Bakit tayo nilalang ng Diyos? Nagkaroon ba Siya ng layunin mula sa umpisa? Hindi ba alam na lahat ay magrerebelde laban sa Kanya? Hindi ba Niya nakinita ang kalalabasan ng ating rebelyon, lahat ng paghihirap at kalungkutang pinasan ng sangkatauhan mula noon? Kung gayon ay bakit Niya nilalang ang sinuman noong una pa man?
Sinasagot ng Biblia ang mga katanungang ito para sa atin. Sinasabi nito na bago pa man likhain ng Diyos sina Adan at Eva, alam Niya na sila at lahat ng susunod sa kanila ay magkakasala. Kamangha-manghang nakabuo na Siya ng plano upang tubusin ang nagkasalang sangkatauhan sa pamamagitan ni Jesus.
Isinulat ng Pablo ang tungkol sa plano ng Diyos bago paglikha,
Diyos, na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa Niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa Kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ayu ibinigay na Niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus (2 Tim. 1:8b-9, idinagdag ang pagdidiin).
Ang pagpapala ng Diyos ay ibinigay sa atin kay Cristo mula sa simula pa, hindi lang hanggang magpakailanman. Ipinakikita nito na ang mapagpakasakit na kamatayan ni Jesus ay isang bagay na binalak ng Diyos mula sa malayong nakaraan.
Gayundin, isinulat ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso:
Ito’y alinsunod sa Kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlinutan. Tinupad Niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. (Efe. 3:11, idinagdag ang pagdidiin).
Hindi karagdagang-isip lamang ang pagkamatay ni Jesus sa krus, isang planong dagliang isinagawa upang ayusin ang nakaligtaan ng Diyos.
Hindi lang sa nagkaroon ng walang-hanggang layunin ang Diyos sa pagbibigay sa ating ng Kanyang pagpapala mula sa magpakailanman, kundi alam na rin Niya noong nakalipas na walang-hanggan kung sino ang pipiliing tumanggap ng Kanyang pagpapala, at isinulat pa Niya ang kanilang pangalan sa isang libro:
Sasamba sa Kanya ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa, maliban sa mga taong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay magmula pa nang likhain ang sanlibutan. Ang aklat na ito’y iniingatan ng Korderong pinatay [si Jesus] (Pah. 13:8, idinagdag ang pagdidiin).
Hindi ikinagulat ng Diyos ang pagkahulog ni Adan sa pagkakasala. Ni ang pagkahulog mo, o ang pagkahulog ko. Alam ng Diyos na magkakasala tayo, at alam din Niya kung sino ag magsisi at manampalataya sa Panginoong Jesus.
Ang Susunod na Tanong (The Next Question)
Kung noon pa ay alam na ng Diyos na ang ilan ay mananampalataya kay Jesus at tatanggihan Siya ng iba, bakit Siya lumikha ng mga taong alam Niyang tatanggi sa Kanya? Bakit hindi na lang lumikha ng mga taong alam Niyang magsisisi at manampalataya kay Jesus?
Ang sagot sa tanong na iyan ay higit na mahirap intindihin, nguni’t hindi imposible.
Una, kailangang intindihin natin na nilikha tayo ng Diyos na may sariling kapasyahan. Ibig sabihin, lahat tayo ay may pribilehiyong magpasya para sa ating sarili kung manunungkulan tayo sa Diyos o hindi. Ang ating mga pasya upang sumunod o sumuway, magsisi o hindi magsisi, ay hindi unang pinagpasyahan ng Diyos. Ang mga ito ay kapasyahan natin.
Dahil dito, bawa’t isa sa atin ay kailangang bigyan ng pagsubok. Siyempre, noon pa ay alam na ng Diyos ang ating gagawin, nguni’t kailangan nating gumawa ng isang bagay sa takdang panahon upang una Niyang malaman.
Bilang halimbawa, alam ng Diyos ang kalalabasan ng larong football bago laruin ito, nguni’t kailangang may mga larong football na lalaruing may kalalabasan kung unang aalamin ng Diyos ang kalalabasan. Hindi unang malalaman ng Diyos (at hindi Niya magagawang alamin) ang kalalabasan ng mga larong football na kailanman ay hindi nilalaro dahil walang kalalabasang dapat malaman.
Gayundin, unang malalaman lang ng Diyos ang mga pasya ng malayang ahente ng magandang asal kung mabibigyan ang mga iyon ng pagkakataong magpasya at talaga namang pagpapasyahan nila. Kailangan silang subukin. Kaya hindi lumikha (at hindi makalilikha) ang Diyos ng mga tanging taong alam na Niyang magsisisi at mananampalataya kay Jesus.
Isa pang Tanong (Another Question)
Matatanong din, “Kung ang tanging nais ng Diyos ay mga taong masunurin, bakit Niya tayo nilikha na may kalayaang magpasya? Bakit hindi Siya lumikha ng lahing habambuhay na masunuring mga robot?”
Ang sagot ay dahil ang Diyos ay isang Ama. Nais Niyang magkaroon ng ama-anak na relasyon sa atin, at hindi magkakaroon ng ama-anak na relasyon sa mga robot. Ang pagnanais ng Diyos ay magkaroon ng walang-hanggang pamilya ng mga anak na pinili, sa pamamagitan ng sarili nilang pagpapasya, na mahalin Siya. Ayon sa Biblia, iyan ang Kanyang nakatalagang balak:
Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y Kanyang pinili upang maging anak Niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang Kanyang layunin at kalooban (Efe. 1:4b-5, idinagdag ang pagdidiin).
Kung gusto mong magkaroon ng idea kung gaanong kasiyahan ang makukuha ng Diyos mula sa mga robot, maglagay ka lang ng puppet sa iyong kamay at sabihan itong sabihin sa iyo na mahal ka niya. Malamang na hindi ka magkakaroon ng mainit na pakiramdam sa iyong puso! Sinasabi lang ng puppet na iyan ang iniuutos mong sabihin niya. Hindi ka niya talaga mahal.
Ang pagiging katangi-tangi ng pag-ibig ay dahil batay ito sa pagpili ng taong may malayang pagpapasya. Ang mga puppet at robot ay walang alam sa pag-ibig dahil hindi sila makapagpapasya ng anuman para sa kanilang sarili.
Dahil gusto ng Diyos ng isang pamilya ng mga anak na pipiliing mahalin at manungkulan sa Kanya mula sa kanilang sariling puso, kailangan Niyang lumikha ng mga malayang ahente ng magandang asal. Kinailangan ng pasyang iyan ang pagtanggap ng panganib na ilang malayang ahente ng magandang asal ay piliing hindi Siya mahalin at paglingkuran. At ang mga malayang ahente ng magandang asal na iyon, pagkatapos ng habambuhay na paglaban sa Diyos na nagbubunyag ng Kanyang sarili at inaakit ang lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang nilikha, ang kanilang konsensya at ang magandang balita, ay kailangang humarap sa kanilang makatwirang kaparusahan, dahil napatunayang karapat-dapat sila sa galit ng Diyos.
Walang tao sa impiyerno ang makatwirang magturo na daliring nag-aakusa laban sa Diyos dahil naglaan Siya ng daan upang bawa’t tao ay makaligtas sa kaparusahan ng kanyang mga kasalanan.
Ibig ng Diyos na bawa’t tao ay maligtas (tingnan ang 1 Tim. 2:4; 2 Ped. 3:9), nguni’t bawa’t isa ay kailangang magpasya.
Biblikal na Katalagahan (Biblical Predestination)
Nguni’t paano ang mga pahayag sa Bagong Tipan na tumutukoy sa pagtatalaga sa atin ng Diyos, ang pagpili sa atin bago nangyari ang pundasyon ng?
Malungkot na ipinagpapalagay ng ilan na ispesipikong pinili ng Diyos ang tanging taong maliligtas at pinili ang mga naiwan upang magdusa, na ang naging batayan ng Kanyang pasya ay wala sa nagawa ng mga indibidwal na iyon. Ibig sabihin, sinasabing pinili ng Diyos kung sino ang maliligtas o magdurusa. Malinaw na inaalis ng ideang ito ang konsepto ng malayang pagpapasya at tunay na hindi ito itinuturo sa Biblia. Tingnan natin ang itinuturo ng Biblia tungkol sa pagtatalaga.
Totoo, itinuturo ng Biblia na pinili tayo ng Diyos, nguni’t kailangang linawin ang katotohanang ito. Mula sa pagkalalang ng mundo, pinili na ng Diyos ang mga taong noon pa man ay alam na Niyang magsisisi at maniniwala sa magandang balita sa pamamagitan ng Kanyang panghihila, nguni’t ayon sa kanilang sariling pasya. Basahin ang sinasabi ni apostol Pablo tungkol sa mga taong pinipili ng Diyos:
Hindi itinakwil ng Diyos ang Kanyang bayan na sa simula pa’y pinili na Niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel. Sinabi niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!” Nguni’t ano ang sagot sa kanya ng Diyos? Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.” Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa Kanyang kagandahang-loob (Ro. 11:2-5, idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na sinabi ng Diyos kay Elias na “nagtira Siya ng pitong libong lalaki,” nguni’t ang mga pitong libong lalaking iyon ay unang piniling hindi “sumamba sa diyus-diyosang si Baal.” Sinabi ni Pablo na gayundin, mayroong naiwang mananampalatayang Judio ayon sa pasya ng Diyos. Kaya masasabi natin na oo, pinili tayo ng Diyos, nguni’t pinili ng Diyos ang mga mismong naunang gumawa ng tamang pasya. Pinili ng Diyos na iligtas ang lahat ng naniniwala kay Jesus, at iyang ang Kanyang naging plano, bago pa man ang paglikha.
Ang Pagpili ng Diyos Ayon sa Kanyang kaalaman sa mula’t mula (God’s Foreknowledge)
Kaugnay dito, itinuturo rin ng Kasulatan na pinili rin ng Diyos ang lahat ng mga pipiliing gumawa ng tamang pasya. halimbawa, isinulat ni Pedro:
Sa mga hinirang ng Diyos na nasa ibang lalawigan…kayoy pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang kaalaman sa mula’t mula pa (1 Ped. 1:1-2a, idinagdag ang pagdidiin).
Pinili tayo ayon sa kaalaman ng Diyos sa mula’t mula pa. Sumulat din si Pablo tungkol sa mga mananampalatayang mula’t mula pa ay kilala na:
SWa mula’t mula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang magiging Kanya at ang mga ito’y pinili Niya upang maging tulad ng Kanyang Anak. Sa gayon, ang Anak ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid. Ang mga pinili Niya noon pang una ay kanyang tinawag ; at ang mga tinawag ay Kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay Kanayang binahaginan ng Kanyang kaluwalhatian (Ro. 8:29-30).
Mula’t mula pa’y kilala na ng Diyos tayong pipiliing manampalataya kay Jesus, at itinalaga Niyang magiging kapareho tayo ng Kanyhang Anak, magiging napagbagong-buhay na nga anak ng Diyos sa Kanyang malaking pamilya. Sa pagtupad sa walang-hanggang plano, tinawag Niya tayo sa pamamagitan ng ebanghelyo, ginawa tayong matuwid at sa kalaunan ay pinapupurihan tayo sa Kanyang kaharian sa kinabukasan.
Isinulat ni Pablo sa isa pang sulat:
Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban Niya tayo ng lahat ng pagpapalang espiritwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Bago pa likhain ang sanlibutan, pinili na Niya tayo upang maging Kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo, upang tayo’y maging banal at walang kapintasan sa harap Niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y Kanyang pinili upang maging anak Niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang Kanyang layunin at kalooban. Puirihin natin Siya dahil sa Kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng Kanyang minamahal na Anak! (Efe. 1:3-6, idinagdag ang pagdidiin).
Siya rin ang katotohanang idinudulog dito—Pinili tayo ng Diyos (na sa mula’t mula pa’y alam Niyang magsisisi at mananampalataya) bago pa nagawa ang pundasyon ng mundo upang maging banal Niyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
Tulad ng nabanggit na, ang ilang pagbaluktot sa kahulugan ng nabanggit na kasulatan sa pamamagitan ng pagwawalambahala sa lath ng iba pang itinuturo ng Biblia, sa pang-angking talagang wala tayong kapasyahan sa ating kaligtasan—inaakalang ang pagpili ay lubos na nasa Diyos. Tinatawag nila itong doktrina ng “walang kundisyong pagpili,” ibig sabihin, isang pagpiling hindi batay sa pagtupad ng tanging kundisyon? Sa mga malayang bansa, pinipili natin ang mga kandidatong pulitiko batay sa mga kundisyong sa isip natin ay tinutupad nila. Pinipili natin ang ating asawa batay sa mga kundisyong tinutupad nila, mga katangiang taglay nila kaya’t sila’y kaibig-ibig. Bagama’t nais ng ilang teolohistang paniwalaan nating ang ipinapalagay sa kung sino ang ligtas at hindi ay isang “walang kundisyong pagpili,” na hindi batay sa anumang kundisyong natupad ng mga tao! Kung gayon, ang kaligtasan ng mga tao ay pagkakataon lang, mga kapritso ng isang mabagsik, di matuwid, mapagpanggap at hindi matalinong dambuhalang nagngangalang Diyos! Ang mismong pariralang, “walang kundisyong pagpili” ay salungat sa sarili, dahil ang mismong salitang pagpili ay nagpapahiwatig ng kundisyon. Kung ito ay isang “walang kundisyong pagpili,” hindi siya pagpili talaga; ito ay purong pagkakataon.
Ang Malaking Larawan (The Big Picture)
Nakikita na natin ang malaking larawan. Alam ng Diyos na magkakasala tayong lahat, nguni’t gumawa Siya ng plano upang tubusin tayo bago naipanganak ang isa man sa atin. Ibubunyag ng planong iyan ang Kanyang kagila-gilalas na pag-ibig at katarungan, dahil kakailanganing mamatay ng solong-solo Niyang Anak para sa ating mga kasalanan bilang kahalili natin. At hindi lamang itinalaga ng Diyos na tayong nagsisi at naniwala ay mapapatawad, kundi magiging tulad ng Kanyang Anak na si Jesus, na tulad ng sabi ni Pablo, “Hindi na ako ang nabubuhay ngayon, kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin” (Gal. 2:20).
Isang araw, tayong mga muling-ipinanganak na anak ng Diyos ay mabibigyan ng di masisirang katawan, at maninirahan tayo sa isang ganap na lipunan, naglilingkod, nagmamahal at nakikipagkapwa sa ating kahanga-hangang Amang nasa langit! Maninirahan tayo sa isang bagong lupa at sa Bagong Jerusalem. Lahat nang ito ay nangyari dahil sa mapagpakasakit na pagkamatay ni Jesus! Purihin ang Diyos dahil sa Kanyang nakatalagang plano!
Ang Buhay na Ito (This Present Life)
Sa sandaling maintindihan natin ang planong walang-hanggan ng Diyos, higit na maiintindihan natin ang buhay na ito. Unang-una, nagsisilbing pagsubok sa bawa’t tao ang buhay na ito. Ang pasya ng bawa’t tao ang nagtatakda kung matatamasa niya ang banal na pribilehiyo ng pagiging isa sa mga sariling anak ng Diyos na makikipanirahan sa Kanya magpakailanman. Ang mga nagpapakumbaba sa pamamagitan ng pagsuko sa pagdadala ng Diyos, at saka nagsisisi at naniniwala, ay maitataas (tingnan ang Lu. 18:14). Ang buhay na ito ay pangunahing pagsubok para sa buhay sa hinaharap.
Tinutulungan din tayo nito upang intindihin ang ilang hiwagang bumabalot sa buhay na ito. Halimbawa, marami ang nagtatanong, “Bakit pinapayagan si Satanas at ang kanyang mga kampon na tuksuhin ang mga tao?” o, “Nang pinaalis sa langit si Satanas, bakit siya pinayagang makapunta sa lupa?”
Makikita na nating ngayon na kahit si Satanas ay may nakatakdang banal na layunin sa plano ng Diyos. Unang-una, nagsisilbi si Satanas bilang panghaliling pasya para sa sangkatauhan. Kung ang tanging pipiliin ay ang paglilingkod kay Jesus, lahat-lahat ay maglilingkod kay Jesus gustuhin man nila o hindi.
Magiging tulad ng eleksiyon na lahat ay kinakailangang bumoto, nguni’t iisa lamang ang kandidato. Mapagkakaisahang iboto ng lahat ang kandidatong iyon, nguni’t kailanman ay hindi siya magkakaroon ng tiwala sa sarili na minamahal siya o nagugustuhan man lang ng sinuman sa bumoto sa kanya! Wala silang magagawa kundi iboto siya! Ganyan din ang magiging sitwasyon ng Diyos kung walang nakikipagkumpetensya sa Kanya sa puso ng mga tao.
Tingnan ito sa anggulong ito: Paano kung inilagay ng Diyos sina Adan at Eva sa isang hardin na walang ipinagbabawal? Kung magkagayon, sina Adan at Eva ay naging robot dahil sa kanilang kapaligiran. Hindi nila masabing, “Pinili naming sundin ang Diyos,” dahil mawawalan sila ng pagkakataong suwayin Siya.
Higit na mahalaga, hindi kailanman nasabi ng Diyos na, “Alam kong mahal ako nina Adan at Eva,” dahil walang pagkakataon sina Adan at Eva upang sumunod at patunayan ang kanilang pagmamahal sa Diyos. Kailangang bigyan ng Diyos ang mga malayang ahente ng magandang asal upang ay malalaman Niya kung nais nilang sundin Siya. Hindi tinutukso ng Diyos ang sinuman (tingnan ang San. 1:13), nguni’t sinusubok ang lahat (tingnan ang Awit 11:5; Kaw. 17:3). Isang paraan ng Kanyang pagsubok sa kanila ay payagan silang matukso ni Satanas, na siyang tumutupad ng isang banal na layunin sa Kanyang planong magpakailanman.
Isang Ganap na Halimbawa (A Perfect Example)
Mababasa natin sa Deuteronomio 13:1-3:
Kung sa inyo’y may lumitaw na propeta o nagbibigay ng kahulugan sa mga panaginip, at nagpakita siya ng kababalaghan o kaya’y nagkatotoo ang kanyang pahayag, subali’t hinihikayat kayong sumamba sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, huwag kayong makikinig sa kanya. Pagsubok lamang iyon ni Yahweh sa inyo kung talagang iniibig ninyo Siya nang buong puso’t kaluluwa (idinagdag ang pagdidiin).
Mukhang makatwiran na ipalagay na hindi ang Diyos ang nagbigay sa huwad na propetang iyon ng higit-sa-karaniwang kakayahan upang intindihin ang tanda o kababalaghan—marahil ay si Satanas. Nguni’t pinayagan ito ng Diyos at ginamit ang pagtukso ni Satanas bilang sarili Niyang pagsubok upang malaman kung ano ang nasa puso ng Kanyang bayan.
Ang prinsipyo ring ito ay inilarawan din sa Mga Hukom 2:21-3:8 nang payagan ng Diyos ang Israel na matukso ng nakapaligid na mga bansa upang malaman kung susunod nila Siya o hindi. Inakay rin ng Espiritu si Jesus sa ilang sa layuning tutuksuhin siya ng diyablo (tingnan ang Mt. 4:1) at kung gayon ay masubok ng Diyos. Kailangan Niyang mapatunayang walang sala, at ang tanging paraan upang mapatunayang walang pagkakasala ay sa pamamagitan ng tukso.
Hindi Karapat-dapat Angkinin Lahat ni Satanas ang Sisi (Satan Does Not Deserve All the Blame)
Naloko na ni Satanas ang malaking bilang ng tao sa mundo sa pamamagitan ng pagbulag sa kanilang isip sa katotohanan ng magandang balita, nguni’t dapat nating matanto na hindi basta mabulag ni Satanas ang sinuman. Malilinlang lamang niya ang mga pumapayag malinlang, ang mga taong tumatanggi sa katotohanan.
Inihayag ni Pablo na ang mga di mananampalataya ay “nawalan ng pang-unawa” (Efe. 4:18) at mangmang, nguni’t ibinunyag din niya ang pinag-ugatang dahilan ng kanilang pagkawala ng pang-unawa at kamangmangan:
Huwag na kayong mamuhay tulad ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya sa Diyos. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos.sila’y naging alipin ng kahalayan, at wala na silang kahihiyan kaunti man lamang. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan (Efe. 4:17b-19, idinagdag ang pagdidiin).
Ang mga di ligtas ay hindi lamang walang suwerteng taong sa malas ay nalinlang ni Satanas. Bagkus, sila’y mga rebeldeng makasalanang kusang nagiging mangmang at nagnanais manatiling nalilinlang dahil matitigas ang kanilang ulo.
Walang tao ang kailangang manatiling nalilinlang, na pinatutunayan ng sarili ninyong buhay! Sa sandaling pinalambot mo ang iyong puso tungo sa Diyos, hindi maipagpapatuloy ni Satanas ang panlilinlang sa iyo.
Sa katapusan, igagapos si Satanas sa sanlibong-taong paghahari ni Cristo, at hindi na siya magkakaroon ng kapangyarihan kaninuman:
Sinunggaban niya [isang anghel] ang dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong taon. Ito’y inihagis ng anghel sa bangin na walang kasing-lalim, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makalabas at makapandaya pa sa mga bansa hangga’t hindi natatapos ang sanlibong taon. Pagkatapos nito’y palalayhain siya sa loob ng maikling panahon (Pah. 20:2-3).
Pansinin na bago ibinilanggo si Satanas, “dinaya niya ang mga bansa,” nguni’t kapag nakagapos na siya hindi na siya makakapandaya. Nguni’t pagkapalaya sa kanya, muli niyang dadayain ang mga bansa:
Pagkatapos ng sanlibong taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito at isasama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay magiging sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Kumalat sila sa buong mundo at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lunsod. Nguni’t umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas (Pah. 20:7-9, idinagdag ang pagdidiin).
Bakit palalayain ng Diyos si Satanas sa maikling panahong ito? Ang dahilan ay upang lalantad ang lahat ng namumuhi kay Cristo sa kanilang puso nguni’t nagkukunwang sumusunod sa Kanya. Sa gayon ay makatwirang mahatulan sila. Iyon ang magiging huling pagsubok.
Gayundin, pinapayagan si Satanas na manatili sa mungo ngayon—upang malantad ang mga namumuhi kay Cristo sa kanilang puso at sa huli ay mahatulan. Sa sandaling hindi na kailangan ng Diyos si Satanas upang tupdin ang mga banal na layunin Niya, ang mandaraya ay itatapon sa lawa ng apoy upang pahirapan doon magpakailanman (tingnan ang Pah. 20:10).
Paghahanda para sa Susunod na Mundo (Preparing For the Future World)
Kung nagsisi ka at naniwala sa magandang balita, nakapasa ka sa una at pinakamahalagang pagsubok sa buhay na ito. Nguni’t huwag mong isiping hindi ka patuloy na susubukan nang sa gayon ay malalaman ng Diyos ang pagpapatuloy ng iyong debosyon at katapatan sa Kanya. Iyon lamang “nagpapatuloy sa pananampalataya” ang ihaharap sa Diyos bilang “banal at walang sala” (Col. 1:22-23).
Sa kabila nito, malinaw mula sa Kasulatan na isang araw, lahat tayo’y haharap sa hukuman ng Diyos, kung saan isa-isa tayong magagantimpalaan ayon sa ating pagsunod sa lupa. Kaya sinusubukan pa rin tayo upang malaman kung karapat-dapat tayo sa mga natatanging gantimpala sa hinaharap sa kaharian ng Diyos.
Isinulat ni Pablo,
Nguni’t ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. Sapagka’t nasusulat, “Sabi ng Panginoon, ‘Dahil Ako’y buhay, ang lahat ay luluhod sa harap Ko, at ang bawa’t dila’y magpupuri sa Diyos.’” Kaya, pananagutan natin sa Diyos ang mga bagay na ating ginagawa (Ro. 14:10-12, idinagdag ang pagdidiin).
Sapagka’t lahat tayo’y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating gawang mabuti o masama, nang tayo’y nabubuhay pa sa daigdig na ito (2 Cor. 5:10).
Kaya’t huwag kayong hahatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo’y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawa’t isa. Sa panahong iyon, bawa’t isa’y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal. (1 Cor. 4:5, idinagdag ang pagdidiin).
Ano ang mga Magiging Gantimpala? (What Will be the Rewards?)
Ano, talaga, ang mga magiging gantimpalang ibinibigay sa mga nagpapatunay ng kanilang pag-ibig at katapatan kay Jesus?
Binabanggit ng Kasulatan ang di-kukulang sa dalawang magkaibang gantimpala—parangal mula sa Diyos, at higit na maraming pagkakataon upang paglingkuran Siya. Kapwa ibinunyag ang mga ito sa talinhaga ni Jesus tungkol sa maharlika:
Kaya’t sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang ito’y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. Subali’t bagao siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi. Sinabi niya sa kanila, ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik. Nguni’t galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya’t nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.” Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari. “Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawa’t isa. Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, ‘Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu,’ ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lunsod.’ Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, ‘Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.’ At sinabi niya sa alipin, ‘Mamahala ka sa limang lunsod.’ Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. Natatakot po ako sa inyo dahil kayo’y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.’ Sinagot siya ng hari, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako’y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. Bakit hindi mo na lamang idineposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’ At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ ‘Panginoon, siya po ay mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila. ‘Sinasabi ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, nguni’t ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako’y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!’” (Lu. 19:12-27).
Malinaw na sinasagisag si Jesus ng maharlika na umalis nguni’t bumalik din. Pagbalik ni Jesus kailangan nating ipagbigay-alam ang ginawa natin sa mga kaloob, kakayahan, ministeryo, at pagkakataong ibinigay Niya sa atin, na sinasagisag ng isang gintong salaping ibinigay sa bawa’t alipin sa kuwento. Kung naging matapat tayo, magagantimpalaan tayo ng parangal mula sa Kanya at mabibigyang ng kapangyarihang tulungan Siya sa pamamahala at maghari sa lupa (tingnan ang 2 Tim. 2:12; Pah. 2:26-27; 5:10; 20:6), na sinasagisag ng mga lunsod na ipinamahala sa bawa’t matapat na alipin sa talinhaga.
Ang Pagiging Makatwiran ng ating Darating na Paghatol (The Fairness of Our Future Judgment)
Isa pang talinhagang sinabi ni Jesus ang naglalarawan ng ganap na pagiging makatwiran ng ating darating na paghatol:
“Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang humanap ng manggagawa para sa kanyang ubasan. Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya’y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?’ ‘Kasi po’y walang magbigay sa amin ng trabaho,’ sagot nila. Kaya’t sinabi niya, ‘Kung gayon, pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ Nang gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho. Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; nguni’t ang bawa’t isa’y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. Nang magkagayo’y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sinabi nila, ‘Isang oras lamang gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakapapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo an gaming upa?’ sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang salaping pilak? Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba’y naiinggit dahil ako’y nagmamagandang-loob sa iba?’” at sinabi ni Jesus, “Ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli” (Mt. 20:1-16).
Hindi ituturo ni Jesus sa talinhagang ito na lahat ng naglilingkod sa Diyos ay makakatanggap ng parehong gantimpala sa huli, dahil hindi lang iyan hindi makatarungan, kundi sasalungat pa sa maraming kasulatan (tingnan, halimbawa, ang Lu. 19:12-27; 1 Cor. 3:8).
Bagkus, itinuturo ni Jesus na bawa’t isa sa mga naglilingkod sa Diyos ay magagantimpalaan, hindi ayon sa ginawa nila para sa Kanya, kundi ayon sa kung gaano ang ibinigay Niyang pagkakataon sa kanila. Ang isang-oras na manggagawa sa talinhaga ni Cristo ay nakapagtrabaho sana nang isang araw kung binigyan sila ng pagkakataon ng may-ari ng ubasan. Kaya iyong mga nagbigay ng lahat sa isang-oras na pagkakataong ibinigay sa kanila ay nagantimpalaan nang pareho rin sa mga nabigyang ng pagkakataong buong araw na magtrabaho.
Gayundin, nagbibigay ang Diyos ng iba-ibang pagkakataon sa bawa’t isa sa kanyang mga tagasilbi. Sa iba nagbibigay Siya ng dakilang pagkakataong manilbihan ang pagpalain ang libu-libong tao sa paggamit ng kahanga-hangang kaloob na ibinigay Niya sa kanila. Sa iba, ibinigay Niya ang higit na kaunting pagkakataon at kaloob, nguni’t makakatanggap sila ng parehong gantimpala sa huli kung pareho rin silang matapat sa paggamit ng kaloob na ibinigay ng Diyos sa kanila. [1]
Ang Kongklusyon (The Conclusion)
Wala nang higit na mahalaga sa pagsunod sa Diyos, at isang araw ay malalaman iyan ng lahat ng tao. Alam na iyan ng marurunong na tao at kumikilos na sila ayon dito!
Ang kongklusyong ito, kapag narinig na ang lahat, ay: matakot sa Diyos at sundin ang Kanyang mga utos, dahil angkop ito sa lahat ng tao. Dahil hahatulan ng Diyos ang bawa’t kilos, lahat ng nakatago, maging mabuti man o masama (Mang. 12:13-14).
Ang ministrong tagalikha-ng alagad ay sumusunod sa Diyos nang buong puso at ginagawa lahat ng kanyang magagawa upang hikayatin ang kanyang mga alagad na gayundin ang gawin!
Para sa karagdagang pag-aaral tungkol sa mahalagang paksang ito ng darating na paghatol sa atin, tingnan ang Mt. 6:1-6, 16-18; 10:41-42; 12:36-37; 19:28-29; 25:14-30; Lu. 12:2-3; 14:12-14; 16:10-13; 1 Cor. 3:5-15; 2 Tim. 2:12; 1 Pet. 1:17; Pah. 2:26-27; 5:10; 20:6.
[1] Hindi rin itinuturo ng talinhagang ito na ang mga nagsisi sa murang edad at naglingkod nang maraming taon ay magagantimpalaan nang pareho sa nagsisi sa huling taon ng kanilang buhay at matapat na naglingkod sa Diyos nang isang taon lamina. Hindi iyan makatarungan, at hindi nakabatay sa pagkakataong ibinigay ng Diyos sa bawa’t isa sa atin, dahil bawa’t isa ay binigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi sa buong buhay nila. Kung gayon, ang mga naglilingkod nang higit na matagal ay makakatanggap nang higit kaysa sa mga naglilingkod nang kakaunting panahon.