Alam ng karamihang Cristiano na kapag namatay ang mga tao, pupunta sila sa langit o sa impiyerno. Nguni’t hindi napagtatanto ng lahat na ang langit ay hindi ang huling hantungan ng lahat ng matuwid, at ang Hades ay hindi ang huling hantungan ng mga hindi matuwid.
Kapag namatay ang mga tagasunod ni Cristo, ang kanilang espiritu/kaluluwa ay dagliang pupunta sa langit kung saan naninirahan ang Diyos (tingnan ang 2 Cor. 5:6-8; Fil. 1:21-23; 1 Tes. 4:14). Nguni’t sa isang panahon sa hinaharap, lilikha ang Diyos ng isang bagong langit at lupa, at bababa ang Bagong Jerusalem mula sa langit patungo sa lupa (tingnan ang 2 Ped. 3:13; Pah. 21:1-2). Doon maninirahan ang mga matuwid magpakailanman.
Kapag namatay ang mga hindi matuwid, agad silang pupunta sa Hades, nguni’t ang Hades ay isang lugar na pansamantalang hintayan ng pagkabuhay muling kanilang katawan. Kapag dumating ang araw na iyon, haharap sila sa hukuman ng Diyos at itatapon sa lawang nagliliyab sa apoy at asero, na tinataguriang Gehenna sa Biblia. Titingnan natin ang lahat ng ito nang higit na masinsinan mula sa Biblia.
Kapag Namatay ang mga Hindi Matuwid (When the Unrighteous Die)
Upang higit na maintindaihan ang mangyayari sa mga hindi matuwid kapag namatay sila, kailangan nating pag-aralan ang salitang Hebreo sa Lumang Tipan at tatlong salitang Griyego sa Bagong Tipan. Bagama’t ang mga Hebreo at Griegong salita ay talagang naglalarawan ng tatlong iba-ibang lugar, kadalasang isinasalin sila bilang impiyerno sa ilang tanging salin sa Biblia, na nakakaligaw sa mga mambabasa.
Una, tingnan natin ang Hebreong salitang Sheol sa Lumang Tipan.
Binabanggit nang higit sa animnapung ulit ang salitang Sheol sa Lumang Tipan. Malinaw na nagtuturing ito sa pagkatapos-ng-kamatayang tirahan ng mga hindi matuwid. Halimbawa, nang si Korah at ang kanyang mga tagasunod ay nagrebelde laban kay Moises sa ilang, pinarusahan sila ng Diyos sa pamamagitan ng pagbukas sa lupa, na lumamon sa kanila at lahat ng kanilang ari-arian. Sinsabi ng Biblia na nahulog sila sa Sheol:
Silang lahat ay nalibing nang buhay (sa Sheol ) [1] . Muling nagsara ang lupa at hindi na sila nakita ng mga Israelita (Bil. 16:33, idinagdag ang pagdidiin).
Sa pagdaan ng panahon sa kasaysayan ng Israel, binalaan sila ng Diyos na ang Kanyang galit ay nag-apoy at nagliliyab sa Sheol:
Galit ko’y bubuga ng nag-aalab na poot, maglalagablab hanggang sa kalaliman ng daigdig ng mga patay. Lupa’t bunga nito apoy ang tutupok, sa mga saligan ng bundok siya ang susunog (Deut. 32:22, idinagdag ang pagdidiin).
Ipinahayag ni Haring David na,
Sa diagdig ng mga patay doon sila matatapos, pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos (Awit 9:17, idinagdag ang pagdidiin).
At nanalangin siya laban sa mga hindi matuwid, at hinihinging,
Biglang kamatayan nawa ay dumating, ihuhulog ng buhay, sa daigdig ng mga patay; sa kanilang puso’t maging sa tahanan, yaong naghahari’y pawang kasamaan (Awit 55:15, idinagdag ang pagdidiin).
Binabalaan ang mga nagbibinata sa pakana ng mga puta, isinulat ni Marunong na Solomon,
Sa bahay niya’y nagmumula ang landas ng kasawian, tiyak na patungo sa malagim na kamatayan (Kaw. 7:27; 9:18, idinagdag ang pagdidiin).
Nagsulat si Solomon ng iba pang kawikaan na magpapaniwala sa atin na talagang ang mga hindi matuwid ang hahantong sa Sheol:
Sa mga marunong, ang daan ng buhay ay pataas, upang maiwasan ang daigdig ng mga patay (Kaw. 15:24, idinagdag ang pagdidiin).
Inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay (Kaw. 23:14, idinagdag ang pagdidiin)
Sa pagtatapos, bilang babala sa paglalarawan ni Jesus sa impiyerno, mapanghulang nakipag-usap si Isaias sa hari ng Babilonia, na iniangat ang sarili nguni’t maitatapon sa Sheol:
Ang daigdig ng mga patay ay abala sa iyong pagdating; ito’y naghahanda upang ikaw ay salubungin; ginising niya ang mga kaluluwa upang batiin ka, ng mga dating makapangyarihan sa daigdig. Pinatayo niya mula sa kanilang trono ang hari ng mga bansa. Lahat sila ay magsasabi sa iyo: ‘Ikaw pala’y naging mahina ring tulad namin! At sinapit mo rin mo rin ang aming sinapit!’ Noo’y pinaparangalan ka ng tugtog ng alpa, ngayo’y narito ka na sa daigdig ng mga patay. Uod ang iyong hinihigan at uod rin ang iyong kinukumot.” O maningning na Bituin sa umaga, anak ng Bukang-liwayway! Bumagsak ka rin sa lupa, at nahulog mula sa langit. Ikaw na nagpasuko sa mga bansa! Hindi ba’t sinabi mo sa iyong sarili? ‘Aakyat ako sa langit; at sa ibabaw ng mga bituin ng Diyos, ilalagay ko ang aking trono. Uupo ako sa ibabaw ng bundok na tagpuan ng mga diyos sa malayong hilaga. Aakyat ako sa ibabaw ng mga ulap, papantayan ko ang Kataas-taasan.’ Nguni’t anong nangyari at nahulog ka sa daigdig ng mga patay?Sa kalalimang walang hanggan? Pagmamasdan ka ng mga patay at magtatanong ang mga ito: ‘Hindi ba ang taong ito ang nagpayanig sa lupa, at nagpabagsak sa mga kaharian? Hindi ba’t winasak niya ang buong daigdig, at nilupig ang mga lunsod, ang taong ayaw palayain ang mga bilanggo? (Isa. 14:9-17, idinagdag ang pagdidiin).
Ang mga pahayag na ito sa Biblia at iba pang tulad nila na nagpapaniwala sa atin na ang Sheol ang lugar na pinagpapahirapan at kung saan ibinibilanggo ang mga hindi matuwid pagkatapos ng kanilang kamatayan. At mayroon pang karagdagang patunay.
Daigdig ng mga Patay (Hades)
Malinaw na ang Griegong salitang Bagong Tipan, Hades, ay tumutukoy sa Hebreong salita sa Lumang Tipan na Sheol. Sa pagpapatunay dito, ihahalintulad lang natin ang Awit 16:10 sa Mga Gawa 2:27 kung saan nasasaad:
Pagka’t di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak, sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas (Awit 16:10, idinagdag ang pagdidiin).
Sapagka’t hindi mo ako pababayaan sa daigdig ng mga patay, at hindi mo pahihintulutang mabulok ang iyong Banal na Lingkod (Gw. 2:27, idinagdag ang pagdidiin).
Dahil dito, interesante na sa sampung pagkakataong pagbanggit ng daigdig ng mga patay (Hades) [2] sa Bagong Tipan, laging negatibo ang pagturing dito at kadalasang bilang lugar ng pagpapahirap kung saan ang mga masama ay ibinibilanggo pagkatapos ng kamatayan (tingnan ang Mt. 11:23; 16:18; Lu. 10:15; 16:23; Gw. 2:27; 2:31; Pah. 1:18; 6:8; 20:13-14). Muli, lahat ng ito ay nagpapakitang ang Sheol/Hades ang naging at siyang tirahan ng mga namatay na hindi matuwid, isang lugar ng pagpapahirap.
Pumunta ba si Jesus sa Daigdig ng mga Patay [Sheol/Hades]? (Did Jesus Go to Sheol/Hades?)
Tingnan natin ang Awit 16:10 at ang pagbanggit dito ni Pedro na naitala sa Gw. 2:27, dalawang bersong nagpapakita na ang Sheol at Hades ay iisang lugar. Ayon sa sermon ni Pedro sa Pentecostes, hindi tinutukoy ni David sa Awit 16:10 ang kanyang sarili, kundi nanghuhulang tinutukoy si Cristo, dahil ang katawan ni David, di tulad ng kay Cristo, ay naagnas (tingnan ang Gw. 2:29-31). Dahil dito, mapagtatanto natin na sa katunayan ay si Jesus ang nakikipag-usap sa Kanyang Ama sa Awit 16:10, ipinpahayag ang Kanyang paniniwalang hindi pababayaan ng Kanyang Ama ang Kanyang kaluluwa sa Sheol o payagang maagnas ang Kanyang katawan.
Ipinaliliwanag ng ilan ang pahayag na ito ni Jesus bilang patunay na pumunta sa Sheol/Hades ang Kanyang kaluluwa sa tatlong araw na pagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Nguni’t katunayan, hindi iyan ipinahiwatig. Pansinin muli ang talagang sinabi ni Jesus sa Kanyang Ama:
Pagka’t di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak, sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas (Awit 16:10).
Hindi sinasabi ni Jesus sa Kanyang Ama, “Alam kong mananatili nang ilang araw ang aking kaluluwa sa Sheol/Hades, nguni’t naniniwala akong hindi Mo Ako pababayaan doon.” Bagkus, sinasabi Niya, “Naniniwala ako na kapag namatay Ako, hindi Ako maituturing na tulad ng hindi matuwid, na pababayaan ang aking kaluluwa sa Sheol/Hades. Ni hindi ako mananatili doon ng kahit isang sandali. Hindi, naniniwala Akong ang plano Mo ay buhayin Akong muli sa loob ng tatlong araw, at ni hindi mo papayagang maagnas ang aking katawan.”
Kailangan talaga ang paliwanag na ito. Nang sinabi ni Jesus, “Ni hindi Mo papayagang maagnas ang Iyong Banal na Lingkod,” hindi natin iyan ipinapakahulugan na ang katawan ni Jesus ay patuloy na naagnas nang tatlong araw hanggang muling nabuo ito sa Kanyang muling pagkabuhay. Bagkus, ipinapakahulugan natin ito na hindi kailanman nagkaroon ng anumang pagkaagnas mula kamatayan hanggang sa muli Niyang pagkabuhay.
Gayundin, ang Kanyang pahayag na ang Kanyang kaluluwa ay hindi mapababayaan sa Sheol/Hades ay hindi kailangang ipakahulugang naiwan Siya sa Sheol/Hades nang ilang araw nguni’t sa huli ay hindi pinabayaan. [3]
Bagkus, dapat ipakahulugang hindi dapat ituring ang Kanyang kaluluwa bilang hindi matuwid na pababayaan sa Sheol/Hades. Kailanman ay hindi mananatili doon ang Kanyang kaluluwa kahit isang sandali. Pansinin din na sinabi ni Jesus, “Hindi Mo pababayaan ang Aking kaluluwang pupunta sa Sheol,” at hindi, “Hindi Mo pababayaan ang Aking kaluluwa sa Sheol.”
Nasaan ang Kaluluwa ni Jesus sa Tatlong Araw na Iyon? (Where Was Jesus’ Soul During the Three Days?)
Tandaan na sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad na mananatili Siya sa puso ng lupa nang tatlong araw at gabi (tingnan ang Mt. 12:40). Mukhang hindi nito tinutukoy ang Kanyang katawan na nasa libingan nang tatlong araw, dahil ang libingan ay hindi naman maituturing na nasa “puso ng lupa.” Bagkus, maaaring tinutukoy ni Jesus ang pagkasadlak ng Kanyang espiritu/kaluluwa sa kailaliman ng lupa. Kung gayon maipagpapalagay in naang Kanyang espiritu/kaluluwa ay wala sa langit sa pagitan ng Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Pinatotohanan ito ni Jesus sa muli Niyang pagkabuhay nang sabihin Niya kay Maria na hindi pa Siya nakaakyat sa Kanyang Ama (tingnan ang Jn. 20:17).
Isaisip na sinabi rin ni Jesus sa nagsisising magnanakaw sa krus na makakasama Niya siya sa Paraiso sa araw ding iyon (tingnan ang Lu. 23:43). Sa pagsasama-sama ng lahat ng katotohanang ito, alam natin na nanatili nang tatlong araw at gabi ang espiritu/kaluluwa ni Jesus sa puso ng lupa. Bahagi ng panahong iyon ay nasa isang lugar Siya na tinatawag Niyang “Paraiso,” na tunay namang hindi mukhang katanggap-tanggap na siya ring lugar ng pagpapahirap, ang tinatawag na Sheol/Hades!
Ang lahat nang ito ay nagpapaisip sa akin na marahil ay may lugar sa puso ng lupa maliban sa Sheol/Hades, isang lugar na tinatawag na Paraiso. Talagang pinagtitibay ang ideang ito ng isang kuwento ni Jesus tungkol sa dalawang taong namatay, isang hindi matuwid at isang matuwid, ang mayamang lalaki at si Lazaro. Basahin natin ang kuwento:
May isang mayamang laging nagdaramit ng mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham sa langit bilang isang parangal. Namatay din ang mayaman at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayamang si Lazaro sa piling ni Abraham. Kaya’t sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako’y naghihirap sa apoy na ito.’ Nguni’t sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subali’t ngayong ay maligaya siya rito samantalang ikaw naman ay nagdurusa riyan. Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya’t ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito (Lu.16:19-26, idinagdag ang pagdidiin).
Siyempre, kapwa sina Lazaro at ang mayamang lalaki ay wala sa kani-kanilang mga katawan pagkamatay nila, nguni’t naglakbay sila sa kanya-kanyang lugar bilang espiritu/kaluluwa.
Nasaan si Lazaro? (Where Was Lazarus?)
Pansinin na natagpuan ng mayaman ang kanyang sarili sa Hades, nguni’t nakikita niya si Lazaro sa ibang lugar kapiling ni Abraham. katunayan, tinutukoy si Lazaro bilang nasa “piling ni Abraham,” hindi pangalan ng lugar kundi maaaring isang pagbanggit sa kaginhawahang natatanggap ni Lazaro mula kay Abraham pagdating niya sa lugar na iyon.
Gaano kalawak ang pagitan ng mayaman at ni Lazaro pagkamatay nila?
Sinasabi ng Biblia na nakita ng mayaman si Lazaro “sa malayo,” at ang sabi sa atin, may “malaking bangin” sa pagitan nila. Kaya matatantiya lamang ang pagitan nila. Nguni’t tila makatwirang ipagpalagay na hindi gaanong malaki ang pagitan nila tulad ng puso ng lupa at langit. Kung magkagayon, mukhang imposibleng nakita ng mayaman si Lazaro (maliban kung may banal na tulong), at hindi n asana binanggit ang pagkakaroon ng “malaking bangin” sa pagitan nila upang pigilan ang bawa’t isa na makarating sa kinaroroonan ng isa. Dagdag pa, “sumigaw” ang mayaman kay Abraham at sinagot naman siya ni Abraham. Mapapaisip tayo na lubhang malapit sila sa isa’t isa dahil nagkakarinigan sila sa pagitan ng “malaking bangin.”
Napapaniwala ako ng lahat nang ito na wala si Lazaro sa tinatawag nating langit, kundi sa isang hiwalay na pitak sa lupa. [4] Ito marahil ang tinutukoy ni Jesus na Paraiso sa nagsisising magnanakaw. Sa Paraisong ito sa puso ng lupa ang pinuntahan ng mga matuwid sa Lumang Tipan pagkatapos ng kanilang kamatayan. Ito ang pinuntahan ni Lazaro at dito rin pumunta sina Jesus at ang nagsising magnanakaw.
Malinaw na dito rin pumunta ang propetang Samuel pagkamatay niya. Mababasa natin sa 1 Samuel 28 na nang pinahintulutan ng Diyos ang espiritu ng namatay na propetang Samuel upang humarap at mapanghulang makipag-usap kay Saul, ang tagapamagitan ng Endor ay naglarawan kay Samuel bilang “isang banal na nilalang “na umaakyat mula sa lupa” (1 Sam. 28:13, idinagdag ang pagdidiin). Sinabi mismo ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginambala sa pag-aakyat sa akin?” (1 Sam. 28:15, idinagdag ang pagdidiin). Malinaw na ang espiritu/kaluluwa ni Samuel ay nasa Paraiso sa lupa.
Mukhang sinusuportahan ng Biblia ang katotohanang sa muling pagkabuhay ni Cristo, nawalan ng laman ang Paraiso, at iyong mga matuwid na taong namatay sa panahon ng Lumang Tipan ay umakyat sa langit kasama ni Jesus. Sinasabi ng Biblia na nang umakyat sa langit si Jesus mula sa ibabang bahagi ng lupa, “Nagdala Siya ng maraming bihag” (Efe. 4:8-9; Ps. 68:18). Ipinapalagay ko na ang mga bihag na iyon ay lahat ng nakatira sa Paraiso. Malamang na hindi pinalaya ni Jesus ang mga tao sa Sheol/Hades! [5]
Nangaral si Jesus sa mga Espiritu sa Bilangguan (Jesus Preached to Spirits in Prison)
Sinasabi rin sa atin ng Biblia na gumawa ng pahayag si Jesus sa isang grupo ng mga tao, mga espiritung walang katawan, sa isang panahon sa pagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Mababasa natin sa 1 Pedro 3:
Sapagka’t si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya’y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa espiritu. Sa kalagayang ito, nagpunta Siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. Sila ang mga espiritung ayaw sumunod nang sila’y matiyagang hinihintay ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa nito ang malaking barko. Iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa baha (1 Ped. 3:18-20).
Ang pahayag na ito sa Biblia ay tunay na naglalabas ng ilang tanong na hindi ko masagot. Bakit ispesipikong magpapahayag si Jesus sa ilang di sumusunod na taong namatay noong baha ni Noe? Ano ang sinabi Niya sa kanila? Anu’t ano pa man, mukhang sinusuportahan ng pahayag na ito ang katotohanang hindi ginugol ni Jesus sa Paraiso ang buong tatlong araw at gabi mula sa Kanyang kamatayan hanggang sa muli Niyang pagkabuhay.
Impiyerno (Gehenna)
Ngayon kapag namamatay ang katawan ng mga matuwid, ang kanilang mga espiritu/kaluluwa ay agad pupunta sa langit (tingnan ang 2 Cor. 5:6-8; Fil. 1:21-23; 1 Tes. 4:14).
Ang mga hindi matuwid ay pupunta pa rin sa Sheol/Hades kung saan sila ay pahihirapa at hintayin ang muling pagkabuhay ng kanilang mga katawan, ang huling paghatol sa kanila, at ang pagkatapon nila sa “lawa ng apoy,” isang lugar na hiwalay sa Sheol/Hades.
Inilalarawan ang lawa ng apoy na ito ng pangatlong salitang minsa’y isinasalin na impiyerno, ang Griegong salitang Gehenna. Nanggaling ang salitang ito mula sa pangalan ng tapunan ng basura sa labas ng Jerusalem sa lambak ng Hinnom, isang nabubulok na tambak na puno ng uod, at isang bahagi’y laging umuusok at nagliliyab sa apoy.
Nang binanggit ni Jesus ang Gehenna, sinabi Niyang ito’y isang lugar kung saan katawan ng mga tao ang itatapon. Halimbawa, sinabi Niya sa ebanghelyo ni Mateo:
Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno [Gehenna]….Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan nguni’t hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno[Gehenna] (Mt. 5:30, 10:28, idinagdag ang pagdidiin).
Ang Gehenna at Hades ay hindi maaaring iisang lugar dahil sinasabi ng Biblia na ang mga hindi matuwid ay ipinapadala sa daigdig ng mga patay [Hades] bilang espiritu/kaluluwang nawalan ng katawan. Pagkatapos lamang ng sanlibong-taong paghahari ni Cristo na bubuhaying-muli ang katawan ng mga hindi matuwid upang humarap sa paghatol ng Diyos at itatapon sila sa lawa ng apoy, o Gehenna (tingnan ang Pah. 20:5, 11-15). Dagdag pa, isang araw ang mismong daigdig ng mga patay [Hades] ay itatapon sa lawa ng apoy (tingnan ang Pah. 20:14), kaya maaaring ibang lugar ito sa lawa ng apoy.
Impiyerno (Tartaros)
Ang ikaapat na salitang kadalasang isinasaling impiyerno sa Biblia ay ang Griegong salitang tartaros. Minsan lang itong makikita sa Bagong Tipan:
Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila’y itinapon sa impiyerno [tartaros] kung saan sila’y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom (2 Ped. 2:4).
Ang tartaros ay karaniwang ipinapalagay bilang natatanging bilangguan para sa tanging anghel na nagkasala; kung gayon, hindi ito Sheol/Hades o Gehenna. Binanggit din ni Judas ang mga anghel na ibinibilanggo:
Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan. Kaya’t sila’y ginapos ng Diyos ng di mapapatid na tanikala at ibinilanggo sa pusod ng kadiliman, hanggang sa sila’y hatulan sa dakilang Araw ng Paghuhukom (Ju. 1:6).
Mga Sindak ng Impiyerno (The Horrors of Hell)
Sa sandaling mamatay ang taong di nagsisisi, hindi na siya binibigyan ng karagdagang pagkakataon upang magsisi. Naitakda na ang kanyang kapalaran. Sinasabi ng Biblia, “Itinakda sa mga tao na sila’y minsang mamamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom” (Heb. 9:27).
Ang impiyerno ay walang hanggan, at ang mga nabilanggo ay walang pag-asang makatakas. Sa pagtukoy ng napipintong paghatol sa mga di matuwid, sinabi ni Jesus, “Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, nguni’t ang mga matuwid ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (Mt. 25:46, idinagdag ang pagdidiin). Ang kaparusahan para sa mga di matuwid sa impiyerno ay walang hanggan din tulad ng buhay na walang hanggan para sa mga matuwid.
Gayundin, isinulat ni Pablo:
Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang nagtitiis ay aaliwin Niyang kasama namin sa pagbabalik ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel. Darating Siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at paparusahan ang lahat ng hindi kumilala sa Diyos at hindi sumunod sa Magandang Balita na ating Panginoong Jesus. Ang parusa sa kanila ay walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila Niyang kapangyarihan (2 Tes. 1:6-9, idinagdag ang pagdidiin).
Ang impiyerno ay isang lugar ng di mailalarawang paghihirap dahil ito ay magiging walang-hanggang parusa. Habambuhay na nakabilanggo doon, in ng papasanin ng mga di matuwid ang kanilang walang-hanggang pagkakasala at titiisin ang galit ng Diyos sa isang di namamatay na apoy.
Inilarawan ni Jesus ang impiyerno bilang lugar ng “kadiliman sa labas,” kung saan mayroong “pagnanangis at pagngangalit ng ngipin,” at isang lugar na “hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi apoy na hindi namamatay” (Mt. 22:13; Mc. 9:44)., kailangan nating bigyang-babala ang mga tao sa lugar na iyan at sabihan tungkol sa kaligtasang idinudulot lamang kay Cristo!
Isang partikular na denominasyon ang nagtuturo ng konsepto ng purgatoryo, isang lugar kung saan ang mga mananampalataya ay magtitiis nang kaunting panahon upang matanggal ang kanilang kasalanan at kung gayon ay maging karapat-dapat sa langit. Nguni’t ang ideang ito ay hindi itinuturo saanman sa Biblia.
Ang mga Matuwid Pagkatapos ng Kamatayan (The Righteous After Death)
Kapag namatay ang isang mananampalataya, pumupunta agad ang kanyang espiritu sa langit upang makasama ang Panginoon. Lubhang nilinaw ni Pablo ang katotohanang ito nang sumulat siya tungkol sa sarili niyang kamatayan:
Sapagka’t para sa akin, si Cristo ang aking buhay at kahit kamatayan ay pakinabang. Nguni’t kapag ako’y mananatiling buhay, ito’y kapaki-pakinabang din sapagka’t ako’y makakagawa pa ng mabubuting bagay. Hindi ko malaman kung alin ang aking pipiliin. May pagtatalo sa loob ko; gusto ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling si Cristo, sapagka’t ito ang lalong mabuti para sa akin (Fil. 1:21-23, idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na sinabi ni Pablo na gusto na niyang pumanaw at kung magkagayon, makakapiling na niya si Cristo. Hindi pupunta ang kanyang espiritu sa kawalang-malay, na naghihintay sa muling pagkabuyay (na tulad ng malungkot na palagay ng ilan).
Pansinin din na sinabi ni Pablo na para sa kanya, kahit kamatayan ay pakinabang. Magiging totoo lang iyan kung pupunta siya sa langit kapag siya ay namatay.
Inihayag din ni Pablo sa kanyang pangalawang sulat sa mga taga-Corinto na kung ang espiritu ng isang mananampalataya ay humiwalay sa kanyang katawan, siya ay “nasa tahanan kasama ang Panginoon”.
Kaya’t laging malakas ang ating loob, kahit na alam nating habang tayo’y narito pa sa katawang-lupa, hindi tayo makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. Sapagka’t namumuhay tayo batay sa pananampalataya sa Panginoon at hindi sa mga bagay na nakikita. Malakas nga ang loob nating iwanan ang katawang ito na ating tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon (2 Cor. 5:6-8).
Bilang karagdagang suporta, isinulat din ni Pablo:
Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay sa sumasampalataya kay Jesus upang isama sa Kanya (1 Tes. 4:13-14).
Kung dadalhin ni Jesus mula sa langit kasama Niya sa Kanyang pagbabalik “ang mga nakatulog,” maaaring nasa langit na sila ngayon kasama Niya.
Nakikini-kinitang Langit (Heaven Foreseen)
Ano ang itsura ng langit? Sa ating natatakdaang isip, kailanman ay hindi natin lubos na magagap ang lahat ng luwalhating naghihintay sa atin doon, at binibigyan lang tayo ng Biblia ng aninag. Ang pinaka-nakakagitlang katotohanan tungkol sa langit para sa mga mananampalataya ay ang makita natin ang ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesus, at ang Diyos na ating Ama nang harap-harapan. Titira tayo “sa tahanan ng Ama”.
Sa bahay ng Aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin Ko ba sa inyong pupunta Ako roon upang ipaghanda Ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda Ko na kayo ng matitirhan, Ako’y babalik at isasama Ko kayo upang kayo’y makapiling Ko kung saan Ako naroroon (Jn. 14:2-3).
Kapag nakarating na tayo sa langit, maiintindihan natin ang maraming misteryong ngayon ay hindi maintindihan ng ating isip. Isinulat ni Pablo,
Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin, nguni’t darating ang araw na harapan nating makikilala ang Diyos. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, nguni’t darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin (1 Cor. 13:12).
Binibigyan tayo ng libro ng Pahayag ng pinakamagandang larawan ng itsura ng langit. Inilalarawang lugar na maraming nangyayari, kahanga-hangang kagandahan, walang-hanggang pagkakaiba, at kasiyahang di maihayag, ang langit ay hindi lugar kung saan maghapong nakaupo sa ulap at tumutugtog ng alpa ang mga tao!
Minsang binigyan ng pangitain ng langit, unang napansin ni Juan ang trono ng Diyos, ang gitna ng sanlibutan:
At agad akong napuspos ng kapangyarihan ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon. Ang anyo niya’s maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang sa palibot ng trono. Nakapaligid naman dito ang dalawampu’t apat pang trono na sa bawa’t isa’y may nakaupong isang pinuno na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo. Mula sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos. Sa harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal. Sa apat na panig ng trono ay may apat na buhay na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod. Ang unang buhay na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; kamukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat. Ang bawa’t isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi, “Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng nakaraan, ng kasalukuyan, at siyang darating. ”Tuwing umaawit ng papuri, parangal at pasasalamat ang apat na buhay na nilalang sa nakaupo sa trono, na nabubuhay magpakailanman, ang dalawampu’t apat na pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Iniaalay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi, “Aming Panginoon at Diyos! Karapat-dapat kang tumanggap ng papuri, karangalan, at kapangyarihan; sapagka’t ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay, at ayon sa iyong kagustuhan, sila’y nilalang mo at pinapanatili” (Pah. 4:2-11).
Ginawa ni Juan ang makakaya upang ilarawan sa makalupang termino ang hindi maihahalintulad sa alinman sa mundo. Malinaw na walang paraan upang intindihin natin ang lahat ng nakita niya hangga’t hindi natin iyon mismong nakikita. Nguni’t talagang babasahing nakapagbibigay-inspirasyon.
Ang mga pahayag tungkol sa langit na nagbibigay ng lubos na inspirasyon ay makikita sa kabanata 21 at 22 ng Pahayag, kung saan inilarawan ni Juan ang Bagong Jerusalem, na kasalukuyang nasa langit nguni’t bababa sa lupa pagkatapos ng sanlibong-taong paghahari ni Cristo:
Napasailalim ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako’y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lunsod, na bumababa sa langit buhat sa Diyos.Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, ng diamanteng sinlinaw ng kristal. Ang pader nito’y makapal, mataas at may labindalawang pinto, at sa bawa’t pinto ay may bantay na anghel….Anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lunsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. Parisukat ang ayos ng lunsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lunsod, at ang lumabas na sukat ng lunsod ay 2,400 kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas….Batong jasper ang pader at ang lunsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal….Perlas ang labindalawang pinto, bawa’t pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lunsod at kumikinang na parang Kristal. Napansin ko na walang templo sa lunsod sapagka’t ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. Hindi na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lunsod,sapagka’t ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon; ang Kordero naman ang siyang ilawan….Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, at umaagos sa gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ang bunga nito’y iba-iba bawa’t buwan, at nakapagpapagaling naman sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. Wala roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos. Makikita sa lunsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang Kanyang mukha, at masusulat sa kanilang noo ang Kanyang pangalan. Doo’y wala nang gabi, kaya’t hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilaw o ng liwanag ng araw, sapagka’t ang Panginoong Diyos ang magiging ilaw nila, at maghahari sila magpakailanman ” (Pah. 21:10-22:5).
Bawa’t tagasunod ni Jesus makaaasam sa lahat ng himalang ito, basta’t magpatuloy siya sa pananampalataya. Walang dudang gugugulin natin ang unang ilang araw natin sa langit sa pagsasabing, “O, iyan pala ang sinisikap ilarawan ni Juan sa kanyang libro ng Pahayag!”
[1] Translator’s note: I added the word (Sheol) (not present in the Bible translation being used) because it is crucial to the document.
[2] Translator’s note: I have enclosed in parenthesis the word Hades (original of the translated phrase ).
[3] Ang mga naniniwala sa partikular na interpretasyong ito ay kailangang ding maniwala sa isa o dalawa pang teorya. Ang isa an gang teoryang ang Sheol/Hades ang pangalan para sa isang tirahan pagkamatay ng mga di-matuwid at matuwid na nahahati sa dalawa, isang lugar ng pagpapahirap at isang lugar ng paraisong pinuntahan ni Jesus. Ang isa pang teorya ay tiniis ni Jesus ang pahirap ng mga napahamak nang tatlong araw at gabi sa mga apoy ng Sheol/Hades habang tiniis Niya ang sukdulan ng kaparusahan ng kasalanan bilang kahalili natin. Kapwa teorya ay mahirap patunayan sa Kasulatan, at kapwa di kailangan kung kailanman ay hindi gumugol ng panahon si Jesus sa Sheol/Hades. Iyan ang ibig sabihin talaga ng Kanyang pahayag. Tungkol sa pangalawang teorya, hindi naranasan ni Jesus ang pahirap ng mga napahamak sa loob ng tatlong araw at gabi sa pagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay-muli, dahil ang ating pagkatubos ay binili sa pamamagitan ng Kanyang paghihirapsa krus (tingnan ang Col. 1:22), hindi sa pamamagitan ng Kanyang sinasabing paghihirap sa Sheol/Hades.
[4] Pansinin din na bagama’t kapwa hiwalay sa kanilang katawan sina Lazaro at ang mayamang lalaki, sila ay may malay at nasa kanila ang lahat ng pandama gaya ng paningin, pandamdam at pandinig. Nararanasan nila ang sakit at kaginhawahan at naaalala ang nakaraang karanasan. Pinabubulaanan nito ang teoryang “tulog ng kaluluwa,”ang ideang pupunta sa kawalang-malay ang mga tao kapag namatay sila, at hinihintay ay pagbabalik-malay sa pagkabuhay na muli ng kanilang katawan.
[5] Ipinapalagay ng iba, at marahil tama sila, na ang mga bihag na natukoy na sa Efeso 4:8-9 ay tayong lahat na minsan ay naging bihag sa kasalanan, at ngayo’y napalaya ng muling pagkabuhay ni Cristo.