Dalawang sakramento lamang ang ibinigay ni Jesus sa iglesia: bautismo sa tubig (tingnan ang Mt. 28:19) at ang Banal na Hapunan (tingnan ang 1 Cor. 11:23-26). Pag-aralan muna natin ang bautismo sa tubig.
Sa ilalim ng bagong kasunduan, bawa’t mananampalataya ay dapat makaranas ng tatlong bautismo: Ang mga ito ay: bautismo sa katawan ni Cristo, bautismo sa tubig, at bautismo sa Espiritu Santo.
Kapag naipanganak muli ang isang tao, kusang nababautismuhan siya sa katawan ni Cristo. Ibig sabihin, magiging kasapi siya ng katawan ni Cristo, ang iglesia:
Tayong lahat ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan (1 Cor. 12:13; tingnan din ang Ro. 6:3; Efe. 1:22-23; Col. 1:18, 24).
Ang pagkabautismo sa Espiritu Santo ay isang karanasang susunod sa kaligtasan, at ang bautismong ito ay maaaring tanggapin at dapat tanggapin ng bawa’t mananampalataya.
Sa pagtatapos, bawa’t mananampalataya ay kailangang mabautismuhan sa tubig agad-agad pagkatapos niyang magsisi at manampalataya sa Panginoong Jesus. Ang bautismo ang dapat unang-unang pagpapakita ng pagsunod ng bagong mananampalataya:
At sinabi ni Jesus sa kanila, “Habang kayo’y humahayo sa buong mundo, ay ipangaral ninyo sa lahat ng tao ang Magandang Balita. Ang sinumang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, nguni’t ang ayaw sumampalataya ay paparusahan” (Mc. 16:15-16, idinagdag ang pagdidiin).
Itinuring ng sinaunang iglesia na napakahalaga ang utos ni Jesus na bautismo. Halos walang eksepsyon, ang mga bagong kombertido ay nabautismuhan pagkatapos na pagkatapos ng kanilang kombersyon (tingnan ang Gw. 2:37-41; 8:12-16, 36-39; 9:17-19; 10:44-48; 16:31-33; 18:5-8; 19:1-5).
Ilang Di-Biblikal na Idea Tungkol sa Bautismo (Some Unscriptural Ideas About Baptism)
Binabautismuhan ng ilan ang bagong kombertido sa pagwisik ng ilang patak ng tubig. Tama ba ito? Ang pandiwang isinalin na bautismo (baptize) sa Bagong Tipan ay ang Griegong salitang baptizo, na literal na nangangahulugang “ilublob.” Kung gayon, ang mga nababautismuhan sa tubig ay dapat ilublob sa ilalim ng tubig At hindi simpleng wiwisikan ng ilang patak. Ang sagisag ng bautismong Cristiano, na pag-aaralan natin, ay sumusuporta rin sa idea ng paglublob.
Ginagawa ng ilan ang bautismo ng mga sanggol, nguni’t walang halimbawa sa Biblia ng bautismo ng mga sanggol. Nanggaling ang gawaing ito sa huwad na doktrina ng “bautismong pagpapabagong-buhay”—ang idea na ang isang tao ay muling ipinanganak sa sandaling nabautismuhan siya. Malinaw na itinuturo ng Biblia na dapat unang maniwala kay Jesus ang mga tao bago sila bautismuhan. Kung gayon, ang mga batang sapat na ang gulang upang magsisi at sumunod kay Jesus ay kwalipikado para sa bautismo, nguni’t hindi ang mga sanggol at maliliit na bata.
Itinuturo ng iba na, bagama’t naniniwala ang isang tao kay Jesus, hindi siya ligtas hangga’t hindi siya nabautismuhan sa tubig. Hindi iyan totoo ayon sa Biblia. Sa Mga Gawa 10:44-48 at 11:17, mababasa natin na ang mag-anak ni Cornelio ay naligtas at nabautismuhan sa Espiritu Santo bago nabautismuhan sa tubig ang sinuman sa kanila. Imposibleng mabautismuhan sa Espiritu Santo ang sinuman hangga’t hindi siya ligtas (tingnan ang Jn. 14:17).
Itinuturo ng ilan na hangga’t hindi nabautismuhan ang isang tao ayon sa kanilang partikular na pormula, hindi siya talaga ligtas. Walang itinatakda ang Biblia na ispesipikong ritwal na dapat sundin para sa tamang bautismo. Halimbawa, sinasabi ng ilan na ang isang mananampalataya ay hindi ligtas kung hindi siya mabautismuhan “sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo” (Gw. 8:16). Ipinapakita ng mga taong ito ang parehong espiritung nagdomina sa mga Pariseo, sinasala ang mga niknik at lumulunok ng mga kamelyo. Napakalaking trahedya na pinag-aawayan ng mga Cristiano ang tamang salitang bibigkasin sa bautismo habang naghihintay ang mundo upang pakinggan ang magandang balita.
Ang Sagisag ng Bautismo ayon sa Biblia (The Scriptural Symbolism of Baptism)
Maraming bagay na nangyari na sa bagong mananampalataya ang sinasagisag ng bautismo sa tubig. Sa pinakapayak, sinasagisag nito na ipinaanod natin ang ating mga kasalanan, at ngayon ay malinis tayong haharap sa Diyos. Nang ipinadala si Ananias kay Pablo pagkatapos na pagkatapos ng kanyang kombersyon, sinabi nito sa kanya:
At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumayo ka na, magpabautismo at manalangin ka sa kanyang pangalan upang mapatawad ka sa iyong mga kasalanan (Gw. 22:16, idinagdag ang pagdidiin).
Pangalawa, sinasagisag ng bautismo sa tubig ang ating pagkakakilanlan kasama ni Jesus sa Kanyang kamatayan, pagkalibing at muling pagkabuhay. Mula sa ating muling pagkapanganak at inilagay sa katawan ni Cristo, itinuturing na tayo ng Diyos na “kay Cristo”. Dahil si Jesus ang ating kahalili, kinikilala ng Diyos na atin ang lahat ng ginawa ni Jesus. Kaya “kay Cristo, tayo ay namatay, nailibing, ang binuhay na muli mula sa mga patay upang mamuhay na mga bagong tao:
Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? Samakatuwid, tayo’y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay (Ro. 6:3-4).
Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama Niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa Kanya (Col. 2:12).
Bawa’t bagong mananampalataya ay dapat maturuan ng mga mahahalagang katotohang ito kapag nabautismuhan siya sa tubig, at dapat siyang bautismuhan agad pagkatapos niyang manampalataya kay Jesus.
Ang Banal na Hapunan (The Lord’s Supper)
Nagsimula ang Banal na Hapunan sa Piyesta ng Passover sa Lumang Tipan. Sa gabi ng pagligtas ng Diyos sa Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto, sinabihan Niya ang bawa’t mag-anak na kumatay ng isang-taong gulang na kordero at iwisik ang dugo sa balakiran at post eng pintuan ng kanilang mga bahay. Nang dumaan ang “anghel ng kamatayan sa bansa nang baging iyon, at pinatay ang mga anak na panganay sa Egipto, makikita niya ang dugo sa mga kabahayan ng Israelita, at “dadaan.”
Dagdag pa, ipagdiriwang ng mga Israelita ang piyesta nang gabing iyon sa pagkain ng kanilang korderong Passover at sa pagkain din ng tinapay na walang lebadura sa loob ng pitong araw. Ito ay magiging permanenteng ordinansa para sa Israel, na ipinagdiriwang nang parehong panahon bawa’t taon (tingnan ang Exo. 12:1-28). Malinaw na ang korderong Passover ay sagisag ni Cristo, na tinatawag na “ating Passover” sa 1 Corinto 5:7.
Nang itinatag ni Jesus ang Banal na Hapunan, Siya at ang Kanyang mga alagad ay nagdiriwang ng Piyesta ng Passover. Naipako sa krus sa Piyesta ng Passover, tunay na tinutupad ang pagkatawag sa Kanya bilang “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan” (Jn. 1:29).
Ang tinapay na kinakain at ang juice na iniinom natin ay sagisag ng katawan ni Jesus, na pinaghati-hati para sa atin, at ang Kanyang dugo, na ibinuhos para sa kapatawaran ngating mga kasalanan:
Habang sila’y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati Niya iyon ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang aking katawan.” Pagkatapos, dumampot siya ng kopa, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi Niya, “Uminom kayong lahat nito sapagka’t ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami. Sinasabi ko sa inyo, hinding-hindi na ako iinom nitong alak na mula sa ubas hanggang sa araw na ako’y muling iinom na kasalo ninyo sa kaharian ng aking Ama” (Mt. 26:26-29).
Ganito ang pagsasabi ni apostol Pablo sa kuwento:
Ito ang katuruang tinanggap ko sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing Siya’y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Matapos maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.” Sapagka’t tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo angkamatayan ng Panginoon hanggang sa Kanyang muling pagparito (1 Cor. 11:23-26).
Kailan at Paano (When and How)
Hindi sinasabi sa atin ng Biblia kung gaano kadalas ang paglahok sa Banal na Hapunan, nguni’t malinaw na sa sinaunang iglesia, regular na ginagawa ito sa mga pagtitipon sa tahanan bilang buong hapunan (tingnan ang 1 Cor. 11:20-34). Dahil ang Banal na Hapunan ay nag-ugat sa Hapunan ng Passover, naging bahagi ito ng hapunan nang itinatag ni Jesus, at dahil kinain din bilang buong hapunan ng sinaunang iglesia, ganoon dapat ang pagganap nito ngayon. Gayumpaman, marami sa mga iglesia ang sumusunod sa “tradisyon ng mga tao.”
Kailangan nating tingnan ang Banal na Hapunan nang may kabanalan. Itinuro ni apostol Pablo ang malubhang kasalanan ang pakikilahok sa Banal na Hapunan sa isang hindi karapat-dapat na paraan:
Ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Kaya’t dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. Sapagka’t ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at masasakitin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na. kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. Nguni’t hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid Niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan (1 Cor. 11:27-32).
Pinapayuhan tayong siyasatin at hatulan ang ating sarili bago lumahok sa Banal na Hapunan, at kung makatuklas tayo ng anumang kasalanan, kailangan nating magsisi at ikumpisal ito. Kung hindi, maaari tayong “magkasala sa katawan at dugo ng Panginoon.”
Dahil namatay si Jesus at ibinuhos ang Kanyang dugo upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan, tunay na ayaw nating makilahok sa mga elemento, na sumasagisag sa Kanyang katawan at dugo, nang may nalalamang hindi naikumpisal na kasalanan. Kung gagawin natin iyan, makakain at maiinom natin ang paghatol sa ating sarili sa pamamagitan ng pagkakasakit at pagkamatay nang maaga, na tulad ng mga Cristiano sa Corinto. Ang paraan upang iwasan ang disiplina ng Diyos ay “hatulan ang ating sarili,” ibig sabihin, tanggapin at pagsisihan ang ating mga kasalanan.
Ang pangunahing kasalanan ng mga Cristiano sa Corinto ay ang kakulangan nila ng pag-ibig; nagtatalo at naglalaban-laban sila. Sa katunayan, ang kanilang pagkawala ng konsiderasyon ay naipakita pa sa Banal na Hapunan nang ang ilan ay kumain samantalang nagutom ang iba, at nalasing pa ang ilan sa kanila (tingnan ang 1 Cor. 11:20-22).
Ang kinakain nating tinapay ay sumasagisag sa katawan ni Cristo, na siya na ngayong iglesia. Lalahok tayo sa pagkain ng isang loaf, na sumasagisag ng ating pagkakaisa bilang isang katawan (tingnan ang 1 Cor. 10:17). Anong krimen ang makilahok sa pagkain ng sumasagisag sa isang katawan ni Cristo habang kasali sa laban at di-pagkakaunawaan ng mga kasapi ng katawang iyan! Bago tayo makilahok sa Banal na Hapunan, kailangan nating tiyakin na maganda ang pakikipag-ugnayan natin sa ating mga kapatid kay Cristo.