Nang patunayan ni Abraham ang kanyang kahandaang ialay ang minamahal niyang anak na si Isaac, nangako ang Diyos sa kanya:
Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat sinunod mo ang Aking utos (Gen. 22:18).
Ipinapakita ni apostol Pablo na ang pangakong ito ay ginawa kay Abraham at sa kanyang lahi, isahan, hindi mga lahi, maramihan, at ang iisang lahi ay si Cristo (tingnan ang Gal. 3:16). Kay Cristo lahat ng mga bansa, o higit na tama, lahat ng grupong etniko sa lupa any pagpalain. Una nang inihayag ng pangakong ito ni Abraham ang pagdaragdag sa libu-libong grupong etnikong Hentil sa buong globo sa pagpapala ng pagiging kay Cristo. Ang mga grupong etnikong iyon ay magkakaiba dahil namumuhay sila sa iba-ibang heograpikal na lugar, magkakaiba ang lahi, umaayon sa iba-ibang kultura at nagsasalita ng iba-ibang wika. Nais ng Diyos na pagpalain silang lahat kay Cristo, kung kaya’t namatay si Jesus para sa kasalanan ng buong sanlibutan (tingnan ang 1 Jn. 2:2).
Bagama’t sinabi ni Jesus na makitid ang dang patungo sa buhay, at iilan lang ang nakakahanap nito (tingnan ang Mt. 7:14), iniwan tayo ni apostol Juan ng magandang dahilan upang maniwalang may mga kinatawan mula sa grupong etniko ng buong sanlibutan sa kaharian ng Diyos sa hinaharap:
Pagkatapos niyo’y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila’y mula sa bawa’t bansa, lahi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng kordero, at sa ating Diyos na nakaluklok sa trono” (Pah. 7:9-10, idinagdag ang pagdidiin).
Kaya pinananabikang inaabangan ang mga anak ng Diyos ang pagdating ng araw na sasanib sila sa kawang multi-etnik sa harap ng Kanyang trono!
Maraming kontemporanyong misyunerong gumagawa ng estratehiya ang lubhang nagdidiin sa pag-abot sa nalalabing libu-libong “nakatagong” grupong etniko sa buong sanlibutan, na umaasang makapagtanim ng mainam na iglesia sa bawa’t isa sa kanila. Talagang kapuri-puri ito, dahil inutusan tayo ni Jesus na humayo sa lahat ng dako ng sanlibutan at “lumikha ng mga alagad sa lahat ng bansa (o literal na, grupong etniko)” (Mt. 28:19). Nguni’t ang plano ng mga tao, bagama’t mabubuti ang intensyon, lalo na kung walang pagpapala ng Espiritu Santo, ay maaaring magdulot ng higit na kasamaan kaysa kabutihan. Mahalagang sundin natin ang karunungan ng Diyos habang naghahangad ayong itayo ang Kanyang kaharian. Binigyan Niya tayo ng higit pang instruksiyon kung paano lumikha ng mga alagad sa sanlibutan kaysa sa nakikita sa Mateo 28:19.
Marahil ang pinaka-napabayaang katotohanan ng mga nagsisikap tumupad sa Dakilang Komisyon ay ang pagiging pinakadakilang ebanghelista ng Diyos, at dapat tayong nakikipagtulungan sa Kanya, hindi gumagawa para sa Kanya. Siya noon at ngayon ay matapat sa dahilan ng Kanyang kamatayan, at matagal na Niyang pinag-isipan iyon bago pa man nilakha ang sinuman, hanggang ngayon! Iyan ang katapatan!
“Pagpapanalo sa Sanlibutan Para Kay Cristo” (“Wining the World For Christ”)
Interesante na kapag binasa natin ang mga sulat sa Bagong Tipan, wala tayong makitang marubdob na pagsamo (na makikita natin sa panahon ngayon) para sa mga mananampalataya upang “humayo doon at abutin ang sanlibutan para kay Cristo!” napagtanto ng mga sinaunang Cristiano at Cristianong pinuno na nagsisikap tubusin ng Diyos ang sanlibutan, at ang gawain nila ay makipagtulungan sa Kanya habang inaakay Niya sila. Kung alam ito ninuman, siya si apostol Pablo, na hindi “inakay sa Panginoon” ninuman. Bagkus, napabago ang buhay niya ng isang direktang kilos ng Diyos habang naglalakbay siya patungong Damasco. At sa buong aklat ng Mga Gawa, nakikita nating lumalawak ang iglesia dahil nakipagtulungan sa Espiritu Santo ang mga nahirang-ng-espiritu at inakay-ng-espiritung tao. Dapat ituring ang aklat ng Mga Gawa bilang “Mga Gawa ng Diyos,” sa halip na patuloy na ituring ito bilang “Mga Gawa ng mga Apostol.” Sa introduksiyon ni Lucas sa Mga Gawa, inihayag niya na ang unang salaysay niya (ang Magandang Balitang ipinangalan sa kanya) ay isang tala ng “lahat ng inumpisahang gawin at ituro” (Gw.1:1, idinagdag ang pagdidiin). Malinaw na naniwala si Lucas na ang libro ng Mga Gawa ay salaysay ng pagpapatuloy ng gawain at pangangaral ni Jesus. Gumawa Siya sa pamamagitan ng mga hinirang-ng-Espiritu at inakay-ng-Espiritung tagasilbi na nakipagtulungan sa Kanya.
Kung hindi nahikayat ang mga sinaunang Cristiano upang “humayo doon at magpatotoo sa kanilang mga kapwa at tumulong sa pagpapanalo sa sanlibutan pra kay Cristo,” ano ang kanilang tungkulin sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos? Ang mga hindi ispesipikong natawag na pinagkalooban upang ipangaral ang magandang balita sa madla (mga apostol at ebanghelista) ay tinawag upang mamuhay nang masunurin at banal at maghain ng depensa laban sa sinumang magtangkang umusig o humamon sa kanila. Halimbawa, isinulat ni Pedro,
At sakali mang usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila. Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso at sambahin ninyo Siya bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa na nasa inyo. Nguni’t maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagpapaliwanag. Bilang mga lingkod ni Cristo, panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali (1 Ped. 3:14-16).
Pansinin na ang mga Cristianong sinulatan ni Pedro ay nagtitiis sa panlalait. Nguni’t maliban kung hindi iba ang mga Cristiano sa sanlibutan, (siyempre), hindi sila lalaitin ng sanlibutan. Ito ang isang dahilan kung bakit bahagya lang ang panlalait sa mga Cristiano sa maraming lugar ngayon—dahil ang mga tinatawag na Cristiano ay hindi kumikilos na kaiba sa lahat. Hindi sila talagang tunay na Cristiano, kaya walang nanlalait sa kanila. Bagama’t marami sa mga uring ito ng “Cristiano” ay pinapayuhan tuwing Linggo upang “ipamahagi ang kanilang pananampalataya sa kanilang kapwa.” Kapag nagpatotoo sila sa kanilang mga kapitbahay, ang mga iyon ay magtatakang makaalam na (sinasabing) sila ay ipinanganak-muling Cristiano. Ang higit na masama, ang “magandang balitang” ipinamamahagi nila ay nagiging higit lang nang kaunti sa pagsabi nila ng “balitang maganda” na nagkakamali sila kung ipinagpapalagay na ang magagandang gawain o pagsunod sa Diyos ay may kinalaman sa kaligtasan. Ang kalalabasan ay tanging “tanggapin nila si Jesus bilang pansariling Tagapagligtas.”
Kasalungat niyan, lumantad ang mga sinaunang Cristiano (na ang tunay na Panginoon ay si Jesus) na parang ilaw sa kadiliman, kaya hindi nila kinailangang mag-aral sa pagpapatotoo o lakasan ang loob na ipamahagi sa kanilang kapitbahay na tagasunod sila ni Cristo. Napakarami ang kanilang mga pagkakataon upang ipamahagi ang magandang balita habang sila ay nilalait o hinahamon o hinahamak dahil sa kanilang katuwiran. Kailangan lang nilang ibukod si Jesus bilang Panginoon sa kanilang puso at maging handa upang gumawa ng depensa, na tulad ng sinabi ni Pedro.
Ang pinakapunong pagkakaiba marahil ng mga modernong Cristiano sa mga sinaunang Cristiano ay ito: lubhang ipinapalagay ng mga modernong Cristiano na ang Cristiano ay inilalarawan ng kung ano ang alam at pinaniniwalaan niya—na tinatawag nating “doktrina,” at kung gayon ay pinagtutuunan nating matutunan. Ang salungat nito, pinaniniwalaan ng sinaunang mga Cristiano na inilalarawan ito sa kung ano ang kanyang ginagawa—at kung gayon ay tumutuon sila sa pagsunod sa mga utos ni Cristo. Napakainteresanteng mapagtanto na walang Cristiano sa unang labing-apat na dantaon ang nagkaroon ng sariling Biblia, kaya imposible para sa kanya na “basahin ang Biblia araw-araw,” na siyang naging isa sa mga cardinal n autos ng isang kontemporanyong pananagutang Cristiano. Hindi ko talaga sinasabing huwag basahin ng mga modernon Cristiano ang kanilang Biblia araw-araw. Sinasabi ko lang na napakaraming Cristiano ang nagtuturing sa pag-aaral ng Biblia bilang higit na mahalaga kaysa sinusunod ito. Sa huli ay nagiging mayabang tayo sa pagkakaroon ng tamang doktrina (na salungat sa mga miyembro ng ibang 29,999 na denominasyon na hindi papantay sa ating lebel ) bagama’t nagtsi-tsismis pa rin, nagsisinungaling at nag-iipon ng mga panlupang kayamanan.
Kung umaasa tayong mapalambot ang puso ng mga tao upang higit nilang tanggapin ang magandang balita, malamang na higit na magagawa natin ito sa pamamagitan ng ating gawa sa halip na sa ating mga doktrina.
Ang Diyos, ang Pinakadakilang Ebanghelista (God, the Greatest Evangelist)
Tingnan natin nang higit na madetalye ang gawain ng Diyos sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Kung higit nating iniintindi ng paraan Niya ng paggawa, lalo tayong maaaring makipagtulungan sa Kanya.
Kapag nananampalataya ang mga tao kay Jesus, ito ay sanhi ng ginagawa nila sa kanilang mga puso (tingnan ang Ro. 10:9-10). Nananampalataya sila sa Panginoong Jesus kung gayong sila’y nagsisisi. Pinabababa nila ang sariling kapasyahan at itinataas si Jesus sa trono ng kanilang kalooban. Kalakip ng pananampalataya ang pagpapalit ng damdamin.
Gayundin, kapag hindi nananampalataya ang mga tao kay Jesus, ito’y sanhi ng nangyayari sa kanilang puso. Nilalabanan nila ang Diyos, kaya hindi sila nagsisisi. Sa pamamagitang ng lubos-sa-isaipang pasya, inaalis nila si Jesus sa trono ng kanilang puso. Ang kawalan ng pananampalataya ay kalakip ng nagpapatuloy na kapasyahang hindi magbago ng kalooban.
Ipinakita ni Jesus na matigas ang lahat ng puso ng mga tao na walang makakapasok sa kanya hangga’t hindi sila hinihila ng Ama (tingnan ang Jn. 6:44). Mahabagin at patuloy na hinihila ng Diyos ang lahat patungo kay Jesus sa pamamagitan ng iba-ibang paraan, na pawang kumakatok sa kanilang puso, at sa pamamagitan nito ay patuloy silang magpasya kung palalambutin ang kanilang mga puso o patitigasin ang mga ito.
Anong paraan ang ginagamit ng Diyos upang katukin ang puso ng mga tao sa pag-asang madala sila kay Jesus?
Una, ginagamit Niya ang Kanyang nilikha. Isinulat ni Pablo,
Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil mismo sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. Sapagka’t ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang Kanyang pagka-Diyos , ay maliwanag na inihahayag ng Kanyang mga ginawa (Ro. 1:18-20, idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na sinabi ni Pablong “itinatago” ng mga tao “ang katotohanang” “maliwanag na nasa kanila.” Ibig sabihin, lumalantad ang katotohanan sa kanilang kalooban at hinaharap sila, nguni’t itinutulak nila paloob ang mga ito at labanan ang panloob na paniniwala .
Ano talaga ang katotohanang malalim na maliwanag sa bawa’t tao? Sinabi ni Pablo na ito ang mga katotohanan ng “di nakikitang katangian ng Diyos, ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan,” na ibinubunyag sa pamamagitan ng “nagawa na.” Sa kaloob-looban ng mga tao, alam nila sa pagtingin sa nilikha ng Diyos na malinaw na nariyan Siya, [1] na napaka-makapangyarihan Siya, kamangha-mangha ang pagkamalikhain at di-mapaniniwalaan ang Kanyang karunungan, bilang pagbanggit sa ilan.
Ang konklusyon ni Pablo ay “walang dahilan” ang mga taong tulad ng mga iyon, at tama siya. Laging sinisigawan ng Diyos ang lahat ng tao, ibinubunyag sa Sarili Niya at sinusubukang palambutin ang kanilang mga puso, nguni’t isinasara ng karamihan ang kanilang taynga. Nguni’t hindi humihinto ang Diyos sa pagsigaw sa buong buhay nila, na may kasamang pagpapamalas ng mga himala—sa pamamagitan ng mga bulaklak, ibon, sanggol, saging, mansanas, at milyon pang ibang bagay.
Kung nariyan ang Diyos at dakila Siyang tulad ng ibinubunyag ng Kanyang nilikha, malinaw na dapat Siyang sundin. Ang panloob na pagbubunyag na iyan ang nagsisigaw ng lantarang mensahe: Magsisi! Dahil dito, sinasabi ni Pablo na narinig na ng lahat ang tawag ng pagsisisi ng Diyos:
Nguni’t ang tanong Ko’y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Sapagka’t nasusulat, “Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig, balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig” (Ro. 10:18).
Inuulit talaga ni Pablo ang isang karaniwang berso mula sa Awit 19, na ang kabuuang teksto ay nagsasabing,
Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng Kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan! Sa bawa’t araw at gabi, pahayag ay walang patlang, patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman. Wala silang tinig o salitang ginagamit, wala rin silang tunog na ating naririnig; nguni’t abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig, balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig (Awit 19:1-4a, idinagdag ang pagdidiin).
Ipinapakita muli nito na nakikipag-usap ang Diyos sa lahat, araw at gabi, sa pamamagitan ng Kanyang nilikha. Kung tama ang tugon ng mga tao sa mensahe ng Kanyang nilikha, mapapayuko sila at sisigaw ng, “Dakilang Manlilikha, nilikha Mo ako, at malinaw na nilikha Mo ako upang gawin ang Iyong kalooban. Kay nagpapasakop ako sa Iyo!”
Isa pang Paraan ng Pakikipag-usap ng Diyos (Another Means by Which God Speaks)
Kaugnay nitong panlabas/panloob na pagbubunyag ay isa pang panloob na pagbubunyag, isang dulot-ng-Diyos din, at isang hindi nakadepende sa pagtingin sa mga himala ng paglikha. Ang panloob na pagbubunyag na iyan ay ang konsensya ng bawa’t tao, isang tinig na laging nagbubunyag ng utos ng Diyos. Isinulat ni Pablo,
Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito’y nagiging kautusan na para sa kanila. Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagka’t kung minsan sila’y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila’y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan. Ayong sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, mangyayari ito sa araw na ang mga lihim ng lahat ng mga tao’y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus (Ro. 2:14-16).
Kung gayon, lahat ay nakakaalam ng tama at mali. O palalakasin pa ang pagsabi rito, lahat ng tao ay nakakaalam kung ano ang nakasisiya sa Diyos at ang hindi nakasisiya sa Kanya, at hahatulan Niya ang bawa’t tao sa araw ng paghukom sa paggawa niya ng alam niyang hindi nakasisiya sa Kanya. Habang tumatanda ang mga tao, gumagaling sila sa pangangatuwiran ng kanilang mga kasalanan at pagbabalewala sa tinig ng kanilang konsensya, nguni’t hindi humihinto ang Diyos sa pagsasabi ng Kanyang utos sa kalooban nila.
Ang Pangatlong Paraan (A Third Means)
Nguni’t hindi lang iyan. Ang Diyos, na siyang dakilang ebanghelistang kumikilos upang magsisi ang lahat, ay nakikipag-usap sa mga tao sa isa pang paraan. Muli, mababasa natin ang mga salita ni Pablo:
Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil mismo sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan (Ro. 1:18, idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na sinabi ni Pablo na ang poot ng Diyos ay nahahayag, hindi maihahayag balang araw. Ang poot ng Diyos ay malinaw sa lahat sa maraming masasamang nangyari, malaki at maliit, na nagpapahirap sa mga tao. Kung makapangyarihan-sa-lahat ang Diyos, na nakakagawa ng anuman at makapipigil ng anuman, ang mga bagay na ito, kapag lumusob sa mga nagbabalewala sa Kanya, ay manipestasyon lamang ng Kanyang poot. Ang mga hindi nag-iisip na teolohiko at hangal na pilosopo lamang ang nakakakita dito. Nguni’t kahit sa Kanyang poot, nabubunyag ang habag at pag-ibig ng Diyos, dahil ang mga puntirya ng Kanyang poot ay kadalasang nakakatanggap ng higit na kaunting poot kaysa nararapat sa kanila, at kung gayon ay minamahal na pinaaalalahanan tungkol sa walang hanggang poot na naghihintay sa mga taong nangangailangan ng pagsisisi.
Ang Pang-apat na Paraan (A Fourth Means)
Bilang pangwakas, hindi lang tinatangka ng Diyos na hilahin ang mga tao sa pamamagitan ng mga nilikha, konsensya at kalamidad, kundi sa pamamagitan rin ng pagtawag ng magandang balita. Habang sinusunod Siya ng Kanyang mga tagasilbi at ipinangangaral ang magandang balita, ang parehong mensahe ng paglikha, konsensya at kalamidad ay napapatotohanang muli: Magsisi!
Makikita ninyo na ang ginagawa natin sa evangelization kumpara sa ginagawa ng Diyos ay walang pagkukumpara. Lagi niyang pinangangaralan ang bawa’t tao bawa’t sandali ng bawa’t araw ng kanyang buhay, samantalang kahit ang pinakadakilang ebanghelista ay maaaring magsalita sa ilang daang libong tao sa loob ng mga dekada. At ang mga ebanghelistang iyon ay pangkalahatang minsan lang nangangaral sa alinmang nababanggit na grupo ng tao sa maikling panahon. Katunayan, ang isang pagkakatong iyan ang tanging panahong napayagan ang ebanghelista upang ialay sa mga tao sa dahilang iniutos ni Jesus na pagpagin ang alikabok sa mga paa sa tuwing ang isang lunsod, barangay, o bahay ay tumangging tanggapin sila (tingnan ang Mt. 10:14). Sinasabi ng lahat ng ito na kapag ikinumpara natin ang walang-hintong, pangkalahatang, magarbong, tumatagos-sa-loob na ebanghelismo sa pamamagita ng ating napakalimitadong ebanghelismo, talagang hindi maaaring ihambing.
Tinutulungan tayo ng perspektibang ito upang higit na intindihin ang ating tungkulin sa ebangheisasyon at sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos. Nguni’t bago natin masinsinang tingnan ang ating papel, may isa pang mahalagang salik na huwag nating ipagwalambahala.
Tulad ng nabanggit na, ang pagsisisi at pananampalataya ay mga bagay na ginagawa ng mga tao sa kanilang puso. Nais ng Diyos na lahat ay magpakumbaba, palambutin ang puso, magsisi at manampalataya sa Panginoong Jesus. Dahil diyan, patuloy na may ginagawa ang Diyos sa puso ng mga tao sa maraming paraang kababanggit lang.
Siyempre, alam din ng Diyos ang kalagayan ng puso ng bawa’t tao. Alam Niya kung kaninong puso ang lumalambot at kung kanino ang tumitigas. Alam Niya kung sino ang nakikinig sa Kanyang walang-hintong mga mensahe at kung sino ang nagbabalewala sa mga ito. Alam Niya kung kaninong puso ang natitinag ng tanging kalamidad sa kanilang buhay na magiging sanhi ng pagbukas ng kanilang puso upang sila’y magsisi. (Sinabi Niya kay Jeremias nang tatlong ulit, halimbawa, na huwag ipanalangin ang Israel dahil hindi na magsisisi ang kanilang mga puso; tingnan ang Jer. 7:16; 11:14; 14:11.) [2] Alam Niya kung kaninong puso ang lumalambot upang kaunting sundot na lang ng Kanyang Espiritu ay magreresulta sa kanilang pagsisisi.
Kung aalalahanin ang lahat nang ito, ano ang matututuhan natin tungkol sa pananagutan ng mga iglesia sa pagpapangaral sa magandang balitga at pagtatatag ng kaharian ng Dikyos?
Prinsipyo #1 (Principle #1)
Una, hindi ba mukhang makatwiran na ang Diyos, ang Dakilang Ebanghelistang gumagawa ng 95% ng pangkalahatang gawain at lagi nang walang hinting naninigaw sa lahat sa araw-araw, ay magpapagala ng Kanyang mga tagasilbi upang ipangaral ang magandang balita sa mga puso ng taong may kakayahang tumanggap sa halip na sa mga walang kakayahang tumanggap? Iyan ang palagay ko.
Hindi ba mukhan possible na ang Diyos, ang Dakilang Ebanghelistang pinangangaralan na ang lahat ng tao sa bawa’t saglit ng kanilang buhay, ay maaaring piliin hindi gagawin ang pagpapadala ng magandang balita sa mga ganap na bumabalewala sa lahat-lahat ng sinasabi Niya sa kanila sa maraming? Bakit Siya magsasayang ng lakas sa pagsasabi ng huling 5% ng nais Niyang malaman nila kung ganap nilang binabalewala ang naunang 95% ng sinasabi Niya sa kanila? Nais kong isiping higit na maaaring magpadala ang Diyos ng paghatol sa mga taong tulad ng mga nabanggit sa pag-asang palalambutin nito ang kanilang mga puso. Kung magkagayon, mukhang lohikal na isiping ipapadala Niya ang Kanyang mga tagasilbi upang ipangaraal ang magandang balita.
Maaaring sabihin ng ilan na ipapadala ng Diyos ang Kanyang mga tagasilbi sa mga alam Niyang hindi magsisisi upang wala na silang dahilan kapag humarap sila sa Kanyang paghukom. Nguni’t isaisip na ayon sa Kasulatan, ang mga taong tulad nila ay wala na talagang dahilan sa harap ng Diyos dahil sa Kanyang walang-hanggan pagbubunyag ng Kanyang Sarili sa pamamagitan ng Kanyang nilikha (tingnan ang Ro. 1:20). Kaya kung hindi magpapadala ang Diyos ng isa sa Kanyang mga tagasilbi sa naturang mga tao, ito’y hindi upang managot sila, kundi upang maging higit silang mananagot.
Kung talagang totoo na mukhang aakayin ng Diyos ang Kanyang mga tagasilbi sa mga taong may kakayahang tumanggap, kung gayon tao, ang Kanyang mga tagasilbi, ay dapat marubdob na ipanalangin ang Kanyang karunungan upang maakay tayo sa mga alam Niyang hinog na upang anihin.
Isang Halimbawang Ayon sa Kasulatan (A Scriptural Example)
Maganda ang pagkakalarawan ng prinsipyong ito sa ministeryo ni Felipe ang ebanghelista na nakatala sa aklat ng Mga Gawa. Nangaral si Felipe sa mga mapagtanggap na kawan sa Samaria, nguni’t sa kalaunan ay dinala ng isang anghel upang maglakbay sa isang ispesipikong daan. Doon ay inakay siya sa isang kamangha-mangahang mapagtanggap na naghahanap:
Pagkatapos, si Felipe ay inutusan naman ng isang anghel ng Panginoon, “Pumunta ka agad sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Hindi na iyon dinadaanan ngayon. Pumunta nga doon si Felipe at dumating naman ang isang pinunog taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, o reyna ng Etiopia.
Galing ito sa Jerusalem at sumamba sa Diyos. Pauwi na ito noon, nakasakay sa kanyang karwahe, at nagbabasa ng aklat ni Propetang Isaias.”Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?” Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. Ito ang bahagi ng Kasulatang binabasa niya:
Siya ay tulad ng isang tupang nakatakdang patayin; tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan. At hindi umiimik kahit kaunti man. Siya’y hinamak at pinagkaitan ng katarungan. Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan, sapagka’t kinitil nila ang kanyang buhay.”
Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?” Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya’t sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Hindi pa ba ako maaaring bautismuhan?” Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. Namalayan na lamang ni Felipe na siya’y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng baying dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea (Gw. 8:26-39).
Banal na isinugo si Felipe upang maglingkod sa isang taong gutom sa espiritu kaya naglakbay mula Africa to patungong Jerusalem upang sumamba sa Diyos at nakabili ng isang kopya ng mga balumbon ng papel na kinasusulatan ng mga pahayag ni Isaias. Habang binabasa niya ang ika- 53 kabanata ng Isaias, ang pinaka-naglalarawang kasulatan sa Lumang Tipan na nagdedetalye ng paghihirap ni Cristo, at pinagtatakhan kung sino ang tinutukoy ni Isaias, naroon si Felipe na handang magpaliwanag ng kanyang binabasa! Iyon ay isang taong hinog na sa pagbabagong-buhay! Alam ng Diyos ang kanyang kalooban at ipinadala Niya si Felipe.
Isang Higit na Mabuting Paraan (A Better Way)
Higit na kasiya-siya ang akayin ng Espiritu sa mga taong handang tumanggap kaysa tahasang lumapit sa mga taong tumatanggi dahil iniisip natin na kapag di natin gagawin iyon, hindi sila mapapangaralan . Huwag kalimutan—lahat ng makikilala ninyong tao ay laging pinangangaralan ng Diyos. Higit na mabuting tanungin ang mga tao kung paano sila binabagabang ng kanilang konsensya upang malaman kung handa silang tumanggap sa Diyos o hindi, dahil ang konsensya ng bawa’t laging nangungusap sa kanya .
Isa pang halimbawa ng prinsipyong ito ay ang pagbabagong-buhay ng kabahayan ni Cornelio sa ilalim ng pangangaral ni Pedro, na nabasbasan ng Espiritu upang ipangaral ang magandang balita sa napakalambot na grupong ito ng mga Hentil. Tunay na si Cornelio ay isang taong nakikinig sa kanyang konsensya at naghahanap sa Diyos, na inilarawan ng pagbibigay-tulong niya at ng kanyang buhay-panalangin (tingnan ang Gw.10:2). Iniugnay siya ng Diyos kay Pedro, at ankinig siya sa mensahe ni Pedro na may bukas na puso at maluwalhating naligtas.
Higit na marunong ang pananalangin sa Espiritu Santo upang akayin tayo sa mga taong handa na ang mga puso sa halip na masusing pagplanuhang hati-hatiin ang ating mga lunsod upang pangaralan ng na-organisang mga grupo ng mangangaral sa bawa’t tahanan at apartment. Kung nakikipagpulong si Pedro tungkol sa mga estratehiyang pang-ministro sa Jerusalem o kung nagpatuloy sa pangangaral si Felipe sa Samaria, marahil ay nanatiling hindi napangaralan ang sambahayan ni Cornelio at ang pinunong taga-Etiopia.
Siyempre, maaakay ang mga ebanghelista at apostol upang ipangaral ang magandang balita sa halu-halong kawan ng mga handa at di handang tagapakinig. Nguni’t kailangan pa rin nilang ipanalangin sa Panginoon kung saan Niya sila gustong mangaral. Muli, ang salaysay na nakatala sa Mga Gawa ay tungkol sa mga taong inakay-ng Espiritu at hinirang-ng-Espiritu na tumutulong sa Espiritu Santo habang itinatatag Niya ang kaharian ng Diyos. Lubhang iba ang mga paraan ng sinaunang iglesia kung ihambing sa modernong iglesia. At iba rin ang mga resulta! Bakit hindi tularan ang matagumpay na paraan?
Prinsipyo #2 (Principle #2)
Paano pa tayo matutulungan ng mga prinsipyong natalakay sa unang bahagi ng kabanatang ito upang intindihin ang ating papel sa pangangaral at pagtatatag ng kaharian ng Diyos?
Kung dinisenyo ng Diyos na tawagin sa pagsisisi ang mga tao sa pamamagitan ng nilika, konsensya at kalamidad, tiyakin sana ng mga mangangaral na hindi hindi nagbibigay ng salungat na mensahe. Nguni’t iyan ang ginagawa ng karamihan! Direktang sinasalungat ng kanilang ipinangangaral ang lahat ng sinasabi na ng Diyos sa mga makasalanan! Ang mensahe nila ng pagpapalang di biblical ang nagsusulong sa idea na hindi mahalaga ang kabanala at pagsunod sa pagkakaroon ng buhay na walang hanggan. Tunay na sinasalungat nila ang Diyos sa hindi pagbanggit ng kahalagahan ng pagsisisi sa kaligtasan, sa pagdidiin na ang kaligtasan ay di dahil sa mga gawa (sa isang paraan ng pagkakaintindi na kailanman ay di intensyon ni Pedro), at inaakay ang mga tao sa higit na malalim na pandarayang nagtatatak ng kanilang walang hanggang kapahamakan, dahil sigurado na sila sa kanilang kaligtasan na sa totoo ay hindi naman. Tunay na trahedya, kapag talagang sinasalungat ng mga mensahero ang Diyos na inaangking kinakatawan nila!
Inutusan tayo ni Jesus na ipangaral ang “pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan” (Lu. 24:47). Muling pinatototohanan ng mensaheng iyan ang palagiang sinasabi ng Diyos. Tinutugis ng mensaheng iyan ang puso ng mga tao at sinasaktan ang kalooban ng mga may matitigas na puso. Nguni’t inililihis sila ng modernong malambot na magandang balitang nagsasabing lubhang mahal sila ng Diyos (bagay na kailanman ay hindi binanggit ng mga apostol kapag nangangaral sa aklat ng Mga Gawa), upang isiping hindi nasasakta at galit ang Diyos sa kanila. Lagi silang sinasabihang ang tanging dapat nilang gawin ay “tanggapin si Jesus.” Nguni’t hindi kailangan ng Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon ang ating pagtanggap. Hindi “Tinatanggap mo ba si Jesus?” ang tanong. Ang tanong ay, “Tinatanggap ka ba ni Jesus?” Ang sagot ay, hangga’t hindi ka nagsisisi at sumunod sa Kanya, kasuklam-suklam ka sa Kanya, at tanging ang habag Niya ang umaantala sa iyong kapalaran sa impiyerno.
Dahil sa modernong magandang balita na nagpapababa ng pagpapala ng Diyos, hindi ko maubos maisip kung bakit maraming bansang pinamamahalaan ng mga pinunong binigyan ng kapangyarihan ng Diyos upang mamuno (at hindi ito pinagtatalunan; tingnan ang Dan. 4:17, 25, 32l 5:21; Juan 19:11; Gw. 12:23; Ro. 13:1), ang ganap na pinagsarhan ng pinto ang mga Kanluraning misyunero. Di kaya dahil tinatangkang huwag papasukin ang maling ebanghelyo sa mga bansang iyon?
Prinsipyo #3 (Principle #3)
Ang mga prinsipyong natalakay na sa kabanatang ito ay tumutulong din upang higit nating maunawaan kung paano tinitingnan ng Diyos ang mga taong sumusunod sa taliwas na relihiyon. Sila ba ay ignoranteng taong dapat kahabagan dahil kailanman ay hindi nila narinig ang katotohanan? Ang iglesia ba ang sisisihin dahil hindi sila lubos na pinangaralan?
Hindi, hindi ignorante sa katotohanan ang mga naturang tao. Hindi man nila alam ang lahat ng nalalaman ng Cristianong naniniwala-saBiblia, nguni’t alam nilang lahat ng ipinapahayag ng Diyos tungko sa Kanyang Sarili sa pamamagitan ng nilikha, konsensya at kalamidad. Sila ang mga taong sa tanang buhay nila ay tinatawag ng Diyos upang magsisi, kahit hindi pa sila nakakakita ng Cristiano o nakapakinig sa magandang balita. Dagdag pa, maaaring pinalalambot nila o pinatitigas nila ang kanilang puso papunta sa Diyos.
Binanggit ng Pablo ang kamangmangan ng mga di mananampalataya at ibinunyag and dahilan ng kanilang kamangmangan:
Sa pangalan ng Panginoon, ito ang sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong mamuhay tulad ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya sa Diyos. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, walang silang bahagi sa kaloob ng Diyos. Sila’y naging alipin ng kahalayan, at wala na silang kahihiyan kaunti man lamang. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan (Efe. 4:17-19).
Pansinin na ang kamangmangan ng mga Hentil ay “dahil sa katigasan ng kanilang ulo.” Ipinahayag din ni Pablo na “wala na silang kahihiyan.” Malinaw na tinutukoy niya ang kalagayan ng kanilang puso. Nagkakaroon ng kalyo ang kamay ng mga tao sa palagiang paggasgas ng matigas sa malambot na balat. Ang may kalyong balat ay hindi na gaanong nakakaramdam. Gayundin, habang palagiang nilalabanan ng mga tao ang tawag ng Diyos sa pamamagitan ng nilikha, konsensya at kalamidad, tumitigas ang kanilang puso, at wala na silang pakiramdam sa banal na tawag. Kaya ipinapakita ng mga bilang na ang mga tao’y di na gaanong tumatanggap ng bagong kaalaman habang sila’y tumatanda. Kapag tumatanda ang isang tao, mas maliit ang pagkakataong siya’y magsisi. Pinupuntirya ng marurunong na ebanghelista ang mga taong higit na nakababata.
Ang Kasalanan ng mga di Naniniwala (The Guilt of the Unbelieving)
Ang karagdagang patunay na sinisisi ng Diyos ang mga tao kahit kailanman ay hindi sila nakapakinig ng ebanghelistang Cristiano ay ang katotohanang masugid Niya silang hinahatulan. Kung hindi sila tinutugis ng Diyos sa kanilang kasalanan, hindi Niya sila parurusahan. Nguni’t dahil pinarurusahan Niya sila, nakatitiyak tayong sinisisi Niya sila. At kung magkagayon, malamang na alam nila na ang kanilang ginagawa ay hindi kasiya-siya sa Kanya.
Isang paraan ng pagpaparusa ng Diyos sa mga lumalaban sa Kanyang tawag ay ang “pagpapahintulot Niyang” magkasala si upang maging higit silang alipin ng kasamaan. Isinulat ni Pablo:
Kahit na alam nilang may Diyos, Siya’y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man lang. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya’t nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. Sila’y nagmamarunong nguni’t lumitaw na sila’y mga hangal. Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila’y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga hayop na gumagapang.
Kaya’t hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa’t isa. Ang katotohanan tungkol sa Diyos ay tinalikuran at pinalitan nila ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang Lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.
Dahil dito’y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. Ganoon din ang mga lalakio; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya’t sila’y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa.
Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, kasakiman, masasamang isip, pagkainggit, pagpatay, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila’y naging mahihilig sa tsismis, mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos, walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. Sila’y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. Nalalaman nila ang utos ng Diyos na dapat mamatay ang mga gumagawa nito, nguni’t patuloy sila sa paggawa nito at natutuwa pang makita na ang iba ay gumagawa rin ng ganoon (Ro. 1:21-32, idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin ang pagdiin ni Pablo sa mga katotohanan ng pantaong kasalanan at pagharap sa Diyos. Ang mga hindi nagsisisi “ay nakakaalam sa Diyos,” nguni’t “hindi nila Siya pinarangalan, ni pinasalamatan.” “Ipinagpalit nila ang katotohanan sa kasinungalingan,” kaya maaaring alam nila ang katotohanan ng Diyos. Kung gayon, “hinayaan sila ng Diyos” sa higit pang kahangalan, hanggang si gumagawa na ang mga tao ng di-pangkaraniwang karumal-dumal na gawain at lalong nalublob sa kasalanan. Maaaring sinasabi ng Diyos na “Kung gayon ninyong pagsilbihan ang kasalanan sa halip na Ako? Kung gayon ipagpaptuloy ninyo. Hindi Ko kayo pipigilin, at lalo kayong maninilbihan sa diyos na iniibig ninyo.”
Palagay ko’y maituturing pa ang paghatol na ito bilang pagpapakita ng habag ng Diyos, dahil makatwirang isiping kapag higit na nagiging makasalanan ang mga tao, mapagtatanto nila ito at sila’y magigising. Nakapagtatakang hindi tinatanong ng mga bakla at tomboy na, “bakit naaakit ako sa taong pareho ang kasarian sa akin, samantalang alam kong hindi ako magkakaroon ng tunay na sekswal na relasyon? Kakatwa ito!” Maaaring pagtalunan na “ginawa silang ganoon” ng Diyos (na sila nilang panlaban upang pangatwiranan ang kanilang perversion), nguni’t sa puntong pinahihintulutan lang sila, at hdahil lang sa inaasahan Niyang gisingin sila upang magsisi at maranasan ang kamangha-manghang habag Niya.
Hindi lamang ang mga homosexual ang dapat nagtatanong niyon sa kanilang sarili. Inilista ni Pablo ang maraming kasalanang nakabibilanggo na ebidensya ng paghatol ng Diyos sa tumatangging manilbihan sa Kanya. Bilyong tao ang dapat magtanong sa kanilang sarili tungkol sa kakatwang gawí nila. “Bakit ko kinamumuhian ang sarili kong pamilya?” “Bakit ako nasisiyahan sa pagtsi-tsismis?” “Bakit hindi ako nakukuntento sa kung ano ang mayroon ako?” “Bakit ako napipilitang tumingin sa pornograpiya?” Hinayaan ng Diyos silang lahat upang maalipin ng kanilang diyos.
Siyempre, mapapalambot ninuman ang kanyang puso kung kailan niya nanaisin, magsisi at manampalataya kay Jesus. Ilan sa mga matitigas na makasalanan sa lupa ang nakagawa niyan, at nilinis ng Diyos ang kanilang puso at pinalaya sila sa kanilang kasalanan! Habang humihinga pa ang mga tao, binibigyan pa sila ng Diyos ng pagkakataong magsisi.
Walang Dahilan (No Excuses)
Ayon kay Pablo walang dahilan ang mga makasalanan. Ibinubunyag nilang alam nila ang tama at mali habang hinahatulan nila ang iba, kung gayon nararapat silang hatulan ng Diyos:
Kaya nga, sino mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagka’t sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Akala mo ba’y makakaiwas ka sa parusa ng Diyos kung hahatulan mo ang mga gumagawa ng masasamang gawaing ginagawa mo rin naman? O baka naman gusto mo pang hamakin ang Diyos dahil siya ay napakabait, mapagpigil at mapagpaumanhin! (Ro. 2:1-4).
Sinabi ni Pablo na ang dahilan ng kahinahunan ng Diyos ay upang bigyan ng pagkakataong magsisi ang mga tao. Dagdag pa, sa pagpapatuloy ni Pablo, ibinunyag niyang ang tanging makakapagmana ng kaharian ng Diyos ay mga nagsisisi at namumuhay nang banal:
Nguni’t sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatuwirang paghatol ng Diyos. Sapagka’t igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang ginawa. Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang-kamatayan. Nguni’t matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawa’t gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego. Nguni’t karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawa’t gumagawa ng mabuti una an gang mga Judio at gayundin ang mga Griego (Ro. 2:5-10).
Malinaw na hindi aayon si Pablo sa mga nagtuturong ang mga taong tanging “tumatanggap kay Jesus bilang Tagapagligtas” ay binibigyan ng buhay na walang hanggan. Kundi, iyong mga magsisisi at “sa pagpupursigi sa paggawa ng mabuti ang nakakahanap ng luwalhati at karangalan at buhay na walang hanggan.”
Nguni’t hindi ba nito ipinapakita na maipagpapatuloy ng mga tao ang kanilang relihiyon maliban sa Cristianismo at maligtas basta’t magsisi sila at sundin ang Diyos?
Hindi, walang kaligtasan kundi mula kay Jesus sa maraming kadahilanan, isa na rito ay, tanging si Jesus ang makapagpapalaya sa mga tao sa pang-aalipin sa kanila ng kasalanan.
Nguni’t kung nais nilang magsisi, paano nila matatawag si Jesus kung hindi pa sila nakakarinig ng tungkol sa Kanya?
Ang Diyos, na nakaaalam ng puso ng lahat ng tao, ang magbbubunyag ng Kanyang Sarili sa sinamang matapat na naghahanap. Ipinangako ni Jesus, “Humanap kayo at kayo’y makakatagpo” (Mt. 7:7), at inaasahan ng Diyos ang lahat na hanapin Siya (tingnan ang Gw. 17:26-27). Kapag nakikita Niya ang isang taong may pusong tumutugon sa walang-tigil Niyang pangangaral, ipapadala Niya sa taong iyon ang magandang balita, tulad ng ginawa Niya sa taga-Etiopiang pinuno at ang sambahayan ni Cornelio. Ni hindi nalilimita ang Diyos sa partisipasyon sa iglesia, na pinatunayan Niya sa pagbabagong-buhay ni Saul ngTarsus. Kujng walang magdadala ng magandang balita sa isang matapat na naghahanap, pupunta Mismo ang Diyos! Nakarinig na ako ng maraming kontemporanyong pangyayaring ang mga tao sa saradong mga bansa ay nagbagong-buhay dahil sa nagkaroon sila ng pangitain tungkol kay Jesus.
Kung Bakit Relihiyoso ang mga Tao (Why People Are Religious)
Ang katotohanan ay karamihan sa mga may huwad na relihiyon ay hindi matapat na naghahanap ng katotohanan. Bagkus, relihiyoso sila dahil naghahanap lang sila ng katuwiran o pantakip sa kanilang mga kasalanan. Habang patuloy nilang nilalabag ang kanilang konsensya, nagtatago sila sa kasuotan ng relihiyon. Sa pagiging relihiyoso, pinapaniwala nila ang kanilang sarili na hindi sila nararapat sa impiyerno. Totoo rin ito sa relihiyosong “Cristiano” (pati na ang mga pipitsuging Cristianong evangelical) at mga Buddhist, Muslim and Hindu. At kahit na namumuhay sila sa kanilang relihiyon, hinahatulan sila ng kanilang konsensya.
Kapag taimtim na yumuyukod ang Buddhist sa harap ng kanyang mga diyus-diyosan o sa harap ng mga monk na buong pagmamalaking nakaupo sa harap niya, sinasabi ng kanyang konsensyang gumagawa siya ng mali. Kapag pinangangatwiranan ng Hindu ang kawalan niya ng pakikiramay sa namatay na pulubi, na naniniwalang pinapahirapan ito ng mga kasalanan niya sa mga nakaraang buhay, hinahatulan siya ng kanyang konsensya. Kapag sang isang sukdulang Muslim ay pumugot ng isang “infidel” sa ngalan ni Allah, sinisigawan siya ng kanyang konsensya dahil sa kanyang pumapatay na pagkukunwari. Kapag tinipon ng “Cristianong” evangelical ang kanyang panlupang kayamanan, at regular na nanonoon ng palabas sa telebisyon na puno ng kalaswaan, at natsi-tsismis tungkol sa kapwa kasapi sa iglesia, nagtitiwalang iniligtas siya ng pagpapala, hinahatulan siya ng kanyang konsensya. Lahat nang ito ay halimbawa ng mga taong nais manatili sa pagkakasala at nakatagpo ng mga paniniwalaang kasinungalingan sa relihiyon upang patuloy silang magkasala. Ang “katuwiran” ng di napanariwa subali’t relihiyosong tao ay lubhang napakababa kung ihambing sa inaasahan ng Diyos.
Sinasabi ng lahat ng ito na hindi itinuturing ng Diyos ang mga sumusunod sa huwad na relihiyon bilang ignoranteng taong kailangang kahabagan dahil kailanman ay di nila narinig ang katotohanan. Ni hindi masisisi ang iglesia sa hindi mahusa na pangangaral sa kanila.
Muli, bagama’t alam natin na nais ng Diyos na ipangaral ng iglesia ang magandang balita sa buong sanlibutan, dapat nating sundin ang pag-akay ng Kanyang Espiritu kung saan “ang bukirin ay handa nang anihin” (tingnan ang Jn. 4:35), na kinaroroonan ng mga taong nakahanda dahil tumugon ang kanilang damdamin sa walang-patid na pagsisikap ng Diyos na abutin sila.
Prinsipyo #4 (Principle #4)
Isang panghuling prinsipyong matututuhan natin mula sa mga katotohanang biblical na natalakay sa kabanatang ito ay: Kung masugid na hinahatulan ng Diyos ang mga makasalanan sa pag-asang mag-iiba ang kanilang damdamin, asahan natin na ang ilang makasalanan, pagkatapos tiisin ang hatol ng Diyos o mamasdan ang pagtitiis ng iba, ay magbabagong-isip. Kaya pagkatapos ng mga kalamidad, may pagkakataong abutin ang mga taong noon ay di maabot.
Kailangang maghanap ang mga Cristiano ng pagkakataong ipamahagi ang magandang balita sa mga lugar kung saan nagtitiis ang mga tao. Ang mga taong namatayan ng mahal sa buhay kamakailan, halimbawa, ay maaaring bukas sa gustong iparating ng Diyos. Noong nanilbihan akong pastor, lagi kong sinusunggaban ang pagkakataong ipangaral ang magandang balita sa mga libing, dahil inaalala ko ang sinabi ng Kasulatan na, “Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa bahay na may handaan, pagka’t dapat alalahanin ng buháy na siya man ay nakatakda ring mamatay (Mang. 7:2, idinagdag ang pagdidiin).
Kapag nagkakasakit ang mga tao, nawawalan ng ikabubuhay, nasisira ang relasyon, o dinaratnan ng kalamidad at marami pang pangyayaring kinalabasan ng kasalanan, kailangan nilang malaman na ang kahirapan nila ay panggising. Sa pamamagitan ng paghihirap dito sa lupa, sinusubukan ng Diyos na iligtas ang mga makasalanan mula sa walang hanggang paghukom.
Sa Pagbubuod (In Summary)
Ginagampanan ng Diyos ang karamihan sa gawain ng pagtatatag ng Kanyang kaharian. Ang tungkulin natin ay mahusay na makipagtulungan sa Kanya.
Lahat ng mananampalataya ay dapat mamuhay nang banal at masunuring buhay na umaakit ng atensyon ng mga nasa kadiliman, at dapat silang laging handang depensahan ang pag-asang nasa kanilang kalooban.
Laging hinihikayat ng Diyos ang lahat ng tao upang lumambot ang kanilang puso at magsisi, palagiang nakikipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga nilikha, konsensya at kalamidad, at kung minsan ay sa tawag ng magandang balital.
Alam ng mga makasalanan na sinusuway nila ang Diyos, at mananagot sila sa Kanya kahit hindi nila kailanman narinig ang magandang balita. Ebidensiya ng kasalanan ang katigasan ng kanilang ulo. Ang lumalalang pagkalugmok nila sa kasalanan ay patunay ng poot ng Diyos sa kanila.
Ang mga relihiyosong tao ay hindi nangangailangang naghahanap ng katotohanan. Malamang na pinangangatwiranan nila ang kanilang kasalanan sa paniniwala ng kasinungalingan ng kanilang relihiyon.
Alam ng Diyos ang kalagayan ng puso ng bawa’t tao. Bagama’t maaari Niya tayong akayin upang ipamahagi ang magandang balita sa mga hindi bukas, malamang na higit Niya tayong inaakay sa mga bukas sa magandang balita.
Habang gumagawa ang Diyos upang baguhin ang tao sa pamamagitan ng kanilang mga pagsubok, dapat nating sunggaban ang mga pagkakataong iyon upang ipangaral ang magandang balita.
Nais ng Diyos na dalhin natin ang magandang balita sa buong sanlibutan, nguni’t nais Niya tayong sumunod sa Kanyang Espiritu habang ninanais nating tuparin ang Dakilang Komisyon, na inilarawan sa akalat ng Mga Gawa.
Ihahayag ng Diyos ang Sarili Niya sa sinumang matapat ang pagnanais na makilala Siya. Nais ng Diyos na aayon ang mensahe natin sa mensahe Niya.
Isang araw magkakaroon ng kinatawan sa bawa’t grupong etnikong sumasamba sa trono ng Diyos, at dapat nating gampanan ang ating tungkulin sa pakikipagtulungan sa Diyos upang tuparin iyon. Kung gayon, lahat ng anak ng Diyos ay dapat magpakita ng pag-ibig ni Cristo sa bawa’t kasapi ng grupong etnikong nakikilala nila. Maaaring akayin ng Diyos ang ilan sa Kanyang mga tagasilbi upang ispesipikong puntiryahin ang mga tao sa iba’t ibang kultura, sa pamamagitan ng pagpapadala at pagsuporta ng mga nagtatanim ng iglesia, o sa mismong pagpunta. Dapat lumikha ng alagad ang mga naipadala, at patunayan ang sarliing mga ministrong tagalikha-ng-alagad!
Pangwakas sa mga Salita (Final Words)
Nagpapasalamat akong pinahintulutan tayo ng Diyos upang ipalimbag ang aklat na ito sa inyong wika at pahintulutan kayong magkaroon ng kopyang babasahin. Umaasa akong ito’y pagpapala sa inyo. Kung gayon, maaari bang sulatan ninyo ako at sabihin sa akin? Ingles lang ang nababasa ko, kaya kailangan n’yo akong sulatan sa Ingles o ipasalin ninyo sa Ingles ang inyong sulat bago ninyo ipadala sa akin!
Ang pinakamainam na paraan upang maabot ako ay padalhan ako ng e-mail, at ang e-mail address ko ay: [1] Kaya ipinapahayag ng Kasulatan, “Sinabi ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos” (Awit 14:1, idinagdag ang pagdidiin). Mga hangal lang ang nagtatago ng malinaw na katotohanan.
[2] Sa kabila nito, itinuturo ng Kasulatan na maaaring higit pang patigasin ng Diyos ang puso ng mga taong ang puso’y lumalaban sa Kanya (tulad ng Hari) Mukhang hindi maaaring may pag-asang magsisi ang mga taong tulad ng mga iyon.