Pamamahala

Kabanata 32

Sa isang naunang kabanata tungkol sa Sermon sa Bundok ni Jesus, isinaalang-alang natin ang ilang salitang binigkas ni Jesus sa Kanyang mga alagad tungkols sa pamamahala. Sinabi Niyang huwag magtipon ng mga kayamanan sa lupa, kundi sa langit. Inilantad Niya, hindi lamang ang kahangalan ng mga nangangalap ng mga kayamanang pansalamtala, kundi pati ang kadilimang nasa puso nila (tingnan ang Mt. 6:19-24).

Salapi ang tunay na diyos ng mga nagtitipon ng panlupang kayamanan, dahil pinagsisilbihan nila ito at ito ang namamahala ng kanilang buhay. Ipinahayag ni Jesus na imposibleng pagsilbihan ang Diyos at kayamanan, at malinaw na ipinakikitang kung ang Diyos ang ating tunay na Pinuno, Siya rin ang Pinuno ng ating salapi. Ang salapi, higit sa anupaman, ay nakikikumpetensya sa Diyos sa puso ng mga tao. Walang dudang iyan ang dahilan kung bakit ipinangaral ni Jesus na hindi tayo maaaring maging alagad Niya hangga’t hindi natin isinusuko ang lahat ng ating ari-arian (tingnan ang Lu.14:33). Walang pag-aari ang mga alagad ni Cristo. Tagapamahala lang sila ng pag-aari ng Diyos, at nais ng Diyos na gumawa ng mga bagay gamit ang Kanyang salapi na umaaninag ng Kanyang katauhan at nagsusulong ng Kanyang kaharian.

Maraming masasabi si Jesus tungkol sa pamamahala, nguni’t mukhang kadalasang binabalewala ang Kanyang mga salita ng mga nagsasabing tagasunod Niya. Ang higit na karaniwan ay ang pagbabaluktot sa Kasulatan upang imbentuhin ang modernong “doktrina ng kasaganaan” sa maraming hugis nito, tagó o lantaran. Nguni’t ang ministrong tagalikha-ng-alagad ay nagnanais magturo sa mga tao upang sundin ang lahat ng utos ni Cristo. Kung gayon, magtuturo siya sa pamamagitan ng kanyang halimbawa at kanyang salita, ang biblikal na pamamahala.

Tingnan natin ang itinuturo ng Kasulatan tungkol sa pamamahala, at gayundin, ilantad ang ilan sa mga higit na karaniwang halimbawa ng huwad na aral tungkol sa kasaganaan. Hindi ito malalimang pag-aaral. Nakasulat ako ng isang buong libro sa paksang ito na maaaring basahin sa Ingles sa ating website (ShepherdServe.org). Makikita ito sa pamagat na “Biblical Topics” at ang pangalawang titulong, “Jesus on Money.”

Ang Tagabigay ng Pangangailangan (The Supplier of Needs)

Sa positibong pagsisimula, matatandaan natin na isinulat ni Pablo, sa ilalim ng inspirasyon ng Espiritu Santo, ang “At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus” (Fil. 4:19). Ang karaniwang pangakong iyan ay laging inuulit at inaangkin ng mga Cristiano, nguni’t ano ang konteksto nito? Habang binabasa natin ang konteksto, matutuklasan natin ang dahilan kung bakit masyadong nagtitiwala si Pablo nabigay ng Diyos ang lahat ng pangangailangan ng mga mananampalatayang taga-Filipos:

Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa aking mga paghihirap. Alam naman ninyo, mga taga-Filipos, na kayo lamang ang iglesiang nakahati ko sa hirap at ginhawa nang umalis ako sa Macedonia noong ako’y nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Magandang Balita. Noong ako’y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong. Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob, kundi ang nais ko ay makatanggap kayo ng masaganang gantimpala. Narito ngayon ang katibayan ng labis-labis na kaloob ninyo sa akin. Higit pa sa pangangailangan ko ang tulong ninyo sa akin na hatid ni Epafrodito. Ang mga ito ay tulad ng mabangong handog sa Diyos, mga alay na katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa kanya. At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay Niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus (Fil. 4:14-19, idinagdag ang pagdidiin).

Natitiyak ni Pablo na talagang ibibigay ni Jesus ang mga pangangailangan ng mga taga-Filipos dahil natupad nila ang kundisyon ni Jesus: inuuna nila ang kaharian ng Diyos, na pinatutunayan ng kanilang handog kay Pablo upang makapagpatuloy siya sa pagtatanim ng mga iglesia. Tandaan na sa Kanyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus,

Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Nguni’t higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo’y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan (Mt. 6:32-33).

Kaya makikita natin na ang pangako ni Pablo sa Filipos 4:19 ay hindi angkop sa bawa’t Cristianong nag-uulit at nag-aangkin nito. Bagkus, angkop lang ito sa mga pinangungunahan ang paghahanap sa kaharian ng Diyos.

Ano ang Talagang Kailangan Natin? (What Do We Really Need?)

Mayroon pa tayong matututuhan sa pangako ni Jesus sa Mateo 6:32-33. Kung minsan ay nahihirapan tayong ibukod kung ano ang ating mga pangangailangan at ano ang ating mga gusto. Nguni’t nilinaw ni Jesus kung ano ang ating mga pangangailangan. Ang sabi Niya, “Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan.”

Ano ang mga “bagay” na iyon na tinutukoy ni Jesus na idadagdag sa mga nangungunang naghahanap ng Kanyang kaharian at katuwiran? Ito ay pagkain, inumin, at kasuotan. Walang sasalungat na, dahil iyan ang sinabi ni Jesus bago binigkas ang naturang (tingnan ang Mt. 6:25-31). Ang pagkain, inumin at kasuotan ang tanging tunay na materyal na pangangailangan. Sa katunayan, ang mga iyon lang ang taglay ng mga naglalakbay na alagad.

Malinaw na umaayon din si Pablo sa depinisyon ni Jesus sa kung ano ang ating pangangailangan, na isinulat niya kay Timoteo:

Kung sabagay, malaki nga ang mapapakinabang sa relihiyon kung ang tao’y marunong masiyahan. Wala tayong dalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis dito. Kaya nga’t, dapat na tayong masiyahan kung tayo’y may kinakain at isinusuot. Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasamang hangaring magtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan. Sapagka’t ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian (1 Tim. 6:6-10, idinagdag ang pagdidiin).

Naniniwala si Pablo na ang pagkain at kasuotan ang tanging materyal na pangangailangan, kung hindi, hindi sana niya sinabi na kailangan nating makuntento kung mayroon tayo ng mga iyon. Inaakay tayo niyan sa bahagyang naiibang perspektiba tungkol sa pangako niya sa mga taga-Filipos na ibibigay lahat ng Diyos ang kanilang pangangailangan! Sa pagpapalawig ng ilang ministro sa bersong iyon, maiisip mong ang sinasabi ay, “Ibibigay ng aking Diyos ang lahat ng inyong katakawan!” Dagdag pa, kung kuntento lang tayo sa pagkain at kasuotan, gaano pa kaya ang ating pagkakuntento sa talagang mayroon tayo, na sa karamihan sa atin ay higit pa sa pagkain at kasuotan?

Di Pagkakuntento (Discontentment)

Ang problema natin ay akala natin nangangailangan pa tayo nang higit pa. Alalahanin ang katotohanang noong nilikha ng Diyos sina Adan at Eva, wala silang pag-aari, nguni’t nakatira sila sa paraiso. Malinaw na hindi intensyon ng Diyos na manggaling ang kaligayahan natin sa pangangalap ng materyal na mga bagay. Naisip na ba ninyo na kailanman ay hindi binuksan ni Jesus ang isang gripo o tumindig sa ilalim ng shower sa isang banyo? Kailanman ay hindi niya nilabhan ang kanyang kasuotan sa washing machine; kailanman ay hindi Niya binuksan ang pintuan ng isang refrigerator. Hindi Siya kailanman nag-drive ng isang sasakyan ni nagbisikleta. Kahit minsan ay hindi Siya nakinig sa radyo, hindi Siya nakipag-usap sa telepono, hindi nagluto ng pagkain sa isang stove, o nangaral gamit ang public address system. Kailanman ay hindi Siya nanood ng video o telebisyon, ni nagbukas ng de-koryenteng ilaw, o nagpalamig sa harap ng air conditioner o electric fan. Wala siyang relo. Wala siyang cabinet na puno ng damit. Paano Siya naging maligaya?

Sa Estados Unidos (at marahil pati rin sa inyong bansa), tinutuligsa tayo ng mga advertisements na nagpapakita sa atin kung paano naliligayahan ng mga tao dahil sa kanilang mga bagong materyal na ari-arian. Dahil diyan, tayo ay naliliwanagan (o “pinanlalabuan ng utak”) na isiping ang kaligayahan ay nanggagaling sa pagkakaroon natin ng higit na marami, at kahit na gaano ang ating nakakamal, hindi tayo nakukuntento. Ito ang tinutukoy ni Jesus na “pagkahumaling sa kayamanan” (Mt. 13:22). Ipinangangako ng mga materyal na bagay ang kaligayahan bagama’t madalang na tumutupad sa pangako. At sa pakikisali natin sa magulong labanan ng sanlibutan upang higit na magkamal ng materyal na bagay, sa katunayan ay nagiging tagasamba tayo ng diyus-diyosan, alila ng salapi, na nakakalimot sa Diyos at ng Kanyang mahahalagang utos na mahalin Siya nang lubusan pati na ang ating mga kapwa na tulad ng pagmamahal natin sa sarili. Nagbabala sa Israel ang Diyos tungkol dito:

Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang Kanyang mga utos at mga tuntunin. Kung kayo’y namumuhayna nang sagana, nakatira na sa magagandang bahay, at marami nang alagang hayop, at marami nang naipong pilak at ginto, huwag kayong magmalaki. Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin sa bansang Egipto (Deut. 8:11-14).

Gayundin, nagbabala si Jesus na “ang pagkahumaling sa kayamanan” ay maaaring sumakal sa espiritwal na buhay mula sa isang tunay na mananampalatayang pinayagang malihis ang sarili (tingnan ang Mt. 13:7, 22). Nagbabala si Pablo na “ang pag-ibig sa salapi ang ugat ng lahat ng uri ng kasamaan,” at sinasabing “may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian” (1 Tim. 6:10).

Pinapayuhan tayo ng autor ng aklat ng Hebreo, “Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagka’t sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man’” (Heb. 13:5). Patikim lamang ang mga ito sa mga babala ng Kasulatan tungkol sa panganib ng kayamanan.

Kapag Pinuno ang Salapi (When Money is Master)

Marahil ay wala nang hihigit pang sukatan ng ating relasyon sa Diyos kundi ang pakikiugnay natin sa salapi. Salapi—ang panahon at ang paraan ng pagkuha nito, at ang ginagawa natin dito pagkatapos nating makuha—ay nagbubunyag ng ating espiritwal na pamumuhay. Ang salapi, kapag taglay natin at kahit di natin taglay, ang nagpapainit ng tukso higit sa ano pa man. Ang salapi ang maaaring magsadlak sa atin upang huwag sundin ang unang dalawang dakilang utos, dahil maaaring maging diyos ito na hihigit pa sa tanging Diyos at maaari tayong akitin upang mahalin ang ating sarili nang higit pa sa ating kapwa. Sa kabilang dako, magagamit ang salapi upang patunayan ang pag-ibig natin sa Diyos at sa ating kapwa.

Minsan ay isinalaysay ni Jesus ang talinhaga tungkol sa isang taong pinahintulutan ang salaping pamahalaan siya, sa halip na ang Diyos:

Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! Alam ko na! ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya’t magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpasarap sa buhay! Nguni’t sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito’y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, nguni’t dukha naman sa paningin ng Diyos” (Lu. 12:16-21).

Inilarawan ni Jesus ang mayamang taong ito bilang isang hangal. Bagama’t nabiyayaan ng kalusugan, mayamang bukirin at karunungan sa pagsasaka, hindi niya kilala ang Diyos, kaya sana’y hindi niya itinago ang sumobrang ari-arian upang magpasarap sa buhay. Bagkus, hinanap sana niya ang kalooban ng Panginoon sa kung ano ang gagawin sa kanyang pagpapala, dahil alam niyang tagapamahala lang siya ng pag-aari ng Diyos. Siyempre, nais ng Diyos na ipamahagi niya ang kanyang kasaganaan at magpatuloy sa kanyang gawain upang maipagpatuloy ang pamamahagi ng kanyang kasaganaan. Marahil ang tanging katanggap-tanggap na gagawin ay huminto sa pagsasaka at gugulin ang lakas sa isang ministeryo, kung iyan ang itinawag ng Diyos na gagawin niya.

Ang mayamang magsasaka sa talinhaga ni Jesus ay nagkaroon ng malaking kamalian sa pagkalkula ng petsa ng kanyang kamatayan. Ipinagpalagay niya na mabubuhay pa siya nang maraming taon, bagama’t ilang oras na lang pala ang nalalabi sa kanyang buhay. Hindi maaaring ipagkamali ang punto ni Jesus: kailangan nating mabuhay bawa’t araw na parang huling araw na ito, laging handang haharap sa Diyos upang magbigay ng salaysay.

Dalawang Perspektiba (Two Perspectives)

Iba talaga ang perspektiba ng Diyos sa tao! Ang mayamang tao sa talinhaga ni Jesus ay maaaring kinaiinggitan ng maraming nakakikilala sa kanya, nguni’t kinaawaan siya ng Diyos. Mayaman siya sa mata ng mga tao, nguni’t mahirap sa tingin ng Diyos. Tinipon sana niya ang kayamanan sa langit, na magiging kanya magpakailanman, nguni’t pinili niyang tipunin ito sa lupa kung saan walang silbi ito sa kanya sa oras ng kanyang kamatayan. At ayon sa itinuro ni Jesus tungkol sa mga taong greedy, mukhang hindi maaaring nais ni Jesus na isipin natin na pumunta sa langit ang mayamang tao nang mamatay siya.

Dapat tulungan tayo ng talinhagang ito upang tandaan na lahat ng pag-aari natin ay kaloob ng Diyos, at inaasahan Niya tayong maging matapat na tagapamahala. Angkop ito, hindi lamang sa mga nagtataglay ng materyal na kayamanan, kundi sa sinuman at lahat ng natutuksong lubhang pahalagahan ang mga materyal na bagay. Nilinaw ito ni Jesus sa pagpapatuloy ng pakikipag-usap Niya sa Kanyang mga alagad:

Sinabi pa ni Jesus [ibig sabihin, ang sasabihin Niya sa kanila ay batay sa nasabi na Niya] sa Kanyang mga alagad, “Kaya’t sinasabi Ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong pagkain para mabuhay o tungkol sa damit na ibibihis sa inyong katawan, sapagka’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang bodega o kamalig; nguni’t pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng pangangamba? Kung hindi ninyo magawa ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nangangamba tungkol sa ibang mga bagay? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa parang at unawain kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Nguni’t sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa kabila ng kanyang kayamanan, ay hindi nakapagdamit ng kasingganda ng isa sa kanila. Kung dinaramtan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa’y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya! Kaya’t huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakanin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Subali’t pagsikapan muna nang higit sa lahat na kayo’y pagharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.” “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagka’t ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nawawala. Doo’y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. Sapagka’t kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso” (Lu. 12:22-34).

Talagang salungat ang mga salita ni Jesus sa sinasabi ng mga modernong “mangangaral ng kasaganaan”! Ngayon sinasabihan tayo na gusto ng Diyos na magkaroon tayo ng higit pa, samantalang sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na ipagbili nila ang kanilang ari-arian at ibigay ang pinagbilhan sa mga nangangailangan! Muli ibinunyag Niya ang kahangalan ng mga taong nagtitipon ng kayamanan sa lupa—kung saan nakatalagang mawala ang mga naturang ari-arian, at kung saan nananahan ang puso ng mga may-ari-ng-kayamanan.

Pansinin na iniangkop ni Jesus ang aral ng hangal na mayaman sa mga kakaunti ang pag-aari upang matukso silang mabahala tungkol sa pagkain at kasuotan. Ang pagkabahala sa mga naturang bagay ay nagkakanulong mali ang ating pokus. Kung nagtitiwala tayo sa ating butihing Ama na tulad ng dapat, hindi tayo mababahala, at ang saloobing hindi pagkabahala ang nagpapalaya sa ating upang tumuon sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Ang Halimbawa ni Cristo (Christ’s Example)

Marami pang ibang gustong sabihin si Jesus tungkol sa salapi. Nguni’t itinuro niya ito, na siyang dapat gawin ng bawa’t ministrong tagalikha-ng-alagad, sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa. Ipinangaral Niya ang Kanyang ginagawa. Paano namuhay si Jesus?

Hindi nagkamal ng makalupang kayamanan si Jesus, kahit na madali sana Niyang pinagsamantalahan ang Kanyang sitwasyon at naging lubhang mayaman. Maraming marurunong na ministro ang maling nagpapalagay na kung nang-aakit ng salapi ang kanilang ministeryo ay nais ng Diyos na yumaman ang kani-kanilang sarili. Nguni’t hindi ginamit ni Jesus ang Kanyang paghirang para sa pansariling pakinabang. Ang salaping ibinigay sa Kanya aay ginamit upang lumikha ng mga alagad. Ipinagkaloob pa Niya ang pangangailangan ng Kanyang naglalakbay na kasamahang inalagad Niya. [1] Sa ating panahon, ang mga batang alagad ay kadalasang nagbabayad upang bigyang-aral ng mga higit na namumunong ministro sa mga Bible school. Nguni’t ipinakita ni Jesus ang kabaligtaran!

Namuhay rin si Jesus ng isang buhay na nagtitiwala, nananalig na ibibigay ng Kanyang Ama ang lahat ng Kanyang pangangailangan at pagpalain Siya upang maibigay Niya ang pangangailangan ng iba. Kung minsan naaanyayahan Siya sa mga pagtitipon upang maghapunan, at kung minsan naman ay makikita natin Siyang kumakain ng hilaw na butil mula sa isang palayan (tingnan ang Lu. 6:1).

Sa hindi bababa sa dalawang beses nagdulot Siya ng pagkain sa libu-libong taong dumating upang makinig sa Kanya. Ibang-iba ito sa modernong kumperensyang Cristiano kung saan lahat ng nais makapakinig sa mananalita ay kailangang magbayad ng entrance fee! Tayong nagbibigay ng libreng pagkain para sa mga dumadalo sa kumperensya ng mga ministro ay tinutuya pa kung minsan dahil sa “pagbayad ng mga taong makikinig sa atin.” Sa realidad, sinusunod lang natin ang modelo ni Jesus.

Kinalinga rin ni Jesus ang mga mahihirap, dahil may itinatagong lalagyan-ng-pera ang Kangyang grupo na pinagkukunan nila ng ipinamimigay. Ang pagbigay sa mga mahihirap ay karaniwang gawain sa ministeryo ni Jesus at nang sinabi Niya kay Hudas na magmadali habang lumilisan Siya mula sa Banal na Hapunan, lahat ng ibang alagad ang nagpalagay na maaaring bibili si Hudas ng pagkain para sa kanilang grupo o magbibigay ng pera sa mga mahihirap (tingnan ang Jn. 13:27-30).

Tunay na mahal ni Jesus ang Kanyang kapwa tulad ng pagmamahal sa Sarili Niya, kaya simple Siyang namuhay at nagpamahagi. Hindi Niya kinailangang magsisi sa pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo na nagsabing, “Kung mayroon kang dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala” (Lu. 3:11). Isa lang ang balabal ni Jesus. Ngunit ilang mangangaral ang nagtatangkang kumbinsihing tayo sa pagsasabing mayaman si Jesus dahil nagsusuot Siya ng walang dugtong na panloob na kasuotan (tingnan ang Juan 19:23), damit na sinasabing isinusuot lang ng mga mayayaman. Kamangha-manghang nakakahanap ng kahalagahan sa isang biblikal na pahayag kung nais patunayan ng isang tao ang nagsasalungat sa maraming ibang pahayag! Kung gayon ay ipagpalagay na rin natin ang parehong walang katotohanang kongklusyong tinatangkang itago ni Jesus ang Kanyang kayamanan, dahil hindi rin Siya nagsusuot ng walang dugtong na panlabas na damit.

Higit pa ang masasabi ni Jesus tungkol sa salapi na hindi na sapat ang ating espasyo upang pag-aralan. Nguni’t tingnan pa natin ang ilan sa mga higit na karaniwang aral ng modernong mangangaral ng kasaganaan na magaling sa pagbabaluktot ng mga kasulatan at mandaya sa mga mapaniwalaín.

“Pinayaman ng Diyos si Solomon” (“God Made Solomon Rich”)

Ito ang katwirang ginagamit ng maraming mangangaral ng kasaganaan upang ikubli ang kanilang kasakiman. Hindi nila natatandaang may dahilan ang Diyos sa pagbibigay ng kayamanan kay Solomon. Ang dahilan ay, nang ipangako ng Diyos kay Solomon na ibibigay Niya ang anumang kahilingan, humingi si Solomon ng karunungang pamahalaan ang mga tao. Lubhang nasiyahan ang Diyos na hindi humingi si Solomon ng kayamanan (maliban sa iba pa) kaya bilang karagdagan sa karunungan, binigyan rin Niya siya ng kayamanan. Nguni’t hindi ginamit ni Solomon ang dulot-ng-Diyos niyang karunungan na siyang nais ng Diyos, kaya siya naging pinakahangal na taong nabuhay. Kung naging marunong sana siya, sinunod sana niya ang sinabi ng Diyos sa Israel sa Kautusan bago pa man siya ipanganak:

Maaari kayong maglagay ng hari, nguni’t ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan. Ang gagawin ninyong hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo, sapagka’t ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon. Hindi siya dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya dapat magpayaman sa panahon ng paghahari (Deut. 17:15-17).

Narito ang isa pang kasulatang laging ipinagwawalambahala ng mga mangangaral, na sinusunod ang halimbawa ni Solomon na hindi rin pumansin dito at naging dahilan ng kanyang pagkamatay. At tulad niya, sumamba rin sila sa mga diyus-diyosan. Tandaan na nalihis ang puso ni Solomon upang akayin siya ng marai niyang asawa upang sumamba sa diyus-diyosan, mga asawang nakayanan niyang suportahan dahil sa maling paggamit ng kanyang kayamanan.

Binalak ng Diyos na gamitin ni Solomon ang kaloob-ng-Diyos niyang kayamanan upang mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal niya sa sarili, nguni’t ginamit iyon ni Solomon upang mahalin lamang ang kanyang sarili. Pinarami niya ang ginto, pilak, kabayo at asawa para sa kanyang sarili, na pagsuway sa utos ng Diyos. Sa huli nag-asawa siya ng pitong daang asawa at nagkaroon ng tatlong daang kerida, na ganap na pinagnakawan ang isang libong lalaki ng kani-kanilang asawa. Sa halip na magbigay sa mahihirap, nagpakasarap si Solomon sa sarili niya. Kamangha-manghang tinitingala ng mga mangangaral ng kasaganaan si Solomon bilang modelo sa bawa’t Cristianong Bagong Tipan kung titingnan ang kanyang pagkamakasarili at lantarang pagsamba sa diyus-diyosan. Hindi ba’t ang layunin natin ay maging tulad ni Cristo?

“Pinayaman ng Diyos si Abraham, at ang mga Pagpapala ni Abraham ay Ipinangako Sa Atin” (“God Made Abraham Rich, and Abraham’s Blessings Are Promised To Us”)

Ang karaniwang katwirang ito ay inimbento mula sa mga salita ni Pablo na nakikita sa pangatlong kabanata ng Mga Taga-Galacia. Uulitin ko ang laging maling-inuulit na berso, nguni’t ilalagay ko sa konteksto:

Bago pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na ipawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa Kanya at ang Magandang Balitang ito inihayag kay Abraham, “Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa.” Sumampalataya sa Diyos si Abraham kaya’t siya’y pinagpala, at pagpapalain ding tulad niya ang lahat ng nananalig sa Diyos.

Ang lahat ng umaasa sa mga gawa ayon sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagka’t nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod at hindi gumagawa ng lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” Malinaw na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagka’t sinasabi ng kasulatan, “Ang pinawalang-sala ay mabubuhay dahil sa pananampalataya. Ang Kautusan ay walang kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, sapagka’t sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa lahat ng hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.” Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagka’t nasusulat, “Isinumpa ang bawa’t ibinitin sa punongkahoy.” Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus (Gal. 3:8-14, idinagdag ang pagdidiin).

Ang “pagpapala ni Abraham” na isinulat ni Pablo sa berso 14 ay ang pangako ng Diyos kay Abraham upang pagpalain ang lahat ng bansa sa kanya (na inulit ni Pablo sa berso 8), o higit na ispesipiko, tulad ng pagpapaliwanag ni Pablo makaraan lang ang ilang berso, at sa iyong supling, na iisa ang tinutukoy at ito’y si Cristo (Gal. 3:16). Ayon sa kababasa lang natin, ibinigay ni Jesus ang ipinangakong pagpapala sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng pagtanggap ng sumpa ng Diyos, pagkamatay para sa kasalanan ng sanlibutan sa krus. Kaya ang “ang pagpapala ni Abraham papunta sa mga Hentil” ay hindi tungkol sa pagbibigay ng Diyos ng kayamanan sa mga Hentil tulad ng kay Abraham, kundi tungkol sa pangako ng Diyos kay Abrfaham upang pagpalain ang mga bansang Hentil sa pamamagitan ng Kanyang supling—at ang pagtupad dito ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus para sa kanila. (Ang umiiral na tema ni Pablo dito ay ang maligtas ang mga Hentil ng pananampalataya, tulad ng mga Judio, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus.)

Isa Pang Pagbabaluktot (Another Twisting)

Ang pahayag ding ito ay laging ginagamit sa ibang paraan ng mga mangangaral ng kasaganaan upang pangatwiranan ang kanilang doktrina. Sinasabi nila iyan, dahil ipinangako ng kautusan ang sumpa ng kahirapan sa mga hindi sumusunod (tingnan ang Deut. 28:30-31, 33, 38-40, 47-48, 51, 68), at dahil isinulat ni Pablo, “Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan” sa Galacia 3:13, tayong na kay Cristo ay tinubos mula sa sumpa ng kahirapan.

Una, mapagtatalunang iniisip ni Pablo ang mga ispesipikong sumpang nakikita sa Deuteronomio 28 nang sumulat siya tungkol “sa sumpa ng kautusan” kung saan tinubos tayo ni Cristo. Pansinin na hindi sinabi ni Pablo na tinubos tayo ni Cristo mula sa “mga sumpa” (maramihan) ng kautusan, kundi ang “sumpa” ng kautusan, isahan, marahil ay ipinapahiwatig na ang buong kautusan ay isang sumpa sa mga nagtatangkang humanap ng kaligtasan sa pagsunod nito, sa oras na natubos tayo ni Cristo, hindi na tayo magkakamaling tangkaing iligtas ang ating sarili sa pagsunod sa kautusan, kay sa puntong iyan tayo’y “tinubos mula sa sumpa ng kautusan.”

Kung talagang sinasabi ni Pablo na tinubos tayo ni Cristo mula sa bawa’t kahirapang nakatala sa Deuteronomio 28, at kung gayon ay tinitiyak ang ating materyal na kasaganaan, magtataka tayo kung bakit minsan ay nagsulat si Pablo tungkol sa kanyang sarili, “Hanggang sa oras na ito, kami’y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami’y pinapahirapan at walang matirhan” (1 Cor. 4:11). Magtataka rin tayo kung bakit isusulat ni Pablo,

Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? Ayon sa nasusulat, “Dahil pos a inyo’y buong araw kaming pinapatay, turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay” (Ro. 8:35-36).

Malinaw na hindi sana isinulat ni Pablo ang mga salitang iyon kung di kasali ang mga Cristiano sa paghihirap, pagmamalupit, taggutom, kahubaran, panganib o tabak dahil sa pagkakatubos ni Cristo sa atin mula sa sumpa ng kautusan.

Magtataka rin tayo kung bakit una nang inihayag ni Jesus ang sumusunod na eksena sa langit,

Kaya’t sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. Sapagka’t ako’y inyong pinakain noong ako’y nagugutom; ako’y inyong pinainom noong ako’y nauuhaw. Ako’y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’ “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y walang maisuot at aming dinamitan? At kailan po naming kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo’s aming dinalaw?’ “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.’ (Mt. 25:34-40, idinagdag ang pagdidiin).

Kaya walang dudang ang ilang mananampalatayang “tinubos mula sa sumpa ng kautusan” ay malalagay sa sitwasyong hindi-gaanong-masagana. Nguni’t pansinin na sa mga kalagayang puno ng pagsubok na inilarawan ni Jesus, ibinigay ng Diyos ang pangangailangan ng mga nahihirapang mananampalataya, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng ibang mananampalatayang mayroong higit sa kailangan nila. Lagi nating aasahang ibibigay ng Diyos ang ating kailangan, kahit na mukhang pansamantalang hindi.

Sa pagtatapos, ang mga mangangaral ng kasaganaan na iyon na nais maging mayamang tulad ni Abraham ay dapat na matapat na magtanong kung nais nilang mamuhay sa isang tolda sa buong buhay nila na walang koryente o tubig! Ang mga pinagpala ng Diyos ng anumang laki ng kayamanan sa Lumang Tipan ay inasahang gamitin ang kanilang kayamanan para sa kaluwalhatian ng Diyos, ipinamamahagi ang kanilang kasaganaan at pinaglalaanan ang iba. Ito ang ginawa ni Abraham, nagdulot ng trabaho sa daan-daang tao na siyang nagbigay ng kanilang pangangailangan (tingnan ang Gen. 14:14). Ginawa rin ito ni Job, na tumestigong ginamit ang kanyang kayamanan upang kalingain ang mga balo at ulila (Job 29:12-13, 31:16-22). Ang mga biniyayaan upang makapagpatayo ng negosyo ay dapat tiyaking ang kanilang pangunahing gawain ay sundin ang Diyos at ibigin ang kapwa tulad ng sarili nila.

“Sinasabi ng Kasulatan na Naging Mahirap si Jesus Upang Yumaman Tayo” (“Scripture Says That Jesus Became Poor So That We Could Become Rich”)

Totoong sinasabi ng Biblia,

Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kahit na mayaman, naging mahirap siya upang mapayaman kayo sa pamamagitan ng Kanyang pagiging mahirap (2 Cor. 8:9).

Pinagtatalunan na dahil ang kasulatang ito’y malinaw na nangangahulugang si Jesus ay materyal na mayaman sa langit at naging materyal na mahirap sa lupa, kung gayon ang materyal na kayamanan ang nasa isip ni Pablo nang isulat niyang maaaring maging mayaman ang kanyang mga mambabasa sa pamamagitan ng kahirapan ni Cristo. Sinasabi nilang kung ang tinutukoy ni Pablo ay materyal na kayamanan at kahirapan sa unang bahagi ng berso, hindi sana niya tinutukoy ang espiritwal na kayamanan sa pangalawang bahagi.

Nguni’t kung ang totoong ibig sabihin ni Pablo ay magiging mayaman tayo sa materyal na bagay dahil sa materyal na kahirapan ni Cristo, magtataka tayo kung bakit sumunod ay nagsulat siya ng kakaunting berso sa parehong sulat,

Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin nguni’t wala man lamang maibalabal (2 Cor. 11:27).

Kung ibig sabihin ni Pablo sa 2 Corinto 8:9 na naging mahirap si Cristo sa materyal na bagay upang maging mayaman tayo sa materyal na bagay, ang intensyon ni Cristo ay tunay na hindi nagaganap sa buhay ni Pablo! Kaya malinaw na hindi ibig sabihin ni Pablo na naging mahirap sa materyal na bagay si Cristo upang maging mayaman tayo sa materyal na bagay dito sa lupa. Ang ibig niyang sabihin ay magiging espiritwal na mayaman tayo, “mayaman patungo sa Diyos,” isang paghiram sa ekspresyong ginamit ni Jesus (tingnan ang Lu. 12:21), at mayaman sa langit na kinaroroonan ng ating kayamanan at puso.

Ligtas bang ipagpalagay na dahil tinutukoy ni Pablo ang materyal na kayamanan sa isang bahagi ng pangungusap na hindi maaaring tukuyin niya ang espiritwal na kayamanan sa ibang bahagi ng pangungusap, na siyang inaangkin ng mga mangangaral ng kasaganaan? Tingnan ang sumusunod na salita ng Jesus na patungkol sa ilan sa Kanyang mga tagasunod sa lunsod ng Smyrna:

Alam kong mahirap ka, nguni’t ang totoo’y mayaman ka…(Pah. 2:9a).

Alinaw na ang tinutukoy ni Jesus ay materyal na kahirapan na nararanasan ng mga mananampalataya sa Smyrna, at apat na salita pagkatapos, binabanggit Niya ang espiritwal na kayamanan ng parehong mananampalataya.

“Ipinangako ni Jesus ang Sandaang-Ulit na Balik ng Ating Pagbibigay” (“Jesus Promised a Hundred-Fold Return on Our Giving”)

Talagang ipinangako ni Jesus ang sandaang-ulit na balik doon sa gumagawa ng tanging pagsisikap. Basahin natin ang eksaktong sinabi Niya:

Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, at mga lupain, nguni’t may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan (Mc. 10:29-30).

Pansinin na hindi ito pangako sa mga nagbibigay ng salapi sa mga mangangaral, na tulad ng inaangkin ng mga nangangaral ng kasaganaan. Bagkus, ito ay isang pangako sa mga nag-iiwan ng kanilang tahanan, lupain at kamag-anak upang mangaral ng magandang balita sa malalayong pook. Ipinangako ni Jesus sa mga naturang tao “ang sandaang ulit na dami ngayon sa kasalukuyang panahon.”

Nguni’t nangangako ba si Jesus na ang mga naturang tao ay magiging literal na may-ari ng isandaang bahay o lupain na siyang inaangkin ng mga nangangaral ng kasaganaan? Hindi, hindi na hihigit sa pagpapangako Niyang ang mga taong ito ay magkakaroon ng isandaang literal na ina ang isandaang literal na anak. Sinasabi lang ni Jesus na malalaman ng mga nag-iiwan ng tahanan at pamilya na bubuksan ng kapwa nila mananampalataya ang kanilang tahanan at patutuluyin silang parang pamilya sa loob ng kanilang mag-anak.

Pansining ipinangako rin ni Jesus ang pag-uusig at buhay na walang-hanggan sa naturang mga tao. Ipinaaalala nito sa atin ang konteksto ng buong pahayag, kung saan nakita ng mga alagad ang isang mayaman at batang namumunong nais magtamo ng buhay na walang-hanggan at malungkot na lumayo nang ipahayag ni Jesus, “Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na mapabilang sa kaharian ng Diyos” (Mc. 10:25).

Nayanig ang mga alagad sa pahayag ni Jesus, at nakapag-isip ng kanilang sariling pagkakataong mapabilang sa kaharian ng Diyos. Ipinaalala nila kay Jesus ang iniwan nila upang sundin Siya. Saka binigkas ni Jesus ang Kanyang “sandaang-ulit” na pangako.

Dahil sa lahat ng ito, di kapani-paniwalang sinumang mangangaral ng kasaganaan ang magtangkang kumbinsihin tayo na ipinangangako ni Jesus ang isang literal na sandaang-ulit na balik ng materyal na bagay na sa kalaunan ay payayamanin tayo nang katakut-takot sa loob ng maikling mapahon, kung titingnan ang katotohanang, ilang saglit lang ang nakaraan, sinabi ni Jesus sa isang mayamang lalaki na ipagbili ang lahat ang ibigay ang pinagbentahan sa mga mahihirap kung nais niya ng buhay na walang-hanggan!

Marami pang mga kasulatan ang binabaluktot ng mga nangangaral ng kasaganaan maliban sa mga nakita na natin, nguni’t nililimitahan tayo dito ng espasyo. Mag-ingat!

Isang Kasabihang Dapat Tandaan ( A Maxim to Remember)

Si John Wesley, nagtatag ng kilusang Methodist sa Church of England, ay nag-imbento ng isang kahanga-hangang kasabihan tungkol sa tamang perspektiba sa salapi. Ito ay, “Humanap ka hangga’t kaya mo; magtabi ka hangga’t kaya mo; magbigay ka hangga’t kaya mo.”

Ibig sabihin, kailangan munang magtrabahong mabuti ang mga Cristiano, gamit ang kanilang kaloob-ng-Diyos na kakayahan at pagkakataon upang humanap ng salapi, nguni’t siguruhing matapat nilang gawin ito at hindi sasalungat sa anumang utos ni Cristo.

Pangalawa, kailangan nilang mamuhay nang simple, na bahagya lamang ang paggasta para sa sarili, upang “makapag-ipon hangga’t kaya nila.”

At panghuli, pagkasunod sa unang dalawang hakbang, maaari na silang “magbigay hangga’t kaya nila,” hindi nililimita sa ikapu, kundi higitan ang paghihigpit sa sarili upang ang mga balo at ulila ay mapakain at maikalat ang magandang balita sa buong sanlibutan.

Talagang ginawa ng sinaunang iglesia ang naturang pamamahala, at ang pamamahagi sa mga nangangailangan sa kanila ay isang regular na katangian ng buhay sa Bagong Tipan. Siniryoso ng mga unang mananampalataya ang utos ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod, “Ipagbili ang inyong ari-arian at ipamahagi sa dukha ang pinagbilhan; gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma, at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nawawala. Doo’y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira” (Lu. 12:33). Mababasa natin sa kuwento ni Lucas ang sinaunang iglesia:

Nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay para sa kanilang lahat. Ipinagbibili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamamahagi sa bawa’t isa ayon sa kanyang pangangailangan. Nagkakaisa ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuturing ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At ibinuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang kinakapos sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay at ang pinagbilhan ay dinadala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawa’t isa (Gw. 2:44-45; 4:32-35).

Malinaw din ang Kasulatan na pinakain at ibinigay ang mga pangangailangan ng mahihirap na balo (tingnan ang Gw. 6:1; 1 Tim. 5:3-10).

Itinuring ni Pablo, ang pinakadakilang apostol na nabuhay, pinagkatiwalaan ng Diyos na dalhin ang magandang balita sa mga Hentil, autor ng napakalalaking sulat sa Bagong Tipan, na ang ministeryo sa materyal na pangangailangan ng mga mahihirap ay mahalagang bahagi ng kanyang ministeryo. Sa mga itinatag niyang iglesia, nakakalap si Pablo ng malalaking halaga ng salapi para sa mahihirap na Cristiano (tingnan ang Gw. 11:27-30; 24:17; Ro. 15:25-28; 1 Cor. 16:1-4; 2 Cor. 8-9; Gal. 2:10). Hindi bababa sa labimpitong taon pagkatapos niyang magbagong-buhay, naglakbay si Pablo sa Jerusalem upang isumite ang natanggap niyang magandang balita upang busisihin nina Pedro, Santiago at Juan. Wala sa kanila ang nakakita ng kamalian sa mensaheng ipinangangangaral niya, at nang isalaysay ni Pablo ang okasyon sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia, naalala niya, “Ang hiling lamang nila ay huwag naming pababayaan ang mga dukha, at talaga namang patuloy ko itong ginagawa (Gal. 2:10). Sa isipan nina Pedro, Santiago, Juan at Pablo, ang pagpapakita ng pakikiramay sa mga dukha ay pangalawa lamang sa pangangaral ng magandang balita.

Sa Pagbubuod (In Summary)

Sa paksang ito, ang pinakamainam na payo sa mga ministrong tagalikha-ng-alagad ay nanggaling kay apostol Pablo, na pagkatapos bigyan si Timoteo ng babala na “ang pag-ibig sa salapi ang ugat ng lahat ng uri ng kasamaan,’ at sinasabing “ang ilang nananabik dito ay nakalayo na sa pananampalataya at idinulot sa kanilang sarili ang masidhing kapighatian,” at pinayuhan siya,

Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kahinahunan (1 Tim. 6:11, idinagdag ang pagtitiis).

 


[1] Laging ginagamit ang katotohanang ito ng mga mangangaral ng kasaganaan upang patunayang masagana ang ministeryo ni Jesus. Walang dudang ibinigay ng Diyos ang pangangailangan ni Jesus upang magawa Niya ang kanyang misyon. Ang kaibhan ni Jesus sa mga mangangaral ng kasaganaan ay hindi maramot si Jesus, at hindi Niya ginugol ang salapi ng Kanyang ministeryo upang payamanin ang Sarili.