Sa kabanatang ito titingnan natin ang maraming aspekto ng ministeryo ng pagtuturo. Ang pagtuturo ay tungkulin ng apostol, propeta, Ebangheliko, [1] pastor/namumuno/tagapangasiwa, mga guro (siyempre), at sa ilang antas, lahat ng tagasunod ni Cristo, dahil dapat ay lumilikha tayong lahat ng alagad, nagtuturo sa ating mga alagad na sundin ang utos ni Cristo. [2]
Gaya ng naidiin ko na, ang pastor o ministrong lumilikha ng alagad ay nagtuturo una sa kanyang halimbawa, at pangalawa, pabigkas. Itinuturo niya ang kanyang ginagawa. Ang apostol na si Pablo, isang matagumpay na tagalikha-ng-alagad, ang nagsulat na:
Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo (1 Cor. 11:1).
Ito ay dapat maging layunin ng bawa’t ministro—ang tapat na masabi sa kanyang pinamumunuan, “Tularan ninyo ako. Kung gusto ninyong malaman kung paano namumuhay ang isang tagasunod ni Cristo, tingnan n’yo lang ako.”
Bilang paghahambing, naaalala ko na sinabi ko sa isang kongregasyong pinastoran ko, “Huwag ninyo akong sundin…sundin ninyo si Cristo!” Bagama’t hindi sumagi sa isip ko noon, tinatanggap ko na hindi ako magandang halimbawa upang tularan. Katunayan, talagang inaamin ko na hindi ko sinusunod si Cristo na siyang nararapat, at sinasabi sa lahat na gawin ang hindi ko ginagawa! Talagang naiiba ito sa sinabi ni Pablo. Sa totoo lang, kung hindi natin masabi sa mga tao na tularan tayo dahil tinutularan natin si Cristo, wala tayo dapat sa ministeryo, dahil ginagamit ng mga tao ang mga ministro bilang kanilang modelo. Ang iglesia ay repleksiyon ng kanyang mga pinuno.
Pagtuturo ng Pagkakaisa sa Pagbibigay-Halimbawa (Teaching Unity by Example)
Gamitin ang konseptong ito sa pagtuturo ng isang partikular na paksa, ang paksa ng pagkakaisa. Lahat ng mga pastor/namumuno/tagapangasiwa ay nagnanaisna magkaisa ang kanilang mga kawan. Namumuhi sila sa paghahati-hati sa ilalim ng kanilang lokal na katawan. Alam nila na hindi nakasisiya sa Panginoon ang paghahati-hati. Kunsabagay, inutusan tayo ni Jesus na magmahalan gaya ng pagmamahal niya sa atin (tingnan ang Juan 13:34-35). Ang ating pag-ibig sa isa’t isa ang nagbibigay-tanda sa atin bilang Kanyang mga alagad sa harap ng nanonood na mundo. Dahil dito, karamihan sa mga namumuno ng mga kawan ay nagpapayo sa kanilang mga tupa upang ibigin ang isa’t isa at magsikap ng pagkakaisa.
Nguni’t, bilang ministrong dapat ay pangunahing nagtuturo sa pamamagitan ng ating halimbawa, hindi natin naaabot ang ating itinuturo tungkol sa pag-ibig at pagkakaisa sa pamamagitan ng ating pamumuhay. Kung, halimbawa, ipinakikita natin ang kakulangan ng pag-ibig at pakikiisa sa ibang pastor, nagpapadala tayo ng mensahe na sumasalungat sa itinuturo natin sa ating mga kongregasyon. Inaasahan natin silang gumawa ng hindi natin ginagawa. Ang katotohanan ay, ang pinakamahalagang salitang binigkas ni Jesus sa pagkakaisa ay sinabi sa mga pinuno tungkol sa ugnayan nila sa ibang mga pinuno. Halimbawa, sa bisberas ng Paskwa, pagkatapos Niyang hugasan ang paa ng Kanyang mga alagad, sinabi Niya sa kanila,
Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagka’t ako nga iyon. Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa’t isa (Jn.13:13-15). [Pansinin na nagturo si Jesus sa pamamagitan ng halimbawa.]
Kadalasang ginagamit ng mga pastor ang siping ito ng Kasulatan upang turuan ang kanilang mga kawan ng tungkol sa pag-ibig sa isa’t isa, na siyang nararapat. Bagama’t ang mga salita sa siping ito ay patungkol sa mga pinuno, ang labindalawang apostol. Alam ni Jesus na ang Kanyang iglesia sa kinabukasan ay may maliit na pag-asang magtagumpay sa kanyang misyon kapag ang mga pinuno ay nahahati o nakikipagkompetensiya sa isa’t isa. Kaya nilinaw niya na Inaasahan Niya ang Kanyang mga pinuno na mapagkumbabang manilbihan sa isa’t isa.
Sa konteksto ng kultura ng Kanyang panahon, ipinakita ni Jesus ang mapagkumbabang serbisyo sa pamamagitan ng paggawa ng isa sa pinakamababang gawain ng isang alila, ang paghugas ng paa. Kung dinalaw Niya ang ibang kultura sa ibang panahon ng kasaysayan, mahuhukay niya ang mga kasilyas o nahugasan niya ang mga basurahan ng Kanyang mga alagad. Ilan sa Kanyang modernong pinuno ang handang magpakita ng ganyang uri ng pag-ibig at pagpapakumbaba para sa isa’t isa?
Sa loob ng kulang sa isang oras, paulit-ulit na idiniin ni Jesus ang mahalagang mensaheng ito. Ilang minuto pagkahugas sa kanilang paa, sinabi ni Jesus sa Kanyang grupo ng susunod na mga pinuno ng iglesia:
Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo’y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko (Jn.13:34-35).
Ang mga salitang ito’y talagang may kinalaman sa lahat ng alagad ni Cristo, nguni’t una silang binigkas sa mga pinuno tungkol sa ugnayan nila sa ibang pinuno.
Minsan pa, pagkaraan ng ilang minuto, sinabi ni Jesus,
Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. (Jn. 15:12-13).
Pansinin na nakikipag-usap na naman si Jesus sa kanyang mga pinuno.
Sa loob ng ilang segundo, sinabi Niya uli,
Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo (Jn. 15:17).
Pagkaraan ng ilang sandali, narinig ng mga alagad ni Jesus ang panalangin Niya para sa kanila,
At ngayon, ako’y papunta na sa iyo; iiwanan Ko na ang sanlibutang ito, nguni’t sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan Mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay Mo sa Akin, upang kung paanong Ikaw at Ako ay iisa, gayundin naman sila’y maging isa. (Jn. 17:11, idinagdag ang pagdidiin).
Sa katapusan, makaraan lamang ang ilang Segundo, habang ipinagpatuloy ni Jesus ang Kanyang panalangin, narinig Siya ng Kanyang mga alagad na nagsabing,
Hindi lamang sila ang idinadalangin ko; idinadalangin ko pati ang mga mananalig sa Akin dahil sa pahayag ng aking mga tagasunod. Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang mga tao sa daigdig ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa Akin. Ibinigay ko na sa kanila ang karangalang ibinigay Mo sa akin upang sila’y ganap na maging isa, tulad Mo at Ako na iisa. Ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, makikilala ng mga tao sa daigdig na isinugo Mo Ako at sila’y minamahal Mo, katulad ng pagmamahal Mo sa Akin. (Jn. 17:20-23, idinagdag ang pagdidiin).
Kaya, sa loob ng kulang na isang oras, idiniin ni Jesus nang anim na beses sa susunod na pinuno ang kahalagahan ng pagiging isa nila at ipinakikita ang kanilang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapakumbabang pagmamahal at paninilbihan sa isa’t isa. Halatang napakahalaga nito kay Jesus. Ang kanilang pagkakaisa ay pangunahing salik sa paniniwala ng sanlibutan sa Kanya.
Paano na Tayo? (How Well Are We Doing?)
Sa malas, samantalang umaasa tayo na ang ating mga kawan ay iisa sa pag-ibig, marami sa atin ang nakikipagkompetensiya sa isa’t isa at gumagamit ng mga masamang paraan upang itayo ang ating mga iglesia sa kapinsalaan ng ibang iglesia. Marami sa atin ang umiiwas sa pakikipagkapwa sa ibang pastor na naiiba ang doktrina. Ipinapatalastas pa natin ang kakulangan ng pakikiisa sa pamamagitan ng mga tandang ipinakikita natin sa buong mundo na nakapaskil sa harap ng ating mga iglesia, at nagbibigay ng mensahe sa lahat: “Hindi kami katulad ng ibang Cristiano sa ibang gusaling iglesia.” (At nakagawa tayo ng magandang gawain sa pagpapakita sa mundo ng ating kakulangan sa pakikiisa, na alam ng maraming di-sumasampalataya na ang Kristianismo ay institusyong lubhang hati.)
Sa madaling sabi, hindi natin ginagawa ang ating itinuturo, at ang ating halimbawa ay nagtuturo sa ating mga kongrgasyon ng higit pa sa sinasabi ng ating mga sermon tungkol sa pagkakaisa. Kalokohang isiping ang karaniwang mga Cristiano ay magkakaisa at umibig sa isa’t isa kung iba naman ang ginagawa ng kanilang mga pinuno.
Ang tanging solusyon, siyempre, ay pagsisisi. Dapat tayong magsisi sa pagbibigay ng maling halimbawa sa mga mananampalataya at sa buong mundo. Dapat nating alisin ang mga balakid na naghahati sa atin at mag-umpisang magmahal sa isa’t isa tulad ng utos ni Jesus.
Ibig sabihin niyan na tayo, una sa lahat, ay makikipagtipon sa ibang pastor at ministro, kasama na ang ibang pastor ng iba-ibang doktrina. Hindi ko sinasabing makipagkapwa sa mga pastor na hindi muling isinilang, o hindi nagsisikap sumunod kay Jesus, o nasa ministeryo para sa sariling kapakanan. Sila ay mga lobo sa kasuotan ng tupa, at sinabi ni Jesus sa atin kung paano sila makikilala. Makikilala sila sa kanilang mga bunga.
Bagkus ay tinutukoy ko ang mga pastor at ministrong nagsisikap sumunod sa mga utos ni Jesus, tunay na magkakapatid kay Cristo. Kung ikaw ay pastor, dapat kang tapat na nagmamahal sa ibang mga pastor, at ipinakikita ang pagmamahal na iyan sa pamamagitan ng mga praktikal na paraan sa harap ng iyong kawan. Isang paraan upang magsimula ay ang pagpunta sa ibang mga pastor sa iyong lugar at hingin ang kanilang kapatawaran sa hindi mo pagpapakita ng pagmamahal na dapat mong ginagawa. Iyan ay dapat bubuwag sa ilang mga dingding. Pagkatapos ay magpasyang regular na magtipon upang maghapunan, manghikayat at magpayo sa bawa’t isa at manalangin. Kapag nangyari iyan, maaaring susunod ninyong pag-usapan nang may pagmamahal ang mga doktrinang naghahati sa inyo, at magsikap ng pagkakaisa umayon man kayo o hindi sa inyong mga pinag-usapan. Ang buhay ko at ministeryo ay lubhang napayaman nang sumang-ayon akong makinig sa mga minisrong hindi nabibilang sa sarili kong kampong doktrinal. Napagkaitan ako ng maraming pagpapala sa loob ng maraming taon sa aking pag-iisa.
Maaari rin ninyong ipakita ang pag-ibig at pagkakaisa sa pag-anyaya ng ibang pastor upang magsermon sa inyong iglesia o pagtitipon sa tahanang iglesia, o maaaring magkaroon ng sama-samang pagtitipon sa ibang iglesia o pagtitipon ng tahanang iglesia.
Maaari mong palitan ang pangalan ng iyong iglesia upang hindi nito ipatalastas sa mundo ang hindi mo pakikiisa sa lahat ng katawan ni Cristo. Maaari kang tumiwalag sa iyong denominasyon o asosasyong may pangalan upang makilala lamang na kasama ang katawan ni Cristo, na nagpapadala ng mensahe sa lahat na naniniwala kang nagtatayo si Jesus ng iisang iglesia, hindi maraming iglesiang hindi kayang makiisa sa iba.
Ito, alam ko, ay nagtutunog-radikal. Nguni’t bakit gagawin ang anuman upang iangat ang hindi kailanman intensiyon ni Jesus? Bakit sasali sa alinman na hindi magbibigay-kasiyahan sa Kanya? Walang mga denominasyon ang binabanggit sa Kasulatan. Nang naghati-hati ang mga taga-Corinto dahil sa paborito nilang mga guro, mariing sinuway sila ni Pablo sa pagsasabing ang kanilang paghahati-hati ay nagbubunyag ng kanilang pamumuhay ayon sa laman at pagiging sanggol sa panampalataya (tingnan ang 1 Cor. 3:1-7). Liliit ba rito ang ibinubunyag ng ating paghahati-hati?
Anumang magbubukod sa atin sa iba ay dapat iwasan. Ang mga tahanang iglesia ay dapat umiwas sa pagpapangalan sa kanila o pagsama sa mga asosasyong may pangalan. Sa Kasulatan, ang mga indibidwal na iglesia ay nakilala lamang sa tahanang pinagtitipunan nila. Ang mga grupo ng iglesia ay nakilala lamang sa mga lunsod na kanilang pinatitipunan. Lahat ay nagturing sa kanilang sarili bilang bahagi ng isang iglesiang iyon, ang katawan ni Cristo.
Iisa lamang ang hari at iisa ang kaharian. Ang sinumang nagbubukod sa kanyang sarili upang ang mga mananampalataya o iglesia ay makilala kasama niya ay nagtatayo ng kanyang sariling kaharian sa ilalim ng kaharian ng Diyos. Humanda siyang humarap sa Hari na nagsasabing, “Ang karangalan ko’y tanging akin lamang, walang makakahati kahit na sinuman” (Isa. 48:11).
Lahat nang ito ay muling nagsasabi na dapat nagpapakita ng tamang halimbawa sa lahat ng pagsunod kay Cristo ang mga ministro, dahil sinusununod ng mga tao ang kanilang halimbawa. Ang halimbawang isinasabuhay nila sa harap ng lahat ang pinakamaimpluwensiyang paraan ng pagtuturo. Gaya ng isinulat ni Pablo sa mga mananampalataya ng Filipos:
Mga kapatid, tumulad kayo sa halimbawang ipinakita Ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa (Fil. 3:17, idinagdag ang pagdidiin).
Ano ang Ituturo (What to Teach)
Tulad ni Pablo, ang ministrong tagalikha-ng-alagad ay may layunin. Ang layuning iyan ay upang “maiharap namin sa Diyos ang bawa’t isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo” (Col. 1:28b). Kaya siya, tulad rin ni Pablo, ay makapagsasabing, “Ang lahat ay aming pinapaalalahanan at tinuturuan nang may buong kaalaman (Col. 1:28a, idinagdag ang pagdidiin). Pansinin na hindi lamang nagturo si Pablo upang magbigay-kaalaman o magpasaya sa mga tao.
Ang ministrong tagalikha-ng-alagad ay makapagsasabi kasama ni Pablo, “Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya” (1 Tim. 1:5). Ibig sabihin, nais niyang lumikha ng tunay na katulad-ni-Cristo at kabanalan sa mga buhay ng mga taong kanyang pinaninilbihan, kaya tinuturuan niya ang lahat ng mananampalataya upang sundin ang lahat ng utos ni Cristo. Itinuturo Niya ang katotohanan, pinapaalalahanan ang kanyang mga tagapakinig upang “sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagka’t hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito” (Heb. 12:14).
Alam ng ministrong tagalikha-ng-alagad na iniutos ni Jesus sa Kanyang mga alagad na turuan ang kanilang mga alagad na sundin ang lahat, at hindi bahagi lamang, ng iniutos Niya sa kanila (tingnan ang Mt. 28:19-20). Nais niyang matiyak na hindi magpabaya sa pagtuturo ng anumang iniutos ni Cristo, kaya lagi siyang nagtuturo ng bawa’t berso sa pamamagitan ng Magandang Balita at mga sulat. Diyan nakatala ang mga utos ni Jesus at diyan sila idinidiin.
Ang uri ng pagtuturong ito ang nagtitiyak din na ang kanyang instruksiyon ay nananatiling balanse. Kung ang ituturo natin ay panay mensaheng may paksa, maaaring mag-pokus lang tayo sa mga popular na paksa sa mga tao at mapapabayaan natin ang mga hindi gaanong popular. Nguni’t ang gurong nagtuturo ng bawa’t berso ay hindi lamang nagtuturo ng tungkol sa pag-ibig ng Diyos, kundi pati na rin ang Kanyang disiplina at galit. Hindi lang niya ituturo ang tungkol sa pagpapala ng pagiging Cristiano, kund pati na ang mga tungkulin. Hindi niya gaanong tututukan ang mga maliliit na tema, na ididiin ang hindi gaanong mahalaga at pabayaan ang pinakamahalaga (Ayon kay Jesus, ito ay kasalanan ng mga Pariseo; tingnan ang Mt. 23:23-24.)
Pag-igpaw sa mga Takot ng Pagtuturong Expository (Overcoming Fears of Expository Teaching)
Maraming mga pastor ang natatakot magturo ng bawa’t berso dahil napakarami nilang hindi maintindihan sa Kasulatan, at ayaw nilang malaman ng kanilang kongregasyon ang hindi nila alam! At iyan, siyempre, ay pagmamalaki. Kahit si Pedro ay nagsabi na ilan sa mga bagay na isinulat ni Pablo ay mahirap intindihin (tingnan ang 2 Ped. 3:16).
Kapag ang isang pastor na nagtuturo ng bawa’t berso ay darating sa isang bahaging hindi niya maintindihan, kailangan lamang niyang sabihin sa kanyang kawan na hindi niya naiintindihan ang susunod na bahagi at lampasan niya ito. Maaari rin niyang ipakiusap ang kanyang kawan na ipanalangin sa Espiritu Santo upang tulungan siyang umintindi. Ang kanyang pagpapakumbaba ay magiging magandang halimbawa sa kanyang kawan, at magiging natatanging sermon.
Ang pastor/namumuno/tagapangasiwa ng isanng tahanang iglesia ay nakakalamang sa pagtuturo ng ayang maliit na grupo sa isang di-pormal na paligid, dahil maaaring magtanong habang nagtuturo. Binubuksan din nito ang posibilidad ng pagbibigay ng Espiritu Santo ng kaalaman sa ibang kasapi ng grupo tungkol sa inaaral. Ang resulta ay magiging higit na epektibong pagkatuto para sa lahat.
Isang magandang umpisa kapag nagtuturo ng mg utos ni Cristo ay ang Kanyang Sermon sa Bundok, na nakikita sa Mateo 5-7. Doon, nagbigay si Jesus ng maraming utos, at tinulungan Niya ang kanyang mga tagasunod na Judio upang intindihin nang tama ang mga kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moses. Sa mga susunod na bahagi ng aklat na ito, magtuturo ako sa pamamagitan ng Sermon sa Bundok berso kada berso upang ipakita kung paano ito ginagawa.
Paghahanda ng Sermon (Sermon Preparation)
Walang ebidensiya sa Bagong Tipan na sinumang pastor/namumuno/tagapangasiwa ay naghanda ng lingguhang talumpati/sermon, kumpleto sa maayos na inihandang mga punto at halimbawa na nakasulat sa porma ng balangkas, na siyang ginagawa ng maraming modernong ministro. Talagang hindi natin maubos misyip na ginagawa ni Jesus ito! Ang pagtuturo sa sinaunang iglesia ay higit na walang kahandaan at kasali ang lahat, sinusunod ang istilong Judio, sa halip na pananalumpati, na siysng ginagawa ng mga Griego at Romano, isng tradisyong nakuha ng iglesia nang naging institusyon ito. Kung sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag maghanda ng depensa kapag tinatawag sila sa korte, ipinangangakong bibigyan sila ng Espiritu Santo ng biglaan at hindi mapapasubaliang salita, aasahan natin na tutulungan din ng Diyos ang mga pastor sa mga pagtitipon ng iglesia!
Hindi ibig sabihin na hindi ihahanda ng mga ministro ang kanilang sarili sa panalangin at pag-aaral. Pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo:
Sikapin mong maging kalugud-luDiyos sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya, at tapat na nagtuturo ng katotohanan (2 Tim. 2:15).
Ang mga ministrong sumusunod sa instruksiyon ni Pablo na “ang salita ni Cristo’y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso” (Col. 3:16) ay lubusang mapupuno ng salita ng Diyos na makapagtuturo sila sa kanilang “pag-apaw.” Kaya mahal na pastor, ang mahalaga ay ibabad mo ang iyong sarili sa Biblia. Kung maalam ka at maalab sa iyong paksa, kaunting paghahanda lamang ang tunay na kailangan upang ipamahagi ang katotohanan ng Diyos. Dagdag pa rito, kapag nagtuturo ka ng berso kada berso, gagamitin mo lamang ang bawa’t susunod na berso bilang balangkas. Ang iyong paghahanda ay ang iyong pagmumuni sa mga berso ng Bibliang iyong ituturo. Kung nagpapastor ka ng isang tahanang iglesia, ang kalikasan ng sali-saling pagtuturo ay higit na makapagpapabawas ng pangangailangan ng balangkas.
Ang ministrong may pananalig na tutulungan siya ng Diyos sa kanyang pagtuturo ay magagantimpalaan ng tulong ng Diyos. Kaya bawasan ang tiwala sa sarili, ang iyong paghahanda at ang iyong mga tala, at dagdagan ang sa Panginoon. Unti-unti, habang lumalawig ang iyong pananampalataya at kumpiyansa, maghanda ng higit na maikling tala ng sermon, hanggang kayanin mo ang isang balangkas o walang anumang balangkas. kailanman.
Ang taong nakikimi sa harap ng iba ang siyang nagdedepende sa inihandang mga tala dahil natatakot siyang magkaroon ng pagkakamali sa madla. Kailangan niyang matanto na ang kanyang takot ay nakakabit sa kawalang-tiwala na nakakabit sa pagmamalaki. Mas mabuti para sa kanya kung hindi siya gaanong mag-alala sa mata ng tao at higit na mag-alala kung paano siya tingnan pati ng kanyang mga tagapakinig sa mata ng Diyos. Walang nakahandang talumpati ang makakatinag sa mga tagapakinig gaya ng isang taimtim sa puso at nabasbasan-ng-Espiritong pagtuturo. Alalahanin kung paano nahahadlangan ang komunikasyon kung ang lahat ay gumagamit ng mga tala para sa kanilang pag-uusap! Mamamatay ang pag-uusap! Ang isang hindi napraktis na istilong pag-uusap ay higit na matapat kaysa sa isang nakahandang talumpati. Ang pagtuturo ay hindi pag-arte. Ito ay pagbabahagi ng katotohanan. Alam nating lahat kung nakikinig lang tayo sa isang talumpati, at kung nangyari iyan, may ugali tayong huminto sa pakikinig.
Apat Pang Kaisipan (Four More Thoughts)
(1) Ang ibang mga ministro ay parang loro, na kinukuha ang lahat ng kanilang sermon sa isinulat ng iba. Winawala nila ang nakasisiyang pagpapala ng pagtuturo ng Espiritu Santo, at malamang na ikinakalat nila ang mga pagkakamali ng sumulat ng kinopya nila.
(2) Maraming mga pastor ang gumagaya ng pagsesermon at istilo ng pagtuturo ng ibang ministro, mga istilong pawang tradisyunal. Halimbawa, ipinapalagay ng iba na nababasbasan lamang ang mga sermon kung ang mga ito ay malakas at mabilis. Tuloy, ang mga tagapakinig ay dumadanas ng pakikinig sa sermong isinisigaw mula umpisa hanggang wakas. Ang katotohanan ay hindi na nakikinig ang mga tao sa palagiang pagsigaw, gaya ng kanilang ginagawa sa walang-pagbabagong pananalita. Ang nagbabagong pananalita ay higit na kaakit-akit. Dagdag pa rito, ang pagsesermon ay tunay na mas malakas dahil ito ay nangangaral, samantalang ang pagtuturo ay karaniwang ginagawang parang nakikipag-usap dahil nagbibigay ito ng instruksiyon.
(3) Napansin ko ang daan-daang tagasermon-tagapakinig sa daan-daang serbisyo, at namamangha ako na napakaraming ministro at guro ang di-nakakapansinsa mga tanda na ang mga tao’y nababagot at/o hindi nakikinig. Pastor, ang mga taong mukhang bagot ay bagot! Ang mga hindi tumitingin sa iyo habang nagsasalita ka ay malamang, hindi nakikinig sa iyo. Hindi kailanman natutulungan ang mga taong hindi nakikinig. Kung ang mga tapat na tao ay nababagot at/o hindi nakikinig, kailangan mong pagandahin ang iyong mga sermon. Magbigay ng halimbawa. Magkuwento ng mga makabuluhang kuwento. Mag-imbento ng mga talinhaga. Simplehan mo. Ituro mo mula sa puso ang Salita. Maging tapat. Magpakatotoo. Iba-ibahin mo ang iyong boses. Tumingin sa mata ng higit na nakararami. Iba-ibahin ang ekspresyon ng mukha. Gamitin ang iyong kamay. Maglibot. Huwag magsalita nang napakahaba. Kung maliit ang grupo, payagan mo ang mga tanong, sa tamang panahon.
(4) Ang idea na bawa’t sermon ay dapat magkaroon ng tatlong punto ay imbensyon lang ng tao. Ang layunin ay lumikha ng mga alagad, hindi sumunod sa modernong teorya ng pangangaral. Ang sabi ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa,” hindi “Antigin ang Aking mga tupa.”
Sino ang Tuturuan (Whom to Teach)
Sa pagsunod sa modelo ni Jesus, ang ministrong tagalikha-ng-alagad ay, kung tutuusin, mapanuri sa kung sino ang kanyang tuturuan. Magtataka ka diyan, nguni’t totoo. Kadalasan ay nagsalita si Jesus sa napakaraming tao sa pamamagitan ng mga talinhaga, at may dahilan Siya sa paggawa nito: hindi Niya gusto na maintindihan ng lahat ang Kanyang sinasabi. Malinaw ito sa Banal na Salita:
Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po Ninyo dinadaan sa talinhaga ang inyong pagtuturo sa kanila?” Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, nguni’t hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagka’t ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; nguni’t ang wala kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita Ako sa kanila sa pamamagitan ng talinhaga sapagka’t tumitingin sila nguni’t hindi nakakakita, at nakikinig nguni’t hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man (Mt. 13:10-13).
Ang pribilehiyo ng pag-intindi sa mga talinhaga ni Crsito ay nakareserba lamang sa mga nagsisi at nagpasyang sundin Siya. Ang mga tumanggi sa pagkakataon upang magsisi, nilalabanan ang kalooban ng Diyos sa kanilang buhay, ay tinanggihan din ng Diyos. Sinasaway ng Diyos ang mapagmataas, nguni’t kinaluluguran Niya ang may mababang kalooban (tingnan ang 1 Ped. 5:5).
Gayundin, inutusan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang bagay na banal, baka pagkatapos ay kayo pa ang balingan at sakmalin nila. Huwag ninyong ibagay sa baboy ang inyong mga perlas sapagka’t yuyurakan lamang nila ang mga iyon” (Mt. 7:6). Malinaw na nagsasalita nang patalinhaga si Jesus. Ang ibig Niyang sabihin, “Huwag ninyong ibigay ang mahahalagang bagay sa mga hindi nakauunawa ng mahalaga.” Hindi alam ng mga baboy na mahalaga ang mga perlas, at gayundin ang mga espiritwal na baboy ay hindi pinahahalagahan ang Salita ng Diyos kapag naririnig nila. Kung naniniwala sila na tunay na Salita ng Diyos ang kanilang naririnig, bibigyang-pansin nila ito at susundin.
Paano mo malalaman kung ang isang tao ay isang espiritwal na baboy? Ihahagis mo ang isang perlas sa kanya at tingnan kung ano ang gagawin niya sa perlas na iyon. Kung babale-walain niya, malalaman mo na siya ay isang espiritwal na baboy. Kung susundin niya, malalaman mong hindi siya espiritwal na baboy.
Sa malas, napakaraming mga pastor ang gumagawa ng sinabi ni Jesus na huwag nilang gagawin, paulit-ulit na inihahagis ang kanilang mga perlas sa mga baboy, nagtuturo sa mga taong sumusuway o sumuway sa Salita ng Diyos. Sinnasayang ng mga ministrong iyon ang panahong kaloob sa kanila ng Diyos. Ipinagpag sana nila ang alikabok sa kanilang mga paa at humayo na noon pa, tulad ng ipinag-utos ni Jesus.
Mga Tupa, Kambing at Baboy (The Sheep, Goats and Pigs)
Ang totoo, hindi ka makapag-aalagad sa isang taong ayaw paalagad, isang taong hindi sumusunod kay Jesus. Maraming mga iglesia ang puno ng mga taong ganyan, mga taong Cristianong kultural lamang, at marami sa kanila ang nagpapalagay na napanganak silang muli dahil lamang sa, sa isip ay pumayag sila sa ilang katotohanang teolohika tungkol kay Jesus o Cristianismo. Mga baboy at kambing sila, hindi tupa. Nguni’t maraming pastor ang gumugugol ng 90% ng kanilang panahon upang paligayahin ang mga baboy at kambing na iyon, habang nakakaligtaan ang mga matutulungan nila at masisilbihan sa mga espiritwal na bagay, ang mga tunay na tupa! Pastor, nais ni Jesus na pakainin mo ang Kanyang tupa, hindi mga kambing at mga baboy (tingnan ang Jn. 21:17)!
Nguni’t paano mo malalaman kung sino ang mga tupa? Sila iyong mga nauunang pumupunta sa iglesia at huling umaalis. Nagugutom sila sa pag-alam sa katotohanan, dahil si Jesus ang kanilang Panginoon at gusto nila Siyang bigyang-kasiyahan. Pumupunta sila sa iglesia hindi lamang tuwing Linggo, kundi sa tuwing may pagtitipon. Nakikisali sila sa maliliit na grupo. Lagi silang nagtatanong. Nagagalak sila sa Panginoon. Naghahanap sila ng pagkakataong maglingkod.
Pastor, iukol mo ang mas maraming panahon at atensyon sa mga taong iyon. Sila ang mga alagad. Sa mga kambing at baboy na pumupunta sa iyong iglesia, ipangaral ang Magandang Balita hangga’t kaya mo. Nguni’t kung ipangangaral mo ang Magandang Balita, hindi nila ito matitiis nang matagal. Maaaring iwan nila ang iglesia, o kung mayroon silang kapangyarihan, susubukan nilang alisin ka sa iyong posisyon. Kung magtagumpay sila, ipagpag mo ang alikabok sa iyong paa habang ikaw ay papaalis. (Sa isang tahanang iglesia, hindi mangyayari ang ganitong bagay, lalo na kung ang iyong iglesia ay nagtitipon sa iyong bahay!)
Gayundin, ang mga Ebangheliko ay hindi dapat naoobliga upang ipangaral ang Magandang Balita sa mga taong laging sumusuway dito. Hayaan mong ang mga patay ang magpalibing sa kanilang mga patay (tingnan ang Lu. 9:60).
Embahador ka para kay Cristo, nagdadala ng pinakamahalagang mensahe mula sa Hari ng mga Hari! Ang iyung posisyon ay napakataas sa kaharian ng Diyos at napakadakila ng iyong tungkulin! Huwag mong sayangin ang iyong panahon sa pag-uulit na pagbibigay ng Magandang Balita kaninuman hangga’t hindi ito minsang napakinggan ng lahat. ari.Hari!
Kung ikaw ay magiging ministrong tagalikha-ng-alagad, dapat kang maging mapili kung kanino magtuturo, hindi nagsasayang ng iyong mahalagang oras sa mga taong ayaw sumunod kay Jesus. Sumulat si Pablo kay Timoteo,
Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ituro mo rin sa mga taong mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo naman sa iba (2 Tim. 2:2, idinagdag ang pagdidiin).
Ang Pagkamit ng Layunin (Reaching ang Goal)
Sandaling pag-isipan ang isang bagay na hindi nangyari sa ministeryo ni Jesus kundi laging nangyayari sa mga modernong iglesia. Isiping si Jesus, pagkabuhay na mag-uli, ay nanatili sa sanlibutan at nagsimula ng isang modernong iglesiang institusyunal, at nag-pastor dito nang tatlumpong taon. Isiping nagbibigay siya ng sermon tuwing Linggo sa parehong kongregasyon. Isipin sina Pedro, Santiago at Juan na nakaupo sa unang upuan sa isa sa mga pagtuturo ni Jesus, kung saan sila nakaupo nang dalawampung taon. Isipin si Pedro na nakahilig kay Juan at bumubulong sa kanyang taynga na dumadaing, “Narinig na natin ang sermong ito nang sampung ulit.”
Alam nating ang eksenang ganito ay talagang hindi totoo, dahil alam nating lahat na hindi kailanman ilalagay ni Jesus ang Kanyang sarili o Kanyang mga alagad sa ganitong sitwasyon. Pumunta dito si Jesus upang lumikha ng ilang alagad at gawin ito sa tanging paraan sa isang tanging panahon. Sa loob ng humigit-kumulang na tatlong taon, inalagad Niya sina Pedro, Santiago at Juan, at ilan pang iba. Hindi Niya ito ginawa sa pagsesermon sa kanila minsan bawa’t Linggo sa isang gusaling iglesia. Ginawa Niya ito sa pagsasabuhay ng Kanyang buhay sa harap nila, sinasagot ang kanilang mga tanong, at
binibigyan sila ng pagkakataon upang maglingkod. Nagawa Niya ang kanyang gawain at umalis na Siya.
Kaya bakit ginagawa natin ang hindi kailanman ginawa ni Jesus? Bakit natin sinusubukang gawin ang gusto ng Diyos sa pangangaral ng mga sermon sa parehong mga tao sa ilang dekada? Kailan pa natin matatapos ang ating gawain? Bakit pagkalipas ng ilang taon, hindi kaya ng ating mga alagad na lumikha ng sarili nilang mga alagad?
Ang punto ko ay, kung ginagampanan natin nang tama ang ating mga gawain, dumating sana ang panahon na lubhang magulang na ang ating mga alagad upang hindi na kailanganin ang ating ministeryo. Dapat na silang mapakawalan upang lumikha ng sarili nilang mga alagad. Dapat nating maabot ang layuning inilatag ng Diyos para sa atin, at tinuruan tayo ni Jesus kung paano ito gawin. Kunsabagay, sa isang umuunlad na tahanang iglesia may patuloy na pangangailangan upang mag-alagad ng mga tao at magpaunlad ng mga pinuno. Ang isang malusog na tahanang iglesia ay hindi mapapasama sa walang-hanggang siklo ng parehong ministrong nangangaral sa parehong mga tao sa maraming dekada.
Tamang Motibo (Right Motives)
Upang magtagumpay sa pagtuturong patungo sa paglikha ng mga alagad, walang hihigit pa sa kahalagahan kundi ang pagkakaroon ng tamang motibo. Kung nasa ministeryo ang isang tao sa maling kadahilanan, gagawa siya ng mga bagay na mali. Iyan ang pangunahing dahilan kung bakit napakaraming mali at hindi balanseng pagtuturo sa iglesia ngayon. Kapag ang motibo ng ministro ay magkaroon ang popularidad, maging matagumpay sa paningin ng iba, o kumita na maraming salapi, nakatalaga siyang mabibigo sa mata ng Diyos. Ang pinakamalungkot ay maaari man siyang magtagumpay sa pagkamit ng popularidad, magtagumpay sa mata ng iba, o kumita ng napakaraming salapi, nguni’t darating ang araw na malalantad ang kanyang maling motibo sa harap ng paghuhukom ni Cristo, at hindi siya magagantimpalaan para sa kanyang gawain. Kung papayagan siyang pumasok sa kaharian ng langit, [3] lahat doon ay makakaalam ng katotohanan tungkol sa kanya, dahil ibubunyag siya ng kakulangan niya ng gantimpala at kababaan ng posisyon niya sa kaharian. Walang dudang may iba-ibang ranggo sa langit. Nagbanta si Jesus:
Kaya’t sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Nguni’t ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. (Mt. 5:19).
Siyempre ang mga ministrong susunod at magtuturo ng Kautusan ni Cristo ay uusigin habang nasa lupa. Ipinangako ni Jesus ang pang-uusig sa mga susunod sa Kanya (tingnan ang Mt. 5:10-12; Jn. 16:33). Sila ang may pinakamaliit na pagkakataong magkaroon ng tagumpay sa mundo, popularidad at kayamanan. Ang kanilang mapapala ay gantimpala sa susunod na panahon at pagpuri mula sa Diyos. Alin ang gugustuhin mo? Sa puntong ito, isinulat ni Pablo:
Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami’y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan Niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawa’t isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subali’t ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagka’t Siya ang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawa’t isa’y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. Kami’y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.
Kayo rin ang gusali ng Diyos. Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Nguni’t dapat maging maingat ang bawa’t nagtatayo, sapagka’t wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo o dayami. Makikilala ang uri ng gawa ng bawa’t isa sa Araw ng Paghuhukom sapagka’t mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawa’t isa. Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. Nguni’t kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy (1 Cor. 3:5-15).
Ikinumpara ni Pablo ang kanyang sarili sa isang mahusay na manggagawa na naglalagay ng pundasyon. Si Apolos, isang gurong pumunta sa Corinto pagkatapos itayo ni Pablo ang iglesia, ay ikinumpara ni Pablo sa isang taong nagpatayo sa nailagay nang pundasyon.
Pansinin na sina Pablo at Apolos ay kapwa magagantimpalaan batay sa uri, hindi sa dami, ng kanilang ginawa (tingnan ang 3:13).
Sa matalinhagang pananalita, sina Pablo at Apolos ay makapagpapatayo ng gusali ng Diyos sa pamamagitan ng anim na uri ng materyales, tatlo ay pangkaraniwan, na panay hindi mamahalin at nasusunog, at tatlong hindi pangkaraniwan, napakamahal at hindi nasusunog. Isang araw, ang kani-kanilang materyales ay sasailalim ng apoy ng paghuhukom ng Diyos, ang kahoy, dayami at damo ay susunugin ng apoy, upang ibunyag ang kanilang kawalang-silbi at lumilipas na uri. Ang ginto, pilak at mamahaling hiyas, na sumasagisag sa mga gawaing mahahalaga at walang-hanggan sa mata ng Diyos, ay makakatagal sa pagsubok ng apoy.
Makasisiguro tayo na ang di-makabibliang turo ay magiging abo at paghuhukom ni Cristo. Gayundin ang anumang ginagawa sa kapangyarihan, metodo o galing ng laman, pati na rin ang anumang ginagawa sa maling kadahilanan. Nagbanta si Jesus na anumang gagawin natin na nasususugan ng pagnanais ng pagpuri ng mga tao ay hindi magagantimpalaan (tingnan ang Mt. 6: 1-6, 16-18). Itong mga uri ng walang-halagang gawain ay maaaring hindi nakikita ng mata ng tao ngayon, nguni’t mabubunyag sa lahat sa kinabukasan, na tulad ng babala ni Pablo. Sa ganang akin, kung ang aking mga gawain ay yari sa kahoy, dayami at damo, nais kong malaman na ngayon kaysa sa susunod na panahon. Ngayon ang panahon ng pagsisisi; sa susunod na panahon, huli na ang lahat.
Pagsubok sa Ating Motibo (Checking Our Motives)
Napakadaling linlangin ang ating mga sarili tungkol sa ating motibo. Ganoon din ako. Paano natin malaman kung tapat ang ating motibo?
Ang pinakamahusay na paraan ay pakiusapan ang Diyos na ibunyag sa atin kung mali ang ating motibo, at bantayan ang ating mga isip at gawa. Sinabi ni Jesus sa atin na gumawa ng mabubuting mga bagay tulad ng pananalangin at pagtulong sa mga mahihirap nang lihim, at iyan ang isang paraan upang matiyak natin na tama ang ating ginagawa dahil gusto natin ang pagpuri ng Diyos sa halip na ang pagpuri ng mga tao. Kung sumusunod lamang tayo sa Diyos kapag binabantayan tayo ng mga tao, tanda iyan ng matinding kamalian. O, kung iniiwasan natin ang mga maiskandalong kasalanang makakasira sa ating reputasyon nguni’t gumagawa ng maliliit na kasalanan na maaaring hindi malaman ng sinuman, nagpapakita ito na mali ang ating motibasyon. Kung tunay nating pinagsisikapang bigyang-kasiyahan ang Diyos—na nakaaalam ng bawa’t isip, salita at gawa—kung gayon magsisikap tayong sundin Siya sa lahat ng panahon, sa mga bagay na malaki at maliit, mga bagay na nalalaman at hindi nalalaman ng iba.
Gayundin, kung tama ang ating motibo, hindi natin susundin ang mga usong gawain sa paglago ng iglesia na nagpaparami lamang ng dumadalo at pagpapabaya sa paglikha ng mga alagad na susunod sa lahat ng utos ni Cristo.
Ituturo natin lahat ng Salita ng Diyos at hindi lamang magpokus sa popular na paksang kinagigiliwan ng makamundo at hindi espiritwal na tao.
Hindi natin babaluktutin ang Salita ng Diyos o ituro ang Kasulatan sa isang paraang sumusuway sa kanilang konteksto sa ilalim ng kabuuan ng Biblia.
Hindi natin hahanapin ang mga titulo at lugar ng papuri para sa ating mga sarili. Hindi natin hinahanap ang katanyagan.
Hindi natin tatangkilikin ang mga mayayaman.
Hindi tayo mag-iipon ng kayamanan sa mundo, kundi mamuhay nang payak at ibigay ang lahat ng ating makakaya, nagbibigay-halimbawa sa mabuting pamamahala sa ating mga kawan.
Higit nating alalahanin ang palagay ng Diyos sa ating mga sermon kaysa kung ano ang iniisip ng mga tao.
Paano ang iyong mga motibo?
Isang Doktrinang Tumatalo sa Paglikha ng Alagad (A Doctrine that Defeats Disciple-Making)
Ang ministrong tagalikha-ng-alagad ay hindi kailanman nagtuturo ng anumang sumusuway sa layunin ng paglikha ng mga alagad. Kaya, kailanman ay hindi siya nagsasabi ng anumang nagbibigay ng magandang pakiramdam sa pagsuway sa Panginoong Jesus. Hindi niya inilalatag ang pagpapala ng Diyos bilang isang paraan ng paggawa ng kasalanan nang walang takot ng paghuhukom. Sa halip, inilalatag niya ang pagpapala ng Diyos bilang isang paraan ng pagsisisi sa kasalanan at mamuhay ng mapagtagumpay na buhay. Alam natin na ang Banal na Salita ay nagsasabing ang mga mapagtagumpay lamang ang magmamana ng kaharian ng Diyos (tingnan ang Pah. 2:11; 3:5; 21:7).
Ilang ministrong moderno, sa malas, ay humahawak sa di-makabsibliang doktrina na matinding sumisira sa layuning paglikha ng mga alagad. Isang doktrinang naturan na naging lubhang popular sa Estados Unidos ay ang walang kundisyong walang-hanggang seguridad, o “kapag naligtas laging ligtas.” Minementena ng doktrinang ito na ang mga taong naipanganak-muli ay hindi makakawala ng kanilang kaligtasan kahit paano sila mamuhay. Dahil ang kaligtasan ay galing sa pagpapala, anila, siya ring pagpapalang unang nagliligtas sa mga taong nananalangin upang makatanggap ng kaligtasan ang magpapanatili ng kanilang kaligtasan. Alinmang iba pang pananaw, anila, ay kapantay ng pagsasabing naliligtas ang mga tao dahil sa kanilang gawa.
Siyempre, ang naturang pananaw ay lubhang nakakasira sa kabanalan. Dahil ang pagsunod kay Cristo ay ipinapalagay na hindi mahalaga upang ang isang tao ay makapasok sa kaharian ng langit, maliit ang motibasyon upang sumunod kay Jesus, lalo na kung mahal ang katumbas ng pagsunod.
Tulad ng sinabi ko sa unahan ng aklat na ito, ang pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay hindi nag-aabsuwelto ng kanilang tungkulin ng pagsunod sa Kanya. Isinnasaad ng Banal na Salita na ang kaligtasan ay hindi lamang sa pagpapala, kundi pati rin sa pamamagitan ng pananampalataya (tingnan ang Efe. 2:8). Ang pagpapala at pananampalataya ay kapwa kailangan sa kaligtasan. Ang pananampalataya ang tamang sagot sa pagpapala ng Diyos, at ang tunay na pananampalataya ay laging nagreresulta sa pagsisisi at pagsunod. Ang pananampalatayang walang gawa ay patay, walang-silbi, at hindi nakakaligtas, ayon kay Santiago (tingnan ang San. 2:14-26).
Kaya laging sinasabi ng Banal na Salita na ang pananatili ng kaligtasan ay nakadepende sa patuloy na pananampalataya at pagsunod. Napakaraming sipi sa Kasulatan ang napapaliwanag dito. Halimbawa, sinasabi ni Pablo sa kanyang sulat sa mga mananampalatayang taga-Colosas:
Dati, kayo’y malayo sa Diyos at naging kaaway Niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. Nguni’t sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo, kayo ay ginawang kaibigan ng Diyos, nang sa gayon ay maiharap Niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. Subali’t kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging tagapangaral ng Magandang Balitang ito na ipinahayag sa lahat ng tao sa buong daigdig (Col. 1:21-23, idinagdag ang pagdidiin).
Hindi na lilinaw pa. Isang teolohiko lamang ang magkakamali o babaluktot sa kahulugan ni Pablo. Patototohanan ni Jesus na wala tayong kasalanan kung magpapatuloy tayo sa pananampalataya. Ang parehong katotohanang ito ay idinidiin sa Ro. 11:13-24, 1 Cor. 15:1-2 at Heb. 3:12-14; 10:38-39, kung saan malinaw na binanggit na ang katapusang kaligtasan ay nakadepende sa pagpapatuloy ng pananampalataya. Lahat ay naglalaman ng salitang nagbibigay kundisyon, kung.
Ang Pangangailangan ng Kabanalan (The Necessity of Holiness)
Mawawala ba ng isang mananampalataya ang buhay na walang hanggan sa paggawa ng kasalanan? Ang sagot ay matatagpuan sa maraming bahagi ng Ebanghelyo, gaya ng sumusunod, na lahat ay nagtitiyak na ang mga gumagawa ng iba-ibang kasalanan ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. Kung babalik sa paggawa ng kasalanan ang mananampalataya sa susunod na listahang kinalap ni Pablo, mawawala ng isang mananampalataya ang kaligtasan:
Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Ang mga nakikiapid, sumasamba si diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos (1 Cor. 6:9-10, idinagdag ang pagdidiin).
Hindi maikakaila ang mga hilig ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot sa isa’t isa, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagkakainggit, paglalasing, kalayawan, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos (Gal. 5:19-21, idinagdag ang pagdidiin).
Alam na ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim sapagka’t ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagka’t dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail (Efe. 5:5-6,idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na sa bawa’t halimbawa, sumusulat si Pablo sa mga mananampalataya, binabalaan sila. Dalawang beses niyang binalaan silang huwag padadaya, at sinasabing nababahala siya na ang ilang mananampalataya ay magpalagay na ang isang tao ay maaaring magkasala ng mga binanggit niya at makakapasok pa rin sa kaharian ng Diyos.
Binalaan ni Jesus ang kanyang pinakamalalapit na alagad, na sina Pedro, Santiago, Juan at Andres sa posibilidad ng kanilang pagkakatapon sa impiyerno dahil hindi sila handa sa Kanyang pagdating. Pansinin na ang mga sumusunod na salita ay para sa kanila (tingnan ang Mc. 13:1-4), at hindi ang napakaraming di-mananampalataya:
Kaya maghanda kayo, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. Nguni’t tandaan ninyo, na kung ang ama ng tahanan ay nakakaalam kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, nakapaghanda sana siya at hindi sana napagnakawan ang kanyang bahay. Dahil dito ikaw [Pedro, Santiago, Juan at Andres] ay maghanda rin; dahil ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi mo (Pedro, Juan at Andres) akalaing Siya ay darating.Kaya’t maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya’t lagi kayong maging handa, sapagka’t darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman.
Sino ang matapat at matalinong alipin? Hindi ba’t ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? Mapalad ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na anglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. Nguni’t kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’ Kaya’t sisimulan niyang bugbugin ang ibang mga alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya alam. Buong higpit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang ngipin.” (Mt. 24:42-51, idinagdag ang pagdidiin).
Ang aral ng kuwento? “Pedro, Santiago, Juan at Andres, huwag gagaya sa hindi matapat na alipin sa talinhagang ito.” [4]
Upang idiin ang kasasabi pa lamang Niya sa Kanyang malalapit na alagad, itinuloy kaagad ni Jesus ang Talinhaga Tungkol sa Sampung Dalaga. Lahat ng sampung dalaga ay unang naghanda para sa pagdating ng nobyo, nguni’t lima sa kanila ang hindi naging handa at hindi isinama sa piging ng kasalan. Winakasan ni Jesus ang talinhaga sa mga salitang, “Kaya’t magbantay kayo [Pedro, Santiago, Juan at Andres], sapagka’t hindi ninyo [Pedro, Santiago, Juan at Andres] alam ang araw o ang oras man (Mt. 25:13) Ibig sabihin, huwag tumulad sa limang hangal na dalaga, Pedro, Santiago, Juan at Andres.” Kung walang posibilidad na hindi handa sina Pedro, Santiago, Juan at Pedro, walang pangangailangan para kay Jesus upang bigyan sila ng babala.
Kaya agad-agad ay sinabi sa kanila ni Jesus ang Talinhaga Tungkol sa Tatlong Alipin. Parehong mensahe na naman iyon. “Huwag tumulad sa isang alipin na walang anumang maipakita sa ibinigay ng kanyang amo pagbalik niya. Sa pagtatapos ng talinhaga, sinabi sa kanila ng amo, “Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang walang silbing taong iyan! Doo’y manangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin” (Mt. 25:30). Lubhang malinaw ang mensahe ni Jesus. Isang teolohiko lamang ang makababaluktot sa Kanyang ibig sabihin. May panganib na sa katapusan, sina Pedro, Santiago, Juan at Andres ay maitapon lahat sa impiyerno kapag hindi sila naging masunurin pagbalik ni Jesus. Kung nariyan ang posibilidad para kina Pedro, Santiago, Juan at Andres, nandiyan din ang posibilidad na iyan para sa ating lahat. Tulad ng ipinangako ni Jesus, iyon lamang gagawa ng kalooban ng Kanyang Ama ang papasok sa kaharian ng langit (tingnan ang Mt. 7:21). [5]
Ang mga nagtuturo ng huwad na doktrina ng walang kundisyong walang-hanggang seguridad ay malinaw na sumusuway kay Cristo at tumutulong kay Satanas, na nagtuturo ng taliwas sa itinuturo ni Jesus at ng mga alagad. Matagumpay nilang pinawawalang-bisa ang utos ni Jesus na lumikha ng mga alagad na susunod sa lahat ng Kanyang utos, hinahadlangan ang makitid na daan patungong langit, at pinalalawak ang maluwang na daan ng impiyerno. [6]
Isa Pang Modernong Doktrinang Tumatalo sa Paglikha ng Mga Alagad (Anther Modern Doctrine that Defeats Disciple-Making)
Hindi lamang ang pagtuturo ng walang kundisyong walang-hanggang seguridad ang nanlilinlang sa mga tao upang isiping ang kabanalan ay hindi mahalaga sa totoong kaligtasan. Kadalasang idinudulog ang pag-ibig ng Diyos sa isang paraang nagpapawalang-bisa sa paglikha ng mga alagad. Kadalasang maririnig ang mga ministro na nagsasabing, “Iniibig ka ng Diyos nang walang kundisyon.” Ipinakakahulugan ito ng mga tao na, “Tinatanggap ako ng Diyos at sinasang-ayunan Niya ako sundin ko man Siya o kahit hindi ko Siya sundin.” Nguni’t iyan ay hindi totoo.
Marami sa mga ministrong iyon ay naniniwala na itinatapon ng Diyos sa impiyerno ang mga taong hindi muling isinilang, at talagang tama sila sa paniniwalang iyan. Pag-isipan natin iyan. Malinaw na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga taong itinatapon Niya sa impiyerno. Kaya paano masasabing mahal Niya sila? Palagay n’yo ba, sasabihin nila sa inyo na mahal sila ng Diyos? Siyempre hindi. Sasabihin ba ng Diyos na mahal Niya sila? Ang mga tao bang itinatapon sa impiyerno ay mahal ng Diyos? Siyempre hindi. Kasuklam-suklam sila sa Kanya, kaya pinarurusahan Niya sila sa impiyerno. Hindi Niya sila sinasang-ayunan o minamahal.
Dahil dito, ang pag-ibig ng Diyos sa mga makalupang makasalanan ay malinaw na mahabaging pag-ibig na pansamantala lamang, hindi pag-ibig na sumasang-ayon. May habag Siya sa kanila, inaantala ang Kanyang paghuhukom at binibigyan sila ng pagkakataong magsisi. Namatay si Jesus para sa kanila, na nagbibigay ng pagkakataon upang sila’y mapatawad. Sa ganyang paraan, masasabing mahal sila ng Diyos. Nguni’t kailanman ay hindi Siya sumasang-ayon sa kanila. Wala siyang pagmamahal sa kanila tulad ng nararamdaman ng isang ama para sa kanyang anak. Kundi, sinasabi ng Magandang Balita, “Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya, gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya” (Awit 103:13, idinagdag ang pagdidiin). Kaya masasabing walang habag sa mga walang takot sa Kanya. Ang pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanan ay higit na katulad ng habag ng isang hukom sa nahatulang mamamatay na nakatanggap ng panghabambuhay na pagkabilanggo sa halip na hatol ng kamatayan.
Walang isa mang kaso sa aklat ng Mga Gawa na ang sinumang nagtuturo ng Magandang Balita ay nagsabi sa di-ligtas na tagapakinig na mahal sila ng Diyos. Bagkus, ang mga biblikal na ministro ay madalas na nagbigay-babala sa kanilang mga tagapakinig tungkol sa galit ng Diyos at hinikayat silang magsisi, at ipinagbibigay-alam sa kanila na hindi sumasang-ayon ang Diyos sa kanila, at sila’y nasa panganib, at kinailangan nilang gumawa ng masidhing pagbabago sa kanilang buhay. Kung sinabi lamang nila sa kanilang mga tagapakinig na mahal sila ng Diyos (na tulad ng ginagawa ng mga modernong ministro), maaaring nalinlang nila ang kanilang mga tagapakinig upang isiping hindi sila nanganganib, na hindi sila nag-iipon ng galit para sa kanilang sarili, at hindi nila kinakailangang magsisi.
Ang Pagkamuhi ng Diyos sa mga Makasalanan (God’s Hatred of Sinners)
Kabaligtaran ng laging ipinahahayag tungkol sa pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanan ngayon, kadalasang inihahayag ng Magandang Balita na kinamumuhian ng Diyos ang mga makasalanan.
Ang mga palalo’y di makakatagal sa iyong harapan, mga gumagawa ng kasalana’y iyong kinasusuklaman. Pinupuksa mo Yahweh, ang mga sinungaling, galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang (Awit 5:5-6, idinagdag ang pagdidiin).
Ang mabuti at masama ay Kanyang sinusuri; sa taong suwail siya’y lubos na namumuhi (Awit 11:5, idinagdag ang pagdidiin).
Sinasabi ni Yahweh, Pinabayaan Ko na ang aking bayan, itinakwil Ko na ang bansang
Sking hinirang. Ang mga taong Aking minahal ay ibinigay Ko na sa kamay ng kanilang kaaway. Lumaban sa akin ang Aking bayan, tulad ng mabangis na leon ng kagubatan; nagtataas sila ng kanilang tinig laban sa akin, kaya kinamumuhian ko sila. (Jer. 12:7-8, idinagdag ang pagdidiin).
Lahat ng kanilang kasamaan ay nagpasimula sa Gilgal; doon pa ma’y kinapootan ko na sila. Dahil sa kasamaan ng kanilang gawain sila’y palalayasin Ko sa Aking tahanan. Hindi Ko na sila mamahalin pa; mapaghimagsik ang lahat ng kanilang mga pinuno. (Hos. 9:15).
Pansinin na ang lahat ng nabanggit na sipi ay hindi nagsasabing kinamumuhian lamang ng Diyos ang ginagawa ng mga tao—sinasabi nilang kinamumuhian Niya sila. Nililinaw nito ang karaniwang kasabihang mahal ng Diyos ang makasalanan nguni’t kinamumuhian ang kasalanan. Hindi natin maihihiwalay ang isang tao sa kanyang ginagawa. Ang kanyang ginagawa ay nagpapakita kung sino siya. Kung gayon, makatwirang kinamumuhian ng Diyos ang mga nagkakasala, hindi lamang ang mga kasalanang ginagawa ng mga tao. Kung sumasang-ayon ang Diyos sa mga taong gumagawa ng kinamumuhian Niya, napaka-inkonsistent Niya sa Kanyang sarili. Sa mga panlupang korte, nalilitis ang mga tao, hindi lang ang mga kasalanang ginagawa nila, at natatanggap nila ang makatarungang hatol. Hindi natin kinamumuhian ang krimen ngunit sumasang-ayon sa mga gumagawa ng krimen.
Mga Taong Kinapopootan ng Diyos (People Whom God Abhors)
Hindi lamang sumasang-ayon ang Magandang Balita na napopoot ang Diyos sa ilang mga tao, inihahayag din nito na napopoot ang Diyos sa ilang uri ng makasalanang tao, o kaya ay kasuklam-suklam sila sa Kanya. Pansinin muli na ang sumusunod na sipi ng Magandang Balita ay hindi nagsasabi na ang mga ginagawa ng mga taong ito ay kasuklam-suklam sa Diyos, kundi sila mismo ay kasuklam-suklam sa Diyos. Hindi nila sinasabi na kinapopootan ng Diyos ang kanilang kasalanan, kundi kinapopootan sila ng Diyos: [7]
Ang mga babae ay huwag magsusuot ng kasuotang panlalaki o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae. Sinumang gumawa nito ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos (Deut. 22:5, idinagdag ang pagdidiin).
Lahat ng mandaraya ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos (Deut. 25:16, idinagdag ang pagdidiin).
Sa tindi ng gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak. Wawasakin ko ang inyong mga altar sa burol na sunugan ng insenso. Itatakwil ko kayo at itatambak ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng inyong mga diyus-diyosan. (Lev. 26:29-30, idinagdag ang pagdidiin).
Ang mga palalo’y di makakatagal sa iyong harapan, mga gumagawa ng kasamaa’y iyong kinasusuklaman. Pinupuksa mo Yahweh ang mga sinungaling, galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang (Awit 5:5-6, idinagdag ang pagdidiin).
Pagka’t si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot, nguni’t nalulugod Siya sa taong sa Kanya ay may takot (Kaw. 3:32, idinagdag ang pagdidiin).
Ang kaisipang masama kay Yahweh ay kasuklam-suklam, nguni’t ang lakad ng matuwid, kay Yahweh ay kasiyahan (Kaw. 11:20).
Kinamumuhian ni Yahweh ang lahat ng mayayabang, at sila’y tiyak na paparusahan
(Kaw. 16:5, idinagdag ang pagdidiin).
Ang humahatol sa walang kasalanan at ang umaayon sa kasamaan, kay Yahweh ay kapwa kasuklam-suklam (Kaw. 17:15, idinagdag ang pagdidiin).
Paano natin maitutugma ang mga naturang sipi sa Magandang Balita doon sa mga sumususog sa pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanan? Paano masasabi na napopoot at nagagalit ang Diyos sa mga makasalanan, nguni’t mahal din Niya sila?
Kailangang kilalanin na hindi pareho ang lahat ng pag-ibig. Ang ilang pag-ibig ay walang kundisyon. Matatawag itong “mahabaging pag-ibig.” Ito ay isang pag-ibig na nagsasabing, “Mahal kita kahit na.” Nagmamahal ito sa mga tao kahit anupaman ang kanilang mga gawa. Iyan ang uri ng pag-ibig na ibinibigay ng Diyos sa mga makasalanan.
Ang iniiba sa mahabaging pag-ibig ay pag-ibig na may kundisyon. Maaaring ituring na “pag-ibig na sumasang-ayon.” Ito ay pag-ibig na nararapat. Ito ang pag-ibig na nagsasabing, “Mahal kita dahil sa.”
May mga nagpapalagay na kung ang isang pag-ibig ay may kundisyon, hindi talaga ito pag-ibig. O minamaliit nila ang ganitong uri ng pag-ibig, at sinasabing tunay na makasarili ang ganitong pag-ibig, at hindi katulad ng pag-ibig ng Diyos.
Subalit’ ang katotohanan ay, mayroong pag-big na may kundisyon ang Diyos, na malalaman natin sa Magandang Balita. Kung gayon, ang pag-ibig na sumasang-ayon ay hindi dapat alipustain. Ang pag-ibig na sumasang-ayon ay ang pangunahing pag-ibig na ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga tunay na anak. Dapat nating higit na naisin ang pag-ibig ng Diyos na sumasang-ayon kaysa ang Kanyang mahabaging pag-ibig.
Mababang Uri Ba ang Pag-ibig na Sumasang-ayon? (Is Approving Love an Inferior Love?)
Pag-isipan ang tanong na ito: Anong uri ng pag-ibig ang nanaisin ko—mahabaging pag-ibig o pag-ibig na sumasang-ayon?” Natitiyak kong nanaisin mong ibigin ka ng mga tao “dahil sa,” hindi “kahit na.”
Nanaisin mo bang sabihin ng iyong asawa na, “Wala akong dahilan upang ibigin ka, at wala sa katauhan mo ang mag-uudyok sa akin upang pakitaan kita ng maganda” o, “mahal kita dahil sa maraming bagay, dahil marami akong hinahangaan sa iyo”? Siyempre, nanaisin natin na ang ating asawa ay mahalin tayo nang pag-ibig na sumasang-ayon, at iyan ang pangunahing uri ng pag-ibig na nagbubuklod sa mga mag-asawa at nagpapanatili ng kanilang pagsasama. Kapag walang hinahangaan ang isang tao sa kanyang asawa, kapag ang lahat ng pag-ibig na sumasang-ayon ay nawala, kakaunti lang ang samahang mananatili. Kung magtatagal man sila, ang dahilan ay mahabaging pag-ibig, na nag-uugat sa maka-diyos na kalooban ng nagbibigay ng pag-ibig na iyan.
Dahil sa lahat ng ito, nakikita natin na ang sumasang-ayon, o pag-ibig na may kundisyon, ay hindi talaga mababang uri ng pag-ibig. Samantalang ang mahabaging pag-ibig ay kapuri-puring ibigay, ang pag-ibig na sumasang-ayon ang kapuri-puring pag-ibig na matatanggap. Dagdag pa rito, ang katotohanang ang pag-ibig na sumasang-ayon ang siya lamang uri ng pag-ibig na idinulot ng Ama kay Jesus ay nag-aangat ito sa tunay niyang iginagalang na lugar. Ang Diyos Ama ay hindi kailanman nagkaroon ni katiting na mahabaging pag-ibig para kay Jesus, dahil walang anuman hindi kaibig-ibig kay Cristo. Tumestigo si Jesus:
Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagka’t inialay Ko ang Aking buhay upang ito’y kunin Kong muli (Jn. 10:17, idinagdag ang pagdidiin).
Kaya nakikita natin na mahal ng Ama si Jesus dahil sa pagiging masunurin ni Jesus upang mamatay. Marahil ay walang mali at lahat ay tama tungkol sa pag-ibig na sumasang-ayon. Naging karapat-dapat si Jesus sa pag-ibig ng Kanyang Ama.
Inihayag din ni Jesus na nanatili Siya sa pag-ibig ng Kanyang Ama sa pagsunod sa mga utos Kanyang Ama:
Kung paanong iniibig Ako ng Ama, gayundin naman, iniibig Ko kayo; manatili kayo sa Aking pag-ibig; tulad Ko, tinutupad Ko ang mga utos ng Aking Ama at Ako’y nananatili sa Kanyang pag-ibig (Jn. 15:9-10, idinagdag ang pagdidiin).
Dagdag pa rito, tulad ng sinasabi ng siping ito, kailangan nating sundin ang halimbawa ni Jesus, at manatili sa Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Malinaw na tinutukoy niya ang pag-ibig na sumasang-ayon sa siping ito, at sinasabi sa atin na maging karapat-dapat tayo sa Kanyang pag-ibig, at maaari nating maiwaglit ang ating sarili sa Kanyang pag-ibig sa hindi pagsunod sa Kanyang mga utos. Nananatili tayo sa Kanyang pag-ibig kung susundin lamang natin ang Kanyang mga utos.
Ang bagay na ito ay bihirang itinuturo ngayon, nguni’t dapat sana, dahil ito ang sinabi ni Jesus.
Pinatotohanan lamang ni Jesus ang pag-ibig na sumasang-ayon ng Diyos para sa mga sumusunod sa Kanyang mga utos.
Mahal kayo ng Ama; minamahal Niya kayo sapagka’t ako’y minahal ninyo at naniwala kayo na Alagad sa Diyos (Jn. 16:27, idinagdag ang pagdidiin).
Ang tumatanggap sa mga utos Ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa Akin ay umiibig sa Aking Ama; iibigin Ko rin siya at Ako’y lubusang magpapakilala sa Kanya….Ang umiibig sa Akin ay tumutupad ng Aking salita; iibigin siya ng Aking Ama at Kami’y tatahan at mananatili sa Kanya (Jn. 14:21, 23, idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na sa pangalawang sipi, hindi nangangako si Jesus sa mga hindi matapat na mananampalataya na kung nag-umpisa sila sa pagsunod sa Kanyang mga utos, lalapit Siya sa kanila sa isang tanging paraan. Hindi, nangangako si Jesus na kung sinuman ang mag-umpisang magmahal sa Kanya at sumunod sa Kanyang utos, iibigin ng Kanyang Ama ang taong iyon, at kapwa Siya at Kanyang Ama ay mananahan sa taong iyon, isang malinaw na pagtuturing sa pagiging muling isinilang. Lahat ng muling isinilang ay mayroong kapwa Ama at Anak na nananahan sa kanya sa nananahang Espiritu Santo (tingnan ang Ro. 8:9). Kaya muli nating makikita na ang mga tunay na muling isinilang ay iyong mga nagsisisi at nagsisimulang sumunod kay Jesus, at sila ang magkakaroon ng sumasang-ayong pag-ibig ng Ama.
Siyempre, inirereserba pa rin ni Jesus ang mahabaging pag-ibig para sa mga naniniwala sa Kanya. Kapag sumuway sila, handa Siyang patawarin sila kung ikukumpisal nila ang kanilang kasalanan at patawarin din ang iba.
Ang Kongklusyon (The Conclusion)
Lahat nang ito ay nagsasabing hindi minamahal ng Diyos ang masunurin Niyang mga anak nang tulad ng pagmamahal Niya sa mga makasalanan. Mahal Niya ang mga makasalanan nang mahabaging pag-ibig lamang, at ang pag-ibig na iyan ay pansamantala, na nagtatagal lamang hanggang mamatay sila. Habang minamahal Niya sila ng mahabaging pag-ibig, kinamumuhian Niya sila ng pagkamuhing nag-uugat sa Kanyang pagtanggi sa kanilang mga pagkatao. Ito ang itinuturo ng Magandang Balita.
Sa kabilang dako, mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak nang higit pa sa mga hindi muling isinilang. Pangunahin Niya silang minamahal ng isang pag-ibig na sumasang-ayon dahil nagsisi sila at nagsisikap silang sumunod sa Kanyang mga utos. Habang lumalago ang kanilang kabanalan, lumiliit ang dahilan upang mahalin Niya sila ng mahabaging pag-ibig, at lumalaki ang dahilan upang mahalin Niya sila ng pag-ibig na sumasang-ayon, na siya nilang ninanais.
Sinasabi rin nito na marami sa pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos ng mga modernong ministro ay lumilihis at hindi wasto. Sa paghahayag ng Magandang Balita, sandaling pagmunihan ang mga sumusunod na karaniwang kasabihan tungkol sa pag-ibig ng Diyos:
1.) Wala kang anumang magagawa upang mahalin ka ng Diyos nang higit o kulang sa pagmamahal Niya sa iyo ngayon.
2.) Wala kang magagawa na makapagpapatigil ng pagmamahal ng Diyos sa iyo.
3.) Walang kundisyon ang pag-ibig ng Diyos.
4.) Pareho ang pagmamahal ng Diyos sa lahat.
5.) Mahal ng Diyos ang makasalanan nguni’t kinamumuhian niya ang kasalanan.
6.) Wala kang anumang magagawa upan maging karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos.
7.) Ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay hindi nakabatay sa ating mga ginagawa.
Lahat ng mga pahayag sa taas ay may kakayahang maglihis o kaya ay talagang kamalian, dahil ang karamihan ay lubos na nagtatanggi sa pag-ibig na sumasang-ayon ng Diyos at marami ang nagpapasinungaling sa Kanyang mahabaging pag-ibig.
Tungkol sa (1), may magagawa ang mga mananampalataya upang sang-ayunang mahalin sila ng Diyos nang higit pa: maaari silang higit na maging masunurin. At mayroon silang magagawa upang sang-ayunang mahalin sila ng Diyos nang higit na kaunti: pagsuway. Para sa mga makasalanan, may magagawa sila upang higit silang mahalin ng Diyos: magsisi. Nang sa gayon ay mamahalin sila ng Diyos nang pag-ibig na sumasang-ayon. At may magagawa sila upang higit na hindi sila mamahalin ng Diyos: mamatay. Kung magkagayon, mawawala nila ang tanging pag-ibig na inilaan ng Diyos para sa kanila, ang Kanyang mahabaging pag-ibig.
Tungkol sa (2), mawawala ng isang Cristiano ang pag-ibig na sumasang-ayon ng Diyos sa pagkamit muli ng kasalanan, inilulugar ang kanyang sarili upang danasin lamang ang mahabaging pag-ibig ng Diyos. At, muli, ang di-nananampalataya ay maaaring mamatay, at iyan ang magpapahinto sa Diyos ng Kanyang mahabaging pag-ibig, ang tanging pag-ibig na inilaan ng Diyos sa kanya.
Tungkol sa (3), ang pag-ibig na sumasang-ayon ng Diyos ay tunay na may kundisyon. At pati ang Kanyang mahabaging pag-ibig ay may kundisyon sa pagiging pisikal na pagkabuhay ng isang tao. Pagkamatay, nagwawakas ang mahabaging pag-ibig ng Diyos, kaya kondisyunal ito dahil pansamantala.
Tungkol sa (4), malamang na hindi minamahal ng Diyos ang lahat nang pantay-pantay, dahil ang lahat, makasalanan man at banal, ay tinatanggihan Niya sa iba-ibang antas. Totoong hindi pareho ang pagmamahal ng Diyos sa makasalanan at banal.
Tungkol sa (5), kinamumuhian ng Diyos ang mga makasalanan at kanilang mga kasalanan. Higit na tamang sabihin na mahal Niya ang mga makasalanan nang mahabaging pag-ibig at kinamumuhian Niya ang kanilang mga kasalanan. Kung pagbabatayan ang Kanyang pag-ibig na sumasang-ayon, kinamumuhian Niya sila.
Tungkol sa (6), dapat ay maging karapat-dapat ang sinuman at ang lahat sa pag-ibig na sumasang-ayon ng Diyos. Siyempre, walang karapat-dapat sa Kanyang mahabaging pag-ibig, dahil may kundisyon ito.
Bilang pangwakas, tungkol sa (7), ang mahabaging pag-ibig ng Diyos ay hindi batay sa mga gawain, na siyang taliwas sa pag-ibig na sumasang-ayon ng Diyos.
Ang ibig sabihin ng lahat ng ito ay dapat ihayag na mabuti ng ministrong tagalikha-ng-alagad ang pag-ibig ng Diyos, na nakalarawan sa Biblia, dahil ayaw niyang malinlang ang sinuman. Ang mga tao lamang na minamahal ng Diyos nang pag-ibig na sumasang-ayon ay papasok sa langit, at sinasang-ayunang ibigin ang mga muling isinilang at susunod kay Jesus. Hindi ituturo ng ministrong tagalikha-ng-alagad ang anumang maglalayo sa mga tao sa kabanalan. Ang layunin niya ay tulad ng layunin ng Diyos, ang lumikha ng mga alagad na susunod sa lahat ng utos ni Cristo.
[1] Ang pangangaral ng magandang balita ng mga ebanghelista ay maituturing na pagtuturo, at kailangang ipahayag ng mga ebanghelista biblik magandang balita nang tama.
[2] Hindi lahat ng mananampalataya ay nabigyan ng tungkuling magturo sa madla, nguni’t lahat ay may tungkuling magturo nang isahan upang lumikha ng alagad (tingnan ang Mt. 5:19; 28:19-20; Col. 3:16; Heb. 5:12).
[3] Sinasabi kong “kung” dahil ang mga lobong nakadamit tupa ay malinaw na “ministrong” may makasariling motibo, ay sila’y mapapasa-impiyerno. Wari ko ang pagkakaiba nila sa mga tunay na ministro na may maling motibo ay ang tindi ng kanilang maling motibasyon.
[4] Lubhang kamangha-mangha na ang ilang gurong hindi matakasan ang mga katotohanang binabalaan ni Jesus ang Kanyang pinakamalalapit na alagad at malinaw na sinasagisag ng hindi matapat na alipin ang isang mananampalataya, ang magsabing ang lugar ng tangisan at pagngangalitan ng ngipin ay isang lugar sa paligid-ligid ng langit. Doon, mga walang katapatang mananampalataya ay sinasabing pansamantalang iyakan ang kanilang pagkawala ng gantimpala hanggang punasan ni Jesus ang luha sa kanilang mata at anyayahan sila sa langit!
[5] Siyempre, ang mga Cristianong gumagawa ng isang kasalanan ay hindi agad nawawalan ng kanilang kaligtasan. Iyong mga humihingi ng kapatawaran para sa kanilang mga kasalanan ay napapatawad ng Diyos (kung patatawarin din nila ang nagkakasala sa kanila). Iyong mga hindi humihingi ng kapatawaran ng Diyos ay naglalagay sa kanilang sarili sa panganib ng pagdidisiplina ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagmamatigas nila ng kanilang puso sa patuloy na pagdisiplina ng Diyos ang may panganib na mawalan ng kanilang kaligtasan.
[6] Iyong mga hindi pa rin nakukumbinsi na mawawala ng isang Cristiano ang kanyang kaligtasan ay dapat bigyang-pansin ang mga sumusunod na sipi sa Bagong Tipan: Mt. 18:21-35; 24:4-5, 11-13, 23-26, 42-51; 25:1-30; Lu. 8:11-15; 11:24-28; 12:42-46; Jn. 6:66-71; 8:31-32, 51; 15:1-6; Gw. 11:21-23; 14:21-22; Ro. 6:11-23; 8:12-14, 17; 11:20-22; 1 Cor. 9:23-27; 10:1-21; 11:29-32; 15:1-2; 2 Cor. 1:24; 11:2-4; 12:21-13:5; Gal. 5:1-4; 6:7-9; Fil. 2:12-16; 3:17-4:1; Col. 1:21-23; 2:4-8, 18-19; 1 Tes. 3:1-8; 1 Tim. 1:3-7, 18-20; 4:1-16; 5:5-6, 11-15, 6:9-12, 17-19, 20-21; 2 Tim. 2:11-18; 3:13-15; Heb. 2:1-3; 3:6-19; 4:1-16: 5:8-9; 6:4-9, 10-20; 10:19-39; 12:1-17, 25-29; San. 1:12-16; 4:4-10; 5:19-20; 2 Ped. 1:5-11; 2:1-22; 3:16-17; 1 Jn. 2:15-2:28; 5:16; 2 Jn. 6-9; Ju. 20-21; Pah. 2:7, 10-11, 17-26; 3:4-5, 8-12, 14-22; 21:7-8; 22:18-19. Ang mga pruwebang sipi na ipinakikita ng mga nagtuturo ng doktrina ng walang kondisyong walang hanggang seguridad ay mga siping nagdidiin lamang ng katapatan ng Diyos sa kaligtasan, at walang binabanggit tungkol sa tungkulin ng tao. Kaya dapat silang bigyang-kahulugan upang umugnay sa maraming sipi sa Magandang Balita na nakatala dito. Hindi dahil ipinangangako ng Diyos ang Kanyang katapatan ay katiyakan na ito ng katapatan ninuman. Dahil lamang sa ipinangangako ko sa aking asawa na kailanman ay hindi ko siya iiwan at iyan ay susundin ko, hindi iyan katiyakan na hindi niya ako iiwan.
[7] Mapagtatalunan na lahat ng mga siping ito na nagpapakita ng galit ng Diyos at pagkapoot sa mga makasalanan ay mula sa Lumang Tipan. Nguni’t ang niloloob ng Diyos sa mga makasalanan ay hindi nagbago, mula sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan. Ang nangyari kay Jesus at sa babaing taga-Canaan sa Mateo 15:22-28 ay mahusay na halimbawa sa Bagong Tipan sa niloloob ng Diyos sa mga makasalanan. Noong una, hindi man lang tinutugunan ni Jesus ang kanyang mga pakiusap, at tinagurian pa siyang isang aso. Ang walang humpay niyang pananampalataya ay nagresulta sa pagpapakita Niya ng habag. Ang niloloob ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo ay hindi kailanman maituturing na pag-ibig na sumasang-ayon (tingnan ang Mateo 23).