. Laging may isang tinitingala ng iba. O may isang dominante samantalang ang iba ay higit na pasibo. Kung hindi, sa kalaunan ay magkakagulo. Isang katotohanan na kahit mga komite ay laging pumipili ng isang pangulo.Kapag ang isang grupo ng magkakapantay na tao ay mag-uumpisa ng isang trabaho, kinikilala nila dapat may isang lider. Ganyan rin sa iglesia.

Gayundin, ang tungkulin ng mga pinuno ay parang tungkulin ng mga ama ni Pablo sa 1 Timoteo 3:4-5. Kailang pamahalaan ng mga pinuno ang sarili nilang mag-anak, kung hindi hindi sila handang mamahala ng iglesia. Nguni’t paano pamahalaang mabuti ang isang pamilyang may dalawang ama? Palagay ko ay magkakaroon ng mga problema.

Ang mga pinuno/pastor/tagapangasiwa ay dapat kasama sa network ng isang mas malaking lokal na katawan upang kspwa may pananagutan ang lahat ng pinuno na tutulong sakaling may problemang kakailanganin sila. Isinulat ni Pablo ang isang “presbyteryo” (tingnan ang 1 Tim. 4:14), na maaaring miting ng mga presbuteros (pinuno) at posibleng ibang taong may kaloob na ministeryo. Kung may apostol na nagtatag, makakatulong din siya kung may problema sa isang lokal na katawan na naging bunga ng isang pinunong nagkamali. LKpag nawawalay ang mga institusyunal na pastor, laging nagbubunga ng malaking problema dahil sa istruktura ng iglesia. May gusali at programang aalagaan. Nguni’t ang mga tahanang iglesia ay madaling buwagin kapag nawalay ang isang pastor. Sasali lamang ang mga miyembro sa ibang katawan.

Kapangyarihang Magsilbi (Authority to Serve)

Dahil binibigyan ng Diyos ng kapangyarihang espiritwal at pamamahala sa kanyang iglesia, hindi siya nito binibigyan ng karapatang sakupin ang kanyang kawan. Hindi nila siya Panginoon—kundi si Jesus. Hindi niya sila kawan—sila ay kawan ng Diyos.

Alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Alagaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa nila kayo. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman. (1 Ped. 5:2-4, idinagdag ang pagdidiin).

Bawa’t pastor ay magbibigay ng kasaysayan para sa kanyang ministeryo balang araw sa harap ng hukuman ni Cristo.

Gayundin, sa usaping pananalapi, ang iisang pastor/pinuno/tagapangasiwa ay hindi dapat nag-iisa. Kung may salaping regular o paminsan-minsang kinokolekta para sa anuman, ang iba sa katawan ay hindi magkakaroon ng pagdududa tungkol sa paghawak ng salapi (tingnan ang 2 Cor. 8: 18-23). Maaaring pinagbotohan o itinalagang grupo.

Pagbabayad sa mga Pinuno (Paying Elders)

Malinaw sa Biblia na ang mga pinuno/tagapangasiwa/pastor ay kailangang bayaran, dahil buo ang paninilbihan nila sa iglesia. Isinulat ni Pablo,

Ang mga pinunong mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. Sapagka’t sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito’y gumigiik.” Nasusulat din, “Ang manggagawa ay karapat-dapat bayaran” (1 Tim. 5:17-18).

Malinaw ang paksa—pati si Pablo ay gumagamit ng salitang suweldo. Ang kanyang hindi malinaw na pahayag na karapat-dapat tumanggap ng paggalang ang mga mahusay mamahala ay madaling intindihin kapag tiningnan ang konteksto. Sa mga nakaraang berso, walang dudang isinulat ni Pablo ang tungkulin ng iglesia upang suportahan ng salapi ang mga balong hindi nasusuportahan, at inumpisahan niya sa paggamit ng parehong ekspresyon: “Tulungan mo ang biyudang walang ikabubuhay” (tingnan ang 1 Tim. 5:3-16). Kaya sa kontekstong ito, ang “tulungan” ay suportahan ng salapi. Ang mga pinunong mahusay na namamahala ay maituturing na doble ang paggalang na tatanggapin nila, na tatanggap ng di kukulang sa doble sa tatanggapin ng mga biyuda, higit pa kung may mga anak sa susuportahan.

Sa pangkalahatan, sinusuportahan ng institusyunal na iglesia sa buong mundo ang kanilang pastor (kahit sa mahihirap na bansa), nguni’t parang marami sa tahanang iglesia sa buong mundo, lalo na sa kanluran, ay hindi. Naniniwala akong ang dahilan dito ay maaaring ang mga motibo sa Kanluraning mundo sa pagsama sa mga tahanang iglesia ay talagang rebelde sila, at naghahanap sila, at nakahanap na sila ng porma ng Cristianidad na matatagpuan sa planeta na kaunti lang ang hinihingi sa kanila. Sinasabi nilang sumama sila sa tahanang iglesia dahil gusto nilang iwasan ang paggapos ng iglesiang institusyunal, nguni’t gusto lang nila talagang iwasan ang anumang pangako kay Cristo. Nakahanap sila ng iglesiang walang hinihinging pangakong pinansyal, mga iglesiang mahigpit na sumasalungat sa inaasahan ni Cristo sa Kanyang mga alagad. Ang mga taong ang diyos ay salapi at pinatutunayan nila ito sa pag-iipon ng kayamanan sa lupa sa halip na sa langit ay hindi tunay na alagad ni Cristo (tingnan ang Mt. 6:19-24; Lu. 14:33). Kung ang Cristianidad ng isang tao ay hindi nakakaapekto sa ginagawa niya sa kanyang salapi, hindi siya talagang Cristiano.

Ang mga tahanang iglesia na nag-aangking biblikal ay dapat sumusuporta sa kanilang pastor, at nangangalaga sa mahihirap at sumusuporta rin sa mga misyon. Sa pagbibigay at sa lahat ng usaping pananalapi, dapat ay hihigit sila sa mga iglesiang institusyunal, dahil wala silang gusaling babayaran at walang katulong sa mga programa na susuwelduhan. Sampung tao lamang na nagbibigay ng ikapu ay maaari nang sumuporta sa isang pastor. Sampung taong nagbibigay ng 20% ng kanilang suweldo ay makasusuporta ng isang pastor at isang misyunerong namumuhay na tulad ng pamantayan ng kanilang pastor.

Ano ang ginagawa ng mga Pastor? (What do Pastors do?)

Isipin mong tinatanong mo ang isang pumupunta sa iglesia, “Kaninong trabaho ang mga ito?”

Sino ang kailangang magpamahagi ng ebanghelyo sa mga di ligtas na tao? Mamuhay nang banal? Manalangin? Magpayo, manghikayat at tumulong sa ibang mananampalataya? Dumalaw sa maysakit? Aako ng pasanin ng iba? Gamitin ang kanyang mga kaloob para sa katawan? Itakwil ang kanyang sarili, nagtitiis para sa kapakanan ng kaharian ng Diyos? Lumikha at magbautismo ng mga alagad, tinuturuan sila upang sundin ang mga utos ni Cristo?

Maraming sasagot, nang walang pag-aatubili, “Ang lahat nang iyan ay tungkulin ng pastor.” Nguni’t tama ba? Ayon sa Biblia, lahat ng mananampalataya ay dapat magpamahagi ng ebanghelyo sa mga di ligtas na tao:

Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso at sambahin ninyo siya bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa na nasa inyo (1 Ped. 3:15).

Bawa’t mananampalataya ay dapat mamuhay nang may kabanalan:

Bilang mga lingkod ni Cristo, panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali (1Pet. 1:15-16).

Bawa’t mananampalataya ay dapat manalangin:

Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin (1 Tes. 5:16-17).

Bawa’t mananampalataya ay inaasahang magpayo, manghikayat at tumulong sa ibang mananampalataya:

Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Pagtiyagaan ninyo silang lahat (1Tes. 5:14, idinagdag ang pagdidiin).

Bawa’t mananampalataya ay dapat dumalaw sa maysakit:

Ako’y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan (Mt. 25:36).

Marami pang Tungkulin (More Responsibilities)

Nguni’t hindi lang iyan. Bawa’t mananampalataya ay dapat magpatong ng kanilang kamay at pagalingin ang maysakit:

Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba’t ibang wika. Hindi sila maaano kahit dumampot sila ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay (Mc. 16:17-18, idinagdag ang pagdidiin).

Papasanin ng bawa’t mananampalataya ang dinadala ng kapwa mananampalataya:

Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng bawa’t isa, sa gayong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo (Gal. 6:2).

Bawa’t mananampalataya ay inaasahang tuparin ang kanyang kaloob para sa iba:

Tumanggap tayo ng iba’t ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya’t gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. Magpalakas ng loob ang may kaloob na pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak (Ro. 12:6-8).

Bawa’t mananampalataya ay dapat magtakwil ng kanyang sarili, magtitiis sa kapakanan ng ebanghelyo:

Pinalapit ni Jesus ang mga tao at ang Kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa Akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang drus, at sumunod sa Akin. Ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; nguni’t ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito” (Mc. 8:34-35, idinagdag ang pagdidiin).

At bawa’t mananampalataya ay inaasahang lumikha at magbautismo ng mga alagad, at turuan silang sumunod sa mga utos ni Cristo:

Kaya’t sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Nguni’t ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit (Mt. 5:19, idinagdag ang pagdidiin).

Dapat sana’y mga tagapagturo na kayo, subali’t hangga ngayo’y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang araling tungkol sa mga Salita ng Diyos. Dapat sana’y kumakain na kayo ng matigas na pagkain nguni’t hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya (Heb. 5:12, idinagdag ang pagdidiin).

Kaya’t habang kayo’y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mt. 28:19-20, idinagdag ang pagdidiin). [3]

Lahat ng mga tungkuling ito ay ibinigay sa bawa’t mananampalataya, nguni’t ipinapalagay ng karamihan sa mga dumadalo sa iglesia na ibinigay ang mga ito sa pastor lamang. Maaaring ang dahilan ay mismong ang mga pastor ay nagpapalagay na tanging sila ang may tungkulin ng mga ito.

Kaya Ano ang Dapat Gawin ng mga Pastor? (So What are Pastors Supposed to do?)

Kung ang mga tungkuling ito ay ibinigay sa bawa’t mananampalataya, ano ang dapat gawin ng mga pastor? Sa payak na pananalita, tinawag sila upang ihanda ang mga banal na mananampalataya upang gawin ang lahat nang iyon (tingnan ang Efe. 4:11-12). Tinawag sila upang turuan ang mga banal na mananampalatayang iyon na sundin ang lahat ng kautusan ni Cristo (tingnan ang Mt. 28:19-20) sa panuntunan at sa halimbawa (tingnan ang 1 Tim. 3:2; 4:12-13; 5:17; 2 Tim. 2:2; 3:16-4:4; 1Ped. 5:1-4).

Hindi na mapalilinaw pa ito ng Biblia. Ang biblikal na papel ng pastor ay hindi ang mag-ipon ng maraming-maraming tao sa Linggo ng umagang church services. Ito ay ang “iharap ang bawa’t isa nang ganap kay Cristo” (Col. 1:28). Ang mga Biblikal na pastor ay hindi nangingiliti ng taynga ng mga tao (tingnan ang 2 Tim. 4:3); sila’y nagtuturo, nagte-train, nagpapayo, nagpapaalala, nagtutuwid, naninisi at nagagalit (tingnan ang 2 Tim. 3:16-4:4).

Inilista ni Pablo ang ilan sa mga katangian ng taong manunungkulan bilang pastor sa kanyang unang sulat kay Timoteo. Labing-apat sa labinlimang iyon ay may kinalaman sa kanyang pagkatao, na nagpapakitang ang halimbawa ng kanyang istilo ng pamumuhay ang pinakamahalagang bagay:

Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa sa iglesia ay naghahangad ng mabuting gawain. Kaya nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, bukas ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo. Hindi siya lasenggo, hindi marahas, kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi. Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Sapagka’t paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesia ng Diyos kung hindi niya maiayos ang sarili niyang pamilya? Kailangang siya’y matagal nang mananampalataya; sapagka’t kung hindi, baka siya’y maging palalo at mapahamak na gaya ng diyablo. Bukod dito, kailangang siya’y may mabuting patotoo sa paningin ng mga hindi sumasampalataya upang di siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo (1 Tim. 3:1-7).

Ang pagkukumpara ng mga kakayahang ito sa mga laging hinihingi ng mga institusyunal na iglesia na naghahanap ng bagong pastor ay nagbubunyag ng pangunahing problema sa maraming mga iglesia. Naghahanap sila ng empleyadong manager/entertainer/tagapagsalita-nang-maikli/tagapamahala/sikolohista/director ng mga aktibidades at programa/tagakalap ng pondo/kaibigan-ng-lahat/manggagawang kabayo. Gusto nila ng taong “magpapatakbo ng ministeryo ng iglesia.” Nguni’t ang biblikal na tagapangasiwa, una sa lahat, ay kailangang isang taong may dakilang pagkatao at pangako kay Cristo, isang totoong tagasilbi, dahil ang kanyang layunin ay paramihin ang kanyang sarili. Kailangang masabi niya sa kanyang kawan, “Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo” (1 Cor. 11:1).

Para sa karagdagang pag-aaral sa katungkulan ng pastor, tingnan din ang Gw. 20:28-31; 1 Tim. 5:17-20; at Tito 1:5-9.

Ang Katungkulan ng Deakono (The Office of Deacon)

Bilang pagtatapos, hayaan ninyong daglian kong banggitin ang tungkol sa mga deakono. Ang katungkulan ng deakono ang tanging ibang katungkulan sa lokal na iglesia, at hindi ito binaggit sa limang-uri ng kaloob na ministeryo. Walang kapangyarihan sa pamamahala ang mga deakono sa iglesia na tulad ng mga pinuno. Ang Griegong salitang isinalin na deakono ay diakonos, na ang literal na kahulugan ay “tagasilbi.”

Ang pitong lalaking naatasang araw-araw na magpakain sa mga biyuda sa iglesia ng Jerusalem ay karaniwang itinuturing na mga naunang deakono (tingnan ang Gw. 6:1-6). Pinili sila ng kongregasyon na-komisyon ng mga apostol. Dalawa sa kanila, sina Felipe at Stephen, ay sumunod na na-promote ng Diyos bilang makapangyarihang ebanghelista.

Binabanggit din ang mga deakono sa 1 Timoteo 3:8-13 at Filipos 1:1. Malinaw na ang katungkulang ito ay maaaring gampanan ng lalaki o babae (tingnan ang 1 Tim. 3:11).

 


[1] Ibang paraan lang ito ng pagsasabing, “Sa paglikha ng mga alagad ni Jesu Cristo.”

[2] Translator’s own insertion of the word (since the exact word is not in the scripture, although it means the same)

[3] Kung ang mga alagad ni Jesus ay inasahang magturo ng kanilang alagad upang sundin ang lahat ng iniutos Niya sa kanila, ang sumunod na ginawa nila ay turuan ang mga alagad na lumikha ng sariling alagad, bautismuhan at turuan silang sumunod sa lahat ng iniuto ni Cristo. Kaya ang paglikha, pagbautismo at pagtuturo ng mga alagad ay palagiang utos na nakaatas sa bawa’t susunod na alagad.