Ang Dagit at Mga Panahon ng Pagkawasak

Kabanata 29

Nang namuhay si Jesus sa lupa na anyong tao, sinabi lang Niya sa Kanyang mga alagad na aalis Siya at magbabalik upang isang araw ay sunduin sila. Sa Kanyang pagbabalik, dadalhin Niya sila sa langit kasama Siya (na tinatawag ng mga modernong Cristiano bilang “Ang Dagit”). Halimbawa, sa bisperas ng Kanyang pagkapako, sinabi ni Jesus sa Kanyang labing-isang matapat na apostol:

Huwag na kayong mabalisa; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa Akin. Sa bahay ng Aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta Ako roon upang ipaghanda Ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda Ko na kayo ng matitirhan, ako’y babalik at isasama Ko kayo upang kayo’y makapiling Ko kung saan Ako naroroon (Juan 14:1-3, idinagdag ang pagdidiin).

Ang malinaw na ipinahiwatig ng mga salita ni Jesus ay ang posibilidad ng Kanyang pagbalik sa panahon ng pagkabuhay ng labing-isa. Katunayan, pagkarinig sa sinabi ni Jesus, malamang na ipinagpalagay nilang babalikan Niya sila habang sila’y nabubuhay.

Paulit-ulit ding binalaan ni Jesus ang Kanyang mga alagad upang humanda para sa Kanyang pagbabalik, na muling ipinahihiwatig ang posibilidad ng Kanyang pagbabalik habang sila’y nabubuhay (tingnan, halimbawa, ang Mt. 24:42-44).

Ang Napinintong Pagbabalik ni Jesus sa mga Sulat (Jesus’ Imminent Return in the Epistles)

Talagang pinatotohanan ng mga apostol na nagsulat ng Bagong Tipan ang kanilang paniniwalang maaaring magbalik si Jesus sa panahon ng pagkabuhay ng kanilang mambabasa sa unang dantaon. Halimbawa, isinulat ni Santiago:

Mga kapatid, kaya nga’t magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang kapana-panabik na ani ng kanyang bukirin, at minamatyagan ang pagpatak ng ulan. Dapat kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagka’t nalalapit na ang pagdating ng Panginoon (San. 5:7-8, idinagdag ang pagdidiin).

Wala sanang dahilan upang payuhan ni Santiago ang kanyang mga mambabasa upang pagtiyagaan ang hindi mangyayari sa panahong sila’y nabubuhay. Nguni’t naniwala siya na “malapit” na ang pagdating ng Panginoon. Sa konteksto, ang panahon ng pagsulat ni Santiago ay nang naghihirap ang iglesia sa panahon ng persekusyon (tingnan ang San. 1:2-4), isang panahong talagang nasasabik ang mga mananampalataya sa pagbabalik ng kanilang Panginoon.

Gayundin, tunay na pinaniwalaan ni Pablo na maaaring bumalik si Jesus sa panahon ng karamihan sa kanyang mga kapanahon:

Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Jesus upang isama sa Kanya. Ito ang katuruan ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa, tayong mga natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na iyon kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. Pagkatapos, tayong mga buhay pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman. Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawa’t isa sa pamamagitan ng mga aral na ito (1 Tes. 4:13-18, idinagdag ang pagdidiin). [1]

Mula dito malalaman din natin na sa pagbabalik ni Jesus mula sa langit, bubuhaying-muli ang mga katawan ng namatay nang mananampalataya at, kasama ng mga mananampalatayang buhay sa Kanyang pagdating, ay “magsasama upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid” (ang Dagit). Dahil inihayag din ni Pablo na isasama ni Jesus mula sa langit ang mga namatay “sa Kanya,” maipagpapalagay lang natin na sa Dagit, ang espiritu ng mga makalangit na mananampalataya ay sasama sa kabubuhay-lang-muli nilang katawan.

Naniwala din si Pedro na ang pagdating ni Cristo ay napipinto nang isulat niya ang unang sulat:

Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo….Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya’t maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo’y makapanalangin….sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang Kanyang kadakilaan (1 Ped. 1:13, 4:7, 13, idinagdag ang pagdidiin). [2]

Bilang pagtatapos, nang isulat ni Juan ang kanyang mga liham sa mga iglesia, naniwala din siya na malapit na ang katapusan at makikita ng mambabasa niya sa panahong iyon ang pagbabalik ni Jesus:

Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang anti-Cristo. Ngayon nga’y marami nang lumilitaw na mga anti-Cristo, kaya’t alam nating malapit na ang wakas….Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa Kanya, upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito Niya, at nang hindi tayo mapahiya sa Kanya sa araw na iyon….Mga minamahal, anak na tayo ng Diyos ngayon, nguni’t hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Nguni’t alam nating sa pagparitong muli ni Cristo , tayo’y matutulad sa Kanya, dahil makikita natin kung sino talaga Siya. Kaya’t ang sinumang may ganitong pag-asa ay nagsisikap na maging malinis ang pamumuhay tulad ni Cristo. (1 Jn. 2:18, 28; 3:2-3, idinagdag ang pagdidiin).

Ang Kanyang Pagkabalam (His Delay)

Sa pagbabalik-tanaw sa nakaraang 2,000 taon, mapagtatanto natin na hindi agad bumalik si Jesus na tulad ng inasahan ng mga apostol. Kahit noong kapanahunan nila, mayroong mga nagsisimulang magdudang talagang babalik Siya kung titingnan ang haba ng panahon mula nang umalis Siya. Nang patapos na ang buhay sa lupa ni Pedro, halimbawa (tingnan ang 2 Ped. 1:13-14), hindi pa rin bumabalik si Jesus, kaya sa kanyang huling sulat, tinukoy ni Pedro ang mga nagdududa:

Una sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa nasa ng laman. Sasabihin nila, “Si Cristo’y nangakong darating, hindi ba? Nasaan na Siya? Namatay na ang ating mga ninuno nguni’t wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito. Walang halaga sa kanila ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. Sa pamamagitan din ng tubig, ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw n g Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama. Mga minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Hindi pa Niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan pa Niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagka’t hindi Niya nais na may mapahamak. Nguni’t ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala (2 Ped. 3:3-10).

Pinatotohanan ni Pedro na ang pagkabalam ni Jesus ay sanhi ng Kanyang pag-ibig at habag—nais Niyang bigyan ng karagdagang panahon upang magsisi ang mga tao. Nguni’t pinatotohanan din niya na walang kaduda-dudang babalik si Jesus. Sa Kanyang pagbabalik, kasama Niya ang malaking galit.

Masyadong malinaw din ang Kasulatan, na siyang makikita natin, na ang puno ng galit na pagdating ni Cristo ay uunahan ng mga taon ng di-inaasahang pagdurusa at ang pagbuhos ng galit ng Diyos sa mga masasama. Marami sa mga paksa sa libro ng Pahayag ang sumasaklaw sa hinaharap na panahong iyon.Tulad ng makikita natin sa pagpapatuloy ng ating pag-aaral, ipinapakita ng Kasulatan na magkakaroon ng pitong taon ng pagdurusa sa hinaharap. Walang dudang ang Kaligayahan ng iglesia ay mangyayari sa isang panahon sa loob o bago sumapit ang pitong taong iyon.

Kailan Talaga Mangyayari ang Dagit? (When Exactly Does the Rapture Occur?)

Isang tanong na kadalasang naghahati sa mga Cristiano ay ang eksaktong panahon ng Dagit. Sinasabi ng ilan na ang Dagit ay mangyayari bago sumapit ang pitong taon ng pagdurusa, kaya maaaring mangyari ano mang oras. Sinasabi ng ilan na mangyayari ito sa gitna mismo ng pitong taon ng pagdurusa. At sinasabi rin ng iba na mangyayari ito sa isang panahon mula sa gitna ng pitong taon ng pagdurusa. At sinasabi pa rin ng iba na ang Dagit ay mangyayari sa puno ng galit na pagbabalik ni Jesus sa pagtatapos ng Pagdurusa.

Hindi karapat-dapat manghati ang isyung ito, at dapat tandaan ng lahat ng apat na kampo na sila’y nagkakaisa na ang Masidhing Kagalakan ay mangyayari ay mangyayari sa loob o sa panahong malapit nang dumating ang pitong-taong panahon. Lubhang makitid na bintana iyan sa libu-libong taon ng kasaysayan. Kaya sa halip na mahati dahil sa di-pagkakaunawaan, mas maganda pang magdiwang sa ating pagkakaisa! At anuman ang ating pinaniniwalaan, hindi kailanman nito mapapalitan ang totoong mangyari.

Pagkasabi niyan, kailangan kong sabihin sa inyo na sa unang dalawampu’t limang taon ng aking buhay Cristiano, naniwala akong ang Dagit ay mangyayari bago sumapit ang pitong-taong Pagdurusa. Pinaniwalaan ko iyan dahil iyan ang itinuro sa akin, at ayaw ko ring balikan ang nabasa ko sa libro ng Pahayag! Nguni’t nang pag-aralan ko ang Kasulatan nang sarilinan, nag-umpisa akong magkaroon ng ibang pananaw. Kaya sabayan nating tunghayan ang sinasabi ng Biblia at tingnan ang mga palagay na maaaring gawin. Kahit na hindi ko kayo mahihikayat na sumama sa aking kampo, kailangan pa rin nating mahalin ang isa’t isa!

Ang Diskursong Olivet (The Olivet Discourse)

Mag-umpisa tayo sa pagtingin sa ika-24 na kabanata ng Ebanghelyo ni Mateo, isang batayang bahagi ng Kasulatan sa mga pangyayari sa panghuling panahon at pagbabalik ni Jesus. Kasama ng ika-25 na kabanata ng Mateo, itinuturing silang Diskursong Olivet, dahil ang dalawang kabanatang iyon ay tala ng isang sermon ni Jesus na ibinigay sa ilan sa Kanyang malalapit na alagad [3] sa Bundok ng mga Oliba. Habang binabasa natin, malalaman natin ang maraming pangyayari tungkol sa huling panahon, at titingnan natin ang ipinagpalagay ng mga alagad ni Jesus, ang mga pinaglaanan ng Kanyang diskurso, tungkol sa panahon ng Dagit.

Lumabas si Jesus sa templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Tsa templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. Sinabi Niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga templo. Sinabi Niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng kapwa bato. Lahat ay iguguho!” Noon, si Jesus ay nasa Bundok ng mga Olibo. Habang Siya’y nakaupo roon, palihim Siyang tinanong ng Kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinasabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?” (Mt. 24:1-3).

Nais malaman ng mga alagad ni Jesus ang tungkol sa hinaharap. Ispesipikong gusto nilang malaman kung kailan guguho ang mga gusali (na kakahula lamang ni Jesus), at kung ano ang magiging tanda ng Kanyang pagbabalik at ang katapusan ng mundo.

Sa pagbabalik-tanaw, alam natin na ang mga gusali ng mga templo ay lubos na iginuho noong 70 A.D. ni Heneral Tito at ng mga hukbong Romano. Alam din natin na hindi pa bumabalik si Jesus upang tipunin ang iglesia sa Kanya, kaya ang mga dalawang pangyayaring iyon ay hindi talaga maaaring magsabay.

Sinasagot ni Jesus ang Kanilang Tanong (Jesus Answers Their Questions)

Mukhang hindi itinala ni Mateo ang sagot ni Jesus sa unang tanong tungkol sa pagguho ng mga templo, samantalang sinagot ito ni Lucas sa kanyang Ebanghelyo (tingnan ang Lu. 21:12-24). Sa Ebanghelyo ni Mateo, agad binanggit ni Jesus ang mga tandang magaganap bago Siya dumating at ang katapusan ng mundo:

Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Maraming paparito sa pangalan Ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba’t ibang dako. Nguni’t huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama’t hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. Ang lahat ng mga ito’y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad ng isang babaing nanganganak” (Mt. 24:4-8, idinagdag ang pagdidiin).

Malinaw sa umpisa ng sermon na naniwala si Jesus na ang mga alagad Niyang unang-dantaon ay buhay pa kapag naganap ang mga pangyayaring hahantong sa Kanyang pagbabalik. Pansinin kung gaano karaming ulit Niyang ginamit ang panghalip panaong kayo. Ginamit ni Jesus ang panghalip panaong kayo nang hindi bababa sa dalawampung beses sa ika-24 na kabanata lamang, kaya naniwala marahil ang lahat ng Kanyang mga tagapakinig na buhay pa sila upang makita ang hula ni Jesus.

Bagama’t alam natin na bawa’t alagad na nakinig kay Jesus sa araw na iyon ay matagal nang namatay. Nguni’t hindi tayo dapat magpalagay na dinadaya sila ni Jesus, kundi Siya mismo ay hindi nakakaalam ng eksaktong panahon ng Kanyang pagbabalik (tingnan ang Mt. 24:36). Tunay na noon ay posibleng ang mga nakarinig ng Kanyang Diskursong Olivet ay buhay pa sa Kanyang pagbabalik.

Ang pangunahing alalahanin ni Jesus ay hindi madaya ang Kanyang mga alagad ng mga magpapanggap na Cristo, dahil marami ang ganito sa mga huling araw. Alam na mismong ang anti-Cristo ay isang huwad na Cristo, na dadayain ang marami sa mundo. Ituturing nila siya bilang kahanga-hangang tagapagligtas.

Sinabi ni Jesus na magkakaroon ng mga labanan, taggutom at paglindol, nguni’t nilinaw Niya na hindi tanda ng Kanyang pagbabalik ang mga pangyayaring iyon, kundi “umpisa ng mga nararamdaman ng nanganganak.” Masasabing ang mga tandang iyon ay nangyayari na sa nakaraang dalawang libong taon. Nguni’t ang susunod na tutukuyin ni Jesus ay isang bagay na hindi pa nangyayari.

Umpisa ng Buong-Mundong Pagdurusa (Worldwide Tribulation Begins)

“Sa mga panahong iyon, kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, at dahil dito’y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa’t isa. Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. Ang kasamaa’y lalaganap, kaya’t manlalamig ang pag-ibig ng marami. Nguni’t ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos upang ang lahat ng bansa ay makarinig nito. At kung maganap na ito, darating na ang katapusan” (Mt. 24:9-14, idinagdag ang pagdidiin).

Muli, kung tinanong ninyo ang mga nakarinig kay Jesus nang araw na iyon, “Aasahan ba ninyong makita ang katuparan ng mga ito habang kayo’y nabubuhay?” talagang sasagot sila ng oo. Laging ginagamit ni Jesus ang panghalip panaong kayo.

Tulad ng kababasa pa lang natin, pagkatapos ng mga “sakit sa panganganak” ay darating ang isang pangyayaring talagang hindi pa nagaganap, isang panahon ng hindi inaasahan, sandaigdigang pagpapahirap sa mga Cristiano. Kamumuhian tayo ng “lahat ng bansa,” literal na “lahat ng mga grupong etniko.” Ang tinutukoy ni Jesus ay isang tanging ispesipikong panahon na mangyayari iyon, hindi isang pangkalahatang panahon sa loob ng daan-daang taon, dahil sinabi Niya sa susunod na pangungusap, “At sa panahong iyon marami ang titiwalag at mag-aadya sa isa’t isa at mamuhi sa isa’t isa.” Ang Kanyang pangungusap ay malinaw na tumutukoy sa paglayo ng mga Cristianong mananampalataya na mamumuhi sa kapwa mananampalataya, dahil ang mga di mananampalataya ay hindi “makatitiwalag,” at namumuhi na sila sa isa’t isa. Kung gayon, kapag nagsimula ang pandaigdigang pagpapahirap, ang resulta ay malawakang pagtatakwil ng maraming nag-aangking sila’y tagasunod ni Cristo. Tunay man sila o huwad na mananampalataya, tupa o kambing, marami ang titiwalag, at ibubunyag din nila sa mga nagpapahirap kung sinu-sino ang iba pang mananampalataya, at kamumuhian ang mga minsa’y sinabi nilang mahal nila. Ang bunga’y ang paglilinis ng iglesia sa buong sandaigdigan.

Pagkatapos, darami rin ang mga huwad na propeta, at ang isa roo’y laging binabanggit sa libro ng Pahayag bilang kasabwat ng anti-Cristo (tingnan ang Pah. 13:11-18; 19:20; 20:10). Madaragdagan ang kawalan ng Kaayusan hanggang sa mawala nang lahat ang natitirang pag-ibig sa puso ng mga tao, at ganap na mawawalan ng pakiramdam ang mga makasalanan.

Mga Martir at Nakaligtas (Martyrs and Survivors)

Bagama’t hinulaan ni Jesus na ang mga mananampalataya ay mamamatay (tingnan ang 24:9) malinaw na hindi lahat ay mamamatay, dahil ipinangako Niya na ang mga magtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas (tingnan ang 24:13). Ibig sabihin, kung hindi nila papayagan ang kanilang sarili upang madaya ng mga huwad na Cristo o huwad na propeta at labanan ang tuksong iiwan ang kanilang pananampalataya at titiwalag, maliligtas sila ni Cristo pagbalik Niya upang dalhin sila sa langit. Sa hinaharap na panahong ito ng pagdurusa, ang pagligtas ay malinaw ding ibinunyag sa propetang si Daniel, na sinabihang,

“Sa panahong iyon, darating ang dakilang anghel na si Miguel, ang makapangyarihang pinuno at tagapagtanggol ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Nguni’t maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos. Muling mabubuhay ang maraming mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba’y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama’y sa kaparusahang walang hanggan” (Dan. 12:1-2).

Mapagpalang ihahandog ang Kaligtasan kahit sa mga panahong iyon, dahil ipinangako ni Jesus na maipapahayag ang magandang balita sa lahat ng bansa (literal, na “mga etnikong grupo at tribo”), na nagbibigay ng huling pagkakataon upang magsisi, pagkatapos darating ang katapusan. [4] Interesante na mababasa natin sa aklat ng Pahayag ang maaaring magiging katuparan ng pangako ni Jesus:

Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa kalawakan, dala ang walang katapusang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lahi, wika, at bayan. Sinabi Niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo Siya! Sapagka’t dumating na ang oras ng Kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!” (Pah. 14:6-7, idinagdag ang pagdidiin).

Ipinagpapalagay ng iba na ang dahilan ng paghahayag ng magandang balita ng isang anghel sa panahong iyon ay dahil sa doon sa pitong-taong pagdurusa, nangyari na ang Dagit at wala nang lahat ang mga mananampalataya. Nguni’t siyempre, iyan ay isang pagpapalagay lamang.

Ang Anti-Cristo (The Antichrist)

Ibinunyag ng propetang Daniel na talagang uupo ang anti-Cristo sa muling itinayong templo sa Jerusalem sa kalagitnaan ng pitong taong pagdurusa at ihahayag ang kanyang sarili bilang Diyos (tingnan ang Dan. 9:27, na pag-aaralan natin sa susunod). Ang pangyayaring ito ang nasa isip ni Jesus habang ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang Diskursong Olivet:

“Unawain ninyo itong mabuti: kapag nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal aang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel, ang mga nasa Judea ay dapat tumakas papunta sa kabundukan, ang nasa bubungan ay huwag nang mag-abala pang kumuha ng kahit ano sa bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi upang kumuha ng balabal. Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay huwag mapataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. Sapagka’t sa panahong iyon, ang mga tao’y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. Sa katunayan, kung hindi paiikliin ng Diyos ang panahong iyon, walang taong maliligtas. Nguni’t alang-alang sa mga hinirang ng Diyos, paiikliin ang panahong iyon” [5] (Mt. 24:15-22).

Ito ay isang higit na ispesipikong pagpapalawig tungkol sa pagdurusang nauna nang binanggit ni Jesus (tingnan ang 24:9). Kapag ipapahayag ng anti-Cristo na siya ang Diyos mula sa templo ng Jerusalem, mangyayari ang di mailalarawang paghihirap laban sa mga mananampalataya kay Jesus. Sa pagdeklarang siya ang Diyos, aasahan ng anti-Cristo na kikilalanin ng lahat ang kanyang pagiging diyos. Pagkatapos niyon, lahat ng tunay na tagasunod ni Cristo ay magiging tunay na kalaban ng pamahalaan upang hanapin at patayin. Kaya sinabi ni Jesus sa mga mananampaalataya sa Judea na kailangan nilang agad mamundok, at hinihiling na hindi maantala ng anuman ang kanilang pagtakas.

Ang hula ko ay magandang idea para sa lahat ng mananampalataya sa buong mundo na tumakas sa malalayong lugar dahil walang dudang iyon ay ibubunyag ng lahat ng telebisyon sa buong mundo. Sinasabi sa atin ng Kasulatan na dadayain ng anti-Cristo ang buong mundo, na ipinapalagay na siya ang kanilang Cristo, kaya magiging matapat sila sa kanya. Kapag ipinahayag niya na siya ang Diyos, maniniwala sila sa kanya at sasambahin nila siya. Kapag nagsalita siya ng masama laban sa tunay na Diyos—ang Diyos ng mga Cristiano—iimpluwensiyahan niya ang buong nadayang mundo upang kasuklaman ang mga tumangging sumamba sa kanya (tingnan ang Pah. 13:1-8).

Ipinangako ni Jesus ang maaaring pagkakaligtas para sa Kanyang sariling bayan sa pamamagitan ng “pagpapaikli” sa mga araw ng pagdurusa; kung hindi “walang taong malilikgtas” (24:22). Ang “pagpapaikli” Niya ng mga araw na iyon “para sa kapakanan ng mga pinili” ay maaaring bumabanggit sa pagliligtas sa kanila pagdating Niya upang tipunin sila sa langit. Bagama’t hindi binabanggit ni Jesus dito kung gaano katagal pagkatapos ng pahayag ng anti-Cristo na siya ang Diyos na mangyayari ang pagliligtas.

Anu’t ano pa man, minsan pang mapapansin natin na iniwan ni Jesus ang Kanyang mga tagapakinig nang araw na iyon sa isipang mabubuhay sila upang makita ang paghahayag ng pagiging Diyos ng anti-Cristo at magdeklara ng laban sa mga Cristiano. Sumasalungat ito sa mga taong nagsasabing magkakaroon ng dagit sa langit ang mga mananampalataya bago dumating ang pangyayaring iyon. Kung tinanong mo sina Pedro, Santiago o Juan kung babalik si Jesus upang iligtas sila bago mangyari ang paghahayag ng pagiging Diyos ng anti-Cristo, maaaring sumagot sila, “Malinaw na hindi.”

Labanan Laban sa Mga Banal (War Against the Saints)

Makikita sa iba pang pahayag sa Kasulatan ang pagpapahirap ng anti-Cristo sa mga mananampalataya. Halimbawa, naibunyag kay Juan, na itinala niya sa aklat ng Pahayag:

Pinahintulutang magyabang ang halimaw, manlait sa Diyos, at maghari sa loob ng apatnapu’t dalawang buwan. Nilait nga niya ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ang lahat ng nakatira doon. Pinahintulutan din siyang salakayin at gapiin ang mga hinirang ng Diyos, at binigyan siya ng karapatang mamahala sa bawa’t lahi, lipi, wika, at bansa (Pah. 13:5-7, idinagdag ang pagdidiin).

Pansinin na mabibigyan ng “karapatan upang kumilos” ang anti-Cristo nang apatnapu’t dalawang buwan, o tamang-tamang tatlo-at-kalahating taon. Interesanteng tamang-tamang kalahati ito ng pitong-taong Kapighatian. Mukhang makatwirang ipalagay na iyon ang katapusang apatnapu’t dalawang buwan ng Kapighatian na mabibigyan ng “karapatan upang kumilos” ang anti-Cristo, dahil talagang ganap na matatanggal sa kanya ang kanyang kapangyarihan sa pagbabalik ni Cristo upang labanan siya at ang kanyang mga hukbo sa pagtatapos ng Kapighatian.

Malinaw na ang “karapatan upang kumilos” nang apatnapu’t dalawang buwan ay tumutukoy sa natatanging karapatan, dahil talagang bibigyan ng Diyos ang anti-Cristo ng ilang karapatan sa panahon ng pag-angat niya sa kapangyarihan. Ang natatanging “karapatan upang kumilos” na ito ay maaaring iyong pagbanggit sa panahong ipinagkaloob sa kanya upang gapiin ang mga banal, dahil mababasa natin sa aklat ng Daniel:

Samantalang ako’y nakatingin, nakita kong dinigma at nilupig ng sungay na ito [anti-Cristo] ang mga hinirang ng Diyos. Pagkatapos, dumating ang Nabubuhay Magpakailanman [Diyos] at nagbigay ng hatol sa panig ng mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian….Magsasalita siya (ang anti-Cristo] laban sa Kataas-taasan at pahihirapan niya ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Tatangkain niyang baguhin ang kautusan at mga takdang kapanahunan. Ang mga hinirang ng Diyos ay ipapailalim sa kanyang kapangyarihan sa loob ng tatlong taon at kalahati (Dan. 7:21-22, 25, idinagdag ang pagdidiin).

Hinulaan ni Daniel na ipapailalim ang mga banal sa kapangyarihan ng anti-Cristo sa loob ng “isang panahon, mga panahon, at kalahating panahon.” Ang mapalaisipang pariralang ito ay kailangang ipaliwanag bilang tatlong-taon-at-kalahati, ayon sa paghahalintulad ng Pahayag 12:6 at 14. Sinasabi sa atin sa Pahayag 2:6 na isang tanging masagisag na babae ay mabibigyan ng pagtataguan sa ilang upang “maalagaan” nang 1,260 na araw, na mabibilang na tatlong taon at kalahati sa isang taong may 360 araw o tatlong taon at kalahati.

Kaya ang salitang “panahon” sa kontekstong ito ay nangangahulugang taon, “mga panahon” ay dalawang taon, at “kalahating panahon” ay kalahating taon. Ang pambihirang pahayag na ito na makikita sa Pahayag 12:14 ay maaaring kasingkahulugan ng sinabi sa Daniel 7:21. Kung gayon, alam natin na maipapailalim ang mga banal sa kapangyarihan ng anti-Cristo sa loob ng tatlong taon at kalahati, ang tiyak na panahong sinabi sa atin sa Pahayag 13:5 na mabibigyan ng “karapatan upang kumilos” ang anti-Cristo.

Palagay ko, malamang na kapwa itong apatnapu’t-dalawang tiyak na panahon ay magkaparehong takdang panahon. Kung magsisimula sila sa paghahayag ng pagiging diyos ng anti-Cristo sa gitna ng pitong-taong Pagdurusa, ipapailalim sa kanyang kapangyarihan ang mga banal sa susunod na tatlong taon at kalahati, at ililigtas sila ni Jesus kapag lilitaw Siya sa himpapawid upang tipunin sila sa kanya sa panahon ng pitong-taong-Pagdurusa o sa panahong malapit na itong matapos. Nguni’t kung ang mga apatnapu’t dalawang buwang iyon ay magsisimula sa alinmang bahagi ng pitong-taong Pagdurusa, maipagpapalagay natin na ang Masidhing Kagalakan ay mangyayari sa isang bahagi bago matapos ang pitong-taong Pagdurusa.

Ang kahirapan ng huli sa dalawang posibilidad na nabanggit ay kailangang maipailalim sa kapangyarihan ng anti-Cristo ang mga banal na iyon bago sila mapasa-panganib at kailangang mamundok sa paghahayag niya ng pagiging Diyos. Mukhang hindi iyan lohikal.

Ang mahirap sa nauna ay tila ibig sabihin na ang mga banal ay naririto pa sa lupa sa panahong ng malawakang maraming paninira at paghuhukom ng Diyos na mababasa natin sa aklat ng Pahayag. Sa susunod ay higit nating pag-aaralan ang kahirapang ito.

Babalik tayo sa Diskursong Olivet.

Mga Huwad na Mesiyas (False Messiahs)

Susunod na higit na pinalawig ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang kahalagahan ng hindi padadaya sa mga maling ulat ng mga huwad na Cristo:

“Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. Sapagka’t may lilitaw na mga huwad na mesiyas at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw ang marami kahit na ang mga hinirang ng Diyos. Tandaan ninyo, ipinagpauna ko nang sabihin ito upang kayo’y makapaghanda. Kaya’t kung sabihin nila sa inyo, ‘Naroon siya sa ilang,’ huwag kayong pupunta roon. Kung sabihin naman nilang, ‘Naroon siya sa silid,’ huwag kayong maniniwala. Sapagka’t darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran. “Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre” (Mt. 24:23-28).

Pansinin muli ang malimit paggamit ni Jesus sa panghalip panaong kayo. Marahil ay inasahan ng mga tagapakinig Niya sa Bundok ng Olibo na matutunghayan pa nila ang pag-angat ng mga huwad na Cristo at huwad na propetang gagawa ng dakilang himala. At marahil ay inasahan nilang makita si Jesus na bumalik sa langit na parang kidlat.

Siyempre, napakalaki ng panganib na pagtatakwil sa panahong iyon dahil lubhang nakakatakot ang pagpapahirap sa mga mananampalataya at nakakaengganyo ang mga huwad na propeta dahil sa kanilang mga himala. Kaya paulit-ulit na nagbabala si Jesus sa Kanyang mga alagad tungkol sa mangyayari bago Siya bumalik. Ayaw Niya silang madaya na tulad ng mangyayari sa marami. Maghihintay ang mga tunay at naninindigang mananampalataya sa pagbabalik ni Jesus sa langit na parang kidlat, samantalang ang mga hindi Niya tunay na tagasunod ay didikit sa mga huwad na Cristo tulad ng pagdikit ng mga buwitre sa isang patay na hayop sa ilang.

Mga Tanda sa Langit (Signs in the Sky)

Nagpatuloy si Jesus:

“Pagkatapos ng kapighatian sa mga panahong iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. Pagkatapos, lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng bansa. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan. Sa hudyat ng malakas na tunog ng trumpeta, susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang mula sa lahat ng dako” (Mt. 24:29-31).

Ang mga imahe sa bahaging ito ng Dikursong Olivet ni Jesus ay pamilyar marahil sa mga Judio sa Kanyang kapanahunan, dahil sila ay mga imaheng mula mismo sa Isaias at Joel na bumabanggit sa huling paghatol ng Diyos sa katapusan ng mundo, ang tinutukoy na “ang araw ng Panginoon,” kung saan magdidilim ang araw at buwan (tingnan ang Isa. 13:10-11; Joel 2:31). Pagkatapos, makikita ng lahat ng mamamayan si Jesus pabalik sa langit sa Kanyang kaluwalhatian, at magnanangis sila. At “titipunin ng mga anghel ni Jesus ang Kanyang mga pinili mula sa apat na dako, mula sa isang dulo ng langit patungo sa kabila,” na nagpapakitang talagang titipunin ang mga mananampalataya upang salubungin ni Jesus sa langit, at mangyayari ito sa hudyat ng “malakas na tunog ng trumpeta.”

Muli, kung tinanong ninyo sina Pedro, Santiago at Juan sa bahaging ito ng Diskursong Olivet kung babalik si Jesus upang kunin sila bago o pagkatapos ng panahon ng anti-Cristo at ang dakilang kapighatian, malamang na ang isinagot nila ay, “Pagkatapos.”

Ang Pagbabalik at ang Dagit (The Return and the Rapture)

Tila malapit sa isang pangyayaring isinulat ni Pablo ang bahaging ito ng Diskursong Olivet, walang dudang ang Dagit ng iglesia, bagama’t isang pangyayaring sinasabi ng maraming komentarista na magaganap bago magsimula ang panahon ng kapighatian. Tingnan ang susunod na kasulatang una na nating nasuri sa kabanatang ito:

Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Jesus upang isama sa Kanya. Ito ang katuruan ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa, tayong mga natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na iyon kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababa ang Panginoon mula sa langit. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. Pagkatapos, tayo namang mga buhay pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin Siya magpakailanman. Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawa’t isa sa pamamagitan ng mga aral na ito. Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagka’t alam na ninyo na ang pagdating ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang sakuna. Hindi sila makakaiwas sapagka’t ang pagdating nito’y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak (1 Tes. 4:13 – 5:3, idinagdag ang pagdidiin).

Isinulat ni Pablo ang pagdating ni Jesus mula sa langit sa hudyat ng tunog ng trumpeta ng Diyos at ng mga mananampalatayang titipunin “sa alapaap upang salubungin si Jesus sa kalawakan.” Tila ito rin ang inilalarawan ni Jesus sa Mateo 24:30-31, ang malinaw na mangyayari pagkatapos ng pag-angat ng anti-Cristo at kapighatian.

Dagdag pa, sa pagpapatuloy ng pagsulat ni Pablo tungkol sa pagbabalik ni Cristo, binanggit niya ang tungkol sa kung kailan magaganap iyon, “ang mga kapanahunan,” at ipinaalala niya sa kanyang mga mambabasa na lubhang alam na nilang “darating ang araw ng Panginoon na parang magnanakaw sa gabi.” Naniwala si Pablo na ang pagbabalik ni Cristo at ang Dagit ng mga mananampalataya ay magaganap “sa araw ng Panginoon,” isang araw kung saan ang nakakatakot na galit at pagkasira ay mangyayari sa mga umaasa ng “katiwasayan at kapanatagan.” Sa pagbabalik ni Cristo upang hulihin ang Kanyang iglesia, bababa ang galit Niya sa mundo.

Ganap na kasundo nito ang isunulat ni Pablo sa isang sumunod na sulat sa mga taga-Tesalonica tungkol sa pagbabalik ni Cristong galit na galit:

Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan Niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin Niyang kasama namin sa pagbabalik ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang Kanyang mga makapangyarihang kampon. Darating Siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at paparusahan ang lahat ng hindi kumilala sa Diyos at hindi sumunod sa Magandang Balita ng ating Panginoong Jesus. Ang parusa sa kanila ay walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila Niyang kapangyarihan. Mangyayari ito sa araw ng Kanyang pagparito upang tanggapin ang papuri mula sa Kanyang mga pinili at ang pangaral ng lahat ng sumasampalataya sa Kanya. Kabilang kayo roon sapagka’t tinanggap ninyo ang magandang balitang ipinahayag namin sa inyo (2 Tes. 1:6-10, idinagdag ang pagdidiin).

Inihayag ni Pablo na nang bumalik si Jesus upang bigyang-kaginhawahan ang mga napahirapang Cristianong taga-Tesalonica (tingnan ang 1 Tes. 1:4-5), darating Siya “kasama ng mga dakila Niyang kampon sa gitna ng naglalagablab na apoy” upang parusahan ang mga nagparusa sa kanila, bumabawi sa makatwirang pagganti. Kailanman ay hindi ito katulad ng inilalarawan ng karamihan na dagit bago kapighatian, nang ang iglesia ay sinasabing makakasama si Cristo bago magsimula ang panahon ng pitong-taong kapighatian at karaniwang inilalarawan bilang lihim na pagdating ni Jesus at ang tahimik na paghuli sa iglesia. Hindi, tila kahawig ito ng inilarawan ni Jesus sa Mateo 24:30-31, ang Kanyang pagbabalik sa o malapit sa katapusan ng panahon ng kapighatian, nang hinuhuli Niya ang mga mananampalataya at ibinubuhos ang galit Niya sa mga di mananampalataya.

Ang Araw ng Panginoon (The Day of the Lord)

Sa pagpapatuloy ni Pablo sa parehong sulat, sinabi niya:

Mga kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling Niya, nakikiusap kami sa inyo na huwag agad magugulo ang inyong isipan o mababahala kung mabalitaan ninyong dumating na ang araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o isinulat namin (2 Tes. 2:1-2).

Una, pansinin na ang paksa ni Pablo ay ang pagbabalik ni Cristo at ang Dagit. Isinulat niya ang ating “pagtitipon” sa Kanya, ginagamit ang mga salitang ginamit ni Jesus sa Mateo 24:31, nang tukuyin Niya ang mga anghel na “pagsasama-samahin” ang Kanyang mga pinili mula sa isang dulo ng langit patungo sa kabila.”

Pangalawa, pansinin na inihanay ni Pablo ang mga pangyayaring iyon “sa araw ng Panginoon,” tulad ng ginawa Niya sa 1 Tesalonica 4:13 – 5:2. Lubhang napakalinaw niyan.

At nagpatuloy si Pablo:

Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan. Hindi darating ang araw ng Panginoon hangga’t hindi pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail na tiyak na mapapahamak. Itataas niya ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang Diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos (2 Tes. 2:3-4, idinagdag ang pagdidiin).

Tila nadadaya ang mga Cristianong taga-Tesalonica na dumating na ang Araw ng Panginoon, na ayon kay Pablo ay kailangang mag-umpisa sa Dagit at ng pagbabalik ni Cristo. Nguni’t malinaw ang pagsabi ni Pablo na hindi ito makakarating hangga’t hindi pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos (marahil ito iyong pagtalikod na binanggit ni Jesus sa Mt. 24:10) at pagkatapos ihayag ng anti-Cristo ang kanyang pagiging diyos mula sa templo ng Jerusalem temple. Kaya malinaw na sinabi ni Pablo sa mga mananampalatayang taga-Tesalonica na hindi nila dapat asahan ang pagbabalik ni Cristo, ang Dagit, o ang araw ng Panginoon, hangga’t hindi ipinapahayag ng anti-Cristo ang kanyang pagiging diyos. [6]

Susunod ay ilalarawan ni Pablo ang pagbabalik ni Cristo at ang darating na pagsira sa anti-Cristo:

Hindi ba ninyo natatandaan? Sinabi ko na ito sa inyo nang ako’y kasama pa ninyo. Hindi pa nga lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng panahon. Ngayon pa man ay palihim na siyang gumagawa ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga’t di naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang, mahahayag na ang Suwail. Nguni’t pagdating ng Panginoong Jesus, papatayin Niya ang Suwail sa pamamagitan lamang ng pag-ihip at pupuksain Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang nakakasilaw na liwanag. Paglitaw ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan. Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak, sa mga taong ayaw umibig sa katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila (2 Tes. 2:5-10).

Inihayag ni Pablo na mapupuksa ang anti-Cristo sa “paglitaw ng Kanyang pagbabalik.” Kung ang “paglitaw” na ito ay pareho rin sa Kanyang paglitaw sa Dagit na una nang nabanggit sa nakalipas na siyam na berso (tingnan ang 2:1), mapupuksa ang anti-Cristo sa sandaling titipunin ang iglesia upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Ang nagpapatibay dito ay ang tala ng kabanata 19 at 20 ng Pahayag. Mababasa natin doon ang pagbabalik ni Cristo (tingnan ang Pah.19:11-16), ang pagkasira ng anti-Cristo at kanyang mga hukbo (tingnan ang 19:17-21), ang paggapos kay Satanas (tingnan ang 20:1-3) at ang “unang pagkabuhay na muli” (tingnan ang 20:4-6), kung saan ang mga mananampalatayang naging martir sa panahon ng pitong-taong Kapighatian ay muling mabubuhay. Kung ito ang unang muling pagkabuhay dahil ito ang unang pangkalahatang pagkabuhay na muli ng mga matuwid, higit na maliit ang pagdududang ang Dagit at ang pagbabalik ni Cristong galit na galit ay nagaganap nang parehong panahon sa pagkasira ng anti-Cristo, na malinaw na nagsasabi sa atin na lahat ng namatay kay Cristo ay muling mabubuhay sa Dagit (tingnan ang 1 Tes. 4:15-17). [7]

Pagiging Handa (Being Ready)

Balik tayong muli sa Diskursong Olivet.

“Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na ang pagdating ng Anak ng Tao, talagang malapit na. Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay ngayon. [8] Lilipas ang langit at ang lupa, nguni’t ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman” (Mt. 24:32-35).

Ayaw ni Jesus na walang kahandaan ang Kanyang mga alagad, na siyang pangunahing punto ng Diskursong Olivet. Malalaman nila na Siya ay “nariyan lamang sa pinto” nang umpisa nilang makita “ang lahat ng ito”—malawakang kapighatian, ang pagtalikod sa pananampalataya, ang pagdagsa ng maraming huwad na propeta at Cristo, ang pagdeklara ng pagiging Diyos ng anti-Cristo, at ang higit na malapit sa panahon ng Kanyang pagbabalik, ang pagdidilim ng araw at buwan, pati na rin ang paghulog ng mga bituin.

Nguni’t pagkatapos na pagkatapos Niyang sabihin sa kanila ang mga tandang darating bago sumapit ang Kanyang pagdating sa loob ng ilang taon, buwan o araw, sinabi Niya sa kanila na ang eksaktong panahon ng Kanyang pagbabalik ay mananatiling isang hiwaga:

“Nguni’t walang nakakaalam ng araw at oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o maging ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito” (Mt. 24:36).

Napakadalas ulitin ang kasulatang ito sa labas ng kanyang konteksto! Kadalasang inuulit upang suportahan ang konseptong wala tayong idea sa panahon ng pagbabalik ni Jesus, dahil maaari Siyang bumalik kailan man, at bibigyan ng dagit ang iglesia. Nguni’t sa konteksto nito, hindi iyan talaga ang ibig sabihin ni Jesus. Kagagawa lang Niya ng pagsisikap upang tiyaking magiging handa ang Kanyang mga alagad sa Kanyang pagbabalik sa pamamagitan ng pagsabi sa kanila ng mga maraming tandang mangyayari bago Siya bumalik. Ngayon sinasabi lamang Niya sa kanila na ang tiyak na araw at oras ay hindi ibubunyag sa kanila. Dagdag pa, malinaw na hindi tinutukoy ni Jesus sa pahayag na ito ang sinasabing unang pagbabalik Niya bago dumating ang simula ng pitong-taong Kapighatian, kapag ang iglesia ay sinasabing lihim na madadagit, kundi ang Kanyang pagbabalik sa o bago dumating ang pagtatapos ng Kapighatian. Hindi pagtatalunan iyan mula sa matapat na pagtingin sa konteksto.

Ang Kanyang Pagbabalik—Isang Ganap na Sorpresa? (His Return—A Complete Surprise?)

Isang pagtatalong laging ginagamit laban sa idea ng Dagit na mangyayari sa pagsapit o sa katapusan ng Kapighatian ay, ang pagbabalik na iyan ay hindi sorpresa dahil (sinasabing) sinabi ni Jesus na mangyayari ito, dahil ang nasabing pagbabalik ay maaaring mahintay sa pamamagitan ng mga pangyayari sa Kapighatian. Marahil ay mayroong Dagit bago dumating ang Kapighatian, sabi nila, kung hind hindi magiging handa at maging alerto ang mga mananampalataya na sinabi ng kasulatang dapat ay handa sila, dahil alam nilang may pito o higit pang taon bago bumalik si Jesus.

Nguni’t salungat sa pagtutol na ito, ay ang katotohanang ang buong punto ng Diskursong Olivet ni Jesus ay tiyaking magiging handa ang kanyang mga alagad sa Kanyang pagbabalik sa o malapit sa katapusan ng Kapighatian, at ibinunyag Niya sa kanila ang maraming mga tandang magaganap bago Siya bumalik. Bakit puspos ng payo ang Diskursong Olivet upang maging handa at manatiling alerto kahit alam ni Jesus na ang panahon ng Kanyang pagbabalik ay maraming taon pagkaraan ng orihinal na pagbigkas Niya sa mga salitang iyon? Malinaw na pinaniwalaan ni Jesus na kailangang maging handa ang mga Cristiano at manatiling alerto kahit na matagal pa ang Kanyang pagbabalik. Ang mga apostol na nagpayo sa mga mananampalataya sa kanilang mga sulat upang maging handa at manatiling alerto para sa pagdating ni Jesus ay ginagaya lamang mismong si Jesus.

Gayundin, ang mga naniniwalang isa lamang Dagit bago ang Kapighatian ang nagbibigay-katuwiran sa anumang pagpapayo upang manatiling handa ay may isa pang problema.Ayon sa kanila, ang unang pagbalik ni Cristo ay mangunguna sa pagtatapos ng Kapighatian nang pitong taon. Kaya ang sinasabing unang pagbabalik ni Jesus ay talagang hindi mangyayari sa alinmang panahon—kailangang mangyari ito eksaktong pitong taon bago matapos ang Kapighatian. Kaya sa realidad, walang pangangailangang umasang babalik si Jesus hangga’t hindi nagaganap ang mga pangyayari sa mundo upang maumpisahan ang pitong taon ng Kapighatian, mga pangyayaring talagang mahihintay ang matitiyak.

Maraming naniniwala sa Dagit bago ang kapighatian, kung matapat sila, ang magsasabing alam nilang hindi babalik si Jesus ngayon o bukas dahil sa sitwasyong politikal sa mundo. Mayroon pang mga pangyayaring sinabi ang mga propeta na kailangan pang matupad bago makapagsimula ang pitong-taong Kapighatian. Halimbawa, tulad ng mapag-aaralan natin sa libro ng Daniel, makikipagkasundo ang anti-Cristo sa Israel nang pitong taon, at iyan ang magbibigay-tanda sa umpisa ng Kapighatian. Kaya ang Dagit, kung mangyayari pitong taon bago matapos ang Kapighatian, ay kailangang mangyari kapag nakikipagkasundo na ang anti-Cristo sa Israel nang pitong taon. Hangga’t walang pangyayari sa mundo ng politika upang maganap ang eksenang iyan, hindi magkakaroon ng dahilan ang mga naniniwala sa Dagit bago-ang Kapighatian upang asahan na babalik si Jesus.

Dagdag pa, para sa mga nagsusulong ng Dagit bago-ang Kapighatian na naniniwalang babalik din si Jesus sa pagtatapos ng Kapighatian, ibig sabihin niyan na makakalkula ang sinasabing eksaktong araw ng pangalawang pagbabalik ni Jesus.

Sa oras na mangyari ang Dagit, na ayon kay Jesus ay ang Ama lamang ang nakakaalam, makakalkula na ito sa pamamagitan lamang ng pagdadagdag ng pitong taon.

Muli, mula sa talagang sinabi ni Jesus, malinaw na hindi Niya gusto na ganap na sorpresa ang Kanyang pagbabalik. Katunayan, nais Niyang mapaghahandaan ito sa pamamagitan ng natatanging pangyayari sa Kapighatian. Samakatuwid, ayaw ni Jesus na ang Kanyang mga alagad, gayundin ang mundo, ay walang kahandaan. Ipinagpatuloy Niya ang Kanyang Diskursong Olivet:

“Ang pagdating ng Anak ng Tao ay tulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao’y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa pumasok si Noe sa barko. Hindi nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. [9] Kaya’t maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya’y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya’t lagi kayong maging handa, sapagka’t darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman” (Mt. 24:37-44).

Muli, ang malinaw na alalahanin ni Jesus ay ang maging handa ang Kanyang mga alagad sa Kanyang pagbabalik. Katunayan, iyan ang pangunahing dahilan para sa lahat ng sinabi Niya noon at pagkatapos ng puntong ito sa Diskursong Olivet. Ang maraming pagpapayo Niya para sa kanila upang manatiling handa at alerto ay hindi gaanong indikasyon na ang Kanyang pagbabalik ay maging ganap na sorpresa, kundi indikasyon ng kung gaano kahirap sa ilalim ng kagipitan ng panahon upang manatiling handa at alerto. Dahil dito, ang mga umaasa ng isang kahit-kailang, Dagit bago ang Kapighatian, sa pag-iisip na higit silang handa kaysa ibang Cristiano, ay maaaring tunay na hindi handa sa kanilang totoong kakaharapin. Kung wala silang inaasahang kapighatian at matatagpuan ang sariling nasa ilalim ng pandaigdigang pagdurusa sa ilalim ng paghahari ng anti-Cristo, maaaring mapuspos sila ng tuksong magtakwil. Higit na mainam ang maging handa sa kung anong mangyayaring itinuturo ng Kasulatan.

At muli, kung tinanong mo si Pedro, Santiago o Juan kung kailan nila inaasahan ang pagbalik ni Jesus, maaaring sinabi nila sa iyo ang lahat ng tandang sinabi ni Jesus na mangyayari bago Siya bumalik. Malamang na hindi nila inasahang makita Siya bago ang panahon ng kapighatian o ang pag-angat ng anti-Cristo.

Isang Magnanakaw sa Gabi (A Thief in the Night)

Pansinin na pati ang pagtutulad ni Jesus na “magnanakaw sa gabi” ay kasama sa konteksto ng Kanyang pagbubunyag ng maraming tanda upang sa Kanyang pagbabalik ay hindi madatnang walang kahandaan ang mga alagad. Kaya hindi tamang gamitin ang pagtutulad na “magnanakaw sa gabi” upang patunayang walang aasang magkaroon ng anumang idea tungkol sa kung kailan babalik si Jesus.

Ginamit kapwa nina Pablo at Pedro ang “magnanakaw sa gabing” pagtutulad ni Jesus nang isinusulat nila ang tungkol sa “araw ng Panginoon” (tingnan ang 1 Tes. 5:2-4, 2 Ped. 3:10). Naniwala silang may kinalaman ang pagtutulad sa galit na galit na pagdating ni Jesus sa pagdating o paglapit ng katapusan ng pitong-taong Kapighatian. Nguni’t interesanteng sinabi ni Pablo sa kanyang mga mambabasa, “Nguni’t wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya’t hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw” (1 Tes. 5:4). Tama ang pagpapaliwanag niya sa pagtutulad ni Jesus, napagtantong ang mga alerto sa tanda at matapat na sumusunod kay Jesus ay wala sa kadiliman, kaya ang pagdating ni Cristo ay hindi kailanman makagugulat sa kanila. Para sa kanila, hindi darating si Jesus na parang magnanakaw sa gabi. Magugulat lamang ang mga nasa kadiliman, na siyang talagang itinuro ni Jesus (tingnan rin ang paggamit ni Jesus sa pariralang “magnanakaw sa gabi” sa Pah. 3:3 at sa 16:15, kung saan ginagamit niya ito kaugnay sa Kanyang pagdating sa labanan sa Armagedon).

Mula sa puntong ito ng Diskursong Olivet, paulit-ulit na pinayuhan ni Jesus ang Kanyang mga alagad upang maging handa para sa Kanyang pagbabalik. Gayundin, sinabi rin Niya sa kanila kung paano sila maghahanda, habang binibigkas Niya ang mga talinhaga ng hindi matapat na alipin, ang sampung dalaga, at ang mga gintong salapi, at hinulaan ang paghahatol sa mga tupa at kambing (lahat ay kapaki-pakinabang basahin). Sa halos lahat ng kaso, binalaan Niya sila na naghihintay ang impiyerno sa mga hindi handa sa Kanyang pagbabalik (tingnan ang Mt. 24:50-51; 25:30, 41-46.) Ang paraan ng pagiging handa ay ang madatnang ginagampanan ang kalooban ng Diyos sa Kanyang pagbalik. [10]

Isa Pang Pagtutol (Another Objection)

Tumatanggi ang ilan sa isang Dagit na malapit na Kapighatian o sa pagtatapos nito, dahil sa biblia, hindi kailanman paparusahan ang mga matuwid kasama ng mga hindi matuwid, na pinatutunayan ng mga halimbawa nina Noe, Lot, at mga Israrelita sa Egipto.

Tunay na may matibay tayong dahilan upang paniwalaang hindi mararanasan ng mga matuwid ang galit ng Diyos sa pitong-taong Kapighatian, dahil sasalungat iyan sa marami nang nangyari at pangako sa biblia (halimbawa, tingnan ang 1 Tes. 1:9-10; 5:8).

Nguni’t hinulaan ni Jesus ang dagit na titiisin ng mga matuwid sa panahong iyon. Hindi magmumula ito sa mga kamay ng Diyos, kundi sa kamay ng mga hindi matuwid. Hindi malilibre ang mga Cristiano sa pagmamalupit—ipinangako sa kanila ito. Sa panahon ng pitong-taong Kapighatian, maraming mananampalataya ang mamamatay (tingnan ang Mt. 24:9; Pah. 6:9-11; 13:15; 16:5-6; 17:6; 18:24; 19:2). Marami ang mapupugutan (tingnan ang Pah. 20:4).

Kung gayon, kung bawa’t mananampalataya sa isang tanging bansa ay naging martir, walang makakahadlang sa pagpapairal ng galit ng Diyos sa lahat ng tao sa bansang iyon. At tunay na kung may mga mananampalataya sa isang bansa, maililigtas sila ng Diyos sa Kanyang paghatol dahil iiral ito sa mga masasama. Sa Kanyang mga paghatol sa Egipto sa panahon ni Moises, pinatunayan Niya iyon. Maging ang pagtahol ng aso laban sa isang Israelita ay hindi papayagan ng Diyos, samantalang dinagsa ng paghatol ang mga katabing Egipcio (tingnan ang Exo. 11:7). Gayundin, mababasa natin sa aklat ng Pahayag ang

pagpapalabas ng nananakit na balang upang saktan ang mga masasamang tao sa lupa sa loob ng limang buwan, nguni’t talagang hindi sila pinapayagang manakit sa 144,000 Judiong alipin na magkakaroon ng tatak sa noo (tingnan ang Pah. 9:1-11).

Ang Dagit sa Pahayag (The Rapture in Revelation)

Saanman sa aklat ng Pahayag ay hindi natin mababasa ang Dagit sa iglesia, ni hindi natin mababasa ang ano pa mang pagpapakita ni Cristo maliban doon sa minsang pagbanggit sa Pahayag 19, na darating Siya upang patayin ang anti-Cristo at mga hukbo nito sa labanan sa Armagedon. Kahit noon ay hindi nasusulat ang pagkakaroon ng Dagit. Nguni’t binabanggit ang muling pagkabuhay ng mga martir sa Kapighatian, na mangyayari sa parehong panahong iyon (tingnan ang 20:4). Dahil isinulat ni Pablo na mabubuhay na muli ang mga namatay kay Cristo sa Kanyang pagbabalik, na siyang panahong madadagit ang iglesia, ang kasulatang ito, kasama ng iba pang nakita na natin, ang magpapaniwala sa atin na hindi mangyayari ang Dagit hanggang sa pagtatapos ng pitong-taong Kapighatian, na isinalarawan sa Pahayag 19 at 20. Nguni’t may iba pang pananaw.

Nakikita ng ilan ang Dagit sa Pahayag 6 at 7. Sa Pahayag 6:12-13, mababasa natin ang tungkol sa “ pangingitim ng araw na parang damit na panluksa” at ang pagkahulog ng mga bituin mula sa langit, dalawang tanda bago ang Kanyang pagdating at ang pagtipon Niya sa kanyang mga hinirang (tingnan ang Mt. 24:29-31). Pagkatapos, ilang pahina pa sa kabanata 7, mababasa natin ang tungkol sa maraming tao sa langit mula sa bawa’t bansa, tribu at wika na “nagtagumpay sa matinding kapighatian” (7:14). Hindi sila binabanggit bilang martir na tulad ng isa pang grupong tulad nila sa nakaraang kabanata (tingnan ang 6:9-11), na maaaring magdulot sa atin ng pagpapalagay na nagalak sila sa halip na naging martir—mga mananampalatayang nailigtas mula sa matinding kapighatian.

Talaga tamang ipagpalagay na mangyayari ang Dagit pagkatapos na pagkatapos ng mga pangyayaring cosmic na inilarawan sa Pahayag 6:12-13, dahil lamang sa pagkakasabi rin ni Jesus sa Mateo 24:29-31. Bagama’t hindi tayo binigyan ng matibay na pagkakakilanlan sa kung kailan talaga magaganap ang mga pangyayaring cosmic sa Pahayag 6:12-13 sa panahon ng pitong taong Kapighatian. Kung magkakasunod ang mga pangyayaring inilarawan sa Pahayag 6:1-13 at kung magaganap ang Dagit pagkatapos na pagkatapos ng 6:13, maipagpapalagay natin na hindi magaganap ang Dagit hangga’t hindi dumarating ang anti-Cristo (tingnan ang 6:1-2), pandaigdigang labanan (tingnan ang 6:3-4), taggutom (tingnan ang 6:5-6), pagkamatay ng ikaapat na bahagi ng lupa sa pamamagitan ng labanan, at pagkamatay ng mababangis na hayop (tingnan ang Pah. 6:7-8), at ang paglikha ng maraming martir (tingnan ang Pah. 6:9-11). Talagang maaaring mangyari ang lahat ng mga inilarawan bago matapos ang pitong-taong Kapighatian, nguni’t maaaring iyon ay ang kabuuang pitong-taong panahon, na naglalagay sa Dagit sa pinakadulo.

Ang nakadadagdag sa ideang magaganap ang Dagit bago matapos ang pitong taon ay ang katotohanang inilalarawan ng Pahayag ang dalawang set ng pitong paghatol pagkatapos ng Pahayag 8: ang mga “paghatol sa trumpeta” at ang “paghatol sa mangkok.” Ang pangalawa sa dalawang ito ang nagsasabing siyang magtatapos ng galit ng Diyos (tingnan ang 15:1). Nguni’t bago mag-umpisa ang mga paghatol sa mangkok, nakikita ni Juan “ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito at sa nagtataglay ng bilang na katumbas ng kanyang pangalan, na nakatayo sa dagat na Kristal” (15:2). Maaaring madagit ang mga matagumpay na banal na ito. Hindi sinasabi sa atin ng Kasulatan kung alin. Dagdag pa, hindi natin alam kung may pagkakasunud-sunod ang ugnayan ng 15:2 sa mga eksenang nailarawan malapit dito.

Ang isa pang katotohanang makikita sa Pahayag na makakadagdag sa idea ng pagganap ng Dagit bago magtapos ang pitong taon ay: Sa ikalimang “paghatol ng Trumpeta” na nakatala sa Pahayag 9:1-12, sinasabi sa atin na pinapayagan lamang ang nananakit na trumpeta upang saktan ang mga “walang tatak ng Diyos sa kanilang noo” (9:4). Sinasabi rin sa atin na ang may tatak lamang ay ang mga apong 144,000 ng Israel (tingnan ang Pah. 7:3-8). Kung gayon, tila lahat ng iba pang mananampalataya ay madadagit bago maganap ang ikalimang paghahatol ng trumpetang iyon; kung hindi, hindi sila malilibre sa kapangyarihan ng mananakit na balang. Dagdag pa, dahil sasaktan ng mga balang ang mga tao sa loob ng limang buwan (9:5, 10), ipinagpapalagay na ang Dagit ay malamang na magaganap nang hindi kukulangin sa limang buwan bago magtapos ang pitong-taong Kapighatian.

Siyempre, may mga paraan upang paikutan ang lohikang ito. Marahil ay may ibang natatakan na at hindi lang nabanggit sa napaikling buod ng Pahayag. Anu’t ano man, kung pinatutunayan nito na mangyayari ito bago dumating ang ikalimang paghatol, ipinakikita rin na magkakaroon ng isang grupo ng mananampalatayang hindi madadagit bago pakawalan ang mga mananakit na balang—ang 144,000 apo ng Isarael na natatakan. Bagama’t pasalamat na maliligtas sila sa galit ng Diyos na ipinapakita ng mga nananakit na balang na iyon.

Ang kongklusyon sa lahat ng ito? Maipapalagay ko lang na mangyayari ang Dagit malapit sa katapusan o sa katapusan ng pitong-taong Kapighatian. Hindi dapat katakutan ng mga mananampalataya ang galit ng Diyos, nguni’t kailangan nilang maging handa sa masidhing pagdurusa at maaaring pagmamartir.

Ang Panahon ng Kapighatian (The Tribulation Period)

Gumugol tayo ng panahon upang mariin pa nating tingnan ang itinuturo ng Kasulatan tungkol sa pitong-taong Kapighatian. Paano natin matutukoy na pitong taon ang itatagal ng Kapighatian? Kailangan nating pag-aralan ang aklat ni Daniel, na, maliban sa aklat ng Pahayag, ay maaaring may pinakamaraming pagbubunyag na aklat sa Biblia tungkol sa pagtatapos ng panahon.

Sa ika-siyam na kabanata ng kanyang aklat, makikita natin na bilanggo si Daniel sa Babilonia kasama ng kapwa niya mga Judio. Habang pinag-aaralan ang aklat ng Jeremias, natuklasan ni Daniel na ang haba ng pagkakabilanggo ng mga Judio sa Babilonia ay pitumpung taon (tingnan ang Dan. 9:2; Jer. 25:11-12). Dahil alam niyang matatapos na ang pitumpung-taong ito, nagsimulang manalangin si Daniel, ikinukumpisal ang mga kasalanan ng kanyang bayan at humihingi ng habag. Bilang tugon sa kanyang panalangin, nagpakita sa kanya ang anghel Gabriel at ibinunyag ang kinabukasan ng Israel mula sa panahon ng Kapighatian hanggang sa pagbabalik ni Cristo. Ang propesiyang nasa Daniel 9:24-27 ay isa sa mga pinaka-nakapanggigilalas sa Kasulatan. Sinipi ko ito kasama ng mga komento kong naka-braket:

Pitumpung linggo [malinaw na linggo ng taon, na makikita natin, o kabuuang 490 taon] ang panahong palugit sa iyong sambayanan [Israel] at sa banal na lunsod [Jerusalem], upang tigilan ang pagsuway [maaaring ang umpisa ng pag-iral ng mga kasalanan ng Israel—ang pagkapako sa krus ng sarili nilang Mesiyas], wakasan ang kasamaan [maaaring tungkol sa gawain ng panunubos ni Cristo sa krus], at pagbayaran ang kasalanan [walang dudang tungkol sa gawain ng panunubos ni Cristo sa krus]. Pagkatapos maghahari na ang walang hanggang katarungan [ang umpisa ng panlupang paghahari ni Jesus sa Kanyang kaharian], magaganap ang kahulugan ng pangitain at ang pahayag [marahil isang pagbanggit sa pagtatapos ng pagsulat sa Kasulatan, o isang pagtupad ng lahat ng pahayag bago-ang-milenyo]. Itatalaga na rin ang Kabanal-banalan [maaaring pagbanggit sa pagtatatag ng templong pangmilenyo]. Unawain mo ito: Mula sa pagbibigay ng utos na muling itayo ang Jerusalem [ginawa ang kautusang ito ng Haring Artaxerxes noong 445 B.C.], hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas ang pitong linggo. Muling itatayo ang Jerusalem, ang mga lansangan at pader nito ay aayusin sa loob ng animnapu’t dalawang linggo[na may kabuuang 69 linggo, o 483 taon]; ito ay panahon rin ng kaguluhan [iyan ang pgbuo muli sa Jerusalem, na nauna nang sinira ng mga taga-Babilonia]. Pagkalipas ng animnapu’t dalawang linggo [ibig sabihin, 483 taon pagkatapos ng kautusan ng 445 B.C.] papatayin ang hinirang ng Diyos [maipapako sa krus si Jesus sa 32 A.D., Judion na may 360 araw bawa’t taon], ang lunsod at ang templo ay wawasakin ng hukbo ng isang makapangyarihang hari [isang banggit sa pagkasira ng Jerusalem noong 70 A.D. ni Tito at ang mga hukbong Romano]. Ang wakas ay darating na parang baha at magkakaroon ng digmaan at pagkawasak na itinakda ng Diyos. Ang haring ito’y [“ang prinsipeng darating—ang anti-Cristo] gagawa ng isang matibay na kasunduan sa maraming tao [Israel] sa loob ng isang linggo [o pitong taon—ito ang panahon ng Kapighatian]. Pagkaraan na kalahating linggo [na maaaring tatlo at kalahating taon], papatigilin niya ang paghahandog. Ilalagay niya sa itaas ng Templo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan [kapag iluluklok ng anti-Cristo ang kanyang sarili sa templo ng mga Judio sa Jerusalem, at tawagin ang sarili bilang Diyos; tingnan ang 2 Tes. 2:1-4]. Mananatili ito roon hanggang sa wakasan ng Diyos ang naglagay nito [ang pagkagapi ng anti-Cristo sa kamay ni Cristo] (Dan. 9:24-27, idinagdag ang pagdidiin).

Natatanging 490 Taon (490 Special Years)

Mula sa kautusan ng 445 B.C. ni Haring Artaxerxes upang muling itayo ang Jerusalem, naglaan ang Diyos ng 490 natatanging taon ng panghinaharap na kasaysayan. Nguni’t hindi magkakasunod ang 490 taong iyon; bagkus, hinati sila sa dalawang bahagi ng tig-483 at pitong taon. Nang matapos ang unang 483 taon ng nakalaang panahon (sa taong napako sa krus si Jesus), huminto ang orasan. Malamang na hindi kailanman pinangarap ni Daniel na hihinto ang orasan sa loob ng ngayo’y halos 2,000 taon na. Sa isang punto sa kinabukasan, gagana muli ang orasang iyon upang tumakbo nang pitong huling taon. Ang huling pitong taong iyon ay ituturing na, hindi lamang bilang “ang Kapighatian,” kundi bilang “ika-pitumpong linggo ni Daniel.”

Ang mga pitong taong iyon ay nahahati sa dalawang tig-tatlo at kalahating taon. Sa gitna, na kababasa natin sa pahayag ni Daniel, puputulin ng anti-Cristo ang kasunduan nito sa Israel at “patigilin ang paghahandog.” Pagkatapos, tulad ng sinabi sa atin ni Pablo, iluluklok niya ang sarili sa templo ng Jerusalem at idedeklarang siya ang Diyos. [11] Iyan ang “kasuklam-suklam na kalapastanganang” tinukoy ni Jesus (tingnan ang Mt. 24:15). Kaya kailangang “tumakas papunta sa kabundukan” ang mga mananampalataya sa Judea (Mt. 24:16), dahil sa panahong iyon, ang mga tao’y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan (tingnan ang Mt. 24:21).

Maaaring ang “pagtakas sa Judea” ay simbolikong nakita ni Juan sa kanyang pangitain, na itinala sa ikalabindalawang kabanata ng aklat ng Pahayag. Kung gayon, mahahanap ng mga mananampalatayang taga-Judea ang natatanging ligtas na pook na inihanda para sa kanila sa ilang kung saan sila’y “bubuhayin” sa ganap na tatlo’t kalahating taon, ang nalalabing panahon sa pitong-taong Kapighatian (tingnan ang Pah. 12:6, 13-17). Nakinita na ni Juan ang poot ni Satanas sa kanilang pagtakas, at ang kanyang sumunod na laban sa nalalabing “sumusunod sa utos ng Diyos at nananatiling tapat sa katotohanang inihayag ni Jesus” (Pah. 12:17). Kaya palagay ko ay mainam na idea na lahat ng mananampalataya sa buong mundo ay tatakas sa mga liblib na pook sa panahon ng pagdeklara ng anti-Cristo ng kanyang pagiging diyos sa Jerusalem.

Ang Huling Pahayag ni Daniel (Daniel’s Last Revelation)

Isa pang interesanteng pahayag sa Daniel sa hindi natin natunghayan ay makikita sa huling labintatlong berso ng kahanga-hangang aklat na ito. Sila ang mga salitang binigkas ng isang anghel kay Daniel. Sinipi ko ito sa ibaba kasama ng aking mga komentong naka-braket:

Sa panahong iyon, darating ang dakilang anghel na si Miguel, ang makapangyarihang pinuno at tagapagtanggol ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman [maaaring ito rin ang kahirapang binabanggit ni Jesus sa Mateo 24:21]. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos [maaari itong pagbanggit sa pagtakas sa Judea o ang pagligtas sa mga mananampalataya sa Dagit]. Muling mabubuhay ang mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba’y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama’y sa kaparusahang walang hanggan. Ang marurunong na pinuno ay magniningning na gaya ng liwanag sa langit at ang mga umaakay sa marami sa pagiging matuwid ay sisikat na parang bituin magpakailanman [Pagkabuhay na muli, tatanggap ang mga matuwid ng bagong katawan na magniningning kasama ng kaluwalhatian ng Diyos.]. Daniel, ingatan mo muna ang mga pahayag na ito at isara ang aklat upang hindi ito mabuksan hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Marami ang magsasaliksik at magsisikap na maunawaan ang maraming bagay. [Ang kamangha-manghang kaunlaran sa transportasyon at kaalaman sa nakaraang dantaon ay parang tumutupad sa pahayag na ito.]

Akong si Daniel ay tumingin at may nakita akong dalawang tao, isa sa magkabilang pampang ng ilog. Tinanong ng isa ang anghel na nakatayo sa gawing dulo, “Gaano pa katagal bago maganap ang mga pangitaing ito?” Itinaas ng anghel ang dalawang kamay at narinig kong sinabi niya, “Sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman, magaganap ang lahat ng ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, [tatlong taon at kalahati, ayon sa nauunawaang pahayag ng Pah.12:6 at 12:14]; kapag natapos na ang paghihirap ng bayan ng Diyos.” [Tulad ng pagsabi sa atin ng Daniel 7:25 na ibibigay ang mga hinirang sa kamay ng anti-Cristo sa loob ng tatlong taon at kalahati, tila malinaw rito na ang mga ito ang huling tatlong taon at kalahating taon sa pitong taon ng Kapighatian. Ang katapusan ng lahat ng mga magaganap na binanggit ng anghel ay mangyayari “kapag ang kapangyarihan ng mga hinirang na tao” ay “nasira.”] Hindi ko naunawaan ang kanyang sagot, kaya’t ako’y nagtanong, “Ginoo, ano po ba ang kahihinantan ng lahat ng ito?” sinabi niya sa akin, “Makakaalis ka na, Daniel. Ang kahulugan nito’y mananatiling lihim hanggang dumating ang wakas. Marami ang dadalisayin at mapapatunayang may malinis na kalooban [walang dudang sa pamamagitan ng kapighatian ]. Nguni’t magpapakasama pa ang masasama, at wala isa man sa kanila ang makakaunawa sa mga bagay na mauunawaan ng marurunong. Lilipas ang 1,290 araw mula sa panahon na papatigilin ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam. [Kailangang hindi ipaliwanag ito bilang ang panahon sa gitna ng dalawang pangyayaring iyon, dahil pareho silang mangyayari sa gitna ng pitong taon. Bagkus, dapat ipaliwanag na mula sa panahong mangyayari ang dalawang kaganapan, magkakaroon ng 1,290 araw bago mangyari ang isang bagay na napakahalaga sa huli. Ang 1,290 araw ay 30 araw na hihigit kaysa tatlong taon at kalahati sa isang taong may 360-araw, isang takdang panahong laging binabanggit sa naghahayag na kasulatan ni Daniel at ang Pahayag. Hinuhulaan lang kung bakit may dagdag na tatlumpung araw. Bilang karagdagan sa hiwaga, sumunod na sinabi ng anghel kay Daniel:] Mapapalad ang mananatiling tapat hanggang sa matapos ang 1,335 araw. Daniel, maging tapat ka nawa hanggang sa wakas. Mamamatay ka nguni’t muling bubuhayin sa huling araw upang tanggapin ang inyong gantimpala.” (Dan. 12:1-13)

Malinaw na isang kamangha-manghang bagay ang mangyayari sa dagdag na 75 araw na iyon! Kailangan nating maghintay at magmatyag.

Alam natin sa pagbabasa ng mga huling kabanata ng Pahayag na maraming bagay ang malinaw na magaganap pagdating na pagdating ni Cristo, at isa na rito ang Kasalan ng Kordero, kung saan sinabi ng isang anghel kay Juan, “Mapalad ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero” (Pah. 19:9). Marahil ay ito rin iyong tinutukoy ng anghel na nakipag-usap kay Daniel. Kung gayon, ang maluwalhating hapunang iyon ay mangyayari dalawa at kalahating buwan pagkabalik ni Jesus.

Marahil puno ng iba pang bagay ang pitumpu’t limang araw na iyon na alam nating mangyayari ayon sa nakasulat sa huling mga kabanata ng Pahayag, tulad ng pagtapon sa anti-Cristo at huwad na propeta sa lawa ng apoy, ang pagbigkis kay Satanas, at ang pagtatatag sa pamahalaan ng pandaigdigang kaharian ni Cristo (tingnan ang Pah. 19:20 – 20:4).

Ang Milenyo (The Millennium)

Ang Milenyo ay terminong tumutukoy sa isang panahon ng paghahari mismo ni Jesus sa buong kalupaan sa panahon ng isang libong taon (tingnan ang Pah. 20:3, 5, 7), na mangyayari pagkatapos ng pitong-taong Kapighatian. Naipahayag ni Isaias ang paghaharing pamamahala ni Cristo sa kalupaan mayroon nang halos tatlong libong taon na ang nakararaan:

Sapagka’t isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa Kanya ang pamamahala; at Siya ay tatawaging…Prinsipe ng Kapayapaan. Magiging malawak ang Kanyang kapangyarihan at walang katapusang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang kaharian. Itatatag niya ito at pamamahalaan na may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman (Isa. 9:6-7, idinagdag ang pagdidiin).

Gayundin, ipinahayag ng anghel Gabriel kay Maria na ang kanyang Anak ay maghahari sa isang walang-hanggang kaharian:

Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagka’t naging kalugud-lugod ka sa Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya’y papangalanan mong Jesus. Siya’y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa Kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng Kanyang Amang si David upang maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang Kanyang paghahari ay pangwalang hanggan” (Lu. 1:30-33, idinagdag ang pagdidiin). [12]

Sa Milenyo, si Jesus mismo ang maghahari mula sa Bundok Zion ng Jerusalem, na madadagdagan pa mula sa kasalukuyang taas. Ang kanyang paghahari ay isang ganap na katarungan para sa lahat ng bansa, at magkakaroon ng kapayapaan sa buong mundo:

Sa mga darating na araw, ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh ang magiging pinakamataas sa lahat ng bundok, at mamumukod sa lahat ng burol, daragsa sa kanya ang lahat ng bansa. Maraming tao ang darating at sasabihin ang ganito: “Umakyat tayo sa bundok ni Yahweh, sa Templo ng Diyos ni Jacob, upang maituro Niya sa atin ang Kanyang mga daan; at matuto tayong lumakad sa Kanyang mga landas. Sapagka’t sa Zion magmumula ang kautusan, at sa Jerusalem, ang salita ni Yahweh.” Siya ang mamamagitan sa mga bansa at magpapairal ng katarungan sa lahat ng mga tao; kaya’t gagawin na nilang araro ang kanilang mga tabak, at karit naman ang kanilang mga sibat. Mga bansa’y di na mag-aaway at sa pakikidigma’y di na magsasanay (Isa. 2:2-4).

Zechariah predicted the same:

Ganito ang sabihin mo: Sabik na sabik na akong ipadama sa Jerusalem ang aking pagmamahal na naging dahilan upang mapoot ako sa kanyang mga kaaway. Babalik ako sa Jerusalem upang muling manirahan doon. Tatawagin itong Tapat na Lunsod at Banal na Bundok ni Yahweh na makapangyarihan sa lahat….Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating sa Jerusalem ang mga tao mula sa iba’t ibang bayan. Aanyayahan nila ang bawa’t isa , ‘Tayo na at sambahin natin si Yahweh. Humingi tayo ng pagpapala kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Maraming tao at bansang makapangyarihan ang pupunta sa Jerusalem upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat at upang humingi sa Kanya ng pagpapala. Sa araw na iyon, sampu-sampung dayuhan ang makikiusap sa bawa’t Judio na isama sila dahil sa balitang ang mga Judio ay pinapatnubayan ng Diyos’” (Zac. 8:2-3, 20-23).

Itinuturo ng Biblia na talagang mamamahala at maghahari ang mga mananampalataya kasama ni Cristo sa isang libong taong iyon. Ang antas ng kanilang tungkulin sa Kanyang kaharian ay batay sa katapatan nila ngayon (tingnan ang Dan. 7:27; Lu. 19:12-27; 1 Cor. 6:1-3; Pah. 2:26-27; 5:9-10; and 22:3-5).

Susuutin natin ang ating mga katawang muling binuhay, nguni’t malinaw na may mga totoong taong nabubuhay sa katawang mortal na pupuno sa mundo sa panahong iyon. Gayundin, tila muling ibibigay ang haba ng buhay ng mga patriarka, at mawawala ng mga ilang na hayop ang kanilang kabangisan:

Ako mismo’y magagalak dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan. Doo’y wala nang pagtangis o panaghoy man. Ang mga sanggol ay hindi na mamamatay, lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal. Ituturing pa rin na isang kabataan ang taong sandaang taon na, at ang hindi umabot sa gulang na ito ay ituturing na isinumpa….Dito’y magsasalong parang magkapatid, ang asong gubat at tupa, ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka. At ang ahas naman na ang pagkain ay alabok kahit tapakan mo’y hindi ka mangangamba. Magiging panatag at wala nang masama sa banal na bundok. Sa bundok ng Zion ay walang makakapinsala o anumang masama (Isa. 65:19-20, 25; tingnan din ang Isa. 11:6-9).

Maraming sanggunian tungkol sa darating na Milenyo sa Biblia, lalo na ang Lumang Tipan. Sa karagdagang pag-aaral, tingnan ang Isa. 11:6-16; 25:1-12; 35:1-10; Jer. 23:1-5; Joel 2:30-3:21; Amos 9:11-15; Mik. 4:1-7; Zef. 3:14-20; Zac. 14:9-21; at Pah. 20:1-6.

Marami sa mga Awit ay mailalapat bilang pahayag sa Milenyo. Halaimbawa, basahin ang pahayag na ito ng Awit 48:

Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok Niyang banal. Ang bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod; bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob. Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman, sa loob ng muog ng banal na bayan. Itong mga hari ay nagtipun-tipon, upang sumalakay sa bundok ng Zion. Sila ay nagulat nang ito’y mamasdan, pawang nagsitakas at nahintakutan. Ang nakakatulad ng pangamba nila ay pagluluwal ng butihing ina (Awit 48:1-6, idinagdag ang pagdidiin).

Kapag itatatag ni Jesus ang Kanyang pamahalaan si Jerusalem sa simula ng Milenyo, malinaw na marami sa mga tagapangasiwa ng mundong napagtagumpayan ang Kapighatian ay makakarinig sa ulat tungkol sa paghahari ni Jesus at maglalakbay upang patotohanan ito! Mayayanig sila sa kanilang makikita. [13]

Para sa ibang Awit na tumutukoy sa Milenyong paghahari ni Crfisto tingnan ang Awit 2:1-12; 24:1-10; 47:1-9; 66:1-7; 68:15-17; 99:1-9; at 100:1-5.

Ang Kalagayang Magpakailanman (The Eternal State)

Ang katapusan ng Milenyo ang naghuhudyat ng simula ng tinatawag ng mga iskolar ng Biblia bilang “Kalagayang Magpakailanman,” na nag-uumpisa sa isang bagong langit at bagong mundo. Dito ay ibibigay ni Jesus ang lahat sa Ama, ayon sa 1 Corinto 15:24-28:

At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos Niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. Sapagka’t si Cristo’y dapat maghari hanggang sa malupig Niya at lubusang mapasuko ang Kanyang mga kaaway. Ang kahuli-hulihang kaaway na Kanyang lulupigin ay ang kamatayan. Ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa Kanyang kapangyarihan [Awit 8:6].” Nguni’t sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ng Cristo. At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang anak naman ang papailalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya [ang Ama]. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa lahat.

Si Satanas, na binigkis sa loob ng sanlibong taon, ay palalayain sa katapusan ng Milenyo. At dadayain niya ang mga lihim na nagrerebelde kay Jesus, bagama’t nagkukunwaring sumusnod sa Kanya (tingnan ang Awit 66:3).

Papayagan ng Diyos si Satanas na dayain sila upang mabunyag ang totoong kalagayan ng kanilang puso upang marapat silang mahatulan. Sa ilalim ng pandaraya niyang ito, magtitipon sila upang lusubin ang banal na lunsod, ang Jerusalem, na tatangkaing ibagsak ang pamahalaan ni Jesus. Hindi magtatagal ang labanan dahil bababa mula sa langit ang sunog upang lipulin ang mga nakapaligid na hukbo, at tuluyang itapon si Satanas sa lawa ng apoy at asero (tingnan ang Pah. 20:7-10).

Ang pagtitipong iyon para sa labanan ay ipinahayag sa Awit 2:

Bakit nagbabalak maghimagsik ang mga bansa? Sa sabwatan nilang ito’y anong kanilang mapapala? Mga hari ng lupa’y nagkasundo at sama-samang lumalaban, hinahamon si Yahweh at ang Kanyang hinirang [Cristo]: Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos; dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.” Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang, lahat ng plano nila ay wala namang katuturan. Sa tindi ng Kanyang galit, sila’y Kanyang binalaan; sa tindi ng poot, sila’y Kanyang sinabihan, “Doon sa Zion, sa bundok na banal, ang haring pinili Ko’y Aking itinalaga.” “Ipapahayag Ko ang sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ikaw ang Aking Anak, mula ngayo’y Ako na ang Iyong Ama. Hingin Mo ang mga bansa’t ibibigay Ko sa Iyo, maging ang buong daigdig ay ipapamana Ko. Dudurugin mo sila ng tungkod na bakal; tulad ng palayok, sila’y magkakabasag-basag.’” Kaya’t magpakatalino kayo, mga hari ng mundo, ang babalang ito’y unawain ninyo: Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang, sa paanan ng Kanyang Anak yumukod kayo’t magparangal, baka magalit siya’t bigla kayong parusahan. Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan!

Isang Huling Paghatol (A Final Judgment)

Bago magkaroon ng Kalagayang Magpakailanman, isang pangwakas na paghatol ang magaganap. Lahat ng mga hindi matuwid sa lahat ng panahon ay bubuhaying muli upang humarap sa trono ng Diyos at mahatulan ayon sa kanilang mga gawain (tingnan ang Pah. 20:5, 11-15). Lahat ng naroroon na ngayon sa Hades ay dadalhin sa paghuhukom na iyan, na tinuringang “Dakilang Puting Trono ng Paghatol,” at saka itatapon sa Gehenna, ang lawa ng apoy. Tinuringan itong “pangalawang kamatayan” (Pah. 20:14).

Magsisimula ang Kalagayang Magpakailanman sa pagkatupok ng unang kalangitan at lupa, na tumutupad sa dalawang-libong-taong pangako ni Jesus: “Lilipas ang langit at ang lupa, nguni’t ang Aking mga salita ay mananatili magpakailanman” (Mt. 24:35).

Pagkatapos, lilikha ang Diyos ng bagong mga langit at lupa na tulad ng ipinahayag ni Pedro sa kanyang pangalawang sulat:

Nguni’t ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan aybiglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala. At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madaling dumating ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. Naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran, sapagka’t ganoon ang Kanyang pangako. Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan (2 Ped. 3:10-14; tingnan din ang Isa. 65:17-18).

Sa pagtatapos, ang Bagong Jerusalem ay bababa mula sa langit patungo sa lupa (tingnan ang Pah. 21:1-2). Halos hindi magagap ng ating mga isip ang mga luwalhati ng lunsod na iyon, na ang lawak ay kalahati ng Estados Unidos (tingnan ang Pah. 21:16), o mga kababalaghan ng panahong iyon ng walang-hanggan. Mananahan tayo sa ganap na lipunan magpakailanman, sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, sa luwalhati ni Jesu Cristo!

 


[1] Ang ilan pang ibang kasulatang nagpapakita ng paniniwala ni Pablo na maaaring makabalik si Jesus kapag buhay pa ang mga kasabayan Niya ay ang Fil. 3:20; 1 Tes. 3:13; 5:23; 2 Tes. 2:1-5; 1 Tim. 6:14-15; Tito 2:11-13; Heb. 9:28.

[2] Ilan pang kasulatang nagpapakita ng paniniwala ni Pedro na darating si Jesus habang buhay pa ang kanyang mga kapanahon ay 2 Ped. 1:15-19; 3:3-15.

[3] Pinangalanan sa Marcos 13:3 ang mga apat na naroroon: Pedro, Santiago, Juan at Andres. Gayundin, makikita nating ang pagkakatala ng Diskursong Olivet Discourse sa Marcos 13:1-37 at Lucas 21:5-36. Pareho rin ang nilalaman ng Lucas 17:22-37.

[4] Ang pangakong ito ay hinugot mula sa konteksto, at laging binabanggit na bago darating si Jesus, kailangan nating kumpletuhin ang gawaing ebanghelyo sa mundo. Nguni’t sa ilalim ng konteksto nito, ang pangakong ito ay tumutukoy sa isang pangwakas na pagpapahayag sa magandang balita sa buong mundo bago dumating ang katapusan.

[5] Kung ang dagit ng iglesya ay mangyayari sa natatanging panahon sa pintong-taong Pagdurusa na tulad ng sinasabi ng iba, walang pangangailangan para sa mga instruksiyon ni Jesus upang iligtas ng mga mananampalataya ang kanilang buhay dahil lahat sila ay madadagit.

[6] Winawala nito ang teoryang may kinalaman lang ang Diskursong Olivet ni Jesus sa mga mananampalatayang Judiong naipanganak sa Kapighaitan dahil lahat ng mga muling-naipanganak bago ang Kapighatian ay inaakalang nadagit na. hindi, sinabi ni Pablo sa mga mananampalatayang Hentil na taga-Tesalonica na ang kanilang Dagit at pagbabalik ni Cristo ay hindi magaganap hangga’t matapos maipahayang ng anti-Cristo ang kanyang pagiging diyos, na mangyayari sa gitna ng pitong-taong Kapighatian.

[7] Sinasabi ng ilan na itong muling pagkabuhay na binabanggit sa Pahayag 20:4-6 ay talagang ang pangalawang bahagi ng unang muling pagkabuhay, ang pagkabuhay na muli na naganap noong unang pagbabalik ni Cristo sa Dagit. Ano ang karapatan ng paliwanag na ito? Kung ang muling pagkabuhay sa Pahayag 20:4-6 ay talagang pangalawang pagkabuhay na muli, bakit hindi ito tinawag na “ang pangalawang muling pagkabuhay”?

[8] Bagama’t ipinagpalagay ng mga nakarinig kay Jesus sa araw na iyon na ang kanilang henerasyon ay ang henerasyong makakakitang magaganap ang lahat ng mga bagay na iyon, alam nating hindi sila. Kaya kailangan nating ipaliwanag ang mga salita ni Jesus sa 24:34 na mangahulugang lahat ng mga bagay na iyon ay mangyayari sa isang henerasyon, o marahil ang lahi (na siyang salin minsan ng salitang henerasyon) ng Cristiano (o Judio) ay hindi mamamatay hangga’t hindi nangyayaring lahat ang mga nabanggit.

[9] Wala namang kaso kung ang taong hinahatulan sa mga halimbawang ito ang nakuha o naiwan, na laging pinagtatalunan. Ang punto ay ang ilan ay magiging handa para sa pagbabalik ni Cristo at ang iba’y hindi. Ang kanilang kahandaan ang magtitiyak ng kanilang walang-hanggang kapalaran.

[10] Malinaw na, para kay Jesus na bigyang Niya ng babala ang pinakamalalapit Niyang alagad sa hindi pagiging handa sa Kanyang pagbabalik, nagkaroon ng posibilidad na hindi sila magiging handa. Kung binalaan Niya sila sa kabayaran ng walang hanggang kaparusahan dahil sa kawalang-kahandaan sanhi ng kasalanan, posibleng mawawala nila ang kaligtasan dahil sa kasalanan. Paano mangungusap ito sa atin tungkol sa kahalagahan ng kabanalan, at ang kalokohan na mga nagsasabing imposible para sa mga mananampalatayang walain ang kanilang kaligtasan.

[11] Siyempre, ipinapakita nito sa atin na ang templo ng Jerusalem ay kailangang muling itayo, dahil sa kasalukuyang panahon ay walang templo sa Jerusalem (sa taong 2005 nang isinusulat ito).

[12] Inilalarawan ng kasulatang ito kung gaano kadaling magkaroon ng maling palagay tungkol sa panahong nangyari ang mga pangyayaring ipinahayag sa pamamagitan ng ng di padkakaintindi sa talagang sinasabi ng kasulatan. Maaaring lohikal at madaling ipinagpalagay ni Maria na uupo ang kanyang natatanging Anak sa trono ni David sa loobng ilang dekada. Sinabi sa kanya ni Gabriel na manganganak siya ng isang sanggol na lalaking maghahari sa kabahayan ni Jacob, na lubhang nagpapahiwatig na ang pagsilang at paghahari ay dalawang pangyayaring hindi magkarugtong. Maaaring kailanman ay hindi naisip ni Maria na magkakaroon ng 2,000 taong pagitan ang dalawa. Dapat din tayong maging maingat sa pagpapalagay habang binibigyang-kahulugan ang kasulatang naghahayag.

[13] Sa pagtingin sa ibang kasulatan, mukhang mag-uumpisa ang Milenyo, hindi sa pagpuno ng mananampalataya sa lupa, kundi pati rin ng mga di mananampalataya (tingnan ang Is. 2:1-5; 60:1-5; Dan. 7:13-14).