Isinulat ni Pablo kay Timoteo:
Pakaingatan mo ang iyong pagkilos at pagtuturo; patuloy mong gawin ang mga bagay na ito upang maligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo (1 Tim. 4:16, idinagdag ang pagdidiin).
Dapat isapuso ng bawa’t ministro ang payong ito, na unang-unang pinagtutuunan ang kanyang sarili,at tinitiyak na nagbibigay-halimbawa ng pagka-makaDiyos.
Pangalawa, dapat niyang pagtuunan ng masusing atensyon ang kanyang pagtuturo, dahil ang kanyang walang-hanggang kaligtasan at pati na rin ng kanyang mga tagapakinig ay nakasalalay sa kanyang itinuturo, tulad ng isinulat ni Pablo sa naturang sipi.
[1]
Kung niyayakap ng isang ministro ang isang taliwas na doktrina o nakakaligtaang sabihin ang katotohanan sa mga tao, ang resulta ay habambuhay na nakasisira sa kanya at sa iba.
Nguni’t walang dahilan ang ministrong tagalikha-ng-alagad upang magturo ng maling doktrina, dahil ibinigay sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang Kanyang Salita upang gabayan siya patungo sa katotohanan. Taliwas dito, ang mga ministrong may maling motibo ay inuulit lamang ang mga popular na pagtuturo ng iba, at hindi mismo inaaral ang Salita, at malamang na nagkakamali sa kanilang doktrina at pagtuturo. Ang pananggalang dito ay ang paglilinis ng ministro ng kanyang puso, at tinitiyak na ang kanyang motibo ay upang (1) bigyang-kasiyahan ang Diyos at (2) tulungan ang mga tao upang maging handa sa pagharap kay Jesus, sa halip na maging mayaman, makapangyarihan o popular. Dagdag pa rito, kailangang masinsinan ang kanyang pag-aaral ng Salita ng Diyos upang maging mahusay at balanse ang pagkaintindi niya dito. Isinulat din ni Pablo kay Timoteo,
Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan (2 Tim. 2:15).
Ang pagbasa, pag-aral at pagmumuni sa Salita ng Diyos ay isang dasiplinang dapat patuloy na ginagawa ng isang ministro. Tiyak na tutulungan siya ng Espiritu Santo upang intindihin ang Salita ng Diyos habang masinsinan ang kanyang pag-aaral, at tinitiyak na “mahusay niyang mapanghahawakan ang salita ng katotohanan.” Isa sa mga matitinding problema sa iglesia ngayon ay ang hindi mahusay na pagbibigay-kahulugan sa Salita ng Diyos kaya naililigaw ang mga taong tinuturuan nila. Ito ay lubhang seryoso. Nagbabala si Santiago,
Mga kapatid, hindi dapat na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba (San. 3:1)
Dahil dito kailangang alam ng ministrong tagalikha-ng-alagad kung paano bigyan ng tamang kahulugan ang Salita ng Diyos, na may layuning tumpak na pagkakaintindi at pagbabahagi sa kahulugang itinalaga ng bawa’t teksto.
Ang tamang interpretasyon ng Salita ng Diyos ay ginagawa sa paraang tulad ng tamang pagbibigay-kahulugan sa mga salita ninuman. Kung nais nating maintindihang mabuti ang tunay na kahulugan ng isang autor o mananalita, kailangan nating gamitin ang nakatakdang tuntunin sa interpretasyon, mga tuntuning batay sa sentido komon. Sa kabanatang ito, tintingnan natin ang tatlong pinakamahalagang tuntunin ng mahusay sa interpretasyon ng Biblia. Ito ay (1) Matalinong Pagbasa, (2) Pagbasa ng Konteksto, at (3) Pagbasa nang Tapat.
Tuntunin #1: Bumasa nang may katalinuhan. Literal na bigyang-interpretasyon ang iyong binasa maliban kung malinaw na may intensiyon itong intindihin bilang sagisag o talinhaga.
Ang Banal na Salita, tulad ng lahat ng literatura, ay puno ng matalinhagang pananalita gaya ng metapora, hyperbole o pagpapalabis sa katotohanan at anthropomorphism o ang pag-uukol ng katawang-tao sa isang Diyos . Dapat silang ituring bilang mga ganito. Ang metapora ay ang pagkukumpara ng mga pagkakatulad ng di-magkaparehong bagay. Ang Banal na Salita ay naglalaman ng maraming metapora. Ang isa ay makikita sa salita ni Cristo sa Banal na apunan:
Habang sila’y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati Niya iyon, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang Aking katawan.” Pagkatapos, dumampot Siya ng kopa, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi Niya, “Uminom kayong lahat nito sapagka’t ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan” ng Diyos. Ang Aking dugo ay mabubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami (Mt. 26:26-28).
Ibig sabihin ba ni Jesus na ang tinapay na ibinigay Niya sa Kanyang mga alagad ay literal na katawan Niya at ang alak na ininom nila ay literal na dugo Niya? Sinasabi ng ating sentido komon na Hindi. Ang simpleng Sinasabi ng Magandang Balita ay tinapay at alak ang ibinigay ni Jesus sa kanila, at kailanman ay wala itong sinasabi na literal na napalitan ang mga ito ng katawan at dugo. Ni si Pedro o Juan, na nandoonBanal na apunan, ay nag-ulat na may ganitong pangyayari sa kanilang mga sulat, at hindi kailanman magiging madali para sa mga alagad na tanggapin ang pagiging kanibal! Ang ilan ay nagtatalo, “Nguni’t sinabi ni Jesus na ang tinapay at alak ay Kanyang katawan at dugo, kaya paniniwalaan ko ang sinabi ni Jesus!”
Sinabi rin minsan ni Jesus na Siya ang pintuan (tingnan ang Jn. 10:9). Naging literal na pintuan ba siya na may bisagra at hawakan? Sinabi minsan ni Jesus na Siya ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga (tingnan ang Jn. 15:5). Literal bang naging puno ng ubas si Jesus? Literal ba tayong naging sanga? Sinabi minsan ni Jesus na Siya ang ilaw ng sanlibutan at ang tinapay na bumaba mula sa langit (tingnan ang Jn. 9:5; 6:41). Si Jesus rin ba ay sinag ng araw at pan de bara?
Malinaw na ang lahat ng ekspresyong ito ay talinhagang tinatawag na metapora, ang pagkukumpara ng dalawang bagay na hindi magkapareho nguni’t may mga pagkakatulad. Sa ilang paraan, si Jesus ay parang pintuan at puno ng ubas. Ang mga pahayag ni Jesus ay malinaw na metapora din. Ang alak ay parang dugo Niya (sa ilang katangian). Ang tinapay ay parang katawan Niya (sa ilang katangian).
Ang Mga Talinhaga ni Cristo (Christ’s Parables)
Ang mga talinhaga ni Cristo’y simile, o pagtutulad, na gaya rin ng mga metapora, bagama’t ang mga pagtutulad ay langing nagdaragdag ng mga salitang gaya ng, parang o kaya. Nagtuturo sila ng mga leksiyong espiritwal sa pamamagitan ng pagkukumpara ng pagkakatulad ng dalawang bagay na likas na hindi magkatulad. Iyan ang isang mahalagang puntong kailangan nating isaisip habang binibigyang-kahulugan natin sila; kung hindi, maaari tayong magkamali sa paghahanap ng kahalagahan ng bawa’t detalye ng bawa’t talinhaga. Ang mga metapora at pagtutulad ay laging nakararating sa isang punto ng pagwawakas ng pagkakatulad at pagsisimula ng di-pagkakatulad. Halimbawa, kung sinabi ko sa aking asawa, “Parang lawa ang iyong mga mata,” ibig kong sabihin asul ang kanyang mga mata, malalalim at nakakaengganyo. Hindi ko ibig sabihin na lumalangoy ang mga isda doon, na dumadapo ang mga ibon doon, at sa taglamig ay nagiging yelo iyon.
Titingnan natin ang tatlo sa mga talinhaga ni Jesus, lahat ay pagtutulad, at ang una’y ang Talinhaga ng Lambat:
Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga ito habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapakikinabangan. Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, at ihahagis ang masasama sa mga naglalagablab na apoy. Doo’y magnanangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” (Mt. 13:47-50).
Ang kaharian ng langit ba at ang lambat ay likas na magkapareho? Talagang hindi! Sila ay ibang-iba nguni’t may kaunting pagkakatulad. Tulad ng pagtataya at pagbubukod sa mga isda sa dalawang kategorya, ang mabubuti at ang mga hindi napakikinabangan, kapag inalis mula sa isang lambat, ganyan din sa kaharian ng Diyos. Isang araw ang mga masasama at mabubuti, na kasalukuyang magkakasamang naninirahan, ay mapaghihiwalay. Nguni’t diyan nagtatapos ang kanilang pagkakatulad. Ang mga isda ay lumalangoy; ang mga tao’y naglalakad. ang mga mangingisda’y naghihiwalay ng mga isda. Ang mga anghel ay maghihiwalay ng mga masasama sa mabubuti. Ang mga isda ay nahahatulang malinamnam pagkaluto. Ang mga tao ay nahahatulan ng kanilang pagsunod o di-pagsunod sa Diyos. Ang mga mabubuting isda ay inilalagay sa mga lalagyan at ang mga isdang hindi mapakikinabangan ay itinatapon. Ang mga mabubuting tao ay magmamana ng kaharian ng Diyos at ang mga masasamang tao ay itinatapon sa impiyerno.
Ang talinhagang ito ay mahusay na halimbawa kung paanong bawa’t metapora at pagtutulad, kung tutuusin ay hindi perpektong halimbawa dahil ang mga bagay na ikinukumpara ay likas na hindi magkatulad. Ayaw nating lampasan ang kahulugang nais ng mananalita, ipagpalagay natin na ang mga pagkakaiba ay tunay na pagkakatulad. Halimbawa, alam nating lahat na ang “mabuting isda” ay magwawakas sa pagkakaluto nito sa apoy, at ang “di-napakikinabangang isda” ay babalik sa tubig upang lumangoy pa ng isang araw. Hindi binanggit iyan ni Jesus! Nakasama sana sa Kanyang layunin.
Ang talinhagang ito ay hindi nagtuturo (kahit ano pa man ang sabihin ninuman) ng estratehiya ng “Ebanghelismo ng lambat,” na pinagsisikapan nating hulihin ang lahat papuntang iglesia, mabubuti at masasama, gustuhin man nilang pumasok o hindi! Hindi itinuturo ng talinhagang ito na ang pampang ang pinakamahusay ng lugar upang magpatotoo. Hindi pinatutunayan ng talinhagang ito na ang Dagit ng iglesia ay nangyayari sa katapusan ng panahon ng pagsubok. Hindi itinuturo ng talinhagang ito na ang ating kaligtasan ay tunay na pinakadakilang paghirang ng Diyos dahil ang mga piniling isda sa talinhaga ay walang kinalaman sa dahilan ng pagkapili sa kanila. Huwag ipilit ang kahalagahang hindi kailangan sa mga talinhaga ni Jesus!
Pananatiling Handa (Remaining Ready)
Ito ay isa pang karaniwang talinhaga ni Jesus, ang Talinhaga ng Sampung Dalaga:
Ang kaharian ng langit ay maitutulad dito. May sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawa’t isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima nama’y matatalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan nguni’t hindi nagbaon ng langis. Ang matatalino nama’y nagbaon ng langis, bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya’t inantok at nakatulog sila sa paghihintay. Nguni’t nang hatinggabi na’y may sumigaw, ‘narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo upang salubungin siya! Agad bumangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan.’ Baka hindi ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo,’ tugon naman ng matatalino. Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Habang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at isinara ang pinto. “Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. “Nguni’t tumugon siya, ‘Tandaan ninyo, hindi ko kayo nakikilala.’”Pagkatapos nito’y sinabi ni Jesus, “Kaya’t magbantay kayo, sapagka’t hindi ninyo alam ang araw o ang oras man” (Mt. 25:1-13).
Ano ang pangunahing aral ng talinhagang ito? Matatagpuan sa huling pangungusap: Manatiling handa sa pagbabalik ng Panginoon, dahil maaaring maantala Siya ng mas matagal kaysa sa inaasahan ninyo. Iyan lang iyan.
Gaya ng binanggit ko sa nakaraang kabanata, sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa ilang malalapit na alagad Niya (tingnan ang Mt. 24:3; Mc. 13:3), na malinaw na matalimang sumusunod sa Kanya sa panahong iyon. Malinaw na ipinahiwatig sa talinhagang ito ang katotohanang posibleng hindi maging handa sina Pedro, Santiago, Juan at Andres pagbalik ni Jesus. Kaya nagbibigay ng babala si Jesus sa kanila. Kaya itinuturo ng talinhagang ito na may posibilidad na iyong mga kasalukuyang handa sa pagbabalik ni Cristo ay maaaring hindi maging handa kapag talagang bumalik na Siya. Lahat ng sampung dalaga ay pawang handa noong umpisa, nguni’t lima sa kanila ang hindi naging handa. Kung bumalik sana nang mas maaga ang lalaking ikakasal, lahat ng sampung dalaga ay nakadalo sa piging.
Nguni’t ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng limang hangal at limang matatalinong dalaga? Ibig sabihin ba niyan na kalahati lamang sa nagsasabing sila’y mananampalataya ay handa sa pagbabalik ni Cristo? Hindi.
Ano ang kahalagahan ng langis? Sinasagisag ba nito ang Espiritu Santo? Hindi. Ibinubunyag ba nito sa atin na iyon lamang nabautismuhan sa Espiritu Santo ang makakapunta sa langit? Hindi.
Ibinubunyag ba ng pagdating sa hatinggabi ng lalaking ikakasal ang pagbabalik ni Jesus sa hatinggabi? Hindi.
Bakit hindi sinabihan ng lalaking ikakasal ang mga matatalinong dalaga na kilalanin nila sa pinto ang mga dalagang hangal? Kung sinabihan ng lalaking ikakasal ang mga matatalinong dalaga upang kilalanin ang mga hangal, maaaring mawalang-saysay ang pinupunto ng buong talinhaga, dahil maaaring nakapasok din ang mga hangal na dalaga.
Marahil masasabing tulad ng pagkawala ng ilaw ng mga dalaga at sila’y nakatulog, gayundin ang mga hangal na mananampalataya na magsisimulang maglakad sa espiritwal na kadiliman at magkaroon ng pagtulog na espiritwal, na siyang magdadala sa kanila sa paghatol. Marahil ang isang pagkakatulad ay makikita sa piging ng kasalan sa talinhaga, at sa susunod na piging ng kasalan ng Kordero, nguni’t hanggang diyan lamang tayo dadako na hindi magpumilit ng kahulugan sa talinhagang ito o ng kanyang iba-ibang detalye.
Pamumunga (Bearing Fruit)
Marahil ang sukdulang pinakamasamang interpretasyon na aking narinig tungkol sa isa sa mga talinhaga ni Cristo ay ang pagpapaliwanag ng isang ministro sa Talinhaga Tungkol sa mga Damo sa Triguhan. Basahin muna natin ang talinhaga:
Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinhaga. Sinabi Niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. Nang tumubo at magbunga ang mga trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. Kaya’t pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot Siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong Siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot Niya. ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Pag-aani’y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’ ” (Mt. 13:24-30).
Ngayon ito ang paliwanag ng nabanggit na ministro:
Kapag tumubo ang trigo at damo, magkapareho sila. Walang makapagsasabi kung trigo o damo sila. Ganyan din sa mundo at sa iglesia. Walang makapagsasabi kung sino ang mga tunay na Cristiano at kung sino ang mga di-nananampalataya. Hindi sila makikilala sa kanilang uri ng pamumuhay, dahil maraming Cristiano ang hindi rin sumusunod kay Cristo tulad ng hindi pagsunod ng mga di-nananampalataya. Ang Diyos lamang ang nakakaalam ng kanilang puso at sa katapusan, Siya ang magbubukod sa kanila.
Hindi iyan, siyempre, ang punto ng Talinhaga Tungkol sa mga Damo sa Triguhan! Sa totoo lang, itinuturo nito na ang mga mananampalataya ay napakadaling ibukod sa mga di-nananampalataya. Pansinin na napagtanto ng mga utusan na tumubo din ang mga damo nang magbunga ang mga trigo (tingnan ang b. 26). Palagay ko mahalaga na pinili ni Jesus ang mga walang bungang damo upang isagisag ang mga masasama na matitipon sa katapusan at itapon sa inpiyerno.
Payak ang mga pangunahing puntos ng talinhagang ito: Ang mga tunay na naligtas ay namumunga; ang mga di-naligtas ay hindi. Kahit hindi pa hinahatulan ng Diyos ang mga masama habang nakikipamuhay sila sa mga nailigtas na, isang araw ay ibubukod Niya sila mula sa mga mabubuti at itatapon Niya sila sa impiyerno.
Talagang ipinaliwanag ni Jesus ang talinhagang ito, kaya walang pangangailangan ang sinuman upang hanapin ang kahalagahan sa labas ng Kanyang paliwanag:
Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok Siya sa bahay. Lumapit ang Kanyang mga alagad at sinabi sa Kanya, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinhaga tungkol sa mapanirang damong tumubo sa bukid.” Sumagot si Jesus, “Ang naghahasik ng mabubuting binhi ay ang Anak ng Tao, ang bukid ay ang daigdig, ang mabuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian at ang mapanirang damo naman ay ang mga kabilang sa Masama. Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo. Ang panahon ng pag-aani ay ang katapusan ng daigdig at ang mga tagapag-ani naman ay ang mga anghel. Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Ipag-uutos ng Anak ng Tao sa Kanyang mga anghel na tipunin nila mula sa Kanyang kaharian ang lahat ng gumagawa ng masama. Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. Nguni’t ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!” (Mt. 13:36-43).
Pagpapalabis sa Katotohanan (Hyperbole)
Isang pangalawang pananalinhaga sa Biblia ay hyperbole o pagpapalabis sa katotohanan. Ang hyperbole ay sinadyang pagpapalabis upang magdiin. Kapag sinabi ng ina sa kanyang anak, “tinawag kitang maghapunan nang sanlibong beses,” iyan ay pagpapalabis. Isang halimbawa ng hyperbole sa Biblia ay ang pahayag ni Jesus tungkol sa pagputol mo ng iyong kanang kamay:
Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno (Mt. 5:30).
Kung literal na ibig sabihin ni Jesus na ang lahat ng nagkakasala gamit ang kanang kamay ay putulin ang naturang kamay, marami sa atin ang walang kanang kamay! Siyempre, ang problema sa kasalanan ay wala talaga sa ating kamay. Malamang na itinuturo ni Jesus na maaaring dalhin tayo ng kasalanan sa impiyerno, at ang paraan upang iwasan ang kasalanan ay alisin ang mga tukso at mga bagay na titisod sa atin.
Pag-uukol ng Katawang-tao sa isang Diyos (Anthropomorphism)
Ang pangatlong pananalinhaga sa Biblia ay ang anthropomorphism. Ito ay ekspresyong metaporikal kung saan ang mga katangiang pantao ay iniuukol sa Diyos upang matulungan tayong intindihin Siya. Halimbawa, mababasa natin sa Genesis 11:5:
Bumaba si Yahweh upang tingnan ang lunsod at ang toreng itinayo ng mga tao (Gen. 11:5).
Ito ay maaaring ituring na anthropomorphism dahil malamang na hindi literal na gagawin ng makapangyarihang Diyos ang paglalakbay mula sa langit pababa sa Babel upang imbestigahan ang itinatayo ng mga tao!
Maraming biblikal na iskolar ang nagtuturing na anthropomorphism ang lahat ng biblikal na pahayag na naglalarawan ng bahagi ng katawan ng Diyos, tulad ng Kanyang mga bisig, kamay, ilong, mata at buhok. Talaga, sabi nila, ang makapangyarihang Diyos ay walang tunay na mga bahaging gaya ng tao.
Subali’t hindi ako sumasang-ayon, sa maraming dahilan. Una, dahil simpleng itinuturo ng Biblia na tayo ay nilikha sa larawan at wangis ng Diyos.
Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa Ating larawan, ayon sa Ating wangis” (Gen. 1:26, idinagdag ang pagdidiin).
Ang ilan ay magsasabi na nilikha tayo sa larawan at wangis ng Diyos sa puntong mayroon tayong pagsisino sa sarili, tungkuling moral, ang kakayahang mag-isip, at iba pa. Nguni’t basahin natin ang isang pahayag na halos sintulad ng Genesis 1:26, isang nangyari sa susunod na ilang kabanata:
Si Adan ay 130 taon nang maging anak niya si Set na kanyan kawangis (Gen. 5:3, idinagdag ang pagdidiin).
Siguradong ibig sabihin nito na si Set ay kapareho ng pisikal na anyo ng kanyang ama. Kung iyan ang ibig sabihin sa Genesis 5:3, totoong ang parehong ekspresyon ay pareho rin ang kahulugan sa binabanggit sa Genesis 1:26. Idinidikta ng sentido komon at mahusay na interpretasyon na tama iyan.
Dagdag pa rito, mayroon tayong ilang paglalarawan sa Diyos ng ilang biblikal na autor na nakakita sa Kanya. Halimbawa, si Moises, kasama ng pitumpu’t tatlong iba pang taga-Israel, ang nakakita sa Diyos:
Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel. Doo’y nakita nila ang Diyos ng Israel; ang kanyang tuntungan ay parang bughaw na safiro at nakakasilaw na parang langit. Nguni’t walang masamang nangyari sa kanila kahit nakita nila ang Diyos. At sila’y kumain at uminom doon (Exo. 24:9-11).
Kung tinanong mo si Moises kung may kamay at paa ang Diyos, ano kaya ang sinabi niya?
[2]
May pangitain din ang propetang si Daniel sa Diyos Ama at Diyos Anak:
Habang ako’y nakatingin, mayroong naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang Nabubuhay Magpakailanpaman. Puting-puti ang kanyang kasuotan at gayundin ang kanyang buhok. Ang trono Niya’y nagliliyab. Parang bukal ang apoy na dumadaloy mula sa Kanya. Pinaglilingkuran Siya ng milyun-milyon, bukod pa sa daan-daang milyon na nakatayo sa harap Niya. Humanda na Siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat….patuloy ang aking pangitain. Nakita ko sa alapaap sa langit ang parang isang tao. Lumapit siya sa Nabubuhay Magpakailanpaman. Binigyan Siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian upang paglingkuran Siya ng lahat ng tao sa bawa’t bansa at wika. Ang pamamahala Niya ay hindi magwawakas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak. (Dan. 7:9-10, 13-14).
Kung tinanong mo si Daniel kung may puting buhok ang Diyos at may katawang maaaring umupo sa ayang trono, ano kaya ang sinabi Niya?
Dahil sa lahat ng ito, kumbinsido akong ang Diyos Ama ay may maluwalhating hugis na may pagkakatulad sa hugis ng isang tao, bagama’t hindi Siya yari sa laman at dugo, kundi isang espiritu (tingnan ang Jn. 4:24).
Paano mo mawawari kung aling bahagi ng Biblia ang literal na bigyan mo ng interpretasyon o kung alin ang ituturing mong matalinhaga? Lubhang madali iyan sa sinumang marunong sa lohikal na pag-iisip. Literal na ipakahulugan ang lahat maliban kung wala nang ibang matalinong alternatibo kundi bigyan ito ng kahulugang nagsasagisag. Ang mga propeta ng Lumang Tipan at ang aklat ng Pahayag, halimbawa, ay malinaw na puno ng simbolismo, at ang ilan ay may paliwanag, at ilan ay wala. Nguni’t ang mga simbolismo ay hindi mahirap kilalanin.
Tuntunin #2: Basahin ang konteksto. Bawa’t sipi ay kailangang maipaliwanag ng mga nakapaligid na sipi at ng buong Biblia. Kung kinakailangan, ang kontekstong historikal at kultural ay isaalang-alang din. (Rule #2: Read contextually. Every passage must be interpreted in light of the surrounding passages and the entire Bible. The historical and cultural context should also be considered whenever possible.)
Ang pagbasa ng Kasulatan nang hindi tinitingnan ang nakapaligid na kontekstong biblikal ay siyang dahilan marahil ng pagbibigay ng maling kahulugan.
Posibleng maaaring ipabigkas sa Biblia ang anumang nais mong sabihin nito sa pamamagitan ng pag-aalay sa kanila sa konteksto. Halimbawa, alam mo ba na sinasabi ng Biblia na hindi tunay ang Diyos? Sa Awit 14 mababasa natin, “Wala namang Diyos” (Awit 14:1). Nguni’t kung nais nating mahusay na bigyang-kahulugan ang mga salitang iyon, dapat natin silang basahin sa kanilang konteksto: “Sinabi ng hangal sa kanyang puso, ‘Wala Namang Diyos’” (Awit 14:1, idinagdag ang pagdidiin). Ngayon lubhang nag-iba ang kahulugan ng kasulatan!
Isa pang halimbawa: Minsan ay narinig ko ang isang ministrong nagsermon tungkol sa pangangailangan ng mga Cristianong “mabautismuhan sa apoy.” Inumpisahan niya ang kanyang sermon sa pagbasa ng mga salita ni Juan na tagapapagbautismo mula sa Mateo 3:11: “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Nguni’t ang darating na kasunod ko ang siyang magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan sa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas.
Batay sa isang bersong ito, nakagawa siya ng semon. Naalala ko ang kanyang pagsabing, “Dahil lamang sa nabautismuhan kayo ng Espiritu Santo, hindi iyan sapat! Nais rin ni Jesus na bautismuhan kayo sa apoy, tulad ng ipinahayag ni Juan na tagapagbautismo!” At ipinaliwanag niya na kapag “nabautismuhan na tayo sa apoy,” mapupuno tayo ng sigasig upang magtrabaho para sa Panginoon. Sa katapusan ay tinawag niya sa harap ang mga nagnanais “mabautismuhan sa apoy.”
Sa malas, ang ministrong iyon ay gumawa ng klasikong kamalian ng pag-intindi sa Biblia na labas sa konteksto nito.
Ano ang ibig sabihin ni Juan na tagapagbautismo nang sabihin niyang magbabautismo sa apoy si Jesus? Upang matagpuan ang sagot, ang tanging gagawin natin ay basahin ang dalawang berso bago iyon at ang isa pagkatapos niyon. Mag-umpisa tayo sa dalawang nakaraang berso: Doon sinabi ni Juan na:
At huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyo na ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng tunay na mga anak ni Abraham. Ngayon pa lamang ay nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy; ang bawa’t punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy (Mt. 3:9-10, idinagdag ang pagdidiin).
Una nating malalaman na bahagi ng tagapakinig ni Juan sa araw na iyon ay binubuo ng mga Judio na nag-aakalang ang kanilang kaligtasan ay batay sa kanilang angkan. Kaya, Ebanghelistiko ang sermon ni Juan.
Malalaman din natin na binabalaan ni Juan ang mga di-ligtas na tao na nanganganib silang matapon sa apoy. Mukhang makatwirang ipalagay na “ang apoy” na tinutukoy ni Juan sa berso 10 ang siya ring apoy na binabanggit niya sa berso 11.
Higit na lilinaw ang katotohanang ito kapag binasa natin ang berso 12:
“Hawak na Niya ang Kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin Niya sa kamalig ang trigo nguni’t ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman” (Mt. 3:12, idinagdag ang pagdidiin).
Sa kapwa berso 10 at 12, ang apoy na tinutukoy ni Juan ay ang apoy ng impiyerno. Sa berso 12, matalinhagang binabanggit niya na hahatiin ni Jesus sa dalawang grupo ang mga tao—trigo na “titipunin Niya sa kamalig,” at ipa, na susunigin Niya “sa apoy na di mamamatay kailanman.” Ayon sa sinasabi ng nakapaligid na berso, babautismuhan ni Jesus ang mga tao alinman sa Espiritu Santo, kung sila ay mananampalataya, o sa apoy, kung sila ay di-mananampalataya. Dahil dito, walang sinuman ang magsesermon sa mga Cristiano na kailangan nilang mabautismuhan sa apoy!
Sa pagdako natin sa labas ng konteksto ng mga nakapaligid na berso, tingnan din natin ang kabuuan ng Bagong Tipan. Makahahanap ba tayo ng halimbawa sa aklat ng Mga Gawa na ang mga Cristiano ay nasabing “nabautismuhan sa apoy”? Hindi. Ang pinakamalapit na bagay ay ang paglalarawan ni Lucas sa araw ng Pentecostes nang mabautismuhan ang mga alagad sa Espiritu Santo at pansamantalang nanalagi sa taas ng kanilang mga ulo ang mga dila ng apoy. Nguni’t kailanman ay hindi sinabi ni Lucas na ito ay “pagbabautismo sa apoy.” Dagdag pa, makakakita ba tayo ng pagpapayo o instruksiyon sa mga sulat na dapat “mabautismuhan sa apoy” ang mga Cristiano? Hindi. Kung gayon, lubhang maaaring ipagpalagay na walang sinumang Cristiano ang maghahangad na mabautismuhan sa apoy.
Isang Taliwas na Magandang Balita Mula sa Biblia (A False Gospel Derived From Scripture)
Kadalasan ang Magandang Balita mismo ang hindi matapat na ipinapakita ng mga ministro o guro, na dahil sa pagkabigong isaalang-alang ang konteksto, ay nagkakamali sa pagpapaliwanag ng Magandang Balita. Dahil dito, maraming umiiral na maling pagtuturo tungkol sa pagpapala ng Diyos.
Halimbawa, ang pahayag ni Pablo tungkol sa kaligtasan na bunga ng pagpapala at hindi ng mga gawa, na matatagpuan sa Efeso 2:8, ay inabuso upang isulong ang taliwas na Magandang Balita, dahil lamang sa pagwawalang-bahala sa konteksto. Isinulat ni Pablo:
Sapagka’t dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman (Efe. 2:8-9).
Marami ang tumutuon lamang sa mga pahayag ni Pablo tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapala, isang handog, at hindi bunga ng mga gawa. Mula diyan, taliwas sa patotoo ng ilang daang sipi sa Biblia, sinasabi nila na walang kaugnayan ang kaligtasan at kabanalan. Marami ang magsasabi ng higit pa diyan, na ang pagsisisi ay hindi kailangan upang maligtas. Ito ay klasikong halimbawa kung paano nalilihis sa tamang paliwanag ang Biblia dahil winawalang-bahala ang konteksto.
Una, tingnan natin ang aktwal na naturang sipi sa kabuuan nito. Hindi sinasabi ni Pablo na tayo ay naligtas sa pagpapala, kundi naligtas tayo sa kagandahang-loob sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pananampalataya ay sadyang bahagi rin ng sukatan ng kaligtasan tulad ng pagpapala. Idinedeklara ng Biblia na ang pananampalatayang walang gawa ay walang silbi, patay, at hindi nakaliligtas (tingnan ang San. 2:14-26). Kung gayon, hindi itinuturo ni Pablo na ang kabanalan ay walang katuturan sa kaligtasan. Sinasabi niya na hindi ang ating sariling pagsisikap ang nagliligtas sa atin; ang batayan ng ating kaligtasan ay ang pagpapala ng Diyos. Hindi tayo kailanman maliligtas kung walang pagpapala ang Diyos, nguni’t mangyayari lamang ang kaligtasan sa ating buhay kapag tumutugon tayo sa pagpapala ng Diyos nang may pananampalataya. Ang resulta ng kaligtasan ay laging pagsunod, ang bunga ng tunay na pananampalataya. Sa pamamagitan ng pagtingin sa kontekstong hindi nalalayo sa susunod na berso, napagtitibay ito. Sinasabi ni Pablo:
Sapagka’t tayo’y nilalang ng Diyos, nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti. Iyan ang layuning pinili ng Diyos para sa atin noong una pa man (Efe. 2:10).
Ang ganap na dahilan ng pagbuhay muli sa atin ng Espiritu Santo, bago na ngayong nilikha kay Cristo, ay upang makasama tayo sa mabubuting gawa ng pagsunod. Kung gayon, ang sukatan ng kaligtasan ni Pablo ay nagmumukhang ganito:
Pagpapala + Pananampalataya = Kaligtasan + Pagsunod
Ibig sabihin, pagpapala at pananampalataya ay (o nagreresulta sa) kaligtasan at pagsunod. Kapag sinuklian na pananampalataya ang pagpapala ng Diyos, ang bunga ay laging kaligtasan at mabubuting gawa.
Bagama’t ang mga nag-alay sa konteksto ng salita ni Pablo ay nakagawa ng pormulang ganito:
Pagpapala + Pananampalataya – Pagsunod = Kaligtasan
Ibig sabihin, pagpapala at pananampalataya na walang (o alisin ang) pagsunod ay (o nagreresulta sa kaligtasan. Iyan ay hidwang paniniwala kung tungkol sa Biblia ang pag-uusapan.
Kung babasahin lang natin nang higit na malalim ang konteksto ng mga salita ni Pablo, malalaman natin na ang sitwasyon sa Efeso ay pareho sa halos lahat ng dakong pinagturuan ni Pablo. Ibig sabihin, itinuturo ng mga Judio sa mga Hentil na kababalik-loob na kailangan nilang magpatuli at sundin ang ilang seremonya sa sinaunang Kautusan kung gusto nilang maligtas. Nasa ilalim ng konteksto ng pagpapatuli at mga gawang pang-seremonya ang nasa isip ni Pablo nang isulat niya ang tungkol sa “mga gawa” na hindi nagliligtas sa atin (tingnan ang Efe. 2:11-22).
Kung babasahin pa natin ang mga susunod na pahayag, upang matingnan ang konteksto ng kabuuang sulat ni Pablo sa mga taga- Efeso, malinaw na makikita natin na naniniwala si Pablo na mahalaga ang kabanalan sa kaligtasan:
Kayo’y mga hinirang ng Diyos, kaya’t hindi dapat mabanggit man lamang na kayo’y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot. Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos. Alam na ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim sapagka’t ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Huwag kayong padaya sa sinuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagka’t dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail (Efe. 5:3-6, idinagdag ang pagdidiin).
Kung naniniwala si Pablo na sa katapusan ay ililigtas ng pagpapala ng Diyos ang sinumang di-nagsissing nakikiapid o gumagawa ng kahalayan, hindi sana niya isinulat ang mga salitang iyon. Ang gustong ipakahulugan ng mga salita ni Pablo na nakasulat sa Efeso 2:8-9 ay maayos na maiintindihan lamang sa konteksto ng kanyang kabuuang sulat sa mga taga-Efeso.
Ang Ganap na Kabiguan sa Galacia (Ang Galatian Fiasco)
Ang mga salita ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia ay naipakahulugan din sa labas ng konteksto. Ang resulta ay ang pagkabaluktot ng Magandang Balita, ang mismong nais ni Pablong ituwid sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia. Ang kabuuang tema ng sulat ni Pablo sa mga taga-Galacia ay “Kaligtasan sa pamamatigan ng pananampalataya, at hindi sa pamamagitan ng mga gawa sa Kautusan.” Nguni’t intensyon ba ni Pablo na ipagpalagay ng kanyang mambabasa na hindi kailangan ang kabanalan upang pumasok sa kaharian ng Diyos? Siyempre hindi. Una, mapapansin natin na nilalabanan muli ni Pablo ang mga Judio na pumunta sa Galacia at nagtuturo sa mga kabakalik-loob na hindi sila maliligtas hangga’t di sila nagpatuli at sumunod sa Kautusan ni Moises. Binabanggit-banggit ni Pablo ang partikular na isyu ng pagpapatuli sa kanyang sulat, dahil mukhang iyon ang idinidiin ng mga mambabatas na Judio (tingnan ang Gal. 2:3, 7-9, 12; 5:2-3, 6, 11; 6:12-13, 15). Hindi mahalaga kay Pablo na ang mga mananampalatayang taga-Galacia ay nagiging lubhang masunurin sa mga utos ni Cristo; nababahala siya na hindi na nila pinahahalagahan ang pananampalataya kay Cristo upang maligtas, kundi sa pagpapatuli at mga sarili nilang pagsisikap upang sundin ang sinaunang Kautusan. Sa pagtingin natin sa kabuuang konteksto ng sulat ni Pablo sa mga taga-Galacia, mapapansin natin ang kanyang binabanggit sa kabanata 5:
Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. Hindi maikakaila ang mga hilig ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagkapoot sa isa’t isa, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos (Gal. 5:18-21, idinagdag ang pagdidiin).
Kung ninais iparating sa mga taga-Galacia na maaari silang maging masama at makakapasok sa langit, hindi sana niya isinulat ang mga salitang ito. Ang mensahe niya ay hindi ang pagpunta sa langit ng mga hindi banal na tao, kundi ang hindi-pagkakaligtas ng mga nagwawalang-bahala sa pagpapala ni Cristo at sakripisyo ni Cristo sa pamamagitan ng pagsubok nilang maligtas sa pagpapatuli at Kautusan. Hindi ang pagpapatuli ang nagliligtas. Ito ang pananampalataya kay Jesus na nagreresulta sa kaligtasan na nagpapabago sa mga mananampalataya upang maging bagong nilalang:
Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga’y kung siya nga ay naging bagong nilalang (Gal. 6:15).
Muli, ang lahat nang ito’y nagpapakita ng kahalagahan ng pagsasaalang-alang sa konteksto kapag binibigyang-kahulugan ang Biblia. Ang tanging paraan ng pagkabaluktot ng Magandang Balita sa pamamagitan ng Salita ng Diyos ay ang pagwawalang-bahala sa konteksto. Napag-iisip lang tayo tungkol sa puso ng mga “ministrong” tahasang sinasadyang gumawa nito.
Halimbawa, minsan ay narinig kong idineklara ng isang ministro na hindi natin dapat binabanggit ang galit ng Diyos sa pagbabahagi natin ng Magandang Balita, dahil sinasabi ng Biblia na, “napakabuti ng Diyos kaya binibigyan ka Niya ng pagkakataong magsisi” (Ro. 2:4). Kung gayon, ayon sa kanya, ang tamang paraan ng pagpapahayag ng Magandang Balita ay magsalita lamang tungkol sa pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Iyan ang ipinagpapalagay na magdadala sa mga tao sa pagsisisi.
Nguni’t kung babasahin natin ang konteksto ng kaisa-isang bersong sinipi ng ministrong iyon sa ikalawang kabanata ng Roma, makikita natin na nababalot ito ng mga berso tungkol sa paghuhukom ng Diyos at banal na poot! Ipinakikita ng nakapaligid na konteksto na walang posibilidad na ang kahulugan ni Pablo ay ang sinabi ng ministro:
Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Akala mo ba’y makakaiwas ka sa parusa ng Diyos kung hahatulan mo ang mga gumagawa ng masasamang gawaing ginagawa mo rin naman? O baka naman gusto mo pang hamakin ang Diyos dahil Siya ay napakabait, mapagpigil at mapagpaumanhin! Hindi mo ba alam na napakabuti ng Diyos kaya binibigyan ka Niya ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan? Nguni’t sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatuwirang paghatol ng Diyos. Sapagka’t igagawad Niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Bibigyan Niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Nguni’t matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawa’t gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego (Rom. 2:2-9, idinagdag ang pagdidiin).
Ang pagbanggit ni Pablo sa kabaitan ng Diyos ay tungkol sa pag-aantala ng Kanyang poot! At nakapagtatakang makagagawa ang isang ministro ng talagang hindi totoong pahayag sa higit na malalim na konteksto ng Biblia, na puno ng mga halimbawa ng ministrong hayagang nagbibigay-babala sa mga makasalanan upang magsisi.
Ang Pagkakaayon ng Kabuuan ng Biblia (Scripture’s Consistency)
Dahil ang Biblia ay binigyang-inspirasyon ang isang Tao, ang kabuuang mensahe nito ay magkakaayon. Kaya mapagkakatiwalaan natin ang konteksto upang tulungan tayong umintindi sa kahulugan ng Diyos sa bawa’t pahayag. Hindi magsasabi ng anuman ang Diyos sa isang berso na salungat ng isa pang berso, at kung magkagayunman, kailangang pagsumikapan nating aralin hanggang magkaayon ang pag-intindi natin sa kapwa berso. Halimbawa, sa maraming lugar sa sermon ni Jesus sa Bundok, sa una ay parang sinasalungat Niya, at iwinawasto, ang isang kautusang moral sa Lumang Tipan. Halimbawa:
Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Nguni’t sinasabi Ko sa inyo, huwag ninyong paghihigantihan ang masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa (Mat. 5:38-39).
Tahasang nagpahayag si Jesus mula sa Kautusan ni Moises at pagkatapos ay naghayag ng pangungusap na parang taliwas sa mismong kautusang binanggit Niya. Paano natin bibigyang-kahulugan ang sinabi Niya? Binago ba ng Diyos ang Kanyang palagay sa isang isyu ng batayang magandang asal? Katanggap-tanggap ba ang paghihiganti sa lumang kasunduan nguni’t hindi sa bago? Ang konteksto ang siyang tutulong sa atin.
Ang pangunahing kausap ni Jesus ay ang Kanyang mga Alagad (tingnan ang Mt. 5:1-2), mga taong ang tanging pagkakilala sa Salita ng Diyos ay mula sa mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga. Narinig nilang ipahayag ang salita ng Diyos, “Mata sa mata, at ngipin sa ngipin,”isang kautusang ang kahulugan ay binaluktot ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo sa pagwalang-bahala sa konteksto. Hindi intensyon ng Diyos na ipakahulugan ang kautusang iyon bilang pangangailangan ng Kanyang mga tauhan na laging paghigantihan ang maliliit na kamalian. Katunayan sinabi niya sa Kautusan na sa Kanya ang paghihiganti (tingnan ang Deut. 32:35), at ang Kanyang mga tauhan ay dapat gumawa ng mabuti sa kanilang mga kaaway (tingnan ang Exo. 23:4-5). Nguni’t hindi inalintana ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo ang mga kautusang iyon at nag-imbento ng sariling interpretasyon para sa “mata sa matang” utos ng Diyos, iyong makapagbibigay sa kanila ng karapatang maghiganti.
[3]
Winalang-bahala nila ang konteksto.
Ang utos ng Diyos tungkol sa “mata sa mata, at ngipin sa ngipin” ay matatagpuan sa konteksto ng Kanyang mg utos na nagtatalaga ng katarungan sa mga hukuman ng Israel (tingnan ang Exo. 21:22-24; Deut. 19:15-21). Ang paglalaan ng probisyon para sa isang sistemang hukuman ay pagpapakita ng pagpapabulaan ng paghihiganti. Ang mga walang kinikilingang hukom na tumitingin sa mga ebidensiya ay higit na nakapagpapatupad ng hustisya kaysa mga nasasaktan at may kinikilingang indibidwal. Inaasahan ng Diyos na ang mga hukuman at hukom ay magpatupad ng mga hatol na ayon sa krimen. Ibig sabihin, “mata sa mata, ngipin sa ngipin.”
Dahil sa lahat ng ito, napag-iisa natin ang sa unang tingin ay magkasalungat. Tinutulungan lamang ni Jesus ang Kanyang mga tagapakinig, mga taong nabuhay sa maling pagtuturo, upang intindihin ang tunay na layunin ng Diyos para sa kanila tungkol sa paghihiganti, na naibunyag na sa Kautusan ni Moises nguni’t binaluktot ng mga Pariseo. Hindi sinasalungat ni Jesus ang Kautusang ibinigay Niya kay Moises. Ibinubunyag lamang Niya ang intensyon ng orihinal na kahulugan.
Tinutulungan din tayo nitong intindihin nang tama kung ano ang inaasahan sa atin ni Jesus tungkol sa matitinding alitan, mga uring maaaring magdala sa atin sa hukuman. Hindi inasahan ng Diyos na balewalain ng mga taga-Israel; kung magkagayon, hindi sana siya nagtatag ng sistemang hukuman. Gayundin, hindi inaasahan ng Diyos ang mga Cristiano na balewalain ang pagkakasala sa kanila ng kapwa mananampalataya (o di mananampalataya). Itinatalaga ng Bagong Tipan na ang mga hindi nagkakasundong Cristiano ay gumamit ng tulong sa pamamagitan ng kapwa mananampalataya (tingnan ang 1 Cor. 6:1-6). At walang mali sa pagdadala sa korte ng isang Cristiano sa di-mananampalataya tungkol sa alitan ng masisidhing opensa. Malalaking kasalanan gaya ng pagsira ng iyong mata o ngipin! Ang mga maliliit na kasalanan ang binabanggit ni Jesus, gaya ng pananampal sa pisngi, o paghabla dahil sa maliliit na bagay (gaya ng iyong damit), o pagpilit na higitan mo pa ang iyong ginagawa. Gusto ng Diyos na gayahin Siya ng Kanyang mga tao at magpakita ng matinding kagandahang-loob sa mga walang damdaming makasalanan at masasamang tao.
Tungkol pa rin dito, maraming mga mananampalatayang nag-aakalang sumusunod kay Jesus ang tumangging ihabla ang mga nahuli nilang magnanakaw. Ang akala nila ay “inihaharap nila ang kabilang pisngi,” bagama’t ang totoo ay pinapayagan nila ang mga magnanakaw na muli silang pagnakawan, at tinuturuan ang magnanakaw na walang parusa ang krimen. Ang mga Cristianong tulad nito ay hindi namumuhay sa pag-ibig sa lahat ng mga taong pagnanakawan ng naturang magnanakaw! Nais ng Diyos na mapatawan ng parusa ang mga magnanakaw at magsisi. Nguni’t kung may nagawang maliit na pagkakamali sa iyo ang ibang tao, gaya ng pananampal, huwag siyang dalhin sa korte o sampalin din siya. Pakitaan siya ng habag at pag-ibig.
Pagpapakahulugan sa Luma sa Pamamagitan ng Bagong Kaalaman (Interpreting the Old in Light of the New)
Hindi lamang natin dapat ipakahulugan ang Bagong Tipan sa kaalaman ng Lumang Tipan, dapat ay lagi din nating ipakahulugan ang Lumang Tipan sa kaalaman ng Bagong Tipan. Halimbawa, ilang matapat na mananampalataya ang nakabasa sa mga kautusan ni Moises tungkol sa pagkain atg ipinagpalagay na kailangang sundin nila ang kautusang iyon. Nguni’t kung babasahin lang nila ang dalawang pahayag sa Bagong Tipan, malalaman nila na hindi aangkop ang mga kautusan ni Moises sa mga nasa ilalim ng Bagong Kasunduan:
“Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin ninyo ako maunawaan?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi ang anumang mula sa labas ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya, sapagka’t hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idudumi.” Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin (Mc. 7:18-19).
Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito’y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakauunawa ng katotohanan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat sapagka’t ang mga ito’y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin (1 Tim. 4:1-5).
Sa ilalim ng bagong kasunduan, hindi tayo sakop sa Kautusan ni Moises, kundi sa Kautusan ni Cristo (tingnan ang 1 Cor. 9:20-21). Bagama’t isinnulong ni Jesus ang mga aspektong moral ng Kautusan ni Moises (kung gayon ay isinasama sila sa Kautusan ni Cristo ), hindi Niya itinuro o Kanyang mga alagad na obligado ang mga Cristiano upang sundin ang mga kautusan ni Moises tungkol sa pagkain.
Nguni’t malinaw na ang mga naunang Cristiano, na lahat ay nagbagong-buhay na Judio, ay nagpatuloy na sumunod sa mga lumang kasunduang kautusan sa pagkain dahil sa kanilang mga kultural na paniniwala (tingnan ang Gw. 10:9-14). At nang nag-umpisang maniwala kay Jesus ang mga Hentil, hinikayat sila ng mga Cristianong Judio na sundin ang mga kautusan sa pagkain dahil lamang sa paggalang sa mga nakapaligid na Judio na maaaring magalit (tingnan ang Gw. 15:1-21). Kaya, walang masama kung sundin ng mga Cristiano ang kautusan sa pagkain basta huwag lang nilang isipin na ang pagsunod sa mga iyon ang nagliligtas sa kanila.
Ilan sa mga unang Cristiano ay napaniwala din na mali ang pagkain ng karneng inihandog sa mga diyos. Pinayuhan ni Pablo ang mga mananampalataya (na gaya niya ay hindi kumporme sa paniniwalang iyon) na tanggapin nang may pag-ibig ang “mahihina sa pananampalataya” (tingnan ang Ro. 14:1), at huwag gumawa ng anumang labag sa kanilang konsensya. Kapag nagpipigil sa pagkain ang isang tao dahil sa paniniwala sa Diyos (kahit ang mga paniniwalang iyon ay walang batayan), dapat siyang bigyang-pugay dahil sa kanyang debosyon, hindi hahatulan dahil sa di niya pagkakaintindi. Gayundin, ang mga hindi kumakain ng ilang pagkain dahil sa sariling paniniwala ay hindi dapat humatol sa mga hindi nagpipigil. Bawa’t pangkat ay dapat tumanggap sa isa’t isa, dahil ito ang iniuutos ng Diyos (tingnan ang Ro. 14:1-23).
Anu’t ano pa man, dahil ang Biblia ay progresibong pahayag, dapat ay lagi nating pakahulugan ang pinakalumang pahayag (Lumang Tipan) sa kaalaman ng pinakabagong pahayag (ang Bagong Tipan). Wala sa anumang pahayag ng Diyos ay magkasalungat; laging magkakatugma ito.
Kontekstong Pangkultura at Pangkasaysayan (Kultural Cultural and Historical Context)
Hangga’t maaari, dapat din nating tingnan ang pangkultura at pangkasaysayang konteksto ng mga pahayag na inaaral natin. Ang pag-alam ng mga pambihirang aspekto ng kultura, heograpiya at kasaysayan ng isang tagpuang biblikal ay kadalasang makatutulong sa atin upang magkaroon ng pagkaunawang minsan ay ating nakakaligtaan. Siyempre, kinakailangan dito ng ilang mga aklat maliban sa Biblia. Ang isang magandang Bibliang pang-aral ay kadalasang nagtataglay ng tulong sa bahaging ito.
Narito ang ilang halimbawa kung paano tayo maliliwanagan ng impormasyong pangkultura at pangkasaysayan kapag nagbabasa ng Biblia:
1.) Minsan ay nababasa natin sa Biblia ang mga taong umaakyat sa bubungan (tingnan ang Gw. 10:9) o bumababa mula sa bubong (tingnan ang Mc. 2:4). Natutulungan tayong unawain na karaniwang patag ang mga bubong sa Israel sa panahon ng Biblia, at may mga hagdanan sa labas patungo sa mga bubong na iyon sa karamihang tahanan. Kung hindi natin alam iyan, maaari nating isipin ang isang tauhang biblikal na sumasaklang sa taas ng bubong at nakahawak sa tsimenea!
2.) Mababasa natin sa Mc. 11:12-14 na isinumpa ni Jesus ang isang puno ng igos na walang bunga, kahit na “hindi panahon ng igos.” Makatutulong na malamang ang mga puno ng igos ay karaniwang may ilang igos kahit wala sa panahon, kaya makatwiran si Jesus sa kanyang ekspektasyon.
3.) Mababasa natin sa Lu. 7:37-48 ang tungkol sa isang babaing pumasok sa isang bahay ng Pariseong kinakainan ni Jesus. Sinasabi ng Biblia na habang nakatayo siya sa likod ni Jesus at umiiyak, hinugasan niya ang Kanyang paa ng luha, pinunasan ng kanyang buhok, at hinalikan at binuhusan ng pabango. Magtataka tayo kung paano nangyari ang bagay na iyon. Gumapang ba siya sa ilalim ng mesa? Paano siya nakalampas sa binti ng lahat ng mga kumakain?
Ang kasagutan ay makikita natin sa pahayag ni Lucas na si Jesus ay “nakahilig sa mesa” (Lu. 7:37). Ang karaniwang paraan ng pagkain sa panahong iyon ay humilig sa isang tagiliran sa sahig sa paligid ng mababang mesa, itinataas ang sarili gamit ang isang braso at kumakain gamit ang isang braso at kamay. Sa posturang ito inasikaso ng babae si Jesus.
Tinutulungan din tayo nito na intindihin kung paano makahilig si Juan sa dibdib ni Jesus sa Banal na Hapunan upang magtanong sa Kanya. Nakahilig si Juan sa kanyang tagiliran at ang kanyang likod ay nakaharap kay Jesus at simpleng humilig siya sa dibdib ni Jesus upang maingat na magtanong (tingnan ang Jn. 13:23-25). Ang tanyag na larawan ni Da Vinci ng Banal na Hapunan, na nagpapakita kay Jesus na nakaupo sa mesa kasama ang anim sa kanyang alagad sa bawa’t tabi, ay nagbubunyag ng biblikal na kamangmangan ng pintor. Kinailangan niya ng kontekstong pangkasaysayan!
Isang Karaniwang Tanong Tungkol sa Damit (A Common Question About Clothes)
Isang katanungang laging itinatanong sa akin ng mga pastor sa buong mundo ay ito: “Katanggap-tanggap ba para sa mga Cristianong babae upang magsuot ng pantalon, samantalang sa Biblia ay pinagbabawalan silang magsuot ng kasuotang lalaki?”
Ito ay magandang tanong na masasagot natin sa pamamagitan ng paggamit ng mga tamang tuntunin sa pagpapakahulugan at sa pamamagitan ng kontekstong kultural.
Una, titingnan natin ang biblikal na pagbabawal sa mga babae sa pagsusuot ng panlalaking kasuotan (at gayon din naman ang kabaligtaran):
Ang mga babae ay huwag magsusuot ng kasuotang panlalaki o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae. Sinumang gumawa nito ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos (Deut. 22:5).
Dapat nating umpisahan sa pagtatanong, “Ano ang intensyon ng Diyos sa pagbibigay ng utos na ito?” ang layunin ba Niya ay upang pagbawalan sa pagsusuot ng pantalonpantalon ang mga babae?
Hindi, marahil ay hindi iyan ang Kanyang intensyon, dahil walang lalaki sa Israel ang nagsusuot ng pantalon nang sinabi ito ng Diyos. Ang mga pantalon ay hindi itinuturing na kasuotan ng lalaki o kasuotan ninuman. Katunayan, ang mga kasuotan ng kalalakihan noon ay mukhang kasuotan ng babae sa panahon ngayon! Iyan ay maliit na impormasyong makatutulong sa mahusay na pagpapakahulugan ng sinasabi ng Biblia.
Kaya ano ang naging intensyon ng Diyos?
Mababasa natin na ksinumang magsuot ng kasuotan ng kabilang kasarian ay kasuklam-suklam sa Panginoon. Mukhang seryoso iyan Kung kukuha ng bandana ng babae ang isang lalaki at ilagay niya sa kanyang ulo nang tatlong segundo, kasuklam-suklam ba siya sa Diyos? Nakakaduda naman iyan.
Marahil ay higit na maaaring ang ayaw ng Diyos ay ang sadyang pananamit ng mga tao upang magmukhang sila ay kasama sa kabilang kasarian. Bakit gagawin ninuman ang ganyan? Dahil lamang sa nais ng taong makaakit ng sinuman na may parehong kasarian, isang kasamaang tinatawag na transvestitism. Palagay ko ay maiintindihan natin kung paano maituturing iyan na kasuklam-suklam sa Diyos.
Kung gayon hindi tamang ipagpalagay ninuman na hindi dapat magsuot ng pantalon ang mga babae batay sa Deuteronomio 22:5, liban kung ginagawa niya ito bilang isang transvestite. Basta nagmumukha pa rin siyang babae, hindi siya nagkakasala sa pagsuot ng pantalon.
Siyempre, itinuturo ng Biblia na dapat magdamit nang disente ang mga babae(tingnan ang 1 Tim. 2:9), kaya ang mga masisikip at nagbubunyag na pantalon ay hindi tama (gayundin ang mga masisikip na baro at palda) dahil maaaring malibugan ang mga lalaki. Marami sa mga damit na isinusuot sa madla ng mga kababaihan sa mga Kanluraning bansa ay hindi tama at ang mga uring isinusuot lamang ng mga nagbebenta ng aliw sa umuunlad na mga bansa. Walang Cristianong babae ang dapat nakadamit ng panlabas na kasuotan nang may layuning magmukhang “seksi.”
Ilan Pang Ibang Kaisipan (A Few Other Thoughts)
Napaka-interesante na hindi ako kailanman naitanong ng mga pastor sa Tsina tungkol sa pagsusuot ng pantalon ng mga babae. Marahil ay sapagka’t sa napakahabang panahon, karamihan sa mga babae doon ay nakapantalon. Natatanong lang ako tungkol sa mga babae at pantalon sa mga bansang karamihan sa babae ay hindi nagsusuot ng pantalon. Ipinakikita nito ang kanilang kulturalkultural na pagkiling.
Interesante rin sa akin na hindi tinatanong ang parehong katanungan ng mga babaing ministro sa Myanmar, kung saan tradisyunal na isinusuot ng mga lalaki ay ang tinatawag nating palda, na tinatawag nilang longgi. Muli, ang nagbubuo ng kasuotang lalaki at babae ay nag-iiba sa bawa’t kultura, kaya mag-ingat tayo na hindi ipipilit ang ating pagkakaintinding kultural kultural sa Biblia.
Bilang pangwakas, nagtataka ako kung bakit maraming mga lalaking umaasang hindi magpantalon ang mga babae batay sa Deuteronomio 22:5 ang hindi naoobligang gamitin sa kanila ang Levitico 19:27 na nagsasabing,
Huwag kayong pagugupit nang pabilog at huwag magpaahit at magpapaputol ng balbas (Lev. 19:27).
Paanong ang mga lalaki, sa pagsuway sa Levitico19:27, ay magpaahit ng bigay-ng-Diyos nilang balbas nang ganap, balbas na malinaw na magbubukod sa kanila sa mga babae, at saka husgahan ang mga babaing nagpapantalon na gusto nilang magmukhang lalaki? Parang lubhang pagpapanggap!
Isa ring maliit na impormasyong pangkasaysayan ang tumutulong sa atin upang intindihin ang intensyon ng Diyos sa Levitico19:27. Ang pagpapagupit nang pabilog sa mga balbas ay bahagi ng paganong ritwal. Ayaw ng Diyos na ang Kanyang mga tao ay magmukhang tapat sa mga paganong idolo.
Sino ang Nagsasalita? (Who is Speaking?)
Kailangan nating laging pansinin kung sino ang gumagawa ng pagsasalita sa isang pahayag, dahil ang maliit na impormasyong kontekstual na iyan ay makatutulong sa ating pagpapakahulugan nito. Bagama’t lahat ng nasa Biblia ay inspiradong nakasama sa Biblia, hindi lahat ng nasa Biblia ay inspiradong Salita ng Diyos. Ano ang ibig kong sabihin?
Sa maraming pahayag sa Biblia, ang mga hindi inspiradong salita ng mga tao ay nakatala. Kung ganoon, hindi natin dapat isipin na lahat ng sinasalita ng mga tao ay inspirado ng Diyos.
Halimbawa, ang ilan ay nagkakamali sa pag-ulit ng mga salita ni Job at mga kaibigan nito na parang ang mga ito ay inspiradong salita ng Diyos. May dalawang dahilan kung bakit mali ito. Una, nagtalo sina Job at kanyang mga kaibigan sa tatlumpu’t apat na kabanata. Hindi sila nagkaunawaan. Malinaw na hindi sinasalungat ng Diyos ang Kanyang sarili.
Pangalawa, sa pagtatapos ng aklat ni Job, nagsasalita mismo ang Diyos, at pinagagalitan Niya kapwa si Job at kanyang mga kaibigan sa pagsasabi ng mga bagay na hindi wasto (tingnan ang Job 38-42).
Dapat din tayong mag-ingat kapag nagbabasa ng Bagong Tipan. Maraming beses na inihayag ni Pablo na ang ilang bahagi ng kanyang panulat ay mga opinyon lamang niya (tingnan ang 1 Cor. 7:12, 25-26, 40).
Sino ang Kinakausap? (Who is Being Addressed?)
Hindi lamang natin dapat tanungin kung sino ang nagsasalita sa alinmang pahayag, kailangan din nating pansinin kung sino ang kinakausap. Kung hindi, maaari nating ipalagay na ang isang bagay ay angkop sa atin na hindi naman. O maaari natin intindihing ang isang bagay na angkop sa atin ay hindi angkop.
Halimbawa, ang ilan ay mag-aangkin ng isang pangakong makikita sa Awit 37, at naniniwalang angkop ito sa kanila:
Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo’y iyong makakamtan (Awit 37:4).
Nguni’t angkop ba ang pangako sa sinumang nakaaalam o nakababasa nito? Hindi, kung babasahin natin ang konteksto, makikita nating angkop lamang sa ilang taong makagagawa ng limang kundisyon:
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti’y gawin, at mananahan kang ligtas sa lupain. Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo’y iyong makakamtan. (Awit 37:3-4).
Kaya makikita natin kung gaano kahalaga ang pagpansin sa kung sino ang kinakausap.
Ito ang isa pang halimbawa:
At nagsalita si Pedro, “Tingnan po Ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami’y sumunod sa Inyo.” Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa Akin at sa Magandang Balita, ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, nguni’t may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan (Mc. 10:28-30).
Lubhang karaniwan sa ilang grupo na angkinin ang “isandaang ulit na kapalit” kapag nagbibigay ang sinuman ng salapi upang suportahan ang isang taong nagtuturo ng Magandang Balita. Nguni’t angkop ba ang pangakong ito sa mga naturang tao? Hindi, nakatalaga ito sa mga taong tunay na nang-iiwan ng kanilang mga pamilya, mga lupain o tahanan upang ituro ang Magandang Balita, gaya ni Pedro, na nagtanong kay Jesus kung ano ang ibibigay Niya at ibibigay ng Kanyang mga alagad.
Napakainteresanteng ang mga laging nagtuturo ng tungkol sa isandaang ulit na kapalit ay nakapokus lamang sa mga bahay at lupain, at hindi kailanman sa mga bata at pagpapahirap na ipinangako rin! Siyempre, hindi ipinangangako ni Jesus na ang mga nang-iiwan ng kanilang tahanan ay nakakatanggap ng pag-aari ng isandaang tahanan bilang kapalit. Ipinangangako niya na kapag iniwan nila ang kanilang mga pamilya at tahanan, ang mga miyembro ng bago nilang mga espiritwal na pamilya ay magbubukas ng kanilang mga tahanan bilang tirahan. Ang mga tunay na alagad ay walang pag-iintindi sa pag-aari dahil sila mismo ay walang pag-aari—sila ay tagabantay lamang ng pag-aari ng Diyos.
Isang Pangwakas na Halimbawa (A Final Example)
Kapag binasa ng mga tao ang tinatawag na “Olivet Discourse” ni Jesus, na makikita sa Mateo 24-25, ang ilan ay magkakaroon ng maling akalang nakikipag-usap Siya sa mga di-ligtas na mga tao, at kung magkagayon ay ipagpalagay nilang ang sinabi Niya ay walang kinalaman sa kanila. Mababasa nila ang Talinhaga ng Walang Katapatang Alipin at ang Talinhaga ng Sampung Dalaga na parang ang mga ito ay para sa mga di-mananampalataya. Nguni’t gaya ng nasabi ko na, kapwa para sa ilang malalapit na alagad ni Jesus ang mga ito (tingnan ang Mt. 24:3; Mc. 13:3). Kaya, kung sina Pedro, Santiago, Juan at Andres ay kinailangan bigyang-babala sa posibilidad ng walang kahandaan pagbalik ni Jesus, tayo ay gayon din. Ang mga babala ni Jesus sa Olivet Discourse ay nauukol sa lahat ng mananampalataya, kahit ang mga hindi nag-aakala ng ganito dahil hindi nila binibigyang-pansin kung sino ang tinutukoy ni Jesus.
Tuntunin #3 Matapat na Magbasa. Huwag ipilit ang iyong teolohiya sa isang teksto. Kung may nabasa kang salungat sa pinaniniwalaan mo, huwag mong subukang palitan ang Biblia; palitan ang iyong paniniwala. (Rule #3 Read Honestly. Don’t force your theology into a text. If you read something that contradicts what you believe, don’t try to change the Bible; change what you believe.)
Lahat tayo ay tumitingin sa Biblia nang may sariling palagay. Dahil diyan, kadalasan ay napakahirap nating basahin nang matapat ang Biblia. Naipipilit natin ang ating mga paniniwala sa Biblia sa halip na hayaan nating hubugin nito ang ating teolohiya. Kung minsan naghahanap pa tayo ng mga pahayag upang suportahan ang ating mga doktrina, at winawalang-bahala iyong mga sumasalungat sa ating paniniwala. Tinatawag itong “tekstong-pagpapatunay.”
Narito ang isang halimbawang kamakailan ay natagpuan ko, kung paanong ipilit ang teolohiya sa isang teksto. Isang guro ang unang nakabasa sa Mateo 11:28-29, isang kilalang kasulatan ni Jesus:
Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan Ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang Aking pamatok at sundin ninyo ang Aking mga itinuturo sapagka’t Ako’y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa Akin ang kapahingahan (Mt. 11:28-29).
Pagkatapos ay ipinaliwanag ng guro na nag-aalay si Jesus ng dalawang magkaibang kapahingahan. Ang unang kapahingahan (umano) ay ang kapahingahan ng kaligtasan sa11:28, at ang pangalawang kapahingahan ay ang kapahingahan ng pag-aalagad sa 11:29. Ang unang kapahingahan ay natatanggap sa paglapit kay Jesus; ang pangalawanag kapahingahan ay natatanggap sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanya bilang Panginoon, o ang pagpasan sa Kanyang pamatok.
Nguni’t iyan ba ang kahulugang nais ni Jesus? Hindi, iyan ay ang pagpupumilit ng kahulugan sa teksto na hindi ipinahayag o ipinahahayag. Hindi sinabi ni Jesus na nag-aalay Siya ng dalawang uri ng kapahingahan. Nag-aalay Siya ng isang kapahingahan sa mga nahihirapan at nabibigatang lubha, at ang tanging paraan upang matanggap ang kaaya-ayang kapahingahan iyan ay ang pagpasan sa pamatok ni Jesus, ibig sabihin, pagtalima sa Kanya. Iyan ang malinaw na kahulugan ni Jesus.
Bakit naisip ng gurong iyon ang ganyang pagpapakahulugan? Dahil ang malinaw na kahulugan ng teksto ay hindi kumporme sa kanyang paniniwala na may dalawang uri ng patungong-langit na Cristiano—mga mananampalataya at alagad. Kaya hindi niya ipinakahulugan nang matapat ang pahayag.
Siyempre, tulad ng nakita natin sa napakaraming mga pahayag sa Biblia sa mga nakaraang pahina ng aklat na ito nang tinitingnan natin ang partikular na teolohiya, ang interpretasyon ng gurong iyon ay hindi angkop sa konteksto ng kabuuan ng itinuro ni Jesus. Walang itinuro saanman ang Bagong Tipan na may dalawang uri ng patungong-langit na Cristiano, mga mananampalataya at mga alagad. Lahat ng tunay na mananampalataya ay alagad. Ang mga hindi alagad ay hindi mananampalataya. Ang pag-aalagad ay bunga ng tunay na pananampalataya.
Pagsikapan nating basahin nang matapat ang Biblia, nang may pusong busilak. Kung gayon, ang resulta ay higit na debosyon at pagsunod kay Cristo.
[1]
Malinaw na hindi pinaniwalaan ni Pablo ang walang kondisyong habambuhay na seguridad, dahil kung magkagayon ay hindi sana niya sinabi kay Timoteo, isang ligtas na tao, na kinailangan niyang gumawa ng isang bagay upang matiyak ang kanyang kaligtasan.
[2]
Minsan ay nakita rin ni Moises ang likod ng Diyos nang “dumaan Siya.”Itinaas ng Diyos ang Kanyang kamay na parang iniiwasan Niyang makita ni Moises ang Kanyang mukha; tingnan ang Exo. 33:18-23.
[3]
Kailangan ding pansinin na una nang sinabi ni Jesus sa Kanyang sermon na hangga’t hindi nahihigitan ng kabutihan ng mga takapakinig ang sa mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo, hindi sila papasok sa langit (tingnan ang Mt. 5:20). At nagpatuloy si Jesus sa pagbubunyag ng ilang tiyak na pagkakamali ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo.