Sinabi ng babae [kay Jesus], “Ginoo, isa kang propeta, hindi nga ba?” Dito sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno, nguni’t sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos. Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, darating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, sapagka’t ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. Subali’t dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagka’t ganyan ang uri ng pagsambang kinalulugdan ng Ama. Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.” (John 4:19-24).
Inilalatag ng mga salitang ito mula sa bibig ni Jesus ang pundasyon ng ating pagkakaintindi sa pinakamahahalagang bahagi ng pagsamba. Tinutukoy Niya ang “mga tunay na sumasamba” at inilarawan ang kanilang mga katangian. Ipinakikita nito na may mga taong sumasamba nguni’t hindi tunay na sumasamba. Maaaring ipinagpapalagay nila na sumasamba sila sa Diyos nguni’t talagang hindi dahil hindi nila natutupad ang Kanyang mga hinihingi.
Inihayag ni Jesus ang katangian ng mga tunay na sumasamba—sumasamba sila “sa espiritu at katotohanan.” Kung gayon masasabing mga huwad na sumasamba ay ang mga sumasamba “sa laman at kawalang-katapatan.” Mga makalaman at huwad na sumasamba ay maaaring tumupad sa mga pangangailangan ng pagsamba, nguni’t lahat ay palabas, dahil hindi nanggagaling sa isang pusong nagmamahal sa Diyos. Ang tunay na pagsamba sa Diyos ay manggagaling lamang sa isang pusong nagmamahal sa Diyos. Kung gayon, ang pagsamba ay hindi lang natin ginagawa kapag nagtitipon ang iglesia, kundi bagay na ginagawa natin sa lahat ng sandali ng ating buhay habang sinusunod natin ang mga kautusan ni Cristo. Kamangha-manghang ang babaing kausap ni Jesus ay lima ang naging asawa at ngayon ay may kinakasama siya, at gusto niyang makipagtalo tungkol sa tamang lugar upang sumamba sa Diyos! Isinasagisag niya talaga ang maraming relihiyosong taong sumasama sa pagsamba samantalang pang-araw-araw na nabubuhay na salungat sa Diyos. Hindi sila tunay na sumasamba.
Minsan ay pinagalitan ni Jesus ang mga tagapagturo ng kautusan at mga Pariseo para sa kanilang huwad at wala sa pusong pagsamba:
Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo, “Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang, sapagka’t sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba, sapagka’t itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos” (Mt. 15:7-9, idinagdag ang pagdidiin).
Bagama’t malinaw na higit na idinidiin ng mga Judio at Samaritano sa kapanahunan ni Jesus kung saan sumasamba ang mga tao, sinabi ni Jesus na hindi mahalaga ang lokasyon. Bagkus, ang kalagayann ng puso ng bawa’t tao at ang kanyang niloloob tungkol Diyos ang nagpapasya ng kalidad ng kanyang pagsamba.
Malaking bahagi ni tinatawag na “pagsamba” sa mga iglesia ngayon ay walang iba kundi patay na ritwal na ginagawa ng mga patay na sumasamba. Walang-katapatang inuulit ng mga tao ang salita ng iba tungkol sa Diyos habang inaawit ang mga “awit ng pagsamba,” at walang kabuluhan ang kanilang pagsamba, dahil ipinagkakanulo ng kanilang istilo ng pamumuhay kung ano ang talagang nasa kanilang puso.
Nanaisin pa ng Diyos na marinig ang isang payak ngunit tapat na “Mahal kita” mula sa isang tunay Niyang masunuring anak kaysa tiisin ang walang pusong ugong ng sanlibong Cristianong umaawit ng “How Great Thou Art.”
Pagsamba sa Espiritu (Worshipping in Spirit)
Ang ilan ay nagsasabi na ang pagsamba “sa espiritu” ay ang manalangin at umawit sa iba’t ibang wika, nguni’t mukhang iyan ay pilit na interpretasyon kung ang salita ni Jesus ang pag-uusapan. Sinabi niya na “ darating ang oras, at ngayon na, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan,” ipinapakitang mayroon nang tumupad sa mga kundisyon para sa pagsamba “sa espiritu” nang ginawa Niya ang Kanyang pahayag. Siyempre, walang nagsalita ng iba’t ibang wika hanggang sa Pentecostes. Kung gayon, ang sinumang mananampalataya, makakapagsalita man siya sa iba’t ibang wika o hindi, ay maaaring mumamba sa espiritu at sa katotohanan. Ang pananalangin at pag-awit sa iba’t ibang wika ay tunay na makakatulong sa isang mananampalataya sa kanyang pagsamba, nguni’t kahit ang pananalangin sa iba’t ibang wika ay maaaring maging walang-pusong ritwal.
Isang interesanteng kaisipan sa pagsamba ng sinaunang iglesia ay makikita sa Mga Gawa 13:1-2:
May mga propeta at mga guro sa iglesia sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Itim, Lucio na taga-Cirene, Manaen na kababata ni Herodes na pinuno ng Galilea at Saulo. Habang sila’y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila’y pinili ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila” (idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na sinabi ng pahayag na ito na sila’y “naglilingkod sa Panginoon.” Tila makatwirang ipalagay na sinasamba nila Siya, at kung gayon malalaman natin na ang tunay na pagsamba ay paglingkod sa Panginoon. Nguni’t totoo lang iyan kung ang Panginoon ang tagatanggap ng ating pag-ibig at pagtangkilik.
Mga Paraan ng Pagsamba (Ways to Worship)
Pinapayuhan tayo ng libro ng Awit, na masasabing hymnbook ng Israel, na sambahin ang Diyos sa iba-ibang paraan. Halimbawa, sa Awit 32 mababasa natin:
“Sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya’y sumusunod” (Awit 32:11b, idinagdag ang pagdidiin).
Bagama’t ang tahimik at magalang na pagsamba ay may kinalalagyan, gayundin ang pagsigaw sa galak.
Lahat ng matuwid ay dapat na magsaya, dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila; kayong masunuri’y magpuri sa kanya! Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan. Tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan; isang bagong awit, awiting malakas, kasaliw ang tugtog ng alpang marilag! (Awit 33:1-3, idinagdag ang pagdidiin).
Siyempre, dapat tayong umawit sa Panginoon sa pagsamba, nguni’t ang ating pag-awit ay kailangang maging masaya, na sa pang panlabas na indikasyon ng kundisyon ng ating puso. Maaari rin nating samahan ang masayang pag-awit ng iba-ibang instrumento. Nguni’t babanggitin ko, na sa maraming pagtitipon sa iglesia, ang de-koryenteng mga instrumento ay napakalakas at nilulunod na nila ang pag-awit. Dapat silang pahinain o isara.
Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpasalamat, at ako ay dadalangin na kamay ko’y nakataas (Ps. 63:4, idinagdag ang pagdidiin).
Bilang tanda ng pagsuko at paggalang, maitataas natin ang ating mga kamay sa Diyos.
Sumigaw sa galak ang mga nilalang! At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya’y ibigay! Awitan siya’t luwalhatiin siya! Ito ang sabihin sa Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya’y ibigay! Awitan siya’t luwalhatiin siya! Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila: “Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga; yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan. Ang lahat sa lupa ika’y sinasamba, awit ng papuri yaong kinakanta; ang iyong pangala’y pinupuri nila” (Awit 66:1-4, idinagdag ang pagdidiin).
Dapat nating sabihin sa Panginoon na kahanga-hanga Siya at purihin Siya dahil sa Kanyang kahanga-hangang katangian. Ang mga Awit ay mainam na pahayag upang humanap ng akmang salita upang purihin ang Diyos. Kailangan nating igpawan ang patuloy na pag-ulit sa “Pinupuri kita, Panginoon!” Higit na marami pa ang masasabi sa Kanya.
Tayo na’t lumapit, sa kanya’y sumamba at magbigay-galang, lumuhod sa harap ni Yahweh na siyang sa ati’y may lalang (Awit 95:6).
Kahit ang pustura natin ay maaaring pagpapahayag ng pagsamba, maging ito’y nakatayo, nakaluhod o nakayuko.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang, sa kanilang pagdiriwang ay magsaya’t mag-awitan; hayaang magalak na umawit sa kanilang higaan [1] (Awit 149:5, idinagdag ang pagdidiin).
Nguni’t hindi natin kailangang tumayo o lumuhod sa pagsamba—maaari pang tayo’y nakahiga.
Pumasok sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang, umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal; purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatat (Awit 100:4, idinagdag ang pagdidiin).
Ang pagbibigay ng pasalamat ay talagang dapat maging bahagi ng ating pagsamba.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan (Awit 149:3, idinagdag ang pagdidiin).
Maaari rin nating purihin ang Panginoon sa pagsasayaw. Nguni’t hindi ang pagsasayaw na nagpapakita ng bahagi ng katawan, sensual o nang-aaliw.
Purihin sa tugtog ng mga trumpeta, awitan sa saliw ng alpa at lira ! sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin, mga alpa’t plauta, lahat ay tugtugin! Mga alpa at lira! Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang, sa lakas ng tugtog siya’y papurihan. Purihin si Yahweh lahat ng nilalang! Purihin si Yahweh! (Awit 150:3-6).
Salamat sa Diyos sa mga magagaling sa musika. Ang kanilang mga kaloob ay maaaring gamitin upang papurihan ang Diyos kung tutugtugin nila ang kanilang mga instrument mula sa isang pusong puno ng pag-ibig.
Mga Espiritwal na Awitin (Spiritual Songs)
Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay, pagka’t mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay! (Awit 98:1a, idinagdag ang pagdidiin).
Walang masama sa pag-awit ng lumang awit, kung hindi ito magiging ritwal. Kung magkagayon, kailangan natin ng isang bagong awiting nanggagaling sa ating puso. Sa Bagong Tipan, malalaman natin na tutulungan tayo ng Espiritu Santo upang lumikha ng bagong awitin:
Ang salita ni Cristo’y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa’t isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espiritwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos (Col. 3:16).
Huwag kayong maglalasing, sapagka’t mauuwi iyan sa magulong pamumuhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng espiritu. Mag-awitan kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espiritwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo (Efe. 5:18-20).
Isinulat ni Pablo na kailangan nating magsiawit ng mga “salmo, himno, at awiting espiritwal,” kaya malamang na may pagkakaiba ang tatlo. Ang pag-aaral sa orihinal ns salitang Griego ay hindi nakakatulong, nguni’t marahil ang “salmo” ay ang aktwal na pag-awit ng salmo mula sa Biblia at sinasamahan ng mga instrument. Sa kabilang dako, ang himno ay maaaring ang mga pangkalahatang awit ng pasasalamat na ginawa ng iba-ibang mananampalataya sa mga iglesia. “Espiritwal na awitin” naman ay maaaring ang mga awiting kusang ipinagkakaloob ng Espiritu Santo at katulad ng simpleng kaloob na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos, bagama’t sa halip na binibigkas ay inaawit.
Ang pagpuri at pagsamba ay dapat bahagi ng pang-araw-araw nating buhay—hindi lamang bagay na ginagawa natin tuwing nagtitipon iglesia. Sa buong araw makapag-lingkod tayo sa Panginoon at dumanas ng malapit na pakikipagkapwa sa Kanya.
Pagpuri—Pananampalatayang Kumikilos (Praise—Faith in Action)
Ang pagpuri at pagsamba ay karaniwang pagpapakita ng ating pananampalataya sa Diyos. Kung tunay nating pinaniniwalaan ang mga pangako ng Salita ng Diyos, magiging masayahin tayo, puno ng papuri sa Diyos. Sina Josue at ang mga tao sa Israel ay kailangan munang sumigaw; pagkatapos nabuwag ang mga dingding. Hinihikayat tayo ng Biblia, “magalak kayong lagi sa Panginoon” (Fil. 4:4) and “at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon” (1 Tes. 5:18a).
Isa sa pinakapangunahing halimbawa ng kapangyarihan ng pagpuri ay makikita sa 2 Cronica 20 nang ang bayan ng Juda ay nilulusob ng mga hukbo nina Moab at Ammon. Bilang tugon sa panalangin ni Haring Jehoshafat, pinayuhan ng Diyos ang Israel:
Huwag kayong matakot ni masiraan ng loob dahil sa maraming kaaway. Harapin ninyo sila bukas….Hindi na kayo kailangang lumaban. Makikita ninyo ang pagtatagumpay ni Yahweh para sa inyo (2 Cro. 20:15b-17).
Sa pagpapatuloy ng kuwento:
Kinabukasan, maaga silang lumabas patungo sa ilang ng Tekoa. Nguni’t bago sila umalis, sinabi sa kanila ni Jehoshafat, “Makinig kayo, mga taga-Juda at Jerusalem. Magtiwala kayo sa Diyos ninyong si Yahweh at magiging matatag kayo. Maniwala kayo sa Kanyang mga propeta at magtatagumpay kayo. Matapos niyang paalalahanan ang mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit na magpupuri kay Yahweh dahil sa Kanyang kahanga-hangang kabanalan. Inilagay niya ang mga ito sa unahan ng hukbo at habang daa’y umaawit: “Purihin si Yahweh, pag-ibig Niya’y tunay, laging tapat kailanman.” Nang marinig ng mga kaaway ang awitin, ginulo sila ni Yahweh. Dahil dito, sila-sila ang nagkagulo. Ang sinalakay ng mga Ammonita at Moabita ay ang kasama nilang taga-Edom, at nilipol nila ang mga ito. Pagkatapos, sila-sila ang nagpatayan. Umakyat ang mga taga-Juda sa tore na nasa disyerto at nagmanman sa mga kaaway. Wala silang nakitang nakatakas. Lahat ay patay na nakahandusay sa lupa. Napakaraming sasamsam si Jehoshafat at ng kanyang mga kasama. Halos hindi nila madala ang nasamsam nilang kawan, mga kagamitan, damit at maraming mahahalagang bagay. Tatlong araw nila itong hinakot nguni’t sa sobrang dami ay hindi nila nakuhang lahat (2 Cro. 20: 20-25, idinagdag ang pagdidiin).
Ang pagpuring puno ng pananampalataya ay nagdudulot ng proteksiyon at probisyon!
Para sa karagdagang pag-aaral tungkol sa paksang kapangyarihan ng pagpuri, tingnan ang Fil. 4:6-7 (nakapagdudulot ng kapayapaan ang pagpuri), 2 Cro. 5:1-14 (ang pagpuri ay nagdudulot ng presensya ng Diyos), Gw. 13:1-2 (inilalantad ng pagpuri ang mga layunin at plano ng Diyos), Gw. 16:22-26 (idinudulot ng pagpuri ang pangangalaga ng Diyos at paglaya sa bilangguan).
[1] Translator’s own insertion of last phrase—transalated from the original text, because, although not included in Bible being used, it is crucial to the meaning of the document.