Nang pinaag-aralan nating ang Sermon sa Bundok ni Jesus sa isang naunang kabanata, nalaman natin ang kahalagahan ng pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin. Kung hindi natin sila mapapatawad, taimtim na ipinangako ni Jesus na hindi tayo patatawarin ng Diyos (tingnan ang Mt. 6:14-15).
Ano ang ibig sabihin ng pagpapatawad ng iba? Tingnan natin ang itinuturo ng Biblia.
Ihinalintulad ni Jesus ang pagpapatawad sa pagbura sa utang ng iba (tingnan ang Mt. 18:23-35). Isipin ang pagkakautang ng isang tao sa iyo at pagkatapos ay pakakawalan ang taong iyon sa kanyang obligasyong bayaran ka. Sisirain mo ang dokumentong naglilista ng kanyang utang. Hindi mo na siya aasahang bayaran ka, at hindi ka na galit sa nakautang sa iyo. Iba na ang pagtingin mo sa kanya kaysa noong may utang pa siya sa iyo.
Maaari rin nating higit na maintindihan ang ibig sabihin ng pagpapatawad kung titingnan natin ang ibig sabihin ng mapatawad ng Diyos. Kapag pinatawad Niya tayo sa isang kasalanan, hindi na Niya tayo inoobligang panghawakan ang ating ginawang nakasama ng Kanyang loob. Hindi na Siya galit sa atin dahil sa kasalanang iyon. Hindi Niya tayo didisiplinahin o parurusahan dahil sa ating ginawa. Nakipagkasundu na tayo sa Kanya.
Gayundin, kung tunay na pinatawad ko ang isang tao, pinalalaya ko sa aking puso ang taong iyon, iigpawan ang pagnanais ng hustisya o paghihiganti sa pagpapakita ng habag. Hindi na ako galit sa taong iyon na nagkasala sa akin. Nagkasundo na kami. Kung may kinikimkim akong galit o sama ng loob sa isang tao, hindi ko pa siya napatawad.
Laging niloloko ng mga Cristiano ang kanilang sarili tungkol dito. Sinasabi nilang napatawad na nila ang isang tao, dahil alam nilang iyon ang dapat nilang gawin, nguni’t sa kanilang kaibuturan, may sama pa rin sila ng loob. Iniiwasan nilang makita ang nagkasala sa kanila dahil nagiging sanhi iyon ng muling pangingibabaw ng nakatagong galit. Alam ko ang aking sinasabi, dahil nagawa ko na iyan. Huwag nating lokohin ang ating sarili. Tandaan na ayaw ni Jesus na magalit tayo sa isang kapwa mananampalataya (tingnan ang Mt. 5:22).
Tatanungin ko kayo: Sino ang higit na madaling patawarin, ang nagkasalang humihingi ng patawad o ang nagkasalang hindi humihingi ng patawad? Siyempre, lahat tayo ay nagkakasundo na higit na madaling patawarin ang nagkasalang tinatanggap niya ang kanyang pagkakamali at hihingi ng kapatawaran. Katunayan, mukhang napakadaling patawarin ang isang taong hihingi ng patawad kaysa isang hindi hihingi ng patawad. Ang magpatawad sa isang taong hindi humihingi ng kapatawaran ay parang imposible.
Tingnan natin ito sa ibang anggulo. Kung ang pagtangging patawarin ang nagkasalang nagsisisi at ang pagtangging patawarin ang nagkasalang hindi nagsisisi ay kapwa mali, alin ang higit na malaking kasalanan? Palagay ko lahat tayo ay nagkakasundo na kung kapwa sila mali, ang pagtangging magpatawad sa nagkasalang nagsisisi ay higit na.
Isang Sorpresa mula sa Kasulatan (A Surprise from Scripture)
Dinadala ako ng lahat nang ito sa isa pang tanong: Inaasahan ba tayo ng Diyos na patawarin ang lahat ng nagkasala sa atin, kahit ang mga ayaw magpakumbaba, tanggapin ang kanilang kasalanan, at hihingi ng pagpapatawad?
Habang mariin nating pinag-aaralan ang Biblia, matutuklasan natin na ang sagot ay “Hindi.” Sa pagtataka ng maraming Cristiano, malinaw na ipinapahayag ng Biblia na, bagama’t inuutusan tayo na mahalin ang lahat, pati ang ating mga kaaway, hindi kinakailangang patawarin natin ang lahat.
Halimbawa, simple bang inaasahan tayo ni Jesus na patawarin ang kapwa mananampalataya na nagkasala sa atin? Hindi. Kung magkagayon, hindi sana Niya sinabi sa atin na sundin ang apat na hakbang sa pakikipagkasundo na inisa-isa sa Mateo 18:15-17, mga hakbang na nagtatapos sa pagtitiwalag kung hindi magsisi ang nagkasala:
Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo sa dati ang pagsasamahan ninyong magkapatid. Nguni’t kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesia ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesia, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.
Malinaw na kung umabot na sa ikaapat na hakbang (pagtitiwalag), hindi naibigay ang pagpapatawad sa nagkasala, dahil ang pagpapatawad at pagtitiwalag ay hindi magkasundong kilos. Magmumukhang kakatwa kapag narinig nating sabihin ng isang tao, “pinatawad namin siya at pagkatapos ay itiniwalag,” dahil ang pagpapatawad ay nagreresulta sa pagkakasundo, hindi pagputol. (Ano ang iisipin mo kung sinabi ng Diyos, “Pinatawad kita, nguni’t wala na akong pakialam sa iyo mula ngayon”?) Sinabi ni Jesus sa atin na ituring ang itiniwalag na tao bilang “Hentil at maniningil ng buwis,” dalawang uri ng taong walang pakikipagkapwa sa mga Judio at kinamumuhian talaga ng mga Judio.
Sa apat na hakbang na binalangkas ni Jesus, hindi ipinagkakaloob ang pagpapatawad pagkatapos ang una, ikalawa at ikatlong hakbang hangga’t hindi nagsisisi ang nagkasala. Kung hindi siya nagsisi pagkatapos sa alinmang hakbang, dinadala siya sa susunod na hakbang, at itinuturing pa rin na di nagsisising nagkasala. Sa sandali lamang na ang nagkasala’y “makikinig sa iyo” (ibig sabihin, nagsisi), masasabing “napanalunan mo na ang iyong kapatid” (ibig sabihin, nakipagkasundo na).
Ang layunin ng paghaharap ay upang maipagkaloob ang pagpapatawad. Nguni’t ang pagpapatawad ay ipinpahayag sa sandaling nagsisi ang nagkasala. Kaya (1) hinaharap natin ang nagkasala sa pag-asang (2) magsisi siya upang (3) mapatawad natin.
Dahil sa lahat ng ito, masasabi natin nang may katiyakan na hindi tayo inaasahan ng Diyos na basta na lang patawarin ang kapwa mananampalataya na nagkasala sa atin at hindi nagsisisi pagkatapos ng paghaharap. Siyempre, hindi tayo binibigyan nito ng karapatang kasuklaman ang nagkasalang mananampalataya. Bagkus, hinaharap natin siya dahil mahal natin ang nagkasala at gusto natin siyang patawarin at muling makasundo.
Bagama’t pagkatapos ng pagsisikap na makipagkasundo sa pamamagitan ng tatlong hakbang na binalangkas ni Jesus, ang ikaapat na hakbang ay pumuputol sa relasyon bilang pagsunod kay Cristo. [1] Tulad ng hindi dapat nating pakikipagkapwa sa mga tinatawag na Cristianong nangangalunya, lasenggero, homosexual at iba pa (tingnan ang 1 Cor. 5:11), hindi tayo dapat makipagkapwa sa mga tinatawag na Cristianong tumatangging magsisi na pinagpasyahan ng buong katawan. Ang nasabing mga tao ay nagpapatunay na hindi sila tunay na tagasunod ni Cristo, at nagdadala sila ng kahihiyan sa Kanyang iglesia.
Ang halimbawa ng Diyos (God’s Example)
Sa higit na pagsusuri ng ating tungkuling magpatawad sa iba, maaari nating pagtakhan kung bakit inaasahan tayo ng Diyos na gumawa ng bagay na hindi Niya mismo ginagawa. Tunay na mahal ng Diyos ang mga taong nagkakasala at ibinibigay ang kanyang mga mahabaging kamay sa pag-aalok ng kapatawaran nila. Itinatanggi ang Kanyang galit at binibigyan Niya sila ng panahon upang magsisi. Nguni’t ang tunay nilang pagkapatawad ay batay sa kanilang pagsisisi. Hindi pinapatawad ng Diyos ang mga nagkasalang tao hangga’t hindi sila nagsisi. Kaya bakit natin iisiping higit ang inaasahan Niya sa atin?
Dahil sa lahat ng ito, hindi ba posible na ang pagkakasalang hindi pagpapatawad na napakabigat sa mata ng Diyos ay ispesipikong ang pagkakasala ng hindi pagpapatawad sa mga humihingi ng ating kapatawaran? Interesante na pagkatapos balangkasin ni Jesus ang apat na hakbang ng disiplina ng iglesia, tinanong ni Pedro,
“Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid kong paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” Sinagot siya ni Jesus, “Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito (Mt. 18:21-22).
Inisip ba ni Pedro na inaasahan siya ni Jesus na patawarin ang isang hindi nagsisising kapatid nang daan-daang beses para sa daan-daang kasalanan samantalangang kasasabi lang ni Jesus na ituring ang di-nagsisising kapatid na tulad ng isang Hentil o maniningil ng buwis dahil sa isang kasalanan? Mukhang hindi. Muli, hindi mo ituturing ang isang tao bilang kasuklam-suklam kung napatawad mo na siya.
Isa pang tanong na dapat pupukaw sa ating isip ay: Kung inaasahan tayo ni Jesus na patawarin ang isang mananampalataya nang daan-daang beses para sa daan-daang kasalanan na hindi niya pinagsisisihan, upang panatilihin ang ating ugnayan, bakit Niya pinapayagang tapusin natin ang relasyon sa ating asawa para lamang sa isang kasalanan laban sa atin, ang pangangalunya, kung hindi magsisi ang ating asawa (tingnan ang Mt. 5:32)? [2] Parang pabagu-bago iyan.
Isang Pagpapalawig (An Elaboration)
Pagkasabi ni Jesus kay Pedro na patawarin niya ang kapatid nang apat na raan at siyamnapung beses, nagkuwento Siya ng isang talinghaga upang matulungang intindihin ni Pedro ang nais Niyang sabihin:
Sapagka’t ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. Unang dinala sa kanya ang aliping may utang na milyun-milyong piso. Dahil sa siya’y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya’y makabayad. Lumuhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya’t pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya. Nguni’t pagkaalis roon ay nakatagpo niya ang isa niyang kamanggagawa na may utang na ilang daang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg, sabay sigaw, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Nguni’t hindi siya pumayag. Sa halip, ito’y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad. “Labis na nagdamdam ang ibang mga tauhan ng hari at isinumbong ang buong pangyayari. Ipinatawag ng hari ang malupit na lingkod. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagka’t nagmakaawa ka sa akin. Naawa ako sa iyo. Hindi ba’t dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ at sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran ang lahat ng kanyang utang. Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo patatawarin nang buong puso ang inyong mga kapatid” (Mt. 18:23-35).
Pansinin na napatawad ang unang alipin dahil hiningi niya ito sa kanyang panginoon. At pansinin na mapagkumbabang humingi din ng kapatawaran sa unang alipin ang pangalawang alipin. Hindi ipinagkaloob ng unang alipin sa pangalawang alipin ang ipinagkaloob sa kanya at iyan ang lubhang ikinagalit ng kanyang panginoon. Dahil dito, naisip kaya ni Pedro na inaasahan siya ni Jesus na patawarin ang di nagsisising kapatid na kailanman ay hindi humingi ng patawad, isang bagay na hindi binigyan ng halimbawa ng talinhaga ni Jesus? Mukhang hindi, at parang higit pa, dahil kasasabi lang sa kanya ni Jesus na ituring ang isang di nagsisising kapatid, pagkatapos harapin, bilang isang Hentil at maniningil ng buwis.
Mukhang hindi pa naisip ni Pedro na inasahan siyang magpatawad sa hindi nagsisising kapatid kung titingnan ang kaparusahang ipinangako ni Jesus sa atin kapag hindi natin pinatawad mula sa puso ang ating mga kapatid. Ipinangako ni Jesus na ibalik lahat ng dati-nang-napatawad na utang at isuko tayo sa mga tagapagparusa hangga’t hindi natin mabayaran ang kailanman ay di natin kayang bayaran. Makatwirang kaparusahan ba iyan sa isang Cristianong hindi nagpapatawad ng isang kapatid, isang kapatid na hindi rin patatawarin ng Diyos? Kung ang isang kapatid ay nagkasala sa akin, nagkakasala siya sa Panginoon, at hindi siya pinapatawad ng Diyos hangga’t hindi siya nagsisisi. Makatwiran ba akong mapaparusahan ng Diyos sa hindi pagpapatawad sa isang taong hindi Niya pinapatawad?
Isang Paglalagom (A Synopsis)
Maikli at malinaw ang pagpapahayag ng mga salita ni Jesus sa Kanyang mga inaasahan sa pagpapatawad natin sa kapwa mananampalataya na nakatala sa Lu.17:3-4:
Kaya’t mag-ingat kayo! Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya’y magsisi, patawarin mo. Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, ‘Nagsisisi ako,’ kailangang patawarin mo siya” (idinagdag ang pagdidiin).
Gaano pa ito lilinaw? Inaasahan ni Jesus na patawarin natin ang kapwa mananampalataya kapag nagsisi sila. Kapag nanalangin tayo, “Patawarin mo kami sa aming mga utang para nang pagpapatawad naming sa nagkakautang sa amin,” hinihingi natin sa Diyos na gawin para sa atin ang ginawa natin para sa iba. Hindi natin maaasahang patawarin Niya tayo hangga’t hindi natin hinihingi. Kaya bakit natin iisiping inaasahan Niya tayong magpatawad sa mga hindi humihingi?
Muli, ang lahat nang ito’y hindi nagbibigay-karapatan sa atin upang magtanim ng sama ng loob laban sa kapatid kay Cristo na nagkasala sa atin. Inutusan tayong magmahalan. Kaya inutusan tayong harapin ang kapwa mananampalatayang nagkasala sa atin, upang magkaroon ng muling pagkakasundo sa kanya, at nang maipagkasundo siya sa Diyos na nagawan din niya ng kasalanan. Iyan ang gagawin ng pag-ibig. Nguni’t kadalasan, sinasabi ng mga Cristianong pinapatawad nila ang kapwa kapatid na mananampalataya, nguni’t pakana lamang ito upang maiwasan nila ang nagkasala sa lahat ng pagkakataon at laging binabanggit ang kanilang sama ng loob. Walang pagkakasundo.
Kapag nagkasala tayo, hinaharap tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu Santo sa atin dahil mahal Niya tayo at nais Niya tayong patawarin. Dapat natin Siyang tularan, may pagmamahal na harapin ang kapwa mananampalatayang nagkasala sa atin upang magkaroon ng pagsisisi, kapatawaran at pagkakasundo.
Lagi nang inasahan ng Diyos ang Kanyang mga tao na mahalin ang isa’t isa ng pag-ibig na tunay, isang pag-ibig na pumapayag sa galit, nguni’t isang pag-ibig na hindi isang utos:
Huwag kayong magtatanim ng galit sa inyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh (Lev. 19:17-18, idinagdag ang pagdidiin).
Isang Pagtutol (An Objection)
Nguni’t paano ang mga salita ni Jesus sa Marcos 11:25-26? Hindi ba nila ipinapakita na dapat nating patawarin ang lahat ng ginawa ng lahat humingi man sila ng kapatawaran o hindi?
Kapag kayo’y tumayo upang manalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ang inyong mga kasalanan ay patawarin din ng inyong Ama na nasa langit.
Hindi hinahalinhan ng isang bersong ito ang lahat ng iba pang bersong nakita na natin tungkol sa paksa. Alam na natin na ang lubhang nakakalungkot sa Diyos ay ang pagtanggi nating magpatawad sa taong humihingi ng ating kapatawaran. Kaya isasaalang-alang natin ang katotohanang iyon sa pagpapaliwanag natin ng bersong ito. Idinidiin lang dito ni Jesus na kailangan nating patawarin ang iba kung nais nating patawarin tayo ng Diyos. Hindi Niya sinasabi sa atin ang higit na ispesipikong pamamaraan ng pagpaptawad at kung ano ang gagawin ninuman upang tanggapin ito sa iba. Pansinin na hindi rin sinasabi dito ni Jesus na kailangang humingi tayo ng tawad sa Diyos upang tanggapin iyon sa Kanya. Kung gayon, ipagwalambahala ba natin lahat ng itinuturo pa ng Biblia tungkol sa pagpapatawad ng Diyos na naipapahayag sa sandaling hiningi natin ito (tingnan ang Mt. 6:12; 1 Jn. 1:9)? Ipagpapalagay ba natin na hindi tayo kailangang humingi ng patawad sa Diyos kapag nagkasala tayo dahil hindi binabanggit ni Jesus dito? Iyan ay hindi mainam na palagay kung titingnan natin ang sinasabi ng Biblia. Hindi rin mainam na ipagwalambahala ang lahat ng iba pang itinuturo ng Biblia tungkol sa pagpapatawad natin sa iba batay sa kanilang paghingi dito.
Isa Pang Pagtutol (Another Objection)
Hindi ba’t ipinanalangin ni Jesus ang mga sundalong naghahati ng Kanyang damit, “Ama, patawarin mo sila sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa,” (Lu. 23:34)? Hindi ba nito ipinapakita na pinapatawad ng Diyos ang mga tao kahit hindi humihingi ng patawad?
Tama, nguni’t may hangganan. Ipinapakita nito na nahahabag ang Diyos sa mga walang alam, isang sukatan ng pagpapatawad. Dahil ganap na makatarungan ang Diyos, pinanghahawakan lamang ng Diyos ang tungkulin ng mga tao kung alam nilang sila’y nagkakasala.
Hindi tiniyak ng panalangin ni Jesus para sa mga sundalo ang lugar nila sa langit—tiniyak lamang nito na hindi sila nagkakasala dahil hinati-hati nila ang mga damit ng Anak ng Diyos, at dahil hindi nila nalalaman kung sino Siya. Itinuring nila Siya na isang karaniwang kriminal na parurusahan. Kaya nahabag ang Diyos sa isang gawaing dapat sana ay may tanging paghatol kung alam lang nila ang kanilang ginagawa.
Nguni’t ipinanalangin ba ni Jesus na patawarin ng Diyos ang sinupaman na naging sanhi ng Kanyang paghihirap? Hindi. Ang tungkol kay Judas, halimbawa, sinabi ni Jesus na mas mabuti pa sana kung hindi na siya ipinanganak (tingnan ang Mt. 26:24). Talagang hindi ipinanalangin ni Jesus na patatawarin ng Kanyang Ama si Judas. Mukhang ang kabaligtaran—kung titingnan natin ang Mga Awit 69 at 109 bilang mapanghulang panalangin ni Jesus, na siyang malinaw na ginawa ni Pedro (tingnan ang Gw.1:15-20). Ipinanalangin ni Jesus na mahatulan si Judas, isang taong nakakaalam ng kanyang kasalanan.
Tulad ng mga nagsisikap tularan si Cristo, kailangan nating magpakita ng habag sa mga hindi nakakaalam ng kanilang ginawa sa atin, tulad ng kaso ng mga di mananampalatayang gaya ng mga sundalong naghati-hati ng damit ni Jesus. Inaasahan tayo ni Jesus na ipakita sa mga hindi mananampalataya ang walang katulad na habag, minamahal ang ating mga kaaway, gumagawa ng mabuti sa mga nasusuklam sa atin, pinagpapala ang mga namumuhi sa atin at ipinapanalangin ang mga nang-aapi sa atin (tingnan ang Lu. 6:27-28). Dapat nating tangkaing tunawin ang kanilang pagkasuklam sa pamamagitan ng ating pag-ibig, iigpawan ng mabuting gawa ang kasamaan. Itinakda ang konseptong ito maging sa ilalim ng Kautusan ni Moises:
Kung nakita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari. Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop (Exo. 23:4-5).
Kapag nagugutom ang inyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya’y nauuhaw. Sa gayo’y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh (Kaw. 25:21-22).
Napakainteresante na bagam’t inutusan tayo ni Jesus na mahalin ang ating kaaway, gawan ng mabuti ang mga nasusuklam sa atin, pagpalain ang mga namumuhi sa atin at ipanalangin ang mga nang-aapi sa atin (tingnan ang Lu. 6:27-28), kailanman ay hindi Niya sinabi sa atin na patawarin natin sila. Talagang maiibig natin ang mga tao kahit hindi natin sila mapatawad—tulad rin ng pagmamahal ng Diyos sa kanila nang hindi sila pinapatawad. Hindi lang sa maiibig natin sila, kailangan natin silang ibigin, na siyang utos sa atin ng Diyos. At ang pag-ibig natin sa kanila ay dapat ipakita ng ating mga kilos.
Dahil lamang sa ipinanalangin ni Jesus na patawarin ng Kanyang Ama ang mga sundalong naghahati-hati sa Kanyang mga damit, hindi nito pinatutunayan na inaasahan tayo ng Diyos na ipagwalambahala ang lahat ng iba pang napag-aralan natin sa Biblia sa paksang ito at patawarin ang lahat ng nagkasala sa atin. Itinuturo lamang nito na kailangan nating kusang patawarin ang mga hindi nakakaalam ng kanilang kasalanan sa atin at kailangan nating magpakita ng di-pangkaraniwang habag sa mga di mananampalataya.
Paano si Jose? (What About Joseph?)
Kung minsan ay ginagamit na halimbawa si Jose, na magiliw na nagpatawad sa kanyang mga kapatid na nagbenta sa kanya sa pagkaalipin, kung paano natin dapat patawarin ang sinuman at lahat ng nagkakasala sa atin, maging hiningi man o hindi ang kapatawaran. Nguni’t iyan ba ang itinuturo sa atin ng Kuwento ni Jose?
Hindi. Hindi iyan.
Isinailalim ni Jose ang kanyang mga kapatid sa sunud-sunod na pagsubok sa loob ng isang tao upang pilitin silang magsisi. Ipinabilanggo pa niya ang isa sa mga iyon nang maraming buwan sa Egipto (tingnan ang Gen. 42:24). Nang sa wakas ay natanggap na ng kanyang mga kapatid ang kanilang pagkakasala (tingnan ang Gen. 42:21; 44:16), at nang inialay ng isa sa kanila ang sarili bilang pantubos sa kasalukuyang paboritong anak ng kanilang ama (tingnan ang Gen. 44:33), nalaman ni Jose na hindi na sila iyong dating mapag-inggit at makasariling taong nagbenta sa kanya sa pagkaalipin. Noon at noon lamang ibinunyag ni Jose ang katauhan niya at magsalita ng magiliw na salita sa mga nagkasala sa kanya. Kung agad-agad silang “pinatawad” ni Jose, marahil ay hindi sila kailanman nagsisi. At iyan ang isa sa mga kahinaan ng mensaheng “dagliang pagpapatawad sa lahat” na kung minsan ay itinuturo ngayon. Ang pagpapatawad sa ating mga kapatid na nagkasala sa atin na hindi natin hinaharap ay nagreresulta sa dalawang bagay: (1) isang huwad na pagpapatawad na hindi nagdudulot ng muling pagkakasundo, at (2) mga nagkasalang hindi nagsisisi kaya hindi lumalago ang espiritwal na pamumuhay.
Ang Pagsasagawa ng Mateo 18:15-17 (The Practice of Matthew 18:15-17)
Bagama’t ang apat na hakbang ng pagkakasundo na inilista ni Jesus ay lubhang madaling intindihin, katunayan ay mahirap silang gawin. Nang balangkasin ni Jesus ang apat na hakbang, ginawa Niya ito mula sa perspektibo ng kung si kapatid na A ay nakumbinsi, at totoo naman, na nagkasala sa kanya si kapatid na B. Nguni’t ang realidad ay maaaring nagkamali si kapatid na A. kaya isipin natin ang sitwasyon na lahat ng maaaring mangyari ay titingnan.
Kung si kapatid na A ay kumbinsidong nagkasala sa kanya si kapatid na B, tiyakin muna niyang hindi siya nagiging lubhang mapanuri, na naghahanap ng butil sa mata ni kapatid na B. Maraming maliliit na kasalanan ay dapat isantabi at magbigay ng habag (tingnan ang Mt. 7:3-5). Ngunit kung nakakaramdam si kapatid na A ng sama ng loob kay kapatid na B dahil sa isang mabigat na pagkakasala, kailangan niyang harapin ito.
Kailangang lihim na gawin ito, bilang pagsunod sa utos ni Jesus, ipinakikita ang kanyang pagmamahal sa kanyang kapatid na B. Dapat, ang kanyang motibo ay pag-ibig at ang kanyang layunin ay muling pagkakasundo. Hindi niya dapat sabihan ang sinuman tungkol sa pagkakasala. “Ang pag-ibig ay pumapawi ng maraming kasalanan” (1 Ped. 4:8). Kung mahal natin ang isang tao, hindi natin ilalantad ang kanyang mga kasalanan; itatago natin ang mga ito.
Dapat malumanay ang kanyang paghaharap, na nagpapakita ng kanyang pagmamahal. Kailangang ang pagsabi niya ay ganito, “Kapatid na B, talagang pinahahalagahan ko ang ating relasyon. Nguni’t may nangyaring lumikha ng dingding sa puso ko laban sa iyo. Ayaw kong nariyan ang dingding, kaya kailangan kong sabihin sa iyo kung bakit pakiramdam ko’y nagkasala ka sa akin upang makapagkasundo tayo. At kung nakagawa ako ng anumang nagpalala sa problemang ito, gusto kong sabihin mo sa akin.” At saka mahinahong sabihin niya kay kapatid na B kung ano ang kasalanan nito.
Kadalasan, hindi pa nalaman ni kapatid na B na nagkasala siya kay kapatid na A, at sa sandaling nalaman niya ito, hihingi siya ng kapatawaran. Kung iyan ang mangyayari, kailangang patawarin agad ni kapatid na A si kapatid na B ang pagkakasundo ay nangyari.
Isa pang maaaring mangyari ay tatangkain ni kapatid na B na pangatwiranan ang kanyang kasalanan kay kapatid na A sa pagsasabing tinutugunan lamang niya ang isang bagay na ginawa ni kapatid na A sa kanya. Kung iyan ang kaso, dapat ay hinarap na ni kapatid na B si kapatid na A. Nguni’t mainam na ngayon ay mayroon nang pag-uusap at pag-asang magkakaroon ng pagkakasundo.
Sa ganitong mga kaso, dapat talakayin ng mga nasasaktan ang nangyari, tanggapin ang kaukulang kasalanan, at magbigay at tumanggap ng kapatawaran sa isa’t isa. Nangyari ang pagkakasundo.
Ang pangatlong eksena ay hindi magkasundo sina A at B. kung gayon, kailangan nila ng tulong, kaya tutuloy na sa pangalawang hakbang.
Pangalawang Hakbang (Step Two)
Pinakamainam kung sina kapatid na A at B ay kapwa nagkasundo kung sino ang sasama sa kanila upang tumulong sa pagpapasundo. Ang ideaI ay, sina kapatid na C at D ay dapat kilala at minamahal kapwa sina A at B, kung gayon, tinitiyak ang kawalan ng kinikilingan. At sina kapatid na C at D ay dapat masabihan tungkol sa alitan dahil sa pag-ibig at paggalang kina A at B.
Kung hindi nakikiisa si kapatid na B sa puntong ito, na kay kapatid na A ang paghahanap ng isa o dalawa pang maaaring makatulong.
Kung sina kapatid na C at D ay marunong, hindi nila hahatulan ang sinuman hangga’t hindi nila naririnig ang panig nina A at B. Sa sandaling naibigay na nina C at D ang kanilang hatol, sina A at B ay dapat pasakop sa kanilang pasya at humingi ng paumanhin at hakbang na gagawin ayon sa inirekomenda nilang hakbang o ng isa sa kanila.
Sina kapatid na C at D ay dapat magmukhang walang kinikilingan at huwag dagdagan ang panganib sa sarili sa pagrerekomendang kapwa kapatid na A at B ay kailangang magsisi kung katunayan ay isa lamang sa kanila ang kailangang gumawa ng ganito. Kailangan nilang malaman na kung ang isa kina A at B ay tumutol sa kanilang hatol, iaapila sa buong iglesia at ang kanilang mahinang hatol ay mabubunyag sa lahat. Ang tuksong itong haharapin nina C at D upang tangkaing panatilihin ang pakikipagkapwa kina A at B sa paglalagay sa alanganin sa katotohanan ay isang mahusay na dahilan kung bakit ang dalawang hatol ay higit na mainam kaysa isa, dahil mapapalakas nila ang isa’t isa sa katotohanan. Dagdag pa, higit na bibigat ang kanilang pasya sa harap nina A at B.
Pangatlong Hakbang (Step Three)
Kung hindi tatanggapin ng sinuman kina A o B ang hatol nina C at D, ihaharap ito sa buong iglesia. Ang pangatlong hakbang na ito ay hindi kailanman ginagawa sa mga iglesiang institusyunal—at may magandang dahilan—walang dudang magreresulta sa pagkakahati-hati habang may pinapanigan ang mga tao. Kailanman ay hindi naging intensyon ni Jesus na mas malaki ang mga lokal na iglesia sa kung ilan ang kakasya sa isang bahay. Ang mas maliit na pamilyang kongregasyong ito na nakakikilala at nagmamahal kina A at B ay ang intensyong paggaganapan ng ikatlong hakbang. Sa isang iglesiang institusyunal, dapat gawin ang ikatlong hakbang sa konteksto ng isang maliit na grupong binubuo ng mga taong kapwa nakakikilala at nagmamahal kina A at B. Kung sina A at B ay kapwa miyembro ng ibang lokal na katawan, ilan sa mga mahuhusay na miyembro sa kapwa katawan ang dapat magsilbi bilang katawang gagawa ng desisyon.
Sa sandaling nagawa na ng iglesia ang hatol, kailangang pasakop sina kapatid na A at B, na mulat sa kahihinatnan ng di-pagsunod. Dapat magawa ang mga paghingi ng paumanhin, maibigay ang pagpapatawad, at mangyari ang muling pagkakasundo.
Kung sinuman kina A o B ay tumangging humingi ng inirekomendang paumanhin, kailangan siyang palabasin sa iglesia at wala na sa mga tao sa iglesia ang makipagkapwa sa kanya. Kadalasan, sa puntong ito, ang isang di nagsisising tao ay kusa nang umalis, at maaaring matagal na niyang ginawa kung hindi niya naipilit ang kanyang gusto sa mga nakaraang hakbang. Ibinubunyag nito ang kakulangan niya ng pangako upang mahalin ang espiritwal niyang pamilya.
Isang Karaniwang Problema (A Common Problem)
Sa mga iglesiang institusyunal, karaniwang nilulutas ng mga tao ang hindi nila pagkakaunawaan sa pag-alis sa iglesia at pagpunta sa iba, kung saan ang pastor, na gustong palakihin ang kanyang kaharian ano man ang mangyari, at walang ugnayan sa iba pang pastor, at tinatanggap ang mga taong ito at aayunan sila habang nakikinig sa kanilang kuwento. Matagumpay na pinipigil ng padron na ito ang mga hakbang na iniutos ni Cristo. At karaniwan, lilipas lang ang ilang buwan o taon ay muling aalis ang nasaktang tao, na tinanggap sa kanilang iglesia ng nasabing mga pastor upang humanap ng ibang iglesia, dahil muling nasaktan.
Inasahan ni Jesus na ang mga iglesia ay lubhang maliit upang kakasya sa mga tahanan, at ang mga lokal na pastor/pinuno/tagapangasiwa ay tulung-tulong bilang isang katawan. Kung gayon ang pagpapatiwalag sa isang miyembro ng isang iglesia ay epektibong pagpapatiwalag sa lahat ng mga iglesia. Tungkulin ng bawa’t pastor/pinuno/tagapangasiwa na tanungin ang pumapasok na Cristiano tungkol sa kanilang nakaraang background sa iglesia at saka makipag-ugnayan sa pamunuan ng naturang iglesia upang malaman kung ang nasabing tao’y karapat-dapat tanggapin.
Ang Itinakda ng Diyos para sa isang Banal na iglesia (God’s Intention for a Holy Church)
Isa pang karaniwang problema sa mga iglesiang institusyunal ay kadalasang binubuo sila ng maraming taong dumadalo lamang para sa palabas, na walang pananagutan sa sinuman dahil ang kanilang pakikiugnay ay likas na pangsosyal lamang. Kung gayon, walang nakakaalam, lalo na ang mga pastor, kung paano sila namumuhay, at mga hindi banal na tao ay patuloy na nagdadala ng mantsa sa dinadaluhan nilang iglesia. Magkagayon, hinahatulan ng mga tagalabas ang mga taong kinikilala nilang Cristiano bilang hindi naiiba sa mga di nananampalataya.
Ito lamang ay sapat nang katibayan sa sinuman na ang istruktura ng institusyunal na iglesia ay hindi itinakda ng Diyos para sa Kanyang banal na iglesia. Ang mga walang kabanalan at mapagpanggap na tao ay laging nagtatago sa malalaking institusyunal na iglesia, na nagdadala na paninisi kay Cristo. Nguni’t sa nabasa natin sa Mateo 18:15-17, malinaw na itinakda ni Jesus na ang Kanyang iglesia ay bubuuin lamang ng banal na mga tao na nangangakong miyembro ng isang naglilinis-sa-sariling katawan. Titingnan ng mundo ang iglesia at makikita ang Kanyang malinis na nobya. Ngunit ngayon, makikita nila ang dakilang puta, isang walang-katapatan sa kanyang asawa.
Itong itinakdang-may-kabanalang naglilinis-sa-sariling aspekto ng iglesia ay nakikita nang harapin ni Pablo ang isang kritikal na sitwasyon sa iglesia sa Corinto. Ang isang natanggap na miyembro ng katawan ay katunayang nakikisama sa isang relasyon ng pangangalunya sa kanyang tiyahin:
Nakarating nga sa akin ang balitang mayroong kabilang sa inyo na gumagawa ng imoralidad; kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit nga pagano ay hindi gumagawa ng ganyang kahalayan! At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana’y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag! Kahi’t wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya’t parang nariyan na rin ako. Ang gumagawa niyan ay hinatulan ko na sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. Kapag kayo’y nagtipun-tipon, at ang espiritu ko ay nariyan, sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyan upang mapahamak ang kanyang katawan, at nang sa gayo’y maligtas ang kanyang espiritu sa araw ng Panginoon….Sinabi ko sa aking sulat na huwag na kayong makisalamuha pa sa mga nakikiapid. Hindi ang mga makamundong nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagka’t para sila’y maiwasan kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito. Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila’y Cristiano nguni’t nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao. Kung sabagay, wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Hindi ba’t ang mga nasa loob ng iglesia ang dapat ninyong hatulan? Sabi nga ng kasulatan, “Itiwalag ninyo sa inyong samahan ang masamang tao” (1 Cor. 5:1-5, 9-13).
Walang pangangailangan upang akayin ang tanging taong ito sa mga hakbang ng pakikipagkasundo dahil malinaw na hindi siya tunay na mananampalataya. Itinuring siya ni Pablo bilang “nasabing kapatid” at “masamang tao.” Dagdag pa, makaraan ang ilang berso, isinulat ni Pablo,
Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos (1 Cor. 6:9-10).
Malinaw na tama ang paniniwala ni Pablo na ang mga imoral, tulad ng lalaki sa iglesia ng Corinto, ay nagkakanulo ng kahuwaran ng kanilang pananampalataya. Ang mga naturang tao ay hindi dapat ituring na kapatid at akayin sa apat na hakbang ng pakikipagkasundo. Dapat silang itiwalag, “ibigay kay Satanas,” upang hindi palakasin ng iglesia ang kanilang panloloko-sa-sarili, at magkaroon ng pag-asang makita ang pangangailangan ng pagsisisi upang “maligtas sa araw ng Panginoong Jesus” (1 Cor. 5:5).
Sa mga malalaking iglesia sa buong mundo ngayon, minsan ay may daan-daang taong nagpapanggap na Cristiano, na sa biblikal na pamantayan ay di mananampalataya at dapat matiwalag. Malinaw na ipinakikita sa atin ng Biblia na may pananagutan ang iglesia upang alisin ang mga nasa loob nito ang mga di nagsisising nakikiapid, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, naglalasing at iba pa. Nguni’t ang mga taong ito, sa ilalim ng “pagpapala,” ay kadalasang inilalagay sa mga grupong sumusuporta kung saan nahihikayat sila ng ibang “mananampalatayang” may parehong problema. Insulto ito sa kapangyarihang nagpapabago-ng-buhay na ebanghelyo ni Jesu Cristo.
Mga nagkasalang Pinuno (Fallen Leaders)
Bilang pagtatapos, dapat bang dagliang ibalik sa kanyang katungkulan ang isang nagsising pinuno kung nakagawa siya ng malubhang kasalanan (tulad ng pangangalunya)? Bagama’t agad-agad na patatawarin ng Panginoon ang nagsising pinuno (at dapat, ng iglesia rin), nawala na ng nagkasalang pinuno ang tiwala ng mga taong kanyang pinaglilingkuran. Ang tiwala ay bagay na kailangang hanapin. Kung gayon, ang mga nagkasalang pinuno ay dapat magkusang umalis sa mga matataas na posisyon at pasakop sa espiritwal na pagkalinga hangga’t hindi nila mapapatunayan na sila’y mapagkakatiwalaan. Kailangan nilang magsimula uli. Ang mga hindi handang magpakumbabang magsilbi sa maliliit na paraan upang mabawi ang tiwala ay hindi dapat tingalain ninuman bilang pinuno sa katawan.
Bilang Paglalagom (In Summary)
Bilang ministrong tagalikha-ng-alagad na natawag upang “manisi, magalit, magpayo, sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo” (2 Tim. 4:2), huwag tayong lalayo sa ating tawag. Turuan natin ang ating mga alagad na tunay na magmahalan sa pamamagitan ng palagiang mahabaging pagpipigil, mahinahong paghaharap kung kinakailangan, karagdagang paghaharap sa tulong ng iba kung kinakailangan, at pagpapatawad kapag hiningi. Higit na mainam ito kaysa huwad na pagpapatawad na hindi nagdadala ng tunay na paghilom ng nasirang mga ugnayan. At magsikap tayong sundin ang Panginoon sa bawat aspekto upang panatilihing malinis at banal ang Kanyang iglesia, isang papuri sa Kanyang pangalan!
Para sa karagdagang pag-aaral tungkol sa paghaharap at disiplina sa iglesia, tingnan ang Ro. 16:17-18; 2 Cor. 13:1-3; Gal. 2:11-14; 2 Tes. 3:6, 14-15; 1 Tim. 1:19-20, 5:19-20; Tito 3:10-11; San. 5:19-20; 2 Jn. 10-11.
[1] Makatwirang kung nagsisi pagkatapos ang taong itiniwalag, inaasahan ni Jesus na patatawarin siya.
[2] Kung ang nangangalunyang asawa ay isang Cristiano, aakayin natin ang taong iyon sa tatlong hakbang na binalangkas ni Jesus para sapaghihiwalay. Kapag nagsisi ang asawang nangalunya, inaasahan tayong magpatawad ayon s autos ni Jesus.