Siyempre, ang Diyos ang nakaisip ng idea ng pamilya. Makatwiran, kung gayon, na makapaghahandog Siya sa atin ng kaisipan kung paano iiral ang mga pamilya at mabigyang-babala tayo ng mga panganib na nakasisira ng pamilya. Tunay na nabigyan tayo ng Panginoon ng maraming prinsipyo sa Kanyang Salita tungkol sa istruktura ng pamilya at ang papel na kailangang tuparin ng bawa’t kasapi nito. Kapag nasunod ang mga instruksiyong biblikal na ito, makakaranas ang mga pamilya ng lahat ng pagpapalang inilaan ng Diyos na tatamasahin nila. Kapag nasuway ang mga ito, pagkasira at sama ng loob ang ibubunga.
Ang Papel ng Bawa’t Asawa (The Role of Husband and Wife)
Dinisenyo ng Diyos ang pamilyang Cristiano na isang tanging istruktura. Dahil idinudulot ng framework na ito ang katatagan para sa buhay-pamilya, lubhang nagsisikap si Satanas upang sirain ang disenyong ito.
Una, hinirang ng Diyos ang asawang lalaki upang maging pinuno ng pamilya. Hindi siya binibigyan nito ng karapatang mag-domina sa kanyang asawa at mga anak. Tinawag ng Diyos ang mga asawang lalaki upang mahalin, pangalagaan, mag-alay, at pamunuan ang kanilang pamilya bilang pinuno. Intensyon din ng Diyos na ang mga asawang babae ay pasakop sa pamumuno ng kanilang asawa. Malinaw ito sa Biblia:
Mga babae, pasakop kayo sa sari-sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagka’t ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesia, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang asawa (Efe. 5:22-24).
Ang lalaki ay hindi espiritwal na ulo ng kanyang asawa—si Jesus ang gumaganap ng papel na iyan. Si Jesus ang espiritwal na ulo ng iglesia, at ang Cristianong babae ay ganap na miyembro ng iglesia na tulad rin ng kanyang asawa. Nguni’t sa pamilya, ang Cristianong lalaki ang ulo ng kanayang asawa at mga anak, at dapat silang pasakop sa kapangyarihan niyang dulot-ng-Diyos.
Gaano ang pagpapasakop ng babae sa lalaki? Dapat siyang pasakop sa lahat, tulad ng sinabi ni Pablo. Ang tanging eksepsyon ay kung aasahan ng lalaki na susuwayin niya ang Salita ng Diyos o kapag gumawa siya ng bagay na taliwas sa kanyang konsensya. Siyempre, kailanman ay walang Cristianong lalaki ang aasang gagawa ng anuman ang kanyang asawa upang suwayin ang salita ng Diyos o ang kanyang konsensya. Ang lalaki ay hindi panginoon ng kanyang asawa—si Jesus lamang ang may karapatang iyan sa kanyang buhay. Kung pipili siya ng susundin, kailangan niyang sundin si Jesus.
Kailangang tandaan ng mga lalaki na ang Diyos ay hindi kinakailangang “papanig sa kanya.” Minsan ay sinabi ng Diyos kay Abraham na gawin ang sinabi ng asawa niyang si Sara (tingnan ang Gen. 21:10-12). Itinatala rin ng Biblia na sinuway ni Abigail ang hangal niyang asawang si Nabal at dahil doon ay iniwasan ang malaking kapahamakan (tingnan ang 1 Sam. 25:2-38).
Ang Bilin ng Diyos sa mga Lalaki (God’s Word to Husbands)
Sa mga lalaki, ito ang sinasabi ng Diyos:
Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesia. Inihandog Niya ang Kanyang buhay pata sa iglesia….Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan. Sa halip, ito’y kanyang pinapakain at inaalagaan, tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesia. Tayo nga’y mga bahagi ng Kanyang katawan….Kaya’t kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang naman ninyo ang inyong asawa (Efe. 5:25, 28-30, 33).
Inuutusan ang mga lalaking magmahal sa kanilang asawa na tulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesia. Hindi ito maliit na tungkulin! Ang sinumang babae ay malugod na pasasakop sa sinumang magmamahal sa kanya nang tulad ng pagmamahal ni Jesus —na naglaan ng sariling buhay. Tulad ng pagmamahal ni Cristo sa sarili Niyang katawan, ang iglesia, gayundin naman, dapat niyang mahalin ang kanyang asawang “ kaisa” niya (Efe. 5:31). Kung ang Cristianong lalaki ay nagmamahal sa kanyang asawa na tulad ng inaasahan, maglalaan ito para sa kanya, aalagaan siya, igalang siya, tulungan siya, hikayatin siya, at gumugol ng panahon kasama siya. Kung nabigo siya sa tungkuling magmahal sa asawa, nasa panganib ang lalaki sa pagpigil ng sagot sa kanyang mga dalangin:
Kayo namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagka’t sila’y mahina, at tulad ninyo’y may karapatan din sila sa buhay na walang hanggan na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito, nang sa gayon ay walang magiging sagabal sa inyong mga panalangin (1 Ped. 3:7, idinagdag ang pagdidiin).
Siyempre, kailanman ay walang relasyon na hindi nagkaroon ng di pagkakaunawaan. Nguni’t dahil sa pangako at ang paglago ng espiritu sa ating buhay, ang mag-asawa ay matututong mamuhay nang may pagkakaunawaan at danasin ang papalaking pagpapala ng Cristianong samahan. Sa pamamagitan ng di maiiwasang problemang uusbong sa lahat ng ugnayan, bawa’t kasama ay matututong lumago sa higit na pagpapaunlad sa pagiging tulad ni Cristo.
Para sa karagdagang pag-aaral sa mga tungkulin ng lalaki at babae, tingnan ang Gen. 2:15-25; Kaw. 19:13; 21:9, 19; 27:15-16; 31:10-31; 1 Cor. 11:3; 13:1-8; Col. 3:18-19; 1 Tim. 3:4-5; Tito 2:3-5; 1 Ped. 3:1-7.
Sex sa Ugnayan (Sex in Marriage)
Ang Diyos ang umimbento ng sex, at malinaw na nilikha Niya ito upang magbigay-kasiyahan at sa pagpaparami. Nguni’t tahasang inihahayag ng Biblia na ang mga relasyong sekswal ay mangyayari lamang sa mga nagsama dahil sa habambuhay na kasunduang kasalan.
Ang mga relasyong sekswal na nangyayari sa labas ng ugnayan ay maituturing na pakikiapid o pangangalunya. Inihayag ni apostol Pablo na ang mga gumagawa ng ganito ay hindi magmamana sa kaharian ng Diyos (tingnan ang 1 Cor. 6:9-11). Bagama’t maaaring matukso ang isang Cristiano at maaaring gumawa ng pakikiapid o pangangalunya, mararamdaman niya ang mabigat ng paghatol in kanyang espiritu na magiging sanhi ng pagsisisi.
Nagbigay rin si Pablo ng ilang ispesipikong instruksiyon tungkol sa tungkuling sekswal ng lalaki at babae:
Nguni’t para maiwasan ang pakikiapid, bawa’t lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. Sapagka’t hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Huwag ninyong ipagkait ang ingyong sarili sa isa’t isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Nguni’t pagkatapos, magsiping na muli kayo upang hindi matukso si Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil (1 Cor. 7:2-5).
Nililinaw ng mga bersong ito na hindi dapat gamitin ang sex bilang “gantimpala” maging ng lalaki o babae dahil bawa’t isa ay walang kapangyarihan sa sarili niyang katawan. Dagdag pa, ang sex ay kaloob ng Diyos at hindi walang kabanalan o makasalanan basta’t nananatili ito sa ugnayan. Hinikayat ni Pablo ang mga Cristianong mag-asawa upang magkaroon ng relasyong sekswal. Gayundin, makikita natin ang payong ito sa mga lalaking Cristiano sa libro ng Kawikaan:
Kaya nga ba’t mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay, ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan. Mabait siya at mahindhin, babaing kaakit-akit, ligaya mo’y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib (Kaw. 5:18-19). [1]
Kung kapwa nasisiyahan ang mga mag-asawang Cristiano sa isang sekswal na ugnayan, dapat intindihin ng mga lalaki at babae na may malaking pagkakaiba ang sekswal na kalikasan ng lalaki at babae. Kung ikumpara, ang kalikasan ng lalaki ay higit na pisikal, samantalang ang sa babae ay emosyonal. Napupukaw ang mga lalaki sa pagtingin (tingnan ang Mt. 5:28), samantalang ang mga babae ay sa relasyon at paghawak (tingnan ang 1 Cor. 7:1). Naaakit ang mga lalaki sa mga babaing tumutugon sa kanilang pagtingin; nguni’t ang mga babae ay naaakit sa mga lalaking hinahangaan nila ang ibang katangian maliban sa sa anyong pisikal. Kung gayon sinisikap ng mga babaing marunong na laging magpaganda. At ang mga marunong na lalaki ay laging nagpapakita ng pagmamahal sa kanilang asawa sa yakap at mga kilos ng pagka-maalalahanin at kaabaitan, sa halip na asahan ang kanilang mga asawang dagliang “ma turn-on” sa gabi.
Ang antas ng sekswal na pagnanais ng lalaki ay tumitindi sa pagdami ng tamod sa kanyang katawan, samantalang ang sa babae ay depende sa siklo ng kanyang regla. May kakayahan ang mga lalaki na mapukaw at makaranas na kasukdulan sa ilang Segundo o sandali; higit na matagal ang mga babae. Bagama’t sa ilang Segundo karaniwang mayroon nang pisikal na kahandaan ang lalaki sa pagtatalik, ang katawan ng babae ay hindi pa handa sa loob ng aabot na kalahating oras. Kaya ang marunong na lalaki ay ihahanda ang asawa sa pamamagitan ng pagyakap, paghalik at pagpukaw sa mga sensitibong bahagi ng katawan upang ihanda siya sa pagtatalik. Dagdag pa, kailangan niyang malaman na bagama’t may kakayahan siyang magkaroon ng iisang sexual climax, may kakayahan ang kanyang asawa sa higit pa. Kailangan niyang tiyakin na matanggap nito ang kanyang nais.
Mahalaga para sa mga Cristianong mag-asawa na matapat na pag-usapan ang kanilang pangangailangan at matutuhan ang sapat na kaalaman sa pagkakaiba ng mga kasarian. Sa pagdaan ng ilang buwan at taon ng komunikasyon, pagtuklas at praktis, ang mga relasyong sekswal ng mag-asawa ay magiging sanhi ng higit na pagpapala.
Mga Anak sa isang Pamilyang Cristiano (Children of a Christian Family)
Dapat maturuan ang mga anak na pasakop at sumunod sa kanilang Cristianong magulang. At kung gayon, mahahabang buhay at iba pang pagpapala ang ipinangagako sa kanila:
Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagka’t ito ang nararapat. “Igalang mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangakong “Ikaw ay giginhawa at hahaba ang iyong buhay sa lupa” (Efe. 6:1-3).
Ang mga Cristianong ama, bilang pinuno ng kanilang pamilya, ay binigyan ng pangunahing tungkulin sa pagpapalaki ng kanilang mga anak:
Mga magulang, huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikagagalit ng inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at katuruan ng Panginoon (Efe. 6:4).
Pansinin na ang tungkulin ng ama ay may dalawang bahagi: palakihin ang anak sa disiplina at katuruan ng Panginoon. Tingnan muna natin ang pangangailangan ng pagdidisiplina sa mga anak.
Disiplina ng Anak (Child Discipline)
Ang anak na hindi nadisiplina ay lalaking makasarili at nagrerebelde sa kapangyarihan. Kailangang disiplinahin ang mga anak sa tuwing mapanghamong sinusuway nila ang mga tuntuning una nang naitatag ng kanilang magulan. Hindi marapat na parusahan ang mga anak sa mga pagkakamali o hindi pagtupad ng tunghilin. Bagkus, kailangan nilang harapin ang kalalabasan ng kanilang pagkakamali at hindi pagtupad ng tungkulin, upang sa gayon ay matulungan silang ihanda sa realidad ng totoong buhay.
Ang mga maliliit na bata ay dapat madisiplina sa pamamalo, na siyang isinasaad ng Salita ng Diyos. Siyempre, ang mga sanggol ay hindi dapat paluin. Hindi ibig sabihin nito na laging pagbibigyan ang mga sanggol. Katunayan, mula sa pagsilang kailangan na nilang malaman na ang ama at ina ang bahala. Maaari silang turuan sa napakaagang edad ng ibig sabihin ng “hindi” sa pagpigil sa kanila sa kanilang ginagawa o ng bagay na gagawin nila. Kapag naintindihan na nila ang ibig sabihin ng “hindi,” ang isang magaang palo sa puwit ay higit na makakatulong sa kanila sa mga sandaling hindi sila sumusunod. Kapag nagawa ito nang di pabagu-bago, maagang matutong maging masunurin ang mga bata.
Maitatatag din ng mga magulang ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng hindi pagpapayag sa maling gawain ng kanilang mga anak, tulad ng hindi agad pagbibigay sa kanilang gusto sa tuwing sila ay iiyak. Kung magkagayon, matututuhan ng mga bata ang pag-iyak upang makuha ang gusto. O, kung pagbibigyan ng mga magulang ang gusto ng mga anak sa tuwing nag-aalboroto ang mga ito, hinihikayat nila ang hindi magandang ugali ng mga ito. Gagantimpalaan lamang ng mga marunong na magulang ang tamang ugali ng kanilang mga anak.
Ang mga pagpalo ay hindi dapat nakasasakit ng katawan nguni’t kailangang maramdaman upang bahagyang iiyak ang bata. Kung magkagayon, matututuhan ng batang iugnay ang sakit sa hindi pagsunod. Pinatototohanan ito ng Biblia:
Mapagmahal na magulang, anak ay dinidisiplina, anak na di napapalo, hindi mahal ng magulang…. Likas sa mga bata ang pagiging pilyo, nguni’t sa pamamagitan ng palo, Likas sa mga bata ang pagiging pilyo, nguni’t sa pamamagitan ng palo, sila’y matututo….Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamamatay. Inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay….Disiplina at pangaral, hatid ay karunungan; nguni’t ang batang suwail, sa magulang ay kahihiyan (Kaw. 13:24; 22:15; 23:13-14; 29:15).
Kapag simpleng ipinatupad ng mga magulang ang kanilang mga tuntunin, hindi nila kailangang takutin ang mga anak upang susunod ang mga ito. Kung mapanghamong sumusuway ang isang anak, kailangan siyang paluin. Kung tinatakot lang ng magulang ang di masunuring anak, pinatitindi lang nito ang di pagsunod ng anak. Ang resulta nito ay matututo ang bata na hindi mabahala sa pagiging masunurin hangga’t ang pananakot ng magulang ay magiging sukdulan. Pagkatapos paluin ang bata, dapat siyang yakapin at iparamdam ang pagmamahal ng magulang sa kanya.
Pagtuturo sa isang Bata (Train Up a Child)
Kailangang malaman ng mga Cristianong magulang na may tungkulin silang magturo sa kanilang mga anak, na mababasa natin sa Kaw. 22:6: “Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki’y di niya ito malilimutan” (idinagdag ang pagdidiin).
Ang pagtuturo ay hindi lamang pagpaparusa sa di pagsunod, kundi gantimpala sa magandang gawi. Kailangan ng mga batang walang pabagu-bagong pinupuri ng kanilang magulang upang patibayin ang magandang ugali at kaaya-ayang katangian. Kailangan ng mga batang laging binibigyang-tiwala na sila ay minamahal, tinatanggap at pinahahalagahan ng kanilang magulang. Maipapakita ng mga magulang ang kanilang pag-ibig sa mga papuri, yakap at halik, at sa pamamagitan ng panahong ginugugol nila kasama ng mga anak.
Ang “pagturo” ay nangangahulugang “pasunurin.” Kung gayon, dapat ay hindi bigyan ng opsyon ng mga Cristianong magulang ang kanilang anak kung pupunta sila sa iglesia o mananalangin at anupaman. Hindi ganap na responsable ang mga bata upang malaman kung ano ang mabuti para sa kanila—kaya binigyan sila ng Diyos ng magulang. Sa mga magulang na gumugugol ng hirap at lakas upang ganap na maturuan ang kanilang mga anak, ipinangangako ng Diyos na hindi lalayo ang mga bata sa paggawa ng mabuti kapag tumanda sila, na mababasa natin sa Kaw. 22:6.
Kailangan ding bigyan ng nadaragdagang tungkulin ang mga bata habang sila’y tumatanda. Ang layunin ng epektibong pagpapalaki ng mga anak ay unti-unting ihanda ang anak para sa ganap na tungkulin ng isang taong nasa gulang. Habang tumatanda ang bata, kailangan siyang bigyan ng nadaragdagang kalayaang gumawa ang sarili niyang pasya. Gayundin, kailangang maintindihan ng teenager na tatanggapin niya ang tungkuling para sa kalalabasan ng kanyang mga pasya at malamang hindi laging naroon ang kanyang mga magulang upang “piyansahan” siya sa kaguluhan.
Ang Tungkulin ng Mga Magulang Upang Magturo (Parents’ Responsibility to Instruct)
Tulad ng mababasa natin sa Efeso 6:4, ang mga ama ay hindi lamang responsable sa pagdidisiplina ng kanilang kundi inaasahan ding turuan sila sa Panginoon. Hindi tungkulin ng iglesia ang bigyan ng pagtuturo ang anak sa biblikal na magandang asal, biblikal na pagkatao, o teolohiya—tungkulin ito ng ama. Ang mga magulang na nagpapaubaya ng lahat ng tungkulin sa Sunday School teacher ay gumagawa ng siryosong kamalian. Iniutos ng Diyos sa Israel sa pamamagitan ni Moises:
Ang mga utos Niya’y itanim ninyo sa inyong puso. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga (Deut. 6:6-7, idinagdag ang pagdidiin).
Kailangang ipakilala sa Diyos ng mga Cristianong magulang ang kanilang anak, mula pagkabata, sinasabi kung sino Siya at kung gaano ang pagmamahal Niya sa kanila. Ang mga maliliit na bata ay kailangang maturuan ng kuwento ni Jesus, ang kanyang pagkapanganak, buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay. Naiintindihan ng maraming bata ang mensahe ng ebanghelyo mula edad lima o anim at maaaring magpasya upang manilbihan sa Panginoon. Pagkatapos ng edad na iyon (maaaring anim o pito, at kung minsan ay higit na maaga), matatanggap nila ang bautismo sa Espiritu Santo sa pagkakaroon ng patotoong pagsasalita sa iba’t ibang wika. Siyempre, walang mahigpit na tuntunin ang maaaring itatag dahil bawa’t bata ay iba. Ang punto ay dapat gawing prayoridad ng mga Cristianong magulang ang espiritwal na pagtuturo sa kanilang mga anak.
Sampung Tuntunin sa Pagmamahal ng mga Anak (Ten Rules for Loving Your Children)
1).Huwag pagalitin ang inyong mga anak (tingnan ang Efe. 6:4). Hindi maaasahan kumilos na parang matanda ang mga bata. Kung lubhang mataas ang ekspektasyon sa kanila, hihinto sila sa paggawa ng ikagigiliw ninyo, dahil alam nilang imposible ang mga ito.
2). Huwag ikumpara ang inyong mga anak sa ibang bata. Ipaalam sa kanila ang inyong pagpapahalaga sa kanilang natatanging katangian at kaloob na galing sa Diyos.
3). Bigyan sila ng tungkulin sa loob ng tahanan upang malaman nila na sila’y mahalagang bahagi ng pamilya. Ang mga nagagampanan ang pundasyon ng malusog na pagtingin sa sarili.
4). Gumugol ng panahon kasama ang inyong mga anak. Ipinaaalam niyan na mahalaga sila sa inyo. Ang pagbibigay sa kanila ng mga bagay ay hindi kahalili ng pagbibigay ng inyong sarili. Gayundin, naiimpluwensiyahan ang mga bata ng taong lagi nilang kasama.
5). Kung magsasabi ng hindi maganda, subukang sabihin ito sa magandang paraan. Kailanman ay hindi ko sinabi sa aking mga anak na “masama” sila kapag sinusuway nila ako. Sa halip, sasabihin ko sa aking anak na lalaki, “Ikaw ay mabait na bata, at ang mga mabait na bata ay hindi gumagawa ng ginawa mo!” (Pagkatapos ay papaluin ko siya).
6). Isipin na ang ibig sabihin ng salitang “hindi” ay “kinakalinga kita.” Kapag laging nakukuha ng mga bata ang kanilang kagustuhan, alam nilang hindi ninyo sila ganap na kinakalinga upang sawayin sila.
7). Asahang tutulan kayo ng inyong mga anak. Natututo ang mga bata sa halimbawa ng kanilang magulang. Ang marunong na magulang ay hindi kailanman magsasabi, “gawin mo ang sinasabi ko, hindi ang ginagawa ko.”
8). Huwag piyansahan ang inyong mga anak sa lahat ng kanilang mga problema. Alisin lang ang mga sagabal; panatilihin sa kanilang landas ang mga tuntungan.
9). Pagsilbihan ang Diyos nang buong puso. Napansin ko na ang mga anak ng magulang na maligamgam ang spiritual na pamumuhay ay madalang na magsisilbi sa Diyos sa kanilang pagtanda. Ang mga Cristianong anak ng di ligtas na magulang at mga anak ng ganap-ang-pangakong Cristianong magulang ay magpapatuloy sa pagsilbi sa Diyos pag “nakaalis na sila sa pugad.”
10). Ituro sa inyong mga anak ang Salita ng Diyos. Madalas na ginagawang prayoridad ng mga magulang ang edukasyon ng kanilang mga anak nguni’t bigo sa pagbibigay ng pinakamahalagang edukasyong makukuha nila, ang Biblia.
Mga Prayoridad ng Ministeryo, Pag-aasawa at Pamilya (The Priorities of Ministry, Marriage and Family)
Marahil ang pinakapangkaraniwang kamaliang ginagawa ng mga pinunong Cristiano ay ang kaligtaan ang kanilang pangunahing relasyon at pamilya dahil sa debosyon sa kanilang mga ministeryo. Pinangagatwiranan nila ang kanilang sarili na ang kanilang pagtitiis is “para sa gawain ng Panginoon.”
Ang kamaliang ito’y naiwawasto kapag napagtatanto ng ministrong tagalikha-ng-alagad ang Kanyang tunay na pagsunod at debosyon sa Diyos ay nasasalamin sa Kanyang mga relasyon sa Kanyang asawa at mga anak. Hindi maaangkin ng isang ministro ang kanyang debosyon sa Diyos kung hindi niya mahal ang kanyang asawa na tulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesia, o kung nagpapabaya siya sa paggugol ng panahon sa kanayang mga anak upang palakihin sila sa alagaa at pagpapayo ng Panginoon.
Dagdag pa, ang pagpapabaya sa asawa at mga anak para “sa ministeryo” ay kadalasang ginagawa sa kapangyarihan ng sariling lakas. Maraming institusyunal na pastor na nagpapasan ng mabibigat na tungkulin ang tulad ng mga ito, habang pinapagod nila ang kanilang sarili sa pagpapatakbo ng lahat ng programa ng iglesia.
Ipinangako ni Jesus na ang pasanin Niya ay magaan at ang kanyang pamatok ay madali (tingnan ang Mt. 11:30). Hindi Niya tinatawag ang sinumang ministro upang ipakita ang kanyang debosyon sa mundo o sa iglesia kapalit ng pagmamahal sa kanyang pamilya. Katunayan, isang kahilingan para sa isang pinuno ay “kailangang mabuting pinamamahalaan ang kanyang mag-anak” (1 Tim. 3:4). Ang relasyon niya sa kanyang pamilya ay pagsubok kung nababagay siya sa ministeryo.
Ang mga natawag sa mga lumilipat na ministeryo at kailangang minsan ay lumayo ay kailangang gumugol ng karagdagang panahon para sa kanilang pamilya kapag umuuwi sila. Ang mga kapwa miyembro ng katawan ni Cristo ay dapat gawin ang kanilang makakaya upang pairalin ito. Napagtatanto ng ministrong tagalikha-ng-alagad na ang sarili niyang mga anak ang pangunahin niyang mga alagad. Kung mabibigo siya sa gawaing ito, wala siyang karapatang magtangkang lumikha ng mga alagad sa labas ng kanyang tahanan.
[1] Sa higit pang patunay na hindi maselan ang Diyos, tingnan ang Awit ni Solomon 7:1-9 and Levitico 18:1-23.