Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis Niyang pag-uusig ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. Hindi pa humahantong sa pag-aalay ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. Nalimutan na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob? “Anak ko, huwag mong balewalain ang pagtutuwid ng Panginoon, at huwag mong mamasamain kapag ikaw ay dinidisiplina Niya. Sapagka’t dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal Niya, at pinapalo ang itinuturing Niyang anak.” Tiisin ninyo ang lahat ng hirap bilang pagtutuwid ng isang ama, dahil ito’y nagpapakilalang kayo’y tinatanggap ng Diyos bilang tunay Niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidispilina ng kanyang ama? Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo’y mga anak sa labas. Hindi ba’t dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba’t upang tayo’y mabuhay, mas nararapat na tayo’y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo’y maging banal tulad Niya. Habang tayo’y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, nguni’t pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay. Dahil dito’y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling (Heb. 12:3-13).
Ayon sa inspiradong autor ng libro ng Hebreo, dinidisiplina ng ating Amang nasa langit ang lahat ng Kanyang anak. Kung hindi Niya tayo dinidisiplina, ipinapakitang hindi tayo isa sa Kanyang mga anak. Kung gayon, kailangan nating maging mulat at sensitibo sa Kanyang disiplina. Ilang taong nagsasabing sila’y Cristiano, na ang tuon lamang ay ang pagpapala at kabaitan ng Diyos, ay nagpapaliwanag na lahat ng negatibong pangyayari ay pananalakay ng demonyo at walang banal na layunin. Maaaring malaking kamalian ito kung tinatangka ng Diyos na dinadala sila sa pagsisisi sa pamamagitan ng Kanyang disiplina.
Dinidisiplina ng mga mabubuting makalupang magulang ang kanilang mga anak sa pag-asang matututo ang mga ito, uunlad, at magiging handa sa responsableng nasa gulang na buhay. Dinidisiplina rin tayo ng Diyos upang lalago tayo sa espiritwal na pamumuhay, maging makabuluhan sa paglilingkod sa Kanya, at handang humarap sa Kanyang paghatol. Dinidisiplina Niya tayo dahil mahal Niya tao, at dahil nais Niyang kabahagi tayo ng Kanyang kabanalan. Ang nagmamahal nating Ama sa langit ay nakatutok sa ating espiritwal na paglago. Sinasabi ng Biblia, “Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Jesu-Cristo” (Fil.1:6).
Walang bata ang nasisiyahan sa pagpalo ng kanyang mga magulang. Kapag dinidisiplina tayo ng Diyos, hindi “masaya, kundi malungkot” ang karanasan, na siyang nabasa natin. Nguni’t sa katapusan, higit na mabuti para sa atin dahil idinudulot ng disiplina “ang mapayapang bunga ng pagkamatuwid
Kailan at Paano Tayo Dinidisiplina ng Diyos? (When and How Does God Discipline Us?)
Tulad ng sinumang mabuting ama, dinidisiplina lamang ng Diyos ang Kanyang mga anak kapag sumusuway sila. Sa tuwing susuwayin natin Siya, nanganaganib tayong tumanggap ng Kanyang disiplina. Nguni’t napakamahabagin ng Panginoon, at karaniwang binibigyan Niya tayo ng sapat na panahon upang magsisi. Karaniwang dumarating ang Kanyang disiplina pagkatapos ng paulit-ulit na pagsuway at ang paulit-ulit Niyang babala.
Paano tayo dinidisiplina ng Diyos? Tulad ng natutuhan natin sa nakaraang kabanata, ang disiplina ng Diyos ay maaaring dumating bilang panghihina, pagkakasakit o maging pagkamatay na wala-sa-panahon:
Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at masasaktin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na. Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. Nguni’t hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid Niya tao, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan (1 Cor. 11:30-32).
Hindi natin dapat agad-agad na ipagpalagay na lahat ng karamdaman ay resulta ng disiplina ng Diyos (maiisip natin ang kaso ni Job). Nguni’t kung darating ang pagkakasakit, mainam na gumawa ng espiritwal na pagsusuri upang tingnan kung binuksan natin ang pinto sa pagdisiplina ng Diyos dahil sa pagsuway. Maiiwasan natin ang paghatol kung hahatulan natin ang ating mga sarili—ibig sabihin, tanggapin ang ating kasalanan at magsisi. Lohikal na ipagpalagay na magiging kandidato tayo sa paghilom kapag tayo’y nagsisi kung ang ating karamdaman ay sanhi ng disiplina ng Diyos.
Sa pamamagitan ng paghatol ng Diyos, sinabi ni Pablo na tunay na maiiwasan nating maparusahan kasama ng sanlibutan. Ano ang ibig niyang sabihin? Sinabi ni Pablo na sa katunayan ang disiplina ng Diyos ang nagdadala sa atin sa pagsisisi upang sa wakas ay hindi tayo mapupunta sa impiyerno kasama ng sanlibutan. Mahirap itong tanggapin ng mga taong nag-aakalang opsyunal ang kabanalan para doon sa mga nasa daan panuntang langit. Nguni’t para sa mga nakabasa ng Sermon sa Bundok ni Jesus, alam nila na ang mga sumusonod sa Diyos ay papasok sa Kanyang kaharian (tingnan ang Mt. 7:21). Kaya, kung ipagpatuloy natin ang paggawa ng kasalanan at hindi magsisi, nanganganib tayong mawalan ng buhay na walang-hanggan. Purihin ang Diyos sa Kanyang disiplinang nag-aakay sa atin upang magsisi at nagliligtas sa atin sa impiyerno!
Si Satanas Bilang Instrumento ng Paghatol ng Diyos (Satan as a Tool of God’s Judgment)
Malinaw sa ilang berso sa Biblia na maaaring gamitin ng Diyos si Satanas para sa kanyang mga layunin sa pagdidisiplina. Halimbawa, sa talinhaga ng di nagpapatawad na alipin sa Mateo 18, sinabi ni Jesus na “nagngangalit” ang panginoon ng alipin nang malaman niyang ang pinatawad niyang alipin ay hindi nagpatawad na kamanggagawa niya. Pagkatapos niyan, isinuko niya ang hindi nagpatawad na alipin “sa mga magpapahirap sa kanya hangga’t hindi niya nabayaran lahat ng kanyang pagkakautang” (Mt.18:34). Tinapos ni Jesus ang talinhagang ito sa pamamagitan ng mga dakilang salita:
Gayundin ang gagawin sa inyo ng Aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo patatawarin nang buong puso ang inyong mga kapatid (Mt. 18:35).
Sino ang “mga nagpapahirap”? Mukhang ito ang demonyo at ang kanyang mga kasama. Maaaring isuko ng Diyos sa demonyo ang isa sa Kanyang mga sumusuway na anak upang magsisi ito. Ang paghihirap at kalamidad ay may nagagawa upang magsisi ang mga tao—na tulad ng natutuhan ng nawala at natagpuang anak (tingnan ang Lu.15:14-19).
Sa Lumang Tipan, makikita natin ang mga halimbawa ng paggamit ng Diyos kay Satanas o masasamang espiritu upang magdala ng disiplina o paghatol sa buhay ng mga taong nararapat makatanggap ng kanyang galit. Ang isang halimbawa ay matatagpuan sa ika-siyam na kabanata ng Mga Hukom, kung saan mababasa natin na “nagpadala ang Diyos ng espiritu ng hidwaan sa mga taga-Shekem at kay Abimelec” (Huk. 9:23) upang magdala ng paghatol sa kanila para sa mga kasamaang ginawa laban sa mga anak ni Gideon.
Sinasabi rin ng Biblia na “isang masamang espiritu” ang nagpahirap kay Haring Saul upang magsisi siya (1 Sam. 16:14). Nguni’t hindi kailanman nagsisi si Saul at kalaunan ay namatay siya sa giyera dahil sa kanyang pagrerebelde.
Sa dalawang halimbawang ito sa Lumang Tipan, sinasabi ng Biblia na ang mga masasamang espiritu ay “ipinadala mula sa Diyos.” Hindi ibig sabihin nito na may mga masasamang espiritu ang Diyos sa langit na naghihintay doon upang paglingkuran Siya. Malamang na pinapayagan lamang ng Diyos ang mga masasamang espiritu ni Satanas upang gumawa sila ng limitadong kasamaan sa pag-asang magsisi ang mga makasalanan dahil sa kanilang paghihirap.
Iba Pang Paraan ng Disipilina ng Diyos (Other Means of God’s Discipline)
Sa ilalim ng lumang kasunduan, makikita rin natin na madalas dinisiplina ng Diyos ang Kanyang mga tao sa pagpapahintulot ng mga kaguluhang tulad ng taggutom o banyagang kalabang gagapi sa kanila. Sa kalaunan ay magsisisi sila at ililigtas Niya sila sa kanilang mga kalaban. Kapag tumanggi silang magsisi pagkatapos ng matagal na pahirap at babala, sa katapusan ay pinahihintulutan Niya ang banyagang kapangyarihan upang tuluyang gapiin sila at paalisin sa kanilang bayan bilang patapon.
Sa ilalim ng bagong kasunduan, tunay na maaaring disiplinahin ng Diyos ang Kanyang sumusuway na anak sa pagpapahintulot ng mga paghihirap sa kanilang buhay, o kaya pahintulutan Niya ang kanilang mga kalaban upang saktan sila. Halimbawa, ang siniping pahayag sa umpisa ng kabanatang ito tungkol sa disiplina ng Diyos (Heb. 12:3-13) ay makikita sa konteksto ng mga mananampalatayang Hebreo na inaapi dahil sa kanilang pananampalataya. Nguni’t hindi lahat ng pang-aapi ay pinahihintulutan dahil sa di-pagsunod. Kailangang hiwalay na hatulan ang bawa’t kaso.
Ang Tamang Pagtugon sa Disiplina ng Diyos (Rightly Reacting to God’s Discipline)
Ayon sa pagpayong sinipi sa umpisa ng kabanatang ito, maaari tayong tumugon nang may kamalian sa disiplina ng Diyos sa isa sa dalawang paraan. Maaaring “huwag pansinin ang disiplina ng Panginoon” o maaaring “mawawalan tayo ng loob kapag napagalitan Niya tayo” (Heb. 12:5). Kung “binabalewa” natin ang disiplina ng Diyos, ibig sabihin ay hindi natin ito nakikilala, o hindi natin pinapansin ang babala nito. Ang mawalan ng loob dahil sa disiplina ng Diyos ay ang sumuko sa pagbibigay-aliw sa Kanya dahil ang akala natin ay napakabigat ng Kanyang disiplina. Mali pareho ang pagtugon. Dapat nating kilalanin na mahal tayo ng Diyos, at dinidisiplina Niya tayo para sa ating kabutihan. Kapag kinikilala natin ang kanyang mapagmahal na kamay na nagdidisiplina, dapat tayong magsisi at tanggapin ang Kanyang pagpapatawad.
Pagkatapos nating magsisi, kailangan nating asahan ang pagkawala ng disiplina ng Diyos. Nguni’t hindi tayo dapat umasang mapalaya sa kinalabasan ng ating kasalanan, bagama’t maaari nating hingin ang tulong at habag ng Panginoon. Tumutugon ang Diyos sa espiritung mapagkumbaba at nagsisisi (tingnan ang Isaias 66:2). Ipinangangako ng Biblia, “Ang Kanyang galit, ito’y panandalian, nguni’t panghabang-buhay ang Kanyang kabutihan. Sa buong magdamag, luha ma’y pumatak, pagsapit ng umaga, kapalit ay galak” (Awit 30:5).
Pagkatapos ng Kanyang paghukom sa mga Israelita, ipinangako ng Diyos:
Sandaling panahon kitang iniwanan; nguni’t dahil sa tapat kong pag-ibig, muli kitang kakalingain. Sa tindi ng aking galit, sandal akong lumayo sa iyo, nguni’t ipadarama ko sa iyo ang aking kahabagan sa pamamagitan ng pag-ibig na wagas (Isa. 54:7-8).
Ang Diyos ay mabait at mahabagin!
Para sa karagdagang pag-aaral tungkol sa disiplina ng Diyos, tingnan ang 2 Cron. 6:24-31, 36-39; 7:13-14; Awit 73:14; 94:12-13; 106:40-46; 118:18; 119:67, 71; Jer. 2:29-30; 5:23-25; 14:12; 30:11; Hag. 1:2-13; 2:17; Gw. 5:1-11; Pah. 3:19.